Linggo, Marso 20, 2016

ANG UMANO’Y PAGBABALIK NI JESUCRISTO SA NASASAKUPANG PANAHON NI PABLO

1 Tes 4 :
15  Sapagka’t ito’y sinasabi namin sa inyo sa salita ng Panginoon (Jesus), na tayong nangabubuhay, na nangatira hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi tayo mangauuna sa anomang paraan sa nangatutulog.

1 Cor 4 :
Kaya nga huwag muna kayong magsihatol ng anoman, hanggang sa dumating ang Panginoon, na siya ang maghahayag ng mga bagay na nalilihim sa kadiliman, at ipahahayag naman ang mga haka ng mga puso; at kung magkagayon ang bawa’t  isa ay magkakaroon ng kapurihan sa Dios.
1 Cor 10 :
11  Ang mga bagay na ito nga’y nangyari sa kanila na pinakahalimbawa: at pawang NAngasulat sa pagpapaalaala sa atin, na mga dinatnan ng katapusan ng mga panahon.

Heb 10 :
25  Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa’t isa; at lalo kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.

2 Tes 1 :
At kayong mga pinighati ay bigyang kasama namin ng kapahingahan sa pagpapakahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang mga anghel ng kaniyang kapangyarihan na nasa nagniningas na apoy,

Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus:

Heb 10 :
37  Sapagka’t sa madaling panahon, Siyang (Jesus) pumaparito ay darating, At hindi magluluwat

Sa mga inihayag naming talata sa nakaraang pahina ay ipinapapansin namin sa inyo, na itong si Pablo batay sa himig ng kaniyang mga pananalita ay lubos na umaasa at binibigyang diin sa mga taga Tesalonica, na ang lahat ng mga bagay na kaniyang isinaad sa kanila ay tiyak na magaganap sa nilalakaran nilang kapanahunan. Na kung lilinawin ay daratnan sila na mga nangabubuhay pa nitong Cristo sa umano'y pagbabalik nito.

Ano pa’t pakatalastasin ninyo na hanggang sa silang lahat ay mangamatay at lumipas na nga ang halos dalawang libong (2,000) taon ay hindi nangyari itong tiniyak na kaganapan nitong si Pablo na mangyayari sa kanilang kapanahunan. Kaya’t sa hindi maikakailang katotohanan, gaya ng nasusulat ay ganap ngang lumalapat ang sumusunod na kalagayan sa taong ito,

Deut 18 :
20  Nguni’t ang propeta na magsasalita ng salitang may pagpapalalo sa aking pangalan, na hindi ko iniutos sa kaniyang salitain o magsalita sa pangalan ng ibang mga dios, ay papatayin nga ang propetang yaon.

21 At kung iyong sasabihin sa iyong puso: PAANONG MALALAMAN NAMIN ANG SALITA NA HINDI SINALITA NG PANGINOON.

22  Pagka ang isang propeta ay nagsasalita sa pangalan ng Panginoon, kung ang bagay na sinasabi ay hindi sumunod ni mangyari, ay hindi sinalita ng Panginoon ang bagay na yaon: ang propetang yaon ay nagsalita ng kahambugan, huwag mong katatakutan siya.

Bagay na sa kasaysayang naitala nilang mga tunay na banal ng Dios ay hindi nangyari kailan man ang lahat ng mga sinabi nitong si Pablo, tungkol sa umano’y muling pagbabalik ng Cristo. Sapagka’t nang kaniyang siyasatin ang nilalaman nitong buod ng paghuhukom (synoptic apocalypse) na mababasa sa aklat nitong saksing si Mateo, ay sa literal na pananaw niya ito binigyan ng kahulugan.

Oo nga’t sa nabanggit na bahagi ng aklat ay sinabi na ang anak ng tao ay paririto upang tipunin ang mga tupa at kambing. Subali’t kailan ma’y hindi tinukoy na itong si Jesus ang siyang paririto, kundi ang napakaliwang na sinabi ay “anak ng tao.” Kaugnay nito'y hindi lamang si Jesus ang siyang pinamahayan at pinagharian nitong Espiritu ng Dios ayon sa mga kasulatan, at sila ay tinatawag din ng Dios na, “anak ng tao.”

Kaya’t kung uunawain mabuti ang sinabi ay hindi tumutukoy sa isang tao lamang ang salitang anak ng tao. Kundi sa kanila na kinasangkapan ng nabanggit na Espiritu ng Dios sa ikagaganap ng dakila niyang layunin sa kalupaan.

Ano pa’t ayon sa mga salitang mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ng taong si Jesus ay mangyayari nga ang gayon sa panahong nasasakupan ng kanilang henerasyon (40 taon), na sinasabi,

Mateo 10 :
23  ... Hindi ninyo matatapos libutin ang mga bayan ng Israel, hanggang sa pumarito ang Anak ng tao.

Hindi pa nga natatapos na libutin ng mga tunay na apostol ang kabuoan ng sangbahayan ni  Israel ay nasaksihan na nga nilang lahat ang pagparito nitong anak ng tao (Jesus). Siya’y lumisan sa daigdig ng mga buhay sa pamamagitan ng kamatayan sa pagkakabayubay sa krus. Nang magkagayo’y pumarito at nagbalik na buhay sa ikatlong araw.

Mateo 16 :
28  Katotohanang sinasabi ko sa inyo, MAY ILAN SA NANGAKATAYO RITO, NA HINDI MATITIKMAN SA ANOMANG PARAAN ANG KAMATAYAN, hanggan sa kanilang makita ang ANAK NG TAO na pumaparito sa kaniyang kaharian.

Nang mga sandaling sinasalita ni Jesus ang mga katagang nasa itaas (Mat 16:28) ay hindi maikakaila  na ang labingdalawang (12) apostol ay kabilang sa mga tao na nakikinig ng kaniyang mga salita. Dahil dito ay napakaliwanag na ang mga nabanggit na alagad ang tinutukoy niyang makakasaksi sa pagparito ng anak ng tao (Jesus).

Ipalagay natin na hindi pa nagaganap ang pagbabalik ng anak ng tao. Ang talata sa itaas ay winika ng bibig ni Jesus lagpas dalawang libong (2,0000) na ang nakakaraan. Kung tiniyak na hindi matitikman ng mga apostol ang kamatayan hanggang sa pumarito ang anak ng tao (Jesus). Ang ibig sabihin ba nito, palibhasa’y wala pang pagbabalik na nagaganap ay buhay pa rin silang lahat hanggang sa panahon nating ito?

MATEO 24 :
34  Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito

35 Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa't ANG AKING MGA SALITA AY HINDI LILIPAS.

Gaya rin naman ng mababasa sa wikang Ingless ay sinabi,

MATTHEW 24 :

34 Varily I say unto you, This GENERATION SHALL NOT PASS, till these things be fulfilled.

35  Heaven and earth shall pass away, but my words shall no pass.


Gayon ngang walang alinlangang naganap ang pagparito ng anak ng tao (Jesus) alinsunod sa mga tiyak na katibayan na katatapos lamang naming ilahad sa inyo. Ano pa’t kung paiiralin lamang ng marami ang likas na taglay nilang kakayahan sa malawak na pang-unawa. Sapat na nga ang katatapos na pagpapatotoo, upang maalaman na ang pagbabalik nitong si Jesus ay kay laon ng naganap. Ito'y itinatayang naganap sa nasasakupan ng apat na pung (40) taon, na kabuoang bilang ng mga taon nitong isang henerasyong biblikal (Biblical Generation).

Ano pa’t mula sa pinilipit na pangangatuwiran ng mga huwad na mangangaral sa nakaraan at kasalukuyan ay napaniwala nila ang lubhang malaking bilang ng mga tao. Na itong si Jesus umano ay nalalapit pa lamang ang muling pagbabalik. 

Datapuwa’t ang winikang pagparito nitong anak ng tao ayon sa kasulatan ay sa mga taga Corinto, Tesalonica at sa mga Hebreo lamang tiniyak at lubos na binigyang diin ni Pablo. Na ang gayo’y mangyayari lamang sa nasasakupang kapanahunan ng kanilang henerasyon. Ang napipintong kaganapan sa madaling salita ay iiral sa nasasakupan ng apat na pung taon (1 biblical generation).

Ang apat na pung (40) taon ng henerasyon ni Jesus ay natapos na, nang siya'y bawian ng buhay mula sa pagkakabayubay sa krus. Nang siya nga ay buhayin ng Dios sa loob ng ikatlong (3rd) araw ay iyon na rin ang naging simula ng sumunod na henerasyong biblikal. Iyon na nga ang naging maliwanag na katuparan ng muli at pangalawa (2nd) niyang pagparito (coming) sa sanglibutan. Una ay ang pagsilang niya mula sa sinapupunan ni Maria, at ang pangalawa ay ang nabanggit na pagkabuhay niya mula sa mga patay.

At sa sumunod na henerasyong biblikal (next 40 years), alinsuunod sa mahigpit na utos nitong Espiritu ng Dios sa kalooban ni Jesucristo, ay pinangasiwaan ng labingdalawang (12) apostol ang pangangaral nitong EVANGELIO NG KAHARIAN (Katuruang Cristo). Iyan ay sa sagrado nilang layunin na gawing alagad ng tunay na kabanalan ang lahat ng mga bansa sa kalupaan.

At sa pagpapatuloy ng mga kapanahunan, sa bawa't apatnapung (40) taon ay may lumilisan sa daigdig na labingdalawang (12) Anak ng tao, at mayroon din namang mga Anak ng tao na pumaparito na gaya ng bilang nila, na humahalili (apostilic succession) sa kanila. Iyan ay upang ipagpatuloy ang sagradong tungkulin ng mga tunay na banal, na gawing alagad ang lahat ng mga bansa sa buong sanglibutan.

Gaya ng malinaw na nasusulat,

Mat 28:19  Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: 

20  Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, AKO'Y SUMASA INYONG PALAGI, HANGGANG SA KATAPUSAN NG MGA KAPANAHUNAN (ages).

Ang Anak ng tao na kabilang sa nabanggit na labingdalawang (12)  na persona ng mga banal ay naparito na sa bahaging ito ng ating mundo, upang gawin tayong mga alagad ng Dios. Tayo'y kanilang babautismuhan sa tatlong (3) pangalan na mga pangalang (Ama, Anak, Espiritu Santo) tatatak sa ating noo. 

Ituturo niya sa atin ang lahat ng KAUTUSANG CRISTO upang ating ganapin, sa ikalulugod ng Ama nating nasa langit. Sapagka't nasa kaniya ang Espiritu ng Dios, at lalagi sa lahat ng hahalili (apostolic succession) sa kaniya hanggang sa katapusan ng mga kapanahunan (ages).

Kung masusi lamang na aanalisahin ang mga salitang nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus at ni Pablo sa artikulong ito ay lalabas ang katotohanan, na bago pa bigyang diin ng taong ito ang gayon sa mga taga Corinto, Tesalonica, at sa mga Hebreo ay malaon na ngang naganap ang pagbabalik ni Jesucristo.

Ang nakakalungkot sa usaping ito ay kaawa-awa ang marami na nagsipaniwala sa mga huwad na mangangaral, at dahil doo’y hindi nila napag-unawa na ang bagay na hinihintay nila ay dumating na pala lagpas dalawang libong (2,000) taon na ang nakakaraan. Samantalang ang mga Anak ng tao na ipinadadala ng Dios sa bawa't henerasyong biblikal, isa man sa kanila ay hindi nila kinilala.


Bilang pagdidiin, ang pagbabalik ni Jesucristo ay napakaliwanag ng naganap, nang sa ikatlong (3rd) araw ng kaniyang pagkamatay sa krus ay bumangon siya mula sa mga patay.

Si Jesucristo ay isa lamang sa Anak ng tao na Kaniyang isinugo sa iba't ibang yugto ng mga panahon. Ito'y hindi lamang tumutukoy sa iisa, kundi sa halos hindi mabilang na dami. Kaya't sa tuwirang salita, ang Anak ng tao ay muli, at muling nagbabalik sa loob ng nasasakupan nitong apatnapung (40) taon, na siyang bilang ng mga taon sa bawa't henerasyong biblikal na nagsilipas na at darating pa lamang sa hinaharap.

Kaya nga sana’y ugaliin natin na maniwala lamang sa mga salita (katuruang Cristo) na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus.  Sapagka’t ito’y ganap ang pagsang-ayon sa mga katuruan ng kaisaisang Dios sa pamamagitan ng mga propeta, na siyang nilalaman nitong tinatawag na lumang tipan ng bibliya.

Ang katuruang Cristo ay lalong kilala sa tawag na evangelio ng kaharian, at ang mga aral pangkabanalan na nilalaman niyan ay yaong mga salita na masigla at may katapangang ipinangaral ng sariling bibig ng panginoong Jesucristo. Nandiyan na lahat ang kailangan ng mga tao sa ikaliligtas ng kaluluwa at ikapagpapatawad ng mga kasalanan. 

Dahil diyan ay walang anomang balidong kadahilanan, upang tayo ay manindigan sa ibang evangelio, gaya halimbawa nitong evangelio ng di pagtutuli, na likhang katuruang pangkabanalan lamang ng taong si Pablo.

Walang masama sa pakikinig ng salita, lalo na’t kung yao’y tumutukoy sa ikababanal ng sinoman sa kalupaan. Nguni’t kung kakikitaan ng anomang paghihimagsik sa mga sinalita (katuruang Cristo) ng sariling bibig ni Jesus at ng mga sina-unang propeta ng Dios ay sukat upang ang ngangngaral, maging sino man siya ay huwag paniwalaan

Sapagka’t sa bagay na ito’y kaluluwa ang itinataya ng sinoman, at kung ito’y mapahamak ay paano pa matutupad ang ninanasa ng lahat na pagtatamo ng walang hanggang buhay sa kaluwalhatian ng langit.

Si Pablo ay nasumpungang isang bulaan, sapagka't pina-asa niya ang marami, at maging kayo rin naman ay nadaya niya. Dahil sa ipinangako niya ang pangalawang pagbabalik (second coming) ni Jesucristo na mangyayari sa buong nasasakupan ng henerasyong biblikal na kaniyang nilalakaran.

Ano pa't sa paglipas ng mga panahon ay nangamatay ng lahat ang mga tao na kaniyang napaglalangan, at pati rin naman siya ay napakalaon na ring patay. Subali't ang tiniyak niyang pangalawag pagparito (second coming) ni Jesucristo ay napako na lamang sa pangako. 

Heto nga, nakalipas na ang ika-dalawang libong (2,000) taon, at naghihintay pa rin ang marami sa kaganapang kailan man ay hindi darating. Ito'y dahil sa bago pa ipangako ni Pablo ang pangalawang pagparito ni Jesus ay nauna na itong nagkaroon ng kaganapan. Sa gayo'y isang napakalaking kahibangan ng sinoman, na tiyakang ipangako ang pagdating ng isang kaganapan na kay laon ng dumating.

Kamtin natin ang walang patid na biyaya ng langit na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay.

Ito ang katuruang Cristo. 

Hanggang sa muli. Paalam.


Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.






2 komento:

  1. Kawawa naman sila, nagsisipaghintay sa wala.

    TumugonBurahin
  2. Palibhasa itong si Pablo na nag pakilalang sinugo daw kuno para sa mga hentil na siya rin nagpakilala sa sariling bangko ay walang puwang sa kaharian turo na mis mong lumabas sa bibig ni Jesus ay literal na pagka unawa sa pagbabalik ng cristo .

    TumugonBurahin