Biyernes, Enero 25, 2013

ROBIN HOOD SYNDROME


Paunang salita
Hindi namin layunin na gibain ang paninindigan ng marami, ni ilagay man sa kahiyahiyang kalagayan ang aming kapuwa. Bagkus ay maglahad lamang ng mga bagay na sinasang-ayunang lubos ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal. Hindi namin kailan man hinangad na husgahan ang sinoman, palibhasa'y ang mga salita ng Dios na isinatinig ng mga banal ang siyang humuhusga sa mga karumaldumal ng marami. Nawa'y maunawaan ng lahat na kami'y alingawngaw lamang ng mga katotohanang isinigaw at isinatitik nilang mga totoong banal na nabuhay sa malayo at malapit na kapanahunan.

Sa alamat ng mga Ingles ng Inglatiera ay may ipinakilalang magaling at mapagkawang-gawang lalake, na umano'y nagkakanlong at naninirahan sa Sherwood Forest ng Nottinghamshire. Ang taong iyon ayon sa kuwento ay tanyag sa pagiging isang mamamana at eskrimador. Nitong unang bahagi ng ika-19 na siglo ay kinilala siya bilang isang “tulisan na dumadambong sa mayayaman at ipinamamahagi sa mahihirap ang mga kinulimbat niyang yaman.” Ito’y sa tulong ng pinamumunuan niyang pangkat ng mga bandido, na sikat sa tawag na Merry Men. Ang pulutong na iyon ay inilalarawan na taglay sa kanilang katawan ang Lincoln green na kasuotan.

Siya ay walang iba, kundi si Robin Hood (Robyn Hode sa mga lumang manuskrito),  na malabis ang pakikidalamhati sa kaawa-awang kalagayan ng mga kapos palad niyang kababayan. Sukat upang siya’y itulak ng damdaming iyon sa isang gawain na kailan ma’y hindi sinang-ayunan ng matuwid. Palibhasa, mula sa sampu (10) ay paglabag iyon sa pangwalong (8) kautusan ng Dios na may kahigpitan Niyang ipinatutupad sa lahat ng tao sa kalupaan.
Sa kautusan nga’y mahigpit na ipinagbabawal ng Ama nating nasa langit ang “Pagnanakaw,” sa hayagan man o sa lihim, maging sa mahinahon o sa sapilitan mang paraan. Iyan ay isang di-makatuwirang gawain na kasuklamsuklam sa Kaniyang paningin. Kahi man gaano kadakila ang layunin ng sinoman, gaya ni Robin Hood ay hindi maituturing na iyo’y kadahilanan, upang ang kautusan ay lapatan ng kabaligtarang unawa at hindi sundin. ano pa’t kung ang iba pang utos ay tatapatan ng iksempsyon na gaya niyan ay wala na ngang isa man sa kautusan ng Dios na susundin pa ang mga tao.

Robin Hood Syndrome ang nakasanayang itawag ng marami sa mga tao na walang anomang nilalabag ang mga utos ng Dios, nang dahil sa umano’y mga inaakalang dakila at banal nilang kadahilanan. Ang isa sa mga iyan ay ang paglalahad ng mga kasinungalingan, maitanyag lamang ang minamatuwid nilang likhang taong doktrinang pangrelihiyon, gaya ng nasusulat,

ROM 3 :
5  Datapuwa't kung ANG ATING KALIKUAN AY NAGBIBIGAY DILAG SA KATUWIRAN NG DIOS, ano ang ating sasabihin? Liko baga ang Dios na dumadalaw na may poot? (nagsasalita akong ayon sa pagkatao.)

6  Huwag nawang mangyari: sapagka't kung gayo'y paanong paghatol ng Dios sa sanglibutan?

Datapuwa't kung ANG KATOTOHANAN NG DIOS SA PAMAMAGITAN NG AKING KASINUNGALINGAN AY SUMAGANA SA IKALULUWALHATI NIYA, bakit pa naman ako'y hinahatulang tulad sa isang makasalanan?

Nalalaman ng lahat na ang kasinungalingan ay isa din namang kasuklamsuklam na himig sa pandinig ng Ama nating nasa langit. Gayon ma’y tila binibigyang diin nitong si Pablo ang pangangailangan sa paglulubidlubid ng mga kabulaanan – kung sangkot na ang pagbibigay dilag sa katuwiran ng Dios. Sa kaniya pala’y kasinungalingan ang siyang nagbibigay kagandahan sa katuwiran ng Ama. Iyon din pala ang sa buong akala  niya’y nagpapasagana sa katotohanan ng Dios. Dahil nga diyan ay may pagmamapuri at pagmamalaki niyang sinalita, gaya ng nasusulat,

PHP 1 :
18  Ano nga? gayon man, SA LAHAT NG PARAAN, MAGING SA PAGDADAHILAN O SA KATOTOHANAN, AY ITINATANYAG SI CRISTO; at sa ganito'y nagagalak ako, oo, at ako'y magagalak.

Ang pilipit na pangangatuwirang iyan ng taong nabanggit ay napakaliwanag na paglabag sa kalooban ng Ama. Hindi rin naman lingid sa kaalaman ng lahat pati na sa mga batang paslit, na ang pagsisinungaling ay masama sa pandinig ng Dios. Ibig sabihin ay ang mga gawang hindi nakapagbibigay lugod sa Kaniyang paningin. Palibhasa’y ganap na lumalayon sa paghihimagsik, o pagsalungat sa matutuwid Niyang kautusan, palatuntunan, at kahatulan.

Hindi baga ang napakaliwanag na katuruang sumasa Dios ay ang pagsasabuhay ng katuwiran at katotohanan, na siyang sa Kaniya ay kaluguran? Sa gayo’y maituturing na isang kahangalan at kahibangan sa sinoman na gumawa ng kasamaan, sa layuning ipakita ang kagandahan nitong katuwiran ng Dios. Gaya din naman ang mga tao na nagsasabi, na pinasasagana nila ang katotohanan sa pamamagitan ng kanilang mga kasinungalingan. Robin Hood Syndrome ang napakaliwanag na tawag sa ganyang kapilipit na pagmamatuwid ng sinoman. Sa kadakilaan nga ng layunin ng isang hangal ay nagagawa niyang pilipitin ang katotohanan ng Dios sa pamamagitan ng mga pinagtagnitagni niyang kasinungalingan.

Sa pagpapatuloy ay nalalaman nating lahat, na ang aklat ng Deuteronomio ay ang pang-limang (5) aklat sa serye ng limang (5) aklat ni Moses. Matatawag ninyo kaming mga sinungaling, kung sasabihin namin na kailan ma’y hindi ninyo ginamit na patibayang aral sa larangan ng pinaniniwalaan ninyong kabanalan ang mga nilalaman ng nabanggit na aklat. Katunayan lamang, na iyan ay mahalaga sa atin pagdating sa mga bagay ng Dios na may pangangailangan ng pagpapatotoo. Iyan ay isang napakaliwanag na talaan ng mga salita ng Dios kay Moises na isinatinig at isinatitik ng mga tunay na banal.

Sa aklat ngang iyan ay masiglang iniutos ng Dios ang mga sumususunod,

DEUT 18 :
9  When you come into the land which the LORD your God is giving you, you shall not learn to follow the abominations of those nations.

10 "There shall not be found among you [anyone] who MAKES HIS SON OR HIS DAUGHTER PASS THROUGH THE FIRE, [or one] who practices WITCHCRAFT, [or] a SOOTHSAYER, or one who interprets OMENS, or a SORCERER,

11 "or one who CONJURES SPELLS, or a MEDIUM, or a SPIRITIST, or one who CALLS UP THE DEAD.

12 "For all who do these things [are] an ABOMINATION to the LORD, and because of these abominations the LORD your God drives them out from before you.

Ang mga kabawalang nasasaad sa mga talata sa itaas ay tumutukoy ng tuwiran sa kaugaliang okultismo na may kinalaman at ganap na kaugnayan sa Talisman, Fortune Telling, Omen, Medium, Sorcery, Necromancy, Divination at iba pang katulad ng mga iyan. Sila di umano ay binibigyang buhay at pinasisigla ng mga iba’t ibang makapangyarihang dasal na lakip ang mga pangalan ng Dios, ng mga anghel, at ng mga santo ng pananampalatayang katoliko. Sa madaling salita ay ang pagtataglay ng mga orasyon na ginagamit sa sari-saring layunin, mabuti man o masama. Lihim na karunugan ang nakasanayang tawag ng marami sa gawaing iyon.

Sa kabila ng mahigpit na kabawalan (Duet 18:10-13) ng Dios sa mga kaugaliang nabanggit ay tila bingi at bulag ang marami. Dahil sa patuloy pa rin nilang isinasabuhay ang gayong kasuklamsuklam na gawain sa paningin ng Ama nating nasa langit. Katuwiran nila’y sa mabuti naman ginagamit ang karunungang nabanggit, kaya naman ano ang ikababahala nila pagdating sa kahatulan ng Dios.

Kaugnay ng usaping ito ay sinadya ng Dios na ang bawa’t bansa ay pagkalooban ng mga Manggagamot, Abogado, Inhinyero, Pulis, Siyentipiko, at lubhang marami pang iba. Kaya walang dapat na ikabahala ang mga tao tunkgol sa mga bagay na maaaring tugunan nila na mga itinalaga ng Dios. Gayon ma’y papaano mo masasabing isa kang Manggagamot, kung ang ginagamit mong paraan ay ibinabawal ng Dios. Paano mong mapatototohanan sa marami na mabuti ang iyong ginagawa, gayong ang iyong paraan ay mahigpit na ibinabawal at malabis Niyang kinasusuklaman? Dahil diyan ay itinalaga ka kaya ng Dios, o ikaw at ang kahangalan mo lamang ang nagpumilit sa iyong sarili upang maging gayon?

Robin Hood Syndrome din ang tawag sa ganyang kaugalian, na imbis bigyang ligaya ang Ama sa pamamagitan ng pagtalima sa kaniyang mga kautusan ay higit pang pinahalagahan ang mga tradisyong pagano ng emperiong Roma na hayagang naghihimagsik sa Kaniyang kalooban. Ito’y sa pangsariling layunin na gumawa ng sa akala nila’y mabuti sa kanilang kapuwa. Paano nga nangyaring nakabuti sa iba ang bunga ng mga bagay na mula sa hayagang paglabag sa kalooban ng sarili mong Ama na nasa langit?

Iyan ay hindi gawang mabuti, ni pagtulong man sa kapuwa, sapagka’t dahil diya'y natututo lamang ang mga tao na maging mapanlaban sa kautusan ng Dios. Ang pananalig sa mga rebulto at larawan ng mga diosdiosan at santo, sa mga medalyon at sa mapanganib na orasyones ay hayagang paglabag sa una (1) at pangalawang (2) utos ng Dios. Kung ang mga iyan baga ay gagamitin sa panggagamot at iba pa, sa layuning gumawa ng mabuti ay nangangahulugan na bang iyan ang iksempsyon sa partikular na utos na iyon? Sa gayon baga’y hindi magkakasala ang sinoman kung siya'y gagawa nito, o lalo lamang niyang palalalain ang kasuklamsuklam niyang kalagayan sa paningin ng sarili niyang Ama na nasa langit?

Mabuti nga lamang ang di-makatuwirang kaugaliang iyan sa mga may kakulangan ang pang-unawa sa tunay na katuwiran ng Dios. Ang kautusan ay kautusan na matuwid sundin ninoman at walang sinomang maaaring kumalas, ni kumawala man sa mahigpit na pagkakabigkis nito sa sangkatauhan. Ang gawang mabuti ay katotohanan na pagtalima lamang sa kautusan ng kaisaisang Dios na siyang Ama ng lahat ng kaluluwa, at dapat maunawaan ng lahat na katotohanang bukod pa sa roon ay wala ng iba pa. 

Hinggil dito ay napakaliwanag ang katuwiran na nalalahad sa ilang talatang nasusulat sa ibaba.

MATEO 19:
17 At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa MABUTI? May isa, na siyang MABUTI: datapuwa't kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

SANT 2 :
8  Gayon man kung inyong ganapin ang KAUTUSANG HARI (pagibig sa Dios), ayon sa kasulatan. IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG SA IYONG SARILI, ay nagsisigawa kayo ng MABUTI.

Bilang pagwawakas ng akdang ito ay unawain nga muna nating mabuti ang pangunahin sa mabubuting balita na inihayag nitong balumbon ng mga banal na kasulatan, na sinasabi,

ECL 12 :
13  Ito ang wakas ng bagay; lahat ay NARINIG: IKAW AY MATAKOT SA DIOS, at SUNDIN MO ANG KANIYANG MGA UTOS; sapagka’t ITO ANG BOONG KATUNGKULAN NG TAO.

Narito, at katotohanan na matuwid tanggapin ng lahat, na ang Robin Hood Syndrome (RHS) ay hindi kailan man at saan ma'y sinang-ayunan ng mga katuwiran ng Ama (Yehovah) nating nasa langit. Ang kaugaliang iyan ay labis Niyang kinasusuklaman, at gawaing kumakaladkad ng marami sa tiyak na kapahamakan at kamatayan ng sarili nilang kaluluwa. Ano pa't kung ang sinoman ay may pagnanais na gumawa ng mabuti sa kaniyang kapuwa ay tiyakin nga muna niya na siya'y nauna ng gumagawa ng mabuti sa kaniyang sarili. Iyon ay ang masigla at may galak sa puso na pagtalima sa mga kautusan ng Dios.

Kaugnay nito - ang sampung (10) utos ay nahahati sa dalawang bahagi. Ang unang lima (5) ay ang mga kautusan ng pag-ibig sa Dios, at ang sumunod na lima (5) ay ang mga kautusan ng pag-ibig sa kapuwa. O, hindi ba habang sumusunod tayo sa utos ng Dios ay kasabay na gumagawa ang bawa't isa sa atin ng mabuti sa ating kapuwa? Iyan nga lamang ang mga gawang mabuti na matuwid gawin at isabuhay ng sinomang tao na nabubuhay sa kalupaan. Sa gayo'y hindi maaaring kilalaning mabuti ang mga bagay, o mga gawa na kinasusuklaman at ibinabawal ng kaisaisang Dios, sapagka't ang lahat ng iyon ay katotohanang lubos na inaari ng masama.


Pakatandaan, nga natin na ang mga suwail (anak ng pagsuway) ay hindi kailan man naubusan ng mga kadahilanan na kanilang isinasangkalan upang ang kabawalan ay ipakilala sa anyo ng kaayunan. Tuwina'y nilalapatan nila ng di-makatuwirang iksempsyon ang mga kautusan. Dahil doon - mula sa matatamis at mabubulaklak nilang  pananalita ay napalalabas nila sa pang-unawa ng marami na tama ang mali sa paningin ng Dios. Ganyan nga nila pinipilipit ang matuwid ng kaisaisang Dios na nasa langit. 


Datapuwa't ang mga anak ng pagsunod ay walang mga bagay na isinasa-alang-alang sa kanilang mga sarili, ni lumikha man ng anomang pagdadahilan upang kilalaning tama ang mali - bagkus ay masigla at may galak sa puso nilang tinatalima ang matutuwid na kautusan ng sarili nilang Ama na nasa langit. 


Patuloy nawa nating tamuhin ang masaganang daloy ng katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at sagad na buhay sa kalupaan. Amin.


Hanggang sa muli, paalam.


1 komento:

  1. Marami talaga ang mga tao na tinutwist ang righteousness ng Diyos. Kung baga sa anak, mga suwail at masasama sila sa kanilang ama. Nalulungkot ako sa nangyayaring ito.

    TumugonBurahin