Lunes, Oktubre 16, 2017

Mga Isiningit (insertion) na Salita sa Bibliya ng mga Tagapagsaling-wika

Isang napakahalagang kaalamang biblikal na maunawaan mula sa orihinal na kasulatang Hebreo (Old Testament [Tanakh]) at sa tekstong Griego (New Testament), na sa mga kasulatang iyan ay walang mga panaklong (parentheses o bracket), tuldok (period), kuwit (commas), mga panipi (quotation) o tandang pananong (interrogation marks).

Gayon man, nang ang orihinal na textong Hebreo at orihinal na textong Griego ay isalin sa Ingles ay minabuti ng mga tagapagsaling-wika (translator), na ang kanilang salin (translation) ay lagyan ng mga bantas (punctuation marks).

ANG PANAKLONG (PARENTHESIS)
Gaya halimbawa ng panaklong (parenthesis). Ito ay ginamit ng mga tagapagsaling-wika ng bibliya sa layuning bigyan ng akmang sintido o kapanipaniwala na kahulugan at unawa ang teksto (Hebrew/Greek) sa saling Ingles. Ang salitang "parenthesis" ay nagmula sa wikang Griego, na ang ibig sabihin ay "pagpapasok, pagsisingit, o paglalakip (insertion)".

Ang mga nasusulat na pangungusap sa loob ng panaklong (parenthesis) na mababasa sa bibliya (OT/NT), kung gayon ay maliwanag na hindi kabilang sa orihinal na texto. Bagkus ang mga iyon ay mga kauna-unawang paglilinaw lamang ng tagapagsaling-wika (translator), na batay lamang sa pangsarili nilang unawa sa mga salita na isinasalin nila. Iyan ay upang bigyan ng higit na pagka-unawa ang mambabasa sa salin ng texto sa wikang Ingles.

May mga pangyayari na ang tagapagsaling-wika ay namamali ng paglilinaw sa loob ng kaniyang panaklong (parenthesis). Ito’y binibigyan niya ng paliwanag na hindi sinasang-ayunan ng ilang mga talata ng bibliya. Hindi na niya nilawakan pa ang kaniyang pagsisiyasat at pag-aanalisa, upang siya’y makapagbigay ng matuwid at presisyong tala sa loob ng isiningit, o ipinasok niyang panaklong (parenthesis) sa saling-wika.

Ang isang halimbawa nito ay ang pangungusap na nasa loob ng panaklong (parenthesis) na mababasa sa nilalaman ng Juan 1:14. Na ang sinasabi ay gaya ng sa apat (4) na matatandang salin ng bibliya na nasa ibaba.


MATANDANG SALING-WIKA SA INGLES
Narito, ang 1599, 1611, 1899, na version ng bibliya sa wikang Ingles, at ang 1905 sa salitang Tagalog.

John 1:14 1599 Geneva Bible (GNV)
14 And that Word was made flesh, and dwelt among us, (and we saw the glory thereof, as the glory of the only begotten Son of the Father) full of grace and truth.

John 1:14 Authorized (King James 1611) Version (AKJV)
14 And the Word was made flesh, and dwelt among us, (and we beheld his glory, the glory as of the only begotten of the Father,) full of grace and truth.

John 1:14 Douay-Rheims 1899 American Edition (DRA)
14 And the Word was made flesh, and dwelt among us, (and we saw his glory, the glory as it were of the only begotten of the Father,) full of grace and truth.

Juan 1:14 Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
14 At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.

Mula sa apat na matatandang salin na iyan ng bibliya ay may pagkaka-isa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng panaklong (parentheses). Na ang ibig sabihin ay hindi kabilang sa isinalin na mga salita ng texto (orihinal na kasulatan) ang lahat ng nilalaman nito maging anomang paliwanag mayroon man ito.

Datapuwa’t sa mga nangagsisunod na version, o salin ng bibliya ay sinadya ng alisin ang mga panaklong (parentheses), upang wala ng pagkakilanlan pa sa anomang tanda, na ang mga iyon ay mula lamang sa pangsariling paliwanag o paglilinaw ng tagapagsaling-wika (translator). Sa gayo’y aakalain ng bumabasa ng talata, na ang mga ito’y lehitimong salin mula sa orihinal na teksto.


Tala ng ilan lamang sa mga makabagong version ng Bagong Tipan ng bibliya na inalisan ng panaklong (Parentheses) ang nilalaman ng Juan 1:14.


1. Amplified Bible (AMP)    -   May dagdag/bawas ng panaklong (parentheses)
2, BRG Bible (BRG)
3. Christian Standard Bible (CSB)
4. Good News Translations (GNT)
5. English Standard Bible (ESB)
6. International Children's Bible (ICB)
7. International Standard Version (ISV)
8. Living Bible (TLB)
9. Modern English Version (MEV)
10. Names of God Bible (NOG)
11. New American Standard Bible (NASB)
12. New International Version (NIV)
13. New Life Version (NLV)
14. New Matthew Bible (NMB)
15. New Revised Standard Version Catholic Edition (NRSVCE)
16. New Testament for Everyone (NTE)
17. Revised Standard Version (RSV)
18. Young's Literal Translations (YLT)
19. At marami pang iba.

ANG PAGKAWALA NG MGA PANAKLONG (PARENTHESES)
May malilinaw na kadahilanan ang mga nagsipagsalin, kung bakit ang mga panaklong (parentheses) ay inalis nila sa mga sina-unang salin ng bibliya.

1.   Kung ang nilalaman ng panaklong ay magiging isang matibay na batayan na umaayon sa pinaniniwalaang doktrinang pangrelihiyon ng tagapagsaling-wika.
2.   Upang palabasin, na ang nilalaman na salita, o pangungusap sa loob nito ay magmukhang mula sa saling-wika na galing sa orihinal na texto (Hebrew/koene Greek).

Wala na ngang iba pang kadahilanan bukod diyan, kung bakit naglaho na parang bula (nawala) ang mga panaklong (parentheses) na makikita sa mga nabanggit na matatandang saling-wika ng kasulatan.  Huwad (counterfiet), o forged (palsipikdo, o imitasyon) ang anomang kasulatan na gaya niyan. 

Hindi nangangahulugan na kung may makitang talata na gaya niyan (Juan 1:14) sa ilang pahina ng bibliya ay maituturing ng mali at hindi na katiwatiwala ang buong nilalaman ng bibliya. Kaya nga higit sa lahat ay ang masusi at bahabahagdang pananaliksik ng kasulatan. Sa layuning makita ang hindi kakaunting mga palsipikadong talata na mababasa sa bibliya.

Ano nga ba ang mga salita sa Juan 1:14 na inalisan ng pagkakakilanlan (parenthesis) sa mga isiningit na pangsariling interpretasyon ng mga tagapagsaling-wika. Halimbawa nito ay ang salin na makikita sa New American Standard Bible 1971 (NASB), na ang sinasabi ay gaya ng mababasa sa ibaba,

John 1:14 New Amercian Standard Bible 1971 (NASB)
14 And the Word became flesh, and dwelt among us, and we saw His glory, glory as of the only begotten from the Father, full of grace and truth.


ANG ORIHINAL NA ANYO NG JUAN 1:14
Narito, at nang alisin ang panaklong (parenthesis) sa nakalahad na talata (Juan 1:14) sa itaas, ay lumabas na tila naging isang napakatibay na katunayang biblikal ang buong nilalaman ng Juan 1:14. Upang direktang tukuyin na walang iba, kundi si Jesus ng Nazaret ang siyang ganap na nilalapatan ng salita (verbo).

Makikita ng napakaliwanag na ito ay hindi umayon at lubhang malaki ang ipinagkaiba sa konteksto nitong 1599, 1611, 1899, at 1905 na mga version, o salin ng bibliya. Malinaw kung gayon, na ang nilalaman ng orihinal na texto mula sa wikang Koene Greek ay gaya lamang nito,

Juan 1:14 Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
14 At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin na puspos ng biyaya at katotohanan.

Ang isiningit (insertion) na pangungusap sa Juan 1:14 ng tagapagsaling-wika na hindi nagmula sa orihinal na texto ay gaya ng nasa ibaba.

(at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama),

Iyan ang napakaliwanag na pagsisingit (insertion), o pagdaragdag ng mga salita, na pangsariling interpretasyon lamang ng mga tagapagsaling-wika na may paniniwalang Dios ang likas na kalagayan ni Jesus. Ano pa’t kung makikita nga naman sa talata ang salitang “bugtong ng Ama” ay hindi na nga pagaalinlanganan pa, na ito ngang si Jesus ng Nazaret ang ganap na tinutukoy sa Juan 1:14.

Maliwanag ang nasusulat sa Juan 1:1 at sa Juan 1:14, na ang mga hindi matutulan na nilalaman ng mga ito ay gaya ng mababasa sa ibaba.

Juan 1 :
1  Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.

Juan 1 :
14  At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.

SIYA, NIYA, KANIYA
Samantala, sa Juan 1:1 ng saling Tagalog ay maliwanag na may tinutukoy na “SIYA”. Samantalang sa Juan 1:14 ay itinuturo, na ang salita ng Dios (verbo) ay nagkatawang tao. Sa kawalan nitong mga isiningit (inserted) na mga salita ay ipakikilala namin sa inyo ng lubos, ang totoo at tunay na “SIYA, NiYA, at KANIYA,” sa Juan 1:1-4, at ang nagkatawang-tao na salita ng Dios (verbo) na tinutukoy sa Juan 1:14.

Matapos ngang bautismuhan ni Juan itong si Jesus, narito ang sumunod na kaganapan,

Mateo 3 :
16  At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya;

Hindi mahirap unawain, na sa talatang iyan sa itaas ay madiing inilahad ang masiglang pagbaba mula sa kaluwalhatian ng langit nitong Espiritu ng Dios, at paglapag, o pagsanib nito sa kabuoang pagkatao nitong si Jesus ng Nazaret. Gayon ngang sa tuwirang pananalita ay maipasisiyang sa pamamagitan ng bautismo ni Juan sa pagsisisi ng kasalanan ay binabaan at sinaniban nitong Espiritu ng Dios ang kalooban at buong pagkatao ni Jesus.

MATEO 3 :
16  At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at NAKITA NIYA ANG ESPIRITU NG DIOS NA BUMABABANG TULAD SA ISANG KALAPATI, AT LUMAPAG SA KANIYA;

Kaya nga hinggil diyan ay madiing winika ng apostol na si Juan ang mga sumusunod,

JUAN 1 :
14  At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin na puspos ng biyaya at katotohanan.

Hindi nga rin mahirap unawain, na nang si Jesus ay babaan nitong Espiritu ng Dios sa ilog Jordan ay napakaliwanag na iyon ang kaganapan ng pagkakatawang tao ng VERBO. Sapagka't hinggil diyan ay malinaw niyang winika,

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala  na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI, KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO'Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI. kundi ang AMA na TUMATAHAN SA AKIN  ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ANG MGA BAGAY NA SA KANIYA’Y AKING NARINIGANG MGA ITO ANG SINASALITA KO SA SANGLIBUTAN. (Juan 15:15, 17:8)

Maliwanag kung gayon, na ang verbo, o ang salita ng Dios ay mula sa Espiritu ng Dios, na sa panahong iyon ay masiglang namamahay at  makapangyarihang naghahari sa kabuoang pagkatao nitong Cristo ng Nazaret. Ang verbo, o ang salita ng Dios sa makatuwid ay napakaliwanag na hindi si Jesus, kundi ang nabanggit na Espiritu ng Dios

Ang isang katotohanan na nararapat tanggapin ng lahat hinggil sa usaping ito, ay sa pamamagitan lamang ng sariling bibig ng Cristo dumaan, o dumaloy ang salita ng Dios (verbo), na mula sa nabanggit na Espiritu. Na sa natatanging kapanahunang iyon ay masigla at makapangyarihang namamahay at naghahari sa buo niyang pagkatao.

Datapuwa’t kung aalisin ang isiningit na mga salita (insertion) na nabanggit sa saling-wika ng teksto, ay lalabas lamang na ang verbo na itinuturo sa Juan 1:1 at Juan 1:14 ay lumalapat ng lubos sa salita ng Dios, na tumutukoy sa:

1.     Salita ng katotohanan,
2.     Salita ng ilaw,
3.     Salita ng pag-ibig,
4.     Salita ng kapangyarihan,
5.     Salita ng paglikha,
6.     Salita ng karunungan, at
7.     Salita ng buhay.

Isa lamang ang halimbawang nabanggit sa Juan 1:14 sa hindi kakaunting pagsisingit (insertion) ng mga personal na opiniyon ng mga nagsipagsaling-wika. Na mga naging dahilan, kung bakit marami ang napadako at nabitag ng mga hidwang aral pangkabanalan nitong evangelio ng di-pagtutuli. Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin napapag-unawa ng marami ang napakahalagang kaalaman, na nabigyan ng ganap na linaw sa buong nilalaman ng akdang ito.

ANG KAWALANG-MALI NG MGA NILALAMAN NG BIBLIYA
Ang pangkalahatang tradisyon hinggil umano sa kawalang-mali (inerracy) ng Bagong Tipan ng bibliya ay isang mapangahas at padalosdalos na pagmamapuri sa sarili ng sinoman. Sapagka't tila ba napagdaanan na niya ang masusing pag-aaral at bahabahagdang pag-aanalisa nito, kaya niya madiing iginigiit ang kawalang-mali (inerracy) ng nabanggit na kasulatan. Gayong pinatutunayan mismo ng mga iskolar ng bibliya na kilala sa pagiging dalubhasa sa kasulatan. Na ang bibliya ay maraming lakip na di-sinasadya at sinadyang kamalian (dagdag/bawas ng mga salita). Sukat upang tayo'y magsumikap na ito ay masusing pag-ukulan ng husto at wastong pagsisiyasat, bilang isang mahalagang bahagi ng dibdiban at matiyaga na komprehensibong pag-aaral.

Gaya ng sa akdang ito, na nang ang saling-wika (translation) ng bibliya ay dagdagan ng insertion (pagsisingit ng salita, o ng mga salita) na nasa loob ng parenthesis ay gayon ngang nabago na ang konteksto (kahulugan) ng orihinal na kasulatan, palibhasa'y personal na opinyon lamang ito ng tagapagsaling-wika. Lalo na, nang ang insertion ay alisan ng panctuation mark (parenthesis). Ang negatibong resulta nito'y napagkamalan at pinaniwalaan ng mga walang muwang na bumabasa, na ang insertion na dati ay nasa loob ng panaklong (parenthesis) ay bahagi ng orihinal na saling-wika (translation) at kabilang sa mga nilalaman ng orihinal na kasulatan. Yun pala naman ay HINDI, at ang mga iyon ay sinadyang idinagdag lamang nila sa saling-wika (translation).

Dahil diyan ay nadaya baga tayo ng mga bias (hindi patas) na tagapagsaling-wika? Kayo na ang sumagot.

KONKLUSYON:
Natunghayan ng napakaliwanag, na ang nilalaman nitong Juan 1:14, nang alisin ang insertion na tumutukoy sa:

(at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama),

Lumabas ang napakaliwanag na katotohanan, na ang salita ng Dios (verbo) ay hindi kailan man lumapat sa likas na kalagayan ni Jesus, kundi sa Espiritu ng Dios, o sa Espiritu Santo, na bumaba at lumukob sa kaniya, matapos na siya’y bautismuhan ni Juan ng bautismo sa pagsisisi ng kasalanan sa dako ng ilog Jordan.

Ang higit sa dalawang daan (200) na mga insertion sa bibliya na pumapaloob sa panaklong (parentheses) ay maganda ang ipinahihiwatig na layunin. Nguni’t hindi gayon sa ganap na inaasahan ang napatunayan sa akdang ito, kundi isang lantarang paglilihis ng katuwiran na ipinahahayag ng bagong tipan ng bibliya. Sapagka’t ang pagkakakilanlan ng insertion sa pamamagitan ng  mga panaklong (parentheses) ay may kapangahasang inalis, sa layong palabasin na ang insertion ay galing din sa pagsasaling-wika ng tektong Griego sa wikang Ingles. 

Sa makatuwid ay isa lamang ang nilalaman ng Juan 1:14 sa hindi kakaunting lantarang kasinungalingan na inilakip ng mga bias (hindi patas) na tagapagsaling-wika sa bagong tipan ng bibliya. Iyan ay lumalayong dayain ang mambabasa, upang sila’y papaniwalain lamang sa mga kinasusuklaman ng Dios na likhang doktrinang pangrelihiyon, gaya nitong evangelio ng di-pagtutuli, na ang turo ay hindi sang-ayon sa presisyong aral pangkabanalan na ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo.

Bilang pagtatapos sa mahikling akdang ito ay namnamin nga nating mabuti ang mga sunusunod na pangungusap.

"Nang pasimula nga ay umiiral ang salita ng Dios (verbo), at ang salita ng Dios (verbo) ay sumasa Dios, at ang salita ng Dios (verbo) ay Dios


Ang salita ng Dios (verbo) sa simula ay umiral na kasama ng Dios. Sa pamamagitan nitong salita ng Dios (vebo) ay ginawa ang lahat ng mga bagay, at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala ang salita ng Dios (verbo). 

Nasa salita ng Dios (verbo) ang buhay, at ang buhay na iyan ay tumatanglaw sa sangkatauhan. At ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman, ano pa't ito’y hindi napag-unawa ng kadiliman. 

At nagkatawang tao ang salita ng Dios (verbo) na tumahan sa gitna natin, na puspos ng biyaya at katotohanan."
Sa makatuwid baga’y nagkatawang-tao ang salita ng Dios (verbo), na tumutukoy ng ganap sa salita ng katotohanan, salita ng ilaw, salita ng pag-ibig, salita ng kapangyarihan, salita ng paglikha, salita ng karunungan, at salita ng buhay. Na mga bahagi ng Dios na pangkalahatang larawan ng buong sangkatauhan, na walang ipinagkaiba sa wangis ng kaisaisang Dios na sumasa atin.

Kamtin ng bawa’t isa ang mga biyaya ng langit na tagapaghatid ng sinoman sa kaluwalhatian ng Ama nating nasa langit.


Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento