Sabado, Setyembre 16, 2017

PAGSAMBA KAY JESUS

Saved from Randyfriemel.com
Dios nga lamang ba ang sinasamba ng mga tao? O, hindi baga ang mga diosdiosan ay sinasamba din ng mga relihiyoso at nilang mga kasapi nitong kulto ng Satanismo? Sa gayo’y hindi lamang eksklusibo na nauukol sa Dios ang salitang, “samba, o pagsamba,” kundi maaari din itong gamitin at ganap na lalapat sa mga huwad na dios at kay Satanas na siyang hari nitong sukdulan ng kadiliman.

Mula sa tinatawag na bagong tipan ng bibliya ay may mga talata na tila nagbibigay diin sa umano'y ginawang pagsamba ng ilan kay Jesus ng Nazaret, gaya halimbawa ng maliwanag na mababasa sa ibaba,

MATEO 2 :
11 At nagsipasok sila sa bahay, at nangakita nila ang sanggol na kasama ng kaniyang inang si Maria; at NAGPATIRAPA sila at NANGAGSISAMBA sa kaniya.

Courtesy of Pinterest
Ang ginawang pagpapatirapa at pagsamba ng tatlong (3) pantas na lalake ay isang tanda ng pagpupuri sa Dios na lumalang kay Jesus mula sa sinapupunan nitong si Maria. Gayon man ay hindi nangangahulugan na ang sinomang nilalang ng Dios mula sa sinapupunan ng isang ina ay lalapat na rin sa dakilang kalagayan ng isang Dios. Sapagka’t ang buong sangkatauhan maliban kay Adan at Eba ay nagmula sa masigla at makapangyarihang paglikha ng Dios mula sa bahay-batay ng kababaihan. Hindi upang maging Dios pagsilang sa maliwanag, kundi upang tawagin at gumanap sa kalupaan bilang "tao", o "anak ng tao".



ANG PANGATLONG KAPARAANAN NG DIOS SA PAGLALANG

Patotoo ng istansang iyan sa itaas ay ang nagtutumibay na katunayang biblikal sa dakong ibaba na hindi maaaring pasinungalingan ng sinoman, palibhasa’y sinalita ng Dios mula sa sariling bibig ng kinikilala niyang mga banal (Job, Jeremias, at Isaias).

Ang madiin nilang wika ay gaya ng mga sumusunod, na sinasabi,

Job 33 :
NILALANG AKO NG ESPIRITU NG DIOS, at ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa akin ng buhay.

Jer 1 :
Ang salita nga ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
5  BAGO KITA INANYUAN SA TIYAN AY NAKILALA KITA, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita; inihalal kitang propeta sa mga bansa.

Isa 49 :
At ngayo'y sinasabi ng Panginoon na NAGANYO SA AKIN MULA SA BAHAY-BATA  upang maging kaniyang lingkod, upang dalhin uli ang Jacob sa kaniya, at ang Israel ay mapisan sa kaniya: (sapagka't ako'y marangal sa mga mata ng Panginoon, at ang aking Dios ay naging aking kalakasan;)

Isa 44 :
Ganito ang sabi ng Panginoon na LUMALANG SA IYO, at NAGBIGAY ANYO SA IYO MULA SA BAHAY-BATA, na siyang tutulong sa iyo; Ikaw ay huwag matakot, Oh Jacob na aking lingkod; at ikaw Jeshurun, na aking pinili.

Isang katotohanan na matuwid panghawakang matibay ng lahat, na ang tao matapos ang panimulang paglalang sa unang lalake (Adan) at ang pangalawa sa unang babae (Eba) na may kakaibang paraan kay sa una. Kasunod ng una at pangalawa, na mula rin sa kakaibang paraan ng paglalang ay inaanyuan ng kaisaisang Dios ng langit ang kabuoan ng tao (katawan, kaluluwa, at espiritu) sa sinapupunan ng isang ina.

Ang pangatlong (3rd) paraan sa madaling salita ay nagmumula ang paglalang ng Dios, o ng kaniyang banal na Espiritu sa bahay-bata ng isang babae. Maliban kay Adan at Eba, ay maliwanag na katuwiran kung gayon, na ang sangkatauhan ay isang nilikha na inanyuan ng Ama nating nasa langit, o nitong Espiritu Santo sa sinapupunan ng kababaihan (womankind).

Mula sa globo, na munting bahaging ito ng dimensiyong materiya: Ang sangkatauhan na mula sa pangatlong (3rd) proseso ng paglalang na iyan ay lumalapat sa likas na kalagayan ng kataastaasang uri ng nilikha.  Sila nga'y mga lalake at babae na kung tawagin ng kaisaisang Dios ng langit ay "tao," o mga "anak ng tao."

Kaugnay niyan, sa usaping ito ay maliwanag na ang tema ng usapan ay ang pagsamba sa Dios at hindi sa kung kanino pa man. Dahil diyan ay isang napakaliwanag na tanawin ang ginawa ng mga nabanggit na lalake. Na hindi pagsamba patungkol sa sanggol na si Jesus sa kalagayang Dios, kundi sa kaisaisang Dios na lumalang sa kaniya mula sa sinapupunan ng ina niyang si Maria.

Patungkol kay Jesus ay hindi pagsamba sa kaniya ang ginawa ng mga nabanggit na pantas, kundi pagpapahayag ng marangal na pamimitagan sa isang nilalang na nakatalagang gawing sisidlang hirang, talaytayan (medium), o propeta nitong Espiritu ng Dios. Na Siyang mamumusesyon sa kaniya matapos na siya ay bautismuhan ni Juan nitong bautismo sa pagsisisi ng kasalanan, hanggang sa siya ay ibayubay at ipako ng mga Gentil (Romano) sa krus.

Sa usaping ito ay isang hayag na katotohanan, na gaya natin ay nilalang si Jesus ng Espiritu Santo sa sinapupunan ng kaniyang ina. Pagkasilang nga natin, kahi man tayo ay lalang ng nabanggit na espiritu ay hindi Niya tayo itinuntong sa kalagayang Dios, ni tinawag man na Dios. Kundi “tao”, o “anak ng tao” ang sagradong katawagan na nilapatan ng pangatlong (3rd) kaparaanan ng paglalang na ginawa ng kaisaisang Dios ng langit.



ANG ANAK NG TAO
Nakita ang Anak ng Dios sa likas na kalagayang tao, at dahil doon ay sinamba ng dating bulag ang kaisaisang Dios na Siyang Ama ng sangkatauhan.

JUAN 9 :
37 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Siya'y nakita mo na, at siya nga na nakikipagsalitaan sa iyo.
38 At sinabi niya, Panginoon, sumasampalataya ako. At siya'y SINAMBA niya.

Saved from Pinterest
Sa talatang iyan sa itaas (Juan9:37-38) ay maliwanag na tinutukoy ang “Anak ng Dios”, na sa pagdidiin ng talata ay pinag-ukulan ng pagsamba ng isang lalake na dating bulag. Datapuwa’t isang katotohanan na nagtutumibay ang pahayag mismo ng sariling bibig ng Cristo ang mga sumusunod,

Mat 5 :
16  Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang INYONG AMA na nasa langit.

Mat 5 :
45  Upang kayo'y maging mga anak ng INYONG AMA na nasa langit: sapagka't pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap.

MATEO 5 :
48  Kayo nga'y mangagpakasakdal, na gaya ng INYONG AMA sa kalangitan na sakdal.

MATEO 6 :
9  Magsidalangin nga kayo ng ganito: AMA NAMIN na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.

Katuwiran ng langit na hindi kailan man maaaring tanggihan ninoman, na ang kaisaisang Dios ng kaluwalhatian ay walang iba, kundi ang Ama ng sangkatauhan. Saan pa nga ba ang kauuwian, kapag madiing winika ng Cristo, na ang nabanggit na Dios ang siya nating Ama na nasa langit.

Napakaliwanag mula sa mga katunayang biblikal na iyan sa itaas, na ang sangkatauhan, palibhasa’y lalang na lahat ng Espiritu Santo mula sa sinapupunan ng sangkababaihan ay walang alinlangan na pawang mga Anak ng Dios. Gayon man ay hindi kailan man Niya tinawag na mga Dios, kundi mga “tao”, o “mga anak ng tao”.

Dahil sa napakatibay na katunayang iyan, mula sa nilalaman ng Juan 9:37 ay maliwanag na hindi patungkol kay Jesus ang pagsamba na ginawa ng dating bulag, kundi sa kaisaisang Dios ng langit na Siyang sa bahay-bata ng kababaihan ay nilalang ang lahat, maliban kay Adan na nilikha ng Dios mula sa alabok ng lupa, at kay Eba na nilalang mula sa tadyang ni Adan.

Ang Anak ng Dios na binanggit sa Juan 9:37-38 ay hindi kailan man partikular na tumukoy kay Jesus ng Nazaret, bagkus ay sa sangkatauhan na kinabibilangan ng mga tunay na banal ng Dios. Ang sinamba ng dating bulag ay hindi nga si Jesus, sapagka't madiin niyang sinabi, 

Juan 9 :
33  Kung ang TAONG ito'y hindi galing sa Dios, ay hindi makagagawa ng anoman.

Ang dating bulag bilang isang Judio ay katotohanan na sa kaisaisang Dios ng Tanakh sumamba. Sapagka't labag sa katuruang Tanakh ang pagsamba sa tao, maging sa mga idolo, o sa larawan man na ginawa ng mga kamay. Napakaliwanag kung gayon, na ang sinamba ng dating bulag ay hindi ang tao(Jesus) na galing sa Dios, kundi ang Dios na pinanggalingan ng tao na Siyang nagpadilat ng kaniyang mga mata.


ANG PAGSAMBA NG MGA JUDIO AY HINDI SA TAO
Ang kinauwian ng pagsamba ng mga Judio ay hindi nga kay Jesus, kundi sa kinikilala nilang kaisaisang Dios sa kapanahunang iyon sa ngalang  YHVH (Yehovah). Saan man at kailan man ay hindi sumamba ang mga tunay na Judio sa tao, kundi sa kaisaisang Dios lamang na ang pangalan ay masusumpungan sa balumbon ng banal na kasulatan (Tanakh).

Gayon nga rin sa dalawang sumusunod na talata mababasa na si Jesus ay sinamba, 

MATEO 28 :
At narito, sila'y sinalubong ni Jesus na nagsasabi, Mangagalak kayo. At sila'y nagsilapit at niyakap ang kaniyang mga paa, at siya'y SINAMBA.

MATEO 28 :
17 At nang siya'y kanilang makita, ay kanilang SINAMBA siya; datapuwa't ang ilan ay nangagalinlangan.

Saved from Pinterest
Mapupuna sa dalawang (2) talata na iyan sa itaas, na ang tema ay nang si Jesus ay binuhay na ng Dios at bumangon mula sa loob ng lagakang-bato na pinaglibingan sa kaniya. Bago nga iyan, sa labas ng nabanggit na lagakang-bato ay nasumpungan ni Maria si Jesus na buhay at sa kaniya ay maliwanag na sinabi,

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Gayon nga na ibinalita ng babae sa mga kapatid, na si Jesus ay doon pa lamang sa panahong iyon aakyat sa kaniyang Ama na ating Ama, at kaniyang Dios na ating Dios. Kaya nang makita nila si Jesus sa Galilea ay hindi na nga lingid pa sa kanilang kaalaman at unawa ang tungkol sa likas na kalagayan ni Jesus. Una pa diyan, sa kasagsagan pa lamang ng ministeriyo nitong evangelio ng kaharian sa buong sangbahayan ni Israel ay sinabi na niya sa kanila ang mga sumusunod na katotohanan

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ANG MGA BAGAY NA SA KANIYA’Y AKING NARINIG, ANG MGA ITO ANG SINASALITA KO SA SANGLUBITAN. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, ANG TURO KO AY HINDI AKIN, KUNDI DOON SA NAGSUGO SA AKIN. (Juan 15:15)

JUAN 14 :
24 ANG HINDI UMIIBIG SA AKIN AY HINDI TUMUTUPAD NG AKING MGA SALITA: at ANG SALITANG INYONG NARINIG AY HINDI AKIN, kundi sa Amang nagsugo sa akin. (Juan 15:15)

Mula sa mga pagkatitibay na katunayang biblikal na iyan ay balikan muli natin ang mga talata na di-umano’y nagpapahayag ng pagiging Dios ni Jesus, sa kadahilanang siya umano ay sinamba ng mga alagad.

MATEO 28 :
At narito, sila'y sinalubong ni Jesus na nagsasabi, Mangagalak kayo. At sila'y nagsilapit at niyakap ang kaniyang mga paa, at siya'y SINAMBA.

MATEO 28 :
17 At nang siya'y kanilang makita, ay kanilang SINAMBA siya; datapuwa't ang ilan ay nangagalinlangan.

Sa kaliwanagan ng mga salita na may kahustuhang ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo ay katotohanan na ang tinutukoy na sinamba ng mga alagad sa Mateo 28:9 at sa Mateo 28:17 ay klaro na hindi si Jesus, kundi ang Espiritu ng Dios na sa panahong iyon ay masigla at makapangyarihang naghahari sa kaniyang kabuoang pagkatao. Iyan ay sa napakatibay na katunayang si Jesus ay sisidlang hirang (talaytayan, o medium), o propeta ng Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) na bumaba at lumukob sa kaniya matapos ang tinamo niyang bautismo sa pagsisisi ng kasalanan mula kay Juan sa ilog ng Jordan.


SI JESUS AY PROPETA NG DIOS

Si Jesus ay maluwag na tinanggap at ganap na kinilala ng buong sangbahayan ni Israel sa kalagayan ng isang propeta ng Dios.

Gaya ng napakaliwanag na nasusulat,

Mat 13:57  At siya'y kinatisuran nila. Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Walang propeta na di may kapurihan, liban sa kaniyang sariling lupain, at sa kaniyang sariling bahay. 

Mat 21:11  At sinabi ng mga KARAMIHAN Ito'y ang PROPETA, Jesus, na taga Nazaret ng Galilea. 

Mat 21:46  At nang sila'y nagsisihanap ng paraang siya'y mahuli, ay nangatakot sila sa KARAMIHAN, sapagka't ipinalalagay nito na siya'y PROPETA.

Isang nagtutumibay na katotohanan ang kalagayan ni Jesus bilang isang Propeta ng Dios. Dahil diyan ay walang anomang sagrado at balidong kadahilanan ang sinomang Judio na siya ay sambahin sa dakilang kalagayan ng Dios. Sapagka't ang alin mang propeta sa panahon nilang iyon ay ganap na kinikilala ng buong sangbahayanan ni Israel na isang banal ng Dios at hindi Dios na sinasamba at pinagpapatirapaan ng mga tao. 


Nangyari lamang ang gayon hindi upang sambahin ang tao bilang Dios, kundi upang maunawaan natin ng lubos, na sa kabuoan ng tao ay may isa pang karagdagang bahagi na kaisaisang karapatdapat sambahin. Iyan ang Espiritu ng Dios na sa panahong iyon ay masiglang namamahay at makapangyarihang naghahari sa kabuoang pagkatao nitong si Jesus.

Maliwanag kung gayon na ipinakikita ng mga kasulatan, na napakalayo sa katotohanan, na ang sinoman sa mga Judio ay sumamba at magpatirapa sa kapuwa nila Judio, ni sa kanino pa mang tao. Maliban na lamang sa mga Gentil (Romano) at Barbaro na nangagsisisamba sa mga hayop, sa araw, sa buwan, sa anghel, sa demonyo, sa kapuwa nila tao, at sa iba pang mga diosdiosan ng sanglibutan. 

May matibay na paniniwala ang mga dalubhasa sa kasulatan, o silang mga bible scholar, na maliban sa labingdalawang (12) apostol; ang mga nabanggit na nagsisamba kay Jesus sa Mateo 28:9 at sa Mateo 28:17 ay hindi nabibilang sa mga malaking kalipunan ng mga Judio. Kundi sila ay mula sa hindi kakaunting bilang ng mga Gentil (pagano) na nananahan sa kalakhang bahagi ng Israel sa panahong iyon. Iyan ay sa kadahilanan na amin ng nalapatan ng kaukulang hustong unawa sa itaas.

ANG KAHALAGAHAN NG LUMA SA BAGO
Hindi pa naisusulat sa panahong iyon ang tanyag na bagong tipan (NT) ng bibliya. At dahil diyan ay walang anomang sintido, o kadahilanan man, upang gawing patibayang aral ang nabanggit na aklat (NT), pagdating sa mga aral pangkabanalan na noon pa mang una ay masigla ng sinusunod at malayang isinasabuhay ng buong sangbahayan ni Israel

Anomang nasusulat sa aklat na iyan ay walang iba, kundi ang mga nilalaman lamang ng banal na tanakh (OT) ng Dios ang kaisaisang may kapamahalaan sa pagbibigay ng matibay at opisyal na awtentikasyon. Sa madaling salita ay walang alin mang balumbon ng mga banal na kasulatan, na pinagkunan ng mga balido at presisyong patotoo ang bagong tipan, kundi ang lumang tipan (Tanakh) lamang.

Kaya anomang aral na binibigyang diin ng bagong tipan, na hindi sinasang-ayunan ng mga nagtutumibay na katuruang pangkabanalan ng lumang tipan, ay maliwanag na nabibilang sa hindi kakaunting bungkos ng mga hidwa at kasinungalingang aral lamang. Iyan ay mga aral na kung titindigan at isasabuhay ng sinoman ay walang awang kakaladkad sa sarili niyang kaluluwa sa walang pagsalang pagkapahamak at kamatayan.

Sa gayo'y isang kahangalan at kahibangan na wikaing, 

"Ang lumang tipan ay pinalitan na ng bagong tipan." 


Hindi baga nila kailan man naisip, na kung hindi sa mga patotoo ng tinatawag nilang luma ay hindi kailan man kikilalanin ng sangkatauhan ang pinaniniwalaan nilang bago sa ngayon? Sa gayo'y napakaliwanag na ang luma ang kaisaisang nagbibigay buhay sa bago. Kaya't ano kaya ang kaawa-awang kalagayan na kahihinatnan ng bago, kung aalisin ang luma na siyang nag-iisang tagapagbigay ng masiglang buhay at kaisaisang tagapagkaloob ng hindi mapapantayang lakas sa kaniyang kabuoan?

Datapuwa't kung papalaot pa sa dako pa roon ng larangang tumutukoy sa tunay na kabanalan ay hindi kailan man naluma ang tinatawag ng marami na luma, bagkus iyon ay nananatiling bago mula pa sa simula, sa kasalukuyan at sa mga darating pang mga kapanahunan. Binigyan na ng mga naunang artikulo nitong Rayos ng Liwanag ng hustong tanglaw ng unawa ang tungkol sa makontrobesiyal na usaping iyan.


Ano pa't sa kawalan ng unawa sa tinatawag nilang luma, batay sa pinaniniwalaan nilang bago ay napapagkamalang Dios ang tao. Partikular itong si Jesus ng Nazaret, na sa halip na kilalaning isa sa mga banal ng Dios ay padalosdalos na kinilala bilang isang Dios na totoo. Tisod nga sa sinomang hindi binigyang halaga ang kadakilaan ng tinatawag nilang lumang tipan. 



KONKLUSYON
Isang katotohanan na nagtutumibay ang pagkilala ng mga Judio sa kaisaisang Dios ng langit. Sa kapanahunang iyon ng Cristo at ng mga tunay na alagad ay iisa lamang ang aklat ng kabanalan na pinagtitiwalaan ng buong sangbahayan ni Israel. Iyan ay walang iba, kundi ang banal na Tanakh ng Dios. Sa aklat na iyan ay pangalan lamang ng kaisaisang Dios na si YHVH (Yehovah) ang kaisaisang itinuturo na karapatdapat sambahin at wala ng iba pa. 

Kaya naman sa panahon nitong si Jesus gamit ang nabanggit na balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh). Ang pagsamba ng mga Judio ay hindi kailan man nila ibinaling, ni itinuon man kay Jesus, o maging sa kanino mang tao, kundi sa nabanggit na kaisaisang Dios lamang. 

Ang mga naganap na umano'y pagsamba na natatala sa Mat 2:11Juan 9:37Mateo 28:9, at sa Mateo 28:17 ay pawang sa kaisaisang Dios ng langit ganap na tumukoy, at hindi kailan man kay Jesus o sa kanino pa man sa panahon nilang iyon. 

Patungkol kay Jesus, ang naganap sa Mat 2:11 ay napakaliwanag na hindi pagsamba, kundi iyon ay lumalapat lamang sa kilos at salita ng sagradong pamimitagan sa isang banal na nakatalagang maging isang sisidlang hirang nitong Espiritu ng Dios

Patungkol pa rin kay Jesus, sa  Juan 9:37Mateo 28:9at sa Mateo 28:17 ay kilos at salita ng pamimitagan lamang sa isang nilalang na makapangyarihang pinamamahayan at pinaghaharian ng Espiritu ng Dios. Sa tuwirang salita ay wala isa man sa mga Judio na sumamba kay Jesus sa kalagayang Dios, kundi ganap na pagkilala lamang sa kaniya bilang isa sa mga totoong propeta na tumatangkilik, nagtataguyod, nagtatanggol, nangangaral, at sumusunod sa buong nilalaman nitong dakilang Tankah ng kaisaisang Dios ng langit.

Hinggil sa makontrobersiyal na usaping ito, upang mapag-unawa ng husto ay gawin lamang nating isang matibay na panimulang batayan ang katotohanan. Na sa panahon nilang iyon hanggang sa ngayon ay iisang bungkos, o balumbon ng katuruang kabanalan lamang ang pinaninindiganang matibay ng mga Judio. Iyan ay walang iba, kundi ang kabuoan nitong Tanakh ng Dios. Sa gayo'y bakit nga saan man at kailan man ay hindi ipinangaral ng mga Judio, na ang kabuoang nilalaman ng nabanggit na balumbon ng mga banal na kasulatan ay niluma na nitong tinatawag ng mga Gentil na bagong tipan?

Sa katuruang Tanakh, ang pagsamba at banal na pagpupuri ay ukol lamang sa pangalan ng kaisaisang Dios ng langit. Hindi sa tao, o sa alin mang nilalang na masusumpungan sa munting bahaging ito ng dimensiyong materiya.

Isang katotohanan sa silong na ito ng langit, na ang mga tao na nagsisisamba sa kapuwa nila tao, sa mga hayop ng ilang, sa mga bituin ng kalawakan at sa iba pang nilalang ay hindi kailan man ang buong kalahian ng mga Judio, kundi pawang mga Gentil ng sanglibutan lamang.

Ano pa't kung sisipatin sa ibang dako ang usaping ito ay maipasisiyang mga Gentil ang nagsisamba kay Jesus at sa gayo'y hindi kailan man ang mga Judio. Sapagka't sa panahong iyon, sa bawa't bayan ng Israel,  at sa sanglibutan hanggang sa ngayon ay laganap ang kasuklamsuklam na lahing iyan sa paningin ng kaisaisang Dios ng langit. 

Sa pagtatapos ng artikulo ay matuwid na kunan ng mga balidong awtentikasyon, o katiwatiwalang patotoo mula sa lumang tipan (Tanakh) ang alin mang aral na mababasa sa bagong tipan ng bibliya. Sapagka't gaya ng pananampalataya (bagong tipan) na walang gawa ng kautusan (lumang tipan) ay patay sa kaniyang sarili.

Gayon din na patay ang pinaniniwalaang bago, kung aalisin ang tinatawag na luma. Sapagka't makikita ng napakaliwanag sa tinatawag na bagong tipan ang mga patotoo na mula sa pinaniniwalaang lumang tipan. 

Kung iyan ang ginawang panuntunan ng bagong tipan ay matuwid kung gayon na ang anomang kinakailangang awtentikasyon sa mga aral ng bagong tipan ay ang lumang tipan lamang ang kaisaisang maaaring makapagbigay nito, at bukod diyan ay wala ng iba pa.

ITO ANG KATURUANG CRISTO

Kamtin ng bawa’t isa ang biyaya na tumutukoy sa kabanalan, sa pamamagitan ng masagana at walang patid na bugso ng  katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungan, at buhay.


Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento