Mula sa
salansan ng mga banal na kasulatan(Tanakh) ay mahigpit na ipinagbabawal ng kaisaisang Dios ang pagsamba sa larawan at rebulto ng mga diosdiosan na ginawa ng mga kamay. Gayon ma’y mistulang mga bulag at bingi ang
marami sa kabawalang iyan ng Bibliya.
Ito’y dahil sa tila hindi nila alintana ang tuwirang salita ng Dios (evangelio ng kaharian) na sumasaway sa gayong
kasuklamsuklam na gawain ng mga tao. Bunga nito’y sumisiklab ang galit ng ating Ama sa marami na tanging kadahilanan,
upang sa kanila na mga anak ng pagsuway
ay ipataw ang kaukulang kaparusahan.
Kung ang isa
sa mga kabawalan (kautusan) ay
madiing tinutukoy ang pagsamba sa mga rebulto
(imahe) ng mga diosdiosan - ang matuwid diyan ay ang masigla at malugod na
pagsunod. Dangan nga lamang ay kinurap ng mga pilipit na doktrinang
pangrelihiyon ang isipan at damdamin ng marami. Kaya naman kailan ma’y hindi
naging malinaw sa kanila ang usaping iyan na may ganap na kinalaman sa karumaldumal na idolatriya.
Ano nga ba
ang tunay na kahulugan nito? Paano nauuwi sa ganyang di makatotohanan at
nakamumuhing kaugalian ang pagsamba ng mga tao sa kinikilala nilang Dios?