Biyernes, Disyembre 1, 2017

REPORMA SA TRADISYONG ESPIRITISTA

Taun-taon ay ginugunita natin ang mapait na pagkamatay at maluwalhating pagkabuhay ni Jesus. Iyan ay binubuo ng pitong (7) araw na pag-aalaala sa kaganapang iyon. Sa saliw ng pag-aayuno ng bawa’t isa ay naitutuon ng karamihan sa ating mga sarili ang sagradong kalagayan sa mga araw na iyan. Ito'y natataon kadalasan sa huling mga araw ng Marso hanggang ikalawang linggo ng Abril. Tinatawag natin ang mahalagang kaganapang iyan na, “Mahal na araw.”

Nakaugalin na ng kapatiran, na sa panahong nabanggit ay umakyat sa kabundukan. Iyan ay sa layuning ipangaral ang tinatawag natin na evangelio sa mga pinaniniwalaang engkanto, na umano’y nangangailangan ng mabuting balita

Gayon ma’y tila ang salitang iyan ay hindi ganap na napapag-unawa ng higit na nakakarami sa kapatirang Espiritista. Sapagka’t ang nakaugalian nating ipinangangaral na evangelio ay hindi ang evangelio ng kaharian, kundi ang likhang katuruan ni Pablo, na kung tawagin ay “evangelio ng di pagtutuli".

Hinggil diyan ay bayaan ninyo na sa inyo ay linawin namin ng may kahustuhan ang lehitimong evangelio na karapatdapat na ipangaral sa mga buhay, at maging sa kaugalian (sali't-saling sabi ng mga tao) ay mga tinatamwag na Espiritu ng kabundukan (Engkanto).



PANGANGARAL SA ESPIRITU NG MGA PATAY
Gaya nga ng napakaliwanag na nasusulat ay masiglang sinabi,

1PEDRO 3 :
19 Na iyan din ang kaniyang iniyaon at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan.

Diyan ay ipinalagay ni Pedro na yamang sa kamatayan ni Jesus ay hindi siya naparoon sa Ama, bagkus ay dinalaw niya ang dako ng mga espiritung nangapipiit sa Sheoul (dako ng mga patay). Doon nga sa haka niya ay ipinangaral nitong si Jesus ang evangelio ng kaharian. 

Haka pa niya,

1PEDRO 4 :
6 Sapagka't dahil dito'y ipinangaral maging sa mga patay ang EVANGELIO, upang sila, ayon sa mga tao sa laman ay mangahatulan, datapuwa't mangabuhay sa espiritu ayon sa Dios.



MARIRINIG NG MGA PATAY ANG TINIG 
Gayon man ay maliwanag na sinalita ng sariling bibig ng Cristo ang mga sumusunod,

JUAN 5 :
25 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dumarating ang panahon, at NGAYON NGA, na MARIRINIG NG MGA PATAY ANG TINIG NG ANAK NG DIOS, at ang mangakarinig ay mangabubuhay.

Sa mga talatang iyan ay maliwanag na ang tinutukoy ay hindi ang literal na patay, kundi ang mga patay sa Espiritu ng Katotohanan, patay sa Espiritu ng ilaw, patay sa Espiritu ng pag-ibig, patay sa Espiritu ng lakas, patay sa Espiritu ng paggawa, patay sa Espiritu ng karunugan, at patay sa Espiritu ng buhay. 

Ang evangelio ng kaharian (Katuruang Cristo) ay ipinangangaral sa mga patay sa pitong (7) Espiritu, upang sila ay mangabuhay ayon sa mga nabanggit na Espiritu ng Dios (katotohanan, ilaw, pag-ibig, kapangyarihan, paglikha, karunungan, at buhay).

Kaugnay niyan ay paano ba isinagawa ni Jesus ang dakilang gawain na may ganap na kinalaman sa pangangaral nitong Evangelio ng kaharian (Katuruang Cristo). At gaya ng malinaw na nasusulat sa evangelio ni Mateo ay madiing niyang pinatotohanan ang mga sumusunod,



ANG EVANGELIO NA IPANGANGARAL SA SANGLIBUTAN
MATEO 4 :
23 At nilibot ni Jesus ang boong Galilea, na nagtuturo sa mga SINAGOGA (Juan 18:20) nila, at ipinangangaral ang EVANGELIO NG KAHARIAN, at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.

MATEO 9 :
35 At nilibot ni Jesus ang lahat ng mga bayan at nayon, na nagtuturo sa mga SINAGOGA (Juan 18:20) nila, at ipinangangaral ang EVANGELIO NG KAHARIAN, at pinagagaling ang sarisaring sakit at ang sarisaring karamdaman.

Ano pa't ang EVANGELIO NG KAHARIAN ayon sa sinalita at ipinangaral na katuruang pangkabanalan (katuruang Cristo) nitong si Jesus, ay hindi lamang nauukol sa buong sangbahayan ni Israel ihahayag, kundi, 

Mateo 24 :
14 At ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa boong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo'y darating ang wakas.

Narito, at ang kautusan hinggil sa katuruang pangkabanalan na nararapat ipangaral sa sanglibutan ay walang iba, kundi ang Evangelio ng kaharian (Katuruang Cristo) lamangDiyan ay hindi kailan man nawika, ni iniutos man, na ang Evangelio ng di pagtutuli, na likhang katuruan ni Pablo ay kabilang sa nabanggit na utos sa Mateo 24:14. Kaya nga maliwanag na maging sa mga napipiit, o nagagapos na kaluluwa sa pitong (7) karumaldumal ng sanglibutan ay Evangelio ng Kaharian (Katuruang Cristo) pa rin ang masiglang ipinangaral nitong si Jesus.

Dapat nga nating unawaing mabuti, na ang lahat ay kailangang manahan sa Katuruang Cristo, sapagka’t napakaliwanag gaya ng nasusulat ay madiing sinabi,

2 JUAN 1 :
9 ANG SINOMANG NAGPAPATULOY AT HINDI NANANAHAN SA ARAL NI CRISTO, AY HINDI KINAROROONAN NG DIOS: ang nananahan sa aral, ay kinaroroonan ng Ama at gayon din ng Anak.

Diyan nga ay hindi mahirap unawain, na ang sinomang hindi nananahan sa evangelio ng kaharian (Katuruang Cristo) ay katotohanang hindi kinaroroonan ng Dios. Ano pa’t siya na nananatili sa nabanggit na lehitimong aral pangkabanalan (katuruang Cristo) ay gayon ngang kinakasihan ng Ama at ng Anak, na tumutukoy sa mga banal ng Dios.

Sa kalakarang espiritista ay hindi gayon, kundi ang pagsasabuhay ng mga hidwang aral na nilalaman nitong evangelio ng di-pagtutuli (Katuruang Pablo). Ang nananahan sa katuruang iyan, kung hindi kinaroroonan ng Dios ay maliwanag na tinatahanan nitong kaisaisang entidad ng kasamaan na walang iba, kundi si Satanas at ang kaniyang mga alagad na diyablo.    



DIOS NG MGA BUHAY
Sa pagpapatuloy ay bigyan nga natin ng kaukulan na hustong unawa ang nilalaman ng sumusunod na talata, na sinasabi,

MATEO 22 :
31 Datapuwa't tungkol sa pagkabuhay na maguli ng mga patay, hindi baga ninyo nabasa ang sinalita sa inyo ng Dios, na nagsasabi,

32 Ako ang dios ni Abraham, at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob? ANG DIOS AY HINDI DIOS NG MGA PATAY, KUNDI NG MGA BUHAY.

Sa talatang iyan (Mat 22:31-32) ay napakaliwanag na literal na patay ang ganap na tinutukoy. Kaya nga ang lahat ay may pangangailangan na tumalima sa natatanging kalooban (kautusan) ng Ama nating nasa langit. Sapagka't ang sinoman na kinamatayan ang kaniyang mga paghihimagsik sa kalooban ng Dios, ang taong iyon ay ganap na nga Niyang pinamitiwanan ang kaligtasan ng sarili nitong kaluluwa

Sa madaling salita ay wala na ngang Dios ang mga literal na patay. Sapagka't gaya ng isang naglahong bula ay nauwi na sa wala ang kaniyang eksistensiya sa dimensiyong ito ng materiya. Tanging ang sinoman na umiiral pa ang masiglang eksistensiya na siyang buhay ang sinasang-ayunan ng katotohanan. Sila'y bilang mga nilikha na ganap ang pag-asa na maging kabahagi nitong perpektong kaayusan at dakilang balanse, na siyang natatanging kaluwalhatian ng kaisaisang Dios ng langit. 

Katotohanan kung gayon na mga buhay lamang ang mayroong Dios na makapagliligtas ng kanilang kaluluwa sa kamatayan, at makapagpapatawad ng kanilang mga sala. Ang patay sa makatuwid ay nilipasan, at nilisan na ng katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungan, at buhay, sapagka't hindi niya nakamit mula sa kaisaisang Dios ng langit ang kapatawaran ng kaniyang mga kasalanan, nang ang kaniyang eksistensiya ang umiiral pa sa kalupaan.

Isang napakaliwanag na katotohanan kung gayon, na ang hinahangad ng mga tao ay ang kaligtasan sa kamatayan. Sapagka't ang kamatayan ay ang katapusan ng lahat. Ano pa't habang buhay ang tao ay may magagawa pa ang Dios sa kaniya, upang ang kaniyang kaluluwa ay mailigtas mula sa mabangis na akma ng lagim na tumutukoy ng ganap sa kamatayan.

Kaugnay niyan ay madiin at tahasang pinasisinungalingan nitong nasasaad sa Mateo 22:31-32, ang buong nilalaman ng 1Pedro 3:19 at 1Pedro 4:6. Kaugnay niyan ay matuwid na itong si Jesus ang ating pakinggan, dahil sa mahigpit na utos ng Ama na siya ang ating sundin. Hindi si Pedro na nagsalita lamang ng ayon sa pangsarili niyang opinyon hinggil sa usapin na may kinalaman sa mga patay.



ANG PAGHAHAMBING SA ARAL NG CRISTO AT SA ARAL NI PEDRO
Kung pag-aagapayanin ang mga talatang nabanggit sa itaas ay gaya ng maliwanag na mababasa sa dakong ibaba, na sinasabi,


 KATURUANG CRISTO
 KATURUANG PEDRO

Mateo 22 :
31  Datapuwa't tungkol sa pagkabuhay na maguli ng mga patay, hindi baga ninyo nabasa ang sinalita sa inyo ng Dios, na nagsasabi,

32  Ako ang Dios ni Abraham, at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob?ANG DIOS AY HINDI DIOS NG MGA PATAY, KUNDI NG MGA BUHAY. 

1Pedro 3 :
19  Na iyan din ang kaniyang iniyaon at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan,

1Pedro 4 :
6  Sapagka't dahil dito'y ipinangaral maging sa mga patay ang evangelio, upang sila, ayon sa mga tao sa laman ay mangahatulan, datapuwa't mangabuhay sa espiritu ayon sa Dios. 

Kung gayon ngang napakaliwanag ang pagkakawika, na ang Dios ay hindi Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay. Sa tuwirang salita ay kamatayan ang katapusan ng ugnayang Dios (Espiritu) at tao (kaluluwa). Malinaw din na ang pagkabuhay (ressurection) ng mga literal na patay sa mga libingan ay hindi sinasang-ayunan ng nilalaman na katotohanan ng Mateo 22:31-32. 

Katunayan lamang na ang turo ni Pedro hinggil sa pangangaral ni Jesus sa mga patay ay hindi umaayon sa katotohanan na ipinangaral ng sarili niyang bibig. Ang kamatayan ng sinoman sa makatuwid ang siyang katapusan ng lahat. Sapagka't sa kaniya ay wala ng Dios na maaari pang bumawi mula sa disolusyon, na siyang naging huling hantungan ng minsanan niyang pag-iral (eksistensiya) sa munting bahaging ito ng dimensiyong materiya|.




ANG PAGKAKAMIT NG BUHAY NA WALANG HANGGAN
Ano pa’t maaaring makamit ng sinoman ang buhay na saan man at kailan man din ay hindi nakakakilala ng kamatayan. Iyan ay sa pamamagitan ng pagsunod at pagsasabuhay sa mga aral pangkabanalan (evangelio ng kaharian [Katuruang Cristo])na siyang sinalita at ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo,

Na sinasabi, 

JUAN 12 :
50 At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Ang sinoman kung gayon ay mananatili sa pagkakaroon ng Dios, kung masigla at may galak sa puso niyang isasabuhay ang evangelio ng kaharian (Katuruang Cristo). Sapagka’t detalyado na ipinaliwanag ng sariling bibig ni Jesus, na ang pagtalima sa mga utos ng Dios ang tanging daan tungo sa buhay na walang hanggan. Iyan ay isang kongkreto at napakatibay na katunayan, na ang pagtalima sa kautusan lamang ang siyang makapaghahatid sa kanino mang kaluluwa sa buhay na walang hanggan.

Gayon ma’y lubhang napakahirap na maunawaan ng mga gentil at ng mga pagano ang katotohanang iyan, sapagka’t pilit nilang isinisingit at iginigiit ang imbentong aral ni Pablo (evangelio ng di pagtutuli). Sa gayo'y pinalalabas nilang si Jesus ang sinungaling at itong si Pablo ang nagsasaad ng katotohanan.

Mabuti sana kung sa utos na masusumpungan sa Mat 24:14 ay sinabing pati na ang evangelio ng di-pagtutuli ay ipangangaral din sa buong sanglibutan. Sa gayo'y matuwid na sundin ng lahat ang ibang evangelio na iyan. Subali't hindi nga kailan man nangyari ang gayon, kundi ang evangelio ng kaharian lamang ang tanging iniutos nitong Espiritu ng Dios na nasa kalooban ni Jesus na ipangaral sa buong sanglibutan. Dahil diyan ay lalabas na ang sinoman ay masuwayin sa Katuruang Cristo, kung siya ay magtitiwala at isasabuhay sa kaniyang sarili ang evangelio ng di-pagtutuli, o ang iba pang hidwa at pilipit na katuruan gaya niyan.



ANG PAGTANGKILIK KAY PABLO
Sa ating kapatiran ay hayag ang masiglang pagtangkilik kay Pablo, at iyan ay sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng kaniyang likhang evangelio ng di pagtutuli. Ang ibig sabihin lamang niyan ay ipinamumukha natin kay Jesucristo, na ang evangelio ng kaharian ay walang anomang kabuluhan sa sinoman sa atin. Bagkus, ang tinatangkilik, itinataguyod, ipinagtatanggol, ipinangangaral, at sinusunod natin ay ang ibang evangelio na likhang isip lamang ni Pablo at ang mga imbentong mapanghikayat na pilosopiya lamang nitong si Allan Kardec.

Ano pa’t hinggil sa bagay na iyan ay madiing sinalita ng sariling bibig ni Jesus, na sinasabi,

MATEO 6 :
24 Sinoma'y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka't kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa: o kaya'y magtatapat siya sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan.

Gayon nga rin na ang sinoma’y hindi makapaglilingkod sa dalawang (2) katuruang pangkabanalan. Iyan ang evangelio ng kaharian at ang evangelio ng di pagtutuli. Sapagka’t kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa, o kaya’y magtatapat siya sa isa at yuyurakan na parang pamunasan ng maruming paa ang isa.

Ang evangelio ng kaharian na iniutos ng Ama na ipangaral sa buong sanglibutan ay niwalang kabuluhan ng marami, at sa halip ay sinunod nila ang imbentong evangelio ni Pablo (evangelio ng di pagtutuli). Gayon man ay may pagmamalaki nilang sinasabi na sila ay kay Jesucristo. 

Ating alalahanin na ang sinoman na nananahan sa aral ng Cristo (evangelio ng kaharian) ay katotohanan na kinaroroonan ng Dios (2Juan 1:9). Sa gayo'y hindi mahirap unawain na ang hindi nananahan sa katuruang Cristo, gaya nitong mga panatiko ni Pablo ay katotohanan na hindi sumasa Dios; bagkus ay nasa dako na kung saan ay pinagkakatipunan ng gahiganteng bilang ng mga anti-Cristo at ng malaking kalipunan ng diyablo.



SINO ANG INIUTOS NG AMA NA ATING PAKINGGAN
Sa pagpapatuloy ng akdang ito ay liwanagin nga muna natin, kung sino ba talaga ang dapat nating sundin. O kaninong aral nga ba ang dapat nating tangkilikin, itaguyod,  ipangaral, ipagtanggol, at isabuhay.

Hinggil diyan ay madiin ipinag-utos ng Ama ang mga sunusunod,

MATEO 17 :
5 Samanatalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, ito ang sinisinta kong anak, na siya kong kinalulugdan; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.

Maliwanag pa sa sikat ng araw sa katanghaliang tapat, na ang susundin nating aral ay ang evangelio ng kaharian (Katuruang Cristo), at hindi kailan man ang evangelio ng di pagtutuli, na imbentong aral lamang nitong si Pablo. Iyan ay tahasang iniutos ng Ama, sapagka’t nalalaman niya na bukod sa evangelio ng kaharian ay may lalabas pang ibang evangelio (evangelio ng di pagtutuli), na ganap na kakaladkad sa kanino mang kaluluwa sa tiyak na kapahamakan at walang pagsalang kamatayan nito.

Tayo na nagsisipangaral ng evangelio sa kapatagan at sa kabundukan ay tunay na hindi evangelio ng kaharian (katuruang Cristo) ang ating ipinangangaral, kundi ang ibang evangelio (evangelio ng di pagtutuli) nitong si Pablo.  Sa katunayan ay protektor pa nga ng maraming talaytayan (medium) ng kapatiran ang nagpapakilalang espiritu ng taong iyan. Sukat upang kumapit na gaya ng tuko, o ng bayawak at lubos na tumiwala ang sinoman sa di umano ay espiritu na nagpapakilalang si Pablo.

Ang tao ngang iyan ay hindi namin inaatake, at hindi namin kailan man inisip na ilagay sa kahiyahiya at sa abang kalagayan ang aming kapuwa. Bagkus ay inilalahad lamang namin sa kapatiran ang katotohanan na sinalita ng sariling bibig ni Jesus, at ang mahigpit na utos (Mat 17:5) na nagmula sa Ama ng langit.



SILAY HINDI NA LALABAS PA SA KALUWALHATIAN NG LANGIT
Bilang pagtatapos ay pakaunawain nga nating mabuti ang huling talatang ito, sa Apocalipsis ni Juan, na sinasabi,

APOC 3 :
12 Ang magtagumpay, ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Dios, at HINDI NA SIYA'Y LALABAS PA DOON: at isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng AKING DIOS, at ang pangalan ng bayan ng AKING DIOS, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa AKING DIOS, at ang aking sariling bagong pangalan.

Gayon ngang si Jesus mismo ang nagsaad ng katotohanang iyan (Apoc 3:12) sa itaas. Madiin niyang wika ay hindi na lalabas pa sa templo ng Dios ang sinomang magtagumpay. Na ang ibig sabihin ay hindi na lalabas pa ng langit ang sinomang magkapalad na makapasok sa dakilang kaluwalhatian na iyon.

Kaugnay niyan ay nakapagtataka, na sa mga araw ng mga gawain at pagsamba ng kapatiran ay sinasabing nagsisibabaan mula sa kaluwalhatian ng langit ang mga kaluluwa, o espiritu ng banal na apostol at ng mga halal na santo ng simbahang katoliko. 

Gayon din ang umano'y espiritu ng mga namatay nating mga kasapi ng kapatirang espiritista. Sila ayon sa walang basehan na pagmamatuwid ng mga espiritista ay kumakatawan umano bilang mga protektor ng bawa't pinaniniwalaan na talaytayan ng mga banal na espiritu.

Hinggil sa usaping iyan ay iniutos ng Dios, na salita lamang ng sariling bibig ni Jesus ang ating pakinggan. Ano't sa kabila niyan, tayo'y tila mga wala sa hustong katinuan na nagsipaniwala at naglagak ng lubos nating tiwala sa matatamis at mabubulaklak na pananalita ng mga kinikilala nating talaytayan ng kapatiran. Na nagsisipagasabing sila'y kinakasihan ng espiritu ng mga namatay na banal ng Dios.

Tungkol diyan ay binigyang diin ng salita na isinatinig ni Jesus, na ang makapasok sa langit ay hindi na lalabas pa doon. Gayon ma’y isang kalakarang pilipit na kaugalian sa kapatiran ng mga espiritista ang paglukob ng mga apostol sa mga medium (talaytayan). Hindi baga sila ay pinaniniwalaan ng lahat na mga nagsipagtagumpay na, kaya nga sila’y nangakapasok na sa kaluwalhatian ng langit. Ano’t ang nangyayari ay tunay namang kabaligtaran sa mga aral na mismo ay sinalita at madiing ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus na dapat sana ay isinasabuhay natin



MGA ANTICRISTO
Gawain lamang ng mga karumaldumal na anti-Cristo ang maghimagsik sa mga aral pangkabanalan na masusumpungan sa dakilang katuruang Cristo. Dahil diyan ay hindi mahirap wikain ng tuwiran, na ang pagiging mapanghimagsik ng kapatirang espiritista sa katuruang Cristo, ay maipasisiyang sila'y kalakip sa bilang ng isang malaking kalipunan ng mga anti-Cristo.



PAGBUBULAGBULAGAN SA KATOTOHANAN
Husto na ang panahon, upang suriin natin ang mga umano'y espiritu na lumuluklok sa mga talaytayan ng kapatirang espiritista, kung mayroon man? Ito na nga ang mga sandali upang basagin natin ang ating KATAHIMIKAN at PAGBUBULAGBULAGAN hinggil sa usaping ito. Sapagka’t ang maliwanag na wika ni Juan hinggil sa paksang ito ay gaya nga ng mga sumusunod.

1JUAN 4 :
1 Mga minamahal, HUWAG KAYONG MAGSIPANIWALA SA BAWA'T ESPIRITU, KUNDI INYONG SUBUKIN ANG MGA ESPIRITU, KUNG SILA'Y SA DIOS: sapagka't maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan.

Kabilinbilinan na huwag magsipaniwala sa mga espiritu. Gayon man ay kabaligtaran ang ginawa ng marami at sila'y nagsipaniwala, naglagak ng lubos nilang tiwala at pananampalataya sa mga nagpapakilalang espiritu. Bakit nga hindi natin subukin ang mga espiritu na umano'y lumuluklok sa mga medium (talaytayan) ng kapatiran? Mula sa mga balidong kadahilanan sa ibaba ay higit sa sapat, upang ang mga nabanggit na espiritu ay suriin natin.

1. Ang turo ni Jesus ay ipangaral ang evangelio ng kaharian, gayon ma’y turo ni Pablo (evangelio ng di-pagtutuli) ang iniaaral ng mga nabanggit na talaytayan at ng mga pinaniniwalaang espiritu.

2. Turo ni Jesus, na ang sinomang makapasok sa langit ay hindi na lalabas pa doon, at bakit pinaniwalaan at tinangkilik natin ang aral hinggil sa paglalabas-pumasok sa kaluwalhatian ng langit ng mga kinikilala nating espiritu ng mga namatay na tao, mga banal man o hindi?

3. Bakit hinahayaan ng espiritu na magdasal ng paulit-ulit (rosaryo) ang kapatiran, gayong ang turo ng sariling bibig ni Jesus ay huwag gagawa ng gayong kasuklasuklam.

4. Hindi kakaunti ang lunduyan o centro nitong unyon ng espiritista na hindi tumatangkilik sa mga larawang inanyuan. Hindi rin kakaunti ang mga lunduyan o centro nitong independiyente na samahang espiritista na isang katerba ang larawang inanyuan na nakaparada sa kanilang mga altar. Ang mga iyon ay lantaran nilang niluluhuran, pinananalanginan, pinaglilingkuran, at sinasamba. 
Hinahayaan ng espiritu na malulong at mabaon ang mga miyembro ng kapatiran sa kasuklamsuklam na pagsamba sa mga larawan (idolatriya) na inanyuan ng mga kamay?

5. Kung tunay na espiritu ang lumuluklok sa mga medium (talatayan) ng kapatiran ay bakit, iba-iba ang patakaran at aral na sinusunod. Tiyak na ang mga iyon ay ayon lamang sa pangsarili at pangpersonal na agenda at mandato ng mga huwad (peke) na medium ng kapatiran? 


6. Kung totoong banal na espiritu nga ang namamagitan sa iba't ibang centro ng kapatirang espiritista sa buong kapuluan ay bakit ang pamunuan at ang hindi kakaunting miyembro nito ay tila mga mababangis na hayop sa ilang na nagsasakmalan araw at gabi. Nariyan ang hindi nila naiwasan na mga demandahan sa korte, dahil lamang sa umano'y maling pamamahala ng mga opisyales, at hindi maipaliwanag ang labis-labis na paggastos ng pondong pera.


7. Madaming paraan sa pagkakakilanlan, kung ang medium ay may espiritu, o wala. Kung may espiritu ay hindi mahirap mapag-alaman kung ang espiritung iyon ay verdadero (totoo) o hindi. Gayon ding, higit na madaling malaman kung ang isang medium (talaytayan) ay nasa kalagayan lamang ng kasuklamsuklam na salagimsim.

(Salagimsim = isang kalagayan na tumutukoy sa pagkukunwari ng isang medium, na siya ay may lukob na espiritu. Ang kaniyang salita at kaniyang galaw ay ayon lamang sa sarili niyang kamalayan at hindi  sa espiritu. Siya nga ay may ganap na malay sa kaniyang pag-akto bilang talaytayan. Ang gawaing iyan ay maliwanag na may kalakip na panlilinlang sa kapuwa. Isang huwad na talaytayan (medium) ang sinoman na nasa ganyang kasuklamsuklam na kalagayan.)


SURIIN ANG MGA TALAYTAYAN (MEDIUM)
Ilan lamang iyan sa hindi kakaunting bagay na nararapat bigyang pansin at pagtuonan ng kaukulang reporma ng buong kapatiran. 

Itigil na muna natin ang kaa-amen sa kanila. Subukin at suriin natin sila, para sa mabuting kapakanan ng kaisaisa nating kaluluwa, Kung iyan ay mapahamak ay wala na nga tayong magagawa pa upang matamo ng sinoman sa atin ang kaligtasan. 

Walang masama na subukin ang mga espiritu na lumuluklok sa mga talaytayan (medium) ng kapatiran kung mayroon man, sapagka’t iyan ang maliwanag na utos, na sila ay subukin, upang makatiyak, kung sila ba ay sa Dios, o sa demonyo.

Alinsunod sa madiing wika ng banal na Espiritu ay iniuutos na suriin at padaanin sa serye ng mga pagsusuri ang mga talaytayan ng kapatirang espiritista ng buong kapuluan. 

Layunin ng programang iyan, na maihiwalay ang tunay na kasangkapan sa mga huwad na kasangkapan. Iyan ay sa pamamagitan ng pagsugpo sa talamak na kalakaran ng kasuklamsuklam na salagimsim ng mga kinikilalang medium (talaytayan) ng buong kapatirang espiritista. Upang makilala kung ang lumuluklok na espiritu sa mga talaytayan, kung mayroon man, ay verdadero o hindi.

ANG HINDI PAGSANG-AYON NG MGA TALAYTAYAN
Ang sinomang medium (talaytayan) na titingnan sa negatibong pananaw ang programa NATING ito ng reporma, o pagbabago ay tiyak na may itinatagong anomalya sa kaniyang sarili, na ayaw niyang malahad sa kapatiran. Gayon din sa sinomang miyembro ng kapatirang espiritista na galit at panunuya ang isusukli sa pagpupunyagi nating ito. Pangkalahatang tanda lamang iyon, na sila'y nakikinabang at nagpapasasa sa pamamayagpag ng huwad at kasuklamsuklam na mga talaytayan ng buong kapuluan. 

O kaya naman, ay nabubuhay siya sa makapal na lambong ng PANATISMO, at sa malawak na laot ng KAMANGMANGAN. Pikit ang mga mata na gaya ng bulag na lumalakad akay ng kapuwa nila mga bulag.




ISANG LAKSANG TALAYTAYAN
Mana pa, ang nabanggit na reporma ay lubos na ikatutuwa ng mga medium (talaytayan) na may espiritu ng katotohanan na lumuluklok sa kaniyang kabuoan. Nguni't saan kaya tayo hahanap sa panahon nating ito ng ganyang kasagradong kalagayan ng isang kasangkapan (talaytayan). Tulad niyan ang paghahanap ng isang karayom na napasama sa gabundok na bunton ng mga dayami. Katotohanang katotohanan na mapalad nang may mapasamang isang totoong talaytayan ng banal na Espiritu sa kalipunan ng isang laksang talaytayan.



ABOT SABI NG LANGIT

Kayong mga umano'y talatayayan (medium) na pikit-matang kinikilala ng kapatirang espiritista ay huwag mangagmapuri sa inyong mga sarili. 

Nasaan talaytayan ang iyong habag at pag-ibig sa iyong mga kapatid, nasaan? Hanggang kailan mo pagmamatigasin ang iyong puso, upang patuloy kang maghimagsik sa natatanging kalooban (kautusan) ng kaisaisang Dios ng langit? 

Hanggang kailan mo maaatim sa iyong sarili ang pagganap mo bilang isang huwad na talaytayan. Sa kasuklamsuklam na gawain mong iyan, nalalaman mo ba na unti-unti ay pinapatay ng iyong kahangalan ang sarili mong kaluluwa.

Nalalaman mo talaytayan, na sa likod ng iyong isipan ay nagsusumigaw at nagpupumiglas ang ikinukubli mong agam-agam sa iyong kabuoan. Harapin mo ang katotohanan, na ang pag-akto mo bilang isang talaytayan ay bunga lamang ng kasuklamsuklam na salagimsim ng iyong hibang na kaisipan. 

Sa iyo ang tinig at gayon din sa iyo ang salita na lumilinlang at nagpapahamak sa kaluluwa ng mga walang muwang mong mga kapatid. Sapagka't sila'y nangaglagak ng lubos nilang tiwala sa lahat ng iyong mga kasinungalingan at pagkukunwari. Huwag mong kaladkarin ang kaawa-awa nilang kaluluwa sa tiyak na kapahamakan.

Ito na ang hustong sandali talaytayan, upang iwan mo ang kasuklamsuklam sa paningin ng Dios na gawaing iyan. May natitira ka pang mga sandali, upang magbalik loob sa kaisaisang Dios ng langit. Iyan ay sa pamamagitan ng pagtangkilik at pagsasabuhay ng dakilang Katuruang Cristo, at ng masigla at may galak sa puso na pagsunod sa mga dalisay na kautusang Cristo. 

ITO ANG KATURUANG CRISTO

Suma atin nawa ang patuloy na pagpapala ng kaisaisang Dios ng langit, na mga biyayang tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay.

Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento