Lunes, Hulyo 16, 2018

ANAK NG DIOS



Sa balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh) nitong sangbahayan ni Israel ay hindi kakaunting ulit na tinukoy ang tungkol sa mga anak ng Dios. Bagay na maaaring gawing matibay na katunayan sa pagpapatotoo sa mga tema na may kinalaman sa usaping ito. Gayon ngang maliwanag na binibigyang diin ng mga nabanggit na kasulatan, na ang lahat ng tao ay anak. Dangan nga lamang ay mayroong anak ng pagsunod (tupa) at anak ng pagsuway (kambing)

Sa dalawang hanay nga lamang na iyan maaaring kilalanin ang anak. Kaugnay niyan, tiyak ngang anak ng Dios ang sinomang tao sa mundo, nguni’t ang tanong ay ito. Siya ba’y masiglang dumadako sa pagsunod, o nahuhumaling sa karumaldumal na pagsuway sa natatanging kalooban (kautusan) ng sarili niyang Ama na nasa langit?


Sa pagpalaot natin sa kalawakan ng usaping ito’y sulyapan nga muna natin ang ilang patotoong biblikal, hinggil sa pagbibigay diin ng mga lumang kasulatan (Torah), na sa simula pa nga lamang ay masigla ng umiiral ang eksistensiya ng mga anak ng Dios.

EXODO 4 :
22  At iyong sasabihin kay Faraon, ganito ang sabi ng Panginoon, ANG ISRAEL AY AKING ANAK, AKING PANGANAY:

Sa nilalamang katunayan ng Exodo 4:22 ay diretsahang winika ng Dios, na ang Israel ay kaniyang anak na panganay. Ito’y nalalaman ng marami na may labingdalawang (12) angkan, at siyang malaking kalipunan ng mga tao na kumakatawan sa katawagang Israel. Napakaliwanag kung gayon na ang panganay na anak ng Dios ay hindi isa, hindi dalawa, kundi tumutukoy sa lubhang malaking bilang ng mga tao na bumubuo sa nabanggit na labingdalawang (12) lahi o tribo. 

Itong si Nathan, nang ang salita ng Dios ay dumating sa kaniya’y ibinuka ang bibig kapagdaka at kay David ay nagsaad,


II SAMUEL 7 :
13  Kaniyang ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, at aking itatatag ang luklukan ng kaniyang  kaharian magpakailan man.

14  AKO'Y MAGIGING KANIYANG AMA, AT SIYA'Y MAGIGING AKING ANAK: ...  (ICronica 22:10)

Narito, at ito palang si David ay nauna ng kinilala, inari, at itinanghal ng Dios bilang Kaniyang anak, at kung bakit nagkagayo’y maliwanag lamang na siya’y nabibilang sa hindi kakaunting anak ng pagsunod (tupa) sa kasagsagan ng kapanahunang pinagdaanan niya. Na kung lilinawin ay kinakitaan siya ng may galak sa puso at masiglang pagsasabuhay nitong mga kautusanpalatuntunan, at kahatulan ng ating Ama.


Ang katawagang ito (anak ng Dios) ay malinaw na pinagtibay mismo ng Dios sa katauhan nitong si David, nang sabihing,

AWIT 2 :
Aking sasaysayin ang tungkol sa pasiya: Sabi ng Panginoon sa akin, IKAW AY AKING ANAK; SA ARAW NA ITO AY IPINANGANAK (begotten) KITA.

Hindi nga lamang sa mga kadahilanan na aming inilahad noong una nagkagayon ang kalagayan nitong si David, kundi siya’y pinatotohanan ng Dios na ipinanganak niya bilang isang tunay na anak. Sa makatuwid ay bago pa itong si Jesus ng Nazaret na gawaran ng gayong titulo ay si David na muna.

JUAN 3 : 
16 Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang BUGTONG NA ANAK upang ang sinomang sa kaniya ay sumampalataya ay huwag mapahamak,... (1Juan 4:9)

Subali’t pagmamalabis sa sinoman na maituturing, kung ipapahayag niyang sa lahat ng tao, at sa lahat ng panahon ay itong si Jesus lamang ang bugtong na anak ng Dios. Ito’y maliwanag na isang napakalaking kabulaanan at kahangalan ng sinomang titindig sa gayong kapilipit na paniniwala. Ang maling unawa ng marami sa makatuwid hinggil dito ay ganap na pinasisinunalingan ng mga tiyak na katunayang inilahad sa artikulong ito,

Gaya ng liwanag sa katanghaliang tapat ay katotohanan na ang lahat ng tao ay anak ng Dios, nasa pagsunod man, ni nasa pagsuway man ang sinoma’y walang alinlangang kasama sa lubhang malaking bilang ng mga anak sa kalupaan. 

Na sinasabi,


DEUT 14 :

1  KAYO'Y MGA ANAK NG PANGINOON NINYONG DIOS: ... 



OSEA 1:
10  .... na sa dakong pagsabihan sa kanila, kayo'y hindi aking bayan, sasabihin sa kanila, KAYO'Y MGA ANAK NG BUHAY NA DIYOS.



JOB 38 :
 nang magsiawit na magkakasama ang mga bituing-pangumaga, at  ANG LAHAT NG MGA ANAK NG DIOS ay naghihiyawan sa kagalakan. 


Deut 32 :
5  Sila'y nagpakasama, SILA'Y HINDI KANIYANG MGA ANAK, itong kanilang kapintasan; Mga tampalasan at likong lahi.
6  Ganyan ba ninyo ginaganti ang Panginoon, O mangmang na bayan at hindi pantas? HINDI BA SIYA ANG IYONG AMA na tumangkilik sa iyo? Kaniyang nilalang ka, at itinatag ka.

Bagaman ang lahat ay anak, sinomang tao na nagpapakasama sa paningin ng Ama nating nasa langit ay hindi pala Niya ibinibilang na anak. Sila sa makatuwid ay Kaniyang itinakuwil dahil sa kanilang pagsuway sa Kaniyang kalooban. Ang tinatanggap ng Dios na anak, sa makatuwid ay sila lamang na kinikilala niya sa kalagayan ng mga pantas sa larangan ng tunay na kabanalan. Kung lilinawin pa ay sila na masigla at may kasayahang nagsisitupad sa Kaniyang mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan.

1Ch 28 :
6  At kaniyang sinabi sa akin, Si Solomon na iyong anak ay siyang magtatayo ng aking bahay at ng aking mga looban; sapagka't AKING PINILI SIYA UPANG MAGING ANAK KO, AT AKO'Y MAGIGING KANIYANG AMA.

Gayon ngang sa karamihan ay pinipili at ihinihiwalay ng Dios ang sinoman na nasusumpungan niya na may kasipagan sa larangan ng tunay na kabanalan. Gaya ni Solomon na anak ni David ay pinili Niya mula sa karamihan, upang ariin Niya bilang isang anak na totoo.


Tungkol pa rin sa anak ay dumako naman tayo sa mga salita (evangelio ng kaharian) na eksaktong nangagsilabas mula sa sariling bibig ni Jesus ng Nazaret, at nilang mga totoong banal. Sa gayo'y unawaing mabuti ang mga sumusunod na pagsang-ayon ng katunayang biblikal, na hinango sa balumbon ng matatandang banal na kasulatan. Gaya nga ng nasusulat sa aklat ni Juan ay may diin ang bawa't katagang binitiwan niya hinggil sa usaping ito.


JUAN 11 :

52  At hindi dahil sa bansa lamang, kundi UPANG MATIPON DIN NAMAN NIYA SA ISA ANG MGA ANAK NG DIYOS NA NAGSISIPANGALAT.



JUAN 20:
17  ...... AAKYAT AKO SA AKING AMA AT INYONG AMA, AT AKING DIOS AT INYONG DIOS.

1 JUAN 3 :
 Masdan ninyo kung gaanong pagibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo'y mangatawag na mga ANAK NG DIOS, at tayo'y gayon nga. ...

1 JUAN 5 :
2 Dito’y ating nakikilala na tayo’y nagsisiibig sa MGA ANAK NG DIOS, pagka tayo’y nagsisiibig sa DIOS at TINUTUPAD NATIN ANG KANIYANG MGA UTOS.

1 JUAN 5 :
11 Ito’y patotoo, na tayo’y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang ANAK. (lahat ng mga anak ng Dios)

Hinggil sa usaping ito ayon kay Mateo ay ano naman kaya ang patotoo, na siya namang sinalita ng sariling bibig ng Cristo.

MAT 6 :
Upang ang iyong paglilimos ay malihim: at ang IYONG AMA na nakakikita sa lihim ay gagantihan ka.

MAT 6 :
6  Datapuwa't ikaw, pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at kung mailapat mo na ang iyong pinto, ay manalangin ka sa IYONG AMA na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.

MAT 6 :
Magsidalangin nga kayo ng ganito: AMA NAMIN na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.

MAT 6 :
18  Upang huwag kang makita ng mga tao na ikaw ay nagaayuno, kundi ng AMA MO na nasa lihim: at ang AMA MO, na nakikita sa lihim, ay gagantihan ka.

Sukat ang mga katunayang biblikal na inilahad namin sa itaas, upang ang sinoma’y punan ang kakulangan ng sarili niyang malay hinggil sa usaping ito. Sapat din ang katotohanan na aming inilahad upang pawalan ng saysay ang katuruan, na kung saa’y iniaaral na, 


"Si Jesus lamang ang kaisaisang Anak na ipinanganak ng Dios na Dios din, at liban sa kaniya’y wala ng iba pa." 

Ang pilipit na katuruang nabanggit kung gayon ay sapat din naman ang lakas upang ang sinomang walang kaukulang unawa sa usaping ito ay makaladkad sa dako, na kung saa’y pinagkakatipunan ng mga mapanghimagsik sa kalooban ng sarili nilang Ama na nasa langit. Kapahamakan ng kaluluwa ang tanging hatid ng gayong uri ng mga hidwang katuruan, iwasan nyo ang mga iyan.



Napakaliwanag na ang maaari lamang palang magtamo ng buhay na walang hanggan ay ang mga anak ng Dios. Gayon ma’y dapat ding maunawaan na anak ng pagsunod lamang ang ganap na tinutukoy sa 1 Juan 5:11. Datapuwa’t ang anak ng pagsuway ay walang mapapakinabang na gayon, malibang siya’y tumalikod sa karumaldumal na paghihimagsik at pagsuway sa kautusan ng sarili niyang Ama na nasa langit..

Ano pa't lubos ang aming paniniwala na sasangayunan ng lahat, kung sasabihin namin na ang larawan at wangis ng Dios ay ang katotohanan, ilaw, pag-ibig, kapangyarihan, paglikha, karunungang may unawa, at buhay. Sa gayo'y tiyak na pararatangan ninyo kami na mga singungaling, kung ipamamalita namin na wala sa inyo ang isa man sa mga nabanggit na larawan ng Dios na iyan.

Kung lumalarawan sa atin ang Dios sa pamamagitan ng mga bahagi niya na nabanggit sa itaas - ang ibig sabihin lang nito'y kamukhang-kamukha tayo ng ating Ama na nasa langit. Dahil dito'y ANAK nga tayo, palibhasa'y katotohanan na kung ano ang mayroon sa kaniya ay taglay din naman ng bawa't isa sa atin na mga anak Niya.

Ipinauunawa lamang namin na ang tinatalakay natin dito ay ang mga nabanggit na larawan ng Dios, at hindi ang pisikal na katawan (katawang lupa ng tao). Ang Ama ay Espiritu na may anyo at larawan ng katotohanan, ilaw, pag-ibig, kapangyarihan, paglikha, karunungang may unawa, at buhay. Ayon sa mga iyon nilikha ang tao at marami ang masiglang umiral sa gayong kabanal na kalagayan. Ang katawang pisikal kung gayon ay behikulo (sasakyan) lamang ng ating kaluluwa na siyang kinakikitaan ng mga nabanggit na anyo at larawan ng Ama nating nasa langit.

Sa pagtatapos ng usaping ito ay iiwanan namin sa inyo ang isang lubhang mahalagang katanungan. 

“Kung si Jesus ay totoong bugtong na anak ng Dios ay ano ang maaari mong itawag sa taglay na kalagayan ng iyong sarili?”

Kung siya (Jesus) lamang ang anak ng Dios at ikaw ay hindi, ay si Satanas nga lamang sa madaling salita ang kaisaisang maaaring mag-angkin sa iyo bilang anak. Sasang-ayunan mo baga ang gayon?  Iwasto na nga ang pilipit na unawa hinggil dito, dahil sa iyan ay isang maliwanag na kahibangan at kahangalan lamang sa paningin ng kaisaisang Dios (YHVH) na nasa langit. 

Tanggapin mo na may galak sa iyong puso at kamalayan, na ikaw, ako at tayong lahat sa sanglibutang ito ay katotohanan na mga ANAK NG DIOS.

Nasa pagsunod at hindi sa pagsuway sa natatanging kalooban (kautusan) ng kaisaisang Ama ng langit ang ikapagtatamo ng sinoman nitong kaawaan ng Dios.

Kamtin ng bawa't isa ang masaganang daloy ng mga biyaya na nagmumula sa kaluwalhatian ng Ama nating nasa langit.

ITO ANG KATURUANG CRISTO

Hanggang sa muli, paalam.



Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.

5 komento:

  1. Very scriptural,thanks po sa info.God bless u. :)

    TumugonBurahin
  2. Masaya ako, kasi sure na ko ngayon, anak ako ng diyos.

    TumugonBurahin
  3. yan ang pinakamagandang aral na nabasa ko sa buong buhay ko.lahat tayo ay anak ng diyos at hindi isa lang. kasi nga naman ano tayo niya kung isa lang ang anak niya. 5 star ang rate sakin nito.

    TumugonBurahin
  4. Oo nga, masaya ako kasi sure na ako, anak ako ng dios. Galing ng evidences, unconstable. TY yohvshva, ano ba talaga ang relihiyon mo.

    TumugonBurahin
  5. Sa aking sariling pang unawa sa aking nabasa tinawag nga po tayong nga anak ng diyos ngunit 2 pala ito anak ng pagsunod at anak ng pag suway .Hindi ang pisikal na katawan ang usapin dito kundi ang 7 spirit na siyang larawan ng kabuuan (DIYOS)

    TumugonBurahin