Biyernes, Nobyembre 15, 2013

LAYUNIN NG PAGKASUGO KAY JESUS

Mula sa tradisyong pangrelihiyon partikular ang lubhang malaking kalipunan ng ng mga Cristiano ni Pablo ay hayag na kaalaman ang umano’y dahilan ng pagkasugo kay Jesus sa kalupaan. Ito'y sa layuning tubusin ang buong sala ng sangkatauhan. Ang dakilang hangaring iyan ay tuwirang naglagay kay Jesus sa hindi mapapantayang katanyagan. Dahilan upang ang marami ay magtumibay sa kani-kanilang kalooban ang pagtanggap sa kaniya bilang Dios, na kaisaisang tagapagligtas ng sanglibutan at manunubos ng sala ninoman.

Hindi lamang iyan, dahil sa siya ay pinaniniwalaan din ng marami na may ganap na kakayanan at kapamahalaan sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Kaya nga ang lubhang malaking bilang ng mga tao sa mundo ay nailagak sa pangalan niya ang lubos nilang pagtitiwala. Dahil doon ay sinamba nila siya bilang isang Dios na totoo at sila’y nagsimulang maghandog ng mga panalangin – hindi lamang sa katubusan ng sala at kaligtasan ng kaluluwa, kundi na rin sa maraming pangangailangang pangmateriyal na minimithing makamit ng sinoman sa kalupaan.

Gayon man, higit sa lahat ay ang mga balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh) kabilang ang tinaguriang Bagong Tipan (NT) ng Bibliya ang siyang may higit na hurisdiksiyon sa pagpapahayag ng matuwid na sinasang-ayunan ng katotohanan kung ang tungkol diyan ang pag-uusapan. Sa madaling salita ay nasasalalay sa mga nabanggit na kasulatan ang pagpapahayag ng walang alinlangang katotohanan hinggil sa usaping iyan.

Dahil diyan ay papalaot tayo sa kalawakan ng kasaysayang nasusulat at masusi  nating sisiyasatin ang mga bagay na may higit na kinalaman sa isyung ito. Upang sa wakas ay bigyang linaw ang pag-aalinlangan ng marami sa awtentisidad ng lumalaganap na kaalamang pangkabanalan na tumutukoy dito.

Biyernes, Nobyembre 1, 2013

DAGDAG-BAWAS SA KAUTUSAN

Ang pagpalaot sa larangan ng tunay na kabanalan ay may mahigpit na pangangailangan ng matapat at masiglang pagtalima sa mga natatanging kalooban ng Ama nating nasa langit. Layon nito na ilagay sa kahustuhan ang kamalayang pangkabanalan ng sinoman sa kalupaan. Bagay na sa kanino man ay nagpapaging ganap sa banal na kalagayan at nagpapatibay sa pagkilala bilang isang totoong kopa ng kabanalan (Holy grail).

Sa usapin na may kinalaman sa mga bagay na ikinalulugod ng Dios ay napakahalaga ang pagsunod na walang labis at walang kulang sa Kaniyang mga kautusan. Sapagka’t nais Niya’y kung ano ang utos ay gayon din ang nararapat na gawing pagsunod ng kaniyang mga anak. Halimbawa’y nang iutos niyang ang kaniyang mga salita ay huwag dagdagan, ni bawasan man. Ibig sabihin nito'y nais ng ating Ama na manatili sa orihinal na kalagayan ang Kaniyang mga salita, at sa gayo'y napakaliwanag na paglabag sa kaniyang kalooban na magdagdag at magbawas ni kudlit man sa mga iyon.

Dahil diyan ay lalabas na isang napakalaking kasiraan sa sinoman, kung ang mga salita ng Ama niyang nasa langit ay lalakipan niya ng mga pangsariling pilipit na dagdag na pagmamatuwid, at babawasan niya upang ang kahustuhan ng katuwiran nito ay magkulang.

Gaya nga ng katuwirang nagtutumibay hinggil sa usaping ito ay mariing sinabi,

KAW 30 :
6  HUWAG KANG MAGDADAGDAG SA KANIYANG MGA SALITA, Baka kaniyang sawayin ka, at masunduan kang SINUNGALING.

DEUT 12 :
32  Kung anong bagay ang iniuutos ko sa iyo, ay siya mong ISASAGAWA: HUWAG MONG DADAGDAGAN, NI BABAWASAN.

JER 26 :
2  ... ang lahat na SALITA na inutos ko sa iyo upang SALITAIN SA KANILA; HUWAG KANG MAGBABAWAS NG KAHIT ISANG SALITA.

Gayon ngang napakahigpit ang tagubilin o kautusan hinggil sa salita ng kaisaisang Dios,  na ang mga iyon ay huwag na huwag dadagdagan, ni babawasan man. Sapagka’t may ganap na kahustuhan ang katuwiran ng Dios na nararapat mapag-unawa ng lahat. Ano pa’t kung ang salita Niya’y madadagdagan, o mabawasan man ay hindi na nga magiging husto, o sapat ang makakarating na kaalamang pangkabanalan sa mga kinauukulan. Hindi kakaunti sa ating mga kapatid ang nakakaladkad ng ganitong uri ng katampalasanan sa tiyak na kapahamakan ng kanilang kaluluwa.