Martes, Marso 26, 2013

MGA SUSI NG LANGIT


Batay sa tradisyong pangrelihiyon ay itong si Pedro na kabilang sa labingdalawang (12) apostol ang siyang naging mapalad na nakapagtamo mula kay Jesucristo nitong susi ng kaharian ng langit. Iyan ang tradisyong katuruang pangkabanalan na sa ngayon ay matibay na pinaninidiganan ng iba't ibang denominasyon ng relihiyong Romano at Cristiano ni Pablo. Gayon ma'y tila ang mga katiwatiwalang katunayang biblikal ay may ibig na ipahiwatig na naiiba sa tinitindigang aral na iyan ng marami.

Hindi pinasisinungalingang si Pedro ang tumanggap nito, kundi may ipinahihiwatig na isang malalim na kahulugan ang tinatawag na "susi ng langit"  Mula sa mga salita na lumabas mula sa bibig ni Jesus - kung pag-uukulan ng lalo't higit na malayong tanaw ay mababanaag ang isang dako, na kung saa'y kasusumpungan ng isa pang mahalagang anyo nitong susi ng langitKung saan nauukol at lumalapat ang bagay na iyan sa ikababanal ng sinoman ay siya naming sa inyo ngayon ay lalapatan ng kaukulang tanglaw.
Mula nga sa Apocalipsis ni Juan ay nabanggit ang tungkol sa umano’y tagapag-ingat ng susi ni David, na sinasabi

APOC 3 :
7  At sa anghel ng iglesia sa Filadelfia ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng banal, niyaong totoo, niyaong may SUSI NI DAVID, niyaong nagbubukas at di mailalapat ng sinoman, at naglalapat at di maibubukas ng sinoman: (Isa22:22)

Ang nasasaad naman sa aklat ng propeta Isaias ay sinalita ni YOHVAH na kaisaisang Dios at Ama ng lahat ng kaluluwa, na itong si Eliacim na anak ni Hilcias ay susuotan niya ng balabal at bigkis ni Sebna, upang siya'y maging matatag. Ayon pa ay hahalinhan ni Aliacim si Sebna, upang ipagkaloob sa kaniya ang pamamahala ng una, upang maging ama sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa sangbahayan ni Juda.

Ang katungkulang pamumuno sa sangbahayan ni David ay mapapaatang sa kaniyang balikat; siya sa panahong iyon ang may taglay ng susi ni David, na may kapangyarihang magbukas na walang makapagsasara, at makapagsara na walang makapagbubukas.

Gaya ng nasusulat,

ISA 22 :
20  At mangyayari sa araw na yaon, na aking tatawagin ang aking lingkod na si ELIACIM na anak ni Hilcias:
21  At aking susuutan siya ng iyong balabal, at patitibayin siya ng iyong pamigkis, at aking ipagkakatiwala ang iyong pamamahala sa kaniyang kamay: at siya'y magiging ama sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa sangbahayan ni Juda.
22  At ang katungkulan sa sangbahayan ni David ay iaatang ko sa kaniyang balikat; at siya'y magbubukas, at walang magsasara; at siya'y magsasara, at walang magbubukas.

Kung ang mga talatang iyan ay titingnan sa anyo ng higit na malalim na kahulugan ay mapapag-unawa na itong si Eliacim ay walang ipinagka-iba sa antas ng kabanalan na siyang tinaglay nitong si David nang siya'y nabubuhay pa. Kaya naman ang Espiritu ng Dios ay may kasiglahang pinamahayan at pinagharian ang buong pagkatao nitong si Eliacim. Sukat upang mapag-unawa na ang susi ay simbolismo lamang nitong Espiritu ng Dios na masiglang namamahay at naghahari sa kalooban ng sinomang naging banal na totoo sa kalupaan.

Sa gayo'y lalabas ngang napakaliwanag na ang susi ay ganap na tumutukoy sa Espiritu ng Dios. Sapagka’t ang nabanggit na Espiritu sa kalooban at kabuoan ng kaniyang mga sisidlang hirang (buhay na templo) ang siyang gumagawa ng kaniyang mga gawa. 

"Katotohanan ngang Siya lamang ang natatanging nagbubukas at nagsasara, ang nagbabagsak at nagtatayo, at ang nagkukulong at nagpapalaya."

Na sinasabi,

JOB 12 :
14  Narito, siya'y nagbabagsak at hindi maitayo uli; siya'y kumulong ng tao at hindi mapagbubuksan.

Tulad nga ng katuwiran na mababasa sa itaas (Job 12:14) ay nagbabagsak at sumisira ang Dios na walang muling makapagtatayo, ni makabubuo man, at nagkukulong ng mga tao na hindi makawawala. Sa madaling salita ay maliwanag na ipinahihiwatig na kapag ang sinoma’y nagtataglay ng susi ni David ay kaisaisang tanda iyan, na ang kalooban at kabuoan ng taong iyon ay pinamamahayan at pinaghaharian nitong Espiritu ng Dios. Siya kung gayon ay isang banal ng Dios (hari o propeta) na sa kaniyang kapanahunan ay masiglang kinakasangkapan ng banal na Espiritu (Espiritu Santo) sa ikagaganap ng dakila Niyang layunin sa partikular na dako at panahong iyon.

Ayon naman sa aklat ng apostol na si Mateo ng bagong tipan ay sinasabi na ang susi ng langit ay natamo ni apostol Pedro mula sa kagandahang loob nitong Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kalooban ng panginoong Jesucristo. Datapuwa’t sa kasulatan ding iyan ay ipinahiwatig na ang nabanggit na susi ay hindi lamang siya ang tumanggap, kundi ang kabuoan ng labingdalawang (12) apostol sa kasagsagan ng henerasyong iyon ng mga banal.

MAT 16 :
19  Ibibigay ko sa iyo ang mga SUSI NG KAHARIAN NG LANGIT: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.

Narito, at ang susi ayon sa aklat ni Mateo ay kumakatawan sa kapangyarihang magtali at magkalag sa lupa na may pagsang-ayon ang kaluwalhatian ng langit. Na kung lilinawin ay may kapangyarihan ang anak (Apoc 21:7) na humusga sa kanino man. Sapagka’t sa kalooban at kabuoan ng anak (Apoc 21:7) ay masiglang namamahay at naghahari ang Espiritu ng sarili niyang Ama na nasa langit.

Tulad ng mga sumusunod,

MAT 18 :
18  Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang lahat ng mga bagay na INYONG talian sa lupa ay tatalian sa langit: at ang lahat ng mga bagay na INYONG kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.

JUAN  20 :
21  Sinabi ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang sumainyo: KUNG PAANONG PAGKASUGO SA AKIN NG AMA, AY GAYON DIN NAMAN SINUSUGO KO KAYO.

22  At nang masabi niya ito, SILA’Y HININGAHAN NIYA, at sa kanila’y sinabi, TANGGAPIN NINYO ANG ESPIRITU SANTO.

Tinanggap ng labingdalawang (12) apostol ang nabanggit na susi (Espiritu Santo) sa pamamagitan ng hininga na nagmula sa bibig ni Jesus (Juan 20:22). Dahil nga mula sa apocalipsis ni Juan mababasa ang tungkol sa usaping ito ay sapat upang maunawaan ng lahat na ang taong ipinahihiwatig ng Apoc 3:7 ay walang iba kundi si Juan, o sinoman na sa panahong iyon ay makapangyarihang pinamamahayan at pinaghaharian nitong Espiritu ng Dios. Sapagka’t siya sa kasagsagan ng panahong iyon ay isa sa mga nagtataglay ng susi ng langit (Espiritu ng Dios) sa kaniyang kalooban at kabuoan.

Bilang kongkretong katibayan na ang Espiritu ng Dios sa kalooban ni Juan, na siyang susi ng kaharian ng kalangitan ang nagwika - sa kaniya ay ipinasulat ang mga tanawin at kaganapan na kaniyang nasaksihan, na sinasabi,

APOC 1 :
10  AKO'Y NASA ESPIRITU nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang dakilang tinig, na tulad sa isang pakakak. 
11  Na nagsasabi, ANG IYONG NAKITA AY ISULAT MO SA ISANG AKLAT at iyong ipadala sa pitong iglesia: sa Efeso, at sa Smirna, at sa Pergamo, at sa Tiatira, at sa Sardis, at sa Filadelfia, at sa Laodicea. 

Diyan nga sa mga katunayang nilalaman nitong Apoc 7:10-11 na mababasa sa itaas ay napakaliwanag na Espiritu ng Dios ang Siyang nagsalita ng dakilang tinig, na tulad ng isang pakakak. 

Sinabing mga susi, na ang ibig sabihin ay hindi lamang iisa, kundi marami. Dahil diya'y ilan nga ba ang dapat na maging susi ng kaharian ng langit?

Ang sagot diyan ay mababasa ng malinaw sa apocalipsis ni Juan na ang sinasabi ay gaya ng sa mga sumusunod na sitas.

APOC 21 :
13  Sa silanganan ay may tatlong pintuan; at sa hilagaan ay may tatlong pintuan; at sa timugan ay may tatlong pintuan; at sa kalunuran ay may tatlong pintuan. 

14  At ang kuta ng bayan ay may labingdalawang pinagsasaligan, at sa mga ito'y ang labingdalawang pangalan ng labingdalawang apostol ng Cordero.



APOC  22 :
14   Mapalad ang nangaghugas ng kanilang damit, upang sila’y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at MAKAPASOK SA BAYAN SA PAMAMAGITAN NG MGA PINTUAN.

Maliwanag na sinasabi ng talata, na ang kuta ng bayan ng Dios (kaharian ng langit) ay may labingdalawang (12) pintuan at pinagsasaligan, at sa mga iyon ay ang pangalan ng labingdalawang (12) apostol. Iyan sa makatuwid ang dahilan kung bakit sinalita ng bibig ni Jesus, na "sinomang inyong talian sa lupa ay tatalian sa langit, at sinomang inyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit." Sapagka't katotohanang nagtutumibay na bawa't isa sa kanila na pinamamahayan at pinaghaharian nitong Espiritu ng Dios ay kumakatawan sa mga susi ng labingdalawang (12) pinto ng kaharian ng langit.

Katotohanang sinalita ng sariling bibig ni Jesus, na ang kaharian ng langit (mga susi ng langit) ay malapit na. (Mat 3:2, 4:17 10:7). Ang wika ay tulad ng mga sumusunod.


MAT 3 :

2  Mangagsisi kayo; sapagka't MALAPIT NA ANG KAHARIAN NG LANGIT. 

MAT 4 :

17  Mula noon ay nagpasimulang mangaral si Jesus, at magsabi, Mangagsisi kayo; sapagka't MALAPIT NA ANG KAHARIAN NG LANGIT.

MAT 10 :

7  At samantalang kayo'y nangaglalakad, ay magsipangaral kayo, na mangagsabi, ANG KAHARIAN NG LANGIT AY MALAPIT NA.

Gaya din naman ng sinabi,


MAT 12 :

28  Nguni't kung sa pamamagitan ng ESPIRITU NG DIOS nagpapalabas ako ng mga demonio, ay dumating nga sa inyo ang KAHARIAN NG DIOS. 

Siya sa makatuwid na gumaganap ng banal na gawain mula sa masiglang udyok at makapangyarihang pamamahala nitong Espiritu ng Dios ay gaya ng kaharian ng langit na bumaba sa lupa. Sa pamamagitan ng taong iyan ay mabubuksan ang kaharian ng Dios at doo'y makakapasok ang sinomang kaluluwa. Dahil sa taglay ng kaniyang kalooban at kabuoan ang susi (Espiritu ng Dios) na makapagbubukas at makapagsasara nito. Sapagka't ang Espiritu lamang na iyon ng Dios ang kaisaisang makapagbubukas at makapagsasara ng labingdalawang (12) pintuan ng langit


Kahi man itong si Jesus ay hindi tuwirang nagsaad na taglay niya sa kaniyang kalooban at kabuoan ang susi ng kaharian ng langit - napakaliwanag naman sa mga salita na iniluwal ng sarili niyang bibig, na ang Espiritu ng Dios ay masigla at makapangyarihang naghahari sa buon niyang pagkatao. Gaya ng napakaliwanag na nasusulat,


JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).


Iyan ay noong ang kaniyang kabuoan ay kasalukuyang ginagamit ng nabanggit na Espiritu. Dahilan iyan upang tiyakin na ang tinutukoy na persona sa Apoc 3:7 ay hindi si Jesus, kundi itong si Juan, o ang kabuoan ng sinoman sa labingdalawang (12) apostol na sa panahong iyon ay masiglang pinamamahayan at makapangyarihang pinaghaharian ng Espiritu ng Dios (susi ni David). 

Ang masaganang daloy ng biyaya mula sa Ama nating nasa langit ay patuloy nawang kamtin ng sinomang may kasiglahan at galak sa puso na tumatalima ng Kaniyang mga kautusan.


Hanggang sa muli, paalam.







1 komento: