Linggo, Nobyembre 25, 2012

BAUTISMO SA TATLONG (3) PANGALAN


BAUTISMO SA TATLONG (3) PANGALAN

AYON SA ABOT-SABI NG BANAL NA ESPIRITU

Ang Espiritu ng Dios na nasa kalooban at kabuoan ng Cristong si Jesus ay nagsaad ng kautusan sa mga apostol. Wika ng kaniyang bibig ay bautismuhan ang lahat ng mga bansa sa pangalan ng Ama, at ng anak, at ng Espiritu Santo. Bagay na hanggang sa kasalukuyang panahon ay may kasiglahan at galak sa puso na tinatalima ng mga nagsihalili (apostolic succession) sa kanila na mga alagad. Sa panahon ngang iyon ay maipasisiya na ang pangalan ng Ama at ng kaniyang Espiritu Santo ay naipaabot na ng tinig ni Jesus sa kanilang kaalaman. Ito’y dahil nga sa sila’y inutusan na ngang bautismuhan ang sangkatauhan sa tatlong (3) pangalan.

Kaugnay nito, gaya ng maliwanag na nasusulat ay sinabi,

JUAN 17:
6  IPINAHAYAG KO ANG IYONG PANGALAN SA MGA TAO na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: sila'y iyo, at sila'y ibinigay mo sa akin; at TINUPAD NILA ANG IYONG SALITA.

Bilang sugo ng Dios sa mga nangaligaw na tupa sa sangbahayan ni Israel (Mat 15:24)May diin ang wika ni Jesus sa nilalaman nitong Juan 17:6, na nagsasabing ang pangalan ng Ama nating nasa langit ay ipinahayag ng bibig niya sa mga tao na kinauukulan ng kaniyang layunin. 

Sa gayo’y ano ang pangalan ng Ama? Sino at ano ang pangalan ng Anak, at ano ang pangalan ng Espiritu Santo? 

PANGALAN NG AMA
Ang pangalan ng Ama sa balumbon ng mga banal na kasulatan (Masoretic texts) ay 6,519 na ulit binigkas ng mga banal ng Dios sa 5,521 talata sa Hebrew concordance nitong King James Version (KJV) ng bibliya. Ito ay kumakatawan sa kaisaisang walang hanggang pangalan ng Dios (Exo3:15).

Sa kasulatang iyan ay יְהֹוָה (YHVH) ang natatala na pangalan ng kaisaisang Dios, at ang transliterasyon ng nabanggit na pangalan ay mababasa bilang, o gaya ng, “YEHOVAH.” Sa wika nitong Espiritu ng Dios na nasa kalooban ni Jesus ay bumautismo sa pangalan ng Ama. Sa gayong kaliwanag na utos, sa rituwal ng bautismo ay pangalan lamang na iyan ang matuwid na bibigkasin ng sinomang kinikilala ng Dios na kaniyang Anak.

Ang Masoretic Text (the authoritative Hebrew text of the Jewish Bible) ay madiing tinukoy (ipinahayag) ng mga dalubhasa na aklat ng Jewish canon. Ang ibig sabihin ay kalipunan ng mga teksto na kinilalang lubos bilang batayan ng mga araling pangkabanalan ng mga Hebreo. Tinukoy din ito bilang presisyong pang-araling teksto sa larangan ng tunay na kabanalan. Ang bokalisasyon nito na may diin, o tuldik ay tinatawag na Masora.

Maipasisiyang ang mga texto na tumutukoy dito ay totoong katiwatiwala, pagdating sa malaking bulwagan ng masusing pananaliksik at bahabahagdang pag-aaral ng paksang pangkabanalan. Ang pangalang YHVH ay ang kaisaisang pangalan ng Dios, na kung saan ay may diing sinasang-ayunan ng nabanggit na kalipunan ng mga teksto (Masoretic texts). 

ZACARIAS 14 :
At ang Panginoo'y magiging Hari sa buong lupa: sa araw na yao'y magiging ANG PANGINOON AY ISA, at ANG KANIYANG PANGALAN AY ISA.

Datapuwa't kung ilalagay sa higit na kauna-unawang kahulugan ang talatang iyan sa itaas ay gaya nga lamang ng sumusunod,

"At si YEHOVAH ay magiging Hari sa buong lupa: sa araw na yao'y magiging si YEHOVAH AY ISA, at KANIYANG PANGALAN AY ISA."

Gayon ma’y mayroong iba’t ibang pangalan na nailathala na hango sa mga kasulatang apocrypha (hidden, esoteric, spurious, of questionable authenticity). Iyan sa madaling salita ay kalipunan ng mga aklat na hindi sinasang-ayunan ng Jewish canon (Masoretic texts). Palibhasa ay naiiba ang mga ito at nagpapahayag ng mga aral na may paghihimagsik, o laban (none canonical) sa katiwatiwala na batayan ng tunay na kabanalan.

Napakaliwanag kung gayon, na ang pangalan ng Dios na nagtutumibay mula sa nabanggit na balumbon ng mga banal na kasulatan ay ang YHVH (YEHOVAH). Ang ngalang ito sa makatuwid ang isa sa wiwikaing pangalan sa banal na rituwal ng bautismo sa pangalan.


PAGALAN NG ANAK 

Tungkol sa Anak ay mabilis na sasabihin ng marami na si Jesus ang Anak na tinutukoy sa pagsasagawa ng bautismo ayon sa Espiritu. Kung ang Ama ni Jesus sa kaluwalhatian ng langit ay tinatanggap mong Ama mo rin ay maliwanag ngang lalabas na siya at ikaw ay magkatulad na Anak ng Dios. Kaugnay nito’y pinatutunayan ng mga salita na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ng Cristong si Jesus, na madiing sinasabi,


MATEO 5 :
16  Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang INYONG AMA NA NASA LANGIT.

MATEO 5 :
48  Kayo nga'y mangagpakasakdal, na gaya ng INYONG AMA SA KALANGITAN na sakdal.

MATEO 23 :
9  At huwag ninyong tawaging INYONG AMA ang sinomang tao sa lupa: sapagka't IISA ANG INYONG AMA, SA MAKATUWID BAGA'Y SIYA NA NASA LANGIT.

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS. (Mat 12:50)

(MAT 5:45;  6:1, 4, 6, 8, 14 15, 18, 26, 32; 7:11; 10:29; 13:43; 18:14; 21:31; MAR 11:25, 26; LUK 6:36; 11: 2,13)

Narito at sa bilang na 27 ay maliwanag na ang pinatutungkulan lamang pala ng mga katagang iyan ay ang mga tao (tupa) na masigla at may galak sa puso na tumatalima sa natatanging (kautusan) kalooban ng kaisaisang Dios na nasa langit. Sapagka't sa mga panahong sinasalita ng bibig ni Jesus ang nilalaman ng mga talatang iyan sa itaas ay mga alagad, o apostol ang nasa palibot niya na pinatutungkulan niya ng mga salita ng Dios (katuruang Cristo) na madiing winika ng sarili niyang bibig.

Kaugnay nito’y maliwanag din naman na ang Cristong si Jesus, gaya ng mga anak ng pagsunod (tupa) ay kinilala ng Dios bilang Anak, kaya naman sa bibig niya’y masiglang lumabas ang mga sumusunod na pahayag,


MATEO 7:
21 Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng AKING AMA na nasa langit.

MATEO 10:
32 Kaya't ang bawa't kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin ko naman siya sa harap ng AKING AMA na nasa langit.

MATEO 10:
33 Datapuwa't sinomang sa aki'y magkaila sa harap ng mga tao, ay ikakaila ko naman siya sa harap ng AKING AMA na nasa langit.

MAT 12 :
50 Sapagka't sinomang gumaganap ng kalooban ng AKING AMA na nasa langit, ay siyang aking KAPATID NA LALAKE at aking KAPATID NA BABAE, at INA.

MAT 11:27; 16:17; 18:10,19; 20:23; 24:36; 25:34; 26:29, 39, 42, 53;
LUK 2:49; 10:22; 22:29; 24:49
JOH 2:16; 5:17, 43; 6:32, 65; 8:19, 28, 38, 49, 54; 10:17, 18, 25, 29, 30, 32, 37; 12:26; 14:7; 14:12; 20, 21, 23, 28; 15:1, 8, 10, 15, 23, 24; 16:10; 18:11; 20:17,21;
REV 2:27;  3:5, 21.

Dito ay niliwanag ng Cristong si Jesus na sila lamang pala na mga tao na nagsisitalima sa kalooban (Evangelio ng Kaharian) ng Dios ang totoo niyang mga kapatid na lalake at babae, at kaniyang ina. Sa madaling salita ay napakaliwanag na itinuturing at kinikilala ng kaisaisang Dios na ANAK ang sinomang nagpapahalaga at tumatalima sa Kaniyang mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan.

Ang kaisaisang Dios na rin ayon sa kasulatan ang madiing nagwika ng mga salita na may ganap na kinalaman sa usaping ito, gaya ng nasusulat,

PANSININ:
(Inilagay namin sa higit na malinaw na kaanyuan ang mga talata sa ibaba, alinsunod sa kaayusang inilalahad ng Masoretic Texts. Imbis na PANGINOON  ay pangalang YEHOVAH na transliterasyon ng YHVH ang siyang pangalang mababasa sa mga sumusunod na talata. Sa orihinal na kaayusang iyan ay higit na mauunawaan ang wastong nilalaman ng ating texto).


EXODO 4 :
22 At iyong sasabihin kay Faraon, Ganito ang sabi ni YEHOVAH, ANG ISRAEL AY AKING ANAK, AKING PANGANAY:

1 MGA CRONICA 28:
9  At IKAW, SOLOMON NA AKING ANAK, kilalanin mo ang Dios ng iyong ama, at paglingkuran mo siya ng sakdal na puso at ng kusang pagiisip: sapagka't sinasaliksik ni YEHOVAH ang lahat na puso, at naaalaman ang lahat na akala ng pagiisip: kung iyong hanapin siya, ay masusumpungan siya sa iyo; nguni't kung pabayaan mo siya, kaniyang itatakwil ka magpakailan man.

AWIT 2:
7  Aking sasaysayin ang tungkol sa pasiya: sinabi ni YEHOVAH sa akin (David), IKAW AY AKING ANAK sa araw na ito ay ipinanganak kita.

PAHAYAG 21:
7 Ang magtagumpay ay magmamana ng mga baga na ito, at AKO'Y MAGIGING DIOS NIYA, AT SIYA'Y MAGIGING ANAK KO.

EXO 4:23;  2SA 7:14; 1CH 17:13;  1CH 22:10;  1CH 28:5-6; PRO 2:1; PRO 3:1; MAT 2:15

Batay nga sa kasaysayang biblikal – Ang Anak na kinikilala ng Dios sa kalupaan ay yaon lamang walang alinlangang tumatalima at nagsasabuhay nitong mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan ng kaisaisang Dios na nasa langit. Gayon ma'y hindi kailan man itinatuwa ng Dios, na ang lahat ay nagmula sa umiiral niyang masiglang paglalang. 

Ano pa’t sa kautusan ng bautismo ay isa ang pangalan ng Anak sa kahustuhan nito. Hindi ang pangalan ng panganay na anak ni Maria (Yehoshua), sapagka’t malaon ng natapos ang kaniyang materiyang eksistensiya sa daigdig na ito. 

Sa kasalukuyan ay hindi kakaunti ang mga kinikilala ng kaisaisang Dios na mga Anak. Kaya sa gawaing ito, kung sa kasalukuyan halimbawa ay may isang Anak ng Dios na nagngangalang "JERICO” ay igagawad niya ang bautismo sa pangalan ng Ama na si “YEHOVAH, at sa pangalan ng Anak na si “JERICO,” at sa pangalan ng ESPIRITU SANTO (mang-aaliw). Sa gayo'y mga pangalan iyan na matatatak sa noo ng sinoman na sasailalim sa gayong kasagradong rituwal (bautismo) pangkabanalan. Iyan ang siyang tanging tanda na mapapagkilanlan sa mga inaari ng Dios na mga tupa (anak ng pagsunod) na nabibilang sa kaniyang kawan at pastulan.


ANG PANGALAN NG ESPIRITU SANTO
Sa balumbon ng mga banal na kasulatan ay tuwirang sinalita ng kaisaisang Dios mula sa bibig ng mga tunay na banal ang mga sumusunod na salita, 


PANSININ:
(Inilagay namin sa orihinal na kaanyuan ang mga talata sa ibaba, alinsunod sa kaayusang inilalahad ng Masoretic Texts. Imbis na PANGINOON  ay pangalang YEHOVAH na transliterasyon ng YHVH ang siyang pangalang mababasa sa mga sumusunod na talata. Sa orihinal na kaayusang iyan ay higit na mauunawaan ang wastong nilalaman ng ating texto).


Juan 14 :
16  At ako’y dadalangin sa Ama, at kayo’y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man.
17  Sa makatuwid baga’y ang Espiritu ng katotohanan: na hindi matatanggap ng sanglibutan; sapagka’t hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya’y nakikilala ninyo; sapagka’t siya’y tumatahan sa inyo, at sasa inyo.

2 Sam 22 :
29  Sapagka’t ikaw ang aking ilawan, Oh YEHOVAH; At liliwanagan ni YEHOVAH ang aking kadiliman.

1 Juan 4 :
8  Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Dios; sapagka’t ang Dios ay pagibig.

Isa 42 :
13 Ang Panginoon ay lalabas na parang makapangyarihang lalake; at siya’y pupukaw ng paninibugho na parang lalaking mangdidigma: siya’y hihiyaw, oo, siya’y hihiyaw ng malakas; siya’y gagawang makapangyarihan laban sa kaniyang mga kaaway.

Isa 66 :
2  Sapagka’t lahat ng mga bagay ay nilikha ng aking kamay, at sa gayo’y nangyari ang lahat ng mga bagay, na ito, sabi ni YEHOVAH: nguni’t ang taong ito ay titingnan ko, sa makatuwid baga’y siyang dukha at may pagsisising loob, at nanginginig sa aking salita.

kaw 8 :1-36   .......................................

Eze 37 :
14  At aking ilalagay ang aking Espiritu sa inyo, at kayo’y mangabubuhay, at aking ilalagay kayo sa inyong sariling lupain, at inyong mangalalaman na akong si YEHOVAH ang nagsalita, at nagsagawa, sabi ni YEHOVAH. (Mat 3:16, Juan 14:10))

Sa mga talatang nailahad sa itaas ay higit sa sapat upang mapag-unawa ng may ganap na linaw, kung ilan ang natatagong katangian ng tinatawag na Espiritu Santo. Sa kasulatan ay walang ibinunyag na pangalan ang kabuoang ito. Gayon ma’y ipinahiwatig kung paano makakamit ng sinoman ang kaniyang pangalan. 

Na sinasabi,

PAHAYAG 2:
17  Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng manang natatago, at siya'y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi yaong tumatanggap.

PAHAYAG 3:
1  At sa anghel ng iglesia sa Sardis ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may PITONG ESPIRITU NG DIOS, at may pitong bituin: Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay may pangalang ikaw ay nabubuhay, at ikaw ay patay.

PAHAYAG 4:
5  At mula sa luklukan ay may lumalabas na kidlat, at mga tinig at mga kulog. At may pitong ilawang apoy na mga nagliliyab sa harapan ng luklukan, na siyang PITONG ESPIRITU NG DIOS;

PAHAYAG 5:
6  At nakita ko sa gitna ng luklukan at ng apat na nilalang na buhay, at sa gitna ng matatanda, ang isang Cordero na nakatayo, na wari ay pinatay, na may pitong sungay, at pitong mata, na siyang PITONG ESPIRITU NG DIOS, na SINUGO SA BUONG LUPA.

PAHAYAG 21:
7  Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at AKO'Y MAGIGING DIOS NIYA, at SIYA'Y MAGIGING ANAK KO.

Narito, at napakaliwanag na ipinahihiwatig ng kasulatan, na ang Espiritu Santo ay kumakatawan sa pitong (7) Espiritu ng Dios. Gaya ng katawan ay may kanikaniyang pangalan ang mga bahagi nito, gayon ma’y mayroong natatanging pangalan ang kabuoang nabanggit. 

Ang pangalan na hinihingi ng kautusan ay hindi ang sa mga bahagi, kundi ang sa kabuoan. May kani-kaniyang pangalan ang Espiritu ng katotohanan, Espiritu ng ilaw, Espiritu ng Pag-ibig, Espiritu ng Kapangyarihan, Espiritu ng Paglikha, Espiritu ng Karunungang may unawa, at Espiritu ng Buhay na walang hanggan. 

Gayon ma’y isa itong kabuoan na katotohanan din namang taglay ang kaisaisa nitong pangalan. Iyan sa makatuwid ang pangalan na bibigkasin kasama ng Pangalan ng Ama at ng Anak, upang maigawad sa kaninomang kinauukulan ang banal na rituwal ng bautismo sa pangalan.

Hayag ang pangalan ng kaisaisang Dios na nasa langit, gayon din naman ang pangalan ng mga kinikilala ng Dios na mga Anak. Datapuwa’t pakatandaan na sa Anak ay hindi lingid ang kabuoang pangalan ng Espiritu Santo, sapagka’t sa pagtatagumpay niya sa pagtalima nitong kalooban ng Dios (Evangalio ng Kaharian) ay iyan ang isa sa mahahalagang ganting pala niyang nakamit mula sa Ama niyang nasa langit.

Tanging ang Anak ng Dios (anak ng pagsunod) lamang ang may awtoridad, o kapamahalaan na maggawad ng bautismo sa pangalan. Sino man sa makatuwid na gagawa ng ganitong rituwal pangkabanalan ay tiyakin na siya ay masigla at may galak sa puso na tinatalima ang natatanging kalooban (kautusan) ng kaisaisang Dios na nasa langit. O kaya nama’y siya na pinagsisihan ang lahat niyang pagkakasala, at tuluyan ng nakipag-isa sa banal na layunin at kalooban ng Dios.

Siya nga’y nararapat na walang bahid munti man ng pagbabalik sa karumihang hatid ng paglabag sa mga kabawalan at mga kaayunan na ipinatutupad ng kaisaisang Dios sa Deut 18:10-13 at Exo20:3-17.

ANG BAUTISMO SA TUBIG
Sa ibang dako, ang bautismo sa tubig na siyang pamamaraan ng bautismo na ibinigay ng kaisaisang Dios kay Juan ay napakaliwanag na tumutukoy sa pagsisisi sa mga nangagawang kasalanan ng sinoman kay YEHOVAH na Siyang kaisaisang Dios ng langit. 

Bilang pasimula sa larangan ng tunay na kabanalan ay maaaring ang sinoman ay dumaan sa gayong rituwal ng bautismo, kung mataimtim na niyang pinagsisihan ang lahat niyang kasalanan na nagawa sa kaniyang kapuwa at sa kaisaisang Dios. Sa kaukulang panahon ay susunod naman niyang tatanggapin ang bautismo sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.

Bukod sa gawaing bautismo sa tubig, layunin din ng pagkakasugo kay Juan sa sangbahayan ni Israel ay ayusin ang daraanan nitong isang tao (Jesus) na pinamamahayan at pinaghaharian ng Espiritu ng Dios. Siya nga ay walang iba, kundi si Jesus ng Nazaret.


Gaya ng nasusulat,

MATEO 3 :

Sapagka't ito yaong sinalita sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi, Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon (YHVH), Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.

Ayon nga sa pagkakalahad ni propeta Isaias ay gaya ng mababasa sa ibaba,


ISA 40:

3  Ang tinig ng isang sumisigaw, Ihanda ninyo sa ilang ang daan ni YEHOVAH pantayin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Dios.

Ang pangangaral ni Juan nitong evangelio ng kaharian sa ilang at ang pagbabautismo ng tubig sa lahat ng nangagsisi sa mga kasalanan ay siyang paraang tumutugon sa sinalita ni si propeta Isaias

Sa pamamagitan nga nito'y naihanda ni Juan ang daan nitong Espiritu ni YEHOVAH, na sa panahong iyon ay naka-akmang mamahay at maghari sa kabuoan nitong si Jesus ng Nazaret. Si Jesus sa ganap na paghahari nitong Espiritu ng Dios ang kaisaisang tinutukoy ni Juan na dumarating mula sa kaniyang hulihan.


Kung si Juan nga ay bumabautismo sa tubig sa panahong iyon ay ipinaabot niya sa lahat na ang dumarating na sisidlang hirang nitong Espiritu ng Dios na si Jesus ay babautismuhan din naman SILA sa Espiritu Santo at Apoy. Apoy na sumisimbulo sa kaisaisang Dios na si YEHOVAH, at ito ay maliwanag na bautismo sa tatlong pangalan. Sapagka't ang bumabautismo ay ang Anak sa ngalang Jesus, at sa pangalan ng Ama, at sa pangalan ng Espiritu Santo, na sa panahong iyon ay maluwalhating naigagawad ng Anak (Jesus) sa mga lubos na kinauukulan.

Matapos ngang ipangaral ni Juan ang evangelio ng kaharian (Katuturuang Cristo) sa mga anak ni Israel ay nangagsisi ang ilan sa kanila sa mga nangagawa nilang kasalanan, at dahil doon ay ginawaran niya sila ng bautismo sa pagsisisi ng kasalanan


Ang sinoman sa makatuwid na tumanggap ng katuruang Cristo (evangelio ng kaharian) ay katotohanang nagsisisi sa mga nagawa niyang kasalanan. Sukat ang gayong kalagayan upang siya ay gawaran nitong Anak ng bautismo sa pagsisisi ng kasalanan.  

Sa ibang banda, ang kautusan ng bautismo sa tatlong (3) pangalan (Mat28:19) ay hindi kailan man tumukoy, ni nagpahiwatig man sa pagkakabahabahagi nitong persona ng Dios. Ito’y dahil sa ang isa sa tatlong (3) tinutukoy na entidad diyan ay ang Anak, na tumutukoy ng ganap sa MGA Anak ng pagsunod. Hindi nga sila Dios sa likas na kalagayan, kundi mga tao na nakikipag-isa sa natatanging kalooban (kautusan) ng kaisaisang Dios.

Batay pa sa kasulatan ng mga tunay na banal - ang bautismo sa kamatayan (Rom 6:4), o yaong bautismo sa pangalan ni Jesucristo, na siya namang likhang doktrinang pangrelihiyon ng paganong si Saulo ng Tarsus (Pablo) at ang alagad niyang si Lucas ay walang alinlangan na napatunayang isang napakaliwanag na huwad na bautismo. Kailan man din ay hindi sinang-ayunan ng alin mang banal na kasulatan ang pagbabautismo ng sanggol.

Huwad na bautismo nga sa makatuwid, ang sinomang maggagawad nito gamit ang mga di-katotohanang pangalan. Gayon ding huwad ang bautismo, kung ang mga gawa niya (bautisador) ay may hayagang paglabag sa kautusan ng Dios. Ang taong iyan kung gayon ay hindi maituturing na Anak, sapagka’t siya’y may paghihimagsik sa kalooban ng kaisaisang Dios na nasa langit.

Paano ngang magiging husto ang bautismong iyan, kung ang gumagawa ay hindi Anak, at walang lubos na pagkabatid sa kabuoang pangalan ng Espiritu Santo (pitong Espiritu ng Dios)? 

Sa ganyang paraan ay maliwanag pa sa sikat ng araw na huwad ang bautismong iginawad niya sa sinoman. Dulo nito’y mga pangalan ng kasinungalingan at pandaraya ang matatatak sa noo ng taong binautismuhan niya. 

Kaawa-awa ang kaluluwa ng sinomang dumaan sa gayong karumaldumal na paraan ng bautismo. Sapagka’t siya’y ganap na aariin ng kasamaan na natatatak sa kaniyang noo.

Sa pagpapatuloy ay katotohanan na matuwid yapusin ng lahat, na ang winika ni Juan na bautismo sa Espiritu at Apoy ay walang iba, kundi ang bautismo sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. 


Sinoman sa makatuwid na hindi nakababatid ng tatlong (3) pangalan ay walang anomang pahintulot ng Dios na maggawad sa sinoman ng bumautismo sa tatlong (3) pangalan, ni sa tubig man.

Sinoman din na hindi tagapangaral ng dalisay na katuruang Cristo (evangelio ng kaharian) at ng wagas na Kautusang Cristo ay walang pahintulot ng Dios na bumautismo sa tubig. Gayon din naman ang sinomang hindi tumanggap ng katuruang Cristo (evangelio ng kaharian) at sa kanila na hindi nagsisitalima sa Kautusang Cristo ay hindi maaaring gawaran ng bautismo sa pagsisisi ng kasalanan


DALAWANG BAUTISMO

Pansinin nga nating mabuti ang isinasaad ni Juan Bautista sa sumusunod na talata,

MATEO 3 :
11  Sa katotohanan ay binabautismuhan ko KAYO sa tubig sa pagsisisi: datapuwa't ang dumarating sa hulihan ko ay lalong makapangyarihan kay sa akin, na hindi ako karapatdapat magdala ng kaniyang pangyapak: SIYA ang sa INYO'Y magbabautismo sa Espiritu Santo at apoy

Napakaliwanag sa talata, na ang kausap ni Juan sa mga sandaling iyon ay ang mga tao na nabautismuhan niya sa bautismo ng pagsisisi ng kasalanan, na siyang unang bautismo. At sinabi niya,


 "SIYA ang sa INYO'Y babautismo sa Espiritu Santo at apoy." 


Kung uunawaing mabuti ang talata ay hindi pa sapat sa tao ang bautismo sa pagsisisi ng kasalanan para matamo niya ang kahustuhan ng kabanalan sa kalupaan. Kundi sa kaganapan niyan ay kailangan pa rin silang suma-ilalim sa ikalawang bautismo, at iyan ang bautismo sa Espiritu Santo at apoy, na tumutukoy ng ganap sa bautismo sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, o yaong tinatawag na bautismo sa tatlong (3) pangalan.


Kung ang sinoman ay nagsasabi sa panahong ito, na siya ay apostol ng Cristo, o kaya naman ay isang pastor. Sa gayo'y maluwalhati niyang dinaanan ang bautismo sa tubig (pagsisisi ng kasalanan) at ang bautismo sa tatlong (3) Pangalan. Sa madaling salita ay huwad na apostol at huwad na pastor ang hindi suma ilalim sa nabanggit na dalawang bautismo. 

BAUTISMO (PUTONG) NG KAPATIRANG ESPIRITISTA
Saan man at kailan man ay hindi maaaring takasan ninoman ang katotohanang tumutukoy sa dalawang (2) bautismo ng tunay na kabanalan sa kalupaan. Sapagka't mula sa banal na kalakaran ng KATURUANG CRISTO ay ang dalawang rituwal pangkabanalan lamang na iyan, ang siyang matibay na pamantayan at tanging hudyat sa pagiging isang tunay na banal ng Dios.

Ito'y isang napakaliwang na gabay sa lahat, partikular sa kapatirang espiritista sa buong kapuluan at sa ibayong dagat. Ang kaugaliang bautismo sa espiritu at apoy ng kapatiran sa gayon ay hindi kailan man sinang-ayunan ng katotohanang inilalahad ng KATURUANG CRISTO.


Anak ng Dios nga lanag ang may ganap na kapamahalaan na bumautismo sa Espiritu at Apoy. Ano't sa kapatirang espiritista ay PROTECTOR (espiritu DAW ng mga namatay na 12 apostol, at ng iba pa) ang umano ay bumabautismo sa espiritu at apoy. Hindi baga ang kabilinbilinang utos nitong Espiritu ng Dios na nasa kalooban ni Jesus sa panahong iyon ay ito?


MAT 28 :
19  Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na SILA'Y INYONG BAUTISMUHAN SA PANGALAN NG AMA AT NG ANAK AT NG ESPIRITU SANTO.

Isang katotohanan na nagtutumibay, na ang nabanggit na bautismo ay hindi kailan man iniutos nitong Espiritu ng Dios sa kalooban ni Jesus na isagawa ng mga patay, kundi ng mga buhay lamang. Dahil sa katuwirang iyan na sumasa Dios ay maipasisiyang isang huwad na bautismo ang bautismo na iginagawad ng mga nagpapakilalang epiritu ng mga patay na apostol at iba pa.

Katotohanan na may pag-iwas ang kapatiran hinggil sa usaping iyan. Sapagka't sila, maging ang mga espiritu na di-umano ay lumulukob sa kanilang mga talaytayan ay hindi nalalaman ang kabuoang pangalan ng Espiritu Santo. Kaya minabuti na lang nilang sabihin na ang mga miyembro ay babautismuhan sa espiritu at apoy. Gaya ng napatotohanan na, ay isang maliwanag na panglilinlang sa mga kasapi ng kapatirang espiritista ang rituwal ng bautismo, o putong na nalalaman nilang gawin.

Kung ang dalawang (2) rituwal ng bautismo na sinasang-ayunang lubos ng KATURUANG CRISTO ay naging malinaw sa kapatirang espiritista ay hindi sana nila ipinako sa hidwang bautismo sa espiritu at apoy ang rituwal nila ng bautismo.

Ang napakaliwanag sa usaping ito ay hindi sila bumautismo sa tubig, na bautismo ng pagsisisi ng kasalanan, at lalong hindi bumautismo ang kapatiran sa tatlong (3) pangalan. Kundi sa espiritu at apoy na ginawaan lamang nila ng kakaiba at kakatuwang rituwal. Lubog sa tubig ang buong katawan ang siyang matuwid na bautismo sa tubig, at hindi sa pamamagitan lamang nitong pagwiwisik ng tubig. Saan man at kailan man ay hindi umayon sa dalawang (2) bautismo ng KATURUANG CRISTO (Evangalio ng Kaharian) ang kaugalin na iyan ng mga nagpapakilalang esperitista sa buong kapuluan ng bansa.

Ang BAUTISMO SA TUBIG ay ang panimulang PUTONG NG KABANALAN SA KALUPAAN. Samantalang ang BAUTISMO SA TATLONG (3) PANGALAN ay ang PUTONG NG KABUHAYANG WALANG HANGGAN ng kaisaisang kaluluwa ng mga tunay na banal ng Dios sa kalupaan. 


PAGTATAPOS
Sa pagtatapos ng ABOT-SABI na ito ng banal na Espiritu, hinggil sa kapatirang espiritista ay unawain nga nating mabuti ang sumusunod na mga katanungan na nangangailangan ng balidong kasagutan mula sa balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh).

1. Kung sinasabing si Jesus ang babautismo sa espiritu at apoy ay bakit hindi espiritu ni Jesus ang bumabautismo sa mga miyembro ng kapatiran, kundi ang mga di umano'y espiritu ng mga namatay na labindalawang (12) apostol, at ng espiritu ni Pablo at ilang karakter sa kaniyang mga sulat.

2. Kung sinasabi na ang espiritu ng mga namatay na labindalawang (12) apostol ang babautismo ay bakit bautismo, o putong sa espiritu at apoy ang iginagawad nila sa mga nagiging bagong kasapi ng kapatiran. Hindi baga ang mahigpit na utos sa kanila ay bautismuhan ang lahat ng mga bansa sa tatlong pangalan? (pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo).

3. Saan man at kailan man ba ay isinagawa ang nabangit na bautismo sa tatlong (3) pangalan ng isa man sa nagpapakilalang mga espiritu ng mga banal, na nagsilukob DAW sa sinomang talaytayan ng kapatirang espiritista? 

Tanggapin natin ang katotohanan na isa man sa tinatawag na espiritu ng mga patay na apostol, o ng mga banal ay walang gumawa ng gayon. Iyan ay dahil sa ang pag-akto ng sinomang talaytayan sa pangkalahatan ay bunga lamang ng isang malinaw na salagimsim ng mapaglaro niyang kaisipan. 

Hinggil diyan ay napakaliwanag na binibigyang diin ng kasulatan ang gaya nito, 


 Wika ni Juan Bautista
Wika ng Cristo
 MAT 3 :
11 ............  SIYA ang sa INYO'Y magbabautismo sa Espiritu Santo at apoy: 
 MAT 28 :
19  Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na SILA'Y INYONG BAUTISMUHAN SA PANGALAN NG AMA AT NG ANAK AT NG ESPIRITU SANTO.

Narito, at sa husto at payak na unawa ay ipinapakita ng Katuruang Cristo ang mga uri ng bautismo na ukol lamang sa mga anak ng pagsunod. Maliban sa uri ng bautismo na iginagawad ng mga Pauliniano na ukol lamang sa malaking kalipunan ng mga Gentil (pagano ng sanglibutan).


 Jesucristo
 Juan Bautista
 Labingdalawang Apostol
 Pablo
Bautismo sa Espiritu at Apoy 
 Bautismo sa Tubig 
 Bautismo sa Pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo
Bautismo sa kamatayan ni Jesus 

Samantalang si Juan ay bumabautismo sa ilog ng Jordan, ay gayon din naman itong si Jesus sa natatangi niyang kapanahunan ay bumautismo sa Espiritu at apoy. Ano pa't bago niya lisanin ang labingdalawang (12) apostol ay inutusan niya silang bumautismo sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.

Kaugnay niyan ay napakalinaw na ang balidong bautismo na kinikilalang lubos ng Katuruang Cristo ay ang kay Juan at ang sa labingdalawang (12) apostol. 

Ang kay Pablo (bautismo sa kamatayan) palibhasa'y walang anomang awtentikasyon mula sa Katuruang Cristo ay maipasisiyang isang huwad na bautismo. 

Gayon din naman ang bautismo sa pangalan ni Jesus ay isang huwad na bautismo, sapagka't ang mahigpit na kautusan ay ang "bautismo sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo." Na kung lilinawin pa ay hindi ang bautismo sa isang (1) pangalan lamang, kundi ang bautismo sa tatlong (3) pangalan.

Sa pagtatapos ng artikulong ito, nawa ay maging malinaw sa bawa't isa, na ang bautismo sa espiritu at apoy, na siyang tradisyon na rituwal ng bautismo ng kapatirang espiritista sa buong kapuluan at sa ibayong dagat, saan man at kailan man ay hindi kinilala, ni sinang-ayunan man nitong buong nilalaman ng EVANGELIO NG KAHARIAN (Katuruang Cristo).



Ito ang Katuruang Cristo ayon sa abot-sabi ng banal na Espiritu.

Magpatuloy nawa sa atin ang masaganang daloy ng katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungan, at buhay, ngayon, ngayon at magpakailan man. 

Hanggang sa muli, paalam.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento