Linggo, Hulyo 21, 2013

HUWAD NA PROPETA AT BULAANG MANGANGARAL

False Prophet
Mula sa lubhang malayong kapanahunan hanggang sa kasalukuyan nating henerasyon ay hindi pinagsawaan, ni nakaligtaan man ng Dios na magpadala ng Kaniyang mga lingkod na Propeta sa apat (4) na direksiyon ng ating mundo. Iyan ay sa kadahilanang patuloy din naman ang mga huwad na mangangaral sa pagtuturo ng mga doktrinang pangrelihiyon na malabis ang pagsalungat sa katuwiran ng kaisaisang Dios ng Tanakh.

Ang higit sa lahat na nararapat malaman at maunawaan ng sangkatauhan ay hindi kailan man lumipas, o nagwakas man ang salita ng Dios na nangagsilabas mula sa bibig ng mga tunay na propeta ng Tanakh. Gayon man, ang itinuturo ng mga bulaang mangangaral ay ang di-pagpapahalaga sa mga kautusan ng Ama nating nasa langit. Iyan anila’y hinalinhan na ng pananampalataya kay Jesucristo, na di umano ay siyang mandato ng panahong Cristiano (Christian Era). Datapuwa’t ang katotohanan hinggil sa usaping ito ay nananatili at patuloy na umiiral ang kautusan ng kaisaisang Dios sa pinakamalakas nitong bugso.

Gaya nga ng nasusulat ay madiing winika ng bibig nila haring David at propeta Isaias ang mga sumusunod,

AWIT 105 :
7  Siya ang Panginoon nating Dios; Ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa boong lupa.
8  Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man, Ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali’t saling lahi.
(7 He [is] the LORD our God: his judgments [are] in all the earth. 8 He hath remembered his covenant for ever, the word [which] he commanded to a thousand generations.)

AWIT 111:
7   Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay KATOTOHANAN  at KAHATULAN. Lahat niyang mga tuntunin (kautusan) ay tunay.
8 NANGATATATAG MAGPAKAILAN KAILAN MAN. Mga yari sa KATOTOHANAN  at KATUWIRAN.
(7 The works of his hands [are] verity and judgment; all his commandments [are] sure. 8 They stand fast for ever and ever, [and are] done in truth and uprightness.)

ISA 40 :
Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta: nguni’t ANG SALITA NG ATING DIOS AY MAMAMALAGI MAGPAKAILAN MAN.
(The grass withereth, the flower fadeth: but the word of our God shall stand for ever.)

Ang mga katibayang iyan na mababasa sa itaas ay isang napakaliwanag na tanawing naghahayag ng katotohanan, hinggil sa walang hanggang pag-iral ng mga salita ng kaisaisang Dios. Katunayan na ang Kaniyang mga kautusan, kahatulan, at palatuntunan ay hindi kailan man maaaring lumipas, ni magwakas man. Sapagka’t gaya Niya, ang Kaniyang mga salita ay nangatatatag magpakailan-kailan man.

Dahil diyan ay maipasisiyang patuloy na umiiral ang mga katunayang biblikal (Tanakh) na gagawin naming patibayang aral sa pagpalaot natin sa kalawakan ng usaping  ito. Ang mga iyon nga ay hindi na kailangan pang pag-alinlanganan, sapagka’t mga nagtutumibay na katotohanang nangagsilabas mula sa bibig ng mga totoong banal (Propeta) sa iba’t ibang malayong kapanahunan.

Ano nga ba ang biblikal na kahulugan ng titulong “PROPETA?”

Ang Propeta ay ang sinoman na nasumpungang masigla at masugid na tagatangkilik, tagapagtaguyod, at tagapagtanggol ng mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan ng Dios. Sapat ang kalagayang iyon ng sinoman upang ang Espiritu ng Dios ay mabighani na pamahayan at pagharian ang katawan niyang lupa.

Gamit ang kabuoang katawan ng isang Propeta ay malayang naisasagawa at naisasakatuparan ng nabanggit na Espiritu ang mga dakila niyang adhikain sa iba’t ibang direksiyon ng ating daigdig. Sa bawa’t yugto ng mga panahon ay laging may pinapalad na matamo sa kaniyang kabuoan ang banal na Espiritu.

Ang propeta sa makatuwid ay kasangkapan lamang ng Espiritu, at Siya ang nag-uutos kung ano ang kaniyang sasalitain at gagawin. Gayon din na Espiritu ang may ganap na kinalaman sa mga makapangyarihan at kagilagilalas na mga gawa ng isang propeta. Gaya ng pagbuhay sa patay, pagpapalayas ng mga demonio, pagpapagaling ng may sakit, pagsisiwalat ng mga kaganapang magsisidating, at marami pang iba.

Diyan pa nga lamang ay maaari ng matukoy kung ang isang nagpapakilala sa gayong kabanal na kalagayan ay isang huwad, o hindi. Gayon pa man ay huhustuhin namin ang ulat ng kaalamang biblikal hinggil dito, nang sa gayo’y maging lubos ang inyong pagka-unawa sa kabuoan ng talakaying ito.


ANG NAGPAPAKILALANG PROPETA

NUM 12 :
6  At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo ngayon ang aking mga salita: kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, AKONG PANGINOON AY PAKIKILALA SA KANIYA SA PANGITAIN, na KAKAUSAPIN KO SIYA SA PANAGINIP.
(And he said, Hear now my words: If there be a prophet among you, I the LORD will make myself known unto him in a vision, and will speak unto him in a dream.)

Napakaliwanag na ang tinutukoy na propeta sa talata (Num 12:6) ay hindi nakikilala ang Dios. Ang ibig sabihin nito ay wala siyang anomang pakikipag-ugnayan sa Espiritu ng Dios. Sapagka’t sinabi, na kung mayroon man silang propeta sa kanilang kalipunan ay magpapakilala sa kaniya ang Dios sa pangitain, at siya’y kakausapin mula sa kaniyang panaginip. Ang ibig sabihin lamang nito ay huwad na propeta ang tinutukoy sa talata.  Dahil sa siya lamang sa kaniyang sarili ang nagpahayag na siya ay isang propeta. Gayon ma'y hindi niya nakikilala ang Dios, at walang dumarating sa kaniyang salita ng Dios sa kaniyang panaginip, na siya niyang pangitain.

Samantala, sa kasunod na dalawang talata (Num 12:7-8) ay ipinakikilala naman ng Dios ang tunay niyang propeta, na sinasabi,

NUM 12 :
7  Ang aking lingkod na si Moises ay hindi gayon; siya'y tapat sa aking buong buhay:
8  Sa kaniya'y makikipag-usap ako ng bibig, sa bibig, ng maliwanag, at hindi sa malabong salitaan; at ang anyo ng Panginoon ay kaniyang makikita: bakit nga hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod, laban kay Moises?
(7 My servant Moses [is] not so, who [is] faithful in all mine house. 8 With him will I speak mouth to mouth, even apparently, and not in dark speeches; and the similitude of the LORD shall he behold: wherefore then were ye not afraid to speak against my servant Moses?)

Ito ngang si Moses ay hindi katulad ng mga propeta na isinalarawan sa itaas (Num 12:6). Sapagka’t siya ang totoong propeta na kinikilala at itinatanghal ng Dios pagdating sa larangan ng tunay na kabanalan. Sa kaniya nga’y maliwanag na nakikipag-usap ng bibig sa bibig, at nakikita niya ang anyo ng Panginoong Dios. Sa mga huwad kung gayo’y dumarating sa kanilang panaginip ang malalabong salita. Kaya naman hindi nakapagtataka, kung sila man ay magsipangaral ng malalabo at pilipit na katuruang pangkabanalan na kailan ma’y hindi sinang-ayunan ng katotohanan. Diyan nga makikilala ang huwad at tunay na propeta.


ANG TUNAY NA PROPETA AY IPINANGANGARAL ANG PAGSISISI  AT PAGTALIMA SA KAUTUSAN NG DIOS

Sa Lumang Tipan:
Eze 14 :
Kaya't sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Mangagbalik-loob kayo, at kayo'y magsitalikod sa inyong mga diosdiosan; at ihiwalay ninyo ang inyong mga mukha sa lahat ninyong kasuklamsuklam.
(Therefore say unto the house of Israel, Thus saith the Lord God; Repent, and turn yourselves from your idols; and turn away your faces from all your abominations.)


JER 26 :
4  At iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung hindi ninyo didinggin ako, na magsilakad sa aking kautusan, na aking inilagay sa harap ninyo,
5  Na makinig sa mga salita ng aking mga lingkod na mga propeta, na aking sinusugo sa inyo, na bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila, nguni't hindi ninyo pinakinggan;
6  Ay akin ngang gagawin ang bahay na ito na gaya ng Silo, at gagawin ko ang bayang ito na sumpa sa lahat ng mga bansa sa lupa.
(4 And thou shalt say unto them, Thus saith the LORD; If ye will not hearken to me, to walk in my law, which I have set before you, 5 To hearken to the words of my servants the prophets, whom I sent unto you, both rising up early, and sending them, but ye have not hearkened; 6 Then will I make this house like Shiloh, and will make this city a curse to all the nations of the earth.

ISA 8 :
20  Sa kautusan at sa patotoo! kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, iyon ay dahil sa walang liwanag sa kanila.
(To the law and to the testimony: if they speak not according to this word, it is because there is no light in them.)


Sa Bagong Tipan:
MATEO 3 :
At nang mga araw na yaon ay dumating si Juan Bautista, na nangangaral sa ilang ng Judea, na nagsasabi,
MANGAGSISI KAYO;  sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit.
(3 In those days came John the Baptist, preaching in the wilderness of Judaea,
And saying, Repent ye: for the kingdom of heaven is at hand.)

MATEO 4 :
17  Mula noon ay nagpasimulang mangaral si Jesus, at magsabi, MANGAGSISI KAYO; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit.
(From that time Jesus began to preach, and to say, Repent: for the kingdom of heaven is at hand.)

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.
(Think not that I am come to destroy the law, or the prophets: I am not come to destroy, but to fulfil.)

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.
(And I know that his commandment is life everlasting: whatsoever I speak therefore, even as the Father said unto me, so I speak.)

MATEO 22 :
36  Guro, alin baga ang DAKILANG UTOS sa KAUTUSAN?
37  At sinabi sa kaniya, IIBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS NG BOONG PUSO MO, AT NG BOONG KALULUWA MO, AT NG BOONG PAGIISIP MO. (Deut 6:5)
38  Ito ang DAKILA AT PANGUNANG UTOS.
39  At ang PANGALAWANG KATULAD ay ito, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI. (Lev 19:18, Mat19:19)
40  SA DALAWANG UTOS NA ITO’Y NAUUWI ANG BOONG KAUTUSAN, AT ANG MGA PROPETA.
(36 Master, which is the great commandment in the law? 37 Jesus said unto him, Thou shalt love the Lord thy God with all thy heart, and with all thy soul, and with all thy mind. 38 This is the first and great commandment.39 And the second is like unto it, Thou shalt love thy neighbour as thyself. 40 On these two commandments hang all the law and the prophets.)

Ang isang  tunay na propeta, o siya na totoong tagapangaral ng katuruang pangkabanalan ay nagtuturo ng mga aral na aakay sa sinoman sa pagsisisi ng kaniyang mga nangagawang kasalanan. Kabilang diyan ay ang pagpapakilala sa mga kautusan ng kaisaisang Dios, upang sa masigla at may galak sa puso na pagtupad sa mga iyon ay maging matibay na gabay, at matatag na tuntungan sa ikaliligtas ng kaluluwa ninoman sa kalupaan.

Sa gayong banal na kalakaran ay maituturing na isang huwad na propeta, o pekeng mangangaral ang sinoman, kung siya’y nagtuturo ng mga aral na nagpapawalang kabuluhan at naghihimagsik sa mga kautusan ng Ama nating nasa langit. Kung ang sinoman nga ay mataimtim na nananampalataya sa Cristo ay dapat nga niyang bigyang halaga at isabuhay ang mga salita ng sarili niyang bibig na inilahad namin sa itaas (Mat 3:1-2; 4:17; 5:17; 22:36-40; Juan 12:50).

Ang banal na kasulatan ay pinag-iingat ang lahat sa gayong uri ng mga nagpapakilalang Cristo, propeta at mangangaral ng salita. Na sinasabi,

MAT 7 :
15  MANGAGINGAT KAYO SA MGA BULAANG PROPETA, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa't sa loob ay mga lobong maninila.
(Beware of false prophets, which come to you in sheep's clothing, but inwardly they are ravening wolves.)

MAT 24 :
24  Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang.
(For there shall arise false Christs, and false prophets, and shall shew great signs and wonders; insomuch that, if it were possible, they shall deceive the very elect.)

Sa mga talatang iyan ay pinag-iingat mismo ni Jesus ang lahat sa mga huwad na Cristo at bulaang propeta, na ang ipinangangaral ay ang ayon sa kanikanilang pangitain at pangsariling pagmamatuwid, na pagpapawalang kabuluhan sa mga kautusan na natamo ni Moses sa taluktok ng bundok Sinai. Sapagka’t siya mismo ay hindi kailan man naging laban sa kautusan, bagkus ay kaniya sinabi,

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.
(17 Think not that I am come to destroy the law, or the prophets: I am not come to destroy, but to fulfil.
18 For verily I say unto you, Till heaven and earth pass, one jot or one tittle shall in no wise pass from the law, till all be fulfilled.)

Kaya nga isang katotohanan na matuwid tindigang matibay, na ang nagsasabing ang kautusan ng Dios ay mahina, walang kapakinabangan, at walang pinasasakdal ay isang huwad na propeta at bulaang mangangaral, palibhasa'y mula lamang iyon sa kaniyang pangitain. Lumayo nga kayo sa kanila  at pag-ingatang sila’y magkaroon ng pagkakataon na makalapit sa inyo. Sapagka’t ang tanging layunin ng gayong uri ng mga tao ay ang walang awang pagkaladkad sa kaluluwa ng kanilang kapuwa sa tiyak na kapahamakan at masaklap na kamatayan nito.

Gawin nawa ng lahat ang ibayong pag-iingat sa mga taong iyan, na tayo ay huwag palinlang sa mabubulaklak at matatamis nilang pananalita, na pawang mga pinaglubidlubid at pinagtagnitagning kabulaanan ng kanilang pangitain. Iisa lamang ang ating kaluluwa at kapag iyan ay napahamak ay wala na ngang pag-asa pa ang sinoman na makabalik at makipag-isa sa sarili niyang Ama na nasa langit.


Gaya ng laging ipinaabot ng isang tunay na mangangaral ng Dios ay ang mga salitang, "ITO ANG SABI NG PANGINOON" Sapagka't gaya ng Cristo at ng mga tunay na banal ng Dios ay personal na nakakapanayam ang Espiritu ng Dios. Na Siyang nag-uutos sa kaniya ng mukhaan, kung ano ang kaniyang sasalitain sa mga tao.


Isang tanawing napakaliwanag, na ang tunay na sumasa Dios ay hindi Niya pinadadaan sa malalabong tanawin at mga salita, bagkus ay laging tuwirang salita na direktang mula sa kaniya na ipinangangaral ng mga tunay na banal ng walang labis at walang kulang. Sa gayo'y naipararating ng Dios sa mga higit na kina-uukulan ang kaniyang salita. Dahil doo'y wala isa man  sa kanila na dumaranas ng mapait na pagkatisod Hindi sa pamamagitan ng mga namatay na tao, banal man o hindi ng nangabubuhay pa. Hindi sa paraang pinadadaan sa alin mang Espiritu ng kaluwalhatian, kundi direktang mula sa kaisaisang Dios ng langit.


Gaya nga ng napakaliwanag na sinalita mismo ng Ama nating nasalangit,



NUM 12 :
6  At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo ngayon ang aking mga salita: kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, AKONG PANGINOON AY PAKIKILALA SA KANIYA SA PANGITAIN, na KAKAUSAPIN KO SIYA SA PANAGINIP.
(And he said, Hear now my words: If there be a prophet among you, I the LORD will make myself known unto him in a vision, and will speak unto him in a dream.) 


7  ANG AKING LINGKOD NA SI MOISES AY HINDI GAYON. SIYA'Y TAPAT SA AKING BUONG BUHAY: 
 Sa kaniya'y makikipag-usap ako ng bibig, sa bibig, ng maliwanag, at hindi sa malabong salitaan; at ang anyo ng Panginoon ay kaniyang makikita: bakit nga hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod, laban kay Moises?
(7 My servant Moses [is] not so, who [is] faithful in all mine house. 8With him will I speak mouth to mouth, even apparently, and not in dark speeches; and the similitude of the LORD shall he behold: wherefore then were ye not afraid to speak against my servant Moses?)

Kung ang sinoman ay nasa kalagayan ng malalabong pangitain ay isa nga siyang huwad na mangangaral, kahi man sinasabi niyang siya'y sa Dios. Sa lahat ng mga lingkod na pinagpakitaan ng sinasabing pangitain, hindi baga eksakto sa kanilang unawa ang kanilang nasaksihan, at hindi mula sa malalabong tanawin ng kanilang pangitain? 

Ano mang ABOT SABI na hindi mula mismo sa maliwanag na salita ng Espiritu ng Dios ay mga kaalaman na nagpapaging hangal at hibang sa sinoman, sapagka't ang kaniyang salita ay hindi galing sa Dios.

Saan man at kailan man, maging sa nilalaman ng mga balumbon ng Tanakh ay hindi pinahintulutan ng kaisaisang Dios ng langit na mag-abot sabi ang mga nangamatay na tao, banal man o hindi. Sa gayo'y hindi sumasa Dios ang anomang aral, na nagsasabing sila'y pinapatnubayan at pinoprotektahan ng mga espiritu ng mga namatay na apostol at iba pang banal ng Dios.

Ang isang tunay na banal ay tapat sa Dios, kaya gaya halimbawa ni Moses, siya'y kinakausap Niya ng bibig sa bibig ng maliwanag at ang anyo ng Dios ay kaniyang nasasaksihan, sapagka't siya 'y tunay na lingkod ng Dios Subali't sila na mga hindi tapat sa Dios ay nananaginip ng mga pangitaing malalabo sa kanilang paningin. Sapagka't sa kanila'y umiiral ang karunungan ng sanglibutan, na tila naging higit pang maalam kay sa kaisaisang Dios ng langit. Palibhasa'y pangsariling unawa at opinion at hindi unawang mula sa Kaniya ang lagi nilang pinaiiral. Katotohanan na sila ay hindi mga lingkod ng Dios. Mahirap pa bang maintindahan, na sa kanila ay abot langit ang Kaniyang pagkasuklam?

Ito ang Katuruang Cristo.

Tamuhin nawa ng bawa’t isa ang masaganang daloy ng biyaya mula sa kaluwalhatian ng langit. Hanggang sa muli, paalam.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento