Linggo, Enero 1, 2017

HANAPIN ANG KAHARIAN AT KATUWIRAN NG DIOS

Sa talata 33 nitong kabanata 6 ng evangelio ni Mateo ay sinabing, 

“Hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”  

Sa gayo’y ano nga ba ang kaharian ng langit na hahanapin natin? Ano nga rin ba ang tinatawag na katuwiran ng kaisaisang Dios na kailangang hanapin ng mga tao sa kalupaan?

Hinggil sa usaping ito’y ayon sa mga sumusunod na pahayag ang mapapalad na nagsitalima sa katuwiran ng Dios at nakasumpong nitong kaharian ng langit.

KAALAMAN AT GAWA NG MGA NAKASUMPONG NG KAHARIAN NG LANGIT

ANG UTOS NG AMA AY BUHAY NA WALANG HANGGAN
JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

ANG MGA TAGAPAGMANA (tupa) NG KAHARIAN
MATEO 25:
33  At ilalagay niya ang mga TUPA sa kaniyang KANAN, datapuwa’t sa KALIWA ang mga KAMBING.

34  Kung magkagayo’y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan.

EZE 34 :
31 At kayong mga tupa ko, na mga TUPA SA AKING PASTULAN ay mga TAO, at ako’y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.

LAYUNIN NG PAGKASUGO SA ESPIRITU NG DIOS NA NA KAY JESUS
MATEO 15 :
24  Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi, HINDI AKO SINUGO KUNDI SA MGA TUPANG NANGALIGAW SA BAHAY NI ISRAEL.

1. Pagbibigay ng buhay sa mga tupa
JUAN 10 :
15 Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga TUPA. (Mat 15:24, Juan 15:13-15)

JUAN 10 :
27 DINIDINIG ng aking mga TUPA ang aking TINIG, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.

28  At sila’y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma’y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinomang sa aking kamay.

2. Paggabay sa mga tupa
JUAN 17 :
9  Idinadalangin ko sila: HINDI ANG SANGLIBUTAN ANG IDINADALANGIN KO, kundi yaong mga SA AKIN AY IBINIGAY MO; sapagka’t sila’y iyo; (Mat 15:24)

NALALAMAN NG MGA TUPA ANG PANGALAN NG KANILANG PASTOR
JUAN 17 :
6  Ipinahayag ko ang iyong PANGALAN sa mga TAO (tupa) na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: (Mat 18:20) sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin; at TINUPAD NILA ANG IYONG SALITA. (Mat 15:24)

Napakaliwanag ayon sa mga dakilang talata mula sa dakong itaas, na ang kaharian ng langit ay masusumpungan matapos na ang sinoman ay maluwalhating makasunod sa kautusan ng Dios. Mga tupa lamang na tumutukoy sa mga anak ng pagsunod (tao) ang may karapatan na kamtin ang buhay na walang hanggan sa kaluwalhatian ng langit. Ang Espiritu ng Dios na nasa kalooban at kabuoan nitong si Jesus ay hindi naparito upang pawalang bisa, ni palitan o baguhin man ang kautusan. Bagkus ang pagbaba Niya (Espiritu ng Dios) sa lupa mula sa kaluwalhatian ng langit sa layuning iyon ay pagtibayin, at gawin ang kautusan na katiwatiwalang behikulo (sasakyan) ng kaluluwa tungo sa nabanggit na demensiyon ng Espiritu (langit).

Sila na mga nagnanasang masumpungan ang kaharian ng Dios sa makatuwid ay hindi gayon kahirap gaya ng iniisip ng marami. Sapagka't ang masigla at may galak sa  puso lamang na pagtangkilik at pagsunod sa kautusan ang tanging gagawin ng sinoman. Gayon man ay ginarantiyahan mismo ng kaisaisang Dios ng langit, na ang pagtupad sa kautusan ay hindi tulad sa iniisip ng marami na mahirap sundin, kundi ang lahat ng iyon ay magaan lamang isabuhay ng sinoman sa silong na ito ng langit.

Gaya ng napakaliwanag na binibigyang diin nitong Espiritu ng Dios na nasa kalooban at kabuoan ng Cristo mula sa kapanahunang iyon, na ang wika ay gaya nito,

1 JUAN 5 : 
3 Sapagka’t ito ang PAGIBIG SA DIOS, na ating TUPARIN ANG KANIYANG MGA UTOS: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat.

DEUT 30 :
11  Sapagka’t ang UTOS na ito na aking iniutos sa iyo sa araw na ito, ay HINDI TOTOONG MABIGAT sa iyo, ni MALAYO.

ISA 42 :
21  KINALULUGDAN NG PANGINOON DAHIL SA KANIYANG KATUWIRAN, NA DAKILAIN ANG KAUTUSAN, AT GAWING MARANGAL.

Narito, at ang pagsunod pala sa kautusan ay paglalahad ng pag-ibig sa Kaniya na kaisaisang Dios ng langit. Ang kautusan ng Dios sa tuwirang salita ay magaan lamang. Naka-ugalian na lamang ng mga gentil (pagano) na sabihing mahirap sundin, palibhasa'y hindi sila kailan man kumilala sa mga payak na bagay ng Dios tulad ng nabanggit na kautusan. Giit pa nga ng marami sa kanila ay walang nakaganap, ni nakasunod man sa kautusan. 

Ang isang napakagandang bunga ng pagtalima sa kautusan ay ang sinasabing nalulugod ang Dios sa gayong sagrado na mga gawa. Ang pagsunod sa kautusan kung gayon ay nangangahulugan ng pagdakila sa kataastaasang karangalan nito, bilang nag-iisang nagtutumibay na tuntungan, o hagdan paakyat sa kung saan ay mapayapang masusumpungan ang walang hanggang kaluwalhatian ng Ama nating nasa langit. 


ANG KATUWIRAN NG KAISAISANG DIOS NA NASA LANGIT

1. ANG PAGSUNOD SA KAUTUSAN AY PAGGAWA NG MABUTI
SANT 2 :
8  Gayon man kung inyong ganapin ang KAUTUSANG HARI (pagibig sa Dios), ayon sa kasulatan. IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG SA IYONG SARILI (pagibig sa kapuwa), ay nagsisigawa kayo ng MABUTI.

1 JUAN 2 :
3  At sa ganito’y nalalaman natin na siya’y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang kaniyang UTOS.

1 JUAN 3 :
22  At anomang ating hingin ay tinatanggap natin sa kaniya, sapagka’t, TINUTUPAD NATIN ANG KANIYANG MGA UTOS At ginagawa natin ang mga bagay na kalugodlugod sa kaniyang paningin.

1 JUAN 5 :
2 Dito’y ating nakikilala na tayo’y nagsisiibig sa mga ANAK NG DIOS, pagka tayo’y nagsisiibig sa DIOS at TINUTUPAD NATIN ANG KANIYANG MGA UTOS.

3 Sapagka’t ito ang PAGIBIG SA DIOS, na ating TUPARIN ANG KANIYANG MGA UTOS: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat.

1 JUAN 2 :
4  Ang nagsasabing nakikilala ko siya, at HINDI TUMUTUPAD NG KANIYANG MGA UTOS ay SINUNGALING, at ang KATOTOHANAN AY WALA SA KANIYA.

2. ANG KAUTUSAN AY KATOTOHANAN SA PANINGIN NG DIOS
2 JUAN
4 Ako’y lubhang nagagalak na aking nasumpungan ang ilan sa iyong mga anak na NAGSISILAKAD SA KATOTOHANAN, ayon sa ating tinanggap na UTOS sa AMA.
5  At ngayo’y ipinamamanhik ko sa iyo, Ginang, na hindi waring sinulatan kita ng isang bagong utos, kundi niyaong ating tinanggap nang pasimula, na tayo’y mangagibigan sa isa’t isa.
6  At ito ang pagibig, na tayo’y mangagsilakad ayon sa KANIYANG MGA UTOS,  Ito ang UTOS, na tayo’y mangagsilakad sa kaniya, gaya ng inyong narinig nang pasimula.

JUAN 8 :
32  At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.

3. ANG KAUTUSAN NG DIOS AY SAKDAL
AWIT 19 :
7  Ang KAUTUSAN ng Panginoon ay SAKDAL, na NAGSASAULI NG KALULUWA: Ang patotoo ng Panginoon ay TUNAY, na NAGPAPAPANTAS SA HANGAL.

8  Ang mga TUNTUNIN ng Panginoon ay MATUWID na nagpapagalak sa PUSO: Ang UTOS ng Panginoon ay DALISAY, na nagpapaliwanag ng mga MATA.

9  Ang TAKOT sa Panginoon ay malinis, na nananatili magpakailan man: Ang KAHATULAN ng Panginoon ay KATOTOHANAN, at lubos na MATUWID.                      

4. ANG KATOTOHANAN NG DIOS AY MAGPAKAILAN MAN
AWIT 117 :
2  Sapagka’t ang kaniyang kagandahang loob ay dakila sa atin; At ang KATOTOHANAN ng Panginoon ay MAGPAKAILAN MAN. Purihin ninyo ang Panginoon.

Ang sabi nga’y hanapin muna ang kaharian ng langit at ang katuwiran ng Dios, at ang lahat ng mga bagay ay idadagdag sa iyo. Sa makatuwid nga’y kailangang tuparin ng mga tao ang kautusan ng pagibig sa Dios, at ang kautusan ng pagibig sa kapuwa. Sapagka’t ang mga nabanggit na kautusan ay ginarantiyahan nitong Espiritu ng Dios na namamahay kay Jesus, na lubos ang kakayanang makapaghatid ng sinoman sa buhay na walang hanggan sa kaluwalhatian ng langit.

Isang napakalinaw na tanawin kung gayon, na ang kaligtasan ng kaluluwa, at katubusan ng sala ay ayon, o alinsunod lamang sa natatanging katuwiran ng Dios. Ang katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungan, at buhay ay tanging sa katuruang Cristo lamang nagkakaroon ng eksistensiya, o kaganapan. Maliban diyan ay wala ng anomang uri, o antas pa ng kaalaman, o katuruan na hihigit pa.

Kaugnay niyan ay isang napakalaking kahangalan, kung sasabihin na ang sangkatauhan ay tinubos ng sakripisyo ni Jesus ng Nazaret, na tumutukoy sa pagpapako niya sa krus. Kung gayon nga ay hindi na sana isinalig ng kaisaisang Dios ng langit ang kaligtasan ng kaluluwa at kapatawaran ng kasalanan sa pagtalima, o pagtataguyod ng kautusan (torah), o ang Katuruang Cristo (evangelio ng kaharian), Kung gayon nga ay wala na sanang isa man tao sa kalupaan na nagtataglay pa ng kasalanan, sa kadahilanan na ang lahat ng iyon ay tinubos ng Cristo sa pamamagitan ng pagpapako niya sa krus.

Isa nga ring napakalaking kahibangan, na sabihing may mana tayo na mga kasalanan ng ating mga kanunonunuan at mga magulang. Upang ang mga sala nilang iyon ay pagbayaran ng kanilang mga apo at mga kaapo-apuhan. Sapagka't bilang hindi pagsang-ayon sa pilipit na pangangatuwirang iyan ay madiing winika ng Dios ang katotohanan na hindi maaaring itanggi, ni pasinungalingan ng sinoman sa atin.

Na ang tahasang wika ng kaisaisang Dios ng langit ay ito,

Eze 18 :
20  Ang kaluluwa na nagkakasala, mamamatay: ang anak ay hindi magdadanas ng kasamaan ng ama, o magdadanas man ang ama ng kasamaan ng anak; ang katuwiran ng matuwid ay sasa kaniya, at ang kasamaan ng masama ay sasa kaniya. 

Napakaliwanag na katotohanan kung gayon, na ang kasalanan ng sinoman ay sasa kaniya lamang at hindi sasa kaniyang mga anak. Gayon nga rin, nang si Adan at Eba ay nagkasala ay suma kanila lamang ang kanilang sala at hindi kailan man minana ng kanilang mga anak. Huwag nga tayong magpakahangal na paniwalaan ang pilipit na aral (evangelio ng di-patutuli) na iyan ng taong si Pablo

PAGTATAPOS:
Kung sa pamamagitan nga lamang ng dakilang katuruang Cristo ay masusumpungan na ang kaharian at katuwiran ng kaisaisang Dios ng langit ay wala ng anomang sintido, ni kadahilanan man, upang ang sinoman ay magnais pa na tumiwala sa  kakaibang katuruan, gaya ng Katuruang Pablo, Katuruang Kardec, at iba pa. 

MAHALAGANG PAALALA:
Ang prensipyo, o saligan ng akdang ito ay ganap na nakatuon lamang sa kaisaisa at dakilang Katuruang Cristo (messianic teaching), at hindi sa Katuruang Pablo (Paulinian teaching), kaya isa man sa mga sinulat ng taong iyan ay hindi mababasa sa kabuoan ng mahalaga at kapakipakinabang na babasahing ito.

Patuloy na matamo ng bawa't isa ang katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungan, at buhay.

Hanggang sa muli, paalam.

Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento