Huwebes, Nobyembre 16, 2017

ESPIRITISMO NG KATURUANG CRISTO

Layunin ng abot-sabi na ito ng banal na Espiritu, na ipakita ng maliwanag ang Espiritismo alinsunod sa mga balumbon nitong Tanakh ng kaisaisang Dios ng langit. Iyan ay upang maunawaan ang lubhang malaking kaibahan nito sa espiritismo, o espiritualismo na nakalapat sa samo’t saring lokal na kaugalian at personal na interpretasyon ni Allan Kardec. 


Hindi upang gibain, o lansagin ang matibay na paninindigan ng sinoman na naniniwala sa kaniya. Kundi sa layuning ipakita ng maliwanag sa lahat ang kaisaisang dako, na kung saan ay masusumpungan ang perpektong kaayusan at dakilang balanse ng Dios, iyan sa makatuwid ang ESPIRITISMO NG KATURUANG CRISTO.

Mula sa sariling bibig ng Cristo ay masigla niyang ipinahayag ang mga sumusunod na salita, na sinasabi,

JUAN 14 :
12  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ANG SA AKIN AY SUMAMPALATAYAAY GAGAWIN DIN NAMAN NIYA ANG MGA GAWANG AKING GINAGAWA; at LALONG DAKILANG MGA GAWA KAY SA RITO ANG GAGAWIN NIYA, sapagka’t ako’y paroroon sa Ama.

Maliwanag ngang nasasaad sa Juan 14:12, na ang sinoman ay maaaring tularang gawin ang anomang nasaksihan ng marami na ginawa ng kaniyang kabuoan. Ano pa’t nakakamangha at nakakabigla na malaman mula sa sariling bibig ng Cristo, na higit pa sa mga dakilang gawa na nasaksihan ng marami sa kaniya ang maaaring gawin ng sinomang kasusumpungan ng husto at wastong pananampalataya sa Dios.

Anu-ano nga ba ang mga ginawa ni Jesus na matuwid gawin ng bawa’t isa sa atin, upang mapatunayan na tayo nga ay sumasampalataya sa Espiritu ng Dios na nasa kalooban at kabuoan ng Cristo nang panahong iyon?

Una nga dito ay ang mayabong at masayang pagtalima niya sa kautusan, gaya ng nasusulat.

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

JUAN 14 :
31  Datapuwa’t upang maalaman ng sanglibutan na ako’y umiibig sa Ama, at ayon sa KAUTUSANG IBINIGAY SA AKIN NG AMA, AY GAYON DIN ANG AKING GINAGAWA. Magsitindig kayo, magsialis tayo rito.

Sa mga talatang iyan ay hindi maikakaila, na itong si Jesus ay hindi kailan man naging mapanghimagsik sa kautusan (Torah) ng kaisaisang Dios ng langit. Bagkus ay tinupad niya alinsunod sa ipinag-utos ang natatanging kalooban na iyon ng Dios. Dahil diyan ay may kautangan sa larangan ng tunay na kabanalan ang lahat, na gawin din ng may sigla, lakip ang galak sa puso na pagtalima sa kautusan ng Dios.

Ang unang hakban tungo sa tunay na kabanalan sa kalupaan sa madaling salita ay ang pagtalima sa kautusan ng Dios, na siyang higit sa lahat ay matuwid gawin ng sinoman sa kalupaan. Isang napakasagaradong ehemplo, o halimbawa na ginawa ng Cristo, upang ang lahat ay magkamalay, na ang una sa lahat ay ang pagtalima sa natatanging kalooban ng Dios, na lakip ang katarungan, pagkahabag, at pananampalataya (Mat 23:23).

Sa pagpapatuloy ay maluwalhating nagawa nitong si Jesus, na mabighani ang Espiritu ng Dios na mamahay at maghari sa kaniyang kabuoang pagkatao. Bakit? Sapagka’t nauna na niyang nagawa ang pagtalima sa kalooban (kautusan) ng Dios, at dahil doo’y pinadalisay nito ang kaniyang sarili na binubuo ng kaniyang katawan, ng kaniyang kaluluwa, at ng kaniyang Espiritu.


Ang Bautismo ni Juan

Matapos nga na siya ay bautismuhan nitong si Juan sa Ilog Jordan ay gaya ng mga sumusunod ang napakaliwanag na nangyari, 

Mat 3 :
16  At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at NAKITA NIYA ANG ESPIRITU NG DIOS NA BUMABABANG TULAD SA ISANG KALAPATI, AT LUMALAPAG SA KANIYA;

17  At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, ITO ANG SINISINTA KONG ANAK, NA SIYA KONG LUBOS NA KINALULUGDAN.

Gayon ngang binabaan ng Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) itong si Jesus, matapos na siya ay bautismuhan ni Juan sa Ilog Jordan. Mula nga noon, siya ay kinaringgan na ng mga dakilang aral (katuruang Cristo [evangelio ng kaharian]), at nasaksihan sa pamamagitan niya ang mga makapangyarihang gawa ng Dios.

Na sinasabi,

Mat 4 :
23  At nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang EVANGELIO NG KAHARIAN, at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.

Isang katotohanan na walang alinlangang dapat yapusin ng lahat, na itong si Jesus ay naging isang kasangkapan (medium) ng banal na Espiritu. Sa madaling salita ay siya ang kaisaisa at nagtutumibay na halimbawa, o tularan ng isang tunay, huwaran, at matuwid na talaytayan (medium) ng banal na Espiritu. Ang gawa nga niyang iyan ang ginagawa ng mga tunay na talaytayan ng banal na Espiritu.

Ang isa pang napakaliwanag na katotohanan sa usaping ito, gaya ng kalakaran sa Tanakh ay hayagan at tuwiran, na Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) ang gumamit ng kaniyang kabuoang katawan sa kasagsagan ng ministeriyong iyon sa buong sangbahayan ni Israel. Sa gayo’y hindi ang alin mang kaluluwa ng mga namatay na banal, ni ng mga Anghel man, ni ng sinasabi man ni Allan Kardec na mga evolved spirits


Ang katotohanang iyan ay hindi kailan man maitatanggi, ni mapapasinungalingan man ng kahit sino sa kalupaan, sapagka’t iyan ang aktuwalidad ng kaganapang iyon libong taon na ang nakararaan.

Ano pa nga ba ang magiging tugon natin, kundi tularan at gawin din ang ginawa niyang iyon. Na ang Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) lamang ang kaisaisang kabuoan na kailangang mamahay at maghari sa kalooban ng sinoman sa atin. Hindi kaluluwa ng mga namatay na banal, hindi ang kaluluwa ng mga namatay na kasapi ng kapatirang espiritista, ni ng mga anghel man, at lalo ng hindi ang tinatawag ni Allan Kardec na mga evolved spirits.

Huwag nga nating sabihin na imposible ang katotohanang iyan, kundi ay maipasisiyang tayo’y mga talunan, at walang karapatang kamtin ang kaluwalhatian ng Dios sa ating mga sarili. Katamaran, kahinaan, at kamangmangan ang totoong naghahari sa sinomang magsasabi, na hindi maaaring umiral sa sinoman ang eksistensiya, o pangyayari ng mga ginawang iyan ni Jesus.



Espiritismo ayon sa Cristo


Ang Espiritismo ng KATURUANG CRISTO ay lubhang malaki ang kaibahan sa tradisyonal na espiritismo, o espiritualismo nitong si Allan Kardec. Sapagka’t sa KATURUANG CRISTO ay ginagawa ang nasusulat na mga gawa ni Jesus na Cristo, at inaantabayanan ang Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) na mabighani mula sa kalinisan at kadalisayan ng dako (katawan) na maaari niyang pamahayan at pagharian.

Kung lilinawin ay gumaganap ang sinoman sa unang hakbang ng sagradong buhay sa kalupaan, na walang iba, kundi ang pagtalima sa kautusan (Torah) na isa sa tatlong (3) dibisyon ng dakilang Tanakh ng Dios.


Ang Espiritu ay hindi tinatawag, kundi kusang dumarating ng ayon sa katuwiran at pangangailangan ng kaniyang pagka Espiritu ng Dios. Hinihirang niya ang kanino mang malinis na katawan, upang gawin niyang sisidlan ng kaniyang Espiritu na isinugo sa buong kalupaan. Ang tawag sa kanila noon pa mang una at hanggang sa kasalukuyang panahon ay mga “BUHAY NA TEMPLO NG DIOS.”

Ang Dios ay may mga dakilang adhikain sa kapakanan ng sangkatauhan sa kalupaan. Dahil diyan ay may mga plano at plataporma siya na isinasakatuparan sa pamamagitan ng kaniyang mga buhay niyang templo (talaytayan)

Ang mga talaytayan ng dakilang Tanakh ng Dios ay nagsibangon sa pamamagitan ng mga sumusunod na mandato ng kaisaisang Ama ng langit.

Gaya ng napakaliwanag na nasusulat,

DEUT 18 :
18  Aking palilitawin sa kanila ang isang PROPETA sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at AKING ILALAGAY ANG AKING MGA SALITA SA BIBIG NIYA, at KANIYANG SASALITAIN SA KANILA ANG LAHAT NG AKING IUUTOS SA KANIYA. (Amos 3:7)

EXO 4 :
12  Ngayon nga’y yumaon ka, at AKO’Y SASAIYONG BIBIG, AT ITUTURO KO SA IYO KUNG ANO ANG IYONG SASALITAIN.

JER 1 :
Nang magkagayo’y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, INILALAGAY KO ANG AKING MGA SALITA SA IYONG BIBIG.

Espiritu ng Dios mismo ang direktang naglalagay ng salita sa bibig ng kaniyang mga banal na talaytayan (medium) at itinuturo niya sa kanila ang kanilang sasabihin. Hindi sa pamamamgitan ng kaluluwa nitong mga namatay na lingkod ng Dios, hindi sa pamamagitan ng mga anghel, at lalong hindi rin sa pamamagitan ng tinatawag na evolved spirit


"Kundi mula sa direktang salita ng Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) ay nakakamit ng mga tunay na talaytayan (medium) ng Dios ang katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay."


Gayon ngang itong si Jesus ay gaya rin nila, sapagka’t tungkol sa usaping iyan ay masigla niyang sinalita ang mga sumusunod na katuwirang sumasa Dios.


Na sinasabi,

JUAN 10 :
32  Sinagot sila ni Jesus, MARAMING MABUBUTING GAWA NA MULA SA AMA ANG IPINAKITA KO SA INYO; alin sa mga gawang yaon ang ibinabato ninyo sa akin?

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ANG MGA BAGAY NA SA KANIYA'Y AKING NARINIG, ANG MGA ITO ANG SINASALITA KO SA SANGLIBUTAN.

Kapansinpansin ang katotohanang inilalahad ng mga talata sa itaas, na ang panahon ng Ama (age of the Father) ay hindi kailan man mahahalinhan ng ibang kapanahunan. Sapagka't hanggang sa pagbangon ng Cristong si Jesus ay walang ipinagbago ang dakilang kalakaran iyon mula pa sa napakalayong nakaraan. Sapagka't gaya ng sa simula ay ang Ama pa rin ang nagsasalita at gumagawa gamit ang bibig at katawan ng kaniyang mga dakilang talayatayan (medium).


Mula nga sa sagradong balumbon ng Tanakh ay gayong ang Espiritu ng Ama (Espiritu Santo) ang direktang nakikipag-usap sa kaniyang mga Cristong propeta at mga Cristong hari. At sa paglipas ng libong mga taon ay walang ipinagkaiba ang gayong kadakilang kalakaran noong una. 


Winikang panahon ni Moses at Jesus, gayon man ay walang pagkakaiba, sapagka't sa kanikanilang kapanahunan ay Espiritu ng Dios pa rin ang makapangyarihang gumagawa ng kaniyang mga gawa at nagsasalita ng kaniyang mga salita. 


Iyan ay matibay na pinatotohanan nitong Cristong si Jesus, nang kaniyang wikain,




JUAN 12 :
49 Sapagka't AKO'Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; kundi ang AMA na nasa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Juan 15:15, 17:8)


Katotohanan na itinatanglaw ng KATURUANG CRISTO sa isipan at kaunawaan ng sinoman sa kalupaan, na ang pakikipag-ugnayan (communication) ay direkta pa rin mismo sa Espiritu ng Dios gaya ng una. Hindi sa pamamagitan ng kung kani-kaninong kaluluwa na kinasusumpungan ng samo't saring aral na hindi umaayon sa natatanging katuwiran ng kaisaisang Dios ng dimensiyong Espiritu (langit). 

Ang salita ng kabanalan sa makatuwid ay tunay na nagmumula sa Espiritu ng Dios, at hindi galing sa mga umano'y mga espiritu na inilalako ng kapatirang espiritista ng buong kapuluan at ni Allan Kardec.

Ang KAPANAHUNAN NG AMA (Age of the Father) kung gayon ay nananatiling umiiral, mula pa ng simula, at hanggang sa kasalukuyan, gayon din naman sa mga darating pang hindi mabibilang na yugto ng mga panahon. Sa makatuwid nga'y natatatag magpakailan kailan man ang walang hanggang kapanahunan ng Ama. 

Saan man at kailan man din, kung gayon ay hindi umiral ang minamatuwid ni Allan, na Kapanahunan ni Moses (Age of Moses) at ng Anak (Age of the Son), upang sa pamamagitan ng mga iyan ay baguhin ang kalooban ng Dios sa banal Niyang Tanakh

Bawa't saglit , bawa't sandali, bawa't oras, bawa't araw, bawa't linggo, bawa't buwan, at bawa't taon ay kapanahunan nitong Espiritu ng Ama (Age of the Spirit of the Father), na makapangyarihang umiral sa nakaraan, na lumalagi sa kasalukuyan, at patuloy na mananatili sa gayong kasigla at nagtutumibay na kalagayan sa lahat ng mga darating na kapanahunan.

Ang katotohanan na nararapat maunawaan at madama ng lahat hinggil sa usaping ito ay isang gawang kasuklamsuklam sa paningin ng kaisaisang Dios ng langit, na sabihing may panahon si Moses, may panahon si Jesus, at may panahon ang Espiritu. Sapagka't sa ayaw at sa ibig natin ay lilipas ang una at lilipas ang susunod at lilipas ang mga susunod pa etc. 

Sa paglipas ng kapanahunan ni Moses ay nangangahulugan ng pagtatapos ng buong nilalaman ng Torah na unang dibisyon ng Tanakh. Nangangahulugan na tinapos na rin ang Nevi'im at Ketuvim, na pangalawa at pangatlo sa tatlong (3) dibisyon ng Tanakh

Sa pagtatapos ng kapanahunan ng Anak, sa makatuwid ay natapos na din ang salita ng Dios na ipinangaral ng sarili niyang bibig. At sa pagpasok ng kapanahunan ng Espiritu ay wala ng Torah ng Dios, wala ng KATURUANG CRISTO, kundi mga salita na lamang ng kung sinu-sinong kaluluwa ng mga patay ang paniniwalaan ng mga tao.

Hindi ba tayo nangangamba sa maaaring kahinatnan ng pag-aalis na iyan ng Tanakh at KATURUANG CRISTO? Hindi kaya paraan iyan ni Satanas, upang burahin na sa isipan ng tao ang mga salita ng Dios, at paasahin ang lahat sa aral ng kung sinu-sinong talaytayan na nagkukunwaring mga banal? Kung nasa kanila ngang totoo ang katotohanan ay hindi kailangang pawalang kabuluhan ang buong nilalaman ng Tanakh, at ng buong nilalaman ng KATURUANG CRISTO.


Tradisyunal na Espiritismo/Espiritualismo


Kabaligtaran nito, mula sa tradisyunal na espiritismo, o espiritualismo ni  Allan Kardec ay kung sinu-sinong kaluluwa ang sinasabing lumalapat sa katawagang spirit protector. Sa gayo’y iba-iba ang ibinibigay nilang aral, na hayagang naghihimagsik sa KATURUANG CRISTO. Dahil doon ay lalong lumalayo ang marami sa landas ng tunay na kabanalan sa kalupaan. Dulo nito ay pagdurusa at kapahamakan ng kaisaisang kaluluwa ng sinoman.

Ano pa’t sa hidwa at kabaligtarang kalakarang iyan ay tinatawag (conjure) ang kaluluwa ng mga patay, na kung liliwanagin ay paggambala sa pananahimik nila saan mang dako sila namamalagi. Iyan kung gayon ay isang napakamapanganib, o napakapiligrosong naka-ugaliang gawa ng tao. Sapagka’t nandiyan ang hari ng kasinungalingan (Satanas) at ang kaniyang mga diyablo, na patuloy na pinaglalaruan ang mga kaawa-awang tao sa kanilang mga palad. Hindi mahirap sa kaniya at sa kaniyang mga kampon na magpanggap bilang mga banal na Espiritu.

Mula sa kadahilanang iyan ay patuloy ba nating lalabagin ang mahigpit na iniutos ng Dios na magsilayo sa kanila. Sapagka’t nalalaman ng Amang nasa langit, na iyon ay walang kabuluhan pagdating sa tanghalan ng totoong kabanalan. Bagkus iyon ay mga gawang kasuklamsuklam sa kaniyang paningin.





Sino nga ba ang sa atin ay ipadadala ng Dios?


Napakaliwanag na hindi ang kaluluwa ng namatay na mga banal, hindi mga anghel, ni hindi ang ayon kay Allan ay evolved spirit, kundi ang Espiritu lamang na mababasa sa ibaba.

Joh 14:26  - KJV

But the COMFORTER, which is the HOLY GHOST, whom the Father will send in my name, he shall teach you all things, and bring all things to your remembrance, whatsoever I have said unto you. (Juan 14:16-17, Juan 15:26, Juan 16:7)
(Datapuwa't ang MANGAALIW, sa makatuwid baga'y ang ESPIRITU SANTO, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo'y aking sinabi.)

Iyan nga ay mismong sa bibig ng Cristo nagmula, na isang pangakong sa bawa't sandali ay masiglang nagaganap sa kanino mang talaytayan (medium) ng tunay na kabanalan sa kalupaan. Ano't sa kabila ng katotohanang ito'y nakipag-ugnayan ang marami sa kaluluwa ng mga patay at itinuring nilang sila'y kanilang mga protector


O hindi baga nangamatay na lahat ang mga banal ng Dios gaya ng mga propeta at labingdalawang (12) apostol ng Cristo. Hindi nga sila ang mangaaliw, kundi ang Espiritu Santo lamang, na kumakatawan sa Espiritu ng katotohanan, Espiritu ng ilaw, Espiritu ng pag-ibig, Espiritu ng lakas (kapangharihan), Espiritu ng paggawa (paglikha), Espiritu ng karunungang may unawa, at Espiritu ng buhay.

Ang pangalan ng Espiritu Santo ay hindi pangalan ng alin man sa mga propeta ng Dios, ni ng alin man sa pangalan ng labingdalawang (12) apostol, ni alin man sa pangalan ng mga anghel ng Dios, ni alin man sa inilalako ni Allan Kardec na mga evolve spirits. Kundi Siya'y may taglay na sarili niyang pangalan. Siya sa natatangi niyang kabuoan ang kaisaisang protektor ng sinoman na tumatahak sa payak na larangan ng tunay na kabanalan sa kalupaan.


Maliwanag ang winika ng sariling bibig ni Jesus (Juan 14:26), na ang nabanggit na mang-aaliw ang siyang magpapa-alala sa atin ng mga aral (Katuruang Cristo) na noong una ay Kaniyang itinuro sa mga tunay na apostol.

Sabihin nyo nga sa amin, kung ang isa man sa mga talaytayan, ni ng isa man sa umano ay mga kaluluwa na nagsisipagturo sa inyo. Sila baga'y nagturo ng Katuruang Cristo(evangelio ng kaharian), o ang itinuro nila ay yaong Katuruang Gentil na mga aral na nagpapawalang kabuluhan sa nabanggit na sagradong katuruan.

Kung sasabihin nating Katuruang Cristo ang sa atin ay itinuturo nila, ay bakit tila isang tinik sa ating lalamunan ang bawa't salita ng Cristo na nahahain sa hapag na ito ng tunay na kabanalan sa kalupaan. 

Bakit nga higit pa nating pinili at binigyang halaga ang kanilang aral, kay sa mga salita (katuruang cristo) na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo. 

Bakit nga imbis na Katuruang Cristo ang siya nating pakinggan, gaya ng maliwanag na utos ng Ama, ay minabuti natin na higit na bigyang halaga ang personal na opinion ni Allan Kardec hinggil sa usaping ito.

Sa tanglaw ngang iyan ng ilaw ay mapag-unawa sana ng bawa't isa ang katotohanan na kay laon ng niwawalang kabuluhan ng marami sa atin. Huwag tayong palinlang sa mga huwad na talaytayan na nagkukunwaring sila'y kasangkapan ng dakilang mang-aaliw. Huwag nating paniwalaan ang kanilang mga kasinungalingan.


Bigyan nga natin ng higit na timbang at pagdidiin ang katotohanan na masusumpungan sa Katuruang Cristo. Huwag ang tradisyonal na kalakarang espiritismo, at huwag ang mapanghimagsik sa katotohanan na katuruang Kardec.



Mahigpit na kabawalan

Ang kautusan nga na tinutukoy hinggil sa usaping ito ay gaya ng napakaliwanag na mababasa sa ibaba.

Na sinasabi,

Leviticus 19:31 – NIV
“Do not turn to mediums or seek out spiritists, for you will be defiled by them. I am the Lord your God.”
(Huwag ninyong babalikan ang mga talaytayan ni ang mga espiritista, kayo ay mangahahawa sa kanila, ako ang Panginoon na inyong Dios.)

Isaiah 8:19-22 – NIV
“When men tell you to consult mediums and spiritists, who whisper and mutter, should not a people inquire of their God? Why consult the dead on behalf of the living? To the law and to the testimony! If they do not speak according to this word, they have no light of dawn. Distressed and hungry, they will roam through the land; when they are famished, they will become enraged and, looking upward, will curse their king and their God. Then they will look toward the earth and see only distress and darkness and fearful gloom, and they will be thrust into utter darkness.”
(19 At pagka kanilang sasabihin sa inyo, Hanapin ninyo silang nakikipagsanggunian sa mga talaytayan at mga espiritista, na nagsisihuni at nagsisibulong; hindi ba marapat na sanggunian ng bayan ang kanilang Dios? dahil baga sa mga buhay ay sasangguni sila sa mga PATAY? 20  Sa kautusan at sa patotoo! kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila. 21  At sila'y magsisidaan doon, na nahihirapan at gutom: at mangyayari, na pagka sila'y mangagugutom, sila'y mangagagalit, at magsisisumpa alangalang sa kanilang hari at sa kanilang Dios, at ititingala nila ang kanilang mga mukha: 22  At sila'y titingin sa lupa, at, narito, kahirapan at kadiliman, ulap ng kahapisan, at sa salimuot na kadiliman ay itataboy sila.)

Deuteronomy 18:10-11 – NIV
Let no one be found among you who sacrifices their son or daughter in the fire, who practices divination or sorcery, interprets omens, engages in witchcraft, or casts spells, or who is a medium or spiritist or who consults the dead.
(Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway, O umuusal ng salitang mahika, o nakikipagsanggunian sa mga talaytayan, o espiritista, o sumasangguni sa mga patay.)

1 Chronicles 10:13-14 – NIV
Saul died because he was unfaithful to the LORD; he did not keep the word of the LORD and even consulted a medium for guidance, and did not inquire of the LORD. So the LORD put him to death and turned the kingdom over to David son of Jesse.
(Sa gayo'y namatay si Saul dahil sa kaniyang pagsalangsang na kaniyang nagawa laban sa Panginoon, dahil sa salita ng Panginoon na hindi niya iningatan; at dahil naman na siya'y nakipagsanggunian sa talaytayan, upang pagsiyasatan.  At hindi nagsiyasat sa Panginoon: kaya't pinatay niya siya, at inilipat ang kaharian kay David na anak ni Jesse.)

Ang mahigpit na kabawalan ng kaisaisang Dios ng langit na nalalahad sa itaas, ay totoo namang patuloy na niwawalang kabuluhan ng kapatirang Epiritista sa buong kapuluan at sa ibayong dagat. Tila baga pinalalabas nila na higit pa silang matuwid kay sa Ama nating nasa langit na tuwirang nag-utos ng gayon sa atin. 

Hinggil sa maselang usapin na may ganap na kinalaman dito. Hindi baga natin nalalaman, na may kahigpitan na sinalita ng kaisaisang Dios ng langit sa ating lahat ang mga sumusunod na utos?

Gaya ng nasusulat,

KAW 7 :
1  ANAK KO INGATAN MO ANG AKING MGA SALITA, AT IMPUKIN MO SA IYO ANG AKING MGA UTOS,

2  INGATAN MO ANG AKING MGA UTOS(mitsvah) AT MABUHAY KA; AT ANG AKING KAUTUSAN(torah) NA PARANG ITIM NG IYONG MATA.

3  ITALI MO SA IYONG MGA DALIRIIKINTAL MO SA IYONG PUSO.

Kung sinasabi nga natin na tayo ay hindi nabibilang sa mga mapanghimagsik sa mga kautusan ng Ama nating nasa langit. Masigla at may galak sa ating puso na susundin natin, kung ano ang kautusan at payo ng Dios, at iyan ay ang  pag-iwas sa mga nabanggit na huwad na talaytayan at palsipikadong espiritista na nabanggit sa itaas.

Narito, at ang esperitismo ng KATURUANG CRISTO ay kabaligtaran sa espiritismo, o espiritualismo ni Allan Kardec. Kabaligtaran nga rin sa lokal na nakaugaliang espiritismo na nagmula lamang sa sali't saling sabi ng mga nangagpapakilalang haligi ng espiritismo sa buong kapuluan.


Ang Espiritismo ng Katuruang Cristo ay ayon sa mga dakilang katunayang Tanakh na mula sa mga matatapat at banal na kasangkapan (talaytayan), o sisidlang hirang ng Dios. Ang lokal na espiritismo ng ating mga kapuluan ay ayon lamang sa sali't saling sabi at personal na opinyon ni Allan Kardec, na mula sa salita umano ng iba’t ibang espiritu. Iyan ay sa pamamagitan ng hindi kakaunting talaytayan (medium) na nakapanayam (interviewed) lamang niya.


Allan Kardec at Saulo ng Tarsus


Ang taong iyan ay katotohanan na hindi isang talaytayan (medium), kundi isang indibiduwal na observer lamang na tinipon sa ilang aklat ang personal niyang opinyon mula sa mga nalikom niyang pahayag ng mga nakapanayam niyang talaytayan sa Fransiya at kalakhang Yuropa.

Nakakalungkot isipin, na sa kabila ng malabis na paghihimagsik ng katuruang Kardec sa nilalamang katuruang espiritismo ng banal na Tanakh ng Dios. Minabuti pa rin ng marami noong una at hanggang sa ngayon, na tindigan ng matibay ang sarili niyang interpretasyon - mula sa samo’t saring pahayag ng hindi kakaunting talaytayan na na-interview niya.

Gaya ng katuruang Pablo sa kabila ng mahigpit na pagkontra nito sa KATURUANG CRISTO ay ang evangelio ng di-pagtutuli pa rin, na likha niyang aral ang sa ngayon ay minamabuti ng marami na tindigan ng matibay sa kanilang buhay. Palibhasa'y iyan ang itinatanyag na aral nilang mga kaaway ng kaisaisang Dios ng langit.




Ang aral espiritismo ni Allan Kardec 
(sa saling Tagalog)
"Sa Espiritismo, ay walang mga dogma, mga pari, mga kulto, mga rituwal, mga sakramento, mga obligasyon, at pagsamba. Ang Espiritismo ay nabuo sa pamamagitan ng tatlong haligi: SiyensiyaPilosopiya at Moral, Maigting na itinatag sa maka Dios at sa may kahustuhan na pagtuturo ni Jesus. Diyan ay ipinatatalastas na si Jesus ay hindi Diyos, gaya ng maliwanag na ipinahayag ng evangelio*. Kundi espiritu na nasa kalagayan ng isang mataas na antas, na dumating sa sanglibutan upang itaguyod ang espirituwal na pag-unlad ng tao, sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng pag-ibig bilang pangunahing batas."



Sa espiritismo, o espiritualismo nitong si Allan Karded ay walang dogma, mga pari, mga kulto, mga rituwal, mga sakramento, mga obligasyon, at pagsamba.


Kung wala ay bakit sa alin mang lunduyan, o centro ng mga espiritista sa buong kalupaan at sa ibayong dagat ay,

1. Itinuturo ang dogma ng simbahang katoliko. 

2. May tanda ng kasuklamsuklam na kulto sa pamamagitan ng mga orasyones (power words/spells) na iniingatan ng marami sa kapatiran. 

3. May mga rituwal na putong ng bautismo, panggagamot at iba pa. 

4. Itinuturo ang sakramento ng katoliko patungkol kay Jesus na kinikilala nilang Dios. 

5. May mga obligasyones sa iba't ibang uri ng paglilingkod at bayarin (ID etc.). 

6. Higit sa lahat ay may mga pagsamba sa Dios ayon sa dogma ng trinidad. 


Espiritismo nga kaya ang ginaganap ng kapatiran, o ayon lamang iyan sa mga gawa na ibig nilang gawin. Ano nga ang kaibahan niyan sa mga kasuklamsuklam na kaugalian ng mga Gentil, na tanyag sa pagpapawalang kabuluhan sa mga kautusan(torah) ng kaisaisang Dios ng langit?




Turo ni Allan Kardec ay binuo ang Espiritismo sa pamamagitan ng siyensiya, pilosopiya, at moral.


Ang Espiritismo ni Allan Kardec ay binuo alinsunod sa taglay na karunungang likas ng tao, na kung lilinawin ay ayon lamang sa minatuwid batay sa larangan ng makataong siyensia, pilosopiya, at moral. Sa madaling salita, iyon ay hindi kailan man naging dalisay (pure) na kalakarang Espiritu, kundi mula lamang sa personal na opinyon ni Allan Kardec at ng iba niyang mga kasama.

Kaugnay niyan, isa man sa kasapi ng nabanggit na kapatiran ay walang kakayanan na ipaliwanag alinsunod sa anyong lumalarawan sa espirituwalidad ang tinatawag nilang siyensiya, pilosopiya, at moral. Palibhasa'y mula lamang sa karunungang likas ng tao ang mga iyan ay hindi kailan man maaaring ilapat, ni ariin man nitong larangan ng dakilang Espiritismo ng kaisaisang Dios ng langit. Lalo na kung ang gagamitin lamang nilang batayan ay ang personal na opinion ni Allan Kardec at ang pahayag na bungang salagimsim ng mga kinikilala nilang talaytayan.


Ayon pa sa kaniya ay itinatag ang espiritismo sa maka Dios at sa may kahustuhan na pagtuturo ni Jesus


Kung ito ay katotohanan ay bakit saan man at kailan man ay hindi umayon ang Espiritismo ni Allan Kardec sa KATURUANG CRISTO? Halimbawa'y ang "dalawang kapanganakan" (Juan 3:5-7) na madiing pinatotohanan ng Cristo.  Gayon man ay hindi niya iyon sinang-ayunan, bagkus ay "reincarnation" ang kaniyang isinulong na katuruang espiritismo.


Hindi niya itinuro ang Espiritismo ng KATURUANG CRISTO, at sa halip ay ang espiritismo na ayon sa personal niyang pananaw ang itinuro niya sa mga tao. Dahil sa partikular na usaping iyan, ay napakaliwanag na si Allan ay maituturing na isang sinungaling at magdaraya.


Madiing wika ni Allan Kardec, na si Jesus ay hindi Dios gaya ng maliwanag na ipinahayag ng evangelio


Ayon kay Allan Kardec, si Jesus ay espiritu na nasa kalagayan lamang ng isang mataas na antas, na dumating sa sanglibutan upang itaguyod ang espirituwal na pag-unlad ng tao, sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng pag-ibig bilang pangunahing batas.


Gayon man ay hidwa sa turong iyan ang kinikilalang aral ng mga espiritista sa buong kapuluan at sa ibayong dagat. Sapagka't sumasa ilalim sila sa dogma ng simbahang katoliko na tumutukoy sa trinidad ni Constatino.  


Tanyag sa mundo ng mga ispiritista, na ang limang aklat ni Allan Kardec ay ang bibliya ng mga espiritista, gayon man ay hindi kinikilala ng mga Filipino ang aral niya, na nagbibigay diin, na itong si Jesus ay hindi Dios. Sapagka't ang dogma ng simbahang katoliko hinggil sa trinidad ay kinikilala nila ng higit pa kay sa KATURUANG CRISTO. 


Laban sa paniniwala nilang iyan ay maliwanag na pinatototohanan ni Allan Kardec, na ang pagiging tao nitong si Jesus sa likas niyang kalagayan ay malinaw na ipinahahayag ng evangelio na masusumpungan sa bibliya. Mula sa aral niyang iyan ay mahigpit nitong tinututulan ang divinidad o pagiging Dios ni Jesus, sapagka't ang turo niya ay isang espiritu si Jesus na nasa kalagayan lamang ng mataas na antas.


Ano pa't kapag sinunod nila si Allan Kardec ay para na rin nilang giniba ang dogma ni Constantino na tumutukoy sa "Trinidad," sapagka't sa dogmang iyan, si Jesus ay kinikilala na isa sa Dios na kabilang sa pinaniniwalaan nilang tatlong (3) persona ng Dios.


KONKLUSYON 
Ngayon nga, mula sa rayos ng liwanag ay malinaw na nasaksihan ang lubhang malaking pagkakaiba ng espiritismo ni Allan Kardec sa Espiritismo ng Katuruang Cristo

Sa wakas, mula sa kapahayagan ng KATURUANG CRISTO ay nagliwanag ang isang dako na kay laon ng nalalambungan ng hidwa at pilipit na unawa ng marami. 

Lumalabas na ang umiiral na espiritismo, o espiritualismo sa panahon nating ito ay malabis na sumasalungat sa katotohanan, na masusumpungan sa kabuoan ng bibliya. Iyan ay tumutukoy sa mga aral na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo. 

Ang anyo ng tradisyunal na espiritismong iyan ng buong kapuluan ay walang ipinagkaiba sa katuruang Pablo, na kailan man ay hindi umayon sa katotohanan na matatagpuan sa KATURUANG CRISTO.


Ang KATURUANG KARDEC ay base na lahat sa theoretical study, samantalang ang KATURUANG CRISTO ay base naman sa actuality of events (eyewitness account). Sana ay sinaliksik muna ni Allan ang nabanggit na katuruan bago niya inilahad ang kaniyang mga theory. Nang sa gayon ay hindi sana naging taliwas ang kaniyang opinion sa aktuwalidad ng mga pangyayari, mula sa panahong masigla at makapangyarihang namamahay at naghahari sa kalooban ni Jesus ang Espiritu Santo (mang-aaliw).

Tayong lahat ay malayang daanan ang anomang landas na nais nating tahakin sa ating buhay. Gayon man ay wala kaming anomang nakikitang hidwang hakbang, ni pagmamalabis man, kung sa inyo ay ipatanaw man namin ng may maliwanag na tanglaw ang isang matuwid na pilapil, na sa pagkaalam namin ay hindi nyo pa nasusumpungan. Iyan ang matuwid na daan ng KATURUANG CRISTO.

Hindi namin kayo pipilitin na tahakin ang matapat na taluntunang iyan. Ang mahalaga sa ngayon ay inyo ng nasaksihan ang maliwanag na tanawin sa dakong iyan. At gaya ng isang dulang ng pagkain ay maaaring lapitan ano mang sandali ninyo naisan, at kasunod nga niyan ay busugin ang inyong kaluluwa ng mga salita (Evangelio ng Kaharian) na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus at ng mga kasama niyang banal ng Dios

ITO ANG KATURUANG CRISTO na bantog din sa katawagang EVANGELIO NG KAHARIAN, na ayon sa abot-sabi ng banal na Espiritu.

Patuloy na tamuhin ng bawa’t isa ang masaganang biyaya ng kaisaisang Dios ng langit, na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay.

Hanggang sa muli, paalam.


Closely related article:
Espiritismo sa Anyo ng Diyablo - Click here




Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento