Sabado, Setyembre 3, 2016

BUHAY NA WALANG HANGGAN

Ang lahat ay walang alinlangang naghahangad ng magandang pamumuhay hindi lamang sa kalupaang ito, kundi higit sa lahat ay sa tinatawag nating kabilang buhay, na kung saan ay kasusumpungan ng kawalang katapusan ang pag-iral.

Ang mithiing iyan, kadalasan ang kinahihinatnan ay hindi tulad ng inaasam na kabuhayang walang hanggan. Sapagka’t marami ang nagkakamali ng daang tinatahak na sa kanila'y naglulunsad sa kabiguan, at nagiging mapait na sanhi sa kapahamakan ng kanikanilang kaluluwa.

Sa usaping iyan, ang karaniwang kinukunan ng balidong batayan ay ang mga matatandang kasulatan, na siyang pinaniniwalang nagbibigay ng kaukulang kaparaanan, kung paano makakamit ng sinoman ang inaasam-asam niyang buhay, na hindi nakakakilala ng anomang katapusan, ni ng hangganan man.

Kaugnay niyan ay malugod sa puso na ipinahayag ng Cristo ang lihim na kumakanlong sa buhay na walang hanggan na maaaring matamo ng kaluluwa ninoman. Dangan nga lamang ay higit pang pinaniwalaan ng marami ang kathang turo ng tao, kay sa mga leksiyon (evangelio ng kaharian) na mismo ay sinalita at ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo. Bagay na ngayo’y lalapatan ng may kahustuhang paglilinaw at ng kaukulang paglalahad nitong mga sagradong aral ng Katuruang Cristo.

LIKAS NA LAKAGAYAN NG CRISTO
Sa panimulang bahagi ng akdang ito ay madiing winika ng sariling bibig ni Jesus ang likas niyang kalagayan bilang isang sisidlang hirang ng kabanalan na sumasa Dios. 

Gaya ng nasusulat,


JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, ANG TURO KO AY HINDI AKINKUNDI DOON SA NAGSUGO SA AKIN. (Juan 15:15)

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ANG MGA BAGAY NA SA KANIYA’Y AKING NARINIGANG MGA ITO ANG SINASALITA KO SA SANGLIBUTAN. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.


JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: KUNDI ANG AMA NA TUMATAHAN SA AKIN AY GUMAGAWA NG KANIYANG MGA GAWA. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.

ANG VERBO
Napakaliwanag ng mga salita (verbo) na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo, na HINDI SIYA ang NAGSASALITA at GUMAGAWA, kahi man sa tinig ng sarili niyang bibig nagdaraan ang salita (verbo) ng banal na Espiritu, at namamalas sa kaniya ang makapangyarihang mga gawa. Ibig sabihin ay tinig lamang ang sa kaniya, samantalang ang salita, o ang verbo (evangelio ng kaharian) ay mula sa Espiritu ng Dios, na sa kapanahunang iyon ay masigla at makapangyarihang namamahay at naghahari sa kaniyang kabuoang pagkatao. Dahilan kung bakit sa panahon niyang iyon ay kinakitaan siya ng makapangyarihan at kagilagilalas na mga gawa.

Isang nagtutumibay na katotohanan na itong si Jesus, saan man at kailan man ay hindi lumapat sa kalagayan ng VERBO, o ng SALITA. Ang verbo, o ang salita kung gayon ay ang masigla at makapangyarihang Espiritu ng Dios, na siyang bumaba at sumanib sa kaniyang kabuoan, matapos na siya'y bautismuhan ni Juan sa ilog ng Jordan.

Hinggil sa katotohanang iyan ay madiin niyang sinabi.

1. ANG TURO KO AY HINDI AKINKUNDI DOON SA NAGSUGO SA AKIN. Juan 7:16

2. ANG MGA BAGAY NA SA KANIYA’Y AKING NARINIGANG MGA ITO ANG SINASALITA KO SA SANGLIBUTAN. Juan 8:26

3.WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA. Juan 8:28

4. ... AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. Juan 12:49

5. ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: KUNDI ANG AMA NA TUMATAHAN SA AKIN AY GUMAGAWA NG KANIYANG MGA GAWA. Juan 14:10

6. TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: Juan 8:40

Gayon ngang napakaliwanag, na ang lahat ng lumabas na salita, o verbo mula sa bibig ng Cristo ay hindi kaniya, kundi sa nabanggit na Espiritu ng Dios na nasa kaniya. Dahil diyan ay isang katotohanan na matuwid tindigang matibay ng sinoman, na ang Verbo ay walang iba, kundi ang kabuoan ng Espiritu na tinukoy ng sariling bibig ng Cristo sa anim (6) na katiwatiwalang talata ng bibliya na ating nabasa sa itaas. 

Gaya ng mga piling personalidad nitong Tanakh ng Dios ay isa nga lamang siyang SISIDLANG HIRAN (medium) ng nabanggit na Espiritu, at iyan ang nagtutumibay na katotohanan na binibigyang diin ng langit hinggil sa likas niyang kalagayan.

Tungkol sa buhay na walang hanggan, mula sa sariling bibig ng Cristo ay matuwid niyang winika ang mga sumusunod,
                                
ANG DUMIRINIG NG SALITA AT SUMASAMPALATAYA
Juan 5 :
24  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ANG DUMIRINIG NG AKING SALITA, at SUMASAMPALATAYA SA KANIYA NA NAGSUGO SA AKIN, ay MAY BUHAY NA WALANG HANGGAN, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan.

Maliwanag sa talata, na ang sinomang nakikinig sa mga salita (verbo) nitong Espiritu ng Dios na ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo. Sa makatuwid nga ay walang iba kundi ang KATURUANG CRSITO. Gayon nga rin na ang sumasampalataya sa Ama na nagsugo sa kaniya ay nakamit na ang BUHAY NA WALANG HANGGAN.

Ang tulad sa dakilang kalagayan na maaaring matamo ng sinomang kaluluwa ayon sa talata ay tumutukoy sa mga,

1. Nakinig ng mga salita,o verbo (Katuruang Cristo) nitong Espiritu ng Dios na ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo.

2. Sumampalataya sa Ama na nagsugo sa nabanggit na Espiritu (Juan 6:47).

Palibhasa nga’y madiing winika nitong si Jesus na ang salita (verbo) ay hindi sa kaniya, kundi sa Espiritu ng Dios, o Espiritu Santo na sa panahon niyang iyon ay makapangyarihang sumasa kaniyang buong pagkatao.

ANG DUMIRINIG AT NAGSABUHAY NG KAUTUSAN
JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa MABUTI? May isa, na siyang MABUTI: datapuwa’t KUNG IBIG MONG PUMASOK SA BUHAY, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

Walang alinlangan ang katotohanan na masiglang winika ng sariling bibig ng Cristo, na nagsasabing ang pagsunod, at pag-iingat ng kautusan (Torah) ay siyang tagapaghatid ng sinoman sa buhay na walang hanggan. 

Hindi mahirap unawain na ang pananampalataya sa Ama bilang kaisaisang Dios ng langit, at sa pamamagitan ng kaniyang mga kautusan ay kakamtin ng sinomang kaluluwa ang karapatan na maging bahagi nitong kaluwalhatian ng langit na namamalagi at umiral na magpasawalang hanggan.

Napakaliwanag na ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan ay tumutukoy ng ganap sa pag-iingat at pagtalima sa kautusan ng kaisaisang Dios ng langit. Dahil diyan ay malinaw na walang iba, kundi kautusan lamang ang lubos na tinutukoy ng mga sumusunod na talata.

ANG PAGKAIN NA HINDI NAPAPANIS
Juan 6 :
27  Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa BUHAY NA WALANG HANGGAN, na ibibigay sa inyo ng anak ng tao: sapagka't siyang tinatakan ng Ama, sa makatuwid baga'y ang Dios.

ANG TINAPAY NA BUMABANG GALING SA LANGIT
Juan 6 :
50  Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, UPANG ANG TAONG MAKAKAIN, AY HUWAG MAMATAY. (Juan 12:50, Mat 19:17)
51  Ako ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit: kung ANG SINOMAN AY KUMAIN NG TINAPAY NA ITO, SIYA'Y MABUBUHAY MAGPAKAILAN MAN: oo at ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, sa ikabubuhay ng sanglibutan.

ANG LAMAN AT DUGO
Juan 6 :
54  ANG KUMAKAIN NG AKING LAMAN AT UMIINOM NG AKING DUGO AY MAY BUHAY NA WALANG HANGGAN; at siya'y aking ibabangon sa huling araw. (Juan 12:50, Mat 19:17)

(Sa mga talatang iyan sa itaas ay hindi sariling salita ni Jesus ang mga iyan, kundi mula sa Espiritu ng Dios na makapangyarihang namamahay at naghahari sa kabuoan niyang pagkatao. Iyan ang katuparan na ang salita ay sumasa Dios at ang salita ay Dios. [Juan 1:1])

Gayong ngang napakaliwanag na ang,

1. PAGKAIN NA HINDI NAPAPANIS (Juan 6:27).
2. TINAPAY NA BUMABANG GALING SA LANGIT (Juan 6:50).
3. LAMAN AT DUGO (Juan 6:54).

Hindi sa literal na unawa, kundi sa malalim na kahulugan ay lumalapat at tumutukoy ng lubos sa kautusan at ng pananampalataya sa kaisaisang Dios ng langit.

KONKLUSYON:
Ayon sa Katuruang Cristo, na mga sagradong aral na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig nitong si Jesus ng Nazaret. Ang buhay na walang hanggan ay katotohanan na masusumpungan lamang sa pagkain na hindi napapanis, at sa tinapay na bumabang galing sa langit, gayon din sa laman at dugo na iniaral ng Cristo.

Sa tuwirang salita, ang tatlong (3) bilang na iyan sa itaas ay walang alinlangan na tumutukoy ng ganap sa kautusan(torah), at sa pananampalataya sa kaisaisang Dios ng langit. Katotohanan na pinagtibay nitong mga salita (Katuruang Cristo) na matuwid pakinggan at sundin ng sangkatauhan.

Sapagka't sinakop ng sumusunod na mga salita ng sariling bibig ng Cristo ang anomang pag-aalinlangan, hinggil sa usapin na may ganap na kilamanan dito.

Na masiglang isinatinig na kaniyang bibig, 


"ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN"

Kakambal niyan ay walang anomang aral pangkabanalan sa silong ng langit na matuwid tangkilikin, itaguyod, ipagtanggol, ipangaral, at sundin ng lahat, kundi ang kaisaisang sagradong aral (katuruang Cristo/evangelio ng kaharian) na ipinangaral mismo ng sariling bibig ng Cristo, 

Sapagka’t ang lubhang mahigpit na utos ng Ama hinggil diyan ay ito,

Mat 17 :
5  Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, ito ang sinisinta kong anak, na siya kong kinalulugdan; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.

Sa munting bahaging ito ng dimensiyong materiya, na kung saan ay tinatahanan ng sangkatauhan ay walang karapatdapat na tindigan bilang katotohanan, kundi ang kalipunan ng mga aral pangkabanalan na masusumpungan lamang sa Katuruang Cristo (evangelio ng kaharian). Sapagka't ang kaisaisang sagradong katuruan lamang na iyan ang may ganap na kapamahalaan at kakayanan na maghatid ng sinomang kaluluwa sa buhay na walang hanggan.

ITO ANG KATURUANG CRISTO

Suma puso at isipan ng bawa’t isa ang masaganang daloy ng biyayang ito na nagmumula sa kaluwalhatian ng kaisaisang Dios ng langit.

Hanggang sa muli, paalam.


Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento