Biyernes, Hunyo 17, 2016

KAWAN NG DIOS

Mula sa madamong salansan ng mga burol sa kaparangan, gayon din sa kapatagan ng pastulan ay karaniwan ng masusumpungan ang pulutong ng iba’t ibang uri ng domestikado at maiilap na hayop. Kadalasan ang mga tupa, kambing, baka at iba pa ay ginagabayan ng tagapag-alaga, na kung tawagin ay pastol. Kawan ang tawag niya sa kabuoang bilang ng kaniyang mga alagang hayop at sila’y kaniyang binabantayan at inaaruga araw at gabi.

Ang pastol ay ginugugol ang buo niyang panahon sa pag-aalaga at pagtataguyod ng kaniyang kawan. Nakikita ng matatalas niyang mga mata ang anomang akma, o banta ng kapahamakan sa tinatangkilik niyang kawan. Kaagad ay naitataboy niya ang mga umaali-aligid na mga maninila at mula sa pagkatakot ay madali niyang nailalagay sa kapanatagan ng kalooban ang buo niyang kawan. Nalalaman nila na mula sa pag-aaruga ng kanilang pastol, saan man at kailan man ay hindi sila maaagaw ng sinoman at ng anoman sa kaniyang mga kamay.

Lubos ang pagkakakilala ng kawan sa kaniyang pastol at sa gayo’y masigla at may galak na sila’y tumatalima sa bahagyang kumpas ng kaniyang mga kamay at nauunawaan nila ang piling salita at ilang sipol ng kaniyang bibig.  Sa madaling salita ay tumatayong ulo ang pastol, na siyang pinagmumulan ng anomang galaw ng kaniyang katawan (kawan).

Add caption
Gayon din ang kaisaisang Dios ng langit na natitindig sa layunin ng pastol sa kaniyang kawan, na kung saan ay kinabibilangan ng mga tao (anak ng pagsunod) ayon sa simbolismo ng tupa. Siya ang ulo at tayo na kaniyang mga anak ang kaniyang katawan. Siya ang nag-uutos kung ano ang katotohanan nating sasalitain at kung ano ang matuwid nating gagawin. Kawan ng Dios ang walang alinlangang tawag sa kalipunan ng mga tao na sinasakop ng kauriang yan.

Marami ang nangagsasabi na sila ay mga tunay na kabilang sa kawan ng Dios, palibhasa’y nagsisipangaral ng mga katha nilang katuruang pangkabanalan. Gayon man, iyon ay hindi kailan man sinang-ayunan ng katotohanan na may katapangang ipinangaral ng mga tunay na banal. Sapagka’t sila’y nagsilikha lamang ng mga sarili nilang kaparaanan kung papaano sila magsisilapit sa Dios, at hindi nila sinunod kung anu-ano ang Kaniyang matuwid hinggil sa larangang tumukoy sa tunay na kabanalan.

Noong una nga ay madiing winika ng kaisaisang Dios ng langit,

DEUT 18 :
18  Aking palilitawin sa kanila ang isang PROPETA sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at AKING ILALAGAY ANG AKING MGA SALITA SA BIBIG NIYA, at KANIYANG SASALITAIN SA KANILA ANG LAHAT NG AKING IUUTOS SA KANIYA. (Amos 3:7)

EXO 4 :
12  Ngayon nga’y yumaon ka, at AKO’Y SASAIYONG BIBIG, AT ITUTURO KO SA IYO KUNG ANO ANG IYONG SASALITAIN.

JER 1 :
Nang magkagayo’y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, INILALAGAY KO ANG AKING MGA SALITA SA IYONG BIBIG.

EZE 37 :
14  At aking ilalagay ang aking Espiritu sa inyo, at kayo'y mangabubuhay, at aking ilalagay kayo sa inyong sariling lupain, at INYONG MANGALALAMAN NA AKONG PANGINOON ANG NAGSALITA, AT NAGSAGAWA, sabi ng Panginoon.

Gayon ngang sa bibig ng isang tunay na banal ay inilalagay ng Dios ang Kaniyang mga salita, at sinasabi niya sa mga tao ang lahat ng iniuutos ng Dios na kaniyang wikain. Nasa bibig ng mga banal na propeta ang salita ng Ama nating nasa langit.

Mula sa panuntunang iyan na isinasabuhay ng mga tunay na banal (propeta) ay naging isang napakalaking biyaya sa mga tao, na makarinig ng mga salita ng Dios sa pamamagitan ng sarili nilang bibig.

Kaugnay niyan, sa paglipas ng mga panahon, sa lahat ay mahigpit na iniutos ng Ama nating nasa langit ang sumusunod Niyang dakilang katuwiran.

Mateo 17 :
5  Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.

Napakaliwanag ang bagay na ipinauunawa ng Dios sa lahat upang sundin. Pakinggan ang katuwiran ng aral (katuruang Cristo) na mismo ay sinalita at ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo. Iyan ay sa kadahilanan na ang mga salita ng kabanalan na namutawi mula sa sariling bibig ng Cristo ay pawang mga salita ng Dios, palibhasa'y pinamamahayan at pinaghaharian ng Espiritu ng Dios ang sarili niyang kabuoang pagkatao.

Bilang patunay hinggil diyan ay masigla niyang winika,

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ANG MGA BAGAY NA SA KANIYA'Y AKING NARINIG, ANG MGA ITO ANG SINASALITA KO SA SANGLIBUTAN. (Juan 15:15, 17:8)

Hindi mahirap unawain ang konteksto ng ilang talata na iyan sa itaas, na siyang karapatdapat na panindiganang matibay ng sinoman sa kalupaang ito. Napakaliwanag na ang natatanging kadahilan kung bakit madiin ipinag-utos ng Ama na sundin ng lahat ang Cristo ay salita naman pala mismo ng Ama ang ipinangangaral ng sarili niyang bibig.

Dahil diyan ay katotohanan na matuwid tindigang matibay ng sinoman, na walang katuruang pangkabanalan sa silong ng langit na nararapat nating sundin at isabuhay, kundi ang mga aral na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo, sa makatuwid ay ang dakila at perpektong Katuruang Cristo. Na diyan ay nabibilang ang isang daan at dalawampu’t isang (121) Kautusang Cristo.



Kung ibinibilang nga natin ang ating mga sarili sa Kawan ng Dios ay isang higit at lalong kaunawaan na tayo ay masumpungan ng kaisaisang Dios ng langit, na tumatangkilik, tumataguyod, nagtatanggol sa Katuruang Cristo at tumatalima sa Kautusang Cristo.

Ano pa nga ba ang kabuluhan ng katuruang Pablo, ni ng Katuruang Kardec, kung sa Katuruang Cristo pa nga lamang ay masusumpungan na ng sinoman ang kaluwalhatian, na kung saan ay tinatahanan ng Ama nating nasa langit.

Alinsunod diyan ay maituturing na isang lubhang malaking pagkukunwari, kung sasabihin ng sinoman na siya ay kay Jesucristo, gayong katuruang Pablo at katuruang kardec naman ang kaniyang matibay na pinaninindiganan na siyang makapaglalapit sa kaniya sa Dios

Gaya nga lamang niya ang isang magdaraya na ang kabulukan ay ginagayakan ng magagarang palamuti at binabalutan ng marangyang kasuotan. Walang ipinagkaiba sa nitso na kahangahanga ang panlabas na disensyo ng pagkakagawa at ng museleo na sagad sa luho ang kayarian. Gayon man ay nangangalingasaw sa sobrang baho ang kabulukan ng naaagnas na katawan ng patay na tao ang nasa loob nito.

Totoo nga ba na tayo ay kawan ng Dios, o baka naman tayo ay nahikayat lamang ng matatamis at mabubulaklak na pananalita (doktrinang pangrelihiyon) nitong si Pablo aka (Saulo ng Tarsus), at ng mga kawiliwili sa pandinig na likhang pilosopiya ni Allan Kardec, at ng iba pa.

Kung binibigyan natin ng diin ang katotohanan, na tayo ay nabibilang sa Kawan ng Dios ay matuwid lamang sa atin na kakitaan ng pagtangkilik, pagtataguyod, pagtatanggol, at pagkilala sa Katuruang Cristo, na kung saan ay nagsusulong ng dakilang mandato nitong 121 Kautusang Cristo. At iyan ang nagtutumibay na katotohanan na nararapat maunawaang lubos ng sinoman sa kalupaan. 

Sundin natin ang mahigpit na utos ng Ama nating nasa langit, na Katuruang Cristo lamang ang ating pakingan, at bukod diyan at wala ng iba pang lokal at banyagang aral na tayo ay susundin pa.

Ang Katuruang Cristo sa makatuwid ay ang mga aral pangkabanalan (evangelio ng kaharian) na mismo ay ipinangaral ng sarili niyang bibig. Ang katuruang Pablo at Katuruang Kardec na sinasabing Katuruang Cristo din ay isang malaking kasinungalingan, na luminlang at nagpahamak sa kaluluwa ng lubhang malaking bilang ng mga tao sa buong kalupaan. 

Saan man at kailan man ay hindi sinang-ayunan ng katuruang Cristo (evangelio ng kaharian), ni binigyan man nito ng kaukulang awtentikasyon ang Katuruang Pablo, at ang Katuruang Kardec. Ang dalawang iyan sa makatuwid ay nabibilang sa kalipunan ng mga huwad na aral pangkabanalan.

Ano pa't mula sa sariling bibig nitong si Jesus ng Nazaret ay malaya at makatuwirang lumabas ang isa sa dakilang aral ng Katuruang Cristo, na siyang masigla at may galak sa puso na isinasabuhay ng mga tupa (anak ng pagsunod) na nabibilang sa Kawan ng Dios.

Hinggil diyan ay madiin niyang winika, na gaya ng nasusulat,


MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan (Torah) o ang mga propeta (nevi'im): ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.


18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN(Torah), hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Huwag nga nating isipin na si Jesucristo ay naparoon sa sangbahayan ni Israel, upang pawalang kabuluhan ang kautusan (Torah) at ang mga propeta, ni ito'y halinhan man ng bagong kautusan. Siya nga ayon na rin sa ipinahayag ng sarili niyang bibig ay naparoon, upang ang kautusan ng Ama ay ganapin. Na kung lilinawin pa ay upang ang buong kautusan (Torah) ay tangkilikin, itaguyod, ipagtanggol, ipangaral, at sundin.

Ito ang Katuruang Cristo

Ang biyaya at awa ng kaisaisang Dios ng langit ay natatamo lamang ng mga tao na natutunan ang matuwid na pagkatakot sa kaniya. Iyan ay sa pamamgitan ng masigla at may galak sa puso na pagtalima sa natatangi Niyang kalooban (kautusan).


EXO 20 :
At pinagpapakitaan ko ng KAAWAAN ang libolibong UMIIBIG SA AKIN at TUMUTUPAD NG AKING MGA UTOS.

ECL 12 :
13  Ito ang wakas ng bagay; lahat ay NARINIG: IKAW AY MATAKOT SA DIOS, at SUNDIN MO ANG KANIYANG MGA UTOS; sapagka’t ITO ANG BOONG KATUNGKULAN NG TAO.

DUET 27 :
26  SUMPAIN YAONG HINDI UMAAYON SA MGA SALITA NG KAUTUSANG ITO UPANG GAWIN.


Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento