Sabado, Hunyo 3, 2017

MGA OPINYONG ARAL LABAN SA KATURUANG CRISTO

Sa bibliya ay lakip ang mga aral na tuwirang sinalita ng sariling bibig ng Cristo, na  pinatotohanan nilang mga saksi niyang tototoo. Gayon man nasusulat din diyan ang mga personal na opinion ng mga piling karakter nito. Nariyan din ang mga daya ng kasinungalingan na sa buong akala ng halos lahat ng bumabasa nito ay totoong mula sa inspirayon ng banal na espiritu, o nitong Espiritu Santo.

Kaugnay niyan ay tila pansit malabon na nagkabuholbuhol ang turo ng bibliya. Sapagka’t ang totoong aral ng kabanalan ay lantarang nahaluan na ng mga personal na opinyon mula sa ilan. Gayon din na ang totoong aral ng kabanalan ay napilipit na ng mga kasinungalingan, na mula sa mga turo na nagpapawalang kabuluhan sa mga pangunahing katuruang biblikal, gaya halimbawa ng aral na may kinalaman sa kautusan, panamapalataya, bautismo, likas na kalagayan ni Jesus, kaluluwa, Espiritu, at iba pa.
Sa ikatutuwid niyan ay may mahigpit na pangangailangan, upang maihiwalay ang mga dalisay na aral pangkabanalan sa mga magdarayang aral ng masama. Dahil diyan ay ikinasa sa artikulong ito ang bahabahagdang pagkilala sa tunay at palsipikadong aral, upang ang sinoman ay matukoy kapagdaka ang mga aral na matuwid isabuhay ng sinoman sa kalupaan. At upang ang masamang aral ay tuluyan ng maitapon sa bunton ng mga kasuklasuklam na aral ng mga tampalasan sa paningin ng kaisaisang Dios ng langit.
Dito ay liliwanagin natin, kung papaano makikilala ang tunay na aral ng Dios. Gayon din kung papaano mahahayag sa maliwanag ang hindi kakaunting personal na opinyon ng ilan, na naglilihis sa matuwid na kurso, o landasin tungo sa direksiyon ng mga dalisay na aral ng totoong pagpapakabanal sa kalupaan. Hindi rin maitatago sa akdang ito ang mga likhang katuruan na saan man at kailan man ay hindi sinang-ayunan ng katotohanan na sumasa Dios. Sa madaling salita ay mga kawiliwili at kahikahikayat na mga madadayang aral, na ang nilalayon ay paghimagsikan ang pinaiiral na araling pangkabanalan (Katuruang Cristo) ng Ama nating nasa langit.

Simulan muna nating kilalanin ang mga aral pangkabanalan, na matuwid sa paningin ng kaisaisang Dios ng langit, na tangkilikin, itaguyod, ipagtanggol, ipangaral,  sundin, at isabuhay ng sinoman sa silong na ito ng langit.

Gaya ng mga maliliwanag na nilalaman ng ilang talata sa ibaba. 

Na sinasabi,

JUAN 6 :
10  SINABI NI JESUS, Inyong paupuin ang mga tao. Madamo nga sa dakong yaon. Kaya't nagsiupo ang mga lalake, na may limang libo ang bilang.

MATEO 8 :

22  Datapuwa't SINABI SA KANIYA NI JESUS, Sumunod ka sa akin; at pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay.

JUAN 6 :
32  SINABI NGA SA KANILA NI JESUS, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit; kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit.

Sa mga talata sa itaas ay makikita ng maliwanag, na ang mga saksi na si Mateo at Juan ay nangagpapatotoo sa mga salita na ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo, at iyan ay sa pamamagitan ng mga salita na,

1. Sinabi ni Jesus
2. Sinabi sa kaniya ni Jesus
3. Sinabi sa kanila ni Jesus

Si Mateo at Juan bilang mga saksing totoo nitong si Jesus ng Nazaret ay sa kaparaanang iyan sa itaas pinatototohanan ang kanilang narinig na mga salita mula mismo sa sarili niyang (Jesus) bibig.

Ang kanilang paglalahad bilang mga totoong saksi ay higit na katiwatiwala, kay sa salaysay ng mga hindi nakarinig ng mga salita at nakakita ng mga gawa na siya nilang nasaksihan mula sa kaniya. Sila nga ay tinatawag na mga saksing totoo, na nagsisipagsaysay ng katotohanan na dumaan sa kanilang paningin, pandinig, pang-amoy, panglasa, at pakiramdam. Sa makatuwid ay sa mga panuntunang iyan nakikilala ang tunay na saksi sa anomang naging kaganapan saan man at kailan man.

Gaya ng mga sumusunod na pagbibigay ng hustong unawa sa usaping ito.

1. Ang anyo at hugis ng alin mang bagay ay ang aktuwal na batayan ng ating paningin.
Ang sinoman na nakakita ng agila na dumagit ng sisiw ay mailalahad ang pangyayari, kung paano nito naagaw ang sisiw mula sa piling ng inahing manok ng ayon sa kaniyang nakita. 

2. Ang aktuwal na tunog ang batayan ng ating pandinig.
Ang sinoman na nakarinig ng malalakas na pagsabog ay maihahayag kung ilang ulit naganap ang gayon at kung gaano kalakas ang mga pagsabog na iyon. Maisasalaysay niya ang pangyayaring iyon ayon sa aktuwalidad na kaniyang narinig. 

3. Ang halimuyak ng anomang bagay mabango man o hindi ay ang aktuwal na batayan ng ating pang-amoy.
Ang sinoman na nakalanghap ng mabangong bagay ay maisasaysay, kung ang amoy bagang iyon ay halimuyak ng isang bulaklak, pabango, o maaari niyang maihalintulad sa amoy ng isang prutas, o halamang gulay. 

4. Ang aktuwal na lasa ng anomang bagay ay ang batayan ng ating panlasan.
Ang sinoman na nakalasa ng kakaibang pagkain ay maaari niyang sabihin kung ang nalasahan baga niya ay matamis, maalat, matabang, mapakla, o mapait. O mailalahad niya kung ito ay lasa ng isang pagkain, o gamot. 

5. Ang aktuwal na temperatura ang batayan ng ating pakiramdam.
Ang sinoman na nakadama sa kaniyang kabuoan ng dumaang hangin sa kaniyang dako ay masasabi niya, kung iyon ay mainit, malamig, o katamtaman lamang (hindi mainit at hindi malamig). 

Ang tao ay alinsunod sa mga sintidong (senses) iyan nagiging katiwatiwalang saksi, sapagka’t sa partikular na pangyayari, o kaganapan ay nangyari na nandoon siya, at malaya niyang saksihan, madinig, maamoy, malasahan, at madama ang realidad na siyang aktuwalidad ng kaganapan na kinaroroonan niya.

Ganyan din ang mga tunay na apostol ng Cristo, sa humigit kumulang na tatlong (3) taon na kanilang pinagsamahan ay nakita, nadinig, nalasahan, naamoy, at nadama nila ang mga katotohanan ng kaganapan na kanilang pinag-daanan sa piling ng Cristo mula sa kasagsagan ng panahong iyon.

Ano man sa makatuwid ang mga naging pangyayari sa loob ng tatlong (3) taon ay iyon ang realidad, o katotohanan na pinatutunayan ng lima (5) nilang sintido (senses). Tungkol sa salita ay pinatotohanan nila bilang mga tunay na saksi ang mga turo ng kabanalan (evangelio ng kaharian) na siyang ipinangaral ng sariling bibig ng Cristong si Jesus. Iyan nga ay walang iba, kundi ang Katuruang Cristo.

Hindi nang dahil sa nasusulat sa bibliya ay maituturing na sinasang-ayun na ng katotohanan. Ang sinomang nagnananais na makasumpong ng katotohanan ay matuwid sa kaniya na analisahin ang kaniyang binabasa, kung ito baga ay aktuwal na turo ng Cristo, personal na opinyon ng mga saksi, o mga kasinungalingang aral lamang na walang anomang awtentikasyon ng mga salita na hayagang ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo.



1. Ang Una (1) sa bilang ay ang pahayag mismo ng nakakita, nakarinig, nakalasa, naka-amoy, at nakaramdam. Ang mga sinalita ng Cristo, mula sa mga saksi niyang totoo.

HALIMBAWA:

JUAN 15 :
27  At KAYO NAMAN AY MAGPAPATOTOO, sapagka't KAYO'Y NANGAKASAMA KO BUHAT PA NANG UNA.


MATEO 8 :
22  Datapuwa't SINABI SA KANIYA NI JESUS, Sumunod ka sa akin; at pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay.

JUAN 8 :
42  SINABI SA KANILA NI JESUS, Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako: sapagka't ako'y nagmula at nanggaling sa Dios; sapagka't hindi ako naparito sa aking sarili, kundi sinugo niya ako.

Diyan ay pinatototohanan ng saksing si Mateo at Juan, na ang isinaad nila na mga salita ay nagmula mismo sa sariling bibig ng Cristo. Sa gayo’y binibigyan nila ng diin, na iyon ay kanilang narinig na winika ni Jesus at sa gayo’y sinasaysay nila sa mga tao ang kahustuhan at kawastuan ng kanilang pagkakadinig.

Maliwanag ang wika ng Cristo ayon sa matibay na pagpapatotoo ni apostol Mateo at Juan, na sila nga na mga tunay na alagad ng Dios ay magpapatotoo ng mga salita at gawa, na sinaksihan nila mula kay Jesus ng Nazaret. Katotohanan din na ang dahilan ay nangakasama sila ni Jesus buhat pa noong katatapos pa lamang niyang tuksuhin ng diyablo sa ilang. Sila kung gayon ay kinikilala na mga tunay na saksi sa naganap na ministeriyo sa buong sangbahayan ni Isreal, nitong Espiritu ng Dios na nasa kabuoang pagkatao ni Jesus nang panahong iyon.

Katiwatiwala ang kanilang mga patotoo, sapagka’t hindi lamang sila’y mga saksi, kundi nakasama pa nila ng matagal na panahon ang Cristo, sa mga bayan ng buong sangbahayan ni Israel, na nangangaral nitong Evangelio ng kaharian (katuruang Cristo). Ang mga patotoo nila ay nagagamit bilang mga hustong patibayang aral na tagapaglahad ng katotohanan na sinasang-ayunan ng kaisaisang Dios ng langit.

Sa bibliya ay walang ibang maaaring pagkunan nitong anyo at wangis ng aktuwalidad, o ng realidad na maaaring ituring na katotohanan, kundi ang mga patotoo lamang ng mga tunay na saksi ng Cristo. Sa gayo'y nangunguna sa talaan ng katiwatiwalang katunayang biblikal ang patotoo ng mga nabanggit na saksi (labingdalawang [12] apostol).


2. Ang pangalawa (2) ay ang personal na opinion ng mga saksi, na nagsaysay lamang ng kuwento na ayon sa kanilang haka o palagay na di umano ay naging sanhi, o ugat ng isang kaganapan na kanilang sinaksihan.

HALIMBAWA:

JUAN 3 :
16  Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang BUGTONG NA ANAK, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

At narito pa ang isang personal na opinion ni Juan, na kagaya din ng una, na sinasabi,

1JUAN 4 :
Dito nahayag ang pagibig ng Dios sa atin, sapagka't sinugo ng Dios ang kaniyang BUGTONG NA ANAK sa sanglibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya.

Paano nga ba naging personal na opinion, o hakahaka lamang ni Juan ang pahayag niyang iyan sa mga nabanggit na talata sa itaas? Marahil ay hindi na niya nahintay na bigyang linaw sa kaniyang pagkaunawa nitong Espiritu Santo ang tungkol sa katotohanan na bumabalot sa buong pagkatao nitong si Jesus.

Gayon man ay malinaw ang pagkakawika mismo nitong si Jesus hinggil sa napakaliwanag na likas na kalagayan ng kaniyang kabuoan.

Gaya ng napakaliwanag na nasusulat, na wika ay ayon sa mga sumusunod,

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't PUMAROON KA SA AKING MGA KAPATID, at sabihin mo sa kanila, AAKYAT AKO SA AKING AMA at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Sa gayo'y susugan at ayudahan pa natin ng karagdagang mga matitibay na katunayang biblikal ang buong nilalaman ng nabanggit na talata (Juan 20:17) sa itaas, gaya ng mga sumusunod na talata sa ibaba,

1. AKING AMA NA NASA LANGIT:
MATEO 7 :
21  Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng AKING AMA na nasa langit.

2. INYONG AMA NA NASA LANGIT:
MATEO 7 :
11  Kung kayo nga, bagaman masasama ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang INYONG AMA NA NASA LANGIT na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya?

3. AMA NAMIN NA NASA LANGIT:
MATEO 6 :
9  Magsidalangin nga kayo ng ganito: AMA NAMIN NA NASA LANGIT KA, Sambahin nawa ang pangalan mo.

Napakaliwanag na hindi katotohanan na si Jesus ay bugtong na Anak ng Dios, sapagka’t ayon na rin sa kaniya ay mayroon siyang mga KAPATID, at siya’y aakyat sa sa KANIYANG AMA NA ATING AMA, at KANIYANG DIOS NA ATING DIOS. Bagaman sinabi niyang siya’y mayroong Ama na nasa langit, ay gayon nga ring siya’y nagsaad na tayo ay mayroon ding Ama na nasa langit. Aniya pa’y MAGSIDALANGIN TAYO SA AMA NATING NASA LANGIT.

Tungkol sa Ama na nasa langit ay mapapatotohanan kaya na ang tinatawag ni Jesus na kaniyang Ama ay iyon din ang Ama na wika niya ay Ama din natin? Bukod sa tinatawag na Ama ay may iba pa kayang Dios na nasa kaluwalhatian ng langit?

Hinggil diyan ay may mga talata sa lumang tipan (Tanakh) ng bibliya na higit sa lahat ay makapagbibigay linaw sa mahalagang katanungan na iyan sa itaas. Gaya nga ng napakaliwanag na nasusulat, ay sinabi,

OSEA 13 :
4 Gayon ma’y AKO SI YAHOVAH NA IYONG DIOS, mula sa lupain ng Egipto; at WALA KANG MAKIKILALANG DIOS KUNDI AKO, at LIBAN SA AKIN AY WALANG TAGAPAGLIGTAS.

ISA 44 :
Ganito ang sabi ni YAHOVAH, ng Hari ng Israel, at ng kaniyang MANUNUBOS, na Panginoon ng mga Hukbo, AKO ANG UNA, AT AKO ANG HULI; at LIBAN SA AKIN AY WALANG DIOS.

ISA 45 :
21 .... WALANG DIOS LIBAN SA AKIN, isang GANAP NA DIOS at TAGAPAGLIGTAS; WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

22  Kayo’y magsitingin sa akin at kayo’y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka’t AKO’Y DIOS, at WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

Isang napakatibay na katotohanan ang nilalaman ng ilang talata na iyan sa itaas. Na ang Dios ng langit ay nag-iisang persona lamang sa umiiral niyang likas na kalagayan, at liban sa kaniya ay wala ng iba pang Dios na maaaring kilalanin ng sinoman sa kalupaan, ni sa langit man.

Matuwid kung gayon na panghawakang matibay, na ang Dios ng langit na kinikilala ni Jesus na kaniyang Ama, at ang Dios ng langit na sinasabi niyang Ama din naman natin ay walang pag-aalinlangan na IISA lamang. Sapagka’t sa madiin niyang wika ay "walang ibang Dios liban sa kaniya."

Bilang konklusyon sa bahaging ito ng akda ay lumabas ang katotohanan na ang pahayag ni Juan, na isinaad ng kasulatan sa Juan 3:16 at sa 1Jn 4:9 ay isa nga lamang personal niyang opinion o hakahaka tungkol sa likas na kalagayan ni Jesus ng Nazaret. Sapagka’t si Jesus na ang may sabi at nagbigay diin sa tuwiran at direktang relasyon, o kaugnayan ng sangkatauhan sa kaisaisang Dios ng langit.

Ang kagaya niyan na mga nasasaad sa kasulatan ay maliwanag na hindi nararapat na pagtiwalaan bilang katotohanan. Tayo nga'y maging maingat ng husto sa mga ganyang pahayag sa kasulatan. Parati nating isasa-alang-alang ang matutuwid na turo ng Cristo, at nang sa gayon ay laging ayon sa katuruang Cristo ang titindigan pa nating mga aral pangkabanalan. 

3. Pangatlo (3) ay ang likhang kuwento lamang na walang anomang naging realidad. Sa madaling salita ay pawang mga nilubidlubid at pinagtagnitagni na mga kasinungalingan lamang.

HALIMBAWA:
Sa mga sumusunod na talata ay maliwanag na ipinakikita, na itong si Pablo ay mahigpit na kalaban ng kautusan. Sapagka’t sa kaniyang mga sulat, turo niya'y wala itong anomang kabuluhan, walang kapakinabangan, at inutil sa natatangi nitong layunin.

GAL 3 :
21  ANG KAUTUSAN NGA BA AY LABAN SA MGA PANGAKO NG DIOS? Huwag nawang mangyari: sapagka’t kung ibinigay sana ang isang KAUTUSANG MAY KAPANGYARIHANG MAGBIGAY BUHAY, tunay ngang ang katuwiran ay naging dahil sa KAUTUSAN. (Juan 12:50)

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN.

Ang dalawang (2) talata na iyan sa itaas na mula sa nilalaman nitong evangelio ng di-pagutuli na likha lamang nitong si Pablo ay maliwanag na inaari ng kasinungalingan at pandaraya. Iyan ay personal na opinion lamang ng isang tao na hindi nalalaman ang kaniyang mga sinasabi.

Bakit? Sapagka’t sa Katuruang Cristo na mababasa ng maliwanag sa Evangelio ng kaharian ay hayag na hindi sinasang-ayunan ang partikular na nilalaman ng ibang evangelio na iyan ni Pablo, sapagka’t tungkol sa patutunguhan ng usapin na iyan ay gaya lamang ng maliwanag na matutunghayan sa ibaba, na sinasabi,

 JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Narito ang napakaliwanag na paghahambing ng nabanggit na dalawang (2) magkasalungat na turo (evangelio ng kaharian at evangelio ng di-pagtutuli), na gaya ng langit at lupa ang napakalayong aguwat ng isa’t isa. Na saan man at kailan man ay hindi pinagkasunduan ng magkabilang panig. Gayon man ay tungkulin ng sinoman na piliin sa dalawa (2) ang aral, na kung saan ay kasusumpungan ng tunay na kabanalan sa kalupaan.




KATURUANG CRISTO LABAN SA KATURUANG PABLO

KATURUANG CRISTO
KATURUANG PABLO
JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.




MATEO 5 :.
18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN  (Torah), hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.




MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa MABUTI? May isa, na siyang mabuti: datapuwa't KUNG IBIG MONG PUMASOK SA BUHAY, INGATAN MO ANG MGA UTOS.
GAL 3 :
21  ANG KAUTUSAN NGA BA AY LABAN SA MGA PANGAKO NG DIOS? Huwag nawang mangyari: sapagka’t kung ibinigay sana ang isang KAUTUSANG MAY KAPANGYARIHANG MAGBIGAY BUHAY, tunay ngang ang katuwiran ay naging dahil sa KAUTUSAN. (Juan 12:50)

HEB 7 :
18  Sapagka’t NAPAPAWI ANG UNANG UTOS dahil sa kaniyang KAHINAAN at KAWALAN NG KAPAKINABANGAN.
19  (Sapagka’t ang KAUTUSAN AY WALANG ANOMANG PINASASAKDAL), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling (pananampalataya), na sa pamamagitan nito’y nagsisilapit tayo sa Dios.



Katotohanan alinsunod sa Katuruang Cristo na ang kautusan ay may sapat na kapangyarihan, upang magbigay buhay sa sinomang kaluluwa sa maliit na bahaging ito ng dimensiyong materiya.

Sa higit na ika-uunawa ng paksang ito ay paghambingin nating muli ang napakalaking salungatan ng mga nalalahad na talata sa itaas.


KATURUANG CRISTO
KATURUANG PABLO
1. Ang kautusan ay buhay na walang hanggan. Tuldok man, ni kudlit man ay hindi mawawala sa kautusan.
1. Ang kautusan ay walang kapangyarihang magbigay buhay.



2. Ang kautusan ay mabuti, at ang sinoman na nais magkaroon ng buhay ay nararapat sundin ang kautusan.

2. Ang kautusan ay mahina at walang pakinabang (inutil), at walang anomang pinasasakdal.


Kung tayo ang tatanungin, batay sa pinag-agapay na dalawang (2) turo sa itaas ay sino ang susundin natin, si Jesus ba o si Pablo? Titindigan ba natin na ang kautusan ay inutil, walang kapakinabangan, walang anomang pinasasakdal, at walang kapangyarihang magbigay buhay, o tayo ay tatayo ng matibay sa dako ng katotohanan ng Katuruang Cristo, na ang kautusan ay MABUTI at tagapaglunsad ng sinoman sa KABUHAYANG WALANG HANGGAN.


Ang aral na naghahayag ng katuwiran na sumasa Dios ay napakaliwanag na nagmumula sa evangelio ng kaharian (Katuruang Cristo), at hindi nanggagaling sa evangelio ng di-pagtutuli (katuruang Pablo). Dahil sa malabis na pagsalungat ng turo ni Pablo sa mga aral na ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo ay magaang sabihin na ang taong ito ay isang lehitimo na ANTICRISTO. Ang aral niya sa makatuwid ay bunga lamang ng tuso at madaya niyang kaisipan. Na pawang mga maling hakahaka at mapanlinlang na mga personal niyang opiniyon lamang.

Katotohanan na ang nakahihigit sa mga bilang na iyan sa itaas upang gawing batayan ng katotohanan ay ang una (1st), na mga aral na tuwirang ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo. Iyan ang natatangi sa lahat ay matuwid isabuhay ng sangkatauhan, sapagka't nandiyan ang kaisaisang kaparaanan kung paano ang sinoman ay lulunsad ng maluwalhati sa buhay na walang hanggan ng sarili niyang kaluluwa.

Isang matuwid na payo sa bawa't isa, na pag-ukulan ng hustong tiwala ang Katuruang Cristo, sapagka't ang mga aral na nilalaman niyan ay nagmula sa aktuwalidad ng mga pangyayari na sinaksihan ng mga tunay na apostol ng Cristo.

Ang mga apostol kahi man sila'y pinaniniwalaan na mga kinakasihan ng banal na Espiritu ay napatotohanan mula sa maraming ulit na pagsisiyasat ng kasulatan, na sila'y kinakitaan ng mga pagkakamali sa kanilang itinurong aral sa sangbahayan ni Israel. Iyan ay dahil sa nilapatan nila ng pangsarili lamang nilang papanaw, o opinyon ang sanhi at dahilan kung bakit pumasok sa eksistenisiya ang isang kaganapan, o pangyayari.

Gaya ng ibinabala ng Cristo hinggil sa pagpapatotoo niya sa kaniyang sarili.


JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. 


31 Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTOHANAN.

Gayon ngang napakaliwanag na itong si Jesus ay hindi makagagawa ng anoman sa kaniyang sarili, ano pa't kung siya aniya'y nagpapatotoo mula sa sarili niyang pagmamatuwid, ni opinyon man ay hindi nga katotohanan at magiging kasinungalingan lamang ang patotoo na manggagaling sa sarili niyang unawa mula sa lima (5) pangdama niya. Gayon nga rin ang mga tunay na apostol, na kapag nagpatotoo ng ayon sa personal nilang opinyon ay hindi nga iyon kailan man aariin ng katotohanan na sumasa Dios.

Ito'y isang napakaliwanag na pahayag sa lahat, na ang katuwiran ng Dios ay kailangan na paratingin sa mga higit na kinauukulan na walang labis at walang kulang. Na iyon ay huwag lapatan at dagdagan ng pangsariling pagmamatuwid. Sapagka't gaya ni Juan ay pinangunahan niya ang hatol, na dapat sana ay binayaan niyang mula sa kaluwalhatian ng langit ay malayang dumaloy sa buo niyang unawa.

Hindi niya nahintay ang katotohanang iyan, na si Jesus ay hindi lumapat sa kalagayan ng bugtong na anak ng Dios. Kundi ang tinutukoy na anak ng malayang daloy ng kaunawaan na sumasa Dios ay walang iba, kundi ang sangkatauhan.

KONKLUSYON:
Gayon ngang anomang turo ng mga apostol, o maging ng sinoman na tumatahak sa kaisaisang matuwid na daan ng tunay na kabanalan, kung nagmumula sa kanilang sariling opinyon, o haka bilang patunay ay hindi katotohanan. Nakahihigit bilang katotohanan ang mga aral na malayang sinaksihan ng lima (5) nilang sintido (sense)

Ang turo ni Pablo kung gayon ang aral na higit sa lahat ay dapat iwasan at iwaksi, nang dahil sa malabis na paghihimagsik nito sa dalisay at dakilang Katuruang Cristo. Tanggapin natin ang katotohanan, na ang sinoman na tumatangkilik, nagtataguyod, nagtatanggol, nangangaral, at sumsunod sa aral ni Pablo na isang hayag na anticristo ay gayon nga rin siya na isang anticristo na totoo|.  

Matuwid kung gayon, na anomang pahayag ng sinoman sa bagong tipan ng bibliya ay kunan muna ng kaukulang awtentikasyon mula sa mga salita (evangelio ng kaharian) na siyang nagsilabas mula sa sariling bibig ng Cristo.

BABALA:
Patotoo ng mga tunay saksi, personal na opinyon, at kasinungalingang aral ng mga anticristo ang nilalaman ng bagong tipan ng bibliya. Talasan ang pang-unawa hinggil sa mga bagay na iyan, upang hindi madaya at malagay sa dako ng kapahamakan ang kaisaisa nating kaluluwa.

Iwasan ang alin mang turo ng taong si Pablo (Saul ng Tarsus), na masusumpungan sa labing-apat (14|) niyang sulat, sapagka't ang hatid na aral (evangelio ng di-pagtutuli) niya'y isang napakaliwanag na silo ng tiyak na kapahamakan ng kaluluwa ninoman. Mula sa pangsarili niyang haka ay napakarami sa pupulasyon ng sangkatauhan ang nakaladkad niya sa kamatayan ng kanikanilang kaluluwa.

ITO ANG KATURUANG CRISTO

Patuloy nawang matamo ng bawa't isa ang mga biyaya ng langit na tumutukoy ng ganap sa katotohanan, ilaw, pag-iibig, lakas, paggawa, karunungan, at buhay. 

Hanggang sa muli, paalam.


Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.














Walang komento:

Mag-post ng isang Komento