Biyernes, Enero 16, 2015

ANG DALAWANG KATURUAN SA BAGONG TIPAN

Mula sa kabuoan ng tinatawag na bagong tipan ng bibliya ay kinukuha ng mga mangangaral ng salita ang kani-kanilang patibayang aral. Iyan ay sa layuning mapatotohanan ang minamatuwid nilang katuruang pangkabanalan. 

Nakakapagtaka, na kahi man iisang aklat ang pinagkukunan ng mga katunayang pangkabanalan ay hindi kailan man nagkaroon ng pagkaka-isa ang marami sa kanila. Nagkani-kaniya sila ng ipinangaral na katuruang pangkabanalan na nagpapahayag ng di pagsang-ayon sa tinitindigang biblikal na aral ng bawa’t isa.

Gayon ngang mula sa nag-iisang aklat (bibliya) ay hindi na yata halos mabilang ang naitatag na samahang pangrelihiyon na nagututuro ng iba’t ibang katuruang pangkabanalan. Dahil diyan, mula noon at hanggang sa ngayon ay hindi kakaunting tao sa kalupaan ang nakaranas ng malabis na pagkalito. Tanong nga ng iba,

“Sa dinamidami ng mga relihiyon na gumagamit ng bibliya ay alin ba sa kanila ang kasusumpungan ng katuruang pangkabanalan, na makapaglalahad sa sino man ng katotohanan na sinasang-ayunan ng kaisaisang Dios ng langit.”

Tiyak na may maling unawa ang karamihan na sukat ikatisod, at bunga niyan ay hindi sinasadyang makapagpahayag ng mga aral, na hindi umaayon sa katuwiran na binibigyang diin ng banal na kasulatan. O kaya naman ay may malaking kakulangan ang marami sa hinihinging masusing pagsasaliksik sa mga antigo at banal na kasulatan (Tanakh). Ano pa’t iyon ay naging kadahilanan upang ganap na ikatisod ng hindi kakaunting tao sa kalupaan.

May nag-iisa ngang dahilan, kung bakit saan man at kailan man ay hindi kinasumpungan ng pagkaka-isa ang mga mangangaral ng salita. Mula sa hindi matapostapos na tuligsaan at maaanghan ng palitan ng mga pilipit na pahayag, ay gaya nila ang mga mababangis na pangil sa parang, na sa araw at gabi ay nagsasakmalan sa isa’t isa.

Marami ang hindi nakaka-alam, na sa kabuoan ng Bagong Tipan ng bibliya ay may dalawang (2) dako ng kamalayan, o katuruan na nagpapahayag ng kanikaniyang matuwid. Iyan ang tampok na usapin sa artikulong ito na lalapatan namin ng kaukulang paglilinaw. Ano nga ba ang dalawang katuruan na nararapat maunawaan ng lahat sa bagong tipan ng bibliya?

KAMALAYANG JUDIO

Ang una ay ang kamalayang Judio na kinabibilangan ng mga propeta, ng Cristo, ng mga hari, at ng buong sangbahayan ni Israel. Kabilang diyan ang ating panginoong Jesucristo at ang labingdalawang (12) alagad ng Espiritu ng Dios na sa kapanahunang iyon ay masigla at makapangyarihang naghahari sa kaniyang kabuoan. Ang tinitidigang aral pangkabanalan ng una ay ang banal na Tanakh ng Dios, na sa ngayon ay kilalang-kilala at tanyag sa katawagang “Lumang Tipan ng Bibliya.”


Batay sa kasulatan ay maliwanag na ang ipinangaral na katuruan ng sariling bibig ni Jesus sa kapanahunang iyon ay ang “Evangelio ng Kaharian,” 

Gaya ng nasusulat,

MATEO 4 :
23  At nilibot ni Jesus ang boong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga (Juan 18:20) nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao. (Mat 9:35)

MATEO 9 :
35  At nilibot ni Jesus ang lahat ng mga bayan at nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga (Juan 18:20) nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at pinagagaling ang sarisaring sakit at ang sarisaring karamdaman.

MATEO 24 :
14  At ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa boong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.

2 JUAN 1 :
9  ANG SINOMANG NAGPAPATULOY AT HINDI NANANAHAN SA ARAL NI CRISTO, AY HINDI KINAROROONAN NG DIOS: ang nananahan sa aral, ay kinaroroonan ng Ama at gayon din ng Anak.

Maliwanag ngang binibigyang diin ni Jesucristo at pinatototohanan ng mga salitang nangagsilabas mula sa kaniyang bibig, na tanging evangelio ng kaharian(Katuruang Cristo) lamang ang ipangangaral na katuruang panglangit sa buong sanglibutan. Maliban diyan ay wala na ngang anomang aral pangkabanalan na maaaring tangkilikin, itaguyod, at sundin ng lahat.

Gayon ngang mahigpit na ibinababala ng kasulatan (2Juan 1:9), na ang sinomang hindi mananatili, hindi maninindigan, hindi tatangkilik at hindi susunod sa evangelio ng kaharian na ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus ay nakakalungkot na malaman, na sila pala ay hindi kinaroroonan ng Dios. Ang sinoman na nasa gayong uri ng kalagayan sa makatuwid ay hindi Niya kinalulugdan at ang taong iyon ay kasuklamsuklam sa Kaniyang paningin.


KAMALAYANG GENTIL

Ang pangalawa ay ang kamalayang Gentil (pagano) na kinabibilangan ng mga tauhan na gaya nila, Pablo, Lucas, Marcos at iba pa. Palibhasa nga’y isa man sa kanila ay hindi kailan man naging saksi (eyewitness) sa kasagsagan ng ministerio na ginampanan ni Jesus sa buong sangbahayan ni Israel. Kaya wala silang anomang nailahad na kaganapan sa buhay niya na kanilang sinaksihan, kundi ayon lamang sa nadinig nilang kuwento mula sa sali’t saling sabi mga tao, at ayon din naman sa ilang kasulatan na pinagbatayan ng kanilang mga sinulat.

Sa pagpapatuloy, ang pangalawang (2nd) katuruan sa “bagong tipan” ng bibliya na tinutukoy sa akdang ito ay ang Kamalayang Gentil, o ang “Katuruang Gentil,” na bantog sa katawagang “Evangelio ng di pagtutuli.” Ang katuruang iyan ay ganap na tumutukoy sa ilang mahahalagang bagay na walang alinlangang patunayan, na hindi sumasang-ayon sa mga salita (evangelio ng kaharian) na may katapangang ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo.

Ang aral na itinuturo ng doktrinang pangrelihiyon na iyan ay ang mga samu't saring aral na kinagisnan ng mga Gentil ng kalakhang Yuropa. Hindi nila sinasang-ayunan ang mga aral pangkabanalan na masusumpungan sa balumbon ng banal na Tanakh ng Dios. Sila'y likas na walang kautusan, at dahil diyan ay hindi sila kailan man nagpasakop sa mga kautusan (torah) na mahigpit na ipinatutupad ng kaisaisang Dios mula sa limang (5) aklat ni Moses.

Mula sa kawalang kaaalaman ng marami sa katotohanang ito ay pinaghalo na gaya ng bigas at buhangin ang katuruang Cristo at katuruang Gentil. Iyan ay nagbunga ng madaming salungtan ng aral at pagkakabahabahagi sa paninidigan ng marami. Palibhasa nga ang mismong mga aral na iyan na nasusulat sa bagong tipan ay ganap na nagsasalungatan sa isa’t isa. Iyan ang kinauwian nitong hayagang paghihimagsik ng katuruang Gentil (evangelio ng di pagtutuli) sa mga dalisay na aral pangkabanalan na masusumpungan sa katuruang Cristo (evangelio ng kaharian).

Iyan ay katunayan lamang na ang kalipunang Gentil na pinangunguluhan nitong si Pablo at ng kaniyang mga kaibigan ay hindi kailan man sinang-ayunan ang pinaninindiganang aral pangkabanalan (Tanakh) ng mga anak ni Israel. Itong si Jesus palibhasa’y isang lehitimong Judio ay hayag at ganap na tumatangkilik sa mga dalisay na aral pangkabanalan na masusumpungan lamang sa balumbon ng Tanakh (OT).


KAUTUSAN

Ang isang bahagi ng bagong tipan ay pinaninindiganang matibay ang katuruang Gentil (evangelio ng di pagtutuli) na nagpapawalang kabuluhan sa kautusan (Torah), na madiing sinasabi,

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN. (Gal 5:18)

ROMA 4 :
15  Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t KUNG SAAN WALANG KAUTUSAN AY WALA RING PAGSALANGSANG.

ROMA 7 :
6  Datapuwa’t ngayon tayo’y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo’y nangamatay doon sa nakatatali sa atin, ano pa’t NAGSISIPAGLINGKOD NA TAYO SA PANIBAGONG ESPIRITU, at hindi sa karatihan ng sulat. (Roma 7:21)

GAL 3 :
21  ANG KAUTUSAN NGA BA AY LABAN SA MGA PANGAKO NG DIOS? Huwag nawang mangyari: sapagka’t kung ibinigay sana ang isang KAUTUSANG MAY KAPANGYARIHANG MAGBIGAY BUHAY, tunay ngang ang katuwiran ay naging dahil sa KAUTUSAN. (Juan 12:50)

HEB 7 :
18  Sapagka’t NAPAPAWI ANG UNANG UTOS dahil sa kaniyang KAHINAAN at KAWALANG NG KAPAKINABANGAN.

19  (Sapagka’t ang KAUTUSAN AY WALANG ANOMANG PINASASAKDAL), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling, na sa pamamagitan nito’y nagsisilapit tayo sa Dios.

Sinomang naninindigan sa likhang aral (evangelio ng di pagtutuli) na iyan ni Pablo ay sasabihing wala ng kabuluhan pa at inutil ang kautusan(Torah). Napawi na, kaya pinalitan na ng iba, at iyan nga ang kautusan ng pananampalataya.

GAL 3 :
11  Maliwanag nga na sinoman ay hindi inaaring-ganap sa KAUTUSAN sa harapan ng Dios; sapagka’t ang GANAP AY MABUBUHAY SA PANANAMPALATAYA. (Juan12:50)

Kaya walang alinlangan, ni duda man na ang pagdidiin ng mga salita sa itaas ay maituturing na katuwiran, sapagka’t bibliya na nga ang napakaliwanag na nagsabi ng gayon.

Subali’t ang mga salita (evangelio ng kaharian) ng sariling bibig ng Cristo ay hindi  maitatanggi ng lahat, na maliwanag din naman na nasusulat sa bagong tipan ng bibliya. Ano pa’t mula sa ipinangaral na evangelio ng kaharian(katuruang Cristo) ng sariling bibig ni Jesus hinggil sa kautusan (Torah) ay napakalinaw na hindi sinasang-ayunan ang katuruang Gentil na nasasaad sa itaas.

Gaya nga ng nasusulat sa ibaba ay makikitang walang anomang sinang-ayunan ang Cristo hinggil sa minamatuwid na aral nitong si Pablo tungkol sa kautusan (Torah). Na ang madiin niyang wika na tumutukoy ng ganap sa usaping iyan ay gaya nga nito,

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa MABUTI? May isa, na siyang MABUTI: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Ayan, at napakaliwanag ng mga salitang namutawi mula mismo sa bibig ng Cristo. Binibigyan niya ng diin at patotoo, na ang kautusan ay hindi gaya ng iginigiit na aral nitong si Pablo, na sinasabing ito’y

·        Walang laman (Roma 3:20)
·        Mahina (Heb 7:18)
·        Walang kapakinabangan (Heb 7:18)
·        Walang sinomang pinasasakdal (Heb 7:19)
·        Sinoman ay hindi aariing ganap sa kautusan (Gal 3:11)
·        Walang katuwiran (Gal 3:21)

Maliwanag pa nga sa sikat ng araw sa katanghaliang tapat, na ang evangelio ng di pagtutuli nitong si Pablo ay walang anomang pagkilala at pagpapahalaga sa evangelio ng kaharian nitong si Jesus, na nagtataguyod at nagtatanggol sa kautusan. Dahil diyan ay isang katotohanan na dapat pakatandaan ng lahat, na itong si Jesus ang nagtuturo ng pagsunod sa kautusan, at si Pablo naman ang nagtuturo ng pagpapawalang kabuluhan, o pagpatay sa kautusan. Ang simoman sa makatuwid na nagpapawalang kabuluhan sa kautusan ay siya ang pangunahing sumasalangsang sa kautusan.

PANANAMPALATAYA

Hinggil sa pananampalataya ay madiing ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo ang mga sumusunod na turo, na sinasabi,

MATEO 23 :
23  At inyong pinababayaang di ginagawa ang LALONG MAHAHALAGANG BAGAY NG KAUTUSAN, Na dili iba’t  ang Katarungan, at ang Pagkahabag, at ang PANANAMPALATAYA: datapuwa’t DAPAT SANA NINYONG GAWIN ANG MGA ITO, AT HUWAG PINABABAYAANG DI GINAGAWA YAONG IBA.

JUAN 5 :
24  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo,  Ang dumirinig ng aking salita, at SUMASAMPALATAYA SA KANIYA NA NAGSUGO SA AKIN, ay may buhay na walang hanggan, at HINDI PAPASOK SA PAGHATOL, kundi LUMIPAT NA SA KABUHAYAN MULA SA KAMATAYAN.

Narito, at mula sa sariling bibig ni Jesus ay isa palang kabuoan ang kautusan, na kinabibilangan ng mga bahagi na tumutukoy ng ganap sa katarungan, sa pagkahabag, at sa pananampalataya, na siyang tatlong (3) mahahalagang bagay ng kautusan. Ibig sabihin nito ay hindi maaaring paghiwahiwalayin ang mga bahagi ng kabuoang iyan. Sapagka’t anomang kabuoan na may kulang ay hindi nga makatutugon sa kahustuhan ng natatangi nitong layunin. Kung ang pananampalataya ay ihihiwalay sa kautusan ay papaano pa nga nito maisasagawa ang paghahatid ng kaluluwa sa kabuhayang walang hanggan. 

Gayon din "ang pananampalataya na hiwalay sa gawa ng kautusan ay patay sa kaniyang sarili," dahil sa siya’y bahagi na inalis sa kaniyang kabuoan. Wala nga itong kakayanan na mabuhay sa kaniyang sarili. Gaya ng kamay na pinutol sa katawan ay patay sa kaniyang sarili.
Ano pa’t kung ang sinoman na gumaganap ng kautusan ay isinasa-alang-alang ang katarungan, nahahabag sa kaniyang kapuwa, at ganap ang pananampalataya sa kaisaisng Dios ng langit – walang alinlangan ngang kakamtin niya ang buhay na walang hanggan, gaya ng nasusulat,

 JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Subali’t hindi kinilala ng lapiang Gentil ang katotohanang iyan, na isinatinig ng sariling bibig ng Cristo. Sapagka’t minabuti nitong si Pablo na pasinungalingan ang gayong kabanal na paglalahad ni Jesus ng katotohanan. Na sinasabi,

GAL 2 :
16 Bagama’t naaalaman na ang tao ay hindi inaaring ganap sa mga gawang AYON SA KAUTUSAN, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo’y ariing ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at HINDI DAHIL SA MGA GAWANG AYON SA KAUTUSAN: sapagka’t sa mga gawang ayon sa kautusan ay HINDI AARIING GANAP ANG SINOMANG LAMAN.

GAL 3 :
11  Maliwanag nga na sinoman ay hindi inaaring-ganap sa KAUTUSAN sa harapan ng Dios; sapagka’t ang GANAP AY MABUBUHAY SA PANANAMPALATAYA. (Juan 12:50)

ROMA 3 :
28  Kaya nga MAIPASISIYA NATIN na ang tao ay inaaring-ganap sa PANANAMPALATAYA na HIWALAY SA MGA GAWA NG KAUTUSAN.

Diyan nga ay napakaliwanag na inalis ni Pablo ang pananampalataya sa kabuoan (kautusan), na siya nitong ganap na kinabibilangan. Dahil sa inbalidong kadahilanang iyan, 
"ang pananampalataya na ipinangaral ng taong ito ay patay sa kaniyang sarili." 

Na kung lilinawin ay walang anomang kabuluhan sa paningin ng kaisaisang Dios ng langit ang, 


“pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kaniyang kautusan.”

Gaya ng nasusulat,

SANT 2 :
14  Anong pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya’y may PANANAMPALATAYA, nguni’t WALANG MGA GAWA? (kautusan) makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan?

17  Gayon din naman ang PANANAMPALATAYA NA WALANG MGA GAWA (kautusan), ay patay sa kaniyang sarili.

18  Oo, sasabihin ng isang tao, Ikaw ay mayroong PANANAMPALATAYA, at ako’y mayroong mga GAWA: ipakita mo sa akin ang iyong PANANAMPALATAYANG HIWALAY SA MGA GAWA (Kauutusan), at ako sa pamamagitan ng aking mga GAWA ay ipakita sa iyo ang aking PANANAMPALATAYA.


20  Datapuwa’t ibig mo bagang maalaman, Oh TAONG WALANG KABULUHAN, na ang PANANAMPALATAYA NA WALANG MGA GAWA AY BAOG?

22  Nakikita mo na ang PANANAMPALATAYA AY GUMAGAWANG KALAKIP ANG KANIYANG MGA GAWA, at sa pamamagitan ng mga GAWA, ay nagiging SAKDAL ANG PANANAMPALATAYA.

24  Nakikita ninyo na sa pamamagitan ng mga GAWA’Y INAARING GANAP ANG MGA TAO, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya LAMANG.

26  Sapagka’t kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, ay gayon din ang PANANAMPALATAYA NA WALANG MGA GAWA AY PATAY.

Ngayon nga’y isang katotohanang nalahad, na kung bakit naging magulo ang sangka-Cristianuhan ay nang dahil sa hayagang pagsalungat ng aral ni Pablo (evangelio ng di pagtutuli) sa katuruang Cristo (evangelio ng kaharian). Gayon ma’y hindi pa rin napapag-unawa ng marami ang katotohanang iyan. Kaya hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang tila walang katapusang pagtatalo sa pagitan ng hindi kakaunting mangangaral ng salita.

Ang napakaliwanag sa katuwiran nitong si Santiago, na siya namang sinasang-ayunan ng katotohanang sumasa Dios ay ito. Sa evangelio ng kaharian ay gumaganap ang mga tao sa pamamagitan ng,

“Pananampalataya sa kaisaisang Dios ng langit na may gawa ng mga kautusan.” 
Sa kabaligtarang aral  nitong evangelio ng di pagtutuli ni Pablo ay pinagaganap niya ang lahat sa,


“Pananampalataya kay Jesus na walang gawa ng kautusan.”

SI JESUS BA AY DIOS, O TAO?

Batay sa evangelio ng kaharian, ang mahabang usaping iyan ay nabigyan na ng kaukulang matuwid, at malinaw na mababasa sa blog na, RAYOS NG LIWANAG. Mangyaring i-click lang ang sumusunod na link:  SIYA ANG INYONG PAKINGGAN (inyong Ama ataking Ama).

Sa pagtatapos ng artikulong ito ay paka-unawain nga natin ang mga sumusunod na patibayang aral pangkabanalan, na matuwid isaalang-alang at mataimtim na isabuhay ng lahat. 

Na sinasabi,

JUAN 14 :
12  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ANG SA AKIN AY SUMAMPALATAYA, AY GAGAWIN DIN NAMAN NIYA ANG MGA GAWANG AKING GINAGAWA; at LALONG DAKILANG MGA GAWA KAY SA RITO ANG GAGAWIN NIYA, sapagka’t ako’y paroroon sa Ama.

Tayo bagay tunay na sumasampalataya kay Jesus? Kung sinasabi natin na tayo ay sumasampalataya sa kaniya, ay gagawin nga natin ang kaniyang mga ginawa, na ipangaral ang evangelio ng kaharian, gaya ng nasusulat,

Mateo 4 :
23  At nilibot ni Jesus ang boong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga (Juan 18:20) nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.

Mateo 9 :
35  At nilibot ni Jesus ang lahat ng mga bayan at nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga (Juan 18:20) nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at pinagagaling ang sarisaring sakit at ang sarisaring karamdaman

Ang evangelio ng kaharian ay hindi lamang ipinangaral sa buong sangbahayan ni Israel, kundi ito ay iniutos ng sariling bibig ni Jesus na ipangaral sa sanglibutan, at tulad sa nasusulat ay madiing iniutos ng sariling bibig ni Jesus sa lahat, na ang wika ay gaya nito,

Mateo 24 :
14  At IPAangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa boong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas. (Apoc 14:6)

Kaugnay niyan, sa munting isla ng Patmos ay may nasaksihan itong si Juan mula sa kalagayang Espiritu, na ang salaysay niya ay ito,

Apoc 14:6  At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa't bansa at angkan at wika at bayan; 
(And I saw another angel fly in the midst of heaven, having the everlasting gospel to preach unto them that dwell on the earth, and to every nation, and kindred, and tongue, and people,

Kaya nga evangelio ng kaharian (katuruang Cristo) lamang ang nararapat na ipangaral sa buong sanglibutan at hindi ang evangelio ng di pagtutuli (katuruang Gentil), na likhang doktrinang pangrelihiyon lamang nitong si Pablo. Kautusang Cristo nga lamang ang katotohanan na nararapat sundin at isabuhay ng sinomang mangangaral sa kalupaan.
Sapagka’t tungkol diyan ay may mahigpit na utos ang Ama nating nasa langit, na sinasabi,

Mat 17:
5  ........Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; Siya ang inyong pakinggan. 

Malinaw ang ating mga isipan, upang matapos mabasa ang talatang iyan sa itaas ay mapag-unawa ang mahigpit na utos ng Ama, na walang sinoman sa silong ng langit na nararapat sundin ng lahat, maliban kay Jesucristo. Evangelio ng kaharian (katuruang Cristo) nga lamang ang ating pakikinggan at isasabuhay, sapagka’t ang nilalaman niyan ay pawang mga aral pangkabanalan na mismo ay ipinangaral ng sarili niyang bibig.

Ang evangelio ng di pagtutuli(katuruang Gentil) ay napatunayang naglalahad ng mga doktrinang pangrelihiyon na malabis ang paghihimagsik sa evangelio ng kaharian (katuruang Cristo). Ituring nga ninyong ito’y isang napakahalagang babala at paala-ala sa lahat. Na kung ang sinoman sa ngayon ay tumatangkilik, nagtataguyod, nagtatanggol, at tagasunod ng kasuklamsuklam na aral na iyan, ay kaniya na ngang talikuran, at umpisahan na niyang tumalima sa mga nilalamang dakilang aral ng katuruang Cristo (evangelio ng kaharian).

Ang sinoman sa makatuwid na hindi nakikinig sa mga sinalita (evangelio ng kaharian) ng sariling bibig ni Jesus ay maliwanag na sinalangsang ang utos ng Amang nasa langit na mababasa sa Mateo 17:5. Maliwanag din naman na ang taong iyon ay hindi sumasampalataya sa aral ng Cristo, at siya na hindi tumatalima sa katuruang Cristo ay anti-Cristo nga na totoo.

Patuloy nawang matamo ng bawa’t isa ang biyaya ng langit na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay

Hanggang sa muli, paalam.


1 komento: