Lunes, Setyembre 2, 2013

ANG MGA HUKOM

Noon pa mang una, sa kapanahunan pa lamang ng mga matatandang sibilisasyon ng mga tao ay hindi kailan man nawala sa bawa't panahon ang mga hukom. Layunin nito na pairalin ang patas na kahatulan, sa ikapagtatamo ng katarungan na sinasang-ayunan ng katotohanang maka-Dios. 

Sila sa madaling salita ang mga kinatawan ng katuwiran, na siyang emisaryo ng katarungan sa sangkatauhan. Diyan napapagkilala ang pagkakapantaypantay ng lahat sa paningin ng Ama nating nasa langit. Sapagka't ang lahat ay may pagkakataong makamit ang hustisya alinsunod sa batas ng Dios.
Mula sa balumbon ng mga banal na kasulatan ay may kautusan hinggil sa paghusga, o paghatol. Na iyon ay madiing sinalita ng Dios mula sa bibig ng mga tunay na banal (propeta). Ito'y sa layuning nabanggit na sa panimulang salita na nasa itaas. 

Gayon ma'y maliwanag na iyon ay hindi ganap na napag-unawa ng lubhang marami sa kalupaan. Dahil sa kahit na hindi hukom ay humahatol din na gaya ng mga hukom. Sukat upang ang marami ay maging hindi matutuwid na tao sa paningin ng sa atin ay nagkaloob ng buhay.

Tungkol sa usaping iyan, mula sa bibig ni Jesus ay sinalita ng Espiritu ng Dios na masiglang namamahay sa kaniyang kabuoan ang mga sumusunod.


MATEO 7 :
1  HUWAG KAYONG MAGSIHATOL, UPANG HUWAG KAYONG HATULAN,

2  Sapagka’t sa hatol  na inyong ihahatol, ay hahatulan kayo: at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.

Sa mga talatang iyan ay maliwanag na ipinahihiwatig nitong Espiritu ng Dios na na kay Jesus, na iilan lamang ang ginawa ng Dios sa kalupaan na mga hukom. Kaya’t sila lamang ang may kapamahalaan na humatol nang ayon sa katuwirang sinasangayunang lubos ng katotohanan.


Dahil diyan ay pinagbabawalan ang sinomang hindi hukom na huwag humatol, sa kadahilanang sila’y hindi makakaligtas sa hatol ng mga hukom. Ano pa’t sa panukat nilang ipinanukat ay yaon nga rin ang ipanunukat ng hukom na hahatol sa kanila.

Ang lahat nga’y hindi hukom, kaya’t sa iilan (hukom) lamang nasasalalay ang hatol na may kinalaman sa mga sumusunod, 

“Mata sa mata, at ngipin sa ngipin:” (Exo 21:24) 

Ano pa’t kailan ma’y hindi ipinatungkol ng kaisaisang Dios ang gawaing nabanggit sa lahat ng mga tao. Kaya’t isang nakapalaking pagkakamali, na ang gawain ng isang hukom ay sakupin ng sinomang hindi hukom. 

Kaugnay niyan ay sinabi, “Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan.”


Napakaliwanag kung gayon, na mula sa bibig ni Jesus ay lumabas ang mga sumusunod, 

“sa hatol  na inyong ihahatol, ay hahatulan kayo: at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo;” 

Na kung aanalisahing mabuti ay walang alinlangan niyang sinasang-ayunan ang katuwirang isinatinig ng propetang si Moises, na sinasabi, “Mata sa mata, at ngipin sa ngipin:”

Datapuwa’t labas sa banal na layunin (tungkulin) ng mga hukom ay ayon sa mga sumusunod ang katuwirang sinasabi tungkol sa kaniyang kapuwa,


MATEO 22 :
39  At ang PANGALAWANG KATULAD ay ito, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI. (Lev 19:18, Mat19:19)

Ang isang hukom, bilang tao ay sakop ng kautusan na tulad niyan. Gayon man, kung naluluklok sa hukuman ay tumatayong tagapagpatupad ng mga kahatulan ng kaisaisang Dios sa kalupaan. Dahil doo’y hindi nangagkakasala kung sila ma’y humahatol ng mga kahatulang sinasangayunan ng katotohanan (kautusan).

Sa usapin ngang ito’y ano ang saysay nitong mga kahatulan ng kaisaisang Dios na isinatinig niya mula sa bibig ng mga tunay na banal - kung wala siyang itatalagang mga hukom na hahatol alinsunod sa mga iyon.
Sa gayo’y nalalaman namin na ang tanglaw na ito’y nagbigay ng linaw sa ilang madidilim na bahagi sa iba’t ibang dako ng inyong kaisipan. Bagay na kapag isinabuhay ninoma’y nakatitiyak siyang matuwid na daan tungo sa larangan ng tunay na kabanalan ang tinatalunton niyang landas.

Hanggang sa muli, paalam.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento