Linggo, Mayo 1, 2016

ANG UNA AT PANGALAWANG KAMATAYAN

Likas sa kaugalian ng tao ang pananaliksik sa layuning maka-alam ng hindi kakaunting bagay na makapagpapa-unlad ng kaniyang kasarinlan. Dulot nito ay ang pagsibol ng masiglang kamalayan sa iba’t ibang anggulo ng buhay. Gaya halimbawa ng pagnanais na maka unawa ng katuwirang sumasa Dios, na mula sa sari-saring usapin na may kinalaman sa banal na kasulatan.

Kaugnay niyan, ang simula ng ating buhay sa munting bahaging ito ng dimensiyong materiya ay dumadaan sa dakila at presisyong proseso ng kapanganakan. Tatamasahin ng sinoman ang masaganang daloy ng buhay na nagpapaigting sa taglay niyang entidad bilang kaluluwa na sumasa katawan. Ang kasaganaan nito sa kalaunan ay nawawala sa kahustuhan at unti-unti ay napaparam, hanggang sa lisanin nito ng tuluyan ang katawang pisikal. Iyan ay tinatawag natin na kamatayan.  Ang katumbas na katawagan nito sa balumbon ng mga banal na kasulatan ay "Unang kamatayan."

Kamatayan, na ang ibig sabihin sa unang hanay ay ang ganap na paglisan ng buhay sa katawang pisikal, kasunod niyan ay masisira at mabubulok ang lahat ng bahagi nito hanggang mauwi sa lupa. Iyan ay bilang pagtugon sa itinalaga ng Dios na panuntunang unibersal, na siyang sa simula pa lamang ay umiiral na bilang masigla at dakilang batas ng kalikasan, gaya ng nasusulat,


GEN 3 :
19  Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, HANGGANG SA IKAW AY MAUWI SA LUPA; SAPAGKA'T DIYAN KA KINUHA: SAPAGKA'T IKAW AY ALABOK AT SA ALABOK KA UUWI.


Sa alabok uuwi ang anomang nilalang ng Dios na kinapal Niya mula sa alabok. Na siyang batas ng kalikasan na umiral noong una, at may kahustuhang kaganapan sa kasalukuyan. Gayon nga ring patuloy na makapangyayari sa magsisidating pang di-mabilang na mga kapanahunan.  

Marami pa hanggang sa kasalukuyang panahon ang hindi lubos na nakaka unawa sa biblikal na kahulugan ng unang kamatayan. Ano pa’t kung mayroon unang kamatayan, ibig sabihin lamang niyan ay may sumusunod pang kamatayan na pagdadaanan ang sinoman sa kalupaan.

Sa Apocalipsis ni Juan ay may binanggit hinggil sa pangalawang kamatayan, at iyan ay apat (4) na ulit niyang winika, na gaya ng nasusulat,

APOC 2 :
11  Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay hindi parurusahan ng ikalawang kamatayan


Sa talata (Apoc 2:11) ay hindi mahirap maunawaan, na ang sinomang magtagumpay ay hindi parurusahan ng ikalawang kamatayan. Ang pagtatagumpay ay tumutukoy sa maluwalhating pagsasabuhay ng mga dakilang aral pangkabanalan, na ipinangaral ng mga tunay na banal ng Dios. Iyan ay tinatawag na Katuruang Cristo, na itinuro nila sa mga tao libong taon pa bago ipanganak ang panganay ni Maria na si Yehoshua(Jesus). 

Gayon nga rin, na ang mga aral na pumapaloob diyan sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios na bumaba sa ilog Jordan ay masigla at may galak sa puso na ipinangaral ng Cristong nagngangalang Yehoshua(Jesus) sa natatangi niyang kapanahunan.

Maliwanag sa talata, na ang pangalawang kamatayan ay mahigpit at pinal na kaparusahan ng kaisaisang Dios ng langit, sa sinoman na masusumpungan niyang nasa kasuklamsuklam na kalagayan ng mga anak ng pagsuway.


REV 20 :
14  At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.

Hades or Sheoul
Sa itaas (Apoc 20:14) ay maliwanag ang pagkakasaad, na ang kamatayan at ang libingan (Hades) nito ay inihulog sa dagatdagatang apoy, na siyang ganap na tumutukoy sa ikalawang kamatayan. Sino man sa makatuwid na mabulid sa datatdagatang apoy ay iyon na nga kung gayon ang kaparusahan na tumutukoy ng ganap sa ikalawang kamatayan.


REV 21 :
8  Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.



Sa talata (Apoc 21:8) ay madali lamang maunawaan na ang pinal na kaparusahan sa sinoman na masusumpungang nabibilang sa mga nabanggit na karumaldumal na kalagayan ay ang ikalawang kamatayan. Iyan nga ang dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre.





REV 20 :
6  Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.


Sa sitas (Apoc 20:6) na iyan sa itaas ay binanggit ang unang pagkabuhay na muli (first ressurection), na kung hindi lalapatan ng malawak na unawa ay mapagkakamalan na ito ay tanda ng muli at muling pagkakatawang tao. Subali’t ang pagdidiin sa “ikalawang kamatayan” ay nasa talatang iyan. Na ang ibig sabihin ay hindi kailan man nagbago ang katotohanan na iniluwal ng sariling bibig ni Jesus hinggil sa paksa na kaakibat ng usaping iyan. 

Na sinasabi,

JUAN 3 :
5  Sumagot si Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak ng TUBIG at ng ESPIRITU, ay HINDI SIYA MAKAPAPASOK SA KAHARIAN NG DIOS.
6  ANG IPINANGANAK NG LAMAN AY LAMAN NGA; at ang IPINANGANAK NG ESPIRITU AY ESPIRITU NGA.
7  Huwag kang magtaka sa aking sinabi sa iyo, KINAKAILANGAN NGANG KAYO'Y IPANGANAK NA MULI.

Ang tao sa makatuwid, sa una ay isisilang sa pamamagitan ng tubig na lumalagaslas mula sa sinapupunan ng kaniyang ina. Sa paglipas ng mga kapanahunan at sa dulo nito ay mararanasan niya ang kamatayan. Iyan ang tinatawag na unang kamatayan.

Ano pa’t sa kasagsagan ng buhay sa kalupaan ay magagawa ng sinoman na siya ay isilang na muli sa pangalawang pagkakataon. Nguni’t hindi na ng tubig, kundi ng Espiritu, na ang ibig sabihin ay ang matagumpay at maluwalhating pagtangkilik, pagtataguyod, pagtatanggol, at pagtupad sa kalooban ng Dios, na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, kapangyarihan, paglikha, karunungan, at buhay na walang hanggan.

Sa mga nagsipagtagumpay ay walang kapangyarihan ang pangalawang kamatayan, sapagka’t iyan ay ukol lamang sa mga tao na inabutan ng unang kamatayan, na hindi napagwagiang ipanganak ng Espiritu habang sila’y nabubuhay pa sa kalupaan. Ang tao kung gayon sa kabila ng unang pagsilang bilang materiya ay hindi niya kailangang sumailalim sa nabanggit na kamatayan upang siya’y sumilang na muli sa Espiritu. Kundi sa pagiging materiya ay dadaan siya sa dakila at masiglang kaparaanan, na kung saan ay may pamamagitan ang Espiritu. Sa pagtatagumpay, siya nga’y ipanganganak ng Espiritu, upang kasunod niyaon ay tamasahin ang buhay na walang hanggan sa kaluwalhatian ng langit, at bilang isa sa mahahalagang bahagi ng dimensiyong iyon.

Ang tao ay dumadaan na lahat sa masigla at dakilang sistema ng unang kapanganakan, o yaong tinatawag na pagkakatawang tao. Sa maraming nagtataglay ng kasamaan na malabis na kinasusuklaman ng kaisaisang Dios ng langit, bilang kaparusahan ay kailangan nilang mamatay na muli,  at iyan ang pangalawang kamatayan. 

Datapuwa’t sa mga nakapaghatid ng lubos na kaluguran sa Ama nating nasa langit ay hindi nga Niya pinahihintulutan na sila’y mamatay na muli, kundi upang maluwalhating isilang ng Espiritu habang siya ay nabubuhay pa sa mundong ito. Iyan sa madaling salita ang kaisaisang tanda ng pagtatamo nitong kabuhayang walang hanggan sa kaluwalhatian ng langit.

Ang nasasaad sa buong nilalaman ng Apoc 20:6 ay tumutukoy lamang sa unang pagkabuhay na muli (first ressurection). Iyan ay iba sa pagsilang na muli(to be born again), sapagka’t sa pagkabuhay na muli (ressurection) ay babangon di-umano sa libingan ang mga namatay at sila ay hahatulan ayon sa aklat ng buhay. Samantalang ang pagsilang na muli (to be born again),  sinoman ay ipanganganak ng Espiritu na hindi dumaan sa unang kamatayan

Labas ang usaping resureksiyon sa paksang talakayin ng akdang ito, gayon man, ang artikulo nitong Rayos ng Liwanag hinggil sa makontrobersiyal na usaping iyan ay nailathala na, at maaari ng basahin at pag-aralan ng sinoman. I-click lamang ang link ng related article sa dulong ibaba.

Ipinagpapauna lamang namin sa inyong kaalaman, na ang Apocalipsis ni Juan ay hindi nabibilang sa kalipunan ng mga dakilang aral ng Katuruang Cristo. Iyan ay pangitain lamang ni Juan mula sa umano’y dimensiyon ng Espiritu. Gayon man ay may ilang panig diyan na sinasang-ayunan at mayroon din namang ilang dako na tinututulan ng mga salita na ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo

Maliwanag kung gayon na anomang aral o katuruan na hindi aayon sa mga dalisay at dakilang araling pangkabanalan ng Katuruang Cristo, ay hindi matuwid na paglagakan ng kaukulang paniniwala at pagsasabuhay.

Kamtin ng bawa’t isa ang siksik at liglig na mga biyaya ng Dios na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at sagad na buhay sa kalupaan.

Hanggang sa muli, paalam

RELATED ARTICLE:
1. Ang Pagkabuhay na Muli ng mga Patay (Resurrection)  Click here

2. Muling Pagsilang (To be born again) Click here

3. Ang Una at Pangalawang Pagsilang (First and Second Birth) Click here

4. Reincarnation (Pagkakatawang Taong Muli) Click here


Para sa inyong pakikibahagi at suporta sa sagradong gawaing ito. Click here

Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento