Sabado, Abril 27, 2013

WALA NA BANG KABULUHAN ANG LUMANG TIPAN?


Mga paunang salita:
Matuwid na layunin naming ilahad lamang sa mga kinauukulan ang mga salita (evangelio ng kaharian) na ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus. Mga katiwatiwalang katunayang biblikal lamang ang tangi naming pinagbatayan sa pagbabalangkas at pagbuo ng akdang ito. Hindi namin kailan man hinangad, o ninais man na atakihin, ni husgahan man ang alin mang doktrinang pangrelihiyon na tinitindigang matibay ng sinoman. Anomang komento mula sa amin na mababasa sa artikulong ito ay may lubhang matibay at kongkretong batayan. Dahil diyan ay maliwanag na ang aral pangkabanalan na ipinangaral ng Cristo (Mashiach) ang siyang humuhusga sa pilipit na pagka-unawa ng marami sa salitang “ matuwid, at katotohanan.” Hindi namin kailan man hingangad na husgahan, ni ilagay man sa kahiyahiya at abang kalagayan ang aming kapuwa. Kundi sa pagnanais na maghayag lamang ng mga sagradong aralin na sinasang-ayunang lubos ng katuruang Cristo (Messianic teachings).

Sa larangan ng Cristianismo ni Pablo ay nalalahad ang doktrinang pangrelihiyon (evangelio ng di pagtutuli) na umano’y nagpapawalang kabuluhan sa mga katuruan na ipinangaral ng mga propeta (mashiyach) nitong lumang tipan ng Bibliya (Tanakh). Partikular sa mga iyon ay ang sampung (10) kautusan na tinanggap ni Moses sa taluktok ng bundok Sinai. Sa kinalap naman na iba’t ibang istoriya nitong si Lucas (Luk 1:1-3) ay sinasasabi na ang pag-iral ng kautusan at ng mga propeta ng sangbahayan ni Israel ay nanatili hanggang kay Juan Bautista lamang.
Kung pag-aagapayanin ang sulat ni Pablo at ni Lucas na tumutukoy sa usaping iyan ay hindi mahirap makita na ang minamatuwid ng dalawa (2) ay may lubos na pagsang-ayon sa isa’t isa. Bagay na nagpapahayag ng isang matibay na dahilan, upang mabigyang diin sa sinoman, na ang kautusan ay niluma na nga ng panahon. Ito’y upang halinhan umano ng panibago na lalo't higit ang kagalingan at kapangyarihan, na maging matibay na tuntungan sa ikaliligtas ng kaluluwa at katubusan ng sala ninoman sa kalupaan.
Sa katunayan, mula sa evangelio ng di pagtutuli nitong si Pablo ay madiin sinasabi, na ang kautusan ng Sinai (sampung utos) ay niwalan na ng kabuluhan (abolished) ni Jesus ng Nazaret. Kung lilinawin pa ay inalis, binuwag, niwalan ng bisa, at binigyan niya di umano ng wakas ang nabanggit na mga kautusan.

Na sinasabi,

Saul of Tarsus (Paul)
EPH 2 :
15  Na INALIS ANG PAGKAKAALIT SA PAMAMAGITAN NG KANIYANG LAMAN, KAHIT KAUTUSAN NA MAY MGA BATAS AT ANG PALATUNTUNAN; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan;

ROMA 10 :
4  Sapagka't si CRISTO ANG KINAUUWIAN NG KAUTUSAN sa ikatutuwid ng bawa't sumasampalataya.

GAL 3 :
23  Nguni't bago dumating ang pananampalataya, ay NABIBILANGGO TAYO SA ILALIM NG KAUTUSAN, na nakukulong tayo hanggang sa ang pananampalataya ay ipahahayag pagkatapos.
24  Ano pa't ANG KAUTUSAN AY SIYANG NAGING TAGAPAGTURO NATIN UPANG IHATID TAYO KAY CRISTO, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya.
25  Datapuwa't NGAYONG DUMATING NA ANG PANANAMPALATAYA, AY WALA NA TAYO SA ILALIM NG TAGAPAGTURO.

GAL 3 :
11  Maliwanag nga na SINOMAN AY HINDI INAARING-GANAP SA KAUTUSAN SA HARAPAN NG DIOS; sapagka't, Ang ganap ay mabubuhay sa pananampalataya.
12  At ANG KAUTUSAN AY HINDI SA PANANAMPALATAYA; kundi, Ang gumaganap ng mga yaon ay mabubuhay sa mga yaon.

GAWA 13 :
39  At sa pamamagitan niya ang bawa’t nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito’y HINDI KAYO AARIING GANAP SA PAMAMAGITAN NG KAUTUSAN NI MOISES.

Mula sa mga aral na minamatuwid nitong evangelio ng di pagtutuli ay maliwanag ngang sinasabi, na ang kautusan ay inutil (walang kabuluhan) sa di umano’y itinalaga ng Dios na layunin nito sa mga tao. Diyan ay may diing winika, na sinomang gumaganap nitong kautusan ng Sinai ay hindi kailan man aariing ganap ng Dios. Sinoman nga’y hindi inaaring-ganap sa kautusan, sapagka’t ayon sa sariling palagay ni Pablo ay nabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo ang sinomang ganap sa paningin ng Ama nating nasa langit.

Gayon nga kaya ang matuwid na maluwalhating sinasang-ayunan ng katotohanan? O baka naman iyan ay kailangan pang kunan ng kaukulang awtentisidad mula sa mga salita (evangelio ng kaharian) na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig ng mga propeta ng Dios na kinabibilangan ni Jesus. Ano nga ba ang nauna ng nasulat hinggil sa maselang usapin na may ganap na kinalaman dito?

Bago ang lahat ay siyasatin nga muna natin kung ano ang sinasabi ng balumbon nitong mga banal na kasulatan (Tanakh) tungkol dito. Liwanagin nga natin kung ano talaga ang mga kautusan na tinutukoy nito. Bakit nga hindi winika na “kautusan ng Dios,” bagkus ay nakasanayan ng tawaging “kautusan ni Moses.?” Ang ibig ipakahulugan kaya nito ay sariling utos ni Moses lamang ang mga iyon?

Sa gayo’y narito at ang kasagutan ay maliwanag na masusumpungan sa mga sumusunod na talata, na sinasabi,

The scroll of Torah
1KI 2 :
3  At iyong ingatan ang BILIN NG PANGINOON MONG DIOS, na LUMAKAD SA KANIYANG MGA DAAN, na INGATAN ANG KANIYANG MGA PALATUNTUNAN, ang kaniyang mga UTOS, at ang kaniyang mga KAHATULAN, at ang kaniyang mga PATOTOO, AYON SA NASUSULAT SA KAUTUSAN NI MOISES, upang ikaw ay guminhawa sa lahat ng iyong ginagawa, at saan ka man pumihit:

Narito, at sa kautusan ni Moses ay natatala ang bilin ng Dios, na tayo ay kailangan na magsilakad sa kaniyang mga daan, mag-ingat ng kaniyang mga palatuntunan, mga utos, mga kahatulan, at mga patotoo. Bagay na naglalahad ng dakilang adhikain ng Ama nating nasa langit tungo sa ikabubuti ng kaniyang mga anak (sangkatauhan) sa kalupaan. Sukat upang ang sinoman sa apat (4) na direksiyon ng ating mundo ay ariing ganap ng kaisaisang Dios sa larangan ng tunay na kabanalan. Sa gayo’y tila nagbubulaan itong si Lucas nang sabihin niya sa Gawa 13:39 na, HINDI KAYO AARIING GANAP SA PAMAMAGITAN NG KAUTUSAN NI MOISES.”
Ang pahayag baga niyang iyan ay dahil lamang sa kakulangan niya ng kaalaman sa katuwiran ng Dios hinggil sa usaping ito, o sinadya niyang salitain ang gayon bilang pagpapahayag ng malabis na paghihimagsik sa mga kautusan ng sarili niyang Ama na nasa langit.

Gaya rin naman nitong si Pablo ay nagpahayag ng mahigpit na pagtutol sa pinaiiral ng Dios na mga kautusan.

Samantala, sa pangangaral ni Jesus sa kabundukan (sermon on the mount) ay maliwanag niyang naipaunawa sa mga tagapakinig doon, na siya ay naparoon sa sangbahayan ni Israel hindi upang sirain ang mga kautusan, ni ang mga propeta, kundi,

Sermon on the Mount
 MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN. (Isa 42:21)

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Ang katuwirang iyan ng aral na winika ng sariling bibig ni Jesus ay sapat na sana, upang maunawaan ng lahat na siya kailan man ay hindi naging laban sa kautusan, bagkus siya ay isang tagatangkilik, tagasunod, tagapagtaguyod, at tagapagtanggol nito. Tinupad (fulfill) niya ang kautusan upang sa natatanging kapanahunan niyang iyon ay maging isa siyang buhay na patotoo sa lahat, kung papaano maluwalhating sinusunod, o tinatalima ang kautusan ng Ama nating nasa langit. Hindi upang ito’y wakasan, ni pawalang kabuluhan man.

Sa talata ay napakaliwanag na sinasabing mawawala ang langit at ang lupa, nguni’t ang isang tuldok, ni kudlit man ay hindi mawawala sa kautusan. Kulang na lang niyang sinabi na yao’y nangatatatag magpakailan kailan man. Diyan nga ay pinatotohanan niya ayon sa salita ng Ama, na ang kautusan ay ang kaisaisang tagapaghatid ng kaluluwa sa buhay na walang hanggan (Juan 12:50). Sapat upang mapag-unawa, na sa pamamagitan niyan ay aariing ganap ng Dios ang sinoman.

Gayon ma’y tila itong si Pablo ay hindi naging maligaya sa katuwirang iyon ng mga salita na iniluwal ng sariling bibig ni Jesus. Sapagka’t laban sa Mateo 5:17-18 ay madiin niyang sinabi,

Gospel of the Uncircumcise
HEB 7 :
18  SAPAGKA'T NAPAPAWI ANG UNANG UTOS DAHIL SA KANIYANG KAHINAAN AT KAWALAN NG KAPAKINABANGAN.
19  (SAPAGKA'T ANG KAUTUSAN AY WALANG ANOMANG PINASASAKDAL), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling, na sa pamamagitan nito ay nagsisilapit tayo sa Dios.

1 COR 15 :
56  Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan; at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan.

ROMA 4 :
15  Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t KUNG SAAN WALANG KAUTUSAN AY WALA RING PAGSALANGSANG.

ROMA 5 :
13  Sapagka’t ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang KAUTUSAN, (Gen2:16-17) nguni’t HINDI IBIBILANG ANG KASALANAN KUNG WALANG KAUTUSAN.

ROMA 3 :
28  Kaya nga MAIPASISIYA NATIN na ang tao ay inaaring-ganap sa PANANAMPALATAYA na HIWALAY SA MGA GAWA NG KAUTUSAN.

Ngayon nga’y nahayag ang damdamin nitong si Pablo patungkol sa kautusan ni Moises. Siya sa makatuwid ay hayag na naghihimagsik sa nabanggit na kautusan. Sapagka’t wala siyang anoman at alin mang sinang-ayunan sa mga sinalita ng bibig ni Jesus (evangelio ng kaharian) na inilahad namin sa itaas. Inari niyang walang kabuluhan ang lahat ng iyon, bagkus ay ang sarili niyang likhang doktrinang pangrelihiyon (evangelio ng di pagtutuli) ang iginigiit niya na sinasang-ayunan ng katotohanan.

Tama nga ayon sa sariling opinyon ng taong iyan, na ang kautusan ni Moses ay unutil sa layunin at saan man at kailan ma’y hindi aariing ganap ang sinoman na gumaganap nito. Nguni’t ang sa katotohanan ay pagpapakita lamang iyan ng malabis na di pagsang-ayon sa evangelio ng kaharian. Ano pa’t ang katuwiran na marapat unawain at tanggapin ng lahat ay totoong kapanalig ni Jesus ang tumatalima at nagsasabuhay ng katuruang Cristo. Sa gayo’y maliwanag na lumalapat sa kasuklamsuklam na kalagayan ng isang anticristo ang ipinakitang pagsalungat ni Pablo at Lucas sa pangaral ng bibig ni Jesus. Palibhasa, ang itinatanyag nilang mga likhang aral ay ganap na sinasakop at lubos na inaari ng katuruang pagano (evangelio ng di pagtutuli).

Sa ibang dako ay katotohanan na nararapat tanggapin ng lahat, na ang kautusan ng Dios ay gaya lamang ng matutuwid na salitang mababasa sa ibaba, na sinasabi,

The Book of Torah
AWIT 89:
34  Ang tipan ko’y hindi ko sisirain. Ni akin mang babaguhin ang bagay na lumabas sa aking mga labi.

AWIT 105 :
7  Siya ang Panginoon nating Dios; Ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa boong lupa.

Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man, Ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali’t saling lahi.

KAW 8 :
Lahat ng mga salita ng aking bibig ay sa KATUWIRAN; Walang bagay na liko o suwail sa kanila.

Pawang MALINAW sa kaniya na nakakaunawa, At MATUWID sa kanila na nangakakasumpong ng kaalaman.

AWIT 111:
7    Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay KATOTOHANAN  at KAHATULAN. Lahat niyang mga tuntunin (kautusan) ay tunay.

8    NANGATATATAG MAGPAKAILAN KAILAN MAN. Mga yari sa KATOTOHANAN  at KATUWIRAN.

AWIT 117 :
2  Sapagka’t ang kaniyang kagandahang loob ay dakila sa atin; At ang KATOTOHANAN ng Panginoon ay MAGPAKAILAN MAN. Purihin ninyo ang Panginoon.

ISA 42 :
21  KINALULUGDAN NG PANGINOON DAHIL SA KANIYANG KATUWIRAN, NA DAKILAIN ANG KAUTUSAN, AT GAWING MARANGAL.

Ang isa ngang katotohanan na kailangang-kailangang tindigang matibay ng lahat ay hindi kailan man nagsilipas, ni nawalan man ng kabuluhan ang mga kautusan ng Dios . Bagkus ay masiglang umiral noong simula, at makapangyarihang nananatili sa kasalukuyan, at patuloy na mamamalagi sa lahat ng kapanahunan.

Sa pagtatapos ng usaping ito ay maliwanag na pinatototohanan ng mga banal na kasulatan (masoretic texts), na ang kautusan ni Moises ay hindi kailan man nawalan ng anomang kabuluhan, ni napawalan man ng bisa sa natatangi nitong layunin. Sapagka’t ang mga iyon ay makapangyarihan at masiglang umiral noong simula pa, at patuloy na nananagana sa kasalukuyan at mananatili sa gayong katatag na kalagayan sa lahat ng mga darating na kapanahunan. Kung lilinawin pa ay masigasig na imiiral at makapangyarihang nananatili ang kautusan (Torah) ng Ama nating nasa langit na magpasawalang hanggan.

Kung kayo nga ang aming tatanungin. Alin baga ang inyong paniniwalaan at isasabuhay na aral pangkabanalan - ang salita (evangelio ng kaharian) baga ng sariling bibig ni Jesus, o ang likhang doktrinang pangrelihiyon (evangelio ng di pagtutuli) nitong si Pablo? Matuwid and inyong sagot kung ang kikilingan ninyo ay ang katuwiran na iniluwal ng sariling bibig ng Cristo. Datapuwa'at kung sa inyo ay magiging matimbang pa rin ang likhang doktrinang pangrelihiyon (Paulinian Christianity) nitong si Pablo - maliwanag na kayo'y mapapabilang sa mga tao na lumalapat ng lubos sa karumaldumal na kalagayan ng mga anti-Cristo.

Hindi baga ang matuwid na sinasang-ayunang ganap ng katotohanan ay manatili at tumindig ng matibay sa Katuruang Cristo. Iyan nga ang mga aral pangkabanalan (evangelio ng kaharian) na masigla at may katapangang ipinangaral ng sariling bibig ni Jesucristo. Sinoman nga na mangangaral ng mga salita na sasalungat sa katuwiran ng Katuruang Cristo ay huwag ninyong paniwalaan. Kakaladkarin lamang nila ang inyong kaluluwa sa tiyak na kapahamakan at kamatayan. Magsipag-ingat nga tayo sa kanila.

Patuloy nawa nating tamuhin ang masagana at walang humpay na pagpapala ng Ama nating nasa langit. Hanggang sa muli, paalam.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento