Biyernes, Pebrero 2, 2018

DIOS ANG GUMAGAWA DIOS ANG NAGSASALITA

Maraming bagay ang hindi maunawaan ng sangkatauhan sa mga nilalaman ng bibliya. Kahi man silang tinatawag na mga pastor, mga pari, at mga nagpapakilalang tagapangaral ng salita ay nagsisunod at nagsi-ayon na lamang sa sina-unang tradisyong pangrelihiyon.

Dahil diyan ay nabuo ang hindi kakaunting doktrinang pangrelihiyon na naging dahilan, upang patuloy na lumayo sa katotohanan ng Dios ang lubhang malaking bilang ng mga tao sa kalupaan.

Sa akdang ito ay bibigyan ng husto at kaukulang unawa ang ilang bagay na hanggang sa ngayon ay isa pa ring madilim na dako na lumalambong sa katotohanan na hindi napapag-usapan man lang. Palibhasa’y nakakahon na sa isang hidwa na tradisyong pangrelihiyon ang marami. Dahil diyan ay sunod-agos na lamang ang mga tao sa kung ano ang nakagisnang sali’t saling sabi. Ito'y tila ba naging domino effect, na sa pagkabuwal ng una sa kaniyang katabi ay tutumba ang lahat ng sunodsunod hanggang sa hulihang nakatayong pitsa.
Sa pagpapatuloy ay makikita ng napakaliwanag sa mga susunod na paglalahad ang katotohanan hinggil sa mga salita at gawa na nasaksihan ng marami sa pamamagitan nitong Cristo ng Nazaret, 

DUMIDINIG NG SALITA

1.     TANONG: Sang-ayon po ba kayo sa mga salitang nilalaman ng Juan 5:24,  gaya ng nasusulat sa dakong ibaba?

JUAN 5 :
24  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo,  Ang dumirinig ng aking salita, at SUMASAMPALATAYA SA KANIYA NA NAGSUGO SA AKIN, ay may buhay na walang hanggan, at HINDI PAPASOK SA PAGHATOL, KUNDI LUMIPAT NA SA KABUHAYAN MULA SA KAMATAYAN.

Sagutin lamang po ng OO, o HINDI.

SAGOT: _______

MGA GAWA
Kung tayo po ay totoong dumirinig ng mga salita na ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo. Sa makatuwid ay kailangan din naman nating dinggin (pakinggan) at isabuhay ang mga sumusunod niyang pahayag.

JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. 

31 Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTOHANAN.

Maliwanag sa dalawang magkasunod na talatang iyan, na binibigyang diin ng sariling bibig nitong si Jesus, na hindi siya makagagawa ng anomang sa kaniyang sarili lamang. Kundi ang lahat ng gawa na sa kaniya ay nasaksihan ng marami ay mula sa mga gawa nitong Espiritu ng Dios, na sumasa kaniyang kabuoang pagkatao nang panahong iyon na siya ay nasa sangbahayan pa ng Israel.

Sa madaling salita ay gawa lahat ng nabanggit na Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) ang mga sumusunod,

·        Paglakad sa ibabaw ng tubig
·        Pagpapahupa ng malakas na hangin
·        Pagpapatigil sa malalaking alon nitong dagat ng Galilea
·        Pagbuhay sa patay
·        Pagbibigay ng paningin sa bulag
·        Pagpapagaling sa babaeng dinudugo ng mahabang panahon
·        Paglilinis ng ketong
·        Pagpapa-alis sa masasamang espiritu na umaalipin sa sinoman
·        At marami pang iba.

Gayon ngang napakaliwanag na hindi si Jesus ang gumawa ng mga makapangyarihang mga gawang iyan, kundi ang sa panahong iyon ay ang Espiritu Santo na masigla at makapangharihang namamahay at naghahari sa buo niyang pagkatao. Maliwanag kung gayon ang madiing wika ng sariling bibig ng Cristo, na siya ay hindi makagagawa ng anoman sa kaniyang sarili. Ano pa’t kapag siya’y nagpatotoo ng mga bagay sa kaniyang sarili ay maipasisiyang pawang kasinungalingan lamang ang lahat ng iyon.

Bilang matuwid na panuntunan ay isang kasinungalingan na sabihing,

·        Gawa ni Jesus
·        Aral ni Jesus
·        Biyaya ni Jesus
·        Parusa ni Jesus
·        Pagliligtas ni Jesus
·        Pagpapala ni Jesus
·        Pagpapatawad ni Jesus
·        Pananampalataya kay Jesus

Sapagka’t dapat nating tanggapin ang katotohanan, na si Jesus ay hindi makagagawa ng anomang sa kaniyang sarili. Maliban na ang Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) ang gumawa ay hindi niya magagawa ang lahat ng mga bagay. Iyan ay sa nag-iisang kadahilanan, na ang nabanggit na Espiritu ay namamahay at naghahari sa buong niyang pagkatao bilang isang sisidlang hirang ng sukdulang kabanalan. Siya sa makatuwid ay isang talaytayan (medium) ng banal na Espiritu, na tumutukoy ng ganap sa Espiritu ng Dios, o ng Espiritu Santo. Hindi kailan man ng kaluluwa, ni ng espiritu man ng mga patay.

2.     TANONG: Sinasang-ayunan po ba natin ang katotohanan na si Jesus ay hindi makagagawa ng anoman sa kaniyang sarili. Na kung siya’y magpapatotoo sa kaniyang sarili ay hindi kailan man aariin ng katotohanan?

SAGOT: ______


MGA SALITA
Kung si Jesucristo ay katotohanan na hindi gumagawa sa kaniyang sarili, kundi ang Espiritu ng Ama na namamahay at naghahari sa buo niyang pagkatao ang gumagawa ng kaniyang mga gawa. Tungkol sa mga salita ay maliwanag ang mga sumusunod na kataga na mismo ay iniluwal ng sariling bibig ng Cristo.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ANG MGA BAGAY NA SA KANIYA’Y AKING NARINIG, ANG MGA ITO ANG SINASALITA KO SA SANGLIBUTAN. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, ANG TURO KO AY HINDI AKIN, KUNDI DOON SA NAGSUGO SA AKIN. (Juan 15:15)

Napakaliwanag ng mga nilalaman ng ilang talata sa itaas. Binibigyang diin ng mga ito ang katotohanan, na saan man at kailan man sa panahong inilagi niya sa buong sangbahayan ni Israel ay hindi siya nagsalita na mula lamang sa sarili niyang pagmamatuwid at pagpapatotoo.  Karugtong niyan ay katotohanang nagtutumibay na ang SALITA (Katuruang Cristo) ay walang ibang pinagmulan, kundi ang nabanggit na Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) at ang Kaniyang mga salita (Katuruang Cristo) ay ISINATINIG LAMANG ng Cristo. Sa makatuwid ay dumaloy lamang sa sariling bibig ni Jesus ang SALITA (Evangelio ng Kaharian), upang ito’y malapatan ng kaukulang tunog sa pamamagitan ng kaniyang tinig.

TANONG: Tinatanggap po ba natin ang katotohanan, na si Jesus ay hindi nagsalita ng anomang pagmamatuwid na mula lamang sa kaniyang sarili?

3.     SAGOT: _____

Kung OO ang inyong kasagutan sa tatlong (3) nakaraang katanungan ay maliwanag na tayo ay hindi nalalayo sa katotohanan ng Katuruang Cristo (Evangelio ng Kaharian).

Ngayon nga’y nababatid nyo na ang katotohanan, na kapag sinabing sinalita ni Cristo” ay hindi nga siya ang nagsalita, kundi ang Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) na sa panahong iyon ay masiglang namamahay at naghahari sa buo niyang pagkatao.

Gayon di na kapag sinabi, na ginawa ni Cristo” ay hindi nga siya ang may gawa, kundi ang nabanggit na dakila at banal na Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) na sumasa kaniya.

MGA HALIMBAWA:
    1.   Juan 14 :
6  Sinabi sa kaniya ni Jesus, AKO ANG DAAN, at ang KATOTOHANAN, at ang BUHAY: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.

Tanggapin natin ang aktuwalidad ng talata, na hindi si Jesus sa kaniyang sarili ang DAAN, ang KATOTOHANAN, at ang BUHAY,  kundi ang Espiritu ng Dios (Espiritu Santo), na sa panahong iyon ay sumasa kaniya, na nagsasalita gamit ang sarili niyang bibig sa saliw ng sariling tinig nitong si Jesus. Siya lamang sa makatuwid ang daliri na tagapagturo kung saang direksiyon masusumpungan ang katotohanan ng Dios.

2.   Mateo 16 :
18  At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at SA IBABAW NG BATONG ITO AY ITATAYO KO ANG AKING IGLESIA; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.

Hindi nga si Jesus ang tagapagtayo ng iglesia o ng komunidad, kundi ang nabanggit na Espiritu, na sa panahong iyon ay sumasa kaniyang buong pagkatao. Isang napakaliwanag na kasinungalingan sa makatuwid, na sabihing si Jesus ay nagtayo ng iglesia na pinangalanang “IGLESIA NI CRISTO.”


3.   Juan 10 :
30  AKO AT ANG AMA AY IISA.

Iyan ay isang napakaliwanag na tanawin upang mapag-unawa ng lahat ang katotohanan, na ang entidad na nagwika ng “AKO AT ANG AMA AY IISA” ay hindi si Jesus sa kaniyang sarili, kundi ang Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) na sa panahon niyang iyon ay sumasa kaniyang kabuoang pagkatao. Ang Ama at ang sarili Niyang Espiritu na nasa kalooban ni Jesus ay katotohanan na IISA SA PAGIGING DIOS. Datapuwa’t si Jesus at ang Ama ay hindi kailan man naging ISA sa pagiging Dios, kundi sa larangan lamang ng tunay na kabanalan. Ang Ama ay banal, at ang Anak na si Jesus ay nasumpungan ng Ama na banal, at dahil diyan ay

“Iisa ang Ama at si Jesus ng Nazaret sa tanghalan ng tunay na kabanalan.”


4.    Mateo 28 :
18  At lumapit si Jesus sa kanila at sila’y kaniyang kinausap, na sinasabi, ANG LAHAT NG KAPAMAHALAAN SA LANGIT AT SA IBABAW NG LUPA AY NAIBIGAY NA SA AKIN.

Katotohanan na “HINDI” kay Jesus ibinigay ang buong kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa, kundi sa Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) na sa panahong iyon ay namamahay at naghahari sa buong niyang pagkatao.

Dapat nating tanggapin ng maluwag sa ating buong kalooban, na tanging TINIG lamang ang kay Jesus, samantalang ang SALITA (Evangelio ng Kaharian [Katuruang Cristo]) ay mula sa nabanggit na Espiritu na nasa kaniyang buong pagkatao.


5.   Mateo 24 :
35  Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa’t ANG AKING MGA SALITA AY HINDI LILIPAS.

Ang salita (Evangelio ng Kaharian) na sinalita ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng sariling bibig ng Cristo ay hindi kailan man lilipas, kahi man dumating ang mga sandali na ang langit at ang lupa ay maparam na.

Sa madaling salita, gaya ng sinalita ng nabanggit na Espiritu ng Dios (Espiritu Satno) sa pamamagitan ng propeta Malakias at Haring David,

 Malakias 3 :
Sapagka’t AKO, ANG PANGINOON AY HINDI NABABAGO, kaya’t kayo, Oh mga anak na lalake ni Jacob (Israel), ay hindi nangauubos.

Awit 89:
34  ANG TIPAN KO’Y HINDI KO SISIRAIN. NI AKIN MANG BABAGUHIN ANG BAGAY NA LUMABAS SA AKING MGA LABI.

Napakaliwanag, na ang Espiritu ng Dios na madiing nagwika sa kapanahunan ni Propeta Malakias, Haring David at Jesucristo ay IISA lamang. Sa gayo’y pinatunayan mismo ng Dios sa lahat ng kapanahunan, na ang kaniyang mga salita (evangelio ng Kaharian) ay hindi kailan man lilipas, ni mapapaso man ang anomang layunin nito. Pinatunayan lamang diyan na sa bawa’t henerasyong biblikal ay nagpapadala ang Dios ng kaniyang mga lingkod, sa layuning ipangaral ang Katuruang Cristo, na siyang natatanging daan nitong kapatawaran ng sala at kaligtasan ng kaluluwa.


6.   MATEO 28 :
20  Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, AKO’Y SUMASA INYONG PALAGI, HANGGANG SA KATAPUSAN NG SANGLIBUTAN.

Hindi ang Espiritu ni Jesus ang papatnubay sa mga apostol, kundi ang Espiritu ng Dios (Espiritu Santo). Ibig sabihin niyan, sa apat (4) na direksiyon (North, South, East, West) ng mundo, sa bawa’t henerasyong biblikal (40 years) ay nagpapadala ang Dios ng mga manggagawa na pinamamahayan at pinaghaharian ng sarili niyang Espiritu (Espiritu Santo).


7.   Juan 17 :
24  ...AKO’Y IYONG INIBIG BAGO NATATAG ANG SANGLIBUTAN.

Ang Espiritu ngang iyan na namamahay at naghahari sa buong pagkatao ni Jesus sa panahon iyon ay inibig na ng Dios bago pa Niya maitatag ang sanglibutan. Mula sa katuwirang iyan ay hindi si Jesus ang ganap na tinutukoy sa talata (Juan 17:24) na nabanggit, kundi ang Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) na nagsasalita gamit lamang ang sarili niyang bibig at tinig. Ang Espiritu ngang iyan ay hindi ang espiritu ni Jesus, kundi ang Espiritu Santo, na bumaba at lumapag sa kaniya matapos na siya’y gawaran ni Juan Bautista sa ilog ng Jordan nitong bautismo sa pagsisisi ng kasalanan.

Higit sa sapat ang pitong (7) talata sa itaas na ginawang halimbawa, upang maipakita ng lalong maliwanag ang katotohanan. Ang katotohanan na madiing nagpapahayag na HINDI si Jesus ang NAGSASALITA, ni ang GUMAGAWA, kundi ang Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) na sa panahong iyon ay masiglang namamahay at makapangyarihang naghahari sa buo niyang pagkatao.

Huwag nga nating ilagay ang ating sarili sa paniniwala na kailan man ay hindi pinayagan ng Dios na umiral ang eksistensiya. Harapin nating ang katotohanan na sinalita at ipinangaral ng Espiritu ng Dios sa pamamagitan ng sariling bibig ng Cristo.
Huwag nga nating patuloy na tindigan at sampalatayanan sa ating sarili ang mga hidwang aral (evangelio ng di-pagtutuli), na saan man at kailan man ay hindi makapaglulunsad ng sinoman sa kapatawaran ng kasalanan at katubusan ng kaluluwa.

Ang katotohanan kadalasan ay kurot at kirot sa damdamin ang hatid sa sinoman. Gayon man ay matuwid sa paningin ng kaisaisang Dios ng langit, na ito ay harapin lakip ang katapatan at matibay na paninindigan. Sapagka't tanging ang katotohanan (Katuruang Cristo [Evangelio ng Kaharian]) lamang ang makapagpapalaya sa sangkatauhan mula sa tanikalang bigkis ng pinaglubidlubid na kasinungalingan ng sanglibutan.

ITO ANG KATURUANG CRISTO.

Malaya nawang dumaloy sa bawa’t isa ang nag-uumapaw na biyaya ng langit, na tumutukoy ng ganap sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay.

Hanggang sa muli, paalam.



Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento