Lunes, Setyembre 1, 2014

SIYA ANG INYONG PAKINGGAN (sa Bautismo)


Dinalang bukod ng panginoong Jesus ang mga alagad na sila Pedro, Santiago, at Juan sa isang mataas na bundok. Doon nga’y may isang maningning na alapaap na lumilim sa kanila: at may tinig na nagwika mula sa kaluwalhatian ng langit, na nagsasabi

MAT 17 :
5  .... ITO ANG SINISINTA KONG ANAK, NA SIYA KONG KINALULUGDAN; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.

Sa talatang nasa itaas ay ipinakilala nitong Espiritu ng Ama sa lahat, na ang panginoong Jesucristo ang sinisinta niyang Anak, at tayo ay inuutusan niyang makinig sa mga salita (evangelio ng kaharian) na ipinapangaral niya sa mga tao.

Ano pa’t sa katapusan ng kaniyang layunin sa sangbahayan ni Israel ay madiin niyang inihabilin sa mga orihinal at lihitimong mga apostoles ang ganito,

MAT 28 :
20  NA ITURO NINYO SA KANILA NA KANILANG GANAPIN ANG LAHAT NG MGA BAGAY NA INIUTOS KO SA INYO: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan (ages).

Kung gayo'y mayroong mga utos (Kautusang Cristo) na sinalita ng sariling bibig ng Cristo Jesus, na nararapat nating pakinggan at isabuhay. Kung hindi ay mangangahulugan iyan ng paglabag sa partikular na utos na iyan ng Ama. Maituturing ngang iyan ay isang lubhang malaking kasalanan sa kaisaisang Dios ng langit. Sapagka’t nasasalalay sa evangelio ng kaharian (katuruang Cristo) na masiglang ipinangaral ng sariling bibig ng panginoong Jesucristo ang kaligtasan ng kaluluwa at kapatawaran ng mga kasalanan. Kaya nga, kung ang sinoma’y hindi magsasabuhay ng katuruang Cristo, ay maipasisiya na ang taong iyon ay ganap na dumadako sa kahabaghabag na kalagyan ng mga anak ng pagsuway.

Hinggil sa usapin ng bautismo ay ano naman kaya ayon sa Katuruang Cristo ang mga aral, o mga utos na nararapat ganapin ng lahat? Unahin nga muna nating sulyapan ang katuwiran na ipinangaral ng kagalanggalang na San Juan Bautista, at gaya ng nasusulat ay kaniyang winika, 

MATEO 3 :
11  Sa katotohanan ay BINABAUTISMUHAN KO KAYO SA PAGSISISI: datapuwa’t ang dumarating sa hulihan ko ay LALONG MAKAPANGHARIHAN kay sa akin, na hindi ako karapatdapat magdala ng kaniyang pangyapak: SIYA ANG SA INYO'Y MAGBABAUTISMO SA ESPIRITU AT APOY.

Sa talata ay maliwanag na sinasabing si Juan Bautista ay bumabautismo sa mga taong nagsipagsisi sa mga nangagawa nilang kasalanan sa kaisaisang Dios ng langit. Gayon man, ang dumarating sa hulihan niya ay higit ngang nagtataglay ng kapangyarihan. Siya(Jesus) aniya ang sa kanila ay babautismo sa Espiritu at apoy.

Pansinin nga po nating maiigi ang nasusulat sa Mateo 3:11 na mababasa sa itaas. Diyan ay napakaliwanag na ang pinatutungkulan ng salita nitong si San Juan Bautista, na binabautismuhan niya sa pagsisisi ng kasalanan ay sila din naman ang mga tao na sinabihan niya na babautismuhan ng panginoong Jesucristo. Sa madaling salita ay napakaliwanag na matapos nilang dumaan sa rituwal ng bautismo ni San Juan ay gayon din naman silang sasailalim sa bautismo ng Espiritu at apoy


Ang unang bautismo sa pamamagitan ni San Juan ay maliwanag na dahil sa pagsisisi ng mga kasalanan. Ang pangalawang bautismo na magmumula sa Cristo at sa mga alagad ay sa pagiging isang masigla at may galak sa puso na tagapagtaguyod, tagatangkilik, tagapagtanggol, at tagasunod ng katuruang Cristo (evangelio ng kaharian).

Dito nga ay tumuturo sa tatlong (3) entidad ang tinutukoy ng kagalanggalang na San Juan Bautista, na gaganap sa sagradong rituwal ng bautismo na nabanggit. 

  • Ang SIYA, na walang alinlangang lumalapat sa Anak. (Anak ng pagsunod)
  • Ang ESPIRITU ay tumutukoy ng lubos sa Espiritu Santo. 
  • Ang pangatlo ay ang APOY na ang ganap na pinatutungkulan ay yaong Ama ng langit.

Na gaya nga ng napakaliwanag na nasusulat,

DEU 4 :
24  Sapagka't ANG PANGINOON MONG DIOS AY ISANG APOY NA MAMUMUGNAW, mapanibughuing Dios nga (Deut 9:3).

Dahil nga diya’y hindi nakapagtataka, kung sa paglisan ng panginoong Jesucristo ay ini-utos ng sarili niyang bibig, na ang mga apostol ay babautismo gaya ng nasusulat, na sinasabi,

MATEO 28 :
19  Dahil dito’y magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong BAUTISMUHAN sa PANGALAN NG AMA AT NG ANAK AT NG ESPIRITU SANTO.

Ang utos na nangagsilabas mula sa sariling bibig ng Cristo ay "bumautismo sa ngalan ng Ama, at sa ngalan ng Anak, at sa ngalan ng Espiritu Santo." Iyan ang ating susundin ng may sigla at may galak sa ating puso. Sa makatuwid ay hindi nga sinasang-ayunan ng katotohanan, na ang sinoman ay bumautismo sa pangalan ng panginoong Jesucristo lamang.

Gaya ng sa sumusunod na talata na nagtuturo ng huwad na bautismo,

 GAWA 19 :
At nang kanilang marinig ito, ay nangapabautismo sila sa PANGALAN ng Panginoong Jesus.

Gayon ding itinuturing na maling gawang pangkabanalan, na ang nagpapakilalang isang lihitimong lingkod ng Dios ay bumautismo sa kamatayan ng Cristo Jesus.

Gaya ng hidwang paraan na nasusulat,

ROMA 6 :
O hindi baga ninyo nalalaman na tayong lahat na mga NABAUTISMUHAN KAY CRISTO JESUS AY NANGABAUTISMUHAN SA KANIYANG KAMATAYAN?
4  Tayo nga’y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng BAUTISMO SA KAMATAYAN: ....

Ang utos ng sariling bibig ng Cristo ay ang bautismo sa tatlong (3) pangalan hindi ang batusimo sa isang pangalan lamang. Lalo ng hindi itong bautismo sa kamatayan. Ang nakakalungkot hinggil dito ay hindi sinunod ng mga Gentil ang utos, kundi bumautismo ang marami sa isang pangalan lamang at gayon nga ring tinangkilik nila ang bautismo sa kamatayan.  

Kung sasabihin ng ilan, “Kami’y bumabautismo sa tatlong (3) pangalan, mabuti kung gayon nga. Datapuwa’t ang tanong sa kanila ay ito.

“Ano ang pangalan ng Ama, ano ang pangalan ng Anak, at ano ang pangalan ng Espiritu Santo.”

Kung hindi nga nila nalalaman ang tatlong (3) pangalan ay papaano nila nasabi ng may kapangahasan, na sila’y bumabautismo sa pamamagitan ng mga pangalang tinutukoy sa akdang ito. Mula sa kadahilanang iyan ay hindi baga masasabing sila’y mga sinungaling at palalo? 

Oo, sila lamang na mga manggagawa ng Ama nating nasa langit na nagtataglay at nag-iingat ng tatlong (3) pangalan ang sinasang-yunan ng Dios na bumautismo, upang ang mga pangalang iyon ay matatak sa noo ng sinomang kinauukulan ng bautismong nabanggit.

Hinggil sa tatak sa noo ay sinabi,


APOC 7 :

3  Na nagsasabi, Huwag ninyong ipahamak ang lupa, kahit ang dagat, kahit ang mga punong kahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Dios. 

Gayon ngang ang tanda sa mga kaluluwang sumasa katawan (tao) na inaari bilang Anak ng Ama nating nasa langit ay ang tatak sa kanilang noo. Iyan ang tatlong (3) pangalan na tumatatak sa noo ng sinomang binabautismuhan ng mga tunay na lingkod ng Dios. Iyan ay sa kapaaraanang "Bautismo sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo." 


Bagaman madiing winika ng kagalanggalang na San Juan Bautista ang bautismo na tumutukoy sa ESPIRITU  at APOY, ay hindi nga literal na unawa diyan ang dapat nating pakinggan, kundi ang kinalabasan ng ginawang paglilinaw ng panginoong Jesus, na tumutukoy sa tatlong (3) pangalan, na ibabautismo sa mga kinauukulan nito.

Mahigpit ngang utos ng Ama nating nasa langit sa lahat, partikular sa usaping ito ay ukol sa mga bautisador, na madiin Niyang winika,

“Siya ang inyong pakinggan.”  


Dahil diyan ay matuwid at katotohanan sa sinoman sa kalupaan, na walang alinlangang sundin ang utos na sinalita ng sariling bibig ng panginoong Jesucristo, na nagsasabing, 



Sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.

Ayon sa hindi maitatangging katotohanang sa inyo ay nalahad ngayon. Ang salitang "SIYA", ay tumutukoy sa ANAK, ang "APOY" ay ang AMA, at ang "ESPIRITU" ay ang ESPIRITU SANTO. Kung pakikinggan at susundin natin ang utos ng sariling bibig ng panginoong Jesucristo na binibigyang diin sa itaas, ay sa mga pangalan nga lamang ng tatlong (3) entidad na nabanggit tatanggap ng babautismo ang sinomang nauukol sa gayong kabanal na kalagayan.


Sa pagpapatuloy ay katotohanan na ang tinutukoy ng kagalanggalang na San Juan Bautista na bautismo sa Espiritu at apoy ay walang iba, kundi ang iniutos ng panginoong Jesucristo na bautismo sa tatlong (3) pangalan, at iyan ang katotohanan na mahigpit na iniuutos nitong Espiritu ng Dios, na mapayapang namahay at makapangyarihang naghari sa kalooban ng panginoong Jesucristo..


Mayroon ngang bautismo sa pagsisisi ng kasalanan, at iyan ay sa pamamagitan ng paglubog sa tubig ng ilog. Bakit nga hindi isagawa muna ang gayong kabanal na rituwal pangkabanalan, bago ang sinoma'y pag-isipang paraanin ang kaniyang mga kapatid at kaisa sa Espiritu sa kabanalbanalang bautismo sa Espiritu at apoy  (tatlong [3] pangalan).


Kung ang ibinabandera natin na aral pangkabanalan ay ang pananampalataya sa panginoong Jesucristo ay matuwid lamang sa atin, na ang mga salita (katuruang Cristo) ng sarili niyang bibig ang ating pakinggan at isabuhay. Ano't ang utos ng Cristo Jesus na bumautismo sa tatlong (3) pangalan ay niwalang kabuluhan natin. Bagkus, ay ang patalinghagang salita ng kagalanggalang na San Juan Bautista ang kapagdaka'y ginanap, na walang anomang ginawang pagsisiyasat at sangguni sa mga salita (katuruang Cristo) na ipinangaral ng Cristo.


Ang isang napakaliwanag dito ay katotohanang hindi maitatanggi saan man at kailan man, na ang mga tunay na alagad nitong Espiritu ng Dios sa kalooban ng Cristo ay katotohanang bumautismo sa tatlong (3) pangalan. Kung sinasabi ninoman na siya ay tunay na alagad ng kabanalan, o kaya nama'y sinasabi niyang siya'y alagad ni Cristo ay gayon din naman siyang babautismo sa paraang iyan na masigla at may galak sa puso na ginanap nilang mga tunay na apostoles ng nabanggit na Espiritu ng Dios sa istansang ito.     


Ito ang isa sa hindi kakaunting araling pangkabanalan na masusumpungan sa KATURUANG CRISTO, na kilala ng iilan lamang sa katawagang EVANGELIO NG KAHARIAN.


At tungkol sa evangelio ng kaharian ay sinabi,


Mat 4:23  At nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang EVANGELIO NG KAHARIAN at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao. (Mat 9:35)


MATEO 24 :

14  At ipangangaral ang EVANGELIONG ITO NG KAHARIAN sa buong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo'y darating ang WAKAS.


Ang UTOS nitong Espiritu ng Dios na masiglang namamahay at makapangyarihang naghahari sa kalooban ng Cristo ay ipangaral sa buong sanglibutan ang evangelio ng kaharian (katuruang Cristo), gayon ma'y sinunod ba ng mga taong nagpapakilalang mangangaral ng evangelio ang mahigpit na kautusang iyan? Ipinangaral din ba iyan ng mga espiritu kuno sa pamamagitan ng mga talaytayan (medium), na nagsasabing sila'y espiritu ng kabanalan na mula sa Dios? HINDI, sapagka't sa kalapastanganan ng marami sa kalooban ng kaisaisang Dios, imbis na evangelio ng kaharian ay evangelio ng di pagtutuli ang ipinangaral nila. Dahil sa kapangahasang iyan ng mga tampalasan ay hindi kakaunti sa ating mga kapatid ang humantong sa mapait na kapahamakan ng kanikanilang kaluluwa.

Napakaliwanag ayon sa kautusan ng Dios na iniluwal ng sariling bibig ng Cristo, na ang lubos niyang sinasang-ayunang katuruang pangkabanalan na ipangangaral sa buong sanglibutan ay ang evangelio ng kaharian (katuruang Cristo) lamang. Dahil sa kahigpitan ng kautusang iyan ay isang napakabigat na kasalanan sa Ama nating nasa langit, na ipangaral sa buong kalupaan ang IBANG EVANGELIO (evangelo ng di-patutuli ni Pablo). Sapagka't ang huwad na katuruang iyan ay hindi kailan man, sinang-ayunan, ni kinilala man ang buong nilalaman ng KATURUANG CRISTO.

Ano mang bagay na lihis sa matuwid ng Dios ay hindi dumadako sa larangan ng tunay na kabanalan. Iyan ay hindi nga nagtatamo ng sagradong basbas ng Dios. Dahil diyan, ang evangelio ng di pagtutuli, saan man at kailan man ay hindi inari ng katotohanan, ni ang evangelio man ng kaharian ay hindi iyon sinag-ayunan, sapagka’t ang nabanggit na ibang evangelio (evangelio ng di pagtutuli) ay hindi ibinilang ng Dios sa kalipunan ng mga katuruang pangkabanalan na kinikilala niya bilang katotohanan, upang ipangaral sa buong sangkatauhan. Ayon sa kalooban ng Ama nating nasa langit ay iwawaksi natin ang mga bagay o katuruan (evangelio ng di pagtutuli) na hindi sinasang-ayunan ng katuwirang sumasa Dios.

Ang kasakdalan ng mga salita ay katotohanang katotohanan na masusumpungan lamang sa kabuoan nitong evangelio ng kaharian (katuruang Cristo). Pakabanalin nga nating ang ating mga sarili, sa pamamagitan ng pagsasabuhay nitong mga dalisay at sakdal na katuruang pangkabanalan (katuruang Cristo), na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig ng panginoon nating si Jesus.

Muli, bilang pagwawakas ng akdang ito ay madiin ngang iniuutos ng Dios sa lahat ng mga kinauukulan ng kaniyang salita. 

MAT 17 :
5  .... ITO ANG SINISINTA KONG ANAK, NA SIYA KONG KINALULUGDAN; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.

Napaka higpit ang utos ng Ama nating nasa langit, na si Jesus lamang ang ating pakikinggan. Na ang ibig sabihin, bukod sa KATURUANG CRISTO (Evangelio ng Kaharian) ay wala na tayong dapat pang pakinggan ibang evangelio (evangelio ng di pagtutuli), sapagka't may ganap ng kahustuhan ang lahat ng mga salitang ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo, upang ang sinoman ay kamtim ang kapatawaran ng kasalanan at kaligtasan ng kaluluwa. Sa makatuwid baga'y ang pagkakamit ng buhay na walang hanggan sa kaluwalhatian ng Ama nating nasa langit.


Patuloy nawang tamuhin ng bawa't isa ang walang patid na biyaya ng langit na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at sagad na buhay sa kalupaan, tungo sa buhay na walang hanggan ng ating kaluluwa.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento