Huwebes, Setyembre 29, 2016

NR 005 SAN PABLO: PASIMUNO NG DAGDAG/BAWAS?

Courtesy of Google Images
PAALALA:
Layunin namin na maglahad lamang ng mga aral pangkabanalan na masaganang dumaloy mula sa bibig ng panginoong Jesucristo at ng mga tulad niyang banal ng Dios. Kailan ma’y hindi namin hinangad na atakihin, sirain, ni gibain man ang pinaninindiganang doktrinang pangrelihiyon ng sinoman. Gayon din naman na nais naming liwanagin na wala kaming anomang laban o paghihimagsik sa mga panulat nitong si Saulo (Pablo) ng Tarsus.  

Kung siya man ang hayagang sentro ng usapin sa artikulong ito ay tanda lamang iyon, na ang itinuturo niyang aral (evangelio ng di-pagtutuli) ay may lantarang pagsalungat at pagpapawalang kabuluhan sa katuwiran ng Dios (katuruang Cristo) na ipinangaral ni Jesus at ng iba pang tunay na banal. 

Sa mga balumbon ng Tanakh, na tanyag sa katawagang Lumang Tipan ng Bibliya (OT). Isang napakahigpit na kautusan ng kaisa-isang Dios, na ang sinoman ay huwag masumpungan na nagdadagdag at nagbabawas ng Kaniyang mga salita, na isinatinig ng mga kinikilala Niyang tunay na banal.

Ang sinoman ngang masumpungan sa gayong di makatotohanan at kasuklamsuklam na mga gawa ay tinatawag ng Dios na “SINUNGALING.” Sila’y nagkakatipon na lahat sa dako ng mga nangaghihimagsik at nagpapawalang kabuluhan sa natatanging katuwiran ng Ama nating nasa langit. Sila kung gayon ay maipasisiya na nabibilang sa mga labis Niyang kinapopootan at pinatutungkulan ng Kaniyang mga matutuwid na kahatulan at masasaklap na kaparusahan.

Courtesy of Google Images
Sa artikulong ito bilang 005 ay muli naming ilalahad sa maliwanag ang isa pa sa hindi kakaunting dagdag/bawas na ginawa ni Pablo sa mga nilalaman nitong Tanakh ng Dios (OT). Hindi upang siya’y atakihin, ni ilagay man siya sa kahiyahiyang kalagayan. Kundi upang ibunyag sa maliwanag ang mga lalang niya ng kaniyang kadayaan, kasinungalingan, at pagpapawalang kabuluhan sa salita ng Dios na isinatinig ng mga tunay na banal.
Hinggil sa pagdaragdag at pagbabawas sa mga salita ng Dios ay narito, at may ilang talata sa Tanakh (OT) na may diing ipinag-uutos ang kabawalan sa ganyang kasuklamsuklam na kaugalian ng mga paganong Romano (Gentil).


MAHIGPIT NA KABAWALAN NG DIOS SA DAGDAG/BAWAS NG MGA SALITA

Na sinasabi,

KAW 30 : 
HUWAG KANG MAGDADAGDAG SA KANIYANG MGA SALITA, Baka kaniyang sawayin ka, at masunduan kang SINUNGALING. 


Courtesy of Google Images
DEUT 12 : 
32  Kung anong bagay ang iniuutos ko sa iyo, ay siya mong ISASAGAWA: HUWAG MONG DADAGDAGAN, NI BABAWASAN. 


Courtesy of Google Images
JER 26 : 
2  ... ang lahat na SALITA na inutos ko sa iyo upang SALITAIN SA KANILA; HUWAG KANG MAGBABAWAS NG KAHIT ISANG SALITA.


Napakaliwanag ang salita ng Dios na isinatinig ng sariling bibig ng mga banal (Kaw 30:6), ay huwag magdadagdag sa Kaniyang mga salita, at kung magkagayon ay tatawaging SINUNGALING ang sinoman. Kapansinpansin ang mga gawang gaya niyan ay inilalapat ng kaisaisang Dios sa “KASINUNGALINGAN.” Iyan ay may kalinawan na ang ibig sabihin ay KATOTOHANAN at pawang mga KATOTOHANAN lamang ang Kaniyang mga salita.

Gayon nga rin ang salita ng Dios na iniutos at isinatinig ng propeta Moises (Deut 18:15) at propeta Jeremias, na ang lahat ng salita na iniutos Niya sa kanila na salitain sa mga tao ay, “HUWAG DAGDAGAN, NI BAWASAN MAN.”

Courtesy of Google Images
Kaya nga, nang itong si Pablo ay masumpungan sa gayong kasuklamsuklam na kalagayan ay hindi lamang siya tinawag na mapanghimagsik sa katuwiran ng Dios. Kundi nang mapatotohanan na ang likha niyang aral (evangelio ng di-pagtutuli) ay kumontra at nagpawalang kabuluhan sa KATURUANG CRISTO ay nalaglag siya sa kategoriya ng isang ANTICRISTO.

Samantala ay tatalakayin sa akdang ito ang nilalaman ng Hebreo 2:6-8, na kung saan ay pinitas niya sa Awit 8:4-6. Diyan nga ay makikita ng napakaliwanag, kung paano binago nitong si Pablo ang konteksto ng nabanggit na talata. At nang ito’y ilakip niya sa Heb 2:6-8 ay gayon ngang iba na ang ibig sabihin at may sarili na itong konteksto na lubhang napakalayo na sa konteksto ng Awit ni David.

Ayan, at sa ibaba ay napakaliwanag ng isinasaad na pagmamatuwid sa Hebreo 2:6-8, na nang gawing patibayang aral ni Pablo sa sulat niya sa mga Hebreo ay gaya na nga ng mababasa sa ibaba,


AWIT 8:4-8  versus  SA MGA HEBREW 2:6-8

HEB 2 :
6  Nguni’t pinatunayan ng isa sa isang dako, na SINASABI,
            Ano ang tao, upang siya’y iyong alalahanin?
            O ang anak ng tao, upang siya’y iyong dalawin?

7          SIYA’Y GINAWA MONG MABABA NG KAUNTI KAY SA MGA ANGHEL;
            Siya’y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
            AT SIYA’Y INILAGAY MO SA IBABAW NG MGA GAWA NG IYONG MGA KAMAY.
8          INILAGAY MO ANG LAHAT NG MGA   BAGAY SA PAGSUKO SA ILALIM NG KANIYANG MGA PAA.
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -




AWIT 8 :
4  Ano ang tao upang iyong alalahanin siya?
    At ang anak ng tao, upang iyong dalawin siya?

SAPAGKA’T IYONG GINAWA SIYANG KAUNTING MABABA LAMANG SA DIOS,
    
At pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan

IYONG PINAGTATAGLAY SIYA NG KAPANGYARIHAN SA MGA GAWA NG IYONG MGA KAMAY.
    IYONG INILAGAY ANG LAHAT NG MGA BAGAY SA ILALIM NG KANIYANG MGA PAA.
7   LAHAT NA TUPA AT BAKA, OO, AT ANG MGA HAYOP SA PARANG;
8   ANG MGA IBON SA HIMPAPAWID, AT ANG MGA ISDA SA DAGAT.



Courtesy of Google Images
Gen 1 :26  At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at MAGKAROON SILA NG KAPANGYARIHAN sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa boong lupa, at sa bawa’t umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa. 

Sa ating teksto ay sinasabi na ang tao (sangkatauhan) ay nilikha ng Dios na may kalakip na kapangyarihan sa mga gawa (lalang) ng kaniyang mga kamay, at iyan ay ayon sa isinasaad ng Awit8:6-8 at Gen 1:26, na inyong nabasa sa itaas.

Iyan ang kapangyarihan na mangibabaw ng higit sa mga hayop, isda, at ng mga umuusad sa lupa (ahas). Na kung lilinawin pa’y nilalang ang sangkatauhan na kalakip ang ganap na kapamahalaan sa kanila, at bilang paghahari sa kanila’y inilagay sila ng kaisaisang Dios ng langit sa ilalim ng mga paa (kapangyarihan) ng mga tao. 

Iyan ay upang mapag-unawa na sila ang gawa nitong kamay ng Dios na lalong higit na mababa ang likas na kalagayan kay sa tao. Sa madaling salita’y alipin sila at panginoon nila ang mga tao.

Courtesy of Google Images
Nguni’t nang ang teksto ay isalin sa aklat ng “Sa mga Hebreo” ay nahayag sa maliwanag na ang katuwiran na sinasangayunang lubos ng katotohanan hinggil dito ay pinilipit ng may akda (Pablo)

Nang magkagayo’y inyong makikita na ito’y ipinatungkol lamang sa isang tao na nagngangalang Jesus. Na pinagkalooban umano nitong kaluwalhatian at karangalan upang tuntungan ng kaniyang mga paa ang ulo ng mga tao. Sa layuning pasukuin ang lahat ng mga bagay at kilalanin siya nilang Panginoon, na gaya ng Dios na tumutubos ng sala at nagliligtas ng kaluluwa.

Ano pa’t siyasatin nyo ngang mabuti ang salin at ihambing sa katuwirang binibigyang diin ng teksto na kaagapay nito. Nang sa gayo’y makita ninyo kung paapaano napalitan ng salitang ANGHEL ang salitang DIOS, gayon din ang lubhang malaking pagkakaiba ng dalawang (2) talata sa itaas. 

Na sinasabing itong si Jesus ay inilagay ng Dios sa ibabaw ng mga tao, upang ang lahat ay ganap niyang pasukuin at pagharian

Samantalang sa teksto ay ginawa ang sangkatauhan upang pagharian ang lahat ng mga nilikha na lalong mababa sa kaniya (tao) ang likas na kalagayan (Awit 8:6-8, Gen 1:26).

Dahil dito ay hindi maikakala na ang Heb 2:6-8 ay mga patotoong tila baga totoo, nguni’t kapag tinanglawan ng ilaw ay mahahayag sa liwanag, na iyon pala’y pinilipit na katotohanan (Heb2:6-8) lamang, at idinesenyo mula sa mga pinaglubidlubid na kasinungalingan nitong si Pablo.


ANG ANGHEL NG DIOS

Hinggil nga sa usaping ito ay narito ang napakaliwanag na bagay. Ang salitang ANGHEL ayon sa mabilis na unawa ay kalagayang lubhang mababa kay sa likas na kalagayan ng Dios.

Na sinasabi,

Courtesy of Google Images
Heb 1 :
14  Hindi baga silang lahat ay mga espiritung tagapaglingkod, na mga sinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng mangagmamana ng kaligtasan?

Kung ang mga tao ayon sa Awit 8:4-5, ay sinasabi,

Awit 8 :
Ano ang tao upang iyong alalahanin siya? At ang anak ng tao, upang iyong dalawin siya?

Sapagka’t iyong ginawa siyang kaunting mababa lamang sa Dios, At pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan

Sa gayo’y maliwanag na ang tao ay ginawa na may kaunting baba lamang sa DIOS, palibhasa nga’y katotohanan na siya’y ANAK NG DIOS

Samantalang ang mga ANGHEL ayon sa Heb 1:14 ay mga aliping Espiritu na tagapaglingkod lamang ng Dios

Dahil sa hindi maikakailang bagay na nalahad sa maliwanag ay paanong ngang naging mababa ang kalagayan nitong ANAK NG HARI kay sa mga ALIPIN NG HARI (HEB 2:7)?



ANO ANG MABABASA SA WESTMINSTER LENINGRAD CODEX TUNGKOL SA PSALM 8:5.


Tunghayan muna natin ang texto na pinagsimulan ng talatang ito, na mababasa sa iba't-ibang salin ng talata sa wikang Ingles.

 וַתְּחַסְּרֵהוּ מְּעַט מֵאֱלֹהִים וְכָבֹוד וְהָדָר תְּעַטְּרֵֽהוּ׃  Psalm 8:5
(Westminster Leningrad Codex [WLC])


ANO ANG MABABASA SA MGA SALING INGLES NG PSALM 8:5.

Psalm 8:5  For you have made him a little lower than God, And crowned him with glory and honor. (Hebrew Name Version [HNV])

Psalm 8:5 And causes him to lack a little of Godhead, And with honour and majesty compasseth him. (Young's Literal Translation [YLT]) 


Psalm 8:5 For thou hast made him but little lower than God, And crownest him with glory and honor. (American Standard Version [ASV])


Psalm 8:5 For thou hast made him but little less than God, And dost crown him with glory and honor. (Revised Standard Version [RSV])

Psalm 8:5 Yet you have made him a little lower than God, And you crown him with glory and majesty.(New American Standard Bible [NASB]).



GAANO KABABA ANG ANAK SA KANIYANG AMA?

Ano pa’t sa usapang hangal ay napalabas ng may akda (Pablo) na gayong higit na mataas ang kalagayan nitong alipin kay sa anak (Heb 2:7)

Subali’t mula sa katuwiran ng Dios ay sumusunod sa kalagayan ng Hari ang kaniyang anak (Awit 8:4-5), sapagka’t siya’y kaniyang tagapagmana

Samantalang ang mga alipin ay mananatiling alipin at kailan ma’y hindi magtatamo ng mga bagay na tinatamasa ng anak mula sa kaniyang Amang hari.

Oo nga’t ang ANAK ay maaaring ibaba ang kaniyang sarili sa kalagayan ng isang alipin, o sa higit pang mababa kay sa dito sa paningin ng kaniyang Ama

Subali’t hindi nangangahulugang siya’y gayon na nga, sapagka’t sa gaano mang kababa niya ilagay ang kaniyang sarili ay hindi kailan man mawawala ang kalagayan niya bilang isang, 


"ANAK na mababa lamang ng kaunti ang kalagayan sa kaniyang Ama." 

Kaya’t kailan man di’y hindi maaaring pumantay, ni humigit man ang isang alipin sa anak ng hari, kahi man siya’y gawing ministro pa niya

Sa makatuwid baga’y walang anoman o sinoman na maaaring lumakip sa bigkis na nagpapaging isa sa Anak at sa Ama.

Kung papaano pinilipit ng tampalasang si Pablo ang katotohanan sa Awit 8:4-8 ay inyo na ngayong lubos na napapagunawa. 

Sino siya para panghimasukan at pawalang kabuluhan ang karapatan ng Anak bilang tagapagmana ng sarili niyang Ama

Kailan pa naging hangal ang Ama nating sa langit, para gawing higit na mataas sa kalagayan ang kaniyang mga alipin, kay sa sarili niyang mga Anak. Hindi nga ang gayon, kundi ang kahangalan ay lumalapat sa nagsulat, na, 


"Ang mga tao ay mababa lamang ng kaunti sa mga anghel."

Sa Awit 8:7-8 ay napakaliwanag ang katotohanan na nagsasabing,  


"7 LAHAT NA TUPA AT BAKA, OO, AT ANG MGA HAYOP SA PARANG;
  8   ANG MGA IBON SA HIMPAPAWIDAT ANG MGA ISDA SA DAGAT."            

Courtesy of Google Images
Sa dalawang talatang iyan sa itaas ay isa ngang katotohanan na nararapat tanggapin ng lahat, na hindi sangkatauhan ang tinutukoy ni haring David na malalagay sa ilalim ng mga paa, kundi ang lahat ng mga nilalang na higit na mababa kay sa tao, na itinalaga ng kaisaisang Dios na ilagay ang lahat ng iyan sa kapamahalaan at paghahari ng sarili niyang anak, sa makatuwid baga'y ang sangkatauhan. 

Ang mga nilalang nga na binanggit sa itaas ang siyang napakaliwanag na ayon sa katuwiran ng Dios ay ilalagay ng sangkatauhan sa ilalim ng kaniyang mga paa.


ANG SALUNGATAN NG MGA NASASAAD SA HEB 2:8.

Bago nga namin sarhan ang usaping ito’y pansinin nyo muna ang mabigat na salungatan ng sumusunod na pangungusap na nasasaad sa Heb 2:8.

Na sinasabi,

“Sapagka’t NANG PASUKUIN NIYA ANG LAHAT NG MGA BAGAY SA KANIYA, AY WALA SIYANG INIWAN NA DI SUMUKO SA KANIYA. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang sumuko sa kaniya ang lahat ng mga bagay.

Kung noon pa nga’y nagsisuko na ang lahat ng mga bagay nitong sanglibutan sa paanan nitong si Jesus bago niya ito lisanin, ay paano nangyari, na sa loob halos ng dalawang libong (2,000) taon, isa man sa kanila’y hindi kinakitaan ng gayong tanda ng pagsuko

Kung katotohanan ang sinalitang iyan ni Pablo, ay bakit imbis na isuko ng marami ang kanilang sarili kay JESUS ay kay MOHAMMAD nila ito isinuko. 

Di hamak na nauna ng lubhang matagal na panahon itong si Jesus kaysa kay Mohammad. Gayon man ay katotohanan na siya ang sinukuan ng marami at hindi si Jesus


Dahil sa hindi pangyayari ng sinalita ng taong iyan sa Heb 2:8 ay maipasisiya natin na iyon ay bunga lamang ng kaniyang kahambugan.

Gaya ng nasusulat,

Courtesy of Google Images
Deut 18 :
21  At kung iyong sasabihin sa iyong puso: Paanong malalaman namin ang salita na hindi sinalita ng Panginoon?

22  Pagka ang isang PROPETA ay nagsasalita sa pangalan ng Panginoon, KUNG ANG BAGAY NA SINASABI AY HINDI SUMUNOD NI MANGYARI, AY HINDI SINALITA NG PANGINOON ANG BAGAY NA YAON: ANG PROPETANG YAON AY NAGSALITA NG KAHAMBUGAN, huwag mong katatakutan siya.

Gaya nga rin na binigyan niya ng diin sa mga taga Tesalonica at Corinto, gayon din sa sulat niya sa mga Hebreo, na sa nasasakupan ng kanilang kapanahunan ang panahon ng paghuhukom at muling pagbabalik ng Cristo. 

Bagay na sa kasaysayan na naitala nilang mga tunay na banal ng Dios ay hindi kailan man nangyari ang lahat ng mga sinabi ni Pablo hinggil dito.

Hanggang sa panahon natin, na nilipasan na ng halos dalawang libong (2,000) taon ay hindi nangyari ang tiniyak niyang iyan sa mga Griego at Hebreo, na paghuhukom at muling pagbabalik ni Jesuscristo. Iyan sa makatuwid ay bunga nga lamang ng kahambugan at kasinungalingan ng taong si Pablo.

Sundan ang mga susunod pang kapanapanabik na artikulo hinggil sa talamak na DAGDAG/BAWAS ni Pablo sa mga talata ng Lumang Tipan (OT). Ang mga iyon ay ginawa niyang patibayang aral sa Bagong Tipan (NT) ng Bibliya.

Iyan ay upang ang marami ay papaniwalain niya sa kaniyang mga kasinungalingan na siyang naging pangunahing paksa ng akdang ito.



Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento