Lunes, Hunyo 18, 2018

ANG MGA TINAWAG (ecclesia [iglesia])

Noon pa mang una, at hanggang sa panahon nating ito'y lubhang napakarami sa kalipunan ng mga denominasyong Cristiano ang nagpipilit na umangkin sa sagradong kalagayan ng mga tunay na iglesia.  Sila anila'y naaayon sa pagkatawag na mababasa sa Mateo 16:18.

Gaya ng napakaliwanag na nasusulat, 

Mat 16 :
18  At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking IGLESIA (MGA TINAWAG); at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.

Sa talata (Mat 16:18) ngang iyan sa itaas ay napakaliwanag na madiing winika nitong Espiritu ng Dios, na nasa kalooban ni Jesus, na itatayo Niya ang kaniyang mga "tinawag", o ang "iglesia" (ecclesia). Ano pa't sa halip na ang salitang iyan ay lapatan ng mga paganong Romano ng husto at wastong salin, ay sinadya nilang ito'y bigyan ng maling kahulugan.


Ang salitang Griego na, "ekklesia (ecclesia)" na may kahulugan sa wikang ingles na "called-out", ay pinalitan nila ng salitang "church", na ang ibig sabihin sa wikang Griego ay "Kuriakon, o Kuriakos'. Iyan sa makatuwid ay napakaliwanag na inilihis sa kahustuhan at kawastuan ang unawa ng sinoman. Upang mapaniwala nila, na ang umano'y itinayo ni Cristo ay simbahan, na kung saan ay gusali na gaya ng templo o sinagoga, na pinagkakatipunan ng mga alagad ng kabanalan. Iyan din anila ang kalipunan ng mga mananamba sa Dios (worshiper of God).

Maging gusali man, o kalipunan ng mga mananampalataya (assembly of believers) ay hindi pa rin lalapat sa tunay na kahulugan ng salitang "ecclesia'. Sapagka't iyan ay munting kalipunan lamang ng mga tao na masigla at may galak sa puso na tumugon sa mapayapa, malumanay,  at sagradong pagtawag ng Dios.

Nguni't ang sinadya na kamaliang nabanggit, mula sa kawalan ng kaukulang pagka-unawa sa salitang iyan, ay padalosdalos na sinakyan ng marami. Sukat, upang ikabit nila ang salitang "church", o kaya naman ay ang salitang "Iglesia" sa pangalan ng itinatag nila umanong samahang pangkabanalan.

Ang "Church of God" ay "Iglesia ng Dios" ang maliwanag na salin sa ating wika. Mali ang sa saling ingles dahil sa paggamit ng maling salin (church) ng ecclesia. Subali't tama ang sa tagalog, palibhasa'y "iglesia" ang ginamit na may kahulugan "ecclesia". Gayon man, iyon ay walang sustansiya ng hustong kahulugan nito na, "called out (tinawag)".

Ano pa't kung ilalagay sa pinakawasto at pinakahustong salin ay "Assembly of those who is Called of God" ang dapat sana'y naging pangalan ng kanilang relihiyon, at hindi "Church of God".

Ang "Church of Christ" ay "iglesia ni Cristo" ang ginawang maliwanag na kahulugan sa salita natin. Heto at isa na namang hidwang pangalan ng rellihiyon ang ating nabasa sa istansang ito. Bagay na nakapagligaw ng lubhang malaking bilang (millions) ng mga tao sa kalupaan.

Gayon ngang napakaliwanag na ang "Church of Christ" sa wikang ingles ay isang napakalaking kasinungalingan. Iyan ay dahil sa walang itinayong anomang simbahan (church) itong si Jesus. Sapagka't ang nagtayo sa mga "tinawag" ay walang iba, kundi ang Espiritu ng Dios (Espiritu Santo), na sa panahon niyang iyon ay makapangyarihang namamahay at naghahari sa buo niyang pagkatao.

Isa rin namang maliwanag na kasinungalingan ang "Iglesia ni Cristo'. Mula sa balidong kadahilanan ay walang sinomang tinawag itong si Jesus. Sapagka't madiin niyang winika,


JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. 

31 Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTOHANAN.

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglibutan. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. (Juan 15:15)

17  Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili.
18  Ang nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili'y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa't ANG HUMAHANAP NG KALUWALHATIAN NIYAONG SA KANIYA'Y NAGSUGO, ANG GAYON AY TOTOO, AT SA KANIYA'Y WALANG KALIKUAN.

JUAN 14 :
24 Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita: at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin. (Juan 15:15)

Paano kung gayon na sila'y magiging "Iglesia ni Cristo" o "Mga Tinawag ni Cristo", gayong napakaliwanag sa mga balidong katunayang biblikal, na hindi si Jesus ang gumagawa, ni siya man ang nagsasalita. Kundi ang nabanggit niyang Espiritu ng Dios na sa kapanahunang niyang iyon ay ganap na namamahay sa kaniyang kalooban at kabuoan.

Sapagka't ayon sa dakong itaas ay tahasang winika ng sarili niyang bibig,

1. HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI:

2. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTOHANAN.

3. WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

4. ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.

5. ANG MGA BAGAY NA SA KANIYA’Y AKING NARINIGANG MGA ITO ANG SINASALITA KO SA SANGLIBUTAN.

6. AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN.

7. ANG TURO KO AY HINDI AKINKUNDI DOON SA NAGSUGO SA AKIN.

Mula sa mga hindi mapapasinungalingang talatang iyan, na mismo ay sinalita ng sariling bibig ng Cristo ay lumalabas na isang napakalaking kasinungalingan, na sabihing si Jesus ay nagtayo ng sarili niyang iglesia. 

Ang "Church of God" at ang "Iglesia ni Cristo" kung gayon ay ilan lamang sa hindi kakaunting sekta ng relihiyon, na hindi kailan man sinang-ayunan ng mga biblikal na batayan at panuntunan. Bagkus ay lumalapat lamang ang mga iyan sa pangalan, na lakip ang talamak na kasinungalingan ng mga hindi nakaka-unawa sa mga payak na bagay ng Dios

Ano pa't bilang salag sa dagok ng katotohanang ito'y madiin nilang sasabihin. 


"Kami ay mga tinawag ng Dios"

Dios baga ang tumawag sa kanila, gayong sa nakaraang ilang siglo ay dinaan nila sa madugo at malagim na kaparaanan ng pagtawag sa mga tao. Siyasatin nga natin ang ating kasaysayan (history), upang mapag-unawa ng lubos, kung gaano karaming dugo ang dumanak sa ibabaw ng lupa mula sa napakarahas nilang kaparaanan ng pagtawag. Sanhi ng matinding takot, at upang makaiwas sa tiyak na kamatayan, kahi man labag sa kalooban ay napilitang yapusin ng marami ang inbentong doktrinang pangrelihiyon ng mga paganong Romano, na kailan man ay hindi sinang-ayunan ng kaisaisang Dios ng langit.

o kaya naman ay kanilang wiwikain,


"Kami ay mga tinawag ni Jesucristo"

Ang pahayag nilang iyan ay isang napakaliwanag na kasinungalingan. Sapagka't ang tumawag sa mga tupa ay ang Espiritu ng Dios (Espiritu Santo), na sa panahong iyon ay makapangyarihang namamahay at naghahari sa kabuoang pagkatao nitong si Jesus. 

Katotohanang nagtutumibay sa makatuwid,  na walang anomang itinatag na iglesia (mga tinawag) si Jesus. Hindi siya ang tagapagtayo ng iglesia, kundi ang Dios mismo, mula sa makapangyarihang pag-iral ng sarili Niyang Espiritu sa kabuoang ito ng dimensiyong materiya.

Dagdag pa'y napakaliwanag na inilalahad ng kasulatan, na saan man at kailan man ay hindi tinawag ni Jesucristo ang buong sangkakristiyanuhan. Sapagka't ang napakaliwanag na nasusulat ay walang iba, kundi itong si Pablo lamang ang tumawag sa kanila. Katunayan, na ang kristianismo nitong si Pablo ay siya lamang sa kaniyang sarili ang nagtayo. Iyan ay hindi kailan man ang Cristo ang nagtayo, ni ang Espiritu man ng Dios ang may gawa.

Napakaliwanag ng natatanging layunin ng Cristo, at hinggil diyan ay madiin niyang winika,


MATEO 15 :

24  Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi, HINDI AKO SINUGO KUNDI SA MGA TUPANG NANGALIGAW SA BAHAY NI ISRAEL.

At sinu-sino kung gayon ang isinugo na nauukol sa mga mamamayan ng lahat ng mga bansa, at tungkol diyan ay iniutos nitong Espiritu ng Dios na sumasa kaniya, na ang mga tunay na apostol ay mangalat sa apat (4) na direksiyon ng mundo, na sinasabi, 

Juan 20 :
22  At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo: 

Mateo 24 :
14  At ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa buong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo'y darating ang wakas. 

Mat 28 :
19  Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: 

20  Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko (kautusang Cristo) sa inyo: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan. 

Palibhasa'y nasa bawa't isa ng mga tunay na apostol ang Espiritu Santo. Dahil diyan, gamit nito ang katawan nilang lupa ay tinawag Nito ang marami sa malumanay at sagradong kaparaanan, at iyan ay walang iba, kundi sa pamamagitan ng mga dakilang aral pangkabanal nitong KATURUANG CRISTO.


KONKLUSYON:
Ang mga totoong tinawag (ecclesia [iglesia ng Dios]) ay makikilala sa pamamagitan ng isinasabuhay nilang Katuruang Cristo, at Kautusang Cristo.

Mga huwad na lupon ng mananampalataya (false assembly of believers) ang mayroong kaakibat na "Church" sa pangalan ng kanilang relihiyon. Sa pangalan pa nga lamang ay mali na, kaya't huwag asahan na kailan man ay kapupulutan ng munti mang katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay ang mga itinuturo nilang aral.

Mga huwad na lupon ng mananampalataya (false assembly of believers) ang nagpapatawag na "Iglesia ni Cristo", sapagka't hindi kailan man tumawag ng mga tao si Jesus ng Nazaret, bagkus ay Espiritu ng Dios ang tumawag sa lahat, at ito'y sa pamamagitan ng tinig ng mga kinikilala niyang mga tunay na lingkod, na gaya nitong si Jesus ng Nazaret at ng marami pang iba.

Mula sa katotohanang naisiwalat sa akdang ito ay nagtutumibay, na isa mang tumugon sa mga nanga-unang tinawag (ecclesia) ng Dios sa panahong nilakaran ni Jesus ng Nazaret ay hindi kailan man tumalikod, ni nalihis man sa matuwid na landas ng buhay sa kalupaan.

Hinggil dito'y maliwanag at may diing winika ng sariling bibig ng Cristo Jesus ang mga sumusunod na salita,

Juan 10 :
27  Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa akin: 

28  At sila'y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay. 


Isa man sa kanila kung gayon ay walang tumalikod, ni nailigaw man nitong kasamaan ng sanglibutan. Ang sinomang tumugon sa maluwalhating tawag ng Dios. O ang sinomang masigla at may galak sa puso na tumataguyod, tumatangkilik, nagtatanggol, nangangaral, at sumusunod sa Katuruang Cristo at sa Kautusang Cristo. Siya nga'y hindi kailan man maaagaw ng anomang uri ng kasamaan mula sa makapangyarihang kamay ng Dios. 

Sa kanila na nanga-unang tinawag (ecclesia), o yaong unang iglesia ay isang napakaliwanag na katotohanan kung gayon, na saan man at kailan man sa kanila'y hindi umiral ang pagkaligaw, ni ang pagtalikod man sa kautusan, palatuntunan, at kahatulan ng kaisaisang Dios ng langit.

ITO ANG KATURUANG CRISTO

Ang patuloy na daloy nitong maluwalhating biyaya ng langit ay suma atin lahat. Harinawa'y hustohin ng Ama nating nasa langit ang lubhang malaking kakulangan ng bawa't isa sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay. 

Hanggang sa muli, paalam



Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento