Sabado, Agosto 1, 2015

NR 002 – SAN PABLO: PASIMUNO NG DAGDAG/BAWAS?

PAALALA:
Layunin namin na maglahad lamang ng mga aral pangkabanalan na masaganang dumaloy mula sa bibig ng panginoong Jesucristo at ng mga tulad niyang banal ng Dios. Kailan ma’y hindi namin hinangad na atakihin, sirain, ni gibain man ang pinaninindiganang doktrinang pangrelihiyon ng sinoman. Gayon din namang nais naming liwanagin na wala kaming anomang laban o paghihimagsik sa mga panulat nitong si Saulo (Pablo) ng Tarsus.  

Kung siya man ang hayagang sentro ng usapin sa artikulong ito ay tanda lamang iyon, na ang itinuturo niyang aral (evangelio ng di-pagtutuli) ay may lantarang pagsalungat at pagpapawalang kabuluhan sa katuwiran ng Dios na ipinangaral ni Jesus at ng iba pang tunay na banal. 

Narito, at sa artikulo bilang 002 ay sinulatan ni Pablo ang mga taga Efeso, na sa kanila ay binibigyan niya ng diin ang pagiging isang mapagpalang Dios nitong si Jesus. Na nang siya (Jesus) aniya’y umakyat sa kaitaasan ng langit ay dinala niyang gayon ang mga bihag. 

Kasunod nito’y NAGBIGAY aniya siya ng mga kaloob sa mga tao. Pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba'y propeta; at ang mga iba'y ebangelista; at ang mga iba'y pastor at mga guro. Si Jesus nga ayon sa nabanggit na sulat ay hindi TUMANGGAP, mana pa ay NAGKALOOB ng biyaya sa mga tao.

Sa biglang tingin ay tila isang napaka sagradong pahayag ang sinalitang iyon nitong si Pablo sa mga taga Efeso, nguni’t ang katotohanan diyan ay pinitas lamang niya ang pahayag na iyan sa Awit 68:18.


Ano pa't kung pag-aagapayanin ang sulat niya sa mga taga Efeso (Efe 4:8) at ang Awit 68:18 ay magiging isang malaking kabiglaanan sa sinoman ang makikitang ginawang dagdag/bawas ng taong iyan. 

Gaya ng nasusulat,

EFESO 4 :8  Kaya't sinasabi niya, Nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang bihag ang pagkabihag, At NAGBIGAY NG MGA KALOOB SA MGA TAO. - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - .
AWIT 68 :18  Sumampa ka sa mataas, pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag; TUMANGGAP KA NG MGA KALOOB SA GITNA NG MGA TAO, Oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Dios.

Muli na namang pinangahasan ni Pablo na bawasan at dagdagan ang teksto ni haring David. Sapagka’t ang napakaliwanag na konteksto ng kabanata 68 ng Awit ay sinasabing, sumampa ang kaisaisang Dios sa mataas na bundok ng Basan habang pinapatnubayan Niya ang kaniyang bayan sa pagka-alipin ng hari nitong banyagang lupain.

Kung babasahin at uunawaing mabuti ang magka-agapay na talata (Efe 4:8 at Awit 68:18) ay hindi mahirap makita ang lubhang napakalaking pagkakaiba ng konteksto. Saan man at kailan man ay hindi naging magkatulad ang ibig sabihin ng, “NAGBIGAY NG MGA KALOOB” at ”TUMANGGAP NG MGA KALOOB.” Bagkus ay magkabaligtad ang tanging kahulugan ng dalawang (2) pangungusap na iyan.

Diyan ay napakaliwanag na sa teksto ni haring David (Awit 68:18) ay ibinawas ni Pablo ang salitang “TUMANGGAP” at walang anomang dinagdagan niya ng salitang ”NAGBIGAY.” Sa layunin niyang itanyag ang Cristo na bunga ng sarili niyang imahinasyon (imaginary Christ) ay hindi bale ng gumamit siya ng pagdadahilan o kasinungalingan man.

Ibig niyang palabasin na siya ang pangunahing tumanggap ng kaloob mula kay Jesucristo bilang isang apostol, propeta, evangelista, pastor, at guro. Iginigiit din niya na siya ay alipin at bilanggo ng Cristo. Gayon ma'y hayagan niyang pinipilipit at niwawalan ng anomang kabuluhan ang katuruang Cristo, at sa turo ng taong iyan ay pinalalabas niya na inutil (walang silbi) ang kautusan ng Dios.



Sa Awit 68:18 ay ibinawas ni Pablo ang huling bahagi nito, na mababasa sa ibaba,

"Oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Dios."
Kailangan niyang kaltasin sa kaniyang salin ang mga salitang iyan, sapagka't sa sulat niya sa mga taga Efeso ay walang kaugnayan ang pangungusap na iyan sa tema na nais niyang bigyan ng pagdidiin


Gaya ng iba't-ibang retaso ng tela na pinagtagnitagni at mula doon ay bumuo ng isang kakaiba at kakatwang kasuotan. Iyan nga ang pamimitas ng iba't ibang linya sa teksto ng Tanakh at pinag-dudugtongdugtong, para makabuo ng isang pangungusap, o istansa, na naglalahad ng kakaibang tema na nais ipakahulugan ng gumawa. 

Hindi nakapagtataka ang pagdaragdag at pagbabawas niya ng mga salita sa teksto ng mga banal ng Dios, sapagka’t mula sa sarili niyang pahayag ay tahasan niyang inamin ang kaniyang kasinungalingan, kalikuan, katusuhan at kadayaan.

Gaya ng nasusulat.

ROMA 3 :
5  Datapuwa’t kung ang ating KALIKUAN (1 Juan 5:17) ay nagbibigay dilag sa katuwiran ng Dios, ano ang ating sasabihin? Liko baga ang Dios na dumadalaw na may poot? (nagsasalita ako ayon sa pagkatao.)
7  Datapuwa’t kung ang katotohanan ng Dios sa pamamagitan ng aking KASINUNGALINGAN ay sumagana sa ikaluluwalhati niya, bakit pa naman ako’y hinahatulang tulad sa isang makasalanan?

 FIL 1 :
18  Ano nga, gayon man, SA LAHAT NG PARAAN, maging sa PAGDADAHILAN o sa katotohanan, ay itinatanyag si Cristo, at sa ganito’y NAGAGALAK AKO, Oo, at AKO’Y NAGAGALAK.

2Co 12 :
16  Datapuwa't magkagayon man, ako'y hindi naging pasan sa inyo; kundi DAHIL SA PAGKATUSO KO, KAYO'Y HINULI KO SA DAYA.

Gaya ng inyong nabasa sa Roma 3:5 ay kalikuan ayon sa kaniya ang nagbibigay dilag sa katuwiran ng Dios. Gayon din ang nagpapasagana sa katotohanan ng Dios aniya ay ang kaniyang kasinungalingan.

Ang tao ding iyan ayon sa 2Cor 12:16 ay hayagang inamin sa mga taga Corinto, na siya ay totoong tuso, at hinuhuli niya ang mga tao sa pamamagitan ng kasuklamsuklam niyang pandaraya.

Kay Pablo nga kahi man sa katotohanan o sa kasinungalingan gaya ng mababasa sa Fil 1:18 ay kaniyang ipagdidiinan, mapasikat lamang niya ang imaginary Jesus ng Damasco. 

Labis niyang ikinagagalak sa kaniyang sarili na itanyag ang nabaggit na imaginary Jesus, kahi man nalalaman niyang gumagamit na siya ng mga pinaglubidlubid na kasinungalingan. Tunay nga niyang ikinagagalak sa kaniyang sarili ang kapalaluan niyang iyan.

Kaya ang pagdaragdag at pagbabawas ng mga salita sa teksto ng mga propeta ng Dios ay walang anoman niyang ginagawa. Iyan ay dahil sa ang kalikuan at kasinungalingan ay pinaniniwalaan nitong si Pablo na nagbibigay dilag at nagpapasagana sa katuwiran at katotohanan ng kaisaisang Dios ng langit.

Diyan nga ay napakaliwanag na ang katuwiran at ang katotohanan ng Dios ay malabis na pinilipit ng taong iyan. Sapagka’t ang utos niya sa kaniyang mga kampon ay gaya ng mga sumusunod,

ROMA 3 :
8  At bakit hindi (gaya ng pagkalibak sa atin, at gaya ng pinatotohanan ng ilan na ating sinasabi), Magsigawa tayo ng masama upang dumating ang mabuti? ang kaparusahan sa mga gayon ay matuwid.

Ano pa’t kung aalisin ang New Testament translator’s insertion [( )] sa talatang iyan ay lalabas ang tunay na anyo ng Roma 3:8, na gaya na lamang nito.

 ROMA 3 :
8  AT BAKIT HINDI, MAGSIGAWA TAYO NG MASAMA UPANG DUMATING ANG MABUTI? ANG KAPARUSAHAN SA MGA GAYON AY MATUWID.

Mula sa pinagtagnitagning kasinungalingan ng taong iyan, aniya ay kailangan ninoman na gumawa ng masama, upang ang mabuti ay dumating sa kaniya. Para ano pa’t ang sangkatauhan ay inutusan ng Dios na huwag gumawa ng kasamaan. Eto ngayon si Pablo na inuutusan ang lahat na gumawa ng masama sa ikabubuti.

Datapuwa't kung siya aniya ay gumagawa ng mabuti (paggawa ayon sa kautusan) ay gaya ng mababasa sa ibaba ang dumarating sa kaniya.

ROMA 7 :
21  Kaya nga nasumpungan ko ang isang KAUTUSAN na, kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang MASAMA ay nasa akin.

Ayan, at binaligtad na ng taong ito ang mundo. Na kung siya aniya ay gagawa ng masama ay darating sa kaniya ang mabuti, at kung siya naman ay gagawa ng mabuti (kautusan) ay darating sa kaniya ang masama. Iyan baga ang katuwiran na nalalaman ng isang tao na nasa hustong pag-iisip?

Sa ganap na ika-uunawa ng usaping iyan ay pag-agapayanin nga natin ang dalawang talata na nabanggit.

ROMA 3 :8  AT BAKIT HINDI, MAGSIGAWA TAYO NG MASAMA UPANG DUMATING ANG MABUTI? ANG KAPARUSAHAN SA MGA GAYON AY MATUWID.
ROMA 7 :21  Kaya nga nasumpungan ko ang isang KAUTUSAN na, kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang MASAMA ay nasa akin.


Hindi mahirap unawain ang ibig sabihin ng dalawang (2) talata sa itaas. Napakaliwanag na diyan ay sinasabi, na ang kasamaan ay nagbubunga ng mabuti, at ang kabutihan ay nagluluwal ng kasamaan.

Kung ang katuwiran ng Dios ang bibigyang halaga sa usaping ito, ang paggawa ng kasamaan ay nagbubunga ng kapahamakan sa kaluluwa ng sinoman. 

Mula sa kapalaluang iyan ni Pablo ay hayagan na nga niyang pinasinungalingan ang sinalita ng sariling bibig ng Cristo. Iyan ay hinggil sa kung ano ang ibinubunga ng gawang mabuti, at kung ano ang nagiging mga supling ng gawang masama.

Gaya ng nasusulat sa Katuruang Cristo,


MATEO 7 :
17  Gayon din naman ang BAWA’T MABUTING PUNONG KAHOY AY NAGBUBUNGA NG MABUTI; datapuwa’t ANG MASAMANG PUNONG KAHOY AY NAGBUBUNGA NG MASAMA.


18  HINDI MAAARI NA ANG MABUTING PUNONG KAHOY AY MAGBUNGA NG MASAMA, at ang MASAMANG PUNONG KAHOY AY MAGBUNGA NG MABUTI.

Nguni't kung iaagapay nga natin ang katuruang Pablo sa katuruang Cristo ay gaya ng mababasa ibaba.

KATURUANG CRISTO 

MATEO 7 :
17  Gayon din naman ang BAWA’T MABUTING PUNONG KAHOY AY NAGBUBUNGA NG MABUTI; datapuwa’t ANG MASAMANG PUNONG KAHOY AY NAGBUBUNGA NG MASAMA.

18  HINDI MAAARI NA ANG MABUTING PUNONG KAHOY AY MAGBUNGA NG MASAMA, at ang MASAMANG PUNONG KAHOY AY MAGBUNGA NG MABUTI.
KATURUANG PABLO

ROMA 3 :8  AT BAKIT HINDI, MAGSIGAWA TAYO NG MASAMA UPANG DUMATING ANG MABUTI? ANG KAPARUSAHAN SA MGA GAYON AY MATUWID.

 ROMA 7 :21  Kaya nga nasumpungan ko ang isang KAUTUSAN na, kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang MASAMA ay nasa akin.

Gayon nga rin na ang paggawa at pagsasabuhay ng mabuti (kautusan [Torah]) ay naghahatid sa simomang kaluluwa sa buhay na walang hanggan. Iyan ang katotohanan na sinasang-ayunan lubos ng katuwiran na sumasa Dios.

Gaya ng isinasaad nitong Katuruang Cristo, na sinasabi,

 MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa MABUTI? May isa, na siyang MABUTI: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Sukat na nga ang mga pilipit na pangangatuwiran ng taong iyan, at huwag natin siyang pakinggan. Kung gayon, ayon sa Ama nating nasa langit ay sino sa makatuwid ang karapatdapat nating pakinggan? 

Hinggil diyan ay tahasang iniutos ng Ama ang salita at aral na matuwid sundin ng lahat sa buong kalupaan.

Iyan ay gaya ng napakaliwanag na sinasabi,


Mateo 17 :5  Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.
Mula nga diyan sa napakaliwanag ng utos ng Ama, na si Jesus, o ang Katuruang Cristo lamang ang ating pakinggan. Sa gayo'y ililigaw at ipapahamak pa ba natin ang ating kaluluwa mula sa pakikinig ng kasinungalingan (Roma 3:7), kalikuan (Roma 3:5), katusuhan at kadayaan (2 Cor 12:16) nitong si Pablo?

Kaugnay niyan ay tiyak na aakalain ng mga panatiko ni Pablo na ang buong nilalaman ng akdang ito ay isang hayagang paninira at mapaminsalang atake sa taong iyan. Gayon man ay naniniwala kami na higit ang bilang ng mga tao na mauunawaan ng lubos ang sinserong layunin ng lathalain naming ito.

Kailan pa nga malalahad sa maliwanag ang kaniyang kapalaluan, kung walang sinoman sa ngayon na may katapangang magbubunyag ng kasuklamsuklam na nilalaman ng puso at isipan ng taong iyan. 

Ang sira sa likas nitong kalagayan ay hindi na maaaring sirain pa, sapagka't kasiraan na ang dinadala nitong umiiral na kalagayan sa kaniyan sarili.

Kami nga’y hindi kumakatha ng anomang issue tungkol sa kaniya o sa kanino pa man, bagkus ay inilalahad lamang namin ang mga pahayag na mismo ay sinalita ng sarili niyang bibig. 

Hindi paninira, ni pagmamalinis man ang sa amin, kundi isang makatuwirang paglalahad ng mga bagay na kailan ma'y hindi maaaring pasinungalingan ng sinoman. Palibhasa’y iyan ang nilalaman ng mga sulat niyang ipinadala sa ilang personalidad at mga piling bayan ng Asia Minor, Gresiya at Italya noong panahong siya ay nabubuhay pa.

Abangan ang mga susunod pang serye ng EXPOSE, hinggil sa isinulat ng sariling kamay ni Pablo na malawakan at talamak na dagdag/bawas sa teksto (Tanakh) ng mga propeta ng Dios.

Hanggang sa muli, paalam.

RELATED ARTICLE

NR. 003 SAN PABLO: PASIMUNO NG DAGDAG/BAWAS

1 komento:

  1. Sa mga bumabasa at paulit-ulit ngang binabasa at pinagaaralan ang biblia at sila'y mga tagapamahayag ng Mabuting Balita, ay bakit nga ba hindi nila nakikita ng may linaw na itong si Pablo ay UMAAMIN na siya ay may kalikuan (rom 3:5), siya ay sinungaling (rom3:7), siya ay tuso (2 cor12:16). At sa (heb 6:1) ay kaniyang pinatitigil ang pagsasalita ng unang simulaing aral ng Cristo! Ano ba itong simulaing aral ng Cristo kundi ang KATURUANG CRISTO o ang EBANGELIO NG KAHARIAN.
    Ipinagtatangol ang aral ni Pablo at nasapawan at naisang-tabi ang kadalisayan ng Katuruang Cristo, At may paninindigan at ipagmamakatuwiran ninyong sasabihing kayo'y may pananampalataya kay Jesus!
    .

    TumugonBurahin