Sabado, Oktubre 15, 2016

ANG TANDA NG DIOS AT ANG TATAK NG HAYOP


Isang napakaliwanag na tanawin sa munting bahaging ito ng dimensiyong materiya ang pag-iral ng dalawang puwersa, na kung tawagin ay mabuti at masama. Anomang gawa na lubos ang pagsang-ayon sa natatanging kalooban ng kaisaisang Dios ng langit ay nabibilang sa dako ng mabuti. Kabaligtaran nito ay sa masama, palibhasa’y may kalakip na pagpapawalang kabuluhan, pagsuway at paghihimagsik sa mga batas ng Dios na matuwid sundin ng sangkatauhan.

Ang unang panig na kinatutuparan ng mabuti ay kilala sa tawag na mga anak ng pagsunod, na tumatayo bilang kawan ng Dios. Ang pangalawa ay dumadako naman sa hanay ng masama, na tanyag sa pagiging anak ng pagsuway(nadaya ng masama), at nabibilang sa malaking kalipunan nitong kawan ng diyablo.

Gayon pa man ay higit pa ring napakalaki ang bilang ng mga tao na nadadaya ng pangalawang panig. Iyan ay dahil sa sila’y mahilig magpakunwari at magbalatkayo, na siya nilang kadalubhasaan upang makalinlang ng marami at kaladkarin ang kaluluwa ng sinoman sa tiyak na kapahamakan.

Kaugnay niyan, lingid sa kaalaman ng marami ay may kanikaniyang pagkakakilanlan ang nabanggit na dalawaang hanay, at iyan ay ang tanda ng Dios(mark of God), at ang tatak o selyo ng hayop(seal of he beast). Ano pa’t mula sa husto at tamang pagkakilala sa mga nabanggit na tanda at tatak, ay hindi magiging mahirap na mapag-unawa kung saang hanay ang kinabibilangan ng sinoman sa kalupaan.
Mula sa mga balumbon nitong banal na Tanakh ay madiing winika ng kaisaisang Dios ng langit ang palatandaan sa pagkakakilanlan nitong mga anak ng pagsunod, gaya ng napakaliwanag na nasusulat,

Deu 6 :
6  At ang mga salitang ito, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay sasa iyong puso;
7  At iyong ituturo ng buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.
8  At iyong itatali na pinakatanda sa iyong kamay at mga magiging pinakatali sa iyong noo.

Ang salita ng Dios na iniutos niya sa sangkatauhan ay nasa kanilang mga puso, at ang mga iyon ay itinuturo nila sa kanilang mga anak, kahi man sila’y naka-upo, lumalakad, nakahiga, at nakabangon man. Ang mga iyon ay magsisilbing kautusan na tila nakatali sa mga kamay at nakatatak sa noo, na pinakatanda ng pagiging anak ng pagsunod. Sa madaling salita ay sila ang munting kalipunan ng mga tao na nagtataguyod, tumatangkilik, nagtatanggol, at tumatalima sa mga kautusan ng kaisaisang Ama na nasa langit ng buong sangkatauhan.

Ayon pa rin sa sumusunod na talata ay madiing sinabi ng kaisaisang Dios ng langit,
  
Exo 13 :
9  At sa iyo'y magiging pinakatanda sa ibabaw ng iyong kamay, at pinakaalaala sa pagitan ng iyong mga mata, upang ang kautusan ng Panginoon ay sumaiyong bibig: sapagka't sa pamamagitan ng malakas na kamay, ay inalis ka ng Panginoon sa Egipto.

Ang salita o mga utos ng Dios ay isang pinakatanda sa ibabaw ng kamay ng mga anak ng pagsunod, at ang pagtuturo sa pagtalima sa mga kautusan ay iluluwal ng kanilang mga bibig, sapagka’t sa pamamagitan ng kaisaisang Dios nitong sangkatauhan ay pinalaya Niya sa napakalaon na pagka-alipin ang buong sangbahayan sa karumaldumal ng Egipto.

Tiyak na sasabihin bilang hindi pagsang-ayon ng mga hindi nakaka-unawa, na ang nabanggit na kautusan ay ukol lamang sa labingdalawang lipi o angkan ng Israel. Sa gayo’y hindi sinasakop ng mga kautusang iyan ang lahat ng mga bansa, palibhasa nga’y sa Israel lamang iniutos ng Ama ang Torah (kautusan).

Subali’t hindi gayon ang katuwiran ng Dios, kundi,

Psa 33 :
12  Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon; ang bayan na kaniyang pinili sa ganang kaniyang sariling mana.
13  Ang Panginoon ay tumitingin mula sa langit; KANIYANG MINAMASDAN ANG LAHAT NA ANAK NG MGA TAO;
14  MULA SA DAKONG KANIYANG TAHANAN AY TUMITINGIN SIYA SA LAHAT NA NANGANANAHAN SA LUPA;
15  Siyang naghuhugis ng mga puso nilang lahat, na NAGMAMASID SA LAHAT NILANG MGA GAWA.

Walang alinlangan, na ang kaisaisang Dios ng langit ay nakatuon sa lahat ng tao sa kalupaan, na nabibilang sa hindi kakaunting bansa ng ating mundo. Sa gayo’y walang anomang maidadahilan pa ang mga magdaraya, upang palabasin nila na ang mga kautusan ay ukol lamang sa buong sangbahayan ng Israel.

Mula sa higit na malalim na kahulugan, na hindi sa literal na unawa ng marami. Ang “Israel” ay lumalapat sa simbolismo ng mga anak ng pagsunod, na noon ay napasa-ilalim sa sampung (10) karumaldumal ng mga Egipcio, na kung iisa-isahin at ihahambing sa sampung (10) utos ng Dios ay gaya ng napakaliwanag na mababasa sa ibaba,


ANG TATAK NG HAYOP  SA TAO
(THE SEAL OF THE BEAST)
ANG TANDA NG DIOS  SA TAO
(Mark of God)
1. Ang pagkakaroon ng ibang mga dios.

1. Mayroong kaisaisang Dios lamang.
2. Ang paggawa at pagsamba sa mga likhang larawan (idulo/rebulto) ng mga diosdiosan.

2. Hindi gumagawa ng anomang larawang inanyuan ng mga kamay, upang yukuran, luhuran, at sambahin.

3. Ang pagbanggit sa pangalan ng Dios sa walang kapararakan.

3. Hindi binabanggit ang pangalan ng Panginoong Dios sa walang kabuluhan.

4. Ang pagpapawalang kabuluhan sa mga kapanahunan ng Sabbath.

4. Inaala-ala ang araw ng Sabbath upang ipangilin. 
5. Ang paglapastangan sa Ama at Ina.

5. Iginagalang ang kaniyang ama at ang kaniyang ina.
6. Ang pagpaslang (pagpatay) ng kapuwa.

6. Hindi pumapatay.
7. Ang pangangalunya (pakikiapid).

7. Hindi nangangalunya.
8. Ang pagnanakaw.

8. Hindi nagnanakaw.
9. Ang pagsaksi ng kasinungalingan laban sa kapuwa.

9. Hindi sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kapuwa.

10. Ang pagiimbot sa asawa ng iba at anomang pagaari ng kapuwa.

10. Hindi iniimbot ang asawa ng kaniyang kapuwa, ni ang anoman niyang pag-aari.

Sa una ay pinalaya ng kaisaisang Dios ng langit ang buong sangbahayan ng Israel  mula sa malaon na pagka-alipin nito sa kamay ng paraon ng Egipto. Sila’y pinalaya Niya doon sa pamamagitan ng lingkod ng Dios na si Moses

Sa pangalawang pagkakataon ay pinalayang muli ng Dios ang nabanggit na sangbahayan, at iyan ay sa pamamagitan ng sampu (10) Niyang utos. Ano pa’t ang sinoman na tumalima sa mga nabanggit na kautusan ay maliwanag na sa kaniya ay walang pagsalang makakalag ang mahigpit na pagkakabigkis ng mga nabanggit na karumaldumal ng mga Egipcio.

Ang katawagang Egipto, sa isang banda ay gayon din na lumalapat sa isa pang simbolismo na tumutukoy ng ganap sa “sanglibutan.” Ang buong sangbahayan ng Israel (anak ng pagsunod) kung gayon ay pinalaya mula sa pagka-alipin ng mga tampalasan, at sa pangalawa, sila ay pinalaya ng Dios sa mga nabanggit na karumaldumal ng sanglibutan, at iyan ay sa pamamagitan ng pagtalima sa mga ibinigay niyang kautusan (Torah) kay Moses.

Gayon nga rin ang marami sa panahon nating ito, na may dungis ng mga nabanggit na karumaldumal ng sanglibutan. Ang lahat kung gayon ay matuwid na tumalima sa mga utos ng Dios, nang sa gayon gaya ng Israel ay lumaya din ang marami mula sa kasamaan ng sanglibutan.


ANG TATAK NG DIOS SA NOO NG KANIYANG MGA ALIPIN
Datapuwa’t tungkol sa masama (anak ng pagsuway) ay madiing winika ng kaisaisang Dios ng langit mula sa bibig ni propeta Isaias ang mga sumusunod

Isa 59 :
6  Ang kanilang mga bahay gagamba ay hindi magiging mga kasuutan, o magsusuot man sila ng kanilang mga gawa: ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan, at ang kilos ng karahasan ay nasa kanilang mga kamay.
7  Tinatakbo ng kanilang mga paa ang kasamaan, at sila'y nangagmamadaling magbubo ng walang salang dugo: ang kanilang mga pagiisip ay mga pagiisip ng kasamaan; kawasakan at kagibaan ay nasa kanilang mga landas.

Gayon ngang may katiyakan na ang mga anak ng pagsuway ay sasapitin ang kagibaan ng masasama nilang landas, sapagka’t ang kanilang mga pag-iisip ay nag-uumapaw sa kasamaan. Sa kanilang mga noo ay nakatatak ang pangalan ng mga diosdiosan, samantalang ang tanda o tatak sa sinoman bilang pagkakakilanlan sa mga anak ng pagsunod ay ang ayon sa mga sumusunod.

Gaya ng napakaliwanag na nasusulat ay madiing sinabi,

Apoc 9 :
4  At sinabi sa kanila na HUWAG IPAHAMAK ang damo sa lupa, ni ang anomang bagay na sariwa, ni ang anomang punong kahoy, KUNDI ANG MGA TAO LAMANG NA WALANG TATAK NG DIOS SA KANILANG MGA NOO.

Apoc 7 :
3  Na nagsasabi, Huwag ninyong ipahamak ang lupa, kahit ang dagat, kahit ang mga punong kahoy, HANGGANG SA AMING MATATAKAN SA KANILANG MGA NOO ANG MGA ALIPIN NG ATING DIOS.

Sa gayo’y ano ang tatak na iyon na kailangang maitala sa noo ng mga anak ng pagsunod na tumatayong mga alipin ng kaisaisang Dios ng langit?       

Ang Espiritu ng Dios sa kabuoan nitong si Jesus ay nag-utos sa labingdalawang apostol. Gayon man, ang nakahanay na aral nitong si Pablo ay hayagan ang di-pagsang-ayon sa mga utos na mismo ay sinalita ng sariling bibig ng Cristo, gaya ng nasusulat sa ibaba.


ANG TATAK NG DIYABLO
(Bautismo sa isang pangalan)
ANG TATAK NG DIOS
(Bautismo sa tatlong pangalan)
ROMA 6 :
3  O hindi baga ninyo nalalaman na tayong lahat na mga NABAUTISMU- HAN KAY CRISTO JESUS AY NANGABAUTISMUHAN SA KANIYANG KAMATAYAN?


4  Tayo nga’y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng BAUTISMO SA KAMATAYAN: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo’y makalalakad sa panibagong buhay. (Mat 28:19)

Mat 28 :
19  Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na SILA'Y INYONG BAUTISMUHAN SA PANGALAN NG AMA AT NG ANAK AT NG ESPIRITU SANTO:


Narito, at sa mga apostol ay iniutos ng nabanggit na Espiritu sa kalooban ni Jesus, na ang lahat ng mga bansa ay bautismuhan sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Na ang napakaliwanag na kahulugan ay tatlong (3) pangalan ang siya nilang ibabautismo sa mga mamamayan nitong lahat ng mga bansa.

Maliwanag, na ang tatlong(3) pangalan ay siyang matatatak sa noo ng sinoman na sasa ilalim sa paraan ng bautismo sa pangalan. Ang “noo” sa ibang dako ay sumisimbulo sa “kaisipan,”  na ang kauuwian ay matatanim sa isipan ng sinoman ang pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Na siyang tatak ng Dios sa bawa’t isipan na natatanging palatandaan na kailangang makita ng mga angel sa sinoman, upang ganap nilang makilala at matukoy sa lubhang karamihan ang mga ANAK NG PAGSUNOD. Napakaliwanag na ang tandang iyan ay TATAK NG DI-PAGKAPAHAMAK. Sinoman nga na kakitaan ng mga tandang iyan ay nabibilang sa malaking karamihan na binabanggit ng banal na kasulatan, na gaya ng nasusulat,

Apoc 7 :
9  Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at narito, ANG ISANG LUBHANG KARAMIHAN NA DI MABILANG NG SINOMAN, NA MULA SA BAWA'T BANSA AT LAHAT NG MGA ANGKAN AT MGA BAYAN AT MGA WIKA, na nakatayo sa harapan ng luklukan at sa harapan ng Cordero, na nangadaramtan ng mapuputing damit, at may mga palma sa kanilang mga kamay;

Sila sa makatuwid ang sa simula at hanggang sa kahulihulihang hininga ay pinagtibay sa kanikanilang kabuoan ang matatag na paninindigan sa walang hanggang kadakilaan at kataastaasang karangalan ng Dios. Na sa pamamagitan ng masigla at may galak sa puso na pagtalima sa kautusan Niya ay nagsiputi ang kulay ng mga suot nilang damit at sila'y nagsiharap sa luklukan ng Dios. Sila nga yaong lubhang malaking karamihan na tumanggap ng bautismo sa tatlong (3) pangalan, na siyang kaisaisang kaparaanan sa pagtatamo nitong TATAK NG DIOS dito sa kalupaan.

Datapuwa’t sa tatak ng diyablo ay makikita ng napakaliwanag, na ang bautismo ay bautismo sa kamatayan ni Jesus, at sa gayo’y tumutukoy sa iisang pangalan lamang. Iyan sa makatuwid ang bautismo sa isang pangalan, na yao’y pangalan (Jesus) ng kinikilalang Dios ng mga hindi nakaka-unawa sa natatanging katuwiran ng kaisaisang Dios ng langit.

Suma bawa’t isa ang walang humpay na daloy ng biyaya na nagmumula sa kaluwalhatian ng kaisaisang Dios ng langit.


Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento