Sabado, Hulyo 2, 2016

KATURUANG CRISTO: ANYO NG KATOTOHANAN

AYON SA ABOT-SABI NG BANAL NA ESPIRITU.

Mula pa sa panahon ng lubhang malayong nakaraan at hanggang sa kasalukuyan nating henerayon ay isa pa ring napakalaking usapin sa maraming tao ng sanglibutan ang eksaktong biblikal na kahulugan ng salitang,
“katotohanan.” Gayon man, kung ang mga sinulat ng mga tunay na apostol ng Cristo ang siyang bibigyan ng kaukulang higit na pag-susuri at pag-aaral, ay hindi mahirap mapag-unawa ng may kaganapan ang tila baga walang katapusan na paksang iyan.

Hinggil diyan, ang marami ay may kani-kaniyang pagpapahayag ng mga opinyon, na ayon lamang sa minamabuti at hinahaka nilang tama. Ang mga iyon ay batay lamang sa iba’t ibang antas ng karunungan na naabot ng sinoman sa kalupaang ito. Subali’t ang mga iyon ay hindi kailan man sinang-ayunan ng katuwirang sumasa Dios, na direktang ipinangaral ng mga tunay na banal (apostol) sa iba’t ibang nangagsilipas na kapanahunan, ni malayo man o malapit. Hanggang sa ngayon nga sa panahon nating ito ay tila walang ipinagbago ang napakababaw na unawa at pakahulugan ng marami sa nabanggit na salita (katotohanan).

Bunsod niyan ay masiglang pasiya ng katuwiran na tanglawan ng kaukulang ilaw ang usaping iyan, upang mula sa hustong liwanag nito ay masaksihan ng may ganap na linaw ang dako, na kung saan ay masusumpungan ang payak na kahulugang biblikal ng salitang iyan.

Mula sa evangelio ng ating mga saksing totoo sa buhay nitong Cristo ng Nazaret, ay itutuon natin ang mga rayos ng liwanag sa mga bahagi ng usapin na nakakanlungan ng malalabong unawa, na siyang nagpapanatili ng pilipit na pangangatuwiran ng higit na nakakarami.

Hinggil sa katotohanan, gaya ng napakaliwanag na nasusulat ay madiing winika nitong banal na Espiritu mula sa sariling bibig ng Cristo.

 JUAN 18 :
37  Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga’y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing ako’y hari. Ako’y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, UPANG BIGYANG PATOTOO ANG KATOTOHANAN. (Mat 15:24) ANG BAWA’T ISANG AYON SA KATOTOHANAN AY NAKIKINIG NG AKING TINIG.

Mula sa payak na kahulugan ng talatang iyan sa itaas ay gayon ngang naparoon ang Cristo sa buong sangbahayan ni Israel, hindi upang iligtas ang buong sangkatauhan, kundi sa layunin lamang na bigyang patotoo ang katotohanan sa nabanggit na sangbahayan.

Gayon man ay masiglang winika ng sarili niyang bibig,

Mat 15 :
24  Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi, HINDI AKO SINUGO KUNDI SA MGA TUPANG NANGALIGAW SA BAHAY NI ISRAEL.

Mat 26 :
28  Sapagka't ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

Yamang may diin ang paghahayag ng Cristo na siya’y isinugo sa buong sangbahayan lamang ng Israel ay maliwanag na ang tinutukoy niya sa Mat 26:28, ay hindi ang buong sangkatauhan ng sanglibutan, kundi ang buong sanbahayan lamang ng Israel. Sa kanila nga’y inihayag ng Cristo ang katotohanan sa ganap at kaisaisang anyo na lumalarawan sa mga sumusunod na talata.

Sa gayo’y ano ang katotohanan?          

1 JUAN 2 : 
4 Ang nagsasabing nakikilala ko siya, at HINDI TUMUTUPAD NG KANIYANG MGA UTOS ay SINUNGALING, at ang KATOTOHANAN AY WALA SA KANIYA.

2 JUAN
4 Ako’y lubhang nagagalak na aking nasumpungan ang ilan sa iyong mga anak na NAGSISILAKAD SA KATOTOHANAN, ayon sa ating tinanggap na UTOS sa AMA.

Mula sa payak at matuwid na kahayagan na iyan sa itaas ay napakaliwanag, na ang tinutukoy na katotohanan ay walang iba, kundi ang kautusan ng kaisaisang Dios ng langit. Sapagka’t mula sa bibig nitong Cristo ng Nazaret ay masigla nitong ipinahayag ang sumusunod na katuwiran ng Dios.

Na sinasabi,

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Gaya nga ng malinaw na pagkakasaad ng sariling bibig ng Cristo sa talatang iyan (Juan 12:50) ay hindi mahirap unawain, na ang mga utos ng Dios (kautusan) sa napakaliwanag na anyo ng katotohanan ay siyang tagapaghatid ng kanino mang kaluluwa sa buhay na walang hanggan.

Maliwanag din na ang mga salitang iniluwal ng sariling bibig ng Cristo sa natatangi niyang kapanahunan ay lubos na nagpapahalaga, tumatangkilik, nagtataguyod,  nagtatangggol, at tuwirang nagpapahayag ng  pagtalima sa mga kautusan, na siyang ganap na kumakatawan sa katotohanan ng kaisaisang Dios ng langit.

Ang Cristo sa gayon ay:

1. NAGPAPAHALAGA
MATEO 15 :
3  At siya’y sumagot at sinabi sa kanila, bakit naman kayo’y nagsisilabag sa UTOS NG DIOS dahil sa inyong sali’t-saling sabi?

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa MABUTI? May isa, na siyang MABUTI: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.


2. TUMATANGKILIK
MATEO 22 :
36  Guro, alin baga ang DAKILANG UTOS sa KAUTUSAN?

37  At sinabi sa kaniya, IIBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS NG BOONG PUSO MO, AT NG BOONG KALULUWA MO, AT NG BOONG PAGIISIP MO. (Deut 6:5)

38  Ito ang DAKILA AT PANGUNANG UTOS.

39  At ang PANGALAWANG KATULAD ay ito, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI. (Lev 19:18, Mat19:19)

40  SA DALAWANG UTOS NA ITO’Y NAUUWI ANG BOONG KAUTUSAN, AT ANG MGA PROPETA.


3. NAGTATAGUYOD
MATEO 5 :
17  HUWAG NINYONG ISIPING AKO’Y NAPARITO UPANG SIRAIN ANG KAUTUSAN o ang mga PROPETA: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

4. NAGTATANGGOL
JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

5. TUMATALIMA
JUAN 14 :
31  Datapuwa’t upang maalaman ng sanglibutan na ako’y umiibig sa Ama, at ayon sa KAUTUSANG IBINIGAY SA AKIN NG AMA, AY GAYON DIN ANG AKING GINAGAWA. Magsitindig kayo, magsialis tayo rito. (Roma 3:28)

Gayon ngang itong si Jesus ng Nazaret ay kinaringgan ng mga matutuwid na salita at kinakitaan ng mga masisigla at makapangyarihang mga gawa na tumutukoy ng ganap sa pagpapahalaga, pagtangkilik, pagtataguyod, pagtatanggol, at pagtalima sa mga kautusan ng kaisaisang Dios ng langit.

Ano pa’t mula sa Ama nating nasa langit ay mahigpit niyang ipinahayag ang Kaniyang utos, kung kaninong turo ang matuwid na pahalagahan, tangkilikin, itaguyod, ipangtanggol, at sundin. At tungkol dito ay madiin niyang sinabi,

Mateo 17 :
5 Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.

Gayon ngang kaisaisang turo lamang ang matuwid na pahalagahan, tangkilikin, itaguyod, ipagtanggol, at sundin ng sangkatauhan. Iyan ay walang iba kundi ang mga salita (evangelio ng kaharian) na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo. Sa madaling paliwanag ay KATURUANG CRISTO lamang ang kaisaisang aral pangkabanalan na sinasang-ayunan ng Ama nating nasa langit na karapatdapat na isabuhay at ipangaral ng mga banal ng Dios sa buong sangkatauhan.

Sapagka’t,

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala  na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ANG MGA BAGAY NA SA KANIYA’Y AKING NARINIG, ANG MGA ITO ANG SINASALITA KO SA SANGLIBUTAN. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, ANG TURO KO AY HINDI AKIN, KUNDI DOON SA NAGSUGO SA AKIN. (Juan 15:15)

Napakaliwanag kung gayon na si Jesus ay gaya lamang ng mga sumusunod,

1. SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

2. ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI:

3. ANG MGA BAGAY NA SA KANIYA’Y AKING NARINIG, ANG MGA ITO ANG SINASALITA KO SA SANGLIBUTAN.

4. siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN.

5. ANG TURO KO AY HINDI AKIN, KUNDI DOON SA NAGSUGO SA AKIN.

Hindi na marahil mahirap intindihin pa ang limang (5) linyang iyan na tuwirang sinalita ng sariling bibig ng Cristo, upang mapatotohanan na siya ay sisidlang hirang o talaytayan (medium) lamang ng Espiritu ng Ama nating nasa langit.

Nang madiing wikain ng sarili niyang bibig na,


"AKO AT ANG AMA AY IISA"


Napakaliwanag kung gayon na hindi nga si Jesus ang ganap na nagwika noon, kundi ang Espiritu ng Dios na tuwiran niyang tinutukoy, na sa kapanahunan niyang iyon ay masigla at makapangyarihang namamahay at naghahari sa kaniyang kabuoang pagkatao. Kaya naman napakalinaw at totoong hindi kalagayang Dios ang estado na nilapatan ng Cristo sa buong panahon ng kaniyang eksistensiya sa kalupaang ito. 

Hindi rin naman mahirap maunawaan, na ang evangelio ng kaharian (Katuruang Cristo) na masigla at may lugod sa kaniyang puso na ipinangaral sa buong sangbahayan ng Israel, ay mula lamang sa salita ng Espiritu ng Ama na sumasa kaniya sa kapanahunang iyon. Sa madaling salita, gaya ng mga nasasaad sa itaas ay salita ng Dios, o aral mismo ng kaisaisang Dios ng langit ang buong nilalaman ng Katuruang Cristo.  

Walang masasabing katuruang Jesus, kundi Katuruang Cristo lamang. Sapagka’t si “Jesus” ay isang sisidlang hirang ng Espiritu ng Dios na siyang nagsasatinig lamang sa mga salita ng nabanggit na Espiritu ng Dios. Samantalang ang katawagan, o titulo na “Cristo” ay isang napakatayog na kalagayan na puspos ng pinakadakilang kabanalan na maaaring lumapat sa sinomang tao sa kalupaan.


Kaya nga, ang turo ng kabanalan ay masaganang pinadadaloy ng kaisaisang Dios ng langit sa Kaniyang mga tunay na banal, na gaya ni Jesus ng Nazaret sa napakabanal na kalagayan ng isang Cristo.

Ganyan ang kabanalan na masiglang naghahayag ng,

1. Katotohanan
2. Ilaw
3. Pag-ibig
4. Lakas
5. Paggawa
6. Karunungang may unawa
7. Buhay

Ang pitong (7) iyan kung gayon ay wala ng iba pang pagmumulan, kundi ang Katuruang Cristo lamang, na siyang tagapaghatid ng kanino mang kaluluwa sa kaluwalhatian ng Ama nating nasa langit. Dahil diyan  ay mahigpit na ibinababala ng nabanggit na Espiritu ng Dios, na huwag padaya sa mga aral na may pagsalungat, o paghihimagsik man sa Katuruang Cristo.


Ano pa’t kung ang napakabanal na katuruang iyan ay hindi pahahalagahan, tatangkilikin, itataguyod, ipagtatanggol, at susundin ng sinoman. Mapapag-unawa na siya ay hindi lamang naghihimagsik at yumuyurak sa mga sagradong aral pangkabanalan ng Katuruang Cristo, kundi higit sa lahat ay niwalan ng anomang kabuluhan at itinakuwil ang katotohanan, na siyang natatanging kalooban (kautusan) ng Ama nating nasa langit. Sa makatuwid ay ang kautusan, na siyang walang hanggang batas (Apoc 11:19) na pinairal ng kaisaisang Dios ng langit sa nakaraan. Namamalagi ang natatanging layunin ng may ganap na kahustuhan sa kasalukuyan, at sa walang katapusang hinaharap ay kaagapay ng kaisaisang Dios ng langit sa mga dakila niyang layunin, na tumutukoy sa mabuting palad ng kaluluwa nitong buong sangkatauhan.



Narito, at madiing winika ng sariling bibig ng Cristo ang isang napakahalagang bagay na nararapat maunawaan ng bawa't isa sa atin. Ang sangkatauhan ay nasasadlak mula sa sampung (10) karumaldumal ng sanglibutan, na kung iisa-isaisahin ay gaya ng mga ito.



1. Ang pagkakaroon ng ibang mga Dios.
2. Ang pagsamba sa mga likhang larawan ng mga diosdiosan.
3. Ang pagbanggit sa pangalan ng Dios sa walang kapararakan.
4. Ang pagpapawalang kabuluhan sa kapanahunan ng Sabbath.
5. Ang paglapastangan sa Ama at Ina.
6. Ang pagpaslang (pagpatay) ng kapuwa.
7. Ang pangangalunya.
8. Ang pagnanakaw.
9. Ang pagsaksi ng kasinungalingan laban sa kapuwa.
10. Ang pag-iimbot sa asawa ng iba at sa anomang pag-aari na ng kapuwa.


Gayon man ay may natatanging paraan ng pagpapalaya sa mga nabanggit na karumaldumal na iyan. Sa makatuwid baga ay ito.



JUAN 8 :
32  AT INYONG MAKIKILALA ANG KATOTOHANAN, AT ANG KATOTOHANA'Y MAGPAPALAYA SA INYO.



Payak na unawa lamang ito, na tumutukoy ng ganap sa pagtalima sa mga kautusan ng Dios. Iyan ang napakaliwanag na katotohanan na magpapalaya sa sinoman sa nabanggit na sampung (10) karumaldumal ng sanglibutan na iyan.


Ang kalayaan ngang iyan ay ang ganap na pagbangon sa sinoman ng mga sumusunod na bahagi ng kaisaisang Dios ng langit.



1. Katotohanan  2. Ilaw  3. Pag-ibig  4. Lakas  5. Paggawa             6. Karunungang may Unawa  7. Buhay



Kaugnay niyan, kung paniniwalaan natin ang likha na hidwang aral ng tao, na nagsasabing nawala na ang bisa ng kautusan. Sa gayo'y paano magagawa ng sinoman mula sa silong ng langit na ito, na makalaya ng ganap sa sampung (10) karumaldumal ng sanglibutan.



Tanyag ang katawagang “ANTICRISTO” sa mga gaya nilang imbis na tindigang matibay ang mga kautusan (katotohanan) na nakabigkis ng mahigpit sa Katuruang Cristo, ay  higit pang pinaniwalaan at isinabuhay ang hidwang likhang doktrinang pangrelihiyon ng mga tao, na yumuyurak at nagpapawalang kabuluhan sa kautusan na siyang katotohanan. Ang iba naman ay pinili pa na paniwalaan at sampalatayanan ang aral ng mga mapanghikayat na hidwang turo, na mula sa bulong at retorika* ng mga huwad na talaytayan (medium), na nangagdedeklara na sila'y sumasa-ilalim sa pamumusesyon ng banal na espiritu.



Alalahanin nga ng bawa’t isa sa lahat ng sandali ang sa atin ay napakahigpit na utos ng Ama nating nasa langit, na sinasabing;

“SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.”

Ano pa kung gayon ang kabuluhan ng likhang katuruan ng mga tao. Ano nga rin ang saysay ng mga retorika* na aral ng mga nagpapakilalang banal na espiritu. Kung gayong ang dakilang aral tungo sa tunay na kabanalan ay naisulat na sa mga banal na aklat ng Katuruang Cristo

(* Retorika (rhetoric) - Ang sining ng epektibo o mapanghikayat na pagsasalita o pagsulat, lalo na ang paggamit ng mga matitik na pananalita at iba pang mga pamamaraan ng komposisyon.)

Ano pa baga ang ating hahanapin, kung sa Katuruang Cristo ay masusumpungan na natin ang tatlong (3) mahahalagang bagay, na siyang natatanging layunin ng bawa't kaluluwa sa kalupaan.


1. Kaligtasan ng kaluluwa,
2. Kapatawaran ng kasalanan
3. Pagkakaroon ng buhay na walang hanggan


Iyan ay dahil sa katotohanan na ibinabahagi ng mga manggagawa ng kaisaisang Dios ng langit sa sangkatauhan. Karapatdapat na pahalagahan, tangkilikin, itaguyod, ipangtanggol, at sundin ng sinoman sa kalupaan. Sa makatuwid baga ay ang walang hanggang kautusan ng kaisaisang Dios ng langit? Iyan na nga at wala ng iba pa.



Gaya ng masaganang tubig na masiglang iniluluwal ng isang dakilang talon sa mga ilog. Sana'y makamit ng isa’t isa ang masaganang buhos ng biyaya na nanggagaling sa kaitaasan na siyang kaluwalhatian ng Ama nating nasa langit.



ITO ANG KATURUANG CRISTO SA ANYO NG NAPAKALIWANAG NA KATOTOHANAN, AYON SA ABOT-SABI NG BANAL NA ESPIRITU.


Harimanawari ay suma puso at isipan ng bawa't isa ang katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa at buhay, upang pahalagahan, tangkilikin, itaguyod, ipangtanggol, at sundin.

Hanggang sa muli, paalam.



Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento