Lunes, Hunyo 3, 2013

KAUTUSAN NG DIOS IBINASURA NI LUCAS AT PABLO

Ang mga kautusan ayon sa hindi kakaunting balumbon ng mga banal ng kasulatan (Tanakh) ay mahigpit na pinaiiral ng Ama nating nasa langit. Bagay na una sa lahat ay karapatdapat pag-ukulan ng hustong pansin, upang ang mga iyon ay matutunang sundin at masiglang isabuhay ng sinoman sa kalupaan. Gayon ma’y pilit itong itinatakuwil at niwawalang kabuluhan ng marami mula pa nang ito’y simulang isulat ng kaisaisang Dios sa tapyas ng mga bato sa taluktok ng bundok Sinai.

Sa paglipas ng lubhang malayong kapanahunan ay hindi kailan man naging makatuwiran ang mga nabanggit na kautusan sa unawa ng marami. Bagkus ay natutunan nilang tangkilikin ng buong puso ang mga di-makatotohanang likhang doktrinang pangrelihiyon ng tao, na malabis ang paghihimagsik sa buong katuwiran ng Dios. Dahilan upang sila’y maging matutol at malabagin sa Kaniyang kalooban. Sila’y tila bulag na nagsiyapos sa kahangalan at mga nilubidlubid na kabulaanan ng mga taong ang tanging layunin ay kaladkarin sa tiyak na kapahamakan ang kaawa-awang kaluluwa ng kanilang kapuwa.

Lalo na ngang sa marami ay nagtumibay ang gayong kasuklamsuklam na kaugalian, nang ituro ni Saulo ng Tarsus (Pablo) na ang kautusan ng Ama ay inutil sa layuning maghatid ng kaluluwa sa kaluwalhatian ng langit. Ano pa’t sa kakulangan ng higit na nakakarami ng hustong kamalayan sa larangan ng tunay na kabanalan – ang kahinaan nilang iyon ay sinamantala ng taong nabanggit at ang lubhang marami ay napaniwala niya sa mga likhang taong doktrinang pangrelihiyon (evangelio ng di pagtutuli) at pinilipit na aral pangkabanalan.

Gaya ng maliwanag na nasusulat ay madiiin niyang sinabi,

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN.

ROMA 4 :
15  Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t KUNG SAAN WALANG KAUTUSAN AY WALA RING PAGSALANGSANG.

ROMA 5 :
13  Sapagka’t ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang KAUTUSAN, nguni’t HINDI IBIBILANG ANG KASALANAN KUNG WALANG KAUTUSAN.

1 COR 15 :
56  Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan; at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan.

ROMA 6 :
14  Sapagka’t ang KASALANAN ay hindi makapaghahari sa inyo: sapagka’t WALA KAYO SA ILALIM NG KAUTUSAN, kundi sa ilalim ng biyaya.

ROMA 7 :
21  Kaya nga nasumpungan ko ang isang KAUTUSAN na, kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang MASAMA ay nasa akin.

HEB 7 :
18  Sapagka’t NAPAPAWI ANG UNANG UTOS dahil sa kaniyang KAHINAAN at KAWALAN NG KAPAKINABANGAN.
19  (Sapagka’t ang KAUTUSAN AY WALANG ANOMANG PINASASAKDAL), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling, na sa pamamagitan nito’y nagsisilapit tayo sa Dios.

HEB 8 :
 Sapagka’t kung ang UNANG TIPANG YAON ay naging WALANG KAKULANGAN, ay hindi na sana inihanap ng pangangailangan ng PANGALAWA.

GAWA 13 :
39  At sa pamamagitan niya ang bawa’t nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito’y HINDI KAYO AARIING GANAP SA PAMAMAGITAN NG KAUTUSAN NI MOISES. (1 Hari 2:3-4)

Hindi nga ba aariing ganap ng Dios ang sinoman, kung siya ay gaganap sa mga kautusan ni Moses? Sa gayo’y ano nga ba ang nilalaman ng mga nabanggit na kautusan? Narito, at ayon sa maliwanag na pagkakasulat ay mababasa ang mga sumusunod na katuwiran, na sinasabi,

1HARI 2 :
3  At iyong ingatan ang bilin ng Panginoon mong Dios, na lumakad sa kaniyang mga daan, na ingatan ang kaniyang mga palatuntunan, ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga kahatulan, at ang kaniyang mga patotoo, AYON SA NASUSULAT SA KAUTUSAN NI MOISES, upang ikaw ay guminhawa sa lahat ng iyong ginagawa, at saan ka man pumihit:

Gayon naman pala na ang nasa kautusan ni Moses ay ang mga bilin ng Panginoong Dios. Ang mga iyon nga ay ang Kaniyang bilin na tumutukoy sa mga palatuntunan, mga utos, mga kahatulan, at mga patotoo. Ang binibigyang diin baga nitong si Pablo sa Gawa 13:39 ay hindi pagpapalain at kaawaan ng Dios ang sinomang gumaganap sa Kaniyang mga bilin (palatuntunan, utos, kahatulan, at patotoo)?

Tila nahihibang yata itong si Lucas, nang bigyan niya ng diin ang gayong kasuklamsuklam at pamumusong na mga pananalita, sapagka’t bukod sa isinasaad ng 1Hari 2:3 ay may binanggit ang Dios tungkol sa gawa ng mga  tao na pinagpapakitaan Niya ng kaawaan. Gaya ng nasusulat at winika.

EXO 20 :
At pinagpapakitaan ko ng KAAWAAN ang libolibong UMIIBIG SA AKIN at TUMUTUPAD NG AKING MGA UTOS.

DUET 27 :
26  SUMPAIN YAONG HINDI UMAAYON SA MGA SALITA NG KAUTUSANG ITO UPANG GAWIN.

EZE 18 :
4 Narito, LAHAT NG KALULUWA AY AKIN; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ANG KALULUWA NA NAGKAKASALA AY MAMAMATAY.

Napakaliwanag na pinagpapakitaan ng Dios ng Kaniyang awa ang sinoman na umiibig sa kaniya, at nagsisitupad ng kaniyang mga kautusan. Samantala ay isinusumpa Niya ang mga nagiging mapanghimagsik at tagalabag ng kaniyang mga kautusan. Silang hindi magsisipagbalik loob sa kaniya ay ituturing niyang may sala at bilang sumpa ay kakamtin nila ang kamatayan ng kanilang kaluluwa.

Hindi baga bilang Anak ay tungkulin niyang tumalima sa kalooban (kautusan) ng sarili niyang Ama na nasa langit? Kung gayo’y walang sinomang tao sa kalupaan na maaaring kumawala sa kaloobang ito ng Dios. Sapagka’t hinggil sa bagay na ito ay mahigpit ang pagkakasalita, na ang wika ay gaya ng mga sumusunod.

ECL 12 :
13  Ito ang wakas ng bagay; lahat ay NARINIG: IKAW AY MATAKOT SA DIOS, at SUNDIN MO ANG KANIYANG MGA UTOS; sapagka’t ITO ANG BOONG KATUNGKULAN NG TAO.

Nang salitain nga nitong si Lucas na:  HINDI KAYO AARIING GANAP SA PAMAMAGITAN NG KAUTUSAN NI MOISES.” Ang tao ngang iyan ay napakaliwanag na nagbubulaan, at kung iyan ay paniniwalaan ay tiyak na ikapapahamak ng kaluluwa ninoman. Gaya rin naman nitong si Pablo na ang itinuturo ay ang pagtatakuwil at pagpapawalang kabuluhan sa kautusan. Sila nga ay kapuwa nagtuturo ng paghihimagsik sa kautusan ng Ama nating nasa langit. Dahil diyan ay gaya ng liku-likong daang na lubhang mapanganib sa kaluluwa ang bawa’t salita na iniaaral ng dalawang iyan.

Kung totoo na sila’y kinakasihan ng Espiritu Santo ay hindi nila kailan man ituturo na walang laman (Roma 3:20), mahina, walang kapakinabangan (inutil), walang anomang pinasasakdal (Heb 7:18-19), ang kautusan ng sarili nilang Ama na nasa langit. Dahil diya’y matuwid na wikaing hindi Espiritu ng Dios ang namahay at naghari sa kaloloban ng dalawang iyan, kundi, masamang espiritu na ang tanging hangarin ay ipagtulakan tungo sa dako ng tiyak na kapahamakan ang kaluluwa ninoman sa kalupaan.

Maging sa natatanging kapanahunan ni Jesus ay hindi sinasang-ayunan ng mga salitang nangagsilabas mula sa kaniyang bibig ang inihayag naming pamumusong ni Lucas at Pablo, na sinasabi,

MATEO 22 :
36  Guro, alin baga ang DAKILANG UTOS sa KAUTUSAN?
37  At sinabi sa kaniya, IIBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS NG BOONG PUSO MO, AT NG BOONG KALULUWA MO, AT NG BOONG PAGIISIP MO. (Deut 6:5)
38  Ito ang DAKILA AT PANGUNANG UTOS.
39  At ang PANGALAWANG KATULAD ay ito, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI. (Lev 19:18, Mat19:19)
40  SA DALAWANG UTOS NA ITO’Y NAUUWI ANG BOONG KAUTUSAN, AT ANG MGA PROPETA.

MATEO 15 :
3  At siya’y sumagot at sinabi sa kanila, bakit naman kayo’y nagsisilabag sa UTOS NG DIOS dahil sa inyong sali’t-saling sabi?

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

MATEO 24 :
35  Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa’t ANG AKING MGA SALITA AY HINDI LILIPAS.

Ayan, at sa bibig mismo ni Jesus lumabas na siya ay naparoon sa sangbahayan ni Israel, hindi upang labagin ang kautusan, ni pawalang kabuluhan man ang salita ng mga propeta, kundi upang ang lahat ng utos ay kaniyang sundin. Sinasabi pa na tuldok o kudlit man ay hindi mawawala sa kautusan, na ang ibig niyang ipakahulugan ay nananatili na magpasawalang hanggan ang kautusan at kailan ma’y hindi ito naluma, ni nagkulang man upang halinhan ng iba. Ang salita ngang iyan na nangagsilabas mula sa sarili niyang bibig ay tindigan nating matibay na hindi kailan man lilipas, at katotohanang mananatili na magpasawalang hanggan. 

Ang pahayag nga niyang iyan ay hindi kailan man naging lihis sa matuwid ng Dios hinggil sa napakahalagang usaping ito, na sinasabi,

ISA 40 :
Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta: nguni’t ANG SALITA NG ATING DIOS AY MAMAMALAGI MAGPAKAILAN MAN.

AWIT 111:
7    Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay KATOTOHANAN  at  KAHATULAN. Lahat niyang mga tuntunin (kautusan) ay tunay.

8    NANGATATATAG MAGPAKAILAN KAILAN MAN. Mga yari sa KATOTOHANAN  at KATUWIRAN.

Narito, at isang katotohanan na matuwid lamang na panghawakang matibay ng sinoman, na ang salita (kautusan) ng Dios ng Tanakh (Masoretic Texts/Miqrah) ay hindi kailan man naluma, ni nagkulang man. Sapagka’t ang mga iyon ay pawang yari sa katotohanan, at ang katuwirang iyan ay nangatatatag magpakailan kailan man. Kaya maipasisiyang isang maliwanag na pamumusong at kahangalan sa pandinig Niya ang wikaing “walang laman (Roma 3:20), mahina, walang kapakinabangan (inutil), walang anomang pinasasakdal (Heb 7:18-19), ang kautusan ng Ama nating nasa langit.” Gaya niya ay isang taong tinakasan ng katinuan (hibang), na sa danamidami ng kaniyang salita ay wala isa man na sinang-ayunan ng katuwirang sumasa Dios.

Ang isang napakaliwanag na tanawing nararapat maunawaang lubos ng lahat sa usaping ito ay, "Hindi kailan man niwalang bisa ni Jesus ang mga kautusan ng Dios na tinanggap ni Moses sa summit ng bundok Sinai." Datapuwa't ang hindi maikakailang katotohanan ayon sa mga inihayag naming katiwatiwalang katunayang biblikal ay itong si Lucas at Pablo ang siyang nagpawalang kabuluhan (annulled) sa mga nabanggit na kautusan. Hayag ang kasulatan na madiing nagsasabing ang dalawang iyan ang awtor at pasimuno ng pagpapawalang bisa sa kautusan ng Torah

Torah (first five books of the Tanakh. Namely: 
1. Bereshit ["In (the) beginning", Genesis
2. Shemot ["Names", Exodus.] 
3. Vayikra ["He called" Leviticus
4. Bamidbar, ["In the desert", Numbers
5. Devarim [Words", Deuteronomy]).

Sa pagtatapos ng artikulong ito ay isang napakaliwanag na katotohanan ang sabihing, "saan man at kailan ma'y hindi naging laban o mapanghimagsik man ang Cristo sa mga kautusan ng kaisaisang Dios na nasa langit." Walang mababasang katibayan sa bagong tipan ng bibliya na tuwirang itinuro ng sariling bibig ni Jesus, na ang kautusan ay lumipas na, at hinalinhan na nitong pananampalataya sa kaniya bilang bagong dios na tagapagligtas ng kaluluwa at tagatubos nitong sala ng sanglibutan. Saan man at kailan man din ay walang itinuro ang sarili niyang bibig, na humiwalay at maging mapanghimagsik sa kautusan ng kaisaisang Dios na nasa langit.

Hindi baga isang hangal at hibang na maituturing ang sinomang higit na pinaniwalaan at isinabuhay ang likhang doktrinang pangrelihiyon (evangelio ng di pagtutuli) nitong si Lucas at si Pablo, kay sa sagradong katuruan (evangelio ng kaharian) na mismo ay ipinangaral ni Jesus? Sayang na lamang ang lubhang matayog na pagkilala sa Cristo, kung ibabasura din lang naman ang mga salita (evangelio ng kaharian) na iniaral ng sarili niyang bibig.

Hangad namin ang kapayapaan sa lahat, hanggang sa muli, paalam.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento