Linggo, Abril 14, 2013

ANG TAO AY MAY KALULUWA


Sa panahon nating ito'y maituturing na higit ang bilang ng mga tao na hindi pa nauunawaan ng lubusan ang pinakamahahalagang bahagi na bumubuo sa kaniyang pagkatao. Madalas ay napapagkamalian ng marami na ang kaluluwa at Espiritu ay iisa lamang at walang anumang pagkakaiba sa kalikasan ng isa't isa. Ang ilan nga ay nagsasabi na sila ay physical body lang dahil sa hindi naman daw nila nakikita at nadarama ang pagkakaroon nila ng kaluluwa (soul) at espiritu (spirit.) Kaya naman mahalaga sa sinoman na higit sa lahat ay magkaroon ng sapat na pagkakilala sa mga prinsipal na bahagi ng kaniyang sarili bilang isang tao. Iyan ang sa ngayon ay lalapatan namin ng kaukulang tanglaw ayon sa matuwid ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal.

Nasusulat, na ang kalagayang tao ay isang kabuoan na sinasangkapan ng tatlong (3) bahagi – ang katawang lupa (physical body), ang kaluluwa (soul), at ang Espiritu ng buhay (spirit of life). Ang kaluluwa sa kabuoang ito ay buhay (living), palibhasa’y taglay niya ang Espiritu ng buhay. Sila ay hindi magkakatulad sa likas nilang kalagayan, gayon ma’y nabibilang sa isang napakahalagang layunin ng nabanggit na kabuoan.

Kapag sinapit ninoman ang kamatayan, na siyang pagsasauli ng mga nabanggit na bahagi (sangkap) sa kani-kaniyang pinagmulan. Ang katawang lupa ay uuwi sa lupa (Gen 3:19), palibhasa’y mula sa lupa (alabok). Ang kaluluwa ay uuwi sa kaluwalhatian ng langit upang doo’y makamit nito ang hatol na nagpapahayag ng buhay, o ng kamatayan. Ang Espiritu ng buhay palibhasa’y hininga ng Dios (Gen 2:7) ay babalik sa kabuoang Dios na siya niyang kaisaisang kinabibilangan.

Gayon ngang may linaw na binibigyang diin ng balumbon nitong mga banal na kasulatan (Torah) ang katotohanan hinggil sa kabuoan ng tao sa kalupaan. Siya’y may katawang lupa, siya’y may kaluluwa, at siya’y may Espiritu ng buhay. Ang sinomang gaya natin na taglay ang ganyang mga bahagi ng kaniyang kabuoan ay isang tao na totoo. Wala ngang maaaring itawag pa sa kaniya, kundi isang tunay na tao lamang. Gaya ng napakaliwanag na nasusulat,

EZE 18 :
4  Narito, LAHAT NG KALULUWA AY AKIN; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.
(Eze 18:4  Behold, all souls are Mine. As the soul of the father, also the soul of the son, they are Mine. The soul that sins, it shall die.) 

JOB 12 :
10  Nasa kamay niya ang KALULUWA ng bawa't bagay na may buhay, at ang HININGA ng lahat ng mga tao.
(Job 12:10  In whose hand is the soul of every living thing, and the breath of all mankind.)

BILANG 16 :
22  At sila'y nagpatirapa, at nagsabi, Oh Dios, na Dios ng mga diwa (espiritu) ng lahat ng laman, sa pagkakasala ba ng isang tao ay magagalit ka sa buong kapisanan? 
(Num 16:22  And they fell upon their faces, and said: 'O God, the God of the spirits of all flesh, shall one man sin, and wilt Thou be wroth with all the congregation?' )

Ayan at maliwanag na sinasabi ng kasulatan ang tungkol sa hininga ng buhay at kaluluwa ng lahat ng mga bagay na may buhay. Ang tao palibhasa ay may buhay ay matuwid lamang na wikaing taglay niya ang kaluluwa bilang isa sa mahahalagang sangkap ng kaniyang kabuoang pagkatao. Ang dapat lang na maunawaang lubos tungkol dito ay pag-aari ng Ama nating nasa langit ang lahat ng kaluluwa. Kaya iyan ay hindi natin maaaring ariin (angkinin) na gaya ng isang kasangkapan lamang, dahil sa iyan ay sa Dios na maaari niyang bawiin sa kabuoan ninoman anomang sandali niya naisin. Ikaw, ako, at tayong lahat ay inaari Niya bilang mga bahagi na walang ibang pinagmulan kundi Siya lamang.

MATEO 10 :
28  At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa't hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo'y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impierno.
(Mat 10:28  And do not fear those who kill the body, but are not able to kill the soul. But rather fear Him who can destroy both soul and body in hell.)

MATEO 26 :
38  Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Namamanglaw na lubha ang kaluluwa ko, hanggang sa kamatayan: mangatira kayo rito, at makipagpuyat sa akin.
(Mat 26:38  Then He said to them, My soul is exceedingly sorrowful, even to death. Wait here and watch with Me.) 

Kung ang lahat ng tao ay may katawan, kaluluwa, at Espiritu ng buhay at gayon din naman pala itong si Jesus ay may katawan, kaluluwa, at Espiritu ng buhay – Dahil diyan ay maliwanag na mawiwikang siya nga ay isang tao na totoo. Kailan man din, ang sinomang tao ay hindi pumasok, ni umagapay man sa kalagayan ng tunay na Dios, kundi sa karumaldumal na kalagayan lamang ng isang huwad na dios, o diosdiosan. Ano pa't kung ang lahat ay lalang nitong Espiritu ng Dios ay gayon din naman itong si Jesus na mariing sinalita ng anghel ng Dios ang mga sumusunod na patotoo, gaya ng nasusulat,

MATEO 1 :
20  Datapuwa't samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.
(Mat 1:20  But while he thought on these things, behold, the ange of the Lord appeared unto him in a dream, saying, Joseph, thou son of David, fear not to take unto thee Mary thy wife; for that which is conceived in her is of the Holy Ghost. )

Ang lahat ng mga katunayan ng pagiging tao nitong si Jesus ay nalahad sa napakalinaw at detalyadong pagsasalarawan. Datapuwa't sa pagiging Dios niya - isa mang tanda o pahiwatig man ay walang anomang masusumpungang kongkreto at makatotohanang katibayan sa iba't ibang salansan ng mga banal na kasulatan.

Ang karaniwang tao ay taglay sa kaniyang kabuoan ang katawan, kaluluwa, at espiritu ng buhay (hininga ng buhay). Gayon man, kapag ang sinoman mula sa kasipagan sa larangan ng tunay na kabanalan ay pinamahayan at pinagharian sa kaniyang kalooban nitong Espiritu ng Dios. Siya nga ay tinatawag na isang banal (holy) ng Dios. Ang tatlong (3) bahagi ng pagiging tao ay nadagdagan na ng isa (espiritu ng Dios) pa, at sa gayo'y nagiging apat (4) ang mga bahagi ng sinomang lumalapat sa totoong kabanalan. Gayon ma'y hindi kailan man maituturing na Dios ang sinomang natitindig sa ganyang kabanal na kalagayan sa kalupaan. 

Maliwanag ngang itong si Jesus ay ganap na lumapat sa kalagayan ng isang tunay na banal - kaya nakabilang sa kaniyang kabuoan ang Espiritu ng Dios (Mat 3:16), na Siyang naging pangulo sa tatlong (3) nabanggit na bahagi ng buo niyang pagkatao. Magkagayon ma'y hindi kailan man inari ng kabuoan niyang iyon ang pagiging Dios, bagkus ay nanatili siya sa kalagayan ng totoong tao na natitindig sa dako ng mga tunay na banal ng Dios. Tanging ang mga nagpahayag lamang ng kani-kaniyang di-makatotohanang opinyon ang nagsikilala sa kaniya bilang dios. Sapagka't hindi nila lubos na natanaw ang bahagi ng katotohanan na ngayo'y tinututukan namin ng kaukulang tanglaw.

Gaya ng nasusulat ay sinabi,

Eze 2 : 
2 At ang Espiritu ay suma akin nang siya’y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at aking narinig siya na nagsasalita sa akin.
(Eze 2:2  And the spirit entered into me when he spoke unto me, and set me upon my feet, that I heard him that spoke unto me.) 

Ang Espiritu ng Dios ay maliwanag na nagasasalita gamit ang bibig ng kaniyang mga banal sa kalupaan. Gayon din naman na itinuturo ng nabanggit na Espiritu ang mga salita na nararapat wikain ng sinomang tao na pinamamahayan at pinaghaharian Niya, na sinsabi, 

DEUT 18 :
18  Aking palilitawin sa kanila ang isang PROPETA sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at AKING ILALAGAY ANG AKING MGA SALITA SA BIBIG NIYA, at KANIYANG SASALITAIN SA KANILA ANG LAHAT NG AKING IUUTOS SA KANIYA. 
(Deu 18:18  I will raise them up a Prophet from among, their brethren, like unto thee, and will put my words in his mouth; and he shall speak unto them all that I shall command him.) 

Kaya naman itong si Jesus alinsunod sa banal na kalakarang iyan ay malugod at masiglang nagpatotoo, na sinasabi,

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako (ang Cristo,) at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA. (Deut 18:18)
(Joh 8:28  Then Jesus said to them, When you have lifted up the Son of Man, then you shall know that I am, and that I do nothing of Myself, but as My Father has taught Me, I speak these things.) 

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Juan 15:15, 17:8)
(Joh 12:49  For I have not spoken of myself; but the Father which sent me, he gave me a commandment, what I should say, and what I should speak.)

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).
(Joh 14:10  Believest thou not that I am in the Father, and the Father in me? the words that I speak unto you I speak not of myself: but the Father that dwelleth in me, he doeth the works.) 

Narito, at ang mga tunay na banal ay ginagamit na kasangkapan ng Dios sa mga dakila niyang layunin sa kalupaan. Siya ay namamahay at naghahari sa kani-kaniyang kabuoan at Siyang nagsasalita ng kaniyang mga salita mula sa bibig ng kaniyang mga banal. Siya'y gumagawa ng Kaniyang mga dakila at makapangyarihang mga gawa sa pamamagitan nila.

Sa banal na kalagayang iyan ng sinoma'y hindi kailan man nabago ang likas niyang katayuan bilang tao. Gayon din naman sa sagradong anyo ni Jesus ay walang anomang nabago sa kaniyang pagkatao, sapagka't siya ay ginamit lamang ng banal na Espiritu sa ikagaganap ng dakila Nitong layunin sa sangbahayan ni Israel sa natatanging kapanahunang iyon. 

Ang isang lubhang napakaliwanag na tanawin sa usaping ito ay katotohanan na hindi maaaring itanggi, ni pasinungalingan man ng lahat - na itong si Jesus ay naging mapalad na makabilang sa kalipunan ng mga itinanghal ng kaisaisang Dios na Cristo (anointed [Messiah]) sa iba't ibang henerasyon ng mga tao. Ano pa't kung sasaliksikin at bubusisiin ang Torah (five books of Moses) ay malinaw na mahahayag ang maraming Cristo (Mashiach) ng Dios. Katunayan lamang na ang sinomang nakamit ang gayong kabanal na katayuan ay napakaliwanag na uma-angkop sa likas na kalagayan ng isang tao na totoo. Ang sinomang naging Cristo ay taong banal na pinahiran ng Dios (annointed by God [YHVH])

Mga Referencia (Annointed by YHVH)
1Sa 16:61Sam 24:10. 1Sam 26:9, 11, 16, 23. 2Sam 1:14, 16. 2 Sam 19:21. 2Sam 23:1. 1Ch 16:22. 2Ch 6:42. Psa 2:2, Psa 18:50. Psa 20:6. Psa 28:8. Psa 84:9. Psa 89:38, 51. Psa 105:15. Psa 132:10, 17. Isa 45:1. Lam 4:20. Dan 9:25-26. Hab 3:13.

Kaya pala naman nasabi nitong si Jesus pagbangon niya mula sa libingan ang ganito:

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.
(Joh 20:17  Jesus saith unto her, Touch me not; for I am not yet ascended to my Father: but go to my brethren, and say unto them, I ascend unto my Father, and your Father; and to my God, and your God.) 

Napakalinaw ng mga salitang iyan na nangagsilabas mula sa sariling bibig ni Jesus. Diya’y madiin niyang winika na siya (kaluluwa) ay aakyat sa kaniyang Ama na Ama din natin, at kaniyang Dios na Siya din naman nating Dios. Ang Cristo kung gayo’y masiglang naglahad ng isang napakahalagang katotohanan hinggil sa likas niyang kalagayan bilang isang tunay na tao na gaya rin naman natin.

Bukod pa diyan ay dalawampu at pitong (27) ulit niyang binanggit sa aklat ni Mateo, Juan, Lucas, at Marcos na ang kaisaisang Dios na nasa langit ay Ama ng lahat ng mga tao. Ang ibig sabihin nito ay anak ng Dios ang sangkatauhan.

Diyan din ay pitompu at walong (78) ulit niyang binanggit na siya ay ANAK NG TAO. Samantalang minsan lang niyang binanggit na siya gaya natin ay anak ng Dios (Juan 10:36).

JUAN 10 :
36  Sinasabi baga ninyo tungkol sa kaniya, na pinabanal ng Ama at sinugo sa sanglibutan, Ikaw ay namumusong; sapagka't sinasabi ko, AKO ANG ANAK NG DIOS?
JOHN 10 :  36 Say ye of him, whom the Father hath sanctified, and sent into the world, Thou blasphemest; because I said, I am the Son of God?

Iyan ba'y hindi pa sapat para tanggapin ang katotohanan na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus?
Siya na nga ang may wika niyan, kaya naman wala kaming natatanaw na anomang kadahilanan upang itanggi, ni pasinungalingan man, ang sariling patotoo ni Jesus ng Nazaret sa pagiging tao niya na totoo.

Dagdag pa’y anim (6) na ulit tinawag si Jesus ng ilang kalalakihan bilang ANAK NG TAO. Ito nga’y sinasang-ayunan ng mga madidiing pahayag ni Jesus hingil sa likas niyang kalagayang tao na totoo sa bilang na 78.

Gayon man ay walong (8) ulit din siyang tinawag ng ilang kalalakihan na ANAK NG DIOS, na ang ibig ipakahulugan ay siya na nakipag-isa sa kalooban ng Dios (Juan 20:17).

Ano pa’t kailangan manaig at ariing katotohanan ang mga salita ng sariling bibig ni Jesus kay sa di-makatotohanan at mapanlinlang na pahayag ng ilan tungkol sa likas niyang kalagayan. Ang madiin niyang patotoo hinggil sa kaniyang sarili ay higit sa sapat upang mapag-unawa ng lahat ang natatanging katotohanan hinggil sa pagiging tao niya na totoo. 

Batay na rin sa hindi kakaunting pahayag nitong si Jesus hinggil sa likas niyang kalagayan ay hindi nga kailan man maaaring siya'y kilalanin na Dios, palibhasa nga’y tao lamang siya gaya ng madiin niyang pinatototohanan sa balumbon ng mga banal na kasulatan. 

Gaya ng isang ito,

JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.
(Joh 8:40  But now ye seek to kill me, a man that hath told you the truth, which I have heard of God: this did not Abraham.)

Alin baga ang matuwid na paniwalaan - ang mga katotohanang pahayag na masiglang iniluwal ng sariling bibig ni Jesus, o ang hindi tiyak na opinyon at haka-haka lamang ng ilan? Kung ang sinoman nga’y may natitira pang kahit munti mang pang-unawa mula sa kaniyang sarili ay higit niyang kikilingan at titindigang matibay ang mga salita (evangelio ng kaharian) ng kinikilala niyang Cristo. Ano pa’t ang magpahalaga sa haka-haka at sabi-sabi ng iba na hindi aayon, o tutugma man sa kaniyang mga salita ay maliwanag na lumalapat sa karumaldumal na kalagayan ng isang anti-Cristo na totoo. 


  • Ang kaluluwa ay isang napakahalagang bahagi sa kabuoan ng isang tunay na tao. 
  • Gayon nga rin ang bautismo ay ginawa ng Dios upang ibautismo lamang sa mga tao. 
  • Ano pa't ang panunukso ni Satanas ay ekslusibo lamang na nauukol sa tao. 
  • Ang ayuno ay gawain ng mga taong naglilinis ng kaniyang sarili, sa layuning maging ganap at dalisay na totoo sa paningin ng Ama nating nasa langit. 
  • Ang katawagang Cristo ay hindi kailan man tumukoy sa Dios, kundi sa mga tao na itinanghal ng Dios sa pagiging tunay na banal.


Ano nga? Si Jesus ay may kaluluwa, at sa pagiging tao niya ay ginawaran siya ni Juan Bautista ng bautismo sa pagsisisi ng kasalanan. Bilang tao ay tinukso siya ni Satanas matapos ang pag-aayuno niya ng apatnapung (40) araw at apatnapung (40) gabi. Tinawag na Cristo (Mesias) dahil nga sa siya ay taong dumaan sa sagradong paraan ng pagpapahid, na naganap sa ilog Jordan.


Paalala:
(Sa balumbon ng mga banal na kasulatan - ang pagpapahid (anointing) ay kinakatawan ng langis (1Sam 16:13)tubig ng Jordan (Mat 3:16), at hininga ng bibig (John 20:22). Iyan ang natala na tatlong  (3) sagradong paraan o rituwal ng mga tunay na lingkod ng Dios, na kung saan ay sumasanib ang Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) sa sinomang may kasiglahan at kasipagan sa larangan ng tunay na kabanalan. 

Ang Dios sa katotohanan ay hindi kaluluwa, kundi Espiritu sa likas niyang kalagayan. Ang sinomang dumaan sa bautismo ng pagsisisi ng kasalanan ay tao na tumanggap ng mga salita ng Dios (evangelio ng kaharian) at taos pusong nagsisi sa mga nangagawa niyang sala. Hindi nag-aayuno ang Dios ayon sa mga banal na kasulatan, kundi tao lamang ang gumagawa ng gayong kadalisay na rituwal pangkabanalan. Saan man at kailan man ay hindi tinukso ni Satanas ang Dios

Muli, ang salitang "Pinahiran (anointed), Mesias (Messiah), Cristo (Christ)" ay taglay ang iisang kahulugan na kailan ma'y hindi tumukoy sa Dios, kundi sa tao na natitindig ng matatag sa kalagayan ng isang tunay na banal. Dahil sa mga katiwatiwala at makatotohanan na kadahilanang iyan ay magiging isang napakalaking pagkakamali sa panig ninoman na kilalaning Dios itong si Jesus. Dagdag pa diyan, bilang pagtatapos ay tao lamang ang kaisaisang tawag, o taguri sa sinoman na dumaan sa masigla at dalisay na prosesong pangkalikasan ng pagbubuntis. Ang tao ay katotohanan na taglay ang kaluluwa sa kaniyang kabuoan.

Suma atin nawa ang masagana at patuloy na daloy ng katotohanan, sikat ng liwanag, pagibig, lakas, paggawa, karunugang may unawa, at sagad na buhay sa kalupaan.

Hanggang sa muli, paalam.

1 komento:

  1. Ang ganda ng sulat, nakakabilib. Tayo nga ay tao kasi may kaluluwa tayo. Si lord Jesus ay may kaluluwa din pala, kaya mahirap man na iaccept ay totoo nga pala na tao siya. Hindi siya diyos bible na ang nagsabi. Malinaw na sa akin ang tungkol dito.

    TumugonBurahin