Sabado, Hulyo 15, 2017

PAANO TAYO NILILINIS NG DIOS

Bago ang lahat ay matuwid na maunawaan ng bawa't isa ang likas na kalagayan ni Jesus ng Nazaret, bilang isang sisidlang hirang (talaytayan) ng kabanalan na sumasa Dios ng langit. Siya'y masiglang pinamahayan at pinagharian nitong Espiritu ng Dios (Espiritu Santo), matapos bautismuhan ni Juan Bautista sa Ilog Jordan nitong bautismo sa pagsisisi ng kasalanan.

Gaya ng napakaliwanag na nasusulat,

Mateo 3 :
16  At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang ESPIRITU NG DIOS na BUMABANG TULAD SA ISANG KALAPATI, at LUMAPAG SA KANIYA; 

Ito ngang si Jesus ng Nazaret ay kinasangkapan nitong Espiritu ng Dios, at mula sa kaluwalhatian ng langit gaya ng isang kalapati, sa ilog ng Jordan ay bumaba at lumapag sa kaniya. Ang Espiritu na nabanggit ay lumukob sa buo niyang pagkatao.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na TUMATAHAN SA AKIN ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan10:30).

Mula nga noon ay madiin na niyang ipinahayag sa buong sangbahayan ni Israel, na sa kabuoan niya ay ang nabanggit na Espiritu ng Dios ang masiglang namamahay at makapangyarihang naghahari sa buo niyang pagkatao, 

At dahil diyan, sa lahat ay madiing ipinag-utos  ng kaisaisang Dios ng langit,

Mateo 17 :
5  Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN. 

Kasing linaw ng kristalinong tubig sa dalisay na batis ang pagkakawika ng Ama, na ang ating pakikinggan ay ang salita (katuruang Cristo) na nangagsilabas mula sa sarili niyang bibig. Bagay na nagkakaloob sa sinoman ng katiyakan sa kaligtasan ng kaluluwa at kapatawaran ng mga kasalanan.

Sa tuwiran at hustong unawa ay hindi tayo nararapat makinig sa ibang evangelio (evangelio ng di-pagtutuli ni Pablo, at sa evangelio ng espiritismo ni Allan Kardec), na ang tanging layunin ay ilihis lamang sa matuwid na landas ng tunay na kabanalan ang sinoman sa kalupaan.

Ano pa't gaya ng napakaliwanag na mababasa sa ibaba ay walang alinlangan, na ang salita (katuruang Cristo) na inilahad niya sa buong sangbahayan ni Israel ay katotohanan na hindi nagmula sa sarili lamang niyang pagmamatuwid, kundi, 

JUAN 17 :
14 IBINIGAY KO SA KANILA ANG IYONG SALITA: at kinapootan sila ng sanglibutan, sapagka't hindi sila taga sanglibutan, gaya ko naman na hindi taga sanglibutan.

Sa kahustuhan at pagiging tiyak ng talatang iyan sa itaas ay madali lamang mapag-unawa, na ang itinurong aral (katuruang Cristo) ng sariling bibig ni Jesus ay walang ibang pinagmulan, kundi sa Ama lamang nating nasa kaluwalhatian ng langit. 

Gaya ng mga napakaliwanag na nasusulat,

JUAN 8 :
28 Sinabi nga ni Jesus. Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

Layon nito na ang lahat ay linisin sa karumihan ng mga kasalanan, gaya ng maliwanag na sinalita nitong s mula sariling bibig ng Cristo Jesus, na ang madiing wika ay gaya ng sumusunod,  

JUAN 15 :
3  Kayo'y MALILINIS na sa pamamagitan ng SALITA (Katuruang Cristo) na sa inyo'y aking SINALITA.

Kaugnay niyan ay matuwid sa paningin ng kaisaisang Dios ng langit, na ang lahat ay magsipanatili sa pagtangkilik, pagtataguyod, pagtatanggol, pangangaral, at pagsunod sa salita (verbo) (katuruang Cristo). Sapagka't sa pamamagitan niyan ay maalis ang ating karumihan at tayo ay maging malinis sa paningin ng kaisaisang Dios ng langit.

Hinggil sa pananatili sa mga SALITA (katuruang Cristo) na masaganang nangagsilabas mula sa sariling bibig nitong si Jesus ng Nazaret ay gaya ng napakaliwanag na mababasa sa ibaba,

JUAN 15 :
 Kung kayo'y magsipanatili sa akin, at ang mga salita ko'y magsipanatili sa inyo, ay hingin ninyo ang anomang inyong ibigin, at gagawin sa inyo.

8  Sa ganito'y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo'y magsipagbunga ng marami;

Ang lahat kung gayon ay nararapat magsipanatili sa taglay na kadakilaan at kabanalan ng SALITA (katuruang Cristo) na mismo ay ipinaangaral ng Cristo. Ano pa't kung ang sinoman sa atin ay hihingin ang anoman nating ibigin ay walang pagsalang makakamit ng sinoman sa atin. Dahil diyan ay kaluwalhatian ng Ama nating nasa langit, na ang bawa't isa sa atin ay maging malinis sa kaniyang paningin at masaganang magsipabunga ng mabuti.

Datapuwa't ang sinoman na hindi manatili sa SALITA (katuruang Cristo) at hayaan ang sarili na mamalagi sa karumihan (evangelio ng di-pagtutuli) ay gaya nga lamang nito ang masaklap na kahihinatnan,

JUAN 15 :
6  Kung ang sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya'y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog.

Tulad lamang iyan ng isang mahigpit na babala ng langit sa sinoman na hindi mananatili sa pagtangkilik, pagtataguyod, pagtatanggol, pangangaral, at pagsunod sa katuruang Cristo. Siya sa madaling salita ay magagaya sa sanga na hindi nagbubunga ng mabuti. Ang mga iyan nga ay pinuputol, tinitipon at kapag nangatuyo na ay inihahagis sa siga at sa gayo'y mabilis na nilalamon ng naglalagablab na apoy.

Kaugnay niyan ay isang katotohanan na hindi dapat ipagsawalang bahala ng sinoman sa atin, na ang katuruang Cristo (evangelio ng kaharian) lamang ang kaisaisang aral pangkabanalan, na siyang pag-asa ng sangkatauhan sa ikaliligtas ng kaniyang kaluluwa at ikapagpapatawad ng kaniyang kasalanan. Hindi ang evangelio ng di-pagtutuli nitong si Pablo, at lalong hindi ang imbento na doktrinang spiritismo nitong si Allan Kardec. Maging ng sino pa man na ang itinuturong aral ay may kaakibat na paghihimagsik sa SALITA (katuruang Cristo) ng sariling bibig ng Cristo.

Poot at masaklap na parusa ng kaisaisang Dios ang matatamo ng sinoman na imbis pagyamanin ang pakikinig sa Katuruang Cristo (evangelio ng kaharian), ay higit pang minabuti ang pagtalima sa mapanghikayat at mapanglinlang na ibang evangelio (evangelio ng di-pagtutuli nitong si Pablo, at evangelio ng katuruang espiritismo nitong si Allan Kardec.)

KONGKLUSYON
Ang salita, o ang verbo ay isang hayag na katotohanan, na tumutukoy ng napakaliwanag sa "katuruang Cristo," na kilala sa katawagang "evangelio ng kaharian." Ang verbo, o ang salita (katuruang Cristo) na kinakatawan nitong Espiritu ng Dios ay tunay na nagkatawang tao, at iyan ay sa pamamagitan ng paninirahan at paghahari nito sa kabuoang pagkatao ng bawa't banal ng Dios na nabuhay sa kalupaan.

Mula sa balidong kadahilanang iyan ay matuwid sa paningin ng Ama nating nasa langit na paglagakan ng lubos nating paniniwala at pananampalataya ang mga salita (katuruang Cristo [evangelio ng kaharian]) na presisyong ipinangaral ng sarili niyang bibig. Sapagka't iyan lamang ang tanging kasangkapan na maaaring gamitin ng bawa't isa, upang mula sa talamak na karumihan ay kamtin niya ang busilak na kalinisan. Na siyang pili at natatanging kalagayan ng sinoman na kinikilala't ikinalulugod ng kaisaisang Dios ng langit.


Kung ang sinoman nga'y nagnanais na maging malinis sa paningin ng kaisaisang Dios ng langit, ay pananatili lamang sa pagtangkilik, pagtataguyod, pagtatanggol, pangangaral, at pagsunod sa katuruang Cristo (evangelio ng kaharian) ang mga payak na bagay ng Dios na iyan ang nararapat niyang gawin. 

Bukod sa mga iyan ay wala ng kailangan pang idagdag at isabuhay na ano pa mang aral pangkabanalan ang sangkatauhan. Sapagka't ang mga iyan ay ang katotohanang tagapaglunsad sa kaligtasan ng kalululuwa at kapatawaran ng mga kasalanan, na mga natatanging behikulo tungo sa buhay na walang hanggan ng kaisaisang kaluluwa ng sinoman sa kalupaan.

ITO ANG KATURUANG CRISTO.

Ang mga biyaya ng langit na tumutukoy ng ganap sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungan, at buhay ay masaganang tinatamo ng sinoman na may kasiglahan at galak sa puso na pagpupunyagi at kasipagan sa larangan ng tunay na kabanalan. Suma bawa't isa nga ang gayong kadakila at banal na kalagayan sa sinoman.

Hanggang sa muli, paalam.


Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento