Linggo, Pebrero 17, 2013

MGA TUNAY NA LINGKOD NG DIOS


Mula sa lubhang malayong kapanahunan hanggang sa kasalukuyang henerasyon na ating kinabibilangan, ay laganap ang mga tao na nagsasabing sila’y kasama sa munting kalipunan ng mga tunay na lingkod ng Dios. Gayon ma’y malabis ang pag-aangkin ng bawa’t isa sa banal na kalagayang iyon. Dahil diyan ay hindi nila maiwasang maging gaya  ng mga mababangis na hayop sa ilang, na sa araw at gabi ay nagsasakmalan sa isa’t isa. Yan ay tanda na tila hindi nila nauunawaan ang totoong kahulugan ng kalagayang malabis nilang inaangkin, pinag-aagawan, at pinag-aawayan sa lahat ng oras.

Ano nga ba ang malinaw na kahulugan ng mga salitang, “Lingkod ng Dios?”

Ang ibig sabihin ng katagang, “Lingkod” ay utusan, o maninilbihan, at sa higit na malinaw na pananaw ay “tagasunod.” Kung lalapatan ng husto at angkop na paliwanag ay isang indibiduwal o kalipunan iyan na nakatalagang tumanggap at tumupad ng utos. Yan lamang ang kaisaisang layunin at tungkulin ng isang "lingkod."

Sa mundong ito ay isang nilalang, tao man o hayop na tagapaglingkod sa kaniyang panginoon ang tinutumbok na kahulugan niyan. Kung umiiral ang tagapaglingkod ay maliwanag din namang kaagapay niya ang kaniyang amo o panginoon na isang taga-utos. Sa mundo kung gayon ay dalawa ang kategoriya ng tao – ang una ay ang nag-uutos, at ang pangalawa ay ang inuutusan. Dahil nga diyan ay masiglang umiinog ang mundo ng bawa’t tao sa kalupaang ito, at sapat upang maunawaan ng bawa’t isa ang ginagampanang layunin sa kani-kaniyang itinataguyod na buhay.

Samantala, ang tao ay katotohanang nilikha ng Dios at dahil doo’y lumalabas na tayong mga nilalang ay higit na mababa kay sa Kaniya. Sa madaling salita ay dumako ang lahat ng tao sa kalagayan ng tagasunod, at ang Dios ay umiiral bilang tagapagpasunod ng kaniyang mga utos.

Napakaliwanag ang layunin nating lahat sa mumunting bahaging ito ng dimensiyong materiya. Tayo nga’y walang iba, kundi mga nilalang na itinalaga ng Dios na mga lingkod Niya. Ito’y dahil sa ang lahat ay hinirang niyang maging tagatupad ng kaniyang mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan. Ano pa’t pagdating sa larangan ng tunay na kabanalan ay kaisaisang Dios ang Panginoong taga-utos, at ang sangkatauhan ay lumalayong tumupad ng kaniyang mga utos. Kung lilinawin pa ay buong tungkulin ng isang tagapag-lingkod na sunding lahat ang utos ng Dios na nag-iisa niyang Panginoon.

Dahil nga sa tambalang iyan ng nag-iisang taga-utos at ng napakalaking bilang ng mga taga-sunod ay ibinaba ng ating Ama na nasa langit ang sampu (10) Niyang utos, na siyang mga mayor na kautusan. Gayon din naman ang Kaniyang mga palatuntunan na nagtataglay ng mga minor na kautusan (Deut 18:10-13) sa ikasisigla at ikasasagana ng mga iyon.

Magkagayon man ay hindi inilalagay ng marami ang kanilang sarili sa banal na kalagayang nabanggit. Sapagka’t sila’y nag-iba ng landas na sa buong akala nila ay daang matuwid. Imbis ngang sundin ang utos ng Dios na kaisaisang Panginoon ay pangsarili nilang pagmamatuwid ang pinairal sa kanilang buhay. Sa madaling salita ay mga tagasunod, o mga lingkod na nagpasiyang paghimagsikan ang mga utos at hindi sinunod. Gayon ma’y nagsisipagpilitang itanyag sa marami na sila umano ay mga lingkod ng Dios. Oo, sila nga’y gayon, nguni’t sa kategoriya ng mga taksil na tagapaglingkod. Sapagka’t higit nilang minabuti ang munting laman ng kanilang mga mangmang na kaisipan at masasamang puso, kaysa katuwiran ng mga utos ng kanilang kaisaisang Ama na nasa langit.

Datapuwa’t kailan ma’y hindi nawala sa mga seryosong tagapaglingkod ng Dios ang likas na kasipagan pagdating sa larangan ng tunay na kabanalan. Sila sa makatuwid ang may mga masiglang pagnanais at may galak sa puso na tumatalima sa kautusan ng lumikha. Sila kung gayon ang maituturing na mga tunay na lingkod ng Dios (tunay na banal), sapagka’t nasa kanilang bibig ang salita at gawa na ikinalulugod ng Dios.

Batay sa payak na panuntunang iyan ay madali lamang makilala ang tunay na lingkod ng Dios. Sapagka’t siya’y masigla at walang kapagurang tinatalima ang mga kautusan. Kabaligraran nito ay walang iba, kundi ang huwad na lingkod ng Dios.

Sa bibliya nga’y hindi mahirap makilala ang mga lingkod na mapanghimagsik sa mga nabanggit na kautusan. Sapagka’t hayagan ang kanilang di-makatuwirang panghihikayat, mapawalang kabuluhan lamang sa kaisipan ng marami ang kahalagahan nito sa bawa’t kaluluwa na sumasa katawan. 

Gaya nga ng nasusulat ay sinabi,

GAWA 13 :
39  At sa pamamagitan niya ang bawa’t nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito’y HINDI KAYO AARIING GANAP SA PAMAMAGITAN NG KAUTUSAN NI MOISES. (1 Hari 2:3-4)

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN.

ROMA 5 :
13  Sapagka’t ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang KAUTUSAN, nguni’t HINDI IBIBILANG ANG KASALANAN KUNG WALANG KAUTUSAN.

GAL 2 :
16 Bagama’t naaalaman na ang tao ay hindi inaaring ganap sa mga gawang AYON SA KAUTUSAN, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo’y ariing ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at HINDI DAHIL SA MGA GAWANG AYON SA KAUTUSAN: sapagka’t sa mga gawang ayon sa kautusan ay HINDI AARIING GANAP ANG SINOMANG LAMAN.

1 COR 15 :
56  Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan; at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan.

HEB 7 :
18  Sapagka’t NAPAPAWI ANG UNANG UTOS dahil sa kaniyang KAHINAAN at KAWALAN NG KAPAKINABANGAN.
19  (Sapagka’t ang KAUTUSAN AY WALANG ANOMANG PINASASAKDAL), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling (pananampalataya), na sa pamamagitan nito’y nagsisilapit tayo sa Dios.

Narito at napakaliwanag na ang mga inilahad naming mga talata, bilang kapanipaniwalang patibayang aral ay nagsasabing mahina, walang silbi, walang laman - na kung lilinawin pa ay inutil at walang kakayananan ang kautusan ng Dios sa kaniyang sarili na ihatid sa buhay na walang hanggan ang sinomang kaluluwa.

Iyan sa makatuwid ang pangangatuwiran ng itinalagang lingkod na mapanghimagsik sa mga utos ng Panginoon niyang Dios. Ganyan din naman ang tinitindigang kaalaman at pananampalataya ng maraming nagsipaniwala sa mga huwad na tagapaglingkod ng Ama nating nasa langit.

Bago nga iyan ay nauna ng naglahad ng katotohanan ang mga uliran at tunay na lingkod ng Dios sa kanikaniyang lubhang malayong kapanahunan, nang sa kanilang bibig ay namutawi ang mga sumusunod na katuwirang sinasang-ayunang lubos ng katotohanan.

PANSININ:
(Inilagay namin sa orihinal na kaanyuan ang mga talata sa ibaba, alinsunod sa kaayusang inilalahad ng Masoretic Texts. Imbis na PANGINOON ay pangalang YEHOVAH na transliterasyon ng YHVH ang siyang pangalang mababasa sa mga sumusunod na talata. Sa orihinal na kaayusang iyan ay higit na mauunawaan ang wastong nilalaman ng ating teksto.)

AWIT 19 :
7  Ang KAUTUSAN niYEHOVAH ay SAKDAL, na NAGSASAULI NG KALULUWA: Ang patotoo ni YEHOVAH ay TUNAY, na NAGPAPAPANTAS SA HANGAL.

Ang mga TUNTUNIN ni YEHOVAH ay MATUWID na nagpapagalak sa PUSO: Ang UTOS ni  YEHOVAH ay DALISAY, na nagpapaliwanag ng mga MATA.

9  Ang TAKOT kay YEHOVAH ay malinis, na nananatili magpakailan man: Ang KAHATULAN ni  YEHOVAH ay KATOTOHANAN, at lubos na MATUWID.                      

AWIT 117 :
2  Sapagka’t ang kaniyang kagandahang loob ay dakila sa atin; At ang KATOTOHANAN ni  YEHOVAH ay MAGPAKAILAN MAN. Purihin ninyo ang Panginoon.

AWIT 111:
7    Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay KATOTOHANAN  at KAHATULAN. Lahat niyang mga tuntunin (kautusan) ay tunay.

8    NANGATATATAG MAGPAKAILAN KAILAN MAN. Mga yari sa KATOTOHANAN  at KATUWIRAN.

ECL 12 :
13  Ito ang wakas ng bagay; lahat ay NARINIG: IKAW AY MATAKOT SA DIOS, at SUNDIN MO ANG KANIYANG MGA UTOS; sapagka’t ITO ANG BOONG KATUNGKULAN NG TAO.

Maliwanag ngang sinasabi at binibigyang diin ng mga banal na kasulatan, na ang kautusan na nararapat ganapin ng mga lingkod ng Dios ay sakdal at naghahatid ng kaluluwa sa kaluwalhatian ng langit. Ang patotoo ni YEHOVAH na kaisaisang Panginoong Dios ng lahat ng kaluluwa ay tunay na nagpapapantas sa mga hangal. Ang mga utos Niya ay nananatili sa pag-iral na magpasawalang hanggan. Ito ay matuwid at dalisay na nagpapagalak sa puso ng sinoman. Nararapat umiral sa kalooban ninoman ang takot sa Panginoong si YEHOVAH na kaisaisa nating Dios at Ama ng ating kaluluwa. Buong katungkulan ng lahat na sundin ang Kaniyang mga kautusan – palibhasa nga’y katotohanang katotohanan na tagapaglingkod sa Panginoong Dios ang banal na kalagayang nilalapatan ng bawa’t taong nabubuhay sa kalupaan.

Gayon di naman sa natatanging kapanahunan nitong si Jesucristo ay binigyan din naman ng kaukulang tanglaw ang tungkol sa usaping ito, sa pamamagitan ng mga salita ng Dios na iniluwal ng sarili niyang bibig. Na sinasabi,

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa MABUTI? May isa, na siyang MABUTI: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

MATEO 22 :
36  Guro, alin baga ang DAKILANG UTOS sa KAUTUSAN?
37  At sinabi sa kaniya, IIBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS NG BOONG PUSO MO, AT NG BOONG KALULUWA MO, AT NG BOONG PAGIISIP MO. (Deut 6:5)
38  Ito ang DAKILA AT PANGUNANG UTOS.
39  At ang PANGALAWANG KATULAD ay ito, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI. (Lev 19:18, Mat19:19)
40  SA DALAWANG UTOS NA ITO’Y NAUUWI ANG BOONG KAUTUSAN, AT ANG MGA PROPETA.

Gayon ngang isang katotohanan na hindi mapapasinungalingan, ni maikakaila man, na si Jesus ay hindi kailan man naging laban, o mapanghimagsik sa kautusan. Bagkus, sa mga salita (evangelio ng kaharian) na mismo ay nangasilabas mula sa sarili niyang bibig ay masigla niyang itinatanyag ang kautusan, upang sundin ng lahat ng tao na nabubuhay sa kalupaan. Tayo nga’y maluwalhating ginagabayan ng mga salitang iyan ng kaniyang bibig, sa layuning ilagay sa kahustuhan at kaayusan ang ating buhay alinsunod sa natatanging kalooban ng kaisaisang Dios na tampok sa usaping ito.

Ano pa’t kung alin ang nararapat panghawakang mabuti at matibay ay walang iba, kundi ang mga salita ng Dios (evangelio ng kaharian) na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus at ng mga kasama niya na kinilalang lubos ng Ama sa larangan ng tunay na kabanalan. Sapagka’t diyan ay may katiyakan na ang ating kaluluwa ay dumadako sa matuwid na landas tungo sa ikapagtatamo ng buhay na walang hangan.

Dito ay nakapakaliwanag na pinamamanhikan niya sa lahat na sundin at isabuhay ang mga kautusan ng Ama nating nasa langit. Katunayan na hindi niya kailan man niluma at niwalang kabuluhan ang nabanggit na mga kautusan. Sa halip ay binigyan niya ng diin ang kahalagahan niyan sa bawa’t tao na nabubuhay sa kalupaan. Sapagka’t nalalaman niya, na tanging ang pagtalima lamang sa kautusan ang makapaghahatid sa sinomang kaluluwa sa buhay na walang hanggan.

Bilang lingkod ng Dios ay matuwid lamang sa sinoman na tumupad sa alin mang kautusan ng Panginoon niyang Dios. Ano pa’t kung siya’y lilihis sa katuwirang iyan ay hindi na nga lalapat pa ang kalagayan niyang iyon sa pagiging isang lingkod. Kundi siya’y maipasisiyang isang totoong kaaway na tagapaglunsad ng  malawakang paghihimagsik sa banal na kalakaran ng Dios.

Sa kabilang dako ay tiyak na lalapat ang sinoman sa kalagayan ng mga tunay at lihitimong linkod ng Dios, kung ang isinasabuhay at ibinabantog niyang katuruang pangkabanalan ay ang pagtalima sa kautusan ng Ama nating nasa langit. Datapuwa’t kung ang sinoma’y lalapit sa inyong tarangkahan at magsasabing siya’y gayon – ang tao ngang iyon ay maliwanag pa sa sikat ng araw na isang huwad na tagapagturo ng kabanalan, kung ang dala niyang aral ay may pagsalungat at pagpapawalang kabuluhan sa mga umiiral na kautusan ng Dios

Iwasan nyo nga ang mga taong tulad niyan, sapagka’t walang awa lamang nilang kakaladkarin ang inyong kaluluwa sa tiyak na kapahamakan at masaklap na kamatayan. Huwag nga nating bayaan na sa kamay ng mga mapanghimagsik sa Dios na gaya nila ay mapariwara ang kaisaisang kaluluwa na taglay ng bawa't isa sa atin.

Hindi baga nahihiya sa kaniyang sarili ang sinoman na nagsasabing siya'y isang lingkod ng Dios, gayong pawang paglabag sa mga kautusan ng sarili niyang Ama na nasa langit ang kinahuhumalingan niyang gawin? Paano nga pumasok sa banal na kalagayang iyon ang sinomang patuloy na niwawalang kabuluhan at walang anomang niyuyurakan na tulad sa basahang pamunasan ng paa ang mga kautusan ng ating Ama? (Deut 5:7-21, Deut 18:10-13 at iba pa)

Gaya ng isa sa ngalang Pablo na nagsasabing siya'y lingkod ng Dios, gayon man ay may malabis na paghihimagsik sa turo ng sariling bibig ng Cristo. Siya baga ay isang lingkod ng Dios, o isang lehitimong tagapagligaw ng kaniyang kapuwa tungo sa katiyakan ng una at pangalang kamatayan? 

Kamtin ng bawa't isa ang mga biyaya ng Dios na tumutukoy ng ganap sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at sagad na buhay sa kalupaan.

Hanggang sa muli, paalam.

1 komento:

  1. Kapag sumunod pala ako sa kalooban ng Diyos ay tatawagin niya ako na "lingkod ng Diyos." Para pala sa lahat ang title na yan. Ang galing.

    TumugonBurahin