Linggo, Abril 3, 2016

SI JESUS NGA BA ANG AMA?

Jesus is praying to our father in heaven
May isang kakaibang bagong katuruan sa larangan ng kabanalan na kasalukuyang tinitindigan at isinasabuhay ng marami sa panahon nating ito. Iyan ay ang aral na nagsasabing,

“Si Jesus ang Ama ng langit, at ang Ama ng langit ay si Jesus.”

Giit nila ay tunay na Dios itong si Jesus at hindi lamang sa pagiging Dios siya dapat kilalanin, kundi sa pagiging Dios Ama, na siyang lumikha ng dimensiyon ng materiya at dimensiyon ng Espiritu, at lahat ng mga nangaroroon.

Sa mga sumusunod na bahagi ng akda ay ilalapat namin ang kaukulang kongkretong katunayang biblikal, na may direktang kaugnayan sa makontrobersiyal na usaping ito. Nang sa gayon ay maunawaan natin ng lubos, kung ang bago at kakaibang aral na iyan ay sinasang-ayunan ba ng katotohanan, o hindi. Kung paano nila nabigyang diin ang gayong kakaibang katuruan ay siya naming sa inyo ngayon ay ipaglilingkod.

Maisasalaysay ng isang totoong saksi ang hustong detalye ng napanood niyang pangyayari, at narinig niyang mga salitaan. Sa gayon ay itinuturing na isang kongreto at katiwatiwalang testimoniya ang kaniyang pahayag. Iyan ang pinakikinggan ng husgado at pinagbabatayan ng katotohanan, upang maipagkaloob ng isang hukom ang katarungan sa sinoman, o sa anomang higit na kinauukulan.

Sa alin mang kaganapan ay tanging ang salaysay ng isang totoong saksi ang pinagbabatayan ng totoong pangyayari. Kaya naman ang eyewitness account ang higit sa lahat ay kinikilingan at pinakikinggan ng sinomang hukom sa pagpapalabas ng katotohanan at katarungan.

Ang isang saksi ay limitado lamang sa nakita niyang pangyayari, narinig na mga salita, naamoy ng kaniyang ilong, nalasahan ng kaniyang dila, at naramdaman ng sarili niyang katawan. Doon lamang sa gayong limitasyon maaaring maging katiwatiwala ang kaniyang pahayag. Datapuwa’t siya ay lalabas na isang sinungaling, kung ang kaniyang salaysay ay lalakipan niya ng personal niyang opinion. Halimbawa ay ang pagsasaad ng mga bagay na nilalaman ng isip ng isang tao na sangkot sa pangyayaring kaniyang nasaksihan. O kaya naman ay ang pagbibigay ng konklusyon sa dulo ng isang napanood niyang pangyayari, o salita na kaniyang narinig.

Gayon man, ay higit na katiwatiwala ang salaysay ng sinoman na direktang sangkot sa anomang pangyayari. Gaya halimbawa nitong si Jesus na nagsasalita ng ayon sa dikta nitong Espiritu ng  Dios, na sa panahon niyang iyon ay makapangyarihang namamahay at naghahari sa kaniyang kabuoang pagkatao.

Ang punto sa panimulang usaping ito ay makita ng maliwanag, kung sino ang pangunahing nararapat pakinggan at paniwalaan. Matatanggap naman marahil ng lahat, kung sabihin namin na ang salita (evangelio ng kaharian) ng sariling bibig nitong si Jesus ay sinasang-ayunang lubos nitong katotohanan na sumasa Dios.

Sinasang-ayunan ng katotohanan na ang mga totoong saksi nitong si Jesus ay nagpatunay sa mga salita na mismo ay ipinangaral ng sarili niyang bibig at sa mga salita ng Dios na mula sa kaluwalhatian ng langit. Sa gayo’y katiwatiwala ang lahat ng iyon bilang batayan ng nagtutumibay na katotohanan.

Maliwanag na narinig ng mga apostol na iyon ang tinig ng Ama, na ang mahigpit na bilin ay tulad nito,

“ITO ANG SINISINTA KONG ANAK, NA SIYA KONG KINALULUGDAN; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.(Mat 17:5)

Gaya ng ilan sa mga nasusulat,

Mat 17 :
4  At sumagot si Pedro, at sinabi kay Jesus, Panginoon, mabuti sa atin ang tayo'y dumito: kung ibig mo, ay gagawa ako rito ng tatlong tabernakulo; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias.

5  Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, ITO ANG SINISINTA KONG ANAK, NA SIYA KONG KINALULUGDAN; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.
6  At nang MARINIG ITO NG MGA ALAGAD, ay nangasubasub sila, at lubhang nangatakot.

Halimbawa nga iyan ng isang pangyayari na nasaksihan at sinalita ng Dios na narinig ng apostol na si Pedro, Santiago, at Juan. Walang dapat na ikapagduda, palibhasa’y salaysay ng mga tunay na saksi. Matibay na patotoo, upang ang lahat ay paglagakan ng lubos na tiwala at pagsasabuhay ang mga aral pangkabanalan (katuruang Cristo) na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig ng Cristong si Jesus.

Siya nga lamang ang ating pakikinggan, at bukod sa kaniya ay wala ng iba. Sapagka’t kaniyang sinabi,

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala  na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglubitan. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. (Juan 15:15)

Kapansinpansin, na ang mga talata sa itaas ay sinasabing ang mga salita, o aral na winika ng sariling bibig nitong si Jesus ay hindi kaniya, kundi dikta o turo lamang nitong Espiritu ng Ama. Kaya naman pala, mahigpit na iniuutos (Mat 17:5) ng Ama, na si Jesus lamang ang ating pakikinggan, dahil sa katotohanan na salita mismo ng Dios ang mga aral pangkabanalan na ipinangaral ng sarili niyang bibig.

Kaya naman, nang sabihin nitong si Jesus ang sumusunod,

Juan 10 :
30  AKO AT ANG AMA AY IISA.

Hindi nga si Jesus sa kaniyang sarili ang nagsaad ng mga salitang iyon, kundi ang Espiritu ng Dios, na sa panahong iyon ay makapangyarihang namamahay at naghahari sa kaniyang kalooban.

Gayon man ay niliwanag niya ang kaisahang iyon, gaya ng nasusulat,

Juan 17 :
11  At wala na ako sa sanglibutan, at ang mga ito ay nasa sanglibutan, at ako'y paririyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, UPANG SILA'Y MAGING ISA, NA GAYA NAMAN NATIN.

Sa talatang iyan sa itaas ay napakaliwanag na ang Anak ay DUMADALANGIN SA AMA. Wika ng Anak ay paroroon siya sa kaluwalhatian ng Amang banal, at inihahabilin niya ang lahat ng ibinigay ng Ama sa kaniya, upang gaya ni Jesus ay maging kaisa din naman nila ang Ama. Sa madaling salita ay iisa ang Ama at ang lahat ng ibinigay ng Ama sa kaniya.

Kapansinpansin din sa mga talatang iyan sa itaas. May diin na sinasabing iba ang persona ng Ama at iba din ang persona nitong si Jesus. Dahil diyan ay maliwanag na ang Ama ay ang Ama, at si Jesus ay si Jesus, at ang dalawa ay dalawa at kailan man ay hindi naging isang persona ng Dios.



AKO NGA (I AM)
ISA 43 :
10  Kayo'y aking mga saksi, sabi ni YHVH(Yehovah), at aking lingkod na aking pinili: upang inyong maalaman at magsisampalataya kayo sa akin, at inyong matalastas na AKO NGA; walang Dios na inanyuan na una sa akin, o magkakaroon man pagkatapos ko. 

Sa balumbon ng Tanakh ay madiing winika ng Ama, na "AKO NGA." Iyan ay tiniyak lamang niya kay propeta Isaias na ang eksaktong nagsasalita na kaniyang kausap (Isa 43:10) ay walang iba, kundi si YHVH (Yehovah), at wala ng iba pa. Kung gayon ay katotohanan na saan man at kailan man ay hindi naging isang pangalan ng Dios ang salitang iyan (Ako nga). Sapagka't ang kaisaisang Dios ng langit ay may kaisaisa ring pangalan na magpasawalang hanggan, gaya ng napakaliwanag na nasusulat,

Exo 3 :
15  At sinabi pa ng Dios kay Moises, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ni YHVH (Yehovah), ng Dios ng inyong mga magulang, ng Dios ni Abraham, ng Dios ni Isaac, at ng Dios ni Jacob: ITO ANG AKING PANGALAN MAGPAKAILAN MAN, at ito ang aking pinakaalaala sa lahat ng mga lahi. 

Ano pa't sa natatanging kapanahunan nitong si Jesus ng Nazaret ay nagsalitang muli sa pamamagitan naman ng sarili niyang bibig ang nabanggit na kaisaisang Dios ng langit, na nagsabi,

JUAN 8 :
24  Sinabi ko nga sa inyo, na kayo'y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka't malibang kayo'y magsisampalataya na AKO NGA, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.
(Therefore I said to you that you shall die in your sins, for if you do not believe that I AM, you shall die in your sins.)

Napakaliwanag ang katotohanan na ang Dios na nagsabing "AKO NGA" na mababasa sa Isa 43:10 ay siya rin ang "AKO NGA" na nagsalita  sa Juan 8:24. Pinatutunayan lamang ni YHVH (Yehovah) na Siya mismo ang nagsasalita at wala ng iba, mula sa sariling bibig ng Cristo.

Sapagka't hinggil sa katotohanang iyan ay madiing winika ng Cristo,

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala      na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8: 
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglibutan. (Juan 15:15, 17:8)

Katotohanan ang winikang iyan ng sariling bibig ni Jesus, upang mapag-unawa ng lahat na hindi siya ang nagsasalita, kundi ang Espiritu ng Dios na sa panahong iyon ay masigla at makapangyarihang namamahay at naghahari sa kaniyang kabuoang pagkatao.

Ano pa't ang Espiritu ng Dios na nagsasabing, "AKO NGA", mula sa sariling bibig ng Cristo ay nagwika ng matuwid hinggil sa katuwiran ng kaniyang mga salita.

JUAN 8 :
23  At sa kanila'y kaniyang sinabi, Kayo'y mga taga ibaba; AKO'Y taga itaas: kayo'y mga taga sanglibutang ito; AKO'Y hindi taga sanglibutang ito.
(And He said to them, You are from beneath; I AM from above. You are of this world; I AM not of this world. 

Subali't hindi nangangahulugan na itong si Jesus ang tinutukoy na gayon, sapagka't ang nabanggit na Espiritu ay sumanib lamang kay Jesus matapos na siya ay bautismuhan nitong si Juan sa dako ng ilog Jordan. Muli ay isang confirmasyon lamang iyan, na tinitiyak ni Yehovah, na siya ang nagsasalita gamit ang sariling bibig ni Jesus.

Gaya ng napakaliwanag na nasusulat,

Mat 3 :
16  At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang ESPIRITU NG DIOS na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya; 

17  At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong ANAK, na siya kong lubos na kinalulugdan.

Wala ngang anomang alinlangan na iisa lamang ang Dios na nagsalita sa panahon ni Isaias (Isa 43:10) at ni Jesus ng Nazaret (Juan 8:24.) Subali't ang kaisaisang Dios na iyon ay maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi tumutukoy kay Jesus, o kung kanino mang tao sa kalupaan. Sapagka't siya'y isa lamang sisidlang hirang (buhay na templo) ng nabanggit na Espiritu ng Dios. Sa madaling salita, tulad ng iba pang banal ng Dios ay isa siyang kasangkapan, daluyan, talaytayan (medium) ng nabanggit na Espiritu ng Dios na nagsabi na "AKO NGA."

Maliwanag ang lahat hinggil sa kung sino ang ating pakikinggan, at susundin pagdating sa larangan ng tunay na kabanalan. Siya nga ay walang iba kundi si Jesus ng Nazaret, at hindi ang sinoman sa kasulatan. Sa madaling salita ay KATURUANG CRISTO ang iniuutos ng Ama na ating pakinggan at isabuhay. Iyan ay sa pamamagitan ng pagtangkilik, pagtataguyod, pagtatanggol, at maluwalhating pagsunod sa sagradong katuruan na iyan.

Sa mga sumusunod na talata ay maliwanag na mapapag-unawa, kung totoo nga ba, o hindi ang kakaibang katuruan, na nagsasabing si Jesus mismo ang Ama ng langit.


HINDI SI JESUS ANG AMA, DAHIL SINABI NIYA NA SIYA AY MAY AMA

Narito, at pinatotohanan at isinatitik ni apostol Mateo at Juan ang mga salita nitong Espiritu ng Dios na ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo. Sila nga ang mga saksi na nagsaysay ng kanilang napanood na pangyayari at nadinig na mga salita nitong Espiritu Santo na isinatinig lamang ni Jesus.

JUAN 8 :
38  Sinasalita ko ang mga bagay na aking nakita sa AKING AMA: ....
(I speak that which I have seen with my Father:)

Sa talata ay madiing winika ng panginoong Jesucristo, na sinasalita lamang niya ang mga bagay na kaniyang nakita mula sa KANIYANG AMA.

At sinabi pa,

MATEO 16 :
17  At sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka't hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng AKING AMA NA NASA LANGIT.
(And Jesus answered and said unto him, Blessed art thou, Simon Barjona: for flesh and blood hath not revealed it unto thee, but my Father which is in heaven.)

MATEO 18 :
10  Ingatan ninyo na huwag ninyong pawalang halaga ang isa sa maliliit na ito: sapagka't sinasabi ko sa inyo, na ang kanilang mga anghel sa langit ay nangakakakitang palagi ng mukha ng AKING AMA NA NASA LANGIT.
(Take heed that ye despise not one of these little ones; for I say unto you, That in heaven their angels do always behold the face of my Father which is in heaven.)

MATEO 18 :
19  Muling sinasabi ko sa inyo, na kung pagkasunduan ng dalawa sa inyo sa lupa ang nauukol sa anomang bagay na kanilang hihingin, ay gagawin sa kanila ng AKING AMA NA NASA LANGIT.
(Again I say unto you, That if two of you shall agree on earth as touching any thing that they shall ask, it shall be done for them of my Father which is in heaven.)

Tahasan niyang sinalita, na siya ay may Ama na kung saan ay matatagpuan sa kaluwalhatian ng langit. Sapat upang tindigang matibay ng lahat, na ang itinuturo na Ama na nasa langit nitong si Jesus ay hindi kailan man tumukoy sa kaniyang sarili.


SI JESUS AY DUMADALANGIN SA AMA

Mat 14 :
23  At pagkatapos na mapayaon niya ang mga karamihan, ay UMAHON SIYANG BUKOD SA BUNDOK UPANG MANALANGIN: at nang gumabi na, ay siya'y nagiisa doon.

Juan 11 :
41  Kaya't inalis nila ang bato. At itiningin ni Jesus sa itaas ang kaniyang mga mata, at sinabi, AMA, NAGPAPASALAMAT AKO SA IYO, NA AKO'Y IYONG DININIG.

42  AT NALALAMAN KO NA AKO'Y LAGI MONG DINIRINIG: NGUNI'T ITO'Y SINABI KO DAHIL SA KARAMIHANG NASA PALIBOT, UPANG SILA'Y MAGSISAMPALATAYA NA IKAW ANG NAGSUGO SA AKIN.

Juan 17 :
11  At wala na ako sa sanglibutan, at ang mga ito ay nasa sanglibutan, at ako'y paririyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, UPANG SILA'Y MAGING ISA, NA GAYA NAMAN NATIN.

Ang mga iyan ay patotoo mula sa sarili niyang bibig na nagsasabing, siya nga ay walang alinlangan na Anak ng kaisaisang Dios na nasa langit. Gayon ma'y napakaliwanag na hindi kailan man niya inari na siya lamang ang nag-iisa, o ang bugtong na anak ng Dios. Sapagka't ang lahat ay tinuruan niyang manalingin ng direkta sa Ama nating nasa langit, gaya ng malinaw na nasusulat,


Mat 6:9  Magsidalangin nga kayo ng ganito: AMA NAMIN NA NASA LANGIT KA, Sambahin nawa ang pangalan mo.

10  Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.

11  Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw.

12  At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin.

13  At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama. Sapagka't iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man. Siya nawa.

Karagdagang referensiya:

Higit sa sapat, upang maunawaan mula sa dinamidami ng mga katunayang biblikal ang katotohanan. Na itong si Jesus na gaya natin ay may kaisaisang Ama na nasa langit. Sa gayon ay isang napakalaking pagkakamali at pagliligaw sa kapuwa, na sabihing si Jesus ang Ama, at ang Ama ay si Jesus

May pagdidiin sa hindi kakaunting talata na iyan bilang mga kongretong patibayang biblikal, na saan man at kailan man ay hindi lumapat sa katotohanan na sumasa Dios ang kakaiba at katawatawang aral na, "ang Ama ay si Jesus". Gayon din na isang napakalaking kahibangan at kahangalan, na sabihing "Jesus" ang pangalan ng Ama, na Siyang kaisaisang Dios ng langit. Ang walang sintidong pahayag na iyan ng mga hindi nakakaunawa ay maituturing na isang napakalaking kahangalan at kahibangan lamang.

Lahat ng mga talata na ginawa naming kongretong patibayang aral sa itaas ay mula lahat sa sariling bibig ng Cristo. Wala na nga kung gayon na hihigit pa sa katotohanang iyan mula sa kaniya. Iyan sa makatuwid ang hindi mapapag-alinlanganan na mga matutuwid at katiwatiwalang katunayang biblikal, na nagpapatibay ng lubos sa kalagayan ni Jesus bilang isang Anak ng Ama na gaya natin, at hindi bilang Ama na nasa langit.

Ano nga? Sa inyo baga ay ano ang maliwanag na kahulugan ng sumusunod na salita ng sariling bibig ni Jesus, na sinasabi,

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Madiing wika ni Jesus, na hindi pa siya nakaka akyat sa Ama. Ibig sabihin ay mayroong isang Ama sa kaitaasan (langit), na kung saan siya ay aakyat. Sa madaling salita ay iba ang nasa ibaba at iba din ang nasa itaas, at hindi maaari na ang nagsasabing siya’y Anak ay siya rin pala ang Ama na aakyatin niya sa kaluwalhatian ng langit. 

Hindi nga maaari na ang Ama ay siya rin ang Anak, sapagka’t sa bibig na mismo niya namutawi, na ang Ama niya ay Ama din natin, at ang Dios niya ay Dios din natin. Maliwanag pa nga sa sikat ng araw sa katanghaliang tapat, na si Jesus ay gaya natin na may kaisaisang Ama at Dios na nasa langit.

Mahigpit na utos ng Ama sa Mat17:5, na salita lamang ng sariling bibig ng Cristo ang ating pakikinggan. Dahil diyan ay wala tayong anomang magagawa, kundi pakinggan at kilalanin na lahat bilang katotohanan ang mga salita niya na ginawa naming patibayang aral sa akdang ito.

Huwag nga nating ilagak ang lubos nating paniniwala sa hidwa at pilipit na doktrinang pangrelihiyon, na kinalap lamang ng ilan mula sa sali’t saling sabi ng mga tao. Ang katuruang gaya niyan ay bitag sa sinoman, na walang awang kumakaladkad sa kanino mang kaluluwa sa tiyak na kapahamakan at kamatayan nito.

KONKLUSYON:

Sa bibliya ay lakip ang, 

1. Mga aral na mismo ay sinalita ng sariling bibig ng Cristo. 

2. Patotoo ng mga tunay na saksi (eyewitness account) ni Jesucristo, gayon din ang, 

3. Personal na opiniyon ng mga saksing totoo, at ang, 

4. Bungkos ng mga hidwang aral na mula lamang sa sali’t saling sabi ng mga tao (tradition).

Katotohanan na ang nakahihigit sa mga bilang na iyan sa itaas ang una (1st), na mga aral na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo. Iyan ang higit sa lahat ay matuwid isabuhay ng lahat, sapagka't nandiyan ang natatanging kaparaanan kung paano ang sinoman ay lulunsad ng maluwalhati sa buhay na walang hanggan ng sarili niyang kaluluwa.

Mabuti ang pangalawa (2nd) kung iyon ay umaayon sa dakilang aral na masusumpungan sa Katuruang Cristo.

Ang pangatlo (3rd) ay nalalapit sa kasinungalingan, nang dahil sa umiral na ang personal na opinion ng saksing totoo. Siya ay nagsasalita lamang nang ayon sa sarili niyang pagmamatuwid, na ang mga bagay ay hinusgahan niya alinsunod sa pangsarili niyang unawa. Sa gayo'y hindi ayon sa pangyayari na direkta niyang nasaksihan, nadinig, naamoy, nalasahan, at naramdaman. Kahi man siya'y saksing totoo, kung ang inilalahad niya ay sa ganang kaniya lamang ay hindi siya matuwid pakinggan at paglagakan ng tiwala.

Ang pang-apat (4th) ay kinakaladkad ang sinoman sa malawak na tanghalan ng kapalaluan, kahibangan, at kahangalan, na siyang bunga ng laganap na kamangmangan. Nariyan ang mga aral na noong una at hanggang sa ngayon ay naging sanhi ng pagkakawatak-watak ng mga tao mula sa isang matuwid na kalagayang tagapaglunsad ng sinoman sa larangan ng tunay na kabanalan sa kalupaan. 

Unawain nga nating mabuti ang pagbasa ng kasulatan at ng sa gayon ay matiyak natin, kung ang mga iyon ba ay lumalapat sa bilang na 1, 2, 3, o sa 4. Iyan ay upang mapag-unawa natin, kung alin ang mga salita na matuwid nating sundin sa banal na kasulatan.

Huwag nga tayong padala sa matatamis na pananalita ng ilang karakter ng bagong tipan na ayon lamang sa sarili nilang opinion at mga haka ng kasinungalingan ang kanilang minamatuwid. 

Maging si Marcos, Lucas, ni si Pablo man, kung ang ipinahahayag na aral ay may paghihimagsik sa mga salita (evangelio ng kaharian [katuruang cristo]) na may diing ipinangaral ng Cristo ay huwag nating pakinggan. Maging ang sinoman na nagtururo na, "si Jesus ang Ama" ay huwag nating pakinggan. sapagka't ang mga hidwang aral na gaya niyan ay katotohanang tagapaghatid ng sinoman sa tiyak na kapahamakan ng sarili niyang kaluluwa.

Alalahanin natin ang mahigpit na utos ng Ama, na walang iba, kundi ang Cristo lamang ang ating pakikinggan. Siya gaya natin ay Anak, at kailan man ay hindi naging Ama ng langit. Ang pagiging isa ng Anak (sangkatauhan) sa kaniyang Ama ay ang pagkiki-isa niya sa natatanging kalooban ng sarili niyang Ama na nasa langit.

Hinubad ni Jesus ang pangsarili niyang layaw, at binayaan niyang sa kabuoang ng kaniyang pagkatao ay masiglang magsibangon ang banal na mandato ng perpektong kaayusan at dakilang balanse ng Dios, na tumutukoy ng ganap sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungan (may unawa), at buhay

Kung paano nga hinubad ni Jesus bilang tao na totoo ang kalayawan ng sanglibutan, ay matuwid nga sa paningin ng Ama nating nasa langit, na gayon din ang ating gawin.  Upang kung anong ganting-pala ng langit na sumakaniya ay suma atin din naman.

Nawa ay suma bawa’t isa ang mga biyayang iyan ng langit. 

ITO ANG KATURUANG CRISTO



Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento