Biyernes, Agosto 2, 2013

KATUWIRAN NG TANAKH



Mga paunang salita:
Matuwid na layunin naming ilahad lamang sa mga kinauukulan ang mga salita (evangelio ng kaharian) na ipinangaral ng sariling bibig ng mga totoong banal ng Dios. Mga katiwatiwalang katunayang biblikal lamang ang tangi naming pinagbatayan sa pagbabalangkas at pagbuo ng akdang ito. Hindi namin kailan man hinangad, o ninais man na atakihin, ni husgahan man ang alin mang doktrinang pangrelihiyon na tinitindigang matibay ng sinoman. Anomang komento mula sa amin na mababasa sa artikulong ito ay may lubhang matibay at kongkretong batayan. Dahil diyan ay maliwanag na ang aral pangkabanalan na ipinangaral ng Cristo (Mashiach) ang siyang humuhusga sa pilipit na pagka-unawa ng marami sa salitang “matuwid, at katotohanan.” Hindi namin kailan man hingangad na husgahan, ni ilagay man sa kahiyahiya at abang kalagayan ang aming kapuwa. Kundi sa pagnanais na maghayag lamang ng mga sagradong aralin na sinasang-ayunang lubos ng katuruang Cristo (Messianic teachings).

Ang panimulang salita sa isang artikulo ng Rayos ng Liwanag na pinamagatang "Hidwang Paniniwala (Heresy)" ay gaya ng mababasa sa sumusunod na talata.

Ang Tanakh ay katawagan na ginagamit ng Judaismo ukol sa batas kanonico (canon) ng Bibliyang Hebreo (Hebrew Bible). Kilala din ito sa taguring Masoretic Text, o Miqra. May tatlong (3) pinagkaugaliang dibisyon ang kasulatang nabanggit. Ang Torah (“Katuruan,” na kilala din sa tawag na Limang Aklat ni Moses), ang Nevi’im (“Mga Propeta”), at ang Ketuvim (“Katuruan”)Sa balumbon ng mga kasulatang iyan ay ipinakilala ang kaisaisang Dios at ang natatangi Niyang mga Kautusan, Palatuntunan, at Kahatulan. Diyan ay masigla at malugod na ipinahayag ng mga hari at ng mga propeta ang katuruang Cristo (Messianic Teachings).

Diyan ay natatala ang natatanging katuwiran ng kaisaisang Dios na siyang nag-iisang gabay ng sinoman, tungo sa uri ng pamumuhay na sinasang-ayunan ng larangang tumutukoy sa tunay na kabanalan. Ang pamantayang iyan ay sadyang itinalaga ng ating Ama, sa layuning pagkalooban ng nauukol na kaginhawahan at kapayapaan ang pagtahak ng Kaniyang mga anak sa matuwid na landas ng buhay sa kalupaan.

Hindi Niya kailan man ninais, ni inisip man na dumanas ang kaniyang mga anak ng anomang kahirapan at kapighatian sa itinataguyod nilang buhay dito sa lupa. Dahil diyan ay tiniyak niyang sa pamamagitan ng may galak sa puso at masiglang pagtalima sa Kaniyang mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan ay tatamuhin nila ang maluwalhating kalagayan, bilang mga Anak ng pagsunod (kawan ng Dios) sa munting bahaging ito ng sistemang solar.
Sa kasulatang nabanggit (Tanakh) ay inihayag ang isang natatanging padron (tularan) na kasusumpungan ng matuwid na pagkilala sa likas na kalagayan ng Dios. Siya nga ay isang Espiritu na tumayong arkitekto at manggagawa ng dimensiyong Espiritu (langit) at dimensiyong materiya (kalawakan) at sa lahat ng mga nangaroon. Malinaw na inilahad sa atin ng Dios ang lahat Niyang kaayunan, na mga tanawing tagapaghatid sa kaniya ng kaluguran. Gayon din ang mga kabawalan, na kasuklamsuklam at karumaldumal sa kaniyang paningin. Ano pa’t kapag iyan (kabawalan) ay kinahumalingang gawin ng mga tao ay siyang nagiging mitsa sa pagsiklab ng Kaniyang galit, upang ipataw ang kaukulang hatol (parusa) sa kanila na mga anak ng pagsuway.

Katotohanan nga na hindi kailan man maaaring itatuwa ng sinoman, na ang Espiritu ng Dios ay lumalakad sa kalupaan sa pamamagitan ng mga hinirang (elect) niyang sisidlan ng kabanalan (holy grails). Isa rin namang padron, na ang nabanggit na Espiritu ay ganap na namamahay at naghahari sa kalooban at kabuoan ng mga tao, na may kasipagan at kasiglahan sa mga kaabalahang may ganap na kinalaman sa larangan ng tunay na kabanalan.

Sa unang bahagi ng Bibliya (Tanakh) na sa ngayo’y hayag at laganap na ang sirkulasyon sa lahat ng mga bansa. Doo’y napakaliwanag na sinasabing ang tao ay kinakailangang makipag-isa sa kaloloban ng kaisaisang Dios. Ang ibig sabihin nito’y tungkulin ng sinoman sa daigdig, na maging masunurin sa mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan ng Ama nating nasa langit. Mula sa kalakarang iyan ay nabibighani ang Espiritu ng Dios na isinugo sa kalupaan, na pamahayan at pagharian ang kalooban at kabuoan ng sinomang masunurin sa kautusan.

Sa pagpapatuloy ay ginagawa ng nabanggit na Espiritu ang mga dakila niyang layunin sa iba’t ibang yugto ng mga kapanahunan sa pamamagitan ng mga sisidlang hirang ng kabanalan (buhay na templo ng Dios).

Ang katotohanan na kailangang-kailangang maunawaan ng lahat hinggil sa usaping ito ay hindi magkakaroon ng kaganapan ang adhikain ng Espiritung nabanggit, kung ang sinoman ay hindi isusuko ang kaniyang kabuoan sa Dios, gaya ng isang matapat at maibiging alipin sa kaisaisa niyang panginoon.  Siya ay nagsasalita at gumagawa alinsunod sa udyok at utos ng Espiritung banal na nasa kaniyang kalooban. Sa madaling salita, sa kalupaan ay nagsisilbing alipin nitong Espiritu ng Dios ang sinomang kaluluwa na sumasa katawan. Kung lilinawin pa ay ang nabanggit na Espiritu ang taga-utos, at ang kaluluwa natin ang mga masisiglang manggagawa na tagasunod ng anomang utos mula sa Kaniya

Siya ang kaisaisang Panginoon at tayo ang matatapat at maibigin niyang mga alipin. Iyan ang isa sa mahahalagang padron (tularan) ng katotohanan na masusumpungan sa balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh). Gayon ma'y pakatandaan natin, na ang anak ay anak, at kahi man ibaba niya sa kalagayan ng isang abang alipin ang kaniyang sarili ay hindi kailan man mababago ng katayuang iyan ang pagtingin ng sarili niyang Ama sa kaniya bilang isang anak. Ang sinoman ngang gumawa ng gayong kababaan sa harap ng Ama nating nasa langit ay kinikilala niya bilang isang tunay na anak ng pagsunod
Datapuwa’t sadyang ang mga anak ng pagsuway ay lagi na lamang may mga piling kadahilanan, upang hindi sundin at pawalang kabuluhan ang kalooban ng kaisaisang Dios na nasa langit. Matuwid nila’y alinsunod sa kanikanilang kapamaraanan ng pagpapakabanal ay lalapit sila at sasamba sa Dios. Dahil diyan ay nangagsigawa ang marami ng kanikaniyang daan. May lihis, may likoliko, may putol, may paakyat at pababa, at marami pang iba. Anila’y epektibong pag-asa ang mga likhang paraan nilang iyan sa kaligtasan ng kaluluwa at katubusan ng kanilang mga sala.

Sa mga minamatuwid at idinadahilan ng mga anak ng pagsuway ay maliwanag na makikitang ang lahat ng iyon ay kabaligtaran sa katuwiran ng Tanakh. Dahil ang sa kanila’y isang hayag na kahangalan at kasuklamsuklam na kaululan ang makinig at tumalima sa mga itinuturing nilang inutil na kautusan ng Dios (Heb 7:18-19, Roma 3:20, 4:15, 5:13). Hindi nila kailan man maaaring sang-ayunan ang pagpapa-alipin sa Dios. Bagkus ay kailangan nilang patunayan sa kanilang mga sarili na sila ay makapangyarihan. Ang kapangyarihang iyon sa pamamagitan ng mga orasyon ay pinaniniwalaan nilang higit na malakas sa mga espiritu, upang sila ay magsilbing alipin ng tao at sa lahat ng sandali ay mangagsisunod sa anoman  nilang naisin. 

Gaya ng dalawang unang tao sa kalupaan (Adan at Eba), na naging masunurin sa mga kautusan ng kaisaisang Dios na sa kanila ay umanyo at lumalang. Nang una, ang tangi nilang nalalaman ay ang katuwiran ng kanilang Ama, at dahil doo’y pinamalagi ang dalawa sa paraiso na sadyang ginawa ng Dios sa kanila na may kasiglahan at galak sa puso na pagtalima sa Kaniyang kalooban. Sila’y masaya at malayang namumuhay sa pamamagitan ng gayong kalakaran, na siyang naging simula at dapat na maging katapusan ng layunin ng sinoman sa kalupaan. Sa lupa kung gayon ay may mahigpit na tungkulin ang lahat – iyan ay ang pagiging masigla at malugod na tagatangkilik, tagapagtaguyod, tagasunod, at tagapagtangol ng kautusan.

Datapuwa’t nang masumpungan nila ang ahas sa isang dako nitong hardin ng Eden (garden of Eden) ay ipinikit nito ang kanilang mga mata sa mga katotohanan ng Dios, at ang paningin nila’y nilambungan ng mga kamanghamanghang ilusyong tanawin na lumason sa kanilang isipan, at ang dalawa ay sapilitang kinaladkad ng kaniyang kadayaan at kabulaanan palabas ng paraiso. Ganyan nga rin ang napakaliwanag na nangyari sa marami, mula pa sa lubhang malayong kapanahunan hanggang sa kasalukuyan nating henerasyon.

Ang Tanakh ng Dios ay sinadya ng ating Ama na ibaba sa atin at iyan ay sa pamamagitan ng Kaniyang mga banal, sa layuning gawing matibay na tuntungan ng mga tao tungo sa sagrado at payapang buhay sa kalupaan. Iyan ay higit sa sapat, upang mailuklok ng sinoman ang kaniyang kabuoan sa maluwalhating kalagayan, na kung saan ay dakong ikinalulugod at kinagigiliwan ng Dios.

Tulad ng mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan na pumapaloob sa kaluwalhatian ng paraiso – ang banal na Tanakh ay naglahad din naman ng gayon sa karamihan ng tao sa kalupaan. Datapuwa’t sa kasagsagan ng banal na kalakarang iyan ay nagsulputan na parang ligaw na kabuti ang mga di kilalang aklat na nagbabadya ng tiyak na kapahamakan sa kanino mang kaluluwa. Ito’y dahil sa ang mga nilalamang katuruan ng mga iyon ay napakaliwanag na pagpapawalang kapurihan sa mga sagradong katuruan ng Tanakh. Ang mga iyon ay naging maliwanag na dahilan, upang ang marami ay matutunang pawalang kabuluhan ang mga kaayunan ng katotohanan, at walang pakundangang paghimagsikan (labagin) ang mga kabawalan ng Dios.

Paano nga naging sa Dios ang mga aklat ng lihim na karunungan, gayong ang lahat ng iyan ay may ganap na paghihimagsik at pagpilipit sa mga kautusan ng banal na Tanakh. Kung ang mga iyan nga ay tunay na sinasang-ayunan ng ating Ama – disin sana’y hindi sila kinasumpungan ng mga gawa na may ganap na pakikibahagi sa larangan ng karumaldumal na okultismo.

Ang turo ng lihim na karunungan ay magdasal ng paulit-ulit, kapag ang alin mang anting-anting at iba pang gamit pang-okultismo ay binubuhay at pinalalakas. Kaayunan din sa larangang iyan ang pagluhod bilang pagsamba sa mga larawang inanyuan (idolatriya) ng kamay ng mga tao. Gayon din ang pagsamba at paglilingkod sa ibang mga dios, tulad ng mga retaso ng kaisipan na kung tawagin ay infinito dios, reyna ng langit (Semiramis at Maria), dios anak, mga anghel, mga santo ng relihiyong pagano, mga enkanto at sa iba pang espiritu na di umano ay maaaring alipinin ng sinomang makapangyarihang tao sa kalupaan. Dagdag pa ay ang kaayunan sa paggamit at pag-usal ng mga mapanganib na banyaga at lokal na orasyon, na sa buong sapantaha ng marami ay nagkakaloob ng hindi matatawarang kapangyarihan sa sinomang nagtataglay nito.

The Ten Commandments
Ang paggawa at pagtangkilik sa mga larawang inanyuan (Exo 20:4) ng mga diosdiosan (idolatriya), ang pagsamba sa ibang mga dios (Exo 20:3), at ang paggamit ng mga orasyon (Deut 18:10-13) ay ilan lamang sa hindi kakaunting paglabag ng mga tao sa kautusan ng Tanakh. Ang paulit-ulit na dasal kapag naro-rosaryo at paulit-ulit na pag-oorasyon ay maliwanag din naman na ipinagbawal ng mga salita na mismo ay nangasilabas mula sa sariling bibig ni Jesus (Mat 6:6-13).

Ang kaisaisang Dios ba na nasa langit ay Dios ng kalituhan? Kung hindi ay sino sa palagay ninyo ang entidad na nagkakaloob ng kalituhan at nagliligaw sa marami? O, hindi baga itong si Satanas ay bihasa at kinikilalang isang nangungunang awtoridad pagdating sa gayong kasuklamsuklam at karumaldumal na gawain?

Wika ng Tanakh ay kailangang ang lahat ay maging maamo sa Dios at isuko ng ganap ang kanilang kabuoang pagkatao sa kaisaisang Panginoon (Dios) at Ama ng lahat ng kaluluwa sa dimensiyong ito ng materiya. Ayon pa ay pinamamahayan at pinaghaharian nitong Espiritu ng Dios ang sinomang malugod at masiglang tumatalima sa kautusan. Siya ang gumagawa ng kaniyang mga gawa sa pamamagitan ng kaniyang mga banal. Sa madaling salita ay Espiritu ng Dios ang Panginoon natin at ang sangkatauhan ang matapat at maibiging alipin ng Dios.

Datapuwa’t sa mga lihim na karunungan ay katuwiran ang di-pagtangkilik at ang di-pagtalima sa mga nabanggit na kautusan ng Dios. Ano pa’t sa larangan ng okultismo ay panginoon ang tao, at ang espiritu ang lumabas na alipin. Bagay na nagpapakita ng malabis na kapalaluan at kapangahasan ng marami sa mga masasamang bagay na hindi nila lubos na nauunawaan. Sa gayo’y ginagawa nila ang tiyak na kapahamakan at kamatayan ng sarili nilang kaluluwa at maliwanag na nauuwi sa wala ang natatangi nilang layunin sa kalupaan.

Ang lihim na karunungan na nabanggit ay walang ipinagkaiba sa ahas ng paraiso, na tinatakpan ng mga kasinungaligan ang kaisipan ng sangkatauhan. Nilalambungan ng mga ilusyong tanawing kaakit-akit ang mata ng marami, upang maikubli ang mga dako na kung saa’y kakikitaan ng mga panoorin na sinasang-ayunang lubos ng katotohanan.

Ano pat sa kakulangan ng pagka-unawa sa mga payak na bagay ng Dios ay kinasusumpungan ng kahangalan at kaululan ang mga tao. Sa gayo’y hindi nakapagtataka na ang marami ay napaniwala ng masama (lihim na karunungan), na sa pamamagitan ng hindi nauunawaan at mapanganib na mga banyagang orasyon ay maaari nilang alipinin ang mga banal na Espiritu, upang utusan lumikha ng mga kagilagilalas at makapangyarihang mga gawa. Sila din naman ay napaniwala,  na kung maaari nilang alipinin ang mga banal na Espiritu ay lalo na nga rin nilang kayang-kayang alipinin ang masasamang espiritu.

Ang masasamang espiritu na pinangunguluhan ni Satanas ayon sa balumbon ng mga banal na kasulatan  (tanakh) ay hindi kailan man napaalipin maging sa kaisaisang Dios na nasa langit. Sa mga tao pa kaya na nag-uumapaw sa kahangalan magpaalipin ang diyablo? O baka naman nililinlang lamang sila nito, upang sa huli ay ariin niya ng lubos ang mga kasuklamsuklam nilang kaluluwa. Iyan sa makatuwid ay isang lubhang mapanganib na dako, na pilit pinapasok ng mga taong sagad ang pagkahumaling sa karumaldumal na larangan ng okultismo.

Sa pagtatapos ng artikulong ito ay iiwanan namin sa inyo ang ilang katanungan, na walang iba kundi kayo sa inyong sarili ang kailangang sumagot.

1.      Kung ang lihim na karunungan ay sinasang-ayunan ng Dios, bakit naman niwawalang kabuluhan at pinaghihimagsikan nito ang nagtutumibay na Tanakh ng Dios? Kailan pa natutunan ng Ama nating nasa langit na salungatin ang sarili niyang mga salita?

2.      Alin ba ang matuwid sa larangan ng pagpapakabanal, ang kaisaisang  paraan ng Dios (Tanakh), o ang sariling likhang paraan ng tao (lihim na karunungan).

3.      Alin ba ang katanggaptanggap bilang katotohanan, ang maging alipin ng banal na Espiritu ang tao (Tanakh), o maging alipin ng tao ang banal na Espiritu (lihim na karunungan)?

Sa nagtutumibay na katotohanan - ang Tanakh at lihim na karunungan ay dalawang magkatalikurang panoorin na kailan man ay hindi maaaring magkaharap, ni umayon man sa isa’t isa. Palibhasa’y inilalarawan ng una ang anyo ng katotohanan (mabuti), samantalang ang pangalawa ay ang anyo ng kasinungalingan (masama).

Ang mapait na pagkakamali sa nakaraan ay hindi na sana maging kadahilanan pa ng masaklap na pagkakamali sa kasalukuyan. Sapagka’t ang kaliwanagan ng tanglaw sa nakaraan ay sukat upang ang mali noon ay maitama sa kasalukuyan, at nang sa gayon ay magbunga sa mga tao ng ibayong pagpapala ng kaisaisang Dios na siyang Ama ng lahat nating kaluluwa.

Sa pagtatapos ay ano pa ang magiging kahalagahan at kabuluhan ng mga orasyon at anting-anting, o ng anomang galing, kung gayong maaari naman pala, na tayo’y gumawa ng ayon sa mga kautusan, upang mabighani ang Espiritu Santo na pamahayan at pagharian ang ating kabuoan. Kung magkagayon ay sino pa kaya sa iyong palagay ang maaaring dumaig sa Espiritu ng Dios na masiglang nananahan at makapangyarihang naghahari sa iyong kabuoan? 

Maipasisiya na ngang isang napakalaking kahangalan, na sa kabila ng kaginhawahang iyan ng sarili mong kaluluwa ay pipiliin mo pa ang pagpalaot at pakikibaka sa lubhang mapanganib at kasuklamsuklam na larangan ng okultismo.

Sa tao ay tila yata naging higit na madali ang paglabag sa kautusan, kay sa pagsunod. Ito’y dahil sa kailan man ay hindi ninais ng mga hangal na maturingang sila’y mga alipin. Kaya naman maging sa Dios ay hindi nila ninais na magpasakop sa Kaniyang mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan. Iyan ang dahilan kung bakit winika ng bibig ni Jesus sa marami, na ang kanilang ama ay ang diyablo. Palibhasa'y ang kalooban nito ang kanilang sinusunod. Ang anak sa makatuwid ay may ganap na kahandaang magpa-alipin sa sarili niyang Ama na nasa langit. Ang pagsunod niya sa kalooban ng kaniyang Ama ay may sigla at lugod sa kaniyang puso. Kaya naman sa iba't ibang kapanahunan ay laging may tinatawag at itinatanyag ang Dios na Kaniyang Anak.

Katotohanan na nararapat panghawakan at tindigang matibay ng lahat, na ikaw, ako, at tayong lahat, o ang sangkatauhan ay anak ng Dios. Dangan nga lamang ay mayroong mga anak ng pagsuway na kinayayamutan at kinamumuhian ng lubos ang pagsunod, o ang pagpapa-alipin sa Dios. Dahil diyan ay sumasa kanila ang naglalagablab na poot ng Dios.

Sa kabilang dako ay mapalad sila (anak ng pagsunod) na nagsisitalima sa kalooban (kautusan) ng Ama nating nasa langit. Sapagka't sa kabila ng matayog na kalagayan ng pagiging mga anak ay minabuti nilang makilala bilang mga alipin ng Dios. Mula sa kababababaang kalagayang iyan - sila ay ipinakikilala ng Ama bilang mga Anak na kinalulugdan Niya ng lubos. 



Paano nga kung gayon maituturing na alipin ng Dios ang sinoman, kung ang simple Niyang kautusan, partikular ang nasa Deut 18:10-13 ay niwawalan niya ng kabuluhan at pinaghihimagsikan? Anak ng pagsuway sa kamatuwid ang lumalapat na katawagan sa kaniya. Dahil diyan ay binansagan sila ng bibig ni Jesus bilang mga anak ng diyablo.

Iyan ng katuwiran ng Tanakh.

Patuloy nawang tamuhin ng bawa’t isa sa atin ang masaganang daloy ng katotohanan, maliwanag na tanglaw ng ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at sagad na buhay sa kalupaan tungo sa buhay na walang hanggan ng kaisaisa nating kaluluwa.

Hanggang sa muli, paalam. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento