Lunes, Hulyo 6, 2015

NR. 001 SAN PABLO: PASIMUNO NG DAGDAG/BAWAS?

PAALALA:
Layunin namin na maglahad lamang ng mga aral pangkabanalan na masaganang dumaloy mula sa bibig ng panginoong Jesucristo at ng mga tulad niyang banal ng Dios. Kailan ma’y hindi namin hinangad na atakihin, siraan, ni gibain man ang pinaninindiganang doktrinang pangrelihiyon ng sinoman. Gayon din namang nais naming liwanagin na wala kaming anomang laban o paghihimagsik sa mga panulat nitong si Saulo (Pablo) ng Tarsus.  

Kung siya man ang hayagang sentro ng usapin sa artikulong ito ay tanda lamang iyon, na ang itinuturo niyang aral (evangelio ng di-pagtutuli) ay may lantarang pagsalungat at pagpapawalang kabuluhan sa katuwiran ng Dios na ipinangaral ni Jesus at ng iba pang tunay na banal. 

Mula sa kasagsagan ng mga panahong nagsilipas ay makikita ng napakaliwanag ang pagkilala kay San Pablo, bilang isang matuwid na lingkod ng Dios. Siya ay itininuturing ng higit na nakakarami na isang santo ng simbahang katoliko. Kinikilala din siya sa gayong kabanal na kalagayan ng iba’t ibang samahan na nabibilang sa malaking kalipunan ng Cristiano ni Pablo.

Sa kabila ng katanyagan ng taong iyan sa larangan ng Cristianismo ay matuwid na tanggapin ng lahat, na may madidilim pa rin na bahagi ng kaniyang pagkatao na hindi napapag-unawa ng higit na nakakarami. Nandiyan ang hayagan niyang paghihimagsik sa mga aral na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo. Nandiyan din ang pagbabawas at pagdaragdag ng mga salita sa teksto ng mga propeta,” na ginawa naman niyang patibayang aral sa kaniyang mga sulat.

Bilang simula, ang usapin hinggil sa dagdag-bawas ng mga salita, ang sa inyo ngayon ay aming tatanglawan ng napakaliwanag na ilaw. Iyan ang isa sa madilim na bahagi ng pagkatao nitong si Pablo, na noon pa mang una ay pinagtakpan na ng mga pagano at gentil na kabalahibo niya. Hanggang sa ngayon ay tila mga bulag sa katotohanang iyan ang mga tao na kumikilala sa kaniya bilang isang banal ng Dios.
Bagaman ang mga serye ng anomalya na ilalantad namin sa inyo ay kanila ng nalalaman noon pa mang una - ay minabuti na lamang nilang manahimik. Iyan ay upang sila'y hindi dumanas ng malabis na pagkapahiya. Ano pa’t kapag nagkaroon ng malawakan na kampanya hinggil sa usaping ito ay hindi kakaunti sa mga Cristiano ni Pablo ang mamumulat ang mga mata sa katotohanan, na isa-isa naming ihahayag sa inyo ng may ganap na kahustuhan.

Mula sa sulat ni Pablo sa mga taga Roma ay ilang ulit siyang gumamit ng patibayang aral na nagmula sa banal na Tanakh ng Dios (OT). Iyan ay sa layunin niyang pagtibayin ang aral (evangelio ng di patutuli) na iniutos niyang ganapin at isabuhay ng kaniyang mga panatikong tagasunod.

Na sinasabi,

ROMA 3 :
4  Huwag nawang mangyari: oo, bagkus pa nga ang Dios ay tapat, datapuwa't ang bawa't tao'y sinungaling;
GAYA NG NASUSULAT,
Upang ikaw ay ariing ganap sa iyong mga salita, At makapagtagumpay ka kung ikaw ay mahatulan.

Sa talatang iyan ay napakaliwanag na binibigyang diin nitong si Pablo, na ang lahat ng tao sa mundo ay sinungaling, pati na ang kaniyang sarili. At upang mabigyan niya ng diin ang pagiging sinungaling ng bawa’t tao ay gumamit siya ng isang patibayang aral mula sa Awit ni David, na ayon sa ibig ipakahulugan niya sa salin ay kailangan ng sinoman na gumamit ng kasinungalingan, upang sa pamamagitan niyan ay mapagtagumpayan ninoman ang anomang hatol sa kaniya.

Bilang susog sa talatang iyan, mula sa kasunod na bilang ng mga pahayag ay tahasan niyang pinatotohanan na siya ay isa rin namang liko at sinungaling na totoo, gaya ng nasusulat sa kaniyang evangelio ng di pagtutuli, at madiin niyang sinabi,

ROMA 3 :
5  Datapuwa't KUNG ANG ATING KALIKUAN AY NAGBIBIGAY DILAG SA KATUWIRAN NG DIOS, ano ang ating sasabihin? Liko baga ang Dios na dumadalaw na may poot? (nagsasalita akong ayon sa pagkatao.)

6  Huwag nawang mangyari: sapagka't kung gayo'y paanong paghatol ng Dios sa sanglibutan?

7  Datapuwa't KUNG ANG KATOTOHANAN NG DIOS SA PAMAMAGITAN NG AKING KASINUNGALINGAN AY SUMAGANA SA IKALULUWALHATI NIYA, bakit pa naman ako'y hinahatulang tulad sa isang makasalanan?

8  At bakit hindi (gaya ng pagkalibak sa atin, at gaya ng pinatotohanan ng ilan na ating sinasabi), MAGSIGAWA TAYO NG MASAMA UPANG DUMATING ANG MABUTI? ang kaparusahan sa mga gayon ay matuwid.

Hindi na marahil magiging isang malaking issue pa ang tungkol sa mga katunayang biblikal na aming inilahad sa itaas. Na mismong mula sa bibig ni Pablo ang pag-amin, na siya ay isa ngang liko at sinungaling na totoo.

Tungkol sa usapin ng dagdag-bawas ay narito ang nilalaman ng Roma 3:4 na iniagapay sa huling bahagi ng Awit 51:4, na gaya ng mababasa sa ibaba.


KATURUANG PABLO 
ROMA 3 :4 Huwag nawang mangyari: oo, bagkus pa nga ang Dios ay tapat, datapuwa't ang bawa't tao'y sinungaling;
GAYA NG NASUSULAT,
Upang ikaw ay ariing ganap sa iyong mga salita, At MAKAPAGTAGUMPAY KA KUNG IKAW AY MAHATULAN.
KATURUANG CRISTO 
AWIT 51 :4  Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala, at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin:

upang ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita ka, at MAGING MALINIS PAG HUMAHATOL KA.

Nang iagapay ang salin nitong si Pablo (Roma 3:4) sa Awit ni David (Awit 51:4), na siyang teksto ay diyan na hindi naikaila pa ang ginawa niya na dagdag-bawas ng mga salita sa orihinal na kasulatan na siyang Tanakh ng kaisaisang Dios.

Sa konteksto nitong Awit 51 ay maliwanag na ipina-uunawa sa lahat ang panalangin nitong si haring David sa Ama na kaniyang inawit. Ano pa’t sa talata 4 ay binibigyang diin, na ang haring si David ay kailangan na ariing ganap kapag siya ay nagsasalita, at maging malinis kapag siya’y humahatol sa kaniyang nasasakupan bilang hari. Sa kabanatang iyan ay napakaliwanag na sa pamamagitan lamang ng Ama at ni haring David ang direktang ugnayan.

Samantalang sa salin ni Pablo ay inalis niya sa teksto (Awit 51:4) ang mga salita na, MAGING MALINIS PAG HUMAHATOL KA.” at ang ipinalit niya ay ang pangungusap na, MAKAPAGTAGUMPAY KA KUNG IKAW AY MAHATULAN.” Saan man sa kabuoan ng Tanakh ng kaisaisang Dios (OT) ay hindi mababasa ang mga salitang iyan. Ang ibig sabihin niyan ay katha lamang ni Pablo ang mga salitang mababasa sa Roma 3:4.

Katunayan, nang sabihin niya sa Roma 3:4 ang mga salitang, "GAYA NG NASUSULAT." ay nagsisinungaling lamang pala siya, upang papaniwalain ang mambabasa na ang mga salita na binigyan niya ng diin sa nabanggit na talata ay nasusulat. Yaon pala ay ayon lamang iyon sa kasuklamsuklam niyang mga daya ng kasinungalingan.

Iyan ay sa layunin na bigyang katuwiran ang pahayag niya, na ang lahat ng tao ay sinungaling. Upang palabasin na sa kabila ng mga kautusan (sampung [10] utos) ay wala isa man na naging matuwid sa paningin ng kaisaisang Dios ng langit. Kung bakit ay may pagsusulong siya sa evangelio ng di pagtutuli (imbentong katuruan ni Pablo), na ang lahat ay hindi aariing ganap sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, kundi sa pananampalataya lamang na walang gawa ng nabanggit na kautusan.

Iyan ay isang napakaliwanag na katunayan, na itong si Pablo ay isinusulong sa panahon niyang iyon ang EVANGELIO NG DI PAGTUTULI (KATURUANG PABLO). Kontra sa katuruang iyan ni Pablo ay madiin namang ipinangaral ng Cristo sa buong sangbahayan ni Israel ang EVANGELIO NG KAHARIAN, na kilala din sa katawagang "KATURUANG CRISTO, o EVANGELIO NG PAGTUTULI."

Bilang paunawa – ang nilalaman ng Roma 3:5-8 ang siyang panimula at unti-unting pagkakamada ni Pablo sa isipan ng marami ng mga kasinungalingan, na tahasang banta at pagpapahayag ng pagpapawalang kabuluhan sa mga kautusan ng Dios. Iyan ay upang ihalili diyan ang malawakang kampaniya ng evangelio ng di pagtutuli sa imbento niyang aral na tumutukoy sa,  pananampalataya na walang gawa ng mga kautusan.”

Ang artikulong ito ay susundan pa ng mga serye nitong paglalahad (expose) ng mga ginawa ni Pablo na mga kasuklamsuklam na dagdag-bawas sa teksto ng Tanakh ng kaisaisang Dios. Iyan ay sa hangarin niyang maitanyag ang pananampalataya na walang gawa ng kautusan,” at palabasin na ang kautusan ng Dios ay inutil (walang silbi) sa kaniyang layunin. Na aniya, ang sinoman ay hindi aariing ganap sa pamamagitan ng kautusan, kundi sa pananampalataya lamang.

Na sinasabi,


KATURUANG PABLO
GAWA 13 :39  At sa pamamagitan niya ang bawa’t nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito’y HINDI KAYO AARIING GANAP SA PAMAMAGITAN NG KAUTUSAN NI MOISES. (1 Hari 2:3-4).
HEB 7 :18  Sapagka’t NAPAPAWI ANG UNANG UTOS dahil sa kaniyang KAHINAAN at KAWALAN NG KAPAKINABANGAN.19  (Sapagka’t ang KAUTUSAN AY WALANG ANOMANG PINASASAKDAL), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling (pananampalataya), na sa pamamagitan nito’y nagsisilapit tayo sa Dios. 
GAL 2 :16 Bagama’t naaalaman na ang tao ay hindi inaaring ganap sa mga gawang AYON SA KAUTUSAN, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo’y ariing ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at HINDI DAHIL SA MGA GAWANG AYON SA KAUTUSAN: sapagka’t sa mga gawang ayon sa kautusan ay HINDI AARIING GANAP ANG SINOMANG LAMAN. 
ROMA 3 :28  Kaya nga MAIPASISIYA NATIN na ang tao ay inaaring-ganap sa PANANAMPALATAYA na HIWALAY SA MGA GAWA NG KAUTUSAN.

Kung gayon nga na ayon sa KATURUANG PABLO ang katotohanan, ay lalabas naman na sinungaling ang Cristo, nang sabihin niya ang mga sumusunod,


KATURUANG CRISTO
MATEO 5 :17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.
18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.
19 Kaya’t ang sinomang sumuway sa isa sa kaliitliitang mga UTOS na ito, at ituro ang gayon sa mga tao, ay tatawaging kaliitliitan sa kaharian ng langit; datapuwa’t ang sinomang GUMANAP at ituro, ito’y tatawaging dakila sa kaharian ng langit. 
MATEO 19 :17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa MABUTI? May isa, na siyang MABUTI: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS. 
JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA. 
MATEO 15 :3  At siya’y sumagot at sinabi sa kanila, bakit naman kayo’y NAGSISILABAG sa UTOS NG DIOS dahil sa inyong sali’t-saling sabi?

Sa dalawang bungkos ng mga pahayag na iyan na kumakatawan sa KATURUANG CRISTO at sa KATURUANG PABLO. Isa ang lalabas na nagsasaysay ng katotohanan, at isa ang masusumpungan na naglulubidlubid ng kasinungalingan. Gayon man ay tinitiyak namin na ang salita ng sariling bibig ng Cristo ang siyang napakaliwanag na inaaring ganap ng katotohanan.

Abangan ang mga susunod na kapanapanabik na EXPOSE ng mga dagdag-bawas ni Pablo mula sa teksto ng Tanakh (OT) 

Hanggang sa muli, paalam.

RELATED ARTICLE:

NR002 - SAN PABLO: PASIMUNO NG DAGDAG/BAWAS

NR 003 - SAN PABLO: PASIMUNO NG DAGDAG/BAWAS

NR 004 - SAN PABLO: PASIMUNO NG DAGDAG/BAWAS

NR 005 - SAN PABLO: PASIMUNO NG DAGDAG/BAWAS


1 komento:

  1. Sa mga magsisibasa pa ng artikulong ito na inihahayag nga ang katotohanan, na sa bagong tipan (NT) ay napapaloob ang dalawang katuruan. 1) Ebangelio ng Kaharian 2) ebangelio ng di pagtutuli. Na ito'y nalilingid sa kaalaman ng napakarami lalo't sa may mga kapamahalaan sa pamahayag ng Salita ng Dios na ang kanilang naitatanyag ay hindi ang KATURUANG CRISTO ng dahil sa hindi napansin ang DAGDAG-BAWAS sa pahayag nitong si Pablo sa kaniyang mga sulat sa NT.

    TumugonBurahin