Martes, Hunyo 3, 2014

SIMULA NG WAKAS

End of the World
Karaniwang usapan ng marami ang tungkol sa umano’y nalalapit na pagwawakas ng mundo, o ang pagkagunaw. Na ang ibig sabihin ay ang abot tanaw na araw ng paghuhukom sa lahat ng mga tao sa kalupaan. Ang usaping iyan ay kabilang sa ilang mahahalagang mensahe ng Cristo na ipinahayag sa aklat ng apostol na si Mateo. Diyan ay ibinigay ang mga tanda na maaaring pagbatayan ng marami, kung ang pagbabalik ng Anak ng tao ay nagaganap na, o hindi pa. Iyan ay sa pamamagitan ng mga sumusunod na kahayagan na sinalita mismo ng sariling bibig ni Jesus.

1. Ang pagbangon ng mga bulaang Cristo. - Mat 24:4-5

2. Mga digmaan ng mga bansa, nguni’t hindi pa ito ang wakas, yaon na
    ang simula ng kahirapan. - Mat 24:6-8

3. Ibibigay ng mga tampalasan ang mga tunay na apostol sa kapighatian,
    at sila’y papatayin, at yao’y magbubunga ng pagkatisod ng marami. - Mat 24:9-10

4. Magbabangon ang mga bulaang propeta at kanilang ililigaw ang
    marami. Sa gayo’y ipangangaral ang evangelio ng kaharian, at kung
    magkagayo’y darating ang wakas. - Mat 24:11-14

5. Ang kaganapan ng sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ni
     propeta Daniel. - Mat24:15-22

6. Ang paglaganap ng balita tungkol sa presensiya ng huwad na Cristo. - Mat 24:23-26

7. Lilitaw ang tanda ng Anak ng tao (alapaap).       - Mat 24:27-31


Kasunod nga ng mga tandang inihayag namin sa itaas ay sinabi,

Ang tanging kapanahunan na tinutukoy ng Mateo 24:1-31

MATEO 24 :
32  Sa puno ng igos nga ay pagaralan NINYO ang talinghaga: pagka nananariwa ang kaniyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman NINYO na malapit na ang tagaraw;

33  Gayon din naman KAYO, (mga apostol) pagka NANGAKITA NINYO ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin NINYO na SIYA'Y malapit na, nasa mga pintuan nga.
         
34  Katotohanang sinasabi ko sa INYO, Hindi lilipas ang lahing ito hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.

35  Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa’t  ang aking salita ay hindi lilipas.

Sa gayo’y napakaliwanag na ang lahat ng mga tanda na katatapos lamang na ilahad ay hindi mangyayari sa hinaharap na panahon, kundi yao’y nagkaroon ng kaganapan sa kapanahunan ng mga tunay na apostol. Na ang mga yaon sa hindi maitatangging katotohanan sa itaas, ay naganap halos dalawang libong (2,000) taon na ang nakakaraan.

Sa talata 33 ay sinasabi ni Jesus sa mga apostol, na kapag aniya KAYO, pagka nangakita NINYO ang lahat ng mga bagaya na ito, at talastasin NINYO na SIYA’Y malapit na, nasa mga pintuan nga.

Kapansinpansin sa talata ang mga salitang KAYO,” “NINYO,” atSIYA.” Ibig sabihin lamang niyan, ang pangyayaring magaganap ay sa panahon ng mga apostol, at hindi sa malayong panahon na gaya ng sa atin. Ang isang katotohanan na matuwid tindigan na matibay ng lahat ay ang salitang SIYA,” na ang ibig sabihin ay hindi si Jesus ang darating sa panahong iyon, kundi ibang sisidlang hirang ng Dios. Ito’y sapagka’t HINDI niya sinabi,

“at talastasin NINYO, na AKO’Y malapit na, nasa mga pintuan nga.”

Napakaliwanag na sinabi ng sariling bibig ni Jesus, “SIYA,” at hindi “AKO.” Iyan ay paghahayag na ang darating ay hindi siya, kundi iba, sa banal na kalagayang Cristo.
         
Ang pagparito nga ng nabanggit na Anak ng tao sa makatuwid ay gaya ng sumusunod,

Mateo 24 :
27  Sapagka’t gaya ng kidlat na kumikidlat sa SILANGANAN, at nakikita hanggang sa KALUNURAN; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.

Kung paano nga ang kidlat ay nakikita sa gayong kabilis na saglit ay gayon nga rin ayon sa talata masasaksihan ang pagparito ng Anak ng tao. Sa makatuwid ay tanging may matatalas na paningin lamang ang may kakayanang makita ang gayong kabilis na pangyayari. Kaya’t maliwanag na nakalagpas sa pansin ng marami ang gayong kaganapan sa kapanahunang tinutukoy, at yao’y hindi nalingid sa matatalas na paningin ng iilan.

Mahigpit ang ipinagbilin, na magsipagpuyat ang marami sa kadahilanang walang nakakaalam sa araw at oras ng tinutukoy na kaganapan. Palibhasa nga’y nangatutulog ang higit na nakakarami ay dumating ang panginoon na hindi nila nalalaman. Datapuwa’t ang ilan na nadatnan niyang nagsisipagpuyat ay nasaksihan nila kung papaano dumating ang panginoon na kanilang pinakahihintay.

Gaya nga rin ng mga matang hindi hinasa sa gayong kabilis na pangyayari ay walang napunang anoman, nguni’t sa kanila na ginawang dalubhasa ang sarili nilang mga mata sa gayong kabilis na kaganapan (Mat 24:27) ay nasaksihan ang ultimo kaliit-liitang kislap ng liwanag.

Ang winika hinggil sa pagpupuyat, sa makatuwid ay tumutukoy sa patuloy na pagtalima sa mga kautusan ng pagibig sa Dios at sa mga kautusan ng pagibig sa kapuwa. Na kung lilinawin ay ang sampung (10) utos ng Dios na nasusulat sa tapiyas ng mga bato. Sa gayo’y nahahandang harapin ng sinoman ang gayong kaganapan sa anomang oras at araw, kahi man yao’y manggaling pa sa alin mang direksiyon ng kaniyang paligid.

Nguni’t gaya ng sinabi,

Mateo 24 :
36  Nguni’t tungkol sa araw at oras na yaon ay walang makaka-alam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.

37  At kung paano ang mga araw ni Noe, gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.

38  Sapagka’t gaya ng mga araw bago nagkagunaw, sila’y nagsisikain at nagsisiinom, at nangagaasawa at pinapapag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong,

39  At hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang paggunaw, at sila’y tinangay na lahat; ay gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.

40  Kung magkagayo’y sasa bukid ang dalawang lalake; ang isa’y kukunin at ang isa’y iiwan.

41  Dalawang babaing nagsisigiling sa isang gilingan; ang isa’y kukunin, at ang isa’y iiwan.
===============================================
42  Mangagpuyat nga kayo: sapagka’t hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon.

43  Datapuwa’t ito’y talastasin ninyo, na kung nalalaman ng puno ng sangbahayan kung anong panahon darating ang magnanakaw, ay siya’y magpupuyat, at hindi niya pababayaang tibagin ang kaniyang bahay.
 
44  Kaya nga KAYO’Y magsihanda naman; sapagka’t paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.

Napakaliwanag ang sabi sa talata 44, na magsipaghanda ang mga apostol, sapagka’t PAROROON SA LOOB NG NILALAKARAN NILANG KAPANAHUNAN ANG ANAK NG TAO sa mga sandali na hindi nila inaasahan.

Sinoman nga alinsunod sa katuwiran ng mga talata sa itaas ay hindi makakaalam kung anong araw at oras ang pagdating ng nabanggit na kaganapan. Subali’t sa bukas at matalas na mga mata ay makikita ng sinoman ang pangyayaring yaon sa itinakdang araw at oras. Siya sa makatuwid ay may kamalayan sa lahat ng mga bagay na nagsisidating sa anomang saglit, sandali, oras at araw  ng panahon niyang nilalakaran.

Kung paano ngang sa kaarawan ni Noe ay hindi nalaman ng mga tao ang gagawing paggunaw ng Dios sa GINAWANG MUNDO ng mga tao ay gayon nga rin sa kapanahunan ng mga tunay na apostol na nasaksihan nila ang pagparito ng Anak ng tao.

Gaya nga ng mga tunay na apostol (anak ng pagsunod) ang tinutukoy na  aliping tapat at matalino sa mga sumusunod na talata, na sinasabi,

Mateo 24 :
45  Sino nga baga ang aliping tapat at matalino, na pinagkatiwalaan ng kaniyang panginoon sa kaniyang sangbahayan,  upang sila’y bigyan ng pagkain sa kapanahunan?

46  Mapalad yaong aliping kung dumating ang kaniyang panginoon, ay maratnan siyang gayon ang kaniyang ginagawa.

47  Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya’y ipagkakatiwala ang lahat niyang pagaari.

Ang aliping tapat at matalino nga’y nangyaring pagkatiwalaan ng kaniyang panginoon na pakainin ang kaniyang sangbahayan sa kapanahunan. Ano pa’t itinuring siyang mapalad, sapagka’t sa pagdating ng kaniyang panginoon ay nadatnan niya siyang nagpapakain ng kaniyang sangbahayan sa tamang oras.

Dahil doo’y lumawig ng lubos ang tiwala sa kaniya ng puno ng sangbahayan, at nangyaring ipinagkatiwala sa kaniya ang lahat nitong pag-aari. Na kung liliwanagin ay natatamo ng mga anak ng pagsunod (tupa) ang kaluwalhatian ng langit.

Datapuwa’t sa mga masamang alipin (anak ng pagsuway) ay hindi nga gayon ang kahihinatnan na gaya ng sa una. Sapagka’t tulad ng nasusulat ay niwawalang kabuluhan niya ang napipintong pagdating ng kaniyang panginoon, na sinasabi,

Mateo 24 :
48  Datapuwa’t kung ang masamang aliping yaon ay magsabi sa kaniyang puso. Magtatagal ang aking panginoon;

49  At magsimulang bugbugin ang kaniyang mga kapuwa alipin, at makipagkainan at makipaginuman sa mga lasing;

50  Darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya hinihintay, at oras na hindi niya nalalaman.

51  At siya’y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga mapagpaimbabaw: doon na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Gayon nga rin, na ang aliping lumalapat sa kalagayan ng pangalawa ay nabibilang sa kalipunan ng mga mapagpaimbabaw (anak ng pagsuway). Na sila’y hinuhusgahan ng Dios ayon sa kanikanilang karumaldumal, at kung magkagayon nga’y yaon na ang simula ng pagtangis at pagngangalit ng kanilang mga ngipin, na siyang tanging kaganapan sa sinomang kaluluwa na nalaglag sa masaklap na kaparusahan ng Dios.

Hinggil sa sinasabing wakas ay narito at inyo namang tunghayan ang katuwiran na hindi maaaring tanggihan, ni itatuwa man ng mga nakakaunawa.

Wala ngang alinlangan, na silang mga nabubuhay sa kasinungalingan, kadiliman ng isipan, galit at panibugho, kahinaan, katamaran, at kamangmangan ay mga patay sa katotohanan, patay sa ilaw, patay sa pagibig, patay sa lakas, patay sa paggawa, at patay sa karunungang may unawa.

Ano pa’t ang sinoman na makinig at magsabuhay nitong mga salita (evangelio ng kaharian/katuruang Cristo) na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ng Cristo ay yaon na nga ang huling araw at wakas ng kaniyang kasinungalingan, kadiliman ng isipan, galit at panibugho, kahinaan, katamaran, kamangmangan, at kamatayan.

Mula nga sa kamatayang yaon ay lilipat sa kabuhayan Juan 5:24-25 ang sinoman, at yaon na nga ang simula ng pagkilala at pagtalima niya sa katotohanan, ilaw, pagibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan.

Kaugnay ng katotohanang sa inyo’y katatapos naming ilahad ay sinabi,

Mateo 24 :
14  At ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa boong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magka-gayo’y darating ang wakas.

Nalalaman natin na sa lahat ng dako na pinaroroonan ng bawa’t propetang sugo ng Dios (Anak ng tao) ay talamak ang pag-iral ng kasinungalingan, dilim ng kaisipan, galit at panibugho, kahinaan, katamaran, kamangmangan, at kamatayan (Mat 24:2-32).

Pahiwatig na sa dakong yaon ay may mga kaluluwa na nagsusumikap maligtas at matubos ang mga sala, at ang kalagayan nilang yaon ay hindi lingid sa kaalaman ng kaisaisang Dios na nasa langit. Kaya’t sila’y pinadadalhan Niya ng Kaniyang lingkod (Anak ng tao), upang sila'y hanguin sa putikan na kanilang kinasasadlakan.

Gayon din naman silang magsisipakinig at magsasabuhay nitong mga salita (evangelio ng kaharian) na nangagsilabas mula sa bibig ng nabanggit na sugo ng Dios, ay magtatamo ng gayon ding biyaya mula sa kaisaisang Dios ng langit.

Sila sa makatuwid na nagsitanggap at nagsabuhay ng aral ng katotohanan, ilaw, pagibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay (evangelio ng kaharian) ay maliwanag na dumating na nga sa kanila ang wakas. Na kung liliwanagin ay wakas ng kanilang kasinungalingan, dilim ng kaisipan, galit at panibugho, kahinaan, katamaran, kamangmangan, at kamatayan.

Kaugnay nito’y sinabi,

Mateo 24 :
13  Datapuwa’t ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.
         
Gaya nitong liwanag ng katanghaliang tapat kung gayon, na ang sinomang magpunyaging isabuhay ang buong nilalaman nitong evangelio ng kaharian (katuruang Cristo) ay uuwi sa kawakasan ng kaniyang kasinungalingan, dilim ng kaisipan, galit at panibugho, kahinaan, katamaran, kamangmangan, kamatayan .

Kaugnay nito ay napakaliwanag na ang sinomang magtiis na gumanap ng may katotohanan sa kautusan (evangelio ng kaharian) hanggang sa kawakasan ng mga nabanggit na pitong (7) karumaldumal ay walang pagsalang maliligtas ang kaluluwa.

Sapagka’t sa pagbangon ng katotohanan, ilaw, pagibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay sa kalooban ng sinoma’y yaon ang tanging hudyat, na ang wakas ng nabanggit na pitong (7) karumaldumal sa kaniyang kabuoan ay nangyari na.

Dahil sa katotohanang ito’y maipasisiyang isang pagpapamalas ng malaking pagkakamali, kung sasabihin ng sinoman, na ang itinuturong wakas sa usaping ito ay tumutukoy sa katapusan ng mundo at pangkalahatang pagpuksa ng sangkatauhan.

Sa gayo’y katotohanan, na ang tao lamang ang nagkasala sa kaisaisang Dios na nasa langit, at ang mundo (earth) ay saksi lamang sa lahat ng mga karumaldumal na ginawa nila sa lahat ng mga panahon na nagsipagdaan. Ano’t sa himig ng mga pananalita ng mga hangal ay lilipulin pati na ang mabubuti at masasama.

Gayon ding magiging katawatawa ang sinoman, kung sasabihin niyang sa pagpuksa sa sangkatauhan ay kasabay na gugunawin ang ating mundo. Sa gayo’y sino sa palagay ng lahat ang papayag na magdusa sa sala na kailan ma'y hindi niya ginawa?

Kauganay nito’y nalalaman natin na mga tao lamang ang tanging may sala, samantalang ang ating mundo (earth) ay masiglang nakikiisa sa perpektong inog ng mga planeta ng sistemang solar na sa kanila ay ganap na sumasakop. Ano’t sa katabilan ng dila ng ilan ay napaniwala kayong pati ang mundo nating ito’y buburahin ng Dios ang eksistensiya, dahil lamang sa galit niya sa hindi kakaunting makasalanan sa kalupaan?

Kabaligtaran niyan ay may kaawaan ang Dios sa sinomang sa tangi niyang kalooban (kautusan ng pagibig) ay masigla at may galak sa puso na tumatalima. Gayon ngang kinaaawaan niya ng lubos silang walang anomang nagsisiganap ng Kaniyang mga utos (kautusan ng pagibig), sa mga palatuntunan, at silang kumikilala sa lahat niyang mga kahatulan. Sa makatuwid baga'y sila na tagatangkilik, tagapagtaguyod, tagapagtanggol, tagapangaral, at  tagasunod, ng mga dakilang aral pangkabanalan na masusumpungan lamang sa banal na Torah ng Dios.

Ngayon nga’y nagagalak kami at sa inyo’y hindi ipinagkaiit ng Dios na maunawaan ang simula (alpha) at ang wakas (omega) na binibigyang diin sa usaping ito. Gaya nga ng nasusulat ay sinalita ng kaisaisang Dios,

ISA 44 :
6  Ganito ang sabi ng Panginoon (YHVH), ng Hari ng Israel, at ng kaniyang Manunubos, na Panginoon ng mga hukbo, AKO ANG UNA, AT AKO ANG HULI; at liban sa akin ay walang Dios.

Rev 1 :
8  AKO ANG ALPHA AT ANG OMEGA, sabi ng Panginoong Dios (YHVH), ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang MAKAPANGYARIHAN SA LAHAT. (Juan 10:29)
(I am Alpha and Omega, the beginning and the ending, saith the Lord, which is, and which was, and which is to come, the Almighty.)

Ang una nga ay ang simula, at ang huli ay ang wakas, at Siya ang Ama nating nasa langit na katotohanang makapangyarihan sa lahat. Sa makatuwid ay Siya ang simula ng kabanalan at ang wakas ng kasamaan. At ipangangaral ang evangelio ng kaharian (katuruang Cristo) na siyang simula ng kabanalan sa boong sanglibutan; at kung magkagayo’y hudyat iyon na ang kasamaan ay nagwakas na sa kalupaan.

Dahil sa kaliwanagan ng mga salita ay nalalaman namin na naging karagdagan sa inyong kamalayan ang katuwiran ng Dios na binibigyang diin sa akdang ito. Patuloy nawa nating kamtin ang masaganang biyaya ng kaisaisa nating Panginoong (YHVH) Dios na tumutukoy ng ganap sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay.

Hanggang sa muli, paalam.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento