Biyernes, Nobyembre 15, 2013

LAYUNIN NG PAGKASUGO KAY JESUS

Mula sa tradisyong pangrelihiyon partikular ang lubhang malaking kalipunan ng ng mga Cristiano ni Pablo ay hayag na kaalaman ang umano’y dahilan ng pagkasugo kay Jesus sa kalupaan. Ito'y sa layuning tubusin ang buong sala ng sangkatauhan. Ang dakilang hangaring iyan ay tuwirang naglagay kay Jesus sa hindi mapapantayang katanyagan. Dahilan upang ang marami ay magtumibay sa kani-kanilang kalooban ang pagtanggap sa kaniya bilang Dios, na kaisaisang tagapagligtas ng sanglibutan at manunubos ng sala ninoman.

Hindi lamang iyan, dahil sa siya ay pinaniniwalaan din ng marami na may ganap na kakayanan at kapamahalaan sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Kaya nga ang lubhang malaking bilang ng mga tao sa mundo ay nailagak sa pangalan niya ang lubos nilang pagtitiwala. Dahil doon ay sinamba nila siya bilang isang Dios na totoo at sila’y nagsimulang maghandog ng mga panalangin – hindi lamang sa katubusan ng sala at kaligtasan ng kaluluwa, kundi na rin sa maraming pangangailangang pangmateriyal na minimithing makamit ng sinoman sa kalupaan.

Gayon man, higit sa lahat ay ang mga balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh) kabilang ang tinaguriang Bagong Tipan (NT) ng Bibliya ang siyang may higit na hurisdiksiyon sa pagpapahayag ng matuwid na sinasang-ayunan ng katotohanan kung ang tungkol diyan ang pag-uusapan. Sa madaling salita ay nasasalalay sa mga nabanggit na kasulatan ang pagpapahayag ng walang alinlangang katotohanan hinggil sa usaping iyan.

Dahil diyan ay papalaot tayo sa kalawakan ng kasaysayang nasusulat at masusi  nating sisiyasatin ang mga bagay na may higit na kinalaman sa isyung ito. Upang sa wakas ay bigyang linaw ang pag-aalinlangan ng marami sa awtentisidad ng lumalaganap na kaalamang pangkabanalan na tumutukoy dito.

Sa kalupaan ay mayroong mga tao na dumadako sa larangan ng totoong kabanalan. Sila ay masigla at masayang isinasabuhay ang mga kautusan, na siyang kalooban ng kaisaisang Dios na ninanais niyang sundin ng lahat. Anak ng pagsunod (son of obedience) ang angkop na tawag, o taguri sa sinomang lumalapat sa banal na kalagayang iyan. Ang simbolismo na iniangkop ng Dios sa sinoman na gaya ng katayuang nabanggit ay “Tupa,” na kung lilinawin ay ang sinoman na tagasunod, tagatangkilik, tagapagtaguyod, at tagapagtanggol, at tagapangaral, ng mga salita ng Dios (kautusan).

Hinggil nga sa simbolismo na tumutukoy sa mga tupa ng pastulan ay maliwanag na sinabi,


EZE 34 :
31 At kayong mga tupa ko, na mga TUPA SA AKING PASTULAN ay mga TAO, at ako’y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.

(And ye my flock, the flock of my pasture, are men, and I am your God, saith the Lord God.)

Narito, at sa talata ay lubhang maliwanag na sinasabi, na ang simbulo ng mga tao na lumalapat sa katawagang “anak ng pagsunod,” ay “tupa.” Sila ay maliwanag na inaari ng Ama bilang kaisaisang Dios nila.

Gayon din naman sa kalupaan na marami ang nasasadlak sa kasuklamsuklam na kapangahasan at katampalasanan. Ikinatutuwa nila ang pagpilipit sa mga salita ng Dios. Ang utos Niya’y hindi nila kinikilala at sinasadya nilang gawin ang kabaligtaran ng mga iyon. Hindi nila ginagawa ang kaisaisang paraan (kautusan) ng pagpapakabanal na ibinaba ng Dios sa lupa upang sundin at isabuhay ng lahat. Bagkus ay ang sarili nilang likhang daan ng kabanalan ang binibigyan nila ang higit na timbang. Dahil diyan ay nalalabag ang mga utos ng Dios at nagiging makasalanan ang marami sa paningin ng Ama nating nasa langit.

Kung gayo’y hindi sila maaaring sakupin ng unang kategoriya (anak ng pagsunod), kundi nga nangalaglag ang marami sa gayong kalagayan sa pangalawa, na noon at hanggang sa kasalukuyang panahon ay tanyag sa tawag na, “anak ng pagsuway (son of disobedience). Ang simbulo ng ganyang kasuklamsuklam na kalagayan ng sinoman ay “kambing,” at gaya nga ng nasusulat ay madiing winika ng kasulatan,

MATEO 25:
33  At ilalagay niya ang mga TUPA sa kaniyang KANAN, datapuwa’t sa KALIWA ang mga KAMBING.
(And he shall set the sheep on his right hand, but the goats on the left.)

34  Kung magkagayo’y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang KANAN (tupa), Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan.
(Then shall the King say unto them on his right hand, Come, ye blessed of my Father, inherit the kingdom prepared for you from the foundation of the world:)

MAT 25 :
41  Kung magkagayo'y sasabihin naman niya sa mga nasa KALIWA (kambing), Magsilayo kayo sa akin, kayong mga SINUMPA, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel:
(Then shall he say also unto them on the left hand, Depart from me, ye cursed, into everlasting fire, prepared for the devil and his angels:)

Mula sa katiwatiwalang katunayan na nabanggit sa itaas ay gaya sa sikat ng araw ang linaw ng pagkakalahad, na sinasabing ang tupa (anak ng pagsunod) ay mga pinagpala. Iyan ay sa kadahilanang sinunod nila ang natatanging kalooban ng kaisaisang Dios. Iyan ay sapat upang sila’y idako ng ating Ama sa gawi niyang kanan (kahariang ng langit). Kaugnay niyan ay nahahanda na pala ang dakong iyan sa mga tupa (anak ng pagsunod) bago pa itatag, o lalangin ng Dios ang sanglibutan (dimensiyon ng materiya). Sa gayo’y nauna na palang maitatag ang sisidlan kay sa bagay na isisilid.

Kaugnay niyan ay maliwanag din na ang dumadako sa kaliwa (kambing) ng kaisaisang Dios ay pawang mga isinumpa. Sila ay inilaan na mapasa apoy na walang hanggan, na sadyang inihanda ng Dios na sunugan ng Diablo at ng kaniyang mga anghel (anak ng pagsuway).

Ano pa’t ang kaibahan ng tupa sa mga kambing ay binigyang ganap na linaw nitong Espiritu ng Dios (Espiritu Santo), na isinatinig naman ng sariling bibig ni Jesus, na sinasabi,

EZE 34 :
31 At kayong mga tupa ko, na mga TUPA SA AKING PASTULAN ay mga TAO, at ako’y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.
(And ye my flock, the flock of my pasture, are men, and I am your God, saith the Lord God.)

JUAN 10 :
27 DINIDINIG ng aking mga tupa ang aking TINIG, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.
(My sheep hear my voice, and I know them, and they follow me:)

28  At sila’y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma’y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinomang sa aking kamay. (Juan 12:50)
(And I give unto them eternal life; and they shall never perish, neither shall any man pluck them out of my hand.)

Ang sinoman nga upang mapagkalooban ng buhay na walang hanggan ay walang ibang gagawin, kundi ang sumunod lamang sa mga kautusan ng Ama nating nasa langit, na sinasabi,

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.
(And I know that his commandment is life everlasting: whatsoever I speak therefore, even as the Father said unto me, so I speak.)

Ang mga tupa (anak ng pagsunod) sa gayo’y dumadako sa pastulan ng Dios (bayan ng Dios). Sapagka’t sila ay dumidinig ng Kaniyang tinig, at may kaluguran nilang sinusunod ang Kaniyang mga kautusan. Nakikilala Niya sila sa gayong kabanal na kalagayan. Ang naghihintay na mabuting ganting pala sa gayong kasagradong estado ng sinoman sa kalupaan ay ang walang hanggang buhay ng kaniyang kaluluwa. Diyan ganap na naiiba ang mga pinagpala (anak ng pagsunod) sa mga isinumpa (anak ng pagsuway.)

Ngayon ngang ang dalawang (2) kalagayang iyan ay nagliwanag na ng lubos sa ating kaisipan ay maaari na marahil nating matukoy ng tuwiran, kung saan, o kanino ba talaga lumalayon ang pagkasugo kay Jesus sa buong sangbahayan ni Israel.

Hinggil sa usaping iyan ay mayroong malinaw na sinalita ang bibig ni Jesus, na sinasabi,

MATEO 15 :
24  Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi, HINDI AKO SINUGO KUNDI SA MGA TUPANG NANGALIGAW SA BAHAY NI ISRAEL.
(But he answered and said, I am not sent but unto the lost sheep of the house of Israel.)

Maliwanag kung gayon, na itong si Jesus ay isinugo ng Dios sa mga tupa lamang na nangaligaw sa bahay ni Israel. Mga ligaw na tupa pala ang lubos na kinauukulan ng pagkasugo sa kaniya. Na siya ay naparoon sa mga dako na kinaligawan nila at sila’y nilikum ng Espiritu ng Dios na nasa kaniyang kalooban. Ito'y sa layuning ibalik sila sa kawan ng mga tupa na dati nilang kinabibilangan. Dahil diyan ay hindi na nakapagtataka pa, kung sa kalawakan ng buong Israel lamang nangaral at gumanap sa kalooban ng Dios itong si Jesus. Ito’y dahil sa dakong iyon lamang ng kalupaan nauukol ang kaniyang layunin bilang isang sisidlang hirang ng Dios (kopa ng kabanalan), o bilang isang sugo ng Dios.

Bilang isang sugo na kumakatawan sa katuwiran ng Dios ay inihanda nitong si Jesus ang kaniyang buong panahon sa ikatutupad ng dakilang adhikain ng kaniyang presensiya sa sangbahayan ni Israel. Kahi man ang sarili niyang buhay ay mapawi dahil sa mga tupa ay hindi niya pinanghinayangan. Bagkus ay may katapangan niyang sinabi ang mga sumusunod na pangungusap,

JUAN 10 :
15 Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga TUPA. (Mat 15:24, Juan 15:13-15)
(As the Father knoweth me, even so know I the Father: and I lay down my life for the sheep.)

JUAN 17 :
9  Idinadalangin ko sila: HINDI ANG SANGLIBUTAN ANG IDINADALANGIN KO, kundi yaong mga SA AKIN AY IBINIGAY MO; sapagka’t sila’y iyo; (Mat 15:24)
(I pray for them: I pray not for the world, but for them which thou hast given me; for they are thine.)

Diyan ay napakaliwanag na winika at binigyang diin ng mga salita na namutawi mula sa sariling bibig ni Jesus, na alang-alang sa mga tupa ay nahahanda niyang gugulin ang buo niyang panahon sa kalupaan at kahi man ang maging kahulugan nito ay ang pagkawala ng sarili niyang buhay. Ibinibigay nga niya ang kaniyang buhay sa ikatutupad ng dakilang layunin ng Dios, na iligtas ang Kaniyang mga tupa mula sa iba’t ibang dako na kung saan ay may kasiphayuan nilang kinasadlakan.

Napakaliwanag na sa kapanahunan niyang iyon ay hindi niya idinalangin ang buong sanglibutan, o ang lahat ng mga tao sa kalupaan, kundi ang mga tupa (anak ng pagsunod) lamang na siyang natatanging dahilan kung bakit siya'y isinugo nitong Espiritu ng Dios sa buong sangbahayan ni Israel.

Si Jesus na mismo ang nagpapatotoo sa layunin ng pagkasugo niya sa sangbahayan ni Israel. Siya ay hindi katotohanan na nagligtas sa sala ng sanglibutan. Hindi kailan man niya winika, ni ipinahiwatig man na ang mga Gentil ay kabilang sa natatanging layunin ng kaniyang eksistensiya. Sapagka’t tungkol diyan ay mahigpit na ipinagbawal ng mga salita na nangagsilabas mula sa kaniyang bibig sa labingdalawang (12) apostol, na huwag paroonan ang alin mang daan ng mga Gentil, at huwag aniyang sila'y magsipasok sa alin mang bayan ng mga taga Samaria.

Gaya nga ng nasusulat ay madiin niyang sinabi,

MAT 10 :
5  Ang labingdalawang ito'y sinugo ni Jesus, at sila'y pinagbilinan, na sinasabi, HUWAG KAYONG MAGSITUNGO SA ALIN MANG DAAN NG MGA GENTIL, AT HUWAG KAYONG MAGSIPASOK SA ALIN MANG BAYAN NG MGA TAGA SAMARIA:
(These twelve Jesus sent forth, and commanded them, saying, Go not into the way of the Gentiles, and into any city of the Samaritans enter ye not:)

6  Kundi bagkus MAGSIPAROON KAYO SA MGA TUPANG NANGAWAGLIT SA BAHAY NI ISRAEL.
(But go rather to the lost sheep of the house of Israel.)

7  At samantalang kayo'y nangaglalakad, ay magsipangaral kayo, na mangagsabi, Ang kaharian ng langit ay malapit na.
(And as ye go, preach, saying, The kingdom of heaven is at hand.)

8  Mangagpagaling kayo ng mga may sakit, mangagpabangon kayo ng mga patay, mangaglinis kayo ng mga ketong, mangagpalabas kayo ng mga demonio: tinanggap ninyong walang bayad, ay ibigay ninyong walang bayad.
(Heal the sick, cleanse the lepers, raise the dead, cast out devils: freely ye have received, freely give.)

Kung uunawaing mabuti ang mga sinalita ng bibig ni Jesus sa Mat 10:5-8 na nasusulat sa itaas ay madali lamang mapag-unawa, na ang mamamayan ng Samaria ay walang ipinagkaiba sa kasuklamsuklam na kaugalian ng mga Gentil. Ito’y maliwanag na makikita sa talata 5, na nagsasabing,

HUWAG KAYONG MAGSITUNGO SA ALIN MANG DAAN NG MGA GENTIL, AT HUWAG KAYONG MAGSIPASOK SA ALIN MANG BAYAN NG MGA TAGA SAMARIA:

Ang napalakaliwanag na ibig sabihin nito ay hindi kabilang ang mga Gentil at ang buong mamamayan ng Samaria sa kautusang iyon (Mat 10:7) sa mga apostol na nagmula sa bibig ni Jesus. Ito'y dahil sa sila'y hindi maituturing na mga anak ng pagsunod (tupa), kundi pawang mga anak ng pagsuway (kambing).

Samantala ngang sila’y nagsisipaglakad sa hindi daan ng mga Gentil, at hindi bayan ng mga taga Samaria ay magsisipangaral sila sa mga nangaligaw na tupa sa sangbahayan ni Israel, na nagsasabing sa kanila (ligaw na tupa) ay "nalalapit na ang kahariang ng langit." Kung gayo'y hindi mahirap maunawaan na ang kaharian ng langit ay ganap na nalalayo sa mga kambing (anak ng pagsuway).

Sila na mga ligaw na tupa sa panahong iyon ay malabis na pinahihirapan at binabagabag ng mga karamdaman, gaya ng ketong at iba pa. Pinamamahayan din ang ilan sa kanila ng masasamang espiritu, at kaawa-awang nangamamatay ang iba sa kanila. Sa gayo’y ibinilin sa labingdalawa (12) na ang pagkalinga sa kanila ay hindi karapatdapat sa kaupahan. Sapagka’t ang sinomang manggagawa ng Dios ay may kaukulang biyaya na sukat ikabuhay niya ng maluwalhati sa sanglibutang ito. Ang Espiritu ay tinanggap nila na walang bayad, kaya naman ang mga biyaya na mula sa langit ay ipamamahagi ng mga tunay na lingkod (manggagawa) ng kaisaisang Dios na wala rin namang bayad.

Ano pa’t nang si Jesus ay nakipagtipan sa labingdalawang (12) apostol sa gabi ng paskua (passover). Pinagsalusaluhan nila ang karne ng Cordero sa hapag kainan, na tanyag sa tawag na “huling hapunan.”

Mat 26 :
27  At dumampot siya ng isang saro, at nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan;
(And he took the cup, and gave thanks, and gave it to them, saying, Drink ye all of it;)

28  Sapagka't ito ang aking DUGO NG TIPAN, na nabubuhos dahil sa MARAMI, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
(For this is my blood of the new testament, which is shed for many for the remission of sins.)

Narito, at lubhang napakaliwanag, na ang katas ng ubas ay simbulo lamang ng dugo ni Jesucristo. Ang ganap na tinutukoy ni Jesus, na “MARAMI” sa, Mat 26:28 ay wala na ngang iba pa, kundi ang mga ligaw na tupa sa sangbahayan ni Israel. Ano pa’t kung pagbabatayan ang mga salita na mismo ay iniluwal ng sariling bibig ni Jesus sa, Mat 15:24, Juan 10:15, Juan 17:9, Mat 10:5-8 ay lalabas ang hindi maikakailang katotohanan, na saan man at kailan man ay hindi iniukol ng Dios si Jesus sa buong sangkatauhan, kundi sa buong sangbahayan lamang ni Israel.

Siya sa makatuwid ay kinasangkapan nitong Espiritu ng Dios na masiglang namahay at makapangyarihang naghari sa kaniyang kabuoan. Tungkol sa kaligtasan ng kaluluwa at katubusan ng sala ay hindi nga maaaring sabihing sariling gawa ni Jesus ang gayon. Sapagka’t hinggil sa usaping ito ay kaniyang sinabi na may pagdidiin,

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.
(Then said Jesus unto them, When ye have lifted up the Son of man, then shall ye know that I am he, and that I do nothing of myself; but as my Father hath taught me, I speak these things.)

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ang mga salitang aking sinasabi sa inyo’y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ANG AMA NA TUMATAHAN SA AKIN AY GUMAGAWA NG KANIYANG MGA GAWA. (Juan 10:30).
(Believest thou not that I am in the Father, and the Father in me? the words that I speak unto you I speak not of myself: but the Father that dwelleth in me, he doeth the works.)

JUAN 14 :
24 Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita: at ang SALITANG INYONG NARINIG AY HINDI AKIN, KUNDI SA AMANG NAGSUGO SA AKIN. (Juan15:15)
(He that loveth me not keepeth not my sayings: and the word which ye hear is not mine, but the Father's which sent me.)

Iyan ay katotohanan na hindi maaaring itanggi, ni pasinungalingan man ng kahit na sino sa atin. Na ang nagpapatawad (tumutubos) ng kasalanan at ang nagliligtas ng kaluluwa, sa madaling salita ay hindi kailan man naging si Jesus. Ang gumagawa niyan sa makatuwid ay ang Espiritu ng Dios na masigla at makapangyarihang namahay at naghari sa kabuoang pagkatao ni Jesus – matapos na siya ay bautismuhan ni Juan sa ilog ng Jordan.

Ang natatanging layunin ng pagkasugo kay Jesus, kung katotohanan ng Dios na nabanggit sa itaas ang pagbabatayan ay lumalapat lamang sa banal na kalagayan ng isang sisidlang hirang ng Dios, kopa ng kabanalan, buhay na templo ng Dios, propeta,  sugo ng Dios, at Cristo ng Dios. Kung higit pang lilinawin ay kasangkapan ng Dios sa ikagaganap ng mga dakila niyang layunin sa kalupaan, partikular ang pagtubos sa sala at pagliligtas ng kaluluwa ng mga karapatdapat.

Bago nga tayo magtapos sa usaping ito ay huwag nga nating paniwalaan ang personal na opinyon ng ilan na sumasalungat at may totoong paghihimagsik sa mga salita ng Dios na may katapangang ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus. Gaya ng usaping ito ay nalahad sa maliwanag ang katotohanan, na pilit ikinukubli ng mga magdaraya sa dako ng masalimuot na kalituhan at mga nilubidlubid na kasinungalingan.

Kung may magsasabi na si Jesus ang tagapagligtas ng sanglibutan ay huwag ninyong paniwalaan. Gayon din, kung may tagapagturo na magsasaad, na siya (Jesus) ang tumutubos sa sala ng sangkatauhan ay lalo na ngang huwag nyo siyang paniwalaan. Sapagka’t ang taong iyon ay isang sinungaling na totoo. Ang katotohanan kung gayon hinggil sa usaping may kinalaman dito ay ang mga salita mismo ng bibig ni Jesus, na siya naming ginawang patibayang aral sa artikulong ito. 

Maging si Pablo, o si Lucas, ni si Marcos man ang magsabi, kung ang ipinangangaral nila ay sumasalungat sa mga salita ng sariling bibig ni Jesus ay huwag ninyong paniwalaan. Ang katotohanan ay kunin natin mula sa mga salita ng Dios na mismo ay isinatinig ng sariling niyang bibig. Iyan ang katotohanan na magpapalaya sa ating lahat mula sa pinagtagnitagning kasinungaling aral ng mga paganong Romano.

Ang isang katotohanan pa, na matuwid tanggapin ng lahat ay ito. Nang unang isugo nitong Espiritu ng Dios na na kay Jesus ang labingdalawa (12) niyang apostol ay sa kalawakan lamang sila ng Israel pinaganap, gaya ng umiiral na tungkulin ni Jesus bilang propeta ng Dios sa panahong iyon. Datapuwa’t nang ang labingdalawa (12) ay suguin ng nabanggit na Espiritu sa ikalawang pagkakataon ay napakaliwanag na ang layunin na itinalaga sa bawa’t isa sa kanila ay gawing alagad ang lahat ng mga bansa sa kalupaan.

Gaya ng napakaliwanag na nasusulat,

MAT 28 :
19  Dahil dito magsiyaon nga kayo, at GAWIN NINYONG MGA ALAGAD ANG LAHAT NG MGA BANSA, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:
(Go ye therefore, and teach all nations, baptizing them in the name of the Father, and of the Son, and of the Holy Ghost:)

Ito’y katunayan na ang nauukol sa sangkatauhan ay ang labingdalawang (12) apostol lamang, at hindi kailan man naging si Jesus, o sino pa man. Sapagka't isang katotohanan na kung talagang siya ay ukol sa sanglibutan - hindi iuutos ng kaniyang bibig ang gayon sa kanila, bagkus ay siya na mismo ang gumawa nito.

Ano pa't ang ipangangaral nila sa sanglibutan, upang gawing alagad ang lahat ng mga bansa sa tanggapin nyo man o hindi ay gaya ng sumusunod na pangungusap.

MAT 24 :
14  At ipangangaral ang EVANGELIONG ito ng KAHARIAN sa buong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo'y darating ang wakas.
(And this gospel of the kingdom shall be preached in all the world for a witness unto all nations; and then shall the end come.)

Maliwanag nga rin, na saan man at kailan man, ang EVANGELIO NG DI PAGTUTULI (Pablo) ay hindi maaaring lumapat sa layuning gawing alagad ang lahat ng mga bansa. Ito'y sa kadahilanang mapangahas na sumasalungat at hayagang naghihimagsik ang partikular na likhang taong doktrinang pangrelihiyong iyan sa banal na EVANGELIO NG KAHARIAN (Jesus)

Ukol sa mga tupa (anak ng pagsunod) sa makatuwid ang EVANGELIO NG KAHARIAN. Sa gayo'y matibay na tinitindigan at isinasabuhay ng mga kambing (anak ng pagsuway) ang EVANGELIO NG DI PAGTUTULI.

Ano mang aral pangkabanalan na sasalungat, o maghihimagsik man sa mga salita (evangelio ng kaharian) na ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus ay maituturing na huwad, o palsipikadong aral. Pag-ingatan nga natin na huwag malaglag sa ganyang uri ng mapaminsalang bitag, sapagka't iyon ay walang awang kakaladkad sa kaluluwa ninoman sa tiyak na kapahamakan nito. Talikuran nga natin ang gayong mga kasuklamsuklam na aral ng kabulaanan.

Suma atin nawa ang patuloy at masaganang daloy ng mga biyaya mula sa kaisaisang Ama ng lahat ng kaluluwa.

Hanggang sa muli, paalam.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento