Martes, Hunyo 18, 2013

PAANO NAUUWI SA IDOLATRIYA ANG PAGSAMBA SA DIOS


Mula sa salansan ng mga banal na kasulatan(Tanakh) ay mahigpit na ipinagbabawal ng kaisaisang Dios ang pagsamba sa larawan at rebulto ng mga diosdiosan na ginawa ng mga kamay. Gayon ma’y mistulang mga bulag at bingi ang marami sa kabawalang iyan ng Bibliya. Ito’y dahil sa tila hindi nila alintana ang tuwirang salita ng Dios (evangelio ng kaharian) na sumasaway sa gayong kasuklamsuklam na gawain ng mga tao. Bunga nito’y sumisiklab ang galit ng ating Ama sa marami na tanging kadahilanan, upang sa kanila na mga anak ng pagsuway ay ipataw ang kaukulang kaparusahan.

Kung ang isa sa mga kabawalan (kautusan) ay madiing tinutukoy ang pagsamba sa mga rebulto (imahe) ng mga diosdiosan - ang matuwid diyan ay ang masigla at malugod na pagsunod. Dangan nga lamang ay kinurap ng mga pilipit na doktrinang pangrelihiyon ang isipan at damdamin ng marami. Kaya naman kailan ma’y hindi naging malinaw sa kanila ang usaping iyan na may ganap na kinalaman sa karumaldumal na idolatriya.

Ano nga ba ang tunay na kahulugan nito? Paano nauuwi sa ganyang di makatotohanan at nakamumuhing kaugalian ang pagsamba ng mga tao sa kinikilala nilang Dios?

Ang IDOLATRIYA sa simula ay ang paggawa (pag-ukit) ng mga larawan (lalaki at babae) ng mga diosdiosan na inanyuan at ginayakan ng mga kamay. Iyan ay isa sa mahihigpit na kabawalan na mababasa ng lubhang malinaw sa mga banal na kasulatan(Torah). Ang utos nga ng ating Ama ay huwag gagawa ng gayong karimarimarim, na sinasabi,

ANG KABAWALAN SA PAGGAWA NG MGA LARAWANG INANYUAN

DEU 4 :
16  BAKA KAYO'Y MANGAGPAKASAMA, at kayo'y GUMAWA sa inyo ng isang larawang inanyuan na kawangis ng alin mang larawan, na kahawig ng lalake o babae, (Deu4:20)
(Lest ye corrupt [yourselves], and make you a graven image, the similitude of any figure, the likeness of male or female,)

EXO 20 :
4  HUWAG KANG GAGAWA para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:
(Thou shalt not make unto thee any graven image, or any likeness [of any thing] that [is] in heaven above, or that [is] in the earth beneath, or that [is] in the water under the earth:)

EXO 20 :
23  HUWAG KAYONG GAGAWA ng ibang mga dios na iaagapay sa akin; ng mga dios na pilak, o ng mga dios na ginto, huwag kayong gagawa para sa inyo.
(Ye shall not make with me gods of silver, neither shall ye make unto you gods of gold.)

Ang marami ba kung gayon ay iginalang at binigyan ng kaukulang pagtataguyod, pagtangkilik at pagtalima ang kautusang iyan ng ating Ama? Ang payak na tugon sa tanong ay “hindi.” Ito’y dahil sa hindi maikakaila ang presensiya ng mga rebulto (idolo) sa bawa’t altar, dingding, at mga haligi ng alin mang simbahan ng mga Romanong pagano sa buong kapuluan.

Sa paggawa pa lamang ng gayong kasuklamsuklam ay napakaliwanag na ngang lumabag ang marami sa mahigpit na kautusang iyan ng Lumikha. Ang paggawa sa makatuwid ay totoong bawal na, iyon pa kayang pagsamba sa larawang iyan ang hindi makabilang sa kalipunan ng mga mahihigpit Niyang kabawalan? Tandaan nga nating mabuti, na ang paggawa (Awit 114:4-8) pa lamang ng mga larawan ng lalake at babae bilang diosdiosan at santo - sa paningin ng Ama nating nasa langit ay maliwanag na ngang pagpapakasama (Deu 4:16)  sa panig ng mga tao.


ANG KABAWALAN SA PAGLALAGAK NG MGA LARAWAN SA ALTAR (DAMBANA)

2Chro 33 :
15  At kaniyang inalis ang mga dios ng iba, at ang diosdiosan sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na dambana na kaniyang itinayo sa bundok ng bahay ng Panginoon, at sa Jerusalem, at inihagis ang mga yaon mula sa bayan.
(And he took away the strange gods, and the idol out of the house of the LORD, and all the altars that he had built in the mount of the house of the LORD, and in Jerusalem, and cast [them] out of the city.)

2Chro 33 :
7  At siya'y naglagay ng larawan ng diosdiosan na inanyuan, na kaniyang ginawa, sa bahay ng Dios na pinagsabihan ng Dios kay David, at kay Salomon na kaniyang anak, Sa bahay na ito, at sa Jerusalem na aking pinili sa lahat ng mga lipi ni Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailan man:
(And he set a carved image, the idol which he had made, in the house of God, of which God had said to David and to Solomon his son, In this house, and in Jerusalem, which I have chosen before all the tribes of Israel, will I put my name for ever:)

Sa alin mang dambana (altar) alinsunod sa 2Chro 33:15 ay hindi nararapat, at isang kabawalan na patungan, o lagyan ng anomang rebulto ng mga diosdiosan at santo. Kung sinoman nga ang gumagawa ng ganyan ay maliwanag na naghihimagsik at niwawalang kabuluhan ang katuwirang nilalaman ng nabanggit na talata. Maliwanag ang pagkasabi ng Dios, na ang pangalan lamang niya ang ilalagay sa kaniyang bahay.

Sa simula nga ay umukit ang manlililok ng rebultong larawan ng diosdiosan. Kasunod nito’y ginawa ng panday ang dambana (altar) sa bahay ng Dios (2Ch 33:6-7) at doo’y ipinatong at inilagak ang nabanggit na idolo ng kasuklamsuklam. Sapat upang ang mga mananamba nito ay magsilapit at ipahayag ang banal na pagsamba sa kaniya. Ano pa’t ang mga natatanging tanda sa gayong katayog na pagdakila ay gaya ng mga sumusunod.


ANG PAGYUKOD, O PAGLUHOD BILANG PAGLILINGKOD AT PAGSAMBA SA LARAWAN AT REBULTO NG DIOSDIOSAN AT MGA SANTO

EXO 20 :
5  HUWAG MONG YUYUKURAN SILA, o PAGLINGKURAN man sila; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin;
(Thou shalt not bow down thyself to them, nor serve them: for I the LORD thy God [am] a jealous God, visiting the iniquity of the fathers upon the children unto the third and fourth [generation] of them that hate me;)

Diyan ay napakalinaw ang pagsasaad, na isang napakalaking kabawalan sa Dios ang yumukod, ni lumuhod man bilang pamimitagan, paglilingkod at pagsamba sa mga larawan o rebulto ng diosdiosan at mga santo ng mga paganong Romano. 

Sinasabing ang pagluhod sa mga iyan ay tanda lamang ng isang mataimtim na paggalang, o pagpipitagan. Nguni’t sa katuwiran ng Ama nating nasa langit ay pagpapakita ang gayon ng banal na pagsamba. Sapagka’t ang pagyukod, pagluhod, at ang pagpapatirapa ay gawain lamang ng mga tao na nagpapakita ng banal na pagsamba sa Dios. Ang gawa ngang iyan ay sa kaisaisang entidad lamang nauukol, at Siya ay walang iba kundi ang Ama nating nasa langit. Hindi nga kailan man lumapat sa pamimitagan ang mga gawang iyan, kundi sa banal na pagsamba lamang.

Ang utos ay huwag yuyukod, ni maglingkod man sa diosdiosan. Gayon ma’y niluhuran, niyukuran, at pinaglingkuran ng marami. Dahil diyan ay nagkasala sila ng lubhang malaki sa Dios at sa gayo’y nakamit na nila ang ukol sa kanilang kahatulan.


ANG PAGSAMBA SA MGA BAGAY NG KALAWAKAN

DEU 4 :
19  At baka iyong itingin ang iyong mga mata sa langit, at kung iyong makita ang ARAW at ang BUWAN, at ang mga BITUIN, SANGPU NG BUONG NATATANAW SA LANGIT, ay mabuyo ka at iyong SAMBAHIN, at PAGLINGKURAN, na binahagi ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng mga bayan na nasa silong ng buong langit.
(And lest thou lift up thine eyes unto heaven, and when thou seest the sun, and the moon, and the stars, [even] all the host of heaven, shouldest be driven to worship them, and serve them, which the LORD thy God hath divided unto all nations under the whole heaven.)

Isa ngang tanawin na kapag itiningala ng sinoman ang kaniyang mukha sa kalawakan ng langit, at kung makita niya ang araw, buwan, bituin, at ibang bagay na natatanaw sa langit ay huwag ngang sambahin, ni paglingkuran man. Isa nga din ang gawaing nabanggit sa kasuklamsuklam na gawain sa paningin ng Ama nating nasa langit. Ang mga iyan ay sadyang isinabit ng Dios sa kalawakan ng langit hindi upang sambahin at paglingkuran, kundi sa layuning gawing mga tanda, na mga bagay na makapagkakaloob ng karunungang astronomya at iba pang kapakipakinabang na kaalaman sa hanay ng mga tao.

Ang mga paganong Romano ay tanyag sa pagsamba sa mga bagay ng kalawakan, lalong lalo na sa araw (sun). Pansinin nga ninyo sa karamihang larawan at rebulto nitong si Jesus, Maria, at sa mga santo ng kanilang simbahan ay makikita sa likod ng kanilang ulo ang simbulo ng araw. Iyan ay kaugaliang pagano na hindi maaaring ikaila ninoman, dahil ang tungkol sa kasuklamsuklam na kaugaliang nabanggit ay mababasa ng maliwanag sa nasusulat na kasaysayang mundial. Niwalan nila ng anomang kabuluhan ang kautusan ng Dios hinggil dito, at sa halip ay isinabuhay ang mga kasuklamsuklam nilang kaugalian, na kailan man ay hindi inari, ni sinang-ayunan man ng katotohanan (Mat 15:9).


ANG PAGHALIK SA MGA LARAWAN AT REBULTO NG DIOSDIOSAN AT MGA SANTO

HOS 13 :
2  At ngayo'y nangagkasala sila ng higit at higit, at nagsigawa sila ng mga larawang binubo sa kanilang pilak, mga diosdiosan na ayon sa kanilang unawa, lahat ng yaon ay gawa ng manggagawa: sinasabi nila tungkol sa mga yaon; MAGSIHALIK sa mga guya ang mga tao na nangaghahain.
(And now they sin more and more, and have made them moten images of their silver, [and] idols according to their own understanding, all of it the work of the craftsmen: they say of them, Let the men that sacrifice kiss the calves.)

Isa ngang katotohanan na nasasaksihang malinaw ng dalawa nating mata sa panahon nating ito, kung paano ginagawa ng marami ang paghalik sa mga rebulto at larawan ng diosdiosan at mga santo ng mga paganong Romano. Iyan ay nagtutumibay na kaganapan sa kasalukuyang panahon na hindi maikakaila, ni mapapasinungalingan ninoman. Hinahalikan ng marami ang mga kamay, paa, mukha, at damit na kasuotan ng mga nabanggit na idolo.

Ang kaisaisang Dios na Siyang Ama ng lahat ng kaluluwa ay Espiritu at dahil diyan ay walang anomang larawan o wangis man Siya ng materiya, kundi siya ay lumalang sa pamamagitan ng katotohanan, ilaw, pag-ibig, kapangyarihan, paggawa, karunungan, at buhay. Ang pitong (7) iyan ang napakaliwanag na larawan at wangis ng Dios, na sa tanggapin man natin, o hindi ay ganap na umiiral ang ilan diyan sa kabuoan ng bawa’t tao sa kalupaan.

Kaugnay niyan ay isang malaking kamalian sa panig ninoman, na sabihing ang Dios ay may mga bahagi na gaya ng sa tao. Ang Dios ay Espiritu at sa kalagayan niyang iyan ay anyo at wangis ng Espiritu lamang ang nararapat na lumarawan sa kaniyang kabuoan. Ang tao sa makatuwid ay nilalang mula sa mga sumusunod na anyo at wangis ng Dios.

Ang Dios ay anyo ng katotohanan, liwanag, pag-ibig, kapangharihan, paglikha, karunungan, at buhay. Ang wangis ng anyong iyan ng ating Ama ay katotohanan na taglay ng sinomang tao sa kalupaan. Kaya ang paghalik sa mga larawang materiya ng diosdiosan ay hindi kailan man naging angkop sa tunay na Dios. Palibhasa’y hindi siya anyo at wangis ng materiya, kundi ng Espiritu. Dahil diyan ay lalabas na isang malaking kalapastanganan at kapusungan sa kaisaisang Dios, kung Siya ay kikilalanin sa kalagayan ng materiya. Sapagka’t siya ay tiyak na igagawa ng mga hangal ng larawan at rebulto na anyong tao, upang kanilang hagkan, yukuran, luhuran, paglingkuran at sambahin bilang dios.

Ang karumaldumal na kaugaliang iyan ng marami ay pagkakasala ng higit at higit sa kalooban ng Dios. Sapat upang ang sinoman ay kamtin mula sa ating Ama ang kaukulang parusa, na kadalasa’y nagiging sanhi ng masaklap at mapait na kapahamakan ng kaluluwa.

Gayon ma’y pangalan lamang Niya ang ayon sa kautusan(Torah) ang nararapat pag-ukulan ng banal na pagsamba (Psa 29:2), hindi ang larawang materiya na kailan man ay hindi siya nagkaroon. Si Jesus din naman ay itinuro na sambahin ang pangalan ng Ama, na sinasabi,

MAT 6 :

9  Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.
(After this manner therefore pray ye: Our Father which art in heaven, Hallowed be thy name.)

Narito at napakaliwanag na itinuro ng sariling bibig ni Jesus, na ang dadalanginan ng lahat ay ang Ama (kaisaisang Dios) lamang, at ang kaisaisang sasambahin sa ibabaw ng lupa ay ang pangalan lamang Niya na kaisaisang Dios na nasa langit.


ANG LARAWAN NG DIOSDIOSAN SA PUSO 

EZE 14 :
3  Anak ng tao, TINAGLAY NG MGA LALAKING ITO ANG KANILANG MGA DIOSDIOSAN SA KANILANG PUSO, at inilagay ang katitisuran ng kanilang kasamaan sa harap ng kanilang mukha: dapat bagang sanggunian nila ako?
(Son of man, these men have set up their idols in their heart, and put the stumblingblock of their iniquity before their face: should I be enquired of at all by them?)

Idolatriya pa nga ring maituturing ang pagsasalarawan sa puso ng mga diosdiosan. Oo nga’t ang marami ay walang ipinakikitang materiyang idolo, nguni’t ito nama’y malinaw na naka-ukit sa puso at isipan nila. Sa gayo’y hindi nga rin ikinalulugod ng Dios na ang larawan ng diosdiosan ay masumpungan Niya na natatatak at nauukit sa puso at isipan ng sinoman sa kaniyang mga anak. Ano pa’t ang nararapat na maisapuso ng sinoman ay ang pitong (7) nabanggit na larawan at wangis ng Dios sa kalupaang ito. Isa pa nga ring kasamaan na maituturing ang gayong lihim na kalakaran, at iyon ay maipasisiyang batong katitisuran, na tagapaghatid ng sinoman sa tiyak na kapariwaraan ng sarili niyang kaluluwa.


ANG PAGDARASAL SA DIOSDIOSAN AT MGA SANTO

ISA 44 :
17  At ang labis niyaon ay ginagawa niyang dios, sa makatuwid baga'y kaniyang larawang inanyuan: kaniyang pinagpapatirapaan at sinasamba, at DINADALANGINAN, at nagsasabi, Iligtas mo ako; sapagka't ikaw ay aking dios.
(And the residue thereof he maketh a god, [even] his graven image: he falleth down unto it, and worshippeth [it], and prayeth unto it, and saith, Deliver me; for thou [art] my god.)

ISA 45 :
20  Kayo'y mangagpipisan at magsiparito; magsilapit kayong magkakasama, kayong mga nakatanan sa mga bansa: sila'y walang kaalaman na nangagdadala ng kahoy ng kanilang larawang inanyuan, at NAGSISIDALANGIN SA DIOS NA HINDI MAKAPAGLILIGTAS.
(Assemble yourselves and come; draw near together, ye [that are] escaped of the nations: they have no knowledge that set up the wood of their graven image, and pray unto a god [that] cannot save.)

Maging sa kasalukuyan nating panahon ay laganap ang pagdarasal ng marami sa mga larawang inanyuan (idolo). Gayon ma’y pikit ang kanilang mga mata at nakapinid ang kanilang pandinig sa katotohanan, na ang mga kasuklamsulam na iyon ay hindi kailan man nakapagligtas ng sinoman sa kalupaan. Palibhasa nga’y idolo lamang na pipi at bingi, na ni alikabok sa kanilang katawan ay wala silang lakas na pagpagin. Sa madaling salita ay mga inutil at walang anomang kabuluhan sa banal na layunin na pinipilit ilapat sa kanila ng mga hangal at ulol sa paningin ng tunay na Dios ng langit at ng lupa.

Ano pa’t sa pilipit at hidwang paningin ng marami sa katotohanan ay tila mga hibang na hinihingi sa mga walang silbing rebulto at larawan ng diosdiosan at mga santo ang kanikanilang kaligtasan at kalayaan sa masama. Ang hindi nila batid ng lubusan ay hindi makapagpapalaya sa mahigpit na bigkis ng masama ang mga iyon, kundi patuloy lamang na inilulubog at ibinabaon sa kumunoy ng tiyak na pagkapahamak at kamatayan ang kanilang kaluluwa. Sapagka’t ang sinasamba nilang diosdiosan ay gaya nga lamang ng mga sumusunod.

AWIT 115 :
ANG KANILANG MGA DIOSDIOSAN AY PILAK at GINTO, Yari ng mga kamay ng mga tao.
Sila’y may mga bibig, nguni’t  sila’y hindi nangagsasalita; Mga mata’y mayroon sila, nguni’t hindi sila nangakakakita;
Sila’y may mga tainga, nguni’t hindi sila nangakakarinig, Mga ilong ay mayroon sila, nguni’t hindi nangakakaamoy;
Mayroon silang mga kamay, nguni’t hindi sila nangakakatangan; Mga paa ay mayroon sila, nguni’t hindi sila nangakakalakad; Ni nangagsasalita man sila sa kanilang ngalangala.
ANG NAGSISIGAWA SA KANILA AY MAGIGING GAYA NILA; OO, BAWA’T TUMITIWALA SA KANILA.
(4 Their idols are silver and gold, the work of men's hands.
5 They have mouths, but they speak not: eyes have they, but they see not.
6 They have ears, but they hear not: noses have they, but they smell not.
7 They have hands, but they handle not: feet have they, but they walk not: neither speak they through their throat.
8 They that make them are like unto them; so is every one that trusteth in them.)

Ang katatapos na pahayag hinggil sa mga diosdiosan ay sadyang niliwanag at idenetalye ng ating Ama, upang mapag-unawa ng marami ang kawalang kabuluhan at pagka-inutil ng mga iyon. Sila nga ay totoong may bibig, gayon ma'y hindi nangagsasalita, may mata nguni't hindi nangakakakita, may tainga at hindi nangakakarinig, may ilong na hindi nangakaka-amoy, may mga kamay na hindi naihahawak, mga paa na hindi nakakalakad, ni hindi nagsisipagsalita.

Ang mga panday na nagsisigawa ng rebulto't larawan ng diosdiosan, pati na ng mga santo, at ang mga tao na tila hibang na nangagsisisamba sa kanila ay tinamo na ang mapait at masaklap na sumpa ng Dios. Na sila ay naging gaya nga ng mga rebulto at larawan, na walang kabuluhan, inutil, at kasuklamsuklam sa paningin ng kaisaisang Dios na nasa langit.

Ang pagsamba sa tunay na Dios sa makatuwid ay nauuwi sa idolatriya, kung ang sinoman ay,
  • Gagawa ng mga rebulto o larawan ng diosdiosan at mga santo na inanyuan ng mga kamay (Deu 4:16; Exo 20:4; Exo20:23).
  • Maglalagak ng mga rebulto o larawan ng diosdiosan sa alin mang altar ng kabanalan (2Ch33:7, 2Chro 33:14). 
  • Yuyukod, o luluhod bilang paglilingkod, pamimitagan, at pagsamba sa rebulto o sa larawan ng  diosdiosan at mga santo (Exo20:5).
  • Sasamba sa mga bagay ng kalawakan bilang dios (Deu 4:19).
  • Hahalik sa mga larawan o rebulto ng diosdiosan at mga santo (Hos 13:2).
  • Iuukit sa puso at isipan ang larawan ng diosdiosan (Eze 14:3).
  • Magdarasal, o mananalangin sa rebulto o larawaan ng diosdiosan at mga santo (Isa 44:17, Isa 45:20).
Ang sinoman ngang gumagawa ng mga abominasyong iyan sa itaas ay hindi tunay na sumasamba sa totoong Dios. Siya kung gayon ay nagpapahayag ng di-maikakailang paghihimagsik sa natatanging kalooban ng kaisaisang Dios, na Siyang Ama ng lahat ng kaluluwa sa buong kalupaan.

Sa huling bahagi ng artikulong ito ay lubos naming nililiwanag sa lahat, na wala kaming anomang laban sa mga taong nangagsisigawa ng mga nabanggit na kasuklamsuklam na iyan. Bagkus ay pawang kabawalan lamang ng kaisaisang Dios ang dako na ipinamalas namin sa inyo. Ang mga iyan ay ganap na sinasang-ayunan ng katotohanan bilang mga katiwatiwalang katunayang biblikal, na siyang daang matuwid ng sinoman tungo sa kaluwalhatian ng Ama nating nasa langit.

Kamtin nawa ng bawa’t isa ang patuloy na pagpapala ng kaisaisang Dios. Hanggang sa muli, paalam.


Related Topics:
1. Kautusan Laban sa Paganismo (Idolatriya at iba pa).
2. Paano Nalalabag ang Pangalawang Utos?
3. Bagong Anyo ng Pagsamba kay Jesus.

SUPPORT:
Para sa inyong pakikibahagi at suporta sa sagradong gawaing ito. Click here

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento