Sabado, Marso 24, 2018

ESPIRITU SANTO AT MGA MANGGAGAWA NG DIOS


PROPETA NG DIOS
Mula sa kasagsagan ng ministeriyo nitong Espiritu ng Dios (Yehovah) na masigla at makapangyarihang namamahay at naghahari sa kabuoang pagkatao ng Cristong si Jesus. Ipinakilala nito ang kaniyang mga alagad (apostol) sa kalagayan ng mga tunay na banal. Sila ay kinikilala ni Jesus na mga propeta ng Dios, gaya ng napakaliwanag na nasusulat, na sinasabi,

MATEO 23 :
34  Kaya’t, narito, sinusugo ko sa inyo ang mga propeta, at mga pantas na lalake, at  mga eskriba: ang mga iba sa kanila’y inyong papatayin at ipapako sa krus; at ang mga iba sa kanila’y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga, at sila’y paguusigin sa bayan-bayan.

Mateo 5 :
12  Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo: sapagka’t malaki ang ganti sa inyo sa langit: sapagka’t gayon din ang kanilang pagkausig sa mga propeta na nangauna sa inyo.

MATEO 10 :
Ang labingdalawang ito’y sinugo ni Jesus, at sila’y pinagbilinan, na sinasabi, HUWAG KAYONG MAGSITUNGO SA ALIN MANG DAAN NG MGA GENTIL (Efe 4:18), at HUWAG KAYONG MAGSIPASOK SA ALIN MANG BAYAN NG MGA TAGA SAMARIA (Ose 13:16).
6  Kundi bagkus magsiparoon kayo sa mga TUPANG NANGAWAGLIT SA BAHAY NI ISRAEL (Mat 15:24).

MATEO 10 :
20  Sapagka’t hindi kayo ang mangagsasalita, kundi ang ESPIRITU NG AMA ang sa inyo’y magsasalita.

Mga propeta nga ang banal na kalagayang tinamo ng bawa't isa sa labingdalawang (12) apostol, maliban kay Judas,  na nang matisod ayon sa kasulatan ay kaagad na hinalinhan nitong si Matias. Sa kalagayan nilang iyan ay gayon din naman nilang natamo ang pagiging talaytayan (medium), o sisidlang hirang (daluyan ng banal na Espiritu) nitong Espiritu ng Ama. At gaya ng napakaliwanag na nasusulat ay may pagpapatibay sa pagkakamit nila ng gayong kasagradong layunin at gampanin.

Na sa madiing pagwiwika mula sa sariling bibig ng propeta Ezekiel ay gaya ng mga sumusunod na pahayag.

EZE 36 :
27  At AKING ILALAGAY ANG  AKING ESPIRITU SA LOOB NINYO, at palakarin kayo ng ayon sa aking mga PALATUNTUNAN (kautusan), at inyong iingatan ang aking mga KAHATULAN, at ISASAGAWA.


MGA TALAYTAYAN (MEDIUM)
Hindi rin naman maikakaila, na mula sa matuwid na paglalahad ng katotohanan nitong si Jesus ng Nazaret ay tahasan din naman ipinahayag ng sarili niyang bibig ang mga sumusunod na katuwiran na sumasa Dios.

MATEO 10 :
20  Sapagka’t HINDI KAYO ANG MAGSASALITA, kundi ang ESPIRITU NG AMA ang sa inyo’y magsasalita.

Isang katuwiran na hindi kailan man maaaring pasinungalingan, ni salangsangin man ng kahit sino sa kalupaan. Na ang labingdalawang (12) apostol ay ginawang talaytayan, o medium ng Espiritu ng Ama (Espiritu Santo). Sa madaling salita ay naging isang katotohanang hindi maaaring tanggihan ng sangkatauhan ang mga matitibay na salita na masiglang binigkas ng sariling bibig ng Cristo Jesus hinggil sa usaping ito, na sinasabi,

JUAN 20 :
22  At nang masabi niya ito, sila'y HININGAHAN NIYA, at sa kanila'y sinabi, TANGGAPIN NINYO ANG ESPIRITU SANTO.

MATEO 28 :
20  Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na INIUTOS KO sa inyo: at narito, AKO'Y SUMASA INYONG PALAGI, HANGGANG SA KATAPUSAN NG SANGLIBUTAN. 

Narito, at napakaliwanag ang mga salitang mismo ay iniluwal ng sariling bibig ng Cristo. Na ang Espiritu ng Dios na makapangyarihang namamahay at naghahari sa kaniyang kabuoang pagkatao, ay gayon din naman na mananatili sa mga manggagawa ng Dios (apostol) at sa mga kahalili (successor) nila hanggang sa katapusan ng mga kapanahunan.

Iyan ay isang napakalinaw na tanawin na naglalahad ng walang pag-aalinlangang katotohanan, na ang Espiritu na dadaloy, o lulukob sa sinomang manggagawa ng tunay na kabanalan ay hindi ang espiritu, o kaluluwa ng mga patay, ni ng mga anghel man, ni ng ipinamamalita at inilalako ni Allan Kardec na mga evolved spirit, kundi tanging Espiritu ng Ama lamang, na tanyag sa tawag na Espiritu Santo.

Hinggil diyan ay maliwanag na ipinahayag ng Ama ang matuwid na panuntunan, gaya ng nasusulat,

EXO 4 :
12  Ngayon nga’y yumaon ka, at AKO’Y SASAIYONG BIBIG, AT ITUTURO KO SA IYO KUNG ANO ANG IYONG SASALITAIN. (Juan 8:26, Juan 8:28, Juan 14:10)

JER 1 :
Nang magkagayo’y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, INILALAGAY KO ANG AKING MGA SALITA SA IYONG BIBIG. (Juan 12:49)

Walang anomang pag-aalinlangan, na itinuturo mismo nitong Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) kung ano ang sasalitain ng kaniyang mga kinikilalang manggagawa. Ang kaniyang mga salita (evangelio ng kaharian) kung gayon ay walang ibang pinaglalagyan, kundi ang sariling bibig ng kaniyang mga lingkod na manggagawa (propeta). Hindi ang kaluluwa ng mga patay, hindi ang espiritu ng mga anghel, at lalong hindi ang itinuturo ni Allan Kardec na mga evolved spirit ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng Ama lamang at bukod diyan ay wala ng iba pa.

TUNAY NA MANGGAGAWA NG DIOS
Hindi maikakaila na ang sinomang nasa gayong kabanal na kalagayan ay hindi nagsasalita, ni gumagawa man ng ayon sa sarili niyang pagmamatuwid, kundi gaya ng mga sumusunod na madidiing wika ng sariling bibig ng Cristo, na sinasabi,

JUAN 10 :
32  Sinagot sila ni Jesus, MARAMING MABUBUTING GAWA NA MULA SA AMA ANG IPINAKITA KO SA INYO; alin sa mga gawang yaon ang ibinabato ninyo sa akin?

JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. 

31 Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTOHANAN.

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglibutan. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. (Juan 15:15)

Ito'y isang tanawin sa liwanag ng katanghaliang tapat, na naglalahad ng husto at wastong mga detalye sa paningin ng sinoman. Bagay na kasusumpungan ng napakaliwanag na pag-iral ng isang aktuwalidad na sinasang-ayunang lubos ng katuwiran na sumasa kaluwalhatian ng langit.

Ang mga tunay na manggagawa ng Dios, kung gayon ay hindi nagsasalita, ni gumagawa man ng ayon sa sarili niyang pagmamatuwid bilang isang tao. Gayon din naman ang mga talaytayan (medium) na isinasatinig lamang nila ang salita ng Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) na namamahay at naghahari sa kabuoan ng kanilang pagkatao.

GAWIN ANG AKING MGA GAWA
Narito, at isang nagtutumibay na katotohanan ang pagganap sa mga bagay na masigla at may galak sa puso na ginawa mismo ng Cristo. Kaugnay nito'y maliwanag na ipinahayag ng sarili niyang bibig ang mga sumusunod na salita,

Juan 14 :
12  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ANG SA AKIN AY SUMASAMPALATAYA AY GAGAWIN DIN NAMAN NIYA ANG MGA GAWANG AKING GINAGAWA: at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya; sapagka't ako'y paroroon sa Ama. 

Higit nga na maliwanag pa sa tirik na sikat ng araw ang katotohanan na ipinahayag ng sariling bibig ng Cristo, sa talata na mababasa sa dakong itaas ng istansang ito. Mula sa kasagsagan ng natatanging panahon niyang iyon ay ginagawa niyang papasukin sa kaniyang kalooban ang Espiritu Santo, upang masiglang pagharian nito ang buo niyang pagkatao. Bagay na isang katuwiran ng langit, na gayon din naman ang gagawin ng sinoman na nagsasabing siya'y isang talaytayan (medium) ng banal na Espiritu.

Napakaliwanag ayon sa katotohanan, na ang Espiritu ng Dios ay hindi kailan man nagpadala ng kaluluwa, ni espiritu man ng mga patay. O kaya naman ay ang mga evolved spirits na inilalako ni  Allan Kardec. Kundi Espiritu mismo ng kaisaisang Dios ng langit ang Siyang masiglang namamahay at naghahari sa kabuoang pagkato ng mga sisidlang hirang (talaytayan, o medium) ng sarili Niyang Espiritu. (Ref. Nevi'im)

Sa gayo'y isang katotohanan na natutuntong sa patibayang bato, na ang sinomang hindi umaayon sa gabay na ito ng langit ay maipasisiyang kabilang sa kawan ng kasamaan, na nagpapahayag ng malabis na paghihimagsik sa katuwiran ng kaisaisang Dios ng langit.

Maliwang kung gayon, na kung hindi Espiritu ng Dios mismo, ang masiglang namamahay at naghahari sa kalooban, at sa kabuoan ng sinomang nagpapakilalang talaytayan (medium) noong una hanggang sa panahon nating ito. Siya sa makatuwid ay walang alinlangan na inaalihan, o nilulukuban lamang nitong espiritu ng diyablo (Demonyo).

Sa kalipunan ng mga nagpapakilalang talaytayan (medium) nitong UNYON, o kapatirang Espiritista ng buong kapuluan at ng ibayong dagat. Wala isa man sa kanila na maaaring itangi, sapagka't LAHAT sila'y may hayag na pakikipag-ugnayan sa mga pinaniniwalaan nilang espiritu, o kaluluwa ng mga patay. Bagay na tuwirang nagpapahayag lamang ng kasuklamsuklam na pakikipag-ugnayan ng mga espiritista sa espiritu ng mga demonyo.



HUWAD NA MANGGAGAWA
Ang mga manggagawa ng Dios na kinabibilangan ng mga apostol, evangelista, talaytayan, mga hukom, at marami pang iba. Gaya ng kristalinong tubig ay naglalahad ng katotohanan alinsunod sa mga salita ng Dios na nangasa kanilang bibig. Na kung lilinawin pa ay isinasatinig nila ang mga salita (evangelio ng kaharian) nitong Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kabuoan ng kani-kanilang pagkatao.

Dahil diyan ay magsipag-ingat tayo sa matatamis, at mabubulaklak na talumpati. Gayon din sa kahikahikayat na mga bulong ng mga nagpapakilalang talaytayan (medium) na sinasaniban di-umano ng espiritu ng mga patay na tao, at ng mga tinatawag nilang anghel ng Dios. Mula na rin sa sarili nilang bibig ay nahayag ng napakaliwanag na hindi Espiritu ng Dios, kundi espiritu lamang pala ng mga patay, at ng mga espiritu na nagpapakilalang anghel ang nagsasalita at gumagawa sa pamamagitan ng kanilang katawang pisikal.

Isang klaro (maliwanag) na katotohanan kung gayon, na kapag ang lumulukob na espiritu sa sinomang nagpapakilalang talaytayan (medium) ay espiritu ng mga patay na tao, o ng anghel man, ni ng tinatawag man ni Allan Kardec na evolved spirit. Ito'y isang napakaliwanag na tanda at napakatibay na katunayan sa pagkakilalang lubos sa mga huwad na manggagawa ng Dios.  

HINDI NA GIGISING PA
Kaugnay niyan ay siyasatin nga natin mula sa balumbon ng mga banal na kasulatan, kung ang kanino mang kaluluwa ng mga pumanaw na ay maaari pang maka-usap sa pamamagitan ng mga talaytayan (medium), na gaya nang siya'y nabubuhay pa.

Hinggil diyan ay paka-unawain nga nating mabuti ang mga sumusunod na katiwatiwalang katunayang biblikal, na kailan man ay hindi kinilala na isang katotohanan ng mga nagpapakilalang espiritista noong una, at hanggang sa kasagsagan ng ating panahon sa ngayon. 

Gaya nga ng napakaliwanag na nasusulat ay madiing winika,

JOB 7 :
9  Kung paanong ang ulap ay napapawi at nawawala, GAYON SIYANG BUMABABA SA SHEOL AY HINDI NA AAHON PA.
10  Siya'y hindi na babalik pa sa kaniyang bahay, ni malalaman pa man niya ang kaniyang dako.

JOB 14 :
10  Nguni't ang tao ay namamatay at natutunaw; Oo, ang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan nandoon siya?
11  Kung paanong ang tubig ay lumalabas sa dagat, at ang ilog ay humuhupa at natutuyo;
12  Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon:
HANGGANG SA ANG LANGIT AY MAWALA, SILA'Y HINDI MAGSISIBANGON, NI MANGAGIGISING MAN SA KANILANG PAGKAKATULOG.

ECC 9 :
5  Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka't ANG ALAALA SA KANILA AY NAKALIMUTAN.

Hindi mahirap unawain ang kaliwanagan ng mga pahayag ng katotohanan sa tatlong (3) talata na nalalahad sa dakong itaas. Ang matuwid na unawa diyan ay hindi na magbabalik pa sa lupa ang kaluluwa na napasa dako ng mga patay (Sheol). Ibig sabihin lamang ay patuloy silang mananahimik na gaya ng sa mahimbing na pagkakatulog. Sila kung gayon ay hindi na magsisibangon, ni mangagigising man sa kahimbingan ng kanilang pagkakatulog.

Gayon ngang nalalaman ng mga buhay na tulad natin, na tayo ay mamamatay, sa kabila nito'y hindi nalalaman ng mga patay ang ano pa mang bagay matapos na sila ay mamatay. Iyan ay dahil sa ang kabuoan ng ala-ala nila ay naparam na. Sukat upang malimutan ang ala-ala ng buo niyang nakaraan, nang siya'y nabubuhay pa sa ibabaw ng lupa.

Kung ang sinoman ay mamatay na ay gaya na nga lamang siya ng isang mahimbing na natutulog at kailan man ay hindi na maaari pang magising. Wala na siyang ala-ala ng lahat niyang nakaraan nang siya ay nabubuhay pa. Sa madaling salita ay hindi na siya maaari pang gisingin at kausapin ng mga nagpapakilalang talaytayan (medium). 

Sa gayo'y isang lubhang napakalaking kasinungalingan at hayagang panlilinlang sa kapuwa, na sabihing, nakaka-ugnay, o nakaka-usap ng mga talaytayan (medium) ang kaluluwa ng mga taong yumao na (banal man, o hindi). Gaya din naman na isang kahangalan na sabihing, nakaka-usap nila ang mga anghel, at ang Dios ano mang sandali nila naiisan (conjuration of spirit).

Sapagka't sa buong lupa ay naisugo na ang pitong (7) Espiritu ng Dios na higit sa sapat, upang ang lahat ng dakilang gawain sa kalupaan ay bigyang kaganapan sa pamamagitan ng kabuoang Espiritu na iyan. 

Gaya ng napakaliwanag na nasusulat,

APOC 5 : 
6  At nakita ko sa gitna ng luklukan at ng apat na nilalang na buhay, at sa gitna ng matatanda, ang isang Cordero na nakatayo, na wari ay pinatay, na may pitong sungay, at pitong mata, na siyang PITONG ESPIRITU NG DIOS, na sinugo sa buong lupa. 


KONKLUSYON
Kung paano nga ang sinomang napasa kaharian na ng langit ay hindi na lalabas pa doon (Apoc 3:12). Gayon din naman ang sinomang kaluluwa na bumaba sa sheol (libingan ng mga patay) ay hindi na aahon pang muli sa dimensiyon ng materiya (Job 7:9). Sapagka't ang kaluluwa na napasa langit ay iyon na nga ang pinal na husga sa kaniya ng Dios. Gayon din ang kaluluwa na napasa sheol (libingan ng mga patay) ay iyon na nga rin ang pinal na husga sa kaniya ng Dios

Sa kalupaan ay dalawang (2) pangkat lamang ng espiritu ang katotohanan na maaaring lumukob, o dumaloy sa kabuoan ng tao. Ang mga iyan ay walang iba, kundi ang Espiritu ng Dios, at ang espiritu ng diyablo.

Kung gayong hindi na maaaring maka-ugnay pa ang alin man sa kaluluwa ng mga yumao na. At sa kabila nito'y sinasabi ng mga nagpapakilalang ESPIRITISTA, na nakaka-ugnay at nakaka-usap pa nila sila. Maliwanag kung gayon na espiritu ng diyablo, o ni Satanas na lamang ang nagpapakilalang espiritu o kaluluwa ng mga patay na kanilang nakaka-ugnay at nakaka-usap. 

Ang espiritu ng Dios ay inilalahad ang Kaniyang sarili  sa mga kinikilala Niyang talaytayan, o sisidlang hirang ng Kaniyang kabanalan. Inihahayag niya ang Kaniyang pangalan sa kanila.

Kung sino man ang matuwid na maka-ugnay ng tao sa kalupaan ay walang iba, kundi ang nabanggit na pitong (7) Espiritu ng Dios. Na kabuoang Espiritu na dumadaloy, namamahay at naghahari sa sinomang balidong manggagawa ng Dios sa kalupaan. Hindi ang espiritu ni Satanas na nagpapakilalang espiritu ng mga patay, at ng espiritu ng mga anghel, at ng espiritu ng Dios, at ng evolved spirit.

Nakakalungkot isipin, na ang natatanging kalipunan ng mga ESPIRITISTA sa buong kapuluan at sa ibayong dagat ay napakaliwanag na bunga lamang ng may katusuhang panlilinlang ni Satanas. Wala sila sa katotohanan ng kaisaisang Dios ng langit, kundi sila'y samasamang dumadako sa sukdulang kadiliman, na kung saan ay pinagkakatipunan ng mga kampon ni Satanas. Doon sila'y napipiit at mahigpit na nabibigkis ng kasuklamsuklam na tanikala ng kahangalan, kahibangan, kamangmangan, at kasamaan. 

Palibhasa'y kasamaan na itinuturing ng kaisaisang Dios ng langit ang anoman, at alin mang gawa ng tao na may paglabag at paghihimagsik sa lahat ng kaniyang kabawalan at kaayunan.

Huwad na talaytayan sa makatuwid ang sinoman na umuugnay at nagpapagamit sa mga nagpapakilalang espiritu ng mga patay, at ng iba pang espiritu na nagsasabing sila'y anghel ng Dios at iba pa. 

Ang mga banal ng Dios mula sa mga nakaraang kapanahunan ay pawang nangamatay na lahat, at sila'y suma kaluwalhatian na ng langit. Sila'y katotohanan na hindi na lalabas pa doon, kaya't walang anomang balidong kadahilanan, ni sintido man, upang isa man sa kanila ay maka-ugnay ng sinomang talaytayan (medium) sa kalupaan. Tanging ang nabanggit na kabuoan ng pitong (7) Espiritu lamang, na isinugo sa buong kalupaan nitong kaisaisang Dios ng sangkalangitan ang siyang nagtataglay ng kapamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa mga tao.

Ang kawalang malay ng marami hinggil sa katotohanang iyan ay sadyang sinasamantala ni Satanas, upang magkunwaring siya'y espiritu ng mga patay, na isang anghel, at Dios. Sa gayo'y napapaglaruan niya ang kawalang malay ng marami sa kaniyang mga palad. (Apoc 3:12), at ang kaluluwa nila'y kinakaladkad, ipinipiit, at ikinakadena niya ng  
kahangalankahibangankamangmangan, at kasamaan.sa pinakamaitim na dako ng sukdulang kadiliman.

Kaawa-awa ang kaluluwa ng sinoman na nasilo ng katusuhan at kasinungalingan ni Satanas, at mula sa ganap na kamangmangan at kahangalan niya'y buong kapurihan pa na ipinakilala at itinanghal ang kaniyang sarili (proudly presented him/herself) bilang isang ESPIRITISTA.


Kung gayon, ang "ESPIRITISTA," na usaping tampok sa akdang ito'y tumutukoy ng ganap sa sinoman, na taglay sa kaniyang kabuoan ang pinakamababang antas ng kamalayan at unawa.  Nakabigkis ng mahigpit sa buo niyang pagkato ang kamangmangan, na kung saan ay kasusumpungan ng kahangalankahibangan, at kapalaluan

Ano pa't sa paningin ng kaisaisang Dios ng langit ay bunga iyan ng kawalang tiwala sa mga mangagawa ng Dios na nangangaral ng mga salita (evangelio ng kaharian), na mismo ay itinuro ng sariling bibig ng Cristo. Na kung lilinawin pa ay ang mga kasuklamsuklam na nabanggit sa itaas ay bunga ng hindi pagtalima ng mga espiritista sa mga dakilang aral na masusumpungan lamang sa Katuruang Cristo.

Dagdag pa diyan  ay ang kawalang pagsisikap na saliksikin ang mga banal na kasulatan (Tanakh), upang masumpungan ang mga dakilang aral na nagpapahayag ng katotohanan na sumasa Dios. Sapagka't sila'y nagsitiwala sa mga kamanghamanghang talumpati at ng mga kahikahikayat na bulong ng mga HUWAD nilang talaytayan (medium), na sa buong pag-aakala nila'y sinasaniban ng mga espiritu ng mga patay.

Kurot na may lakip na sakit at kirot sa damdamin ng inyong puso ang hatid ng katotohanang ito. Gayon man, ito ay mabuti kay sa mga kahikahikayat na kasinungalingang aral, na sa dulo ay walang pagsalang ang lahat ay mauuwi lamang sa wala.


ABOT SABI NG LANGIT
IIsa lamang ang taglay na kaluluwa ng sinoman sa kalupaan. Kapag ito'y napahamak ay gayon na nga ring nalagot na ang pag-asa ninoman. Iyan ay ang  pag-asang maging karapatdapat na bahagi nitong dakilang kaluwalhatiang namamalagi na magapsawalang hanggan. Sa makatuwid ay walang iba, kundi ang dimesniyong Espiritu na kumakatawan sa kaisaisang Dios ng langit.

Hindi kasing haba ng inaasahan ninoman ang itatagal ng kaniyang buhay sa kalupaan. Habang may panahon pa ay sikapin ng bawa't isa na taluntunin ang matuwid na landas ng tunay na kabanalan sa kalupaan.  Iyan ay walang iba kundi, ang mga dakila at ganap na aral ng Katuruang Cristo, na kung saan ay kasusumpungan ng kapatawaran ng mga kasalanan, at katubusan (pagliligtas) ng kaluluwa ninoman mula sa kasamaan ng sanglibutan. Mga husto at presisyong gawa iyan, na masiglang makapaglulunsad ng kaluluwa ng sangkatauhan sa buhay na walang hanggan.

Tangkilikin, itaguyod, ipangaral, ipagtanggol, at sundin ang buong nilalamang turo nitong Katuruang Cristo (evangelio ng kaharian), na kung saan ay ganap na kasusumpungan ng perpektong kaayusan at dakilang balanse ng Dios. 

ITO ANG KATURUANG CRISTO

Suma bawa't isa ang katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungan, at buhay.

Hanggang sa muli, paalam.



Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.












Walang komento:

Mag-post ng isang Komento