Sabado, Hulyo 5, 2014

AKO AT ANG AMA AY IISA

JUAN 10 :
24  Nilibot nga siya ng mga Judio, at sa kaniya'y sinabi, Hanggang kailan mo pa baga pagaalinlanganin kami? Kung ikaw ang Cristo, ay sabihin mong maliwanag sa amin.

Sa panahon ngang iyon ni Jesucristo ay hindi naging maliwanag sa mga Judio na nakapalibot sa kaniya, kung siya nga ba ang Cristo (Mesias), o hindi. Ito'y dahil sa kawalan nila ng pagnanampalataya sa mga salita (evangelio ng kaharian) na isinatinig ng sarili niyang bibig. Palibhasa'y hindi nila napapag-unawa na ang Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kabuoan ni Jesus ang siyang nagsasalita gamit lamang ang kaniyang bibig.

Bagaman sa panahon nating ito ay lubhang marami ang kumikilala kay Jesus bilang Cristo ay gayon namang halos lahat sa kanila ay hindi nauunawaan ang totoong kahulugan ng salitang iyan. Sa gayo'y matuwid sa sinoman na mabigyan ng kaukulang paglilinaw sa kaniyang isipan ang salita na tumutukoy sa gawaing may kinalaman sa Cristo. Ito'y upang mapag-unawa ang katotohanan hinggil sa likas na kalagayan ni Jesus, at malinawan ang maraming bagay na nalingid sa kaalaman ng marami noon pa mang una. 

Ano nga ba ang ilang nakukubling kaalaman hinggil sa kaniya, na hanggang sa ngayon ay hindi pa nababatid at nauunawaang lubos ng marami?  
Sa salitang Hebreo na tumutukoy sa “mashiyach (מָשִׁיחַ)” ay “pinahiran (anointed)” ang pinakamalapit at maituturing na pinakahustong kahulugan. Kung lilinawin ay isang rituwal pangkabanalan ng Dios na kumikilala sa sinoman, o sa anomang bagay bilang isang tunay na banal. Sa paglipas ng mga kapanahunan ay naisalin ang salitang iyan sa wikang Griego, na kapag binasa ay,  “Μεσσίας, (Messias)” at ang kahulugan naman ng titulong “Mashiyach (pinahiran)” sa wika nila ay, Χριστός (Khristós).”

Paalala:
(Ang letrang “s” sa hulihan ng Messia[s] at Kristo[s] ay pagsasalarawan sa maskulinidad [masculinity] ng salita, titulo, o pangalan sa tradisyong Griego.)

Ang salitang “messiah” ay titulong hinango ng mga Ingles sa wikang “Μεσσίας, (Messias)” ng mga Griego. Ang katawagang “Christ” ng mga Ingles ay mula din naman sa salitang Griego na, “Χριστός (Khristós).”  Gayon man ay “pinahiran, o pinahiran ng langis” lamang ang kahulugan ng mga salitang salin na nabanggit sa itaas. Ang mga salitang Mashiyach, Khristos, Cristo, Christ, Messias, Messiah, o Masyak sa nag-iisang kahulugan, kung gayon ay gawaing iniatang ng Dios sa balikat ng sinomang TAO na kinikilala Niya ng lubos sa larangan ng tunay na kabanalan.

Iyan ang ilang bagay na hindi naging bukang bibig ng mga nagpapakilalang mangangaral ng Dios, palibhasa'y itinuon lamang nila ang pagkilala kay Jesus bilang kaisaisang Cristo. Dahil diyan ay hindi na naungkat pa ang pagkilala sa hindi kakaunting Cristo (Mashiyach) na kinilalang lubos ng kaisaisang Dios sa larangang nabanggit.

Sa sumunod na talata (25) ay sinagot ni Jesus ang mga Judio, na sinasabi,

25  Sinagot sila ni Jesus, Sinabi ko sa inyo, at hindi kayo nagsisampalataya: ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama, ay siyang nangagpapatotoo sa akin.

Mula sa talatang iyan ay niliwanag ni Jesus na siya ay gumagawa ng mga bagay na umaayon sa kalooban ng kaniyang Ama, na siya rin namang Ama natin. Iyan ang katunayang siya ay tunay na isinugo ng kaisaisang Dios sa buong sangbahayan ni Israel, bilang Cristo sa gawaing likumin ang mga ligaw na tupa ng Dios. Iyan ay upang sila’y isauli sa kulungan nitong kawan ng Dios na noon pa mang una ay kanilang kinabibilangan.

26  Datapuwa't hindi kayo nagsisampalataya, sapagka't hindi kayo sa aking mga tupa.
27  Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa akin:

Nguni’t ang kalipunan ng mga Judio na nasa kaniyang paligid ay hindi nagsipaniwala at nagsisampalataya na siya nga ay isang lalaking sugo ng Dios. Ito’y dahil sa sila ay hindi nabibilang sa simbolismo ng tupa – na ang ibig sabihin ay mga tao na may galak sa puso at masiglang tumatalima sa mga kautusan ng Ama nating nasa langit. Gayon nga na ang mga tupa ay nakikinig sa salita ng Dios na isinatinig ng Cristo. Sila’y kilala niya at higit sa lahat ay nangagsisisunod sa mga katuruang pangkabanalan (evangelio ng kaharian) na ipinangaral ng kaniyang bibig. Ang mga Judiong iyon sa makatuwid ay hindi nabibilang sa simbolismo ng tupa, kundi sa simbolismo ng kambing, na kilala at tanyag sa katawagang mga, “anak ng pagsuway” sa kautusan (Torah) ng kaisaisang Dios ng langit at lupa.

28  At sila'y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay.

Hayag sa katuruang Cristo (evangelio ng kaharian) na ipinangangaral ng sariling bibig ni Jesus, na ang lahat ay nararapat tumalima sa mga kautusan ng Ama nating nasa langit. Iyan ang ibinibigay niyang aral pangkabanalan sa sinomang lumalapat sa simbolismo ng tupa. Ito’y dahil sa nalalaman niya, na ang pagtalima ng sinoman sa mga kautusan ng kaisaisang Dios ay naglulunsad sa kanino mang kaluluwa sa buhay na walang hanggan. Lingkod (Cristo) siya ng ating Ama na nagkakaloob ng buhay na walang hanggan sa mga tupa ng Dios, at iyan ay sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng masigla at may galak sa puso na pagtalima sa mga kautusan.

Dahil sa banal na kalakarang iyan ay hindi kailan man malilipol ng masama ang mga tupa ng Dios, sapagka't sila ay malugod na kinakalinga at makapangyarihang pinapatnubayan ng kaisaisang Dios na tumatayo bilang pastor ng sarili niyang kawan (Eze 34:31).

29  ANG AKING AMA, NA SA KANILA AY NAGBIGAY SA AKIN, AY LALONG DAKILA KAY SA LAHAT; at hindi sila maaagaw ninoman sa kamay ng Ama.

Ang kaisaisang Dios kung gayo'y higit na dakila kay sa lahat, na ang ibig sabihin ay wala ng iba pang maaaring maging dakila na hihigit pa sa kaniya, ni may isa man na magiging dakila na kapantay niya. Dahil diyan ay wala na ngang sinoman sa dimension ng materiya, ni sa dimensiyon man ng Espiritu na maaaring umagaw sa anomang bagay na hawak ng sarili niyang kamay. Ang mga tupa ng Dios sa makatuwid ay hindi kailan man maaagaw ng mga lobo na nangaglipana sa iba't ibang dako ng kalupaan. 

30  AKO AT ANG AMA AY IISA.

Kung ang kaisaisang Dios ay sinasang-ayunang lubos ang mga salita na iniluwal mismo ng sariling bibig ni Jesus, na Siya ay lalong dakila kay sa lahat ay hindi nga maaari na maging iisa sa kadakilaan ang Ama at si Jesucristo, o maging ang sino pa man sa kalawakan ng langit at lupa. Ni HINDI rin maari na magka-isa ang dalawa sa pagka-Dios, sapagka’t lalabas na may isa pa na kapantay sa kadakilaan ang Ama. Maling unawa ring maituturing, kung wiwikain na ang Ama ay si Jesus, at si Jesus ay ang Ama. Para ano pa na sinabi niya na ang ating Ama ay “lalong dakila kay sa lahat.”

31  Nagsidampot uli ng mga bato ang mga Judio upang siya'y batuhin.

32  Sinagot sila ni Jesus, Maraming MABUBUTING GAWA na mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo; alin sa mga gawang yaon ang ibinabato ninyo sa akin?

Narito, at napakaliwanag na ang pagiging isa ng Ama at ni Jesucristo ay sa paggawa ng mabuti. Sa gayo’y HINDI matuwid sa sinoman na wikaing ang dalawa ay iisa sa pagiging Dios. Ano pa’t kung ako, ikaw, at ang lahat ay makikiisa sa kalooban ng Dios ay maaaring magwika na, "Ako, o ikaw at ang Ama nating nasa langit ay iisa." Kung liliwanagin pa ay iisa ang Ama at ang sinoman na may kasipagan sa larangan ng tunay na kabanalan.

Kung ang gawaing ginagampanan ng sinoman sa kalupaan ay sinasang-ayunang lubos ng kabanalan ay totoo nga na siya at ang Dios ng kabanalan ay iisa, dahil sa kung ano ang ginagawang kabanalan ng Ama ay gayon din naman ang ginagawang kabanalan ng taong iyon.

33  Sinagot siya ng mga Judio, Hindi dahil sa mabuting gawa ay binabato ka namin, kundi sa pamumusong; at sapagka't ikaw, bagaman ikaw ay tao, ay nagpapakunwari kang Dios.

34  Sinagot sila ni Jesus, Hindi baga nasusulat sa inyong kautusan, Aking sinabi, KAYO'Y MGA DIOS?

35  Kung tinawag niyang mga dios, yaong mga dinatnan ng salita ng Dios (at hindi mangyayaring sirain ang kasulatan),

Ayan, at bibig na mismo ni Jesus ang nagsaad, na ang mga dinatnan ng salita ng Dios ay maituturing na mga dios, at siya kailan ma’y hindi mangyayaring sumira sa kasulatan (Tanakh). Diyan ay ganap na nagliwanag ang wika noong una, na ang kaisaisang Dios na nasa langit ay “Dios ng mga dios. (Adonai ng mga adon)” Palibhasa nga’y sa katuruang Cristo ay tinatawag na mga “dios (adon)” ang mga taong dinatnan at tumanggap ng mga salita ng Dios sa pamamagitan ng mga propetang mangangaral ng Ama nating nasa langit.

Referensiya ng Adonai at adon: 
http://www.hebrew4christians.com/Names_of_G-d/Adonai/adonai.html

36  Sinasabi baga ninyo tungkol sa kaniya, na pinabanal ng Ama at sinugo sa sanglibutan, Ikaw ay namumusong; sapagka't sinasabi ko, AKO ANG ANAK NG DIOS?


   SINO NGA BA ANG ANAK NG DIOS?

Narito, at maliwanag na binibigyang diin ng mga matandang kasulatan (Tanakh), na ang lahat ng tao ay kinikilala mismo ng kaisaisang Dios ng langit na mga anak. Gayon ma’y itinatakuwil bilang anak ang marami na nasusumpungan Niya na nangagpapakasama. Pinipili Niya sa lubhang malaking kalipunan ng mga tao ang sinomang gumaganap ng natatangi niyang kalooban, at ihinihiwalay upang kilalanin at ariing isang tunay Niyang Anak sa kalupaan. 
Gaya ng nasusulat,

Deu 32 :
5  Sila'y nagpakasama, sila'y hindi kaniyang mga anak, itong kanilang kapintasan; Mga tampalasan at likong lahi.
6  Ganyan ba ninyo ginaganti ang Panginoon, O mangmang na bayan at hindi pantas? Hindi ba siya ang iyong ama na tumangkilik sa iyo? Kaniyang nilalang ka, at itinatag ka.

1Ch 28 :
6  At kaniyang sinabi sa akin, Si Salomon na iyong anak ay siyang magtatayo ng aking bahay at ng aking mga looban; sapagka't aking pinili siya upang maging anak ko, at ako'y magiging kaniyang ama.

Gayon din naman sa natatanging kapanahunan nitong si Jesucristo ay isinatinig niya ang salita nitong Espiritu ng Dios hinggil sa usapin na tumutukoy sa anak at Ama, na noo’y makapangyarihang namamahay at naghahari sa kaniyang kabuoan, na sinasabi,

MAT 6 :
4  Upang ang iyong paglilimos ay malihim: at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.

MAT 6 :
6  Datapuwa't ikaw, pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at kung mailapat mo na ang iyong pinto, ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.

MAT 6 :
9  Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.

MAT 6 :
18  Upang huwag kang makita ng mga tao na ikaw ay nagaayuno, kundi ng Ama mo na nasa lihim: at ang Ama mo, na nakakikita sa lihim, ay gagantihin ka.

Malinaw pa nga sa katanghaliang tapat ang mga salita na ipinahayag nitong Espiritu ng Dios sa pamamagitan ng sariling bibig ni Jesus. Na ang kaisaisang Dios na nasa langit ay ang kaisaisang Ama at Dios ng lahat ng taong nabubuhay sa dimensiyong ito ng materiya. 

Dahil diyan ay madiin niyang winika,

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Diyan ay binasag ang anomang pag-aalinlangan sa totoong likas na kalagayan nitong si Jesus. Gaya ng napakaliwanag na nasusulat ay tulad din nating tao si Jesus, na may kaisaisang Dios at kaisaisang Ama na nasa langit. Ang naging kaibahan lamang niya sa mga karaniwan (ordinary) ay may Espiritu ng Dios, na sa kalooban at kabuoan niya na malugod na namamahay at makapangyarihang naghahari. Ito’y dahil sa kapanahunang iyon ay masigla niyang ginagampanan ang gawaing Cristo.

Hinggil diyan ay madiing winika,

JUAN 10 :
37  Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag ninyo akong sampalatayanan.

38  Datapuwa't kung ginagawa ko, ang mga yaon kahit hindi kayo magsisampalataya sa akin, ay magsisampalataya kayo sa mga gawa; upang maalaman ninyo at mapagunawa na ang Ama ay nasa akin, at ako'y nasa Ama.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ANG MGA BAGAY NA SA KANIYA’Y AKING NARINIG, ANG MGA ITO ANG SINASALITA KO SA SANGLIBUTAN. (Juan 15:15, Juan 17:8)

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Juan 15:15, Juan 17:8)

JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, ANG TURO KO AY HINDI AKIN, KUNDI DOON SA NAGSUGO SA AKIN. (Juan 15:15)

Napakaliwanag na binibigyang diin ng mga katunayang biblikal na nahahayag sa itaas, na ang kabuoan ni Jesus sa kapanahunang iyon ay may lugod na pinamamahayan at makapangyarihang pinaghaharian nitong Espiritu ng Dios. Ang Espiritung iyan ay masiglang sumanib sa kaniya matapos na siya ay bautismuhan nitong si Juan sa ilog Jordan. 

Gayon ngang may katotohanan na ang Espiritu ng Dios ay sumasa kaniya, at siya naman ay napakaliwanag na sumasa Dios. Kaya nga pakaunawaing mabuti ang hindi kakaunting pahayag ng sariling bibig ni Jesus. Sapagka’t ang mga salitang iyon ay hindi sa kaniya, kundi sa Espiritu ng Dios na sumasa kaniya. 

Walang anomang pangsariling katuruang pangkabanalan si Jesus, kundi ang lahat ay turo ng nabanggit na Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kaniyang kabuoan. Dahil diyan ay isang lubhang malaking pagkakamali sa panig ng sinoman - kung ang mga aral pangkabanalan na sinalita ng bibig ni Jesus ay ituturing na mula lamang sa sarili niyang pagmamatuwid.

Sa kabilang dako, ikaw, ako, at ang lahat ng tao na nabubuhay sa kalupaang ito ay tinatawag na “anak ng tao.” Maging si Jesus sa tanyag na Bagong Tipan ng Bibliya ay 78 ulit na tinawag ang kaniyang sarili na “anak ng tao.” Gayon man, pagdating sa hurisdiksiyon ng kaisaisang Dios sa mga bagay na kaniyang ginawa ay nagtutumibay, na ang lahat ng tao sa kalupaang ito ay lumalapat sa banal na kalagayan ng anak, at Siya (YHVH) naman ay tumatayong Ama sa Espiritu ng lahat ng tao (kaluluwa na sumasa katawan) sa nasasakupan ng dimensiyong ito ng materiya.

Ang lahat sa madaling salita ay anak ng Dios, gayon man ay mayroong tinatawag na “anak ng pagsunod,” na nabibilang sa mga dinatnan ng mga salita ng Dios at nagsitalima sa mga iyon. Dahil diyan ay tinukoy ng Cristo na sila ay mga dios. Sa gayong kabanal na kalagayan, sila na mga dios ay kinikilala at sinasampalatayanan ang Amang nasa langit (YHVH) bilang Dios, na siyang Dios ng mga dios sa kalupaan.

Sinoman sa atin ay maaaring magsabi na, “Ako at ang Ama ay iisa,” kung ang sinoman ay mataimtim na ginagawa ang gawa ng Ama niyang nasa langit. Gaya nga ng maliwanag na nasusulat,

JUAN 5 :
19  Sumagot nga si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, HINDI MAKAGAGAWA ANG ANAK NG ANOMAN SA KANIYANG SARILI KUNDI ANG MAKITA NIYANG GAWIN NG AMA; sapagka’t ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa (Gen 26:5), ay ang mga ito rin naman ang GINAGAWA NG ANAK sa GAYON DING PARAAN.

Ang sinoman nga na kaisa ng Dios ay ginagawa ang gawa ng Dios sa gayon ding paraan. Kung paano nga lumalapat sa kabanalan ang Ama ay gayon din naman lumalapat sa kabanalan ang anak. Dahil diyan ay sinasabi na siya at ang Ama ay iisa. Iyan lamang ang tanging dahilan na maaaring ipangatuwiran nitong si Jesus, kung bakit nawika niya na, “Ako at ang Ama ay iisa.” Ang Anak sa makatuwid ay hindi gumagawa ng anomang bagay alinsunod sa sarili niyang pagmamatuwid, kundi ang ginagawa niya ay yaon lamang mga bagay na nakikita niyang ginagawa ng sarili niyang Ama sa gayon ding paraan. 

Batay sa mga katiwatiwalang katunayang biblikal na aming inilahad sa itaas - sinoman na magsabing si Jesus ay Dios sa kalagayang gaya ng Amang nasa langit ay maliwanag na inililigaw ang sarili niyang kaluluwa. Kakaladkarin ng hidwa at pilipit na paniniwalang iyan ang sinoman sa tiyak na kapahamakan at kamatayan ng kaisaisa niyang kaluluwa. Dahil sa ang napakaliwanag na padron ng katotohanan hinggil sa usaping iyan ay, "kaisa ng Ama" ang sinoman na masigla at may galak sa puso na tumatalima sa natatangi niyang kalooban (kautusan). Sa banal na kalagayan mo ngang iyan ay hinding hindi maitatanggi ang katotohanan na, "IKAW AT ANG AMA AY IISA." Sa makatuwid baga'y sa LARANGAN NG TUNAY NA KABANALAN. Bilang panuldok, ang Ama (kaisaisang Dios) at ang Anak (sangkatauhan) ay nagiging isa, pagdating sa larangan ng mga banal na gawain. 

Saan man at kailan man ay hindi sinasang-ayunan ng katotohanan na maging kaisa ng Ama ang sinoman sa kalagayan ng pagka-DiosSapagka't hinggil sa usaping iyan ay madiin niyang sinabi, gaya ng nasusulat,


OSEA 12 :
4 Gayon ma’y AKO ANG PANGINOON (YHVH) MONG DIOS, mula sa lupain ng Egipto; at WALA KANG MAKIKILALANG DIOS KUNDI AKO, at LIBAN SA AKIN AY WALANG TAGAPAGLIGTAS

ISA 43 :
11  Ako, sa makatuwid baga’y ako, ang Panginoon; (YHVH) at LIBAN SA AKIN AY WALANG TAGAPAGLIGTAS.

ISA 44 :
Ganito ang sabi ng Panginoon, (YHVH) ng Hari ng Israel, at ng kaniyang MANUNUBOS, na Panginoon ng mga Hukbo, AKO ANG UNA, AT AKO ANG HULI; at LIBAN SA AKIN AY WALANG DIOS.

ISA 45 :
21 .... WALANG DIOS LIBAN SA AKIN, isang GANAP NA DIOS at TAGAPAGLIGTAS; WALANG IBA LIBAN SA AKIN.



22  Kayo’y magsitingin sa akin at kayo’y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka’t AKO’Y DIOS, at WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

Ayan, at si YHVH (YEHOVAH) na mismo sa kaniyang sarili ang nagbigay diin at ganap na nagpatotoo, na bukod sa kaisahan ng kaniyang persona ay wala na ngang iba pang maaaring kilalaning tunay na Dios sa langit at sa silong man nito. Sinoman nga'y walang kikilalaning ibang Dios, kundi Siya lamang sa ngalang YEHOVAH, na kaisaisang Dios at Ama ng lahat ng kaluluwa. Ano pa't katotohanang katotohanan na walang anomang pangalan sa silong ng langit na sukat ikaligtas ng kaluluwa ninoman, kundi ang pangalang "YHVH (YEHOVAH)" lamang at wala ng iba. (Isa 43:11, Isa 45:21)

Gayon ma'y matuwid na wikaing sinoma'y maaaring maging kaisa ng Solo Dios na iyan sa larangan ng tunay na kabanalan. 

"Ang Anak nga at ang Ama ay iisa, kung ginagawa ng Anak (sangkatauhan) ang mga gawa ng kaniyang Ama." (Juan 5:19, Juan 10:30)

Suma atin nawa ang patuloy na daloy ng masaganang biyaya at pagpapala na mula sa kaluwalhatian ng Ama nating nasa langit.

Hanggang sa muli, paalam.


2 komento:

  1. TANONG LANG PO ANO ANG KAIBAHAN ANG AMA AY TINAWAG NA MANUNUBOS, GANOON DIN ANG ANAK TINAWAG DIN NA MANUNUBOS

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Si Jesus ay hindi kailan man naging manunubos sa kaniyang sarili, kundi ang Espiritu ng Dios na nasa kaniya ang siyang tumubos sa sala ng mga nangaligaw na tupa sa sangbahayan ni Israel. Kung tinawag si Jesus na manunubos ay opinyon lang ng kung sino ang nagsabi noon. Napakaliwanag ng mismong sinalita ng sariling bibig ni Jesus.

      JUAN 5 :
      30 HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin.

      31 Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTOHANAN.

      JUAN 8 :
      28 Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

      JUAN 14 :
      10 Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay GUMAGAWA ng kaniyang mga GAWA.

      Sana ay maging isang ilaw sa iyo ang mga salitang iyan ni Jesus. Siya ay hindi gumagawa, ni nagsasalita ng anoman sa kaniyang sarili. Kung gayon ay katotohanan na dapat mong tanggapin na ang GUMAWA NG PAGTUBOS sa sala ng mga ligaw na tupa sa sangbahayan ni Israel ay walang iba kundi ang nabanggit na Espiritu ng Dios, at hindi kailan man itong si Jesus. Sapagka't siya ay kinasangkapan lamang ng nabanggit na Espiritu sa gawain ng pagtubos ng sala. Ang Ama ang kaisaisang manunubos,at si Jesus sa panahon niyang iyon ang kasangkapan, o luklukan ng manunubos. Iyan ang kaibahan ng Ama at ng Anak.

      Burahin