Linggo, Marso 31, 2013

PAGBUHAY SA MGA PATAY


Mula sa balumbon ng mga banal na kasulatan ng mga anak ni Israel ay may ilang pangyayari, na ang isang propeta, o alagad ng tunay na kabanalan ay bumuhay ng patay. Gayon ma’y kailangan nating maunawaang mabuti, na ang Espiritu ng Dios ay namamahay at naghahari sa Kaniyang mga sisidlang hirang. Kung tawagin sila’y mga banal at karamihan sa kanila ay mga pinahiran (anointed), gaya ng mga propeta ng limang (5) aklat ni Moses.

Maituturing na isang napakalaking pagkakamali, na sabihing ang isang propeta tulad halimbawa ni Elija at Elisha ay bumuhay ng mga patay. Sapagka’t mariing isinaysay ng mga nabanggit na aklat, na sila’y mga lingkod ng Dios lamang. Kaya isang katotohanan na mahalagang maunawaan ng lahat na sila bilang mga sisidlang hirang ay kasangkapan lamang ng banal na Espiritu. Dahil doo’y napakaliwanag na ang siyang bumubuhay ng litreral na patay ay hindi ang mga propeta, kundi ang Espiritu ng Dios na sa kabuoan nila ay masiglang namamahay at makapangharihang naghahari.

Gaya halimbawa ng isang kopa (cup) na ang natatanging layunin ay maging sisidlan ng inumin. Kung ito’y lalagyan ng tubig ay tiyak na mapapatid ang nararamdamang uhaw ng sinoman na iinom ng laman nito. Maliwanag kung gayon na tubig ang bumabasa sa natutuyong lalamunan at pumapawi ng uhaw. Samantalang ang kopa ay kinasangkapan lamang upang ang tubig ay maihatid ng kamay sa bibig upang pawiin ang uhaw ninoman.
Kaugnay niyan ay hindi matuwid na sabihing pinawi ng kopa ang iyong pagka-uhaw, gayong nalalaman nating tubig ang ganap na tumutugon sa gayong pangangailangan ng lalamunan. Kaya kung ang mga propeta ay nasaksihan ng marami na bumuhay ng patay ay hindi sinasang-ayunan ng katuwiran na panghawakan ninoman na aktuwalidad ang gayong tanawin. Sapagka’t ang kabuoang katawan ng isang totoong propeta, o ng isang pinahiran (Masyak) ay maliwanag na pinamamahayan at pinaghaharian nitong Espiritu ng Dios. Sisidlan lamang kung gayon ng Espiritu, o ng kabanalan ang katawang pisikal ng tao.

Gaya nga ng nasusulat ay mariing sinabi,

DEUT 18 :
18  Aking palilitawin sa kanila ang isang PROPETA sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at AKING ILALAGAY ANG AKING MGA SALITA SA BIBIG NIYA, at KANIYANG SASALITAIN SA KANILA ANG LAHAT NG AKING IUUTOS SA KANIYA. (Amos 3:7)

EXO 4 :
12  Ngayon nga’y yumaon ka, at AKO’Y SASAIYONG BIBIG, AT ITUTURO KO SA IYO KUNG ANO ANG IYONG SASALITAIN.

JER 1 :
Nang magkagayo’y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, INILALAGAY KO ANG AKING MGA SALITA SA IYONG BIBIG

Diyan nga’y lubos na mapapag-unawa na tanging Dios lamang ang may kakayanang magpakita ng mga kagilagilalas at makapangyarihang mga gawa na ganap ang kinalaman sa larangan ng tunay na kabanalan. Ang katawang pisikal ng sinoman ay nananatili sa tiyak na kalagayang iyon bilang kasangkapan ng banal na Espiritu. Ano pa’t sa kapanahunan ng panginoong Jesucristo ay may pagsang-ayon sa katotohanang iyan ang mga katuruang pangkabanalan na nagmula sa sarili niyang bibig, na ang wika ay gaya ng sa mga sumusunod.

JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. 

31 Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTOHANAN.

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: KUNDI ANG AMA NA TUMATAHAN SA AKIN AY GUMAGAWA NG KANIYANG MGA GAWA. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglubitan. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. (Juan 15:15)

Ayan, at sa sariling bibig mismo ni Jesus ay nangagsilabas ang mga salitang nagbibigay diin sa kalagayan niya bilang isang tunay na sisidlang hirang ng Dios. Sapat, upang maging malinaw sa isipan ninoman, na ang lahat ng nasaksihang makapangyarihang gawa ng kaniyang mga kamay at di matatawarng kapantasan ay hindi katotohanang siya sa kaniyang sarili ang may gawa, kundi ang Espiritu ng Dios na sa kapanahunang iyon ay masiglang namamahay at makapangyarihang naghahari sa kaniyang kalooban at kabuoan.

Iyan ang katotohanan at napakaliwanag na lihim ng mga totoong banal na nabuhay sa iba’t ibang malayo at malapit na kapanahunan ng sangkatauhan. Hindi nga sila ang gumagawa, kundi ang Espiritu ng Dios na makapangharihang kasiping ng kanilang kaluluwa sa loob at kabuoan ng kanilang katawang pisikal. Itinuturing nga lamang nilang sila’y mga alipin nitong Espiritu ng Dios, na sa pamamagitan ng materiya nilang katawan ay gumagawa ng mga dakila Niyang layunin sa iba’t ibang kapanahunan.

“Ano pa’t iya’y kabaligtaran sa minamatuwid ng mga tampalasan sa paningin ng Ama nating nasa langit. Sapagka’t ang Espiritu ay itinuturing lamang nilang alipin na kinakasangkapan sa mga bagay na sa buong akala nila ay mabuti sa kanilang paningin – maging ang gawain man nilang iyon ay nagpapahayag na ng direktang paglabag o paghihimagsik sa mga kautusan ng kaisaisang Dios.”

Sa pagpapatuloy ay aarukin natin ang kalaliman ng usaping ito at sa pamamagitan ng dala naming ilawan ay tatanglawan namin sa inyo ang mga bagay at kaalaman na masusumpungan sa hindi hayag na dakong iyon ng kalaliman.

Marahil ay hindi na lingid pa sa kaalaman ng marami na ang larawan at wangis ng Dios sa dulong dako ng higit na malalim na pang-unawa ay ang katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay. Sa sinoman ngang nagtataglay ng ganyang mga kaanyuan ay malinaw na lumalarawan sa kaniyang mukha at kabuoan ang wangis ng Dios.

Sa kawalan ng katotohanan ay naghahari sa puso at isipan ninoman ang kasinungalingan. Kapag patay ang ilawan ay dilim ng kaisipan ang kinasasadlakan ng sinoman. Galit at panibugho ang hantungan niyang kinitil ang pag-ibig sa kaniyang kabuoan. Sa pagtakas ng lakas ay tanging kahinaan lamang ang kinauuwian ng lahat. Ito’y hudyat upang ang masiglang paggawa ay daigin ng makupad at katamaran. Lalo na ngang palalalain pa ang kaawa-awang kalagayan ninoman, kung ang karunungang may unawa ay hahalinhan ng sarili niyang kamangmangan. Sukat ang lahat ng iyan upang ang buhay ay lisanin ang katawan, at sa sukdulan ay kamtin ang mapait na una at pangalawang kamatayan. Sa gayo’y kaninong anyo at wangis ang lalarawan sa sinomang pipiliin ang kasuklamsukalam na kalagayang nabanggit.

Kami nga ay matuturingan ninyong mga sinungaling at palalo, kung bibigyan namin ng diin na kayo’y walang tinitindigan na katotohanan, at kayo’y nangabubuhay lamang sa kadiliman ng isipan. Gayon nga ring magngangalit ang inyong mga ngipin sa galit, kapag ipinamalita namin na kayo’y mga manhid sa larangan ng pag-ibig, mga mahihina, mga tamad, mga mangmang, at mga gaya lamang ng mga Zombie na bagama’t buhay sa biglang tingin ay patay na ngang maituturing.

Ang larawan at wangis ng Dios na nabanggit ay tunay na ngang namatay at tuluyan ng pumanaw sa kabuoan ng lubhang maraming tao sa kalupaan. Sa madaling salita ay patay sa katotohanan, patay ang ilaw, patay ang pag-ibig, patay ang lakas, patay sa paggawa, patay sa karunungan, at kung magkagayo’y sukat ang lahat ng iyan upang mauwi sa wala (desolusyon) ang palad ng alin mang kaluluwa.

Gayon ma’y hindi kailan man nahuli ang mga mahahalagang pagkakataon sa buhay ng bawa’t tao sa kalupaan na tulad nito. Ang hinihintay lamang ng Ama nating nasa langit ay ang talikuran ng marami ang lahat ng mga karumaldumal ng sanglibutan at maamong balikan ang masigla at may galak sa puso na pagtalima sa Kaniyang mga kautusan. Dahil diyan ay babangong muli na may kasiglahan mula sa mga patay ang mga larawan at wangis ng Dios na nabanggit sa itaas..

Sa higit ngang malalim na kahulugan nitong “muling pagkabuhay ng mga patay,”ito ay hindi ipinatutungkol sa katawang pisikal ng mga tao, kundi sa mabuting kapakanan lamang ng kaluluwa. Sapagka’t ang muling pagtitiwala at masiglang pagsasabuhay nitong mga salita (kautusan) ng Dios ng Tanakh ay malinaw na siyang hudyat sa kawakasan, o katapusan ng kasinungalingan, dilim ng kaisipan, galit at panibugho, kahinaan, katamaran, kamangmangan, at kamatayan sa kalooban ninoman. Kasunod ng paghuhukom na nabanggit - sa kalooban at kabuoan ng taong iyon ay ang masiglang pagbangon mula sa mga patay nitong katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay.

Kung paano nga ginagawa ng mga lingkod ng Dios ang pagbuhay sa mga patay ay gaya lamang ng payak na paraang iyan. Dahil diyan ay halina nga kayo at sama-sama nating buhayin ang mga patay na nahihimlay sa ating kalooban at kabuoan. Iyan na nga at wala ng iba pa ang pangunahing layuning pangkabanalan ng sinoman sa kalupaan. 

1 komento:

  1. Quote ko lang yung ilang line na tumama sa akin ng matindi. Quote, Sa higit ngang malalim na kahulugan nitong “muling pagkabuhay ng mga patay,”ito ay hindi ipinatutungkol sa katawang pisikal ng mga tao, kundi sa mabuting kapakanan lamang ng kaluluwa. Sapagka’t ang muling pagtitiwala at masiglang pagsasabuhay nitong mga salita (kautusan) ng Dios ng Tanakh ay malinaw na siyang hudyat sa kawakasan, o katapusan ng kasinungalingan, dilim ng kaisipan, galit at panibugho, kahinaan, katamaran, kamangmangan, at kamatayan sa kalooban ninoman. Unquote. Tumindig na lahat ang balahibo ko dyan. Wala na akong masasabi pa.

    TumugonBurahin