Biyernes, Disyembre 16, 2016

Mga Mata na Ukol sa Tatlong Daigdig

Paunawa:
Ang mga sumusunod na pahayag ay pawang mga komentaryo lamang na walang lakip na katunayang biblikal, ni suporta man ng relihiyosong pananaw. Ang lahat ng iyan ay nabuo mula sa isang kamanghamanghang tanawin, na kung saan ay kasusumpungan ng dakilang balanse at perpektong kaayunsan ng kaisaisang dakilang lumikha. Ang akdang ito'y hindi pahayag ng panghihikayat sa sinoman, kundi isang magandang paksa na kiwiliwiling pag-usapan. 

Ang paksang ito'y makatutulong ng malaki sa pagpapaunlad ng ating kaunawaan sa kapayakan ng isang natatanging larangan sa kalupaan na tumutukoy ng ganap sa tunay na kabanalan.



DAIGDIG NG MATERIYA (Material World)

Iyan ang isa sa tatlong daigdig, na kung saan ay kabilang ang bawa't isa sa sangkatauhan. Ang dimension na kung saan ay nananahan ang pysical body (pisikal na katawan) ay ang mundo ng materiya (material world). Diyan ay masiglang umiiral ang unang mata (first eye) na may kakayanan lamang na makita ang materiya at maliban doon ay wala ng iba pang kakaibang mundo na maaaring masaksihan ang matang iyan. Ang pisikal na mata o first eye bagaman dalawa sa bilang ay iisa ang nakikita, kaya iyan ay katotohanan na bilang lamang sa isa, unang mata, o first eye.


Ang mundo (earth) na tinatahanan ng sangkatauhan ay gaya lamang marahil ng isang tuldok, o ng mikroskopikong butil (microscopic particle), kung ikukumpara sa tila walang hangganang kalawakan ng dimensiyong ito ng materiya. Gamit ang mga makabagong higanteng teleskopyo, ang unang mata (first eye) ay may kakayahan na masaksihan ang mga  malalapit at malalayong bahagi ng ating sistemang solar, at maging sa dako na lagpas ng bahagya pa doon. 


DAIGDIG NG PAG-IISIP (Psychic World)

Ang pangalawa ay ang daigidig ng kaisipan (psychic world), na sa pagsilang ng sinoman ay walang anomang laman, at yao'y isang kalawakan na basyo sa kaniyang kalooban at kabuoan. Habang lumalaki, ang isang sanggol ay nakapagtatala at nakapag-iimbak ng iba't ibang ala-ala sa daigdig na iyan ng kaniyang kaisipan, Sa kalaunan, siya ay mag-uumpisang maka-alala ng kaniyang nakaraan. Nandiyan ang ala-ala ng tunog, tinig at salita, ala-ala ng mga larawan, ala-ala ng masama at mabuting pangyayari, at iba pa.



Nandiyan din ang pitong (7) sandigan at batayan ng mga ala-ala;

1. Ang ala-ala ng katotohanan at kasinungalingan, 

2. Ang ala-ala ng dilim at liwanag, 
3. Ang ala-ala ng pag-ibig at galit kasama ang panibugho, 
4. Ang ala-ala ng lakas at kahinaan, 
5. Ang ala-ala ng kasiglahan sa paggawa at katamaran, 
6. Ang ala-ala ng karunungan at kamangmangan, at 
7. Ang panghuli ay ang ala-ala ng masigla niyang kasalukuyang eksistensiya sa daigdig ng materiya.


Lahat ng NAKITA, NAAMOY, NALASAHAN, NADINIG, at NARAMDAMAN ay nakarehistro na lahat sa imbakan ng ala-ala (storehouse of memory) ng sinomang tao na nabubuhay sa kalupaan.



Muli, ang lahat ng iyon ay maaaring mangyari, na sa kalooban ay makita, maamoy, malasahan, madinig, maramdaman. Gayon din na ang anomang nasa loob ng imbakan ng alaala (storehouse of memory) ay maaaring i-project sa  daigdig ng materiya (material world) upang iyong makita, maamoy, malasahan, madinig, at maramdaman. Kaya ang tao ay nagsasabi na sila ay nagkakaroon ng psyschic experience, at di umano ay nakakaranas ng mga hindi pangkaraniwang pangitain, gaya ng tinatawag na multo, white lady, black man, kapre, etc. Gayon din ang hagdan ng kalangitan at pintuan ng langit, at iba pa umanong tanawin na pinaniniwalaang nasa kaluwalhatian ng langit.



Sa larangang espiritismo ng buong kapuluan ay naka-kahon ang katuruan at nakapako sa mga aral na hindi napapag-unawa ang pinagmulan. Ano pa't kung ano ang naka-kahon na mga bagay, kapag binuksan iyon ay wala kang makikitang iba, kundi ang nasa loob ng kahon. Gayon nga rin, na ang mga ala-ala sa imbakan nito (storehouse of memory), kapag binuksan mo ay wala kang makikitang iba, kundi ang mga ala-ala lamang na pumapaloob doon.



Isa pang halimbawa, sa Cristianismo ay si Jesus ang nakikita ng mga nagsasabing sila ay may 3rd eye. Sa Budismo ay si Budha ang nakikita ng mga nagsasabing sila ay may 3rd eye. Sa Hinduism ay si Chrishna ang nakikita ng mga nagsasabing sila ay may 3rd eye. Ang lahat ng iyan ay mga ala-ala na natala at pumaloob sa storehouse of memory, na nakikita nila sa kanilang kalooban kapag nabubuksan ang bahagi ng kaisipan na may kinalaman sa partikular na tanawin, o pangyayaring iyon. Sa lakas ng isip ay nagagawa ng marami na palitawin (i-project) sa labas (daigdig ng materiya) ang anomang image na nasa imbakan ng ala-ala (storehouse of memory) nila, gaya ng larawan ng mga banal, larawan ng mga di banal, na nagsisigalaw na gaya natin, ni ng mga bagay na hindi nagsisigalaw.



Ang mundo ng pag-iisip (pyschic world) ay isang  pribadong daigdig (private world) ng sinoman sa kaniyang kalooban at kabuoan. Siya ang umaaktong dios, o Panginoon doon palibhasa'y siya ang lumikha, o naglagay ng lahat ng nangaroon. At siya rin ang nagiging tagabura at tagapagpanatili ng anomang ala-ala sa kaniyang sariling mundo, Sa higit na malalim na unawa ay ang daigdig na iyan ang tumutukoy sa mundo na ginugunaw ng kaisaisang Dios ng langit.

Ang pribadong daigdig na iyan ay pinagkakamaliang daigdig ng Espiritu (Spirit world), at diyan sa mundong iyan umiikot ang buhay ng sinomang naniniwala na siya ay isang medium, espiritista, o psychic. Ang manatili sa daigdig na iyan ay isang maliwanag na pagkaligaw ng sinoman sa larangan ng tunay na kabanalan. Sapagka't isa man sa nilalaman ng daigdig na iyan ay hindi kailan man dumako sa anyo at wangis ng aktuwalidad, at kailan man din ay hindi naging eksistido, palibhasa'y pawang mga ala-ala lamang. Ang aktuwalidad at eksistensiya ay nangyayari lamang sa daigdig ng materiya (material world), at hindi kailan man sa daigdig ng pag-iisip (pyschic world), na ang lahat ay gaya lamang ng isang ilusyon, o kaya naman ay bilang isang bunga ng mga salagimsim lamang.



Ang sinoman sa kalupaan, partikular sa mga talaytayan (medium) ng kapatirang espiritista ay hindi kailan man nakalabas sa daigdig ng kaisipan (psychic world). Kaya nga nakasanayan ng sabihin na ang mediumship ay walang dakong kinabibilangan, kundi ang PSYCHIC WORLD lamang. Likas na mapaglaro ang isipan at iyan ang larangan na kung saan ay naglalaro ang may kalikutang isip ng sinomang nagsasabing siya ay isang medium

Ang isang katotohanan na hindi maaring itanggi ng sinoman na naniniwala at nagsasabing siya'y isang medium (talaytayan) ay ang pagkakaroon niya ng hustong malay habang siya'y naka-akto, o habang sa kaniya umano ay nakalukob ang pinananaligan niyang banal na espiritu. 

Ang pagkakaroon ng hustong malay sa rituwal na iyan ay isang napakaliwanag na tanda na siya (medium) ay hindi kailan man nakalabas sa kahon ng pag-iisip, na kung lilinawin ay ang daigdig ng kaisipan (psychic world). Ano pa't habang gumagana ang isipan ay patuloy din naman na gumagana ang materiyal na limang (5) pangdama (paningin, pang-amoy, pandinig, panglasa, at pakiramdam.

Isang katotohanan sa gayon na ang sinasabing pakikipag-ugnayan ng mga tao (gamit ang kanilang isip) sa mga yumao o sa mga espiritu (banal man o hindi) ay hindi kailan man lumabas sa kahon ng kaisipan, o  sa daigdig ng kaisipan (psychic world). Ang lahat ng iyan ay kahalintulad lamang ng isang malikmata (mirage), na saan man at kailan man ay hindi sinang-ayunan ng katotohanan na kinikilala nitong kaisaisang Dios ng dimensiyong Espiritu.

Laro nga lamang ng isipan, o salagimsim ang gayon.  Sa pribadong daigdig na ito ng bawa’t isa sa kalupaan ay umiiral ang pangalawang mata (second eye, o ang psychic eye). Kailan man, ang nakikita ng matang iyan ay hindi maaaring makita ng unang mata (first eye), kundi ang pangalawang mata (psychic eye), maliban na lamang kung ang nasa loob (psychic world) niya ay papapasukin niya sa daigdig ng materiya (material world). Ang mata ding iyan ay nagagamit sa panaginip (dream), na kung saan ay isang partikular na dako, na masusumpungan din sa daigdig ng pag-iisip (psychic world).



DAIGDIG NG ESPIRITU (Spirit World)

Ang Espiritu ng Dios ay walang anomang larawan at hugis, o wangis man na gaya ng makikita sa daigdig ng materiya (material world), o maging sa daigdig man ng kaisipan (psychic world). Siya ay hindi materiya, kundi Espiritu. Sinabing siya ay may larawan at wangis, gayon man ay isang napakaliwanag na tanawin, na siya ay larawan at wangis ng KATOTOHANAN, ILAW, PAG-IBIG, KAPANGYARIHAN, PAGLIKHA, KARUNUNGAN, AT BUHAY.


Tayo ay nilikha ayon sa mga larawan at wangis na iyan ng Dios. Kaya nga tayong lahat ay may hustong anyo ng katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay. Ang third eye, o ang pangatlong mata ay nakikita ang mga larawan at wangis na iyan ng Dios. Higit sa mga iyan ay nakikita nito ang dakilang balanse at perpektong kaayusan ng Dios sa kaniyang kaluwalhatian (dimensiyon ng Espiritu). Ang lahat ng iyan ay hindi kailan man maaaring makita ng una at pangalawang mata (first and second eyes), palibhasa ang una ay matang ukol sa materiya, at ang pangalawa ay matang ukol sa mga nilalaman ng kaisipan (psyche). 

Babala:
Huwag panatiliin ang sarili sa daigdig ng isipan (Psychic world), sapagka't iyan ay napakaliwanag na batong katitisuran ng sinoman. Ang nananatili sa daigdig na iyan ay kinakaladkad ang sarili niyang kaluluwa sa tiyak na kapahamakan (second death [dissolution]). Iyan ay dahil sa naikukulong ng sinoman ang sarili niyang kaluluwa sa daigdig, na kung saan ay bunga ng mapaglarong isipan, o salagimsim lamang ang masiglang umiiral. Kailan man ay hindi masusumpungan sa daigdig na iyan ang alin man sa pitong Espiritu ng Dios, ni larawan at wangis man ng dakilang lumikha.


Kamtin ng bawa't isa ang biyaya ng kalangitan na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungan, at buhay.


Hanggang sa muli, paalam.



Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento