Sabado, Agosto 16, 2014

SIYA ANG INYONG PAKINGGAN (sa Kautusan)

Matapos ngang bautismuhan ng kagalanggalang na San Juan Bautista ang panginoong Jesucristo ay nabuksan sa kaniya ang langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na tulad sa wangis ng isang kalapati na dumapo sa ating panginoon at nagsabi.

Gaya ng nasusulat,

MAT 3 :
17  At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, ITO ANG SINISINTA KONG ANAK, NA SIYA KONG LUBOS NA KINALULUGDAN.

Ang tinig ng kaisaisang Dios ay tahasang nagwika kay Juan, na nagsasabing  ang panginoong nating si Jesus ay siya Niyang sinisintang Anak na lubos Niyang kinalulugdan. Ibig sabihin nito ay kinikilala Niya siya na isang tunay na Anak, palibhasa’y kinakitaan Niya siya ng masigla at may galak sa puso na pagtalima sa natatangi niyang kalooban. Bagay na nag-udyok sa Ama na pag-ukulan Niya ng wagas na pagsinta, o dakilang pag-ibig ang panginoong Jesucristo.

Sa ibang dako ay dinalang bukod ng panginoong Jesus ang mga alagad na sila Pedro, Santiago, at Juan sa isang mataas na bundok. Doon nga’y may isang maningning na alapaap na lumilim sa kanila: at may tinig na nagwika mula sa kaluwalhatian ng langit, na nagsasabi,
MAT 17 :
5  .... ITO ANG SINISINTA KONG ANAK, NA SIYA KONG KINALULUGDAN; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.

Gayon ngang maliwanag pa sa sikat ng araw na ipinakilala nitong Espiritu ng Ama sa lahat, na ang panginoong Jesucristo ang sinisinta niyang Anak, at tayo ay inuutusan niyang makinig sa mga salita (evangelio ng kaharian) na ipinapangaral niya sa mga tao.

Ano pa’t sa katapusan ng kaniyang layunin sa sangbahayan ni Israel ay madiin niyang inihabilin sa mga orihinal at lihitimong mga apostoles ang ganito,

MAT 28 :
20  NA ITURO NINYO SA KANILA NA KANILANG GANAPIN ANG LAHAT NG MGA BAGAY NA INIUTOS KO SA INYO: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.

Sa makatuwid pala’y may mga kautusan na nangagsilabas mula sa sariling bibig ng panginoong Jesucristo, na sa ayaw at sa ibig ay kailangan nating sundin. Kung hindi ay mangangahulugan iyan ng pagsuway sa partikular na kautusang iyon ng Ama nating nasa langit. Ang gayon ay maituturing na isang lubhang malaking kasalanan sa kaisaisang Dios ng langit. Sapagka’t katotohanang nasasalalay sa evangelio ng kaharian na masiglang ipinangaral ng sariling bibig ng panginoong Jesucristo ang kaligtasan ng kaluluwa at kapatawaran ng mga kasalanan. Kaya nga, kung ang sinoma’y hindi makikinig sa evangelio ng kaharian, o yaong tinatawag na “Katuruang Cristo” ay maliwanag ngang minumungkahi ng taong iyon na pasiklabin ang kagalitan ng Ama nating nasa langit.

Sa pagpapatuloy ay sulyapan nga natin ang mga mahahalagang bagay na mismo ay iniutos ng panginoon nating si Jesucristo, at bilang simula ay siyasatin ang,


TUNGKOL SA KAUTUSAN NG AMA

Sa mga sumusunod na talata ay malinaw niyang winika ang mga mahahalagang bagay hinggil sa kautusan na nararapat sundin ng sinomang taong nabubuhay sa kalupaan.

Na sinasabi,

MATEO 22 :
37  At sinabi sa kaniya, IIBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS NG BOONG PUSO MO, AT NG BOONG KALULUWA MO, AT NG BOONG PAGIISIP MO. (Deut 6:5)

38  Ito ang DAKILA AT PANGUNANG UTOS.
39  At ang PANGALAWANG KATULAD ay ito, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI. (Lev 19:18)

40  SA DALAWANG UTOS NA ITO’Y NAUUWI ANG BOONG KAUTUSAN, AT ANG MGA PROPETA.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa MABUTI? May isa, na siyang MABUTI: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Sa gayo’y anu-ano na ba ang kautusan ng pag-ibig sa Dios? At gaya ng nasusulat ay ganito ang sinasabi,


TUNGKOL SA MGA KAUTUSAN NG PAGIBIG SA DIOS

1. HUWAG KANG MAGKAKAROON NG IBANG MGA DIOS SA HARAP KO.

2. HUWAG KANG GAGAWA PARA SA IYO NG LARAWANG INANYUAN O NG KAWANGIS MAN NG ANOMANG ANYONG NASA ITAAS NG LANGIT, O NG NASA IBABA NG LUPA, O NG NASA TUBIG SA ILALIM NG LUPA. Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran sila, ...... 

3.  HUWAG MONG BABANGGITIN ANG PANGALAN NG PANGINOONG MONG DIOS SA WALANG KABULUHAN; sapagka’t hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.

4. ALALAHANIN MO ANG ARAW NG SABBATH UPANG IPANGILIN. Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain.  Nguni’t ang ikapitong araw ay SABBATH sa Panginoon mong Dios; sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang daan:  Sapagka’t ang anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na ano pa’t pinagpala ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at PINAKABANAL.

5.  Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

Kasunod ng mga kautusan ng pag-ibig sa Dios ay gaya naman ng mababasa sa ibaba ang mga kautusan ng pag-ibig sa kapuwa.

Na sinasabi,

MGA KAUTUSAN NG PAGIBIG SA KAPUWA

6. Huwag kang papatay.


7. Huwag kang mangangalunya.

8. Huwag kang magnanakaw

9. Huwag kang sasaksi laban sa iyong kapuwa.

10. Huwag mong imbutin ang asawa ng iyong kapuwa, ni huwag mong pagnanasaan ang bahay ng iyong kapuwa; ang kaniyang bukid, ni ang kaniyang aliping lalake, o babae, ni ang kaniyang baka, ni ang kaniyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapuwa.

Narito, at ang utos na iniutos ng panginoong Jesucristo ay sumunod sa mga kautusan ng Dios ang lahat ng tao sa kalupaan. Na ibigin ang Dios at ang kapuwa, sapagka’t iyon ay gawang mabuti sa paningin ng Ama nating nasa langit. Ang kautusan ay mabuting sundin, sapagka’t iyan ayon sa kaniya ay tagapaghatid ng kanino mang kaluluwa sa buhay na walang hanggan. Paniwalaan nga natin siya.


Mahigpit ngang wika ng Ama nating nasa langit, “Siya ang inyong pakinggan.” (Mat 17:5). Mula rin naman sa sariling bibig ng Panginoong Jesucristo ay madiin niyang sinabi sa mga alagad, na sundin nila ang lahat ng mga sagradong gampanin na kaniyang iniutos sa kanila (Mat 28:20). Dahil diyan ay matuwid sa sinomang nagsasabing siya'y manggagawa ng Cristo, na kaniyang sundin ang utos na iniutos ng Cristo, at ang ilan sa mga iyon ay ang sundin ang sampung (10) utos ng Ama ng buong puso at ng buong kaluluwa.

Pagmamatigasin pa baga natin ang ating damdamin at isipan sa nagtutumibay na katotohanang iyan? Ang kaugalian (tradisyon) ay kaugalian, at kung ito'y masumpungang may paghihimagsik sa kalooban ng Ama nating nasa langit ay mangyari sanang ito'y ituwid na kapagdaka.

Kung sinasabi nga natin na tayo ay kay Cristo, ay bakit nga patuloy pa nating ginaganap ang mga bagay na hindi sinasang-ayunan ng mga salita (katuruang Cristo) na mismo ay ipinangaral ng sarili niyang bibig.

Ano pa't ang pagtalima sa mga utos na iniatas ng kaniyang bibig ay madiin niyang ipinahayag na isang pagpapakita ng pag-ibig sa Cristo. Kung magakagayo'y iibigin din naman siya ng Ama nating nasa langit. Ang sinoman nga sa gayong kabanal na kalagayan ay iibigin din naman ng panginoong Jesus, at ang kapahayagan sa kabuoan ng katuruang Cristo ay kaniyang matatamo.


Gaya nga niyan ay masiglang sinalita ng sarili niyang bibig. Na sinasabi, 



JUAN 14 :
21  ANG MAYROON NG AKING MGA UTOS, AT TINUTUPAD ANG MGA YAON, AY SIYANG UMIIBIG SA AKIN: at ANG UMIIBIG SA AKIN AY IIBIGIN NG AKING AMA, at siya'y iibign ko,  at ako'y magpapakahayag sa kaniya.

JUAN 7:
16 Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, ANG TURO KO AY HINDI AKIN, KUNDI DOON SA NAGSUGO SA AKIN (Juan 15:15)

Isang katuwiran sa sinoman na tindigang matibay na ang utos na siyang turo nitong bibig ng Cristo ay hindi kaniya, kundi katotohanang mula sa Espiritu ng Dios na sa kapanahunang iyon ay masiglang namamahay at makapangyarihang naghahari sa kaniyang kabuoan. Siya ang maliwanag na tinutukoy ng Cristo sa Juan 7:16, na inyo ng nabasa sa itaas.

Sa ating di-pagkilala at di-pagalima sa katuruang Cristo ay natuturingan tayo ng kataastaasan na mga suwail sa kalooban ng kaisaisang Dios ng langit. Gayon ma'y nagsisipagsabi tayo na tayo ay kay Cristo at sa Ama. Hindi baga lalabas naman na tayo ay mga hambog at sinungaling sa mga inaari nating mga salita na hindi naman natin ginagawa.  

Matapos ngang makapagtanong itong si Judas ay tinugon siya ng panginoong Jesus, ng ganito,

JUAN 14 : 
23  Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniyaKUNG ANG SINOMAN AY UMIIBIG SA AKIN, AY KANIYANG TUTUPARIN ANG AKING SALITA: at SIYA'Y IIBIGIN NG AKING AMA, at kami'y pasasa kaniya, at siya'y gagawin naming aming TAHANAN.

Malinaw nga niyang sinabi, na kung ang sinoman ay umiibig sa kaniya, ay pakikinggan at tutuparin ng taong iyon ang salita (katuruang Cristo) na kaniyang ipinangaral sa buong sangbahayan ni Israel. Siya aniya ay iibigin ng ating Ama at ang Espiritu ng Dios ay pasasa kaniya, at siya ay magiging isang kopa (saro) na sisidlan ng tunay na kabanalan.


Higit na maliwanag sa katanghaliang tapat, na ang sinomang tumupad sa isinasaad ng talata sa itaas ay magiging isang totoong sisidlang hirang ng Dios. Ang Espiritu ng kabanalan ay walang pagsalang sasakaniya at siya ay gagawing isang kasangkapan, o luklukan ng nabanggit na Espiritu. Ang sagradong kalagayan ngang iyan ng sinoman ang kaisaisang palatandaan, kung paaano makikilala ng ganap ang isang tunay na luklukan (medium) ng banal na Espiritu. Magsipag-ingat nga tayo sa sinoman na nagsasabing siya'y gayon, yun pala'y hindi siya kagaya ng una. 


Kung ninanais natin na matamo ang buhay na walang hanggan sa kaluwalhatian ng langit ay bakit nga patuloy nating pinaghihimagsikan ang mga kautusan ng langit. Gaya niyan ay ang sa kabila ng utos ng Ama na, "Panginoong Jesucristo ang ating pakinggan." Ano't patuloy pa rin nating sinusunod ang kasuklamsuklam sa paningin ng Dios na mga likhang doktrinang pangrelihiyon ng mga sinungaling at mga palalong Gentil.

Matuwid baga sa paningin ng kaisaisang Dios na tayo ay magkaroon ng ibang mga Dios bukod sa Kaniya? Matuwid baga sa paningin Niya na tayo ay gumawa ng mga larawang inanyuan na kawangis ng lalake at babae, upang sambahin at paglingkuran bilang mga dios? At kung mayroon pang nararapat na sundin ang lahat ay ang pangatlo (3) hanggang sa ika-sampung (10) kautusan ng langit.

Ang nagtutumibay na utos ng langit ay pakinggan natin ang mga salita ng panginoon nating si Jesucristo. Gayon ngang ang Espiritu ng Dios ay nagsalita sa pamamagitan ng kaniyang bibig, at ano ang ating ginawa. Niwalan natin ang lahat ng iyon ng anomang kabuluhan, bagkus ay isinabuhay natin ang evangelio ng di pagtutuli, na kilala din sa katawagang katuruang Gentil.

Ang mga kagalangalang na San Marcos, San Lucas, ni si San Pablo man, kung ang turo nila'y hindi aayon sa mga salita ng sariling bibig ng panginoong Jesucristo ay bakit nga natin sila pakikinggan at susundin. 

Ano nga ang ating gagawin sa gayong kahigipit na kalagayan? Hindi baga matuwid na imbis na sila ang ating paniwalaan at sundin ay manindigan tayong lahat sa kadalisayan at kabanalan ng mga salita (katuruang Cristo) na may katapangan at may kasiglahang ipinangaral ng sariling bibig ng panginoong Jesucristo?

Hindi nga lamang tungkol sa kautusan tayo ay makikinig sa dakilang guro na namahay at naghari sa kabuoan ng panginoong Jesucristo, kundi pati na rin sa usaping may ganap na kinalaman sa likas niyang kalagayan, sa bautismo, sa pananampalataya, at sa iba pa.

Sa pagtatapos ng akdang ito ay tahasang inilalahad ng katotohanang sumasa Dios, na ang sinoman, imbis na makinig at tumalima sa katuruang Cristo ay ibang evangelio (evangelio ng di pagtutuli) ang kaniyang tinatangkilik, itinatagyod at sinusunod - tunay ngang ang taong iyon ay nagpapakita ng hayagang paglabag at paghihimagsik sa partikular na kautusan ng kaisaisang Dios na nagsasabi: 


ITO ANG SINISINTA KONG ANAK, NA SIYA KONG KINALULUGDAN; 
"SIYA ANG INYONG PAKINGGAN."

Hari manawari ay umiral ang hustong unawa sa bawa't isa. Upang ang isang mahalagang bahagi ng katuruang Cristo na tinanglawan ng artikulo sa mga sandaling ito ay mangyaring isabuhay at tindigang matibay ng sinoman sa atin. Suma lahat nawa ang masaganang biyaya na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay.

ITO ANG KATURUANG CRISTO





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento