Lunes, Disyembre 15, 2014

AMANG MAKALUPA AT AMANG MAKALANGIT

Proclaim His Holy Name Bible
Mula sa mga balumbon ng hindi kakaunting banal na kasulatan (Tanakh) ay napakaraming ulit (6,519) na mababasa ang pangalan ng kaisaisang Dios ng langit. Ano pa’t upang ang pangalang iyon ay hindi mabanggit sa walang kapararakang kadahilanan ay hinalinhan ng kataastaasang pamimitagang panawag (adonay [Lord]).

Gayon ma’y minsang nabanggit sa aklat ng propeta Isaias ang salitang Ama, na tumutukoy sa Dios, na Siya’y tinawag niyang manunubos.

Gaya ng nasusulat,

ISA 63 :
16  Sapagka't ikaw ay aming Ama, bagaman hindi kami kinilala ni Abraham, at hindi kami kilala ng Israel: ikaw, Oh Yehovah, ay aming Ama, aming Manunubos na mula sa walang pasimula ay siya mong pangalan.
(Doubtless thou art our father, though Abraham be ignorant of us, and Israel acknowledge us not: thou, O Yehovah, art our father, our redeemer; thy name is from everlasting.)

Gayon din mula sa bibig ni propeta Malakias ay namutawi ang mga sumusunod na katuwiran ng Dios. Na sinasabi, 

MAL 2 :
10  Wala baga tayong lahat na isang AMA? hindi baga isang DIOS ang lumalang sa atin? bakit tayo nagsisigawa ng paglililo bawa't isa laban sa kaniyang kapatid, na nilalapastangan ang tipan ng ating mga magulang? 
(Have we not all one father? hath not one God created us? why do we deal treacherously every man against his brother, by profaning the covenant of our fathers?)

Ang salitang Ama ay maituturing na isang pangkalahatang pamimitagang panawag. Ito’y dahil sa ginagamit ng sinoman patungkol sa biyolohikal niyang tatay. Ang ibig sabihin ay maaaring ipatungkol sa amang makalupa at sa Amang makalangit. 

Alinsunod sa kadahilanang nasa itaas ay hindi katanggaptanggap na sabihing iyan (Ama) ang karapatdapat na panawag sa kaisaisang Dios (YHVH) ng langit. Hindi gaya ng “adonay” na kataastaasang pamimitagang panawag, na kapag binanggit ninoman ay direktang tumutukoy sa kaisaisang pangalan lamang na pag-aari ng kaisaisang Dios ng langit.
Bukang bibig ng marami ang salitang Ama, kung ang tinutukoy nila ay ang Dios ng langit. Dahil na rin sa kawalan nila ng kamalayan sa umiiral na pangalan ng Dios at sa kataastaasang pamimitagang panawag sa Kaniya. 

Ano pa’t kapag binanggit ng sinoman ang panawag na Ama (kaisaisang Dios ng langit) ay wala siyang alin mang sumasaisip na pangalan nito. Na gaya lamang ng isang musmos na bata, na kilala lamang ang kaniyang mga magulang sa panawag na ama (papa) at ina (mama). Ang kalakarang iyan ay umiiral lamang sa pinakamababang antas ng kamalayan sa larangan ng tunay na kabanalan. Napakalaking bilang ng mga tao sa makatuwid ang lumalapat ng lubos sa ganyang kaawa-awang kalagayan.

Gayon nga? Kung matanong ka kung ano ang pangalan ng iyong ama ay isasagot mo ng walang pag-aalinlangan na “ama” ang pangalan niya? Hindi baga natin nauunawaan na ang lahat ay may pangalan, at kung bakit binigyan ng pangalan ang bawa’t isa ay lubhang napakahalaga nito sa pagkakakilanlan ng ating pagkatao? 

Walang ipinagkaiba sa kaisaisang Dios ng langit, na siya ay may pangalan, na matuwid na nalalaman ng kaniyang mga Anak. At kung itinuturing natin na tayo ay mga anak ng Dios ay bakit naman hindi natin alamin ang pangalan ng Ama nating nasa langit? Nang sa gayo’y mapukaw naman natin ang kaniyang pansin, kapag siya ay tinawag natin gamit ang kaniyang pangalan. 

Hindi na nga lumalapat sa kamusmusan ang ating kamalayan, at dahil diyan ay sasabihin natin kanino man ang kaisaisang pangalan (YEHOVAH) ng Ama nating nasa langit. 

Gaya ng mababasa sa ibaba,  

MAT 6 :
9  Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.
(After this manner therefore pray ye: Our Father which art in heaven, Hallowed be thy name.)

Ayan at madiing ipinag-uutos nitong Espiritu ng Dios na namamahay sa kalooban at kabuoan ng dakilang batlayan (Jesucristo) sa kaniyang kapanahunan, na tayo nga daw ay dumalangin sa ating Ama at sambahin ang kaniyang pangalan (YEHOVAH). Kung hindi natin iyon alam ay paano nga magagampanan ng sinoman sa kalupaan ang pagsamba sa pangalan ng Ama nating nasa langit. 

Dahil sa katuwirang iyan na iniluwal mismo ng sariling bibig ng dakilang batlayan (Jesucristo), ay hindi matuwid sa panig ng sangkatauhan na maging isang kakulangan sa kaniyang kamalayan ang pangalan ng kaisaisang Dios na siyang Ama niyang nasa langit.

Ang utos ng Dios ay utos na nararapat at matuwid na sundin ng buong sangkatauhan.
Na sinasabi,

MAT 17 :
5  Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.
(While he yet spake, behold, a bright cloud overshadowed them: and behold a voice out of the cloud, which said, This is my beloved Son, in whom I am well pleased; hear ye him.)

Sa talata nga ay ipinakilala ng Ama ang kaniyang Anak na siya niyang kinalulugdan, at nag-utos na “siya ang ating pakinggan.” Ano pa’t nang sabihin niyang sambahin ang pangalan ng Ama ay katuwiran ngang maitururing sa sinoman na walang alinlangang ganapin ang gayon. Sapagka’t kung hindi natin susundin ang kautusang iyan ay hindi lamang sa Anak tayo tumalikod, kundi pati na rin sa Ama. Dahil sa ang kautusang iyan ay nalalaman natin na mula sa Espiritu ng Dios na masiglang namamahay at makapangyarihang naghahari sa kalooban ng dakilang batlayan (Jesucristo) sa kapanahunan niyang iyon. Ang utos, o salita ng Espiritu ay isinatinig lamang niya, upang iyon ay madinig ng mga higit na kinauukulan ng salita (katuruang Cristo).

Gaya ng nasusulat,

JUAN 17 :
26 At IPINAKILALA KO SA KANILA ANG IYONG PANGALAN, at ipinakilala ko; upang ang pagibig na sa akin ay inibig mo ay mapasa kanila at ako’y sa kanila.
(And I have declared unto them thy name, and will declare it: that the love wherewith thou hast loved me may be in them, and I in them.)

JUAN 17 :
6 IPINAHAYAG KO ANG IYONG PANGALAN SA MGA TAO (tupa) na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: (Mat 18:20) sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin; at TINUPAD NILA ANG IYONG SALITA. (Mat 15:24)
(I have manifested thy name unto the men which thou gavest me out of the world: thine they were, and thou gavest them me; and they have kept thy word.)

Narito at sa talata ay madiing sinasabi na ang mga nagtamo ng pangalan ng Ama nating nasa langit ay nagawang maluwalhating sundin ang mga salita ng Dios na isinatinig ng mga tunay na banal.

Ganyan ngang sa natatanging kapanahunan ng panginoong Jesucristo ay natamo ng mga kinauukulan ang pangalan ng Ama nating nasa langit. Ano’t sa kasalukuyang panahong ito ay pagkakaitan pa baga natin ang ating mga sarili ng pagkakilala sa Kaniyang pangalan?

Nguni’t kung babalikan natin ang lubhang malayong nakaraang mga kapanahunan ay mapapag-unawa ng lubos na ang pangalan ng Ama ay hindi ipinagkait sa sinomang may banal na pagnanais na maalaman ang Kaniyang pangalan, at gaya ng napakaliwanag na nasusulat ay sinabi,

BILANG 6 :
27 Gayon nila ilalagay ang aking pangalan sa mga anak ni Israel, at aking pagpapalain sila.
(And they shall put my name upon the children of Israel; and I will bless them.)

Ang pangalan din namang iyan ay maliwanag na inilagay sa buong sangbahayan ni Israel at sila ay pinagpala ng Dios. Hindi nga lamang iyan, kundi gaya din naman ng nilalaman nitong sumusunod na talata, na sinasabi,

EXO 9 :
16 Datapuwa’t totoong totoo, na dahil dito ay pinatatayo kita, upang maipakilala sa iyo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay mahayag sa buong lupa.
(And in very deed for this cause have I raised thee up, for to shew in thee my power; and that my name may be declared throughout all the earth.)

Sa pagtatapos ay katuwiran na sinasang-ayunang lubos ng katotohanang sumasa Dios, na ang sinomang nakababatid ng tinutukoy na kaisaisang pangalan (YEHOVAH) ay gumaganap ng maluwalhati sa kalooban ng Ama nating nasa langit. Kasunod niyaon, sa kaniya ay ang masaganang daloy ng pagpapala, na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay.

(Alamin sa sumusunod na link ang husto at tamang bigkas sa kaisaisang pangalan (YEHOVAH) ng Ama nating nasa langit.) CLICK HERE.

Hanggang sa muli, paalam.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento