Lunes, Setyembre 15, 2014

SIYA ANG INYONG PAKINGGAN (sa Pananampalataya)


Ang Pananampalataya sa Ama

Tungkol sa pananampalataya ay anu-ano naman kaya ang utos nitong sariling bibig ng panginoong Jesucristo, na nararapat nating sundin at isabuhay ng may sigla at may galak sa ating puso?

Hinggil sa usaping iyan ay may tibay na sinalita ng kaniyang bibig, na ang sinasabi ay ito,

JUAN 5 :

24  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo,  Ang dumirinig ng aking salita, at SUMASAMPALATAYA SA KANIYA NA NAGSUGO SA AKIN, ay may buhay na walang hanggan, at HINDI PAPASOK SA PAGHATOL, KUNDI LUMIPAT NA SA KABUHAYAN MULA SA KAMATAYAN.

Sinasabi nga ng talata ang katotohanang sumasa Dios, na ang sinomang dumirinig, o tumutupad ng kaniyang salita (katuruang Cristo), at sumasampalataya sa Ama nating nasa langit ay walang pagsalang magkakamit ng buhay na walang hanggan. Siya ay hindi papasok sa paghatol ng Dios na inihahatol sa mga mapanghimagsik sa natatangi niyang kalooban (kautusan). Bagkus, mula sa kinalalagyan niyang dako ng kamatayan, siya ay nailipat na sa kabuhayan.

Napakaliwanag na ang unang pananampalataya ay sa kaisaisang Dios lamang iuukol ng lahat. Ang ganap nating tiwala sa Dios, kung gayon ay nauukol lamang sa Ama ng sangkatauhan, na walang iba, kundi ang kaisaisang Dios na nasa langit.


Sasampalatayanan ng lahat, na Siya lamang sa silong ng langit ang kaisaisang makapaghahatid ng sinoman sa kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan. Iyan ay sa pamamagitan ng masigla at may galak sa puso na pagtalima sa Kaniyang mga kautusan.


Ang Pananampalataya sa Cristo

Ang pananampalataya na nararapat iukol ng lahat sa ating Ama ay hindi nga gaya ng pananampalataya na itutuon natin sa ating panginoong Jesucristo. Gaya nga ng nasusulat ay ganito ang mababasa,

JUAN 14 :
10  HINDI KA BAGA NANANAMPALATAYA NA AKO’Y NASA AMA, AT ANG AMA AY NASA AKIN? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo’y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.

11  MAGSISAMPALATAYA KAYO SA AKIN NA AKO’Y NASA AMA, AT ANG AMA AY NASA AKIN: o kundi kaya’y MAGSISAMPALATAYA KAYO SA AKIN DAHIL SA MGA GAWA RIN.

12  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ANG SA AKIN AY SUMAMPALATAYAAY GAGAWIN DIN NAMAN NIYA ANG MGA GAWANG AKING GINAGAWAat LALONG DAKILANG MGA GAWA KAY SA RITO ANG GAGAWIN NIYAsapagka’t ako’y paroroon sa Ama.

Ang panginoong Jesucristo ay sasampalatayanan hindi bilang Dios, kundi ang Ama ay sumasa kaniya, at siya naman ay sumasa Ama. Sapagka’t aniya, ang mga salita na kaniyang sinasabi sa kanila ay hindi niya sinasalita sa kaniyang sarili lamang, kundi ang Espiritu ng Ama na nasa kaniya ang Siyang gumagawa ng sarili niyang mga gawa.

Aniya’y sampalatayanan siya na siya’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa kaniya. O kaya nama’y sampalatayanan siya ayon sa mga gawa ng Espiritu na sa panahong iyon ay masigla at makapangyarihang naghahari sa kaniyang kabuoan. Kung lilinawin ay sampalatayanan siya bilang isang sisidlag hirang ng Dios, na sa pamamagitan ng katawan niyang lupa ay naisasa-materiyal ng Dios ang mga dakila Niyang layunin sa bahaging iyong ng ating daigdig. Hindi nga siya sasampalatayanan bilang Dios na tagapagligtas ng kaluluwa, at Dios na manunubos ng sala nitong sanglibutan.

Katotohanan kung gayon, na ang sinomang sumasampalataya sa kaniya bilang isang buhay na templo ng Dios, o bilang isang sisidlang hirang ng Dios ay gagawin din naman niya ang maging gaya ng isang kasangkapan ng Dios. Ano pa’t higit pa sa roon ang maaaring magawang kadakilaan ng Dios gamit ang katawan niyan pisikal.

Ang ganap na ipinauunawa ng panginoong Jesucristo ay kilalanin siya bilang isang matibay na kasangkapan, o isang matapat at masunuring lingkod ng Dios. Bilang pagsang-ayon sa pahayag na iyan, saan man at kailan man ay hindi niya sinabi, ni ipinahiwatig man, na siya sa kaniyang sarili ay lumalapat sa kalagayan ng isang Dios.

Dahil diyan ay matuwid sa sinoman sa kalupaan, na sundin ang utos ng bibig ng panginoong Jesucristo, na nagsasabing 

"SUMAMPALATAYA SA KANIYA NA NAGSUGO SA AKIN," 

"ANG SA AKIN AY SUMAMPALATAYAAY GAGAWIN DIN NAMAN NIYA ANG MGA GAWANG AKING GINAGAWA;"

May madiin ngang utos ang Ama ng ating kaluluwa sa lahat ng mga mananampalataya, na sinasabi, 

Mat 17:
5  ........Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; Siya ang inyong pakinggan. 

Narito, at madiing iniutos ng Ama nating nasa langit na ating pakinggan ang mga salita (Katuruang Cristo) na ipingaral ng sariling bibig ng Cristo. Iyan ang katuruan na tanyag sa tawag na Evangelio ng kaharian. Pagdating sa usapin ng pananampalataya ay tanging aral lamang na nagmula sa bibig niya ang matuwid tindigang matibay ng sinoman, palibhasa'y kaisaisang Dios (Ama) na mismo ang nag-utos sa lahat, na maliban sa kaniya ay wala na nga tayong iba pang karapatdapat pakinggan. Bakit nga tayo ay makikinig pa sa ibang evangelio (evangelio ng di pagtutuli), gayong sinabi na ng sarili nating Ama na salita (Evangelio ng Kaharian) lamang na nagmula sa sariling bibig ni Jesus ang ating sundin at isabuhay.

Matuwid nga sa sinoman, na pakinggan ang mga salita (katuruang Cristo) na malayang iniluwal ng sariling bibig ng Cristo. Bakit? Sapagka’t sa katuruang Cristo ay nasasalalay ang pagiging banal ng sinoman sa kalupaan. Ano pa’t ang isang tinatawag na banal ay walang kapaguran at may masiglang galak sa puso na nagtataguyod, tumatangkilik, nagtatanggol, nangangaral, at nakikinig ng kaniyang salita. Datapuwa’t kung ang sinoma’y hindi susundin ang katuruang Cristo (evangelio ng kaharian) ay wala nga siyang kapagapag-asa na makamit sa kaniyang kabuoan ang ipinangako ng kautusan na kabanalan, na siyang tagapaghatid ng kanino mang kaluluwa sa walang hanggang kaluwalhatian ng kaisaisang Dios ng langit.

Bilang pagsunod, tayo ay sasampalataya sa kaisaisang Dios ng langit na sa kaniya ay nagsugo sa buong sangbahayan ni Israel. Bilang mananamapalataya sa panginoong Jesucristo ay gagawin din naman natin ang kaniyang mga ginawa.

1.     Ang pagsunod sa mga kautusan ng Dios.
2. Ang sumampalataya sa kaisaisang Dios na nagsugo sa kaniya.
3.     Ang pagbabautismo sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
4.   Ang pagkakaroon ng banal na Espiritu na namamahay at naghahari sa kaniyang kabuoan.

Ang sinomang sumasampalataya kay Cristo Jesus, bilang isang sisidlang hirang ng Dios (medium/talaytayan) ay gayon ngang pinatototohanan ng sarili niyang bibig, na higit pa sa mga natatala sa itaas na mga dakilang mga gawa ang gagawin niya.


Sa pagtatapos ay maipasisiyang may dalawang uri ang pananampalataya na nararapat isabuhay at tindigang matibay ng lahat. Ang una ay ang pananampalataya sa Ama nating nasa langit, at ang pangalawa ay ang 
pananampalataya sa mga manggagawa, o sa mga lingkod ng Dios, at sa kanila ay kabilang ang panginoon nating si Jesucristo.

KONKLUSYON
Ang tunay na banal ng Dios na gaya nitong Cristo ng Nazaret, kung gayon ay sasampalatayanan na sila ay masigla at makapangyarihang pinamamahayan ng Espiritu ng Dios sa kanilang kabuoang pagkatao. Gagawin din naman natin ang mga gawa nila na tumutukoy ng ganap sa pagtangkilik,  sa pagtatataguyod, sa pagtatanggol, sa pangangaral, at sa pagsunod sa kabuoang aral ng Katuruang Cristo (evangelio ng kaharian), na kung saan ay masusumpungan ang mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan ng kaisaisang Dios ng langit.

ITO ANG KATURUANG CRISTO

Tamuhin nawa ng bawa't isa ang masaganang buhos ng mga biyaya ng langit, na tumutukoy sa 
katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay. 

Hanggang sa muli, paalam.

Related Article|:







1 komento:

  1. ito marahil ang paunang aral na marapat muna na maunawaan ng bawat humahanap ng katotohanan sa kanyang sinasabing pananampalataya.

    TumugonBurahin