Karaniwan sa marami ang paniniwala na
ang mga tao ay tunay na pinagdadaanan, o sumasa ilalim sa pagsubok ng Dios. Umano’y sa kadahilanan na nais Niyang (Dios) patunayan ang katatagan
nila ng pananampalataya at mahigpit na kapit sa katuruang pangkabanalan (doktrinang pangrelihiyon), na sa
paniniwala nila ay siyang tunay na daan ng pagpapakabuti at pagpapakabanal sa
kalupaan. Ang ganyang kalakaran sa kalaunan ay naging masiglang kaugalian na
nagpasalinsalin sa hindi kakaunting henerasyon ng mga tao sa nasasakupan ng
apat (4) na direksiyong ng ating mundo.
Ang sali’t saling sabi na tumutukoy sa “pagsubok ng Dios” ay gayon pa ring
matibay na nananatili sa pagtanggap ng lubhang nakakarami, at ang ganyang
tradisyon ay siya ngang kadalasa’y masigasig na umiiral hanggang sa kasalukuyan
nating panahon. Nguni’t kung paano nagsimula ang ganyang uri ng kaugalian noong
una hanggang sa ngayon ay walang sinoman na makapagsabi. Gayon ma’y
nagtutumibay mula sa balumbon ng mga banal
na kasulatan (Tanakh) ang katotohanan hinggil sa komplikadong usapin na may
kinalaman diyan.
Katuwiran na sinasang-ayunang lubos
nitong larangan ng tunay na kabanalan, na ang presensiya ng mga bahagi ng Dios ay laganap sa lahat ng bagay (omnipresence). Nalalaman din naman niya
ang simula, ang kasalukuyan, at ang hinaharap (omniscience). Siya na Dios nitong dimensiyon ng Espiritu (langit) at dimensiyon ng materiya (lupa), ay lalong
higit ang katayuan kay sa lahat ng nilikha mula sa nabanggit na dalawang (2) dimensiyon (omnipotence).
Wala ng anomang maaaring hanapin ang sinoman na wala sa Kaniya (omnificence). Dahil Siya
nga ay kaisaisang Dios (Omnipotent), na sa situwasyong iyan ay taglay ang kataastaasang katotohanan, ilaw, pag-ibig,
kapangyarihan, paglikha, karunungan, at buhay
na walang kinikilalang ano mang uri ng katapusan
Gayon ma’y hindi kaya lubos na
nauunawaan ng marami ang pinakamatayog na estado ng kaisaisang Dios ng langit at lupa? Bakit baga nabanggit namin ang
gayong katanungan, samantalang ang paniniwala na may kinalaman sa “pagsubok ng Dios” ay kay laon ng
nagpapasalinsalin sa iba’t ibang henerasyon na nagsipagdaan sa kalupaan.
Sa alin mang larangan ay karaniwang
kaugalian, na kung hindi nalalaman ang anoman sa isang bagay ay pinadadaan iyon
sa isang masusing pagsusulit, o pagsubok. Iyan ay upang maalaman at mapag-unawa
ang mga bagay-bagay na mapapagkilanlan sa kaniya. Sumasailalim ang metal sa
pagsusulit, upang mahayag kung iyon ba ay ginto, pilak, tanso, o karaniwang
bakal lamang. Kung ginto ang kinalabasan ng pagsusuri ay dadaan pa rin iyan sa
isa pang uri ng pagsubok, upang malinawan naman kung ilan ang taglay nitong
kilatis, o karat.
Gayon din sa paaralan, ang lahat ay
sumasa ilalim sa pagsusulit, sa layuning alamin ng mga guro, kung hanggang saan
ang natutunan ng sinomang mag-aaral sa mga natapos niyang iba’t ibang aralin.
Kung ano nga ang kinalabasan ng pagsusulit ay doon minamarkahan ang mag-aaral,
kung pasado ba, o bagsak sa nakaraang pagsusulit, o pagsubok.
God's trials |
Ang ganyang kalakaran sa lupa ay
maliwanag na iniuugnay ng mga tao sa Dios.
Sa gayo’y hindi naman kaya tila ibinababa nila
ang katayuan ng Dios sa lubhang
mababang kalagayan ng tao, na hindi nalalaman ang saloobin ng kaniyang mga
nilikha, kaya naman ang lahat ay kaniyang sinusubok?
Iyan ba’y upang malaman Niya ang katatagan na taglay ng sinoman
pagdating sa larangan ng tunay na kabanalan? Kailangan bang pahirapan ang isang
tao, upang maalaman Niya na ang taong
iyon ay mananatili pa sa pananampalataya sa Kaniya,
o hindi na?
Paano na lang kung ang taong iyon ay sumuko at mawalan na ng tiwala
sa kaniya bilang Dios, at sa halip ay
tangkilikin ang katampalasanan ng Diyablo? Hindi baga, tila Siya pa ang nagtulak sa sinoman, upang
bumaling sa masama, kung gagawin Niya
ang gayong kababaw na hakbangin sa Kaniyang
sarili? Nalalaman natin na sa ating kasaysayan ay hindi maikakaila na lubhang
marami ang mga naging masama sa kalupaan, dahil sa hindi natagalan at sinukuan
ang mga kaganapan sa buhay na itinuturing ng marami na, “pagsubok ng Dios.”
Binibigyang diin ng mga banal na
kasulatan, na nalalaman ng Dios ang
saloobin ng sinoman bago pa man isatinig ng sarili niyang bibig, at sa gayong
kabanal na katangian ay hindi na nga niya kailangan pang subukin ang sinoman sa
kalupaan.
Walang anomang balidong kadahilanan, upang suriin at isailalim pa sa
proseso ng pagsubok ang sinoman, o anoman na gaya na ng isang bukas na aklat.
Kaya magiging isang pag-aaksaya lamang ng panahon at maituturing na isang
kahangalan, kung uulitin ang isang proseso na matagumpay namang naglahad ng 100
% impormasyon na kinakailangan, upang maging matibay na batayan ng
pagkakakilanlan sa sinoman, o sa ano pa man sa hinaharap.
Maliban na ang sinoman, o ang ano man ay
kasumpungan ng kakaiba sa likas niyang kalagayang taglay nang pasimula ay hindi
sasailalim sa panibagong pagsubok, o pagsusuri. Totoong nagaganap ang gayon sa
mga tao lamang na nasusumpungan ng Dios
sa dako ng kasuklamsuklam na paghihimagsik sa natatangi niyang kalooban. Sa
gayo’y paano nga ba nangyayari na ang sinoma’y sumasa ilalim sa nabanggit na
pagsubok? Sila kung gayon ang mga nag-aari ng kabanalan, na ang mga gawa nila
ay hindi kailan man sinasang-ayunan ng tunay na kabanalan. Sila nga ay mga
sinungaling na totoo, at dahil diyan ay sinusubok sila ng Dios, upang mahayag sa maliwanag ang kanilang kabulaanan, na
naglunsad sa kanila sa kasuklamsuklam na kapalaluan.
Sa kabilang dako ay nalalaman ng kaisaisang Dios, kung ang sinoman ay
masigla at may galak sa puso na tumatalima sa natatangi niyang kalooban. Sukat,
upang gantihan niya ng kaamuan at kaawaan ang sinoman na lumalapat ng lubos sa
gayong kasagradong gawain sa kalupaan.
Nasusulat, na tumatanggap mula sa Kaniya ng masaganang daloy ng biyaya at
pagpapala ang sinoman na nakikipag-isa sa natatangi niyang kalooban.
Samantalang sila na nagsisipaghimagsik sa mga pinaiiral niyang pangkalahatang
kautusan ay kinapopootan Niya, at
sila ayon sa katampalasanang nangagawa ay napapatawan ng kaukulang kaparusahan.
Ang tinatawag ng mga tao na “pagsubok ng Dios” karaniwan ay tumitimo sa puso at isipan na gaya
ng isang doble talim na punyal. Sobra ang sakit, malabis na hirap, at tila iyon
ay hindi na magkakaroon pa ng katapusan. Kung ikaw baga ang Ama ay padadanasin mo ng ganyang sakit
at pagdurusa ang mga minamahal mong anak, mapatunayan mo lang sa iyong sarili,
na sila ay umiibig din naman sa iyo na gaya ng pag-ibig mo sa kanila? Kailangan
bang saktan ang mga minamahal na anak, upang subukin lamang ang katapatan nila
sa kanilang ama? Sa kabila ng masigla at may galak sa puso nilang pakiki-isa sa
kalooban ng Dios ay pasakit na
pagsubok pa ba ang igaganti Niya sa
kanila? O iyan ay isang uri ng kahangalan at kahibangan ng isang amang tila
tinatakasan na ng wastong katinuan.
Katotohanan, na ang isang totoong
nagmamahal na Ama ay labis na
nalulungkot at patuloy na naninimdim, kung nakikita niya ang minamahal niyang
anak na dumadanas ng mga bagay na nagbibigay ng malabis na sakit at paghihirap.
Katotohanan na higit ang sakit na nadarama ng isang Ama, kay sa sakit na
nadarama ng minamahal niyang anak. Ano pa’t naipamamanhikan niya sa Dios, na imbis na ang minamahal niyang
anak ang dumanas ng gayon ay malipat na lamang sana sa kaniya ang masakit na
pagdaramdam na iyon ng kaniyang anak. Sa pagpanaw ay isinasamo din niya sa
kaniyang panalangin sa Dios na siya
na lamang ang kunin at maiwang buhay at maligaya sa kalupaan ang minamahal
niyang anak.
Datapuwa’t kung ang isang anak ay palalo
at mapanghimagsik sa kalooban ng sarili niyang ama ay gayon ngang nasusumpungan
Niya ang Kaniyang sarili sa malabis na kagalitan. Nilalapatan Niya ng kaukulang kaparusahan ang mga
nagawang pagkakasala ng kaniyang anak.
TORAH |
Sa kabila noo’y hindi siya pinakinggan ng kaniyang anak, at
ang pinairal ay ang kaniyang kapalaluan Hindi na niya napilit pang baguhin
ng kaniyang anak ang minabuti nitong desisyon sa kaniyang buhay. Kahi man alam
ng ama na sa malao’t madali ay mahahayag mismo sa kaniyang anak ang katotohanan,
na sa lansangan ay daranas siya ng malabis na hirap at tila walang katapusang
pasakit sa kaniyang buhay. Dahil diya’y mapapatunayan niya ng lubos sa kaniyang
kabuoan, na ang kaligtasan ay tunay ngang masusumpungan lamang sa bahay ng
sarili niyang ama. Sa huli ay nahayag ng napakaliwanag na sa panahong kausap
niya ang kaniyang ama ay umiral at nanaig ang taglay niyang kapalaluan. Sa
pagsubok ngang iyon ng kaniyang ama ay lumabas ang katotohanan na siya ay
nasumpungang isang sinungaling.
Ang pagsubok nga ay ukol lamang sa mga
palalo sa paningin ng Ama nating nasa
langit, nguni’t iyan ay hindi kailan man dinaranas ng sinoman na masigla at
malugod na tumatalima sa anomang saloobin ng sarili niyang Ama na nasa langit. Matuwid na sabihin kung gayon, na ang pagsubok ng Dios ay hindi ukol sa lahat,
kundi sa mga tao lamang na nasusumpungan ng Dios
sa dako ng kapalaluan na bunga ng sarili niyang kahangalan.
Kung ang sinoman nga sa atin ay
dumadanas sa ngayon ng iba’t ibang uri at antas ng kabagabagan na nagdudulot ng
malabis na pahirap at sakit. Marahil ay panahon na upang ating balikan ang mga
bagay na nangagawa natin sa ating nakaraan. Tiyak na lalabas ang katotohanan na
mayroon pala tayong nagawa na paglabag sa kalooban ng sarili nating Ama na nasa langit. Kung magkagayo’y
mataimtim nating pagsisihan kung anoman iyon, at huwag ng balikan pang muli ang
gayong kasuklamsuklam. Kasunod niyan ay pagsikapan natin na tumalima sa mga kautusan ng ating Ama na nangatatatag magpakailan kailan man.
Ano man ngang itinanim sa kasalukuyan,
mabuti man o masama ay katotohanang aanihin ng siksik liglig sa hinaharap.
Magtanim nga tayo ng mabuti, upang umani sa hinaharap ng mabuti. Ang kaisaisang
mabuti na maaring gawin ng sinoman sa ikalulugod ng Ama nating sa langit ay ang pagsunod sa Kaniyang mga kautusan.
Sa mahikling abot sabi na ito ng banal na Espiritu ay makikita ng maliwanag ang isa sa padron ng katotohanan, na tumutukoy ng ganap sa kaalaman ng kaisaisang Dios sa lahat ng mga bagay, maging ito man ay ang nilalaman ng isipan at ng puso ng sinoman.
Nasusulat man na nagsasabing sinusubok ng Dios ang mabubuting tao ay hindi matuwid na paglagakan ng lubos na paniniwala. Sapagka't nahahayag ng napakaliwanag ang padron ng katotohanan, na sa pagkakataong gaya nito ay makunan ng hustong unawa, at upang hindi ikaligaw ng sinoman sa katotohanan ng Dios.
Walang anomang sintido, na subukin mo ang isang bagay na nalalaman mo na kung ganap na kahihinatnan nito. Tao lamang ang gumagawa ng pagsubok sa kaniyang kapuwa o sa mga bagay man. Hindi ang kaisaisang Dios ng langit, sapagka't nalalaman Niya ang kaniyang nakaraan, ang kasalukuyan, at ang lahat ng magsisidating pang kapanahunan. Nalalaman niya ang lahat ng mga gawa ng tao, maging ito man ay sa nakaraan, sa kasalukuyan, at ang mga iisipin pa lamang ng tao na kaniyang gagawin. Kaya't lubhang napakalayo sa katotohanan, na subukin ng kaisaisang Dios ang sinoman, gayong nalalaman Niya ang lahat lahat na kakayanan ng mga nabubuhay na tao sa kalupaan.
Suma atin nawa ang sa ngayon ay naka-akmang
mga biyaya at pagpapala na masaganang nakakamit ng mga anak ng pagsunod. Sila yaong masisigla at may galak sa puso na
nakikipag-isa sa mga payak na saloobin ng Ama
nating nasa langit.
Maraming salamat sa inyong lahat. Hanggang
sa muli, paalam.
Mahusay na pagkakasaad sa tunay na damdamin ng isang kumikilala sa lubos at perpektong kaayusan at dakilang balanse na makapangyarihan, ng ating AMA na nasa langit.
TumugonBurahin