Lunes, Oktubre 8, 2012

PANALANGIN SA MGA BANAL


Sa umiiral na kasalukuyang kapanahunan ay tila mahihirapan tayong bilangin ang mga tao na hindi lubos ang pagka-unawa sa umiiral na katuruang pangkabanalan. Iyan ay tanyag sa mga mambabasa ng banal na kasulatan (bibliya) sa tawag na, “Evangelio ng kaharian.” Ganap itong tumutukoy sa mga salita na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesucristo, na isinatinig at isinatitik ng labingdalawang (12) apostol. Sa bilang nila ay nagkapalad na mailahok ang aklat ni Mateo at Juan sa mga sinipi ng emperiong Roma na matatandang kasulatan, upang maging kapakipakinabang na bahagi nitong Bagong Tipan ng Bibliyang Romano.

Sino man nga’y mapapa-oo at mapapasang-ayon sa inihahaing banal na katuruan, kung ito ay kasusumpungan ng mga salita ng Dios na sinalita mismo ng sariling bibig ni Jesus. Dahil dito, sa marami ay katiwatiwala at inaaring katotohanan ang kaniyang mga pahayag. Kaya nga, alin mang katuruang pangkabanalan ay itinuturing na huwad, o kaya’y pilipit na aral - kapag ito’y kinakitaan ng anomang uri ng paghihimagsik, o pagsalungat sa mga nagtutumibay na salita ng kaniyang bibig.

Ngayon nga, batay at alinsunod sa mga katiwatiwalang katunayang biblikal (mga aral na binigkas ng bibig ni Jesus) ay mabibigyan ng kaukulang tanglaw ang usapin na ganap ang kinalaman sa “panalangin sa mga banal.” Gayon din naman na may magaganap na paglalahad sa ilang sitas ng lumang tipan - sa layuning pagtibayin ang mga salita (Evangelio ng kaharian) bilang pagsang-ayon ng katotohanan.
Kaugnay ng usaping ito ay isang hayag na kaalaman sa marami, kung bakit ang sinoma’y kinikilala ng Dios pagdating sa larangan ng tunay na kabanalan. Sa kadahilanan ngang may ilan na kinasusumpungan ng ganap na kasipagan at kasiglahan sa paggawa ng mabuti. Kung liliwanagin ay mga naging masunurin sa kalooban (mga kautusan) ng kaisaisang Dios na nasa langit. Nariyan ang patriyarkang si Abraham at ang ilan sa kaniyang mga anak. Gayon din ang mga propeta, mga hari, at ilang piling tauhan ng lubhang malayong kapanahunan. Marahil, mula sa Lumang Tipan ng Bibliya ay hindi na kailangang pang isa-isahin ang pangalan ng mga tao, na sa gayong kabanal na kalagayan ay mga naging tanyag na lingkod ng Dios.

Sa daigdig ay nasa mga lingkod ng Dios ang katuwiran at gawang makaDios, at dahil dito ay naging isang patakarang panglangit na dinggin ang kanilang hinaing at mga dalangin. Hindi lamang iyan – pinatototohanan din ng kasaysayan na nakikipagsalitaan sa kanila ang Espiritu ng Dios, at sa pamamagitan ng katawang pisikal nila ay naisasakatuparan ng nabanggit na Espiritu ang mga dakila niyang layuning sa mga yugto ng bawa’t panahong nagsisilipas. Gayon ma’y ituon natin ang usapan sa panalangin NG mga banal.

Sa kasagsagan ng ministeriyo nitong Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kabuoan ni Jesus (Masyak) ay nagsaad ang kaniyang bibig, at ang mga alagad ay tinuruan niyang bigkasin ang isang panalangin sa Ama nating nasa langit, na sinasabi,

MAT 6 :
6  Datapuwa't ikaw, pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at kung mailapat mo na ang iyong pinto, ay MANALANGIN KA SA IYONG AMA na nasa lihim, at ANG IYONG AMA na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.

7  At SA PANANALANGIN NINYO AY HUWAG NINYONG GAMITIN ANG WALANG KABULUHANG PAULITULIT, na gaya ng ginagawa ng mga Gentil: sapagka't iniisip nilang dahil sa kanilang maraming kasasalita ay didinggin sila.

8  Huwag nga kayong magsigaya sa kanila: sapagka't TALASTAS NG INYONG AMA ANG MGA BAGAY NA INYONG KINAKAILANGAN, BAGO NINYO HINGIN SA KANIYA.

Napakaliwanag ang turo ng bibig ni Jesus, na ang panalangin ay sa lihim at patungkol lamang sa Ama nating nasa langit, at hindi sa kanino man. Direkta sa Ama na hindi daraan kung kani-kanino pa ang panalangin. Ito ay hindi gaya ng walang kabuluhang paulit-ulit (rosario at orasyon) na dasal, sapagka’t isang katotohanan na nararapat tanggapin ng lahat, na talastas pala ng ating Ama na nasa langit ang mga bagay na ating kinakailangan, bago pa natin hingin sa kaniya.

Upang matigil ang gayong hindi kanais-nais na paraan ng pagdarasal nilang mga hindi nakakaunawa - ang lahat ay tinuruan ng bibig ni Jesus na manalangin sa Ama ng husto at wasto na sinasabi,

MAT 6:9  MAGSIDALANGIN NGA KAYO NG GANITO:
AMA NAMIN NA NASA LANGIT KA, SAMBAHIN NAWA ANG PANGALAN MO.

10  DUMATING NAWA ANG KAHARIAN MO. GAWIN NAWA ANG IYONG KALOOBAN, KUNG PAANO SA LANGIT, GAYON DIN NAMAN SA LUPA.

11  IBIGAY MO SA AMIN NGAYON ANG AMING KAKANIN SA ARAW-ARAW.
12  AT IPATAWAD MO SA AMIN ANG AMING MGA UTANG, GAYA NAMAN NAMIN NA NAGPATAWAD SA MGA MAY UTANG SA AMIN.

13  AT HUWAG MO KAMING IHATID SA TUKSO, KUNDI ILIGTAS MO KAMI SA MASAMA. SAPAGKA'T IYO ANG KAHARIAN, AT ANG KAPANGYARIHAN, AT ANG KALUWALHATIAN, MAGPAKAILAN MAN. SIYA NAWA.

Narito, at maliwanag na inilahad ng sariling bibig ni Jesus sa mga banal na alagad at sa ating lahat ang wasto, husto, at kaibig-ibig na panalangin sa Ama. Dito ay hindi kailan man binanggit na sa panalangin ninoman ay mangangailangan ng isang banal na maghahatid nito sa Dios. Kundi, ang napakaliwanag dito ay katotohanang nagtutumibay na ang sinoman sa atin ay tuwiran at diretsang makikipag-ugnayan sa Ama nating nasa langit. Hindi nga rin kailan man itinuro ng bibig ni Jesus, na pati siya, ni ang mga banal ay dasalan ng mga kapuwa niya tao. Saan man at kailan man ay hindi nga rin iniutos ng Dios na dasalan at sambahin ang mga anghel.

"Hindi na nga kailangang pa ang patalim at sangkalan, kung ang ating mga kamay ay kaya ng putol-putulin ang tinapay na nahahain sa dulang." Kahangalan na ngang maituturing, kung gagamit ka pa ng taong gaya mo, o ng mga patay bilang tagapamagitan, gayong malaya mo namang maisasaysay na walang anomang hadlang ang laman ng iyong puso at isipan sa kaisaisang Dios na siya nating Ama na nasa langit.

Oo, katotohanan na ang dasal ng mga banal mula sa ibabaw ng lupa ay gaya nga ng mga nasusulat, na sinasabi,

AWIT 35:
15 Ang mga mata ng Panginoon (YHVH) ay nakatitig sa mga matuwid, At ang kaniyang mga pakinig ay nakabukas sa kanilang daing.

JOB 36 :
7  Hindi niya inihihiwalay ang kaniyang mga mata sa matuwid:...

May diin at malinaw na ipinahayag ng Dios, na Siya ay nakakiling at nakatitig sa mga matutuwid na tao sa kalupaan. Ang Kaniyang pakinig ay bukas sa kanilang daing na mga panalangin. Gayon man, ang mga taong nangamatay na, banal man o hindi ay di-kailan man isinaad ng Ama sa alin mang banal na kasulatan, na sa kanila ay manalangin - ni gawin man silang tagapaghatid sa Dios ng dasal ng mga tao.

Si Abraham, Jacob, Moses, David, Solomon, mga propeta ng lumang tipan, at lubhang marami pang iba ay hindi maikakaila, na mga taong kinilala ng Dios sa larangan ng tunay na kabanalan at katuwiran. Sila nga’y pawang mga banal sa madaling salita. Ganoon ma’y hindi kailan man itinuro ng mga sagradong kasulatan ang pananalangin sa mga nangamatay na banal ng Dios na gaya nila. Bagkus, nang sila’y nangabubuhay pa sa kalupaan ay naging isang napakalaking tulong ang kanilang mga panalangin sa kanilang bayan at kapuwa, gaya ng nasusulat,

NEH 6: 
5  At nagsabi, AKING IDINADALANGIN SA IYO, Oh Panginoon, na Dios ng langit, na dakila at kakilakilabot na Dios, na nagiingat ng tipan at kaawaan sa nagsisiibig sa kaniya, at nangagiingat ng kaniyang mga utos:

6 Pakinggan ngayon ng iyong tainga, at idilat ang iyong mga mata, upang IYONG DINGGIN ANG DALANGIN NG IYONG LINGKOD, na aking IDINADALANGIN SA HARAP MO sa panahong ito, araw at gabi, dahil sa mga anak ni Israel na iyong mga lingkod, habang aking ipinahahayag ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel, na aming ipinagkasala laban sa iyo. Oo, ako at ang sangbahayan ng aking magulang ay nagkasala:

NEH 2 :
4  Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa akin, Ano ang iyong hinihiling? Sa gayo'y DUMALANGIN AKO SA DIOS NG LANGIT.

Itong si propeta Nehemiah bilang isa sa kinilalang banal sa kapanahunan niya sa lupa ay dumalangin sa Dios (Ama nating nasa langit), gayon ma’y tila walang katiyakan kung ang panalangin baga niyang iyon ay nakarating sa kaluwalhatian ng langit. Nguni’t sa apocalipsis ni Juan ay may binabanggit siya hinggil sa panalangin ng mga banal, na sinasabi,

REV 8 :
3  At dumating ang ibang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na isang gintong pangsuob ng kamangyan; at binigyan siya ng maraming kamangyan, upang idagdag ito sa mga PANALANGIN NG LAHAT NG MGA BANAL sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng luklukan.

4  At ang usok ng kamangyan, kalakip ng mga PANALANGIN NG MGA BANAL, ay napailanglang mula sa kamay ng anghel, sa harapan ng Dios.

Ito na nga ang katiyakan, na ang panalangin ng mga tunay na banal mula sa lupa tungo sa Dios at Ama ng langit ay naiipon sa ibabaw ng dambanang ginto. Samantalang ang mga anghel hawak ang mga gintong pangsuob ay nagsusunog ng kamangyan, at ang usok nito kalakip ng mga panalangin ng mga banal ay katotohanang nakararating na tila isang mamahaling pabango na humahalimuyak sa harapan ng Dios.

Tungkol dito ay sinalita ng bibig ni Santiago, na sinasabi,

SANT 5 :
16  Mangagpahayagan nga kayo sa isa't isa ng inyong mga kasalanan, at ipanalangin ng isa't isa ang iba, upang kayo'y magsigaling. Malaki ang nagagawa ng maningas na panalangin ng taong matuwid.

Ang ibig tukuyin ay magsipag-usap ang magkakapatid sa kabanalan at mula sa kanikaniyang bibig ay saysayin ang mga nangagawa nilang kasalanan. Kasunod nito’y ang nag-aalab na pananalangin ng bawa’t isa - ito na rin ang sinasabi na magsipanalangin ang mga tao nitong itinurong dasal (Ama Namin) ni Jesus sa mga alagad. Dito ay pinatototohanang malaki ang naitutulong ng maningas na panalangin ng isang matuwid na tao na nabubuhay pa. Ano pa’t dalangin ng isang tao ang napakaliwanag na tinutukoy dito – hindi kailan man nabanggit sa kasulatan, na ang mga nangamatay na banal ay makagagawa din ng gayon.

Ayon pa ay sinabi,

1JUAN 5 :
16  Kung makita ng sinoman na ang kaniyang KAPATID ay nagkakasala ng kasalanang hindi ikamamatay, ay IDALANGIN SIYA at bibigyan siya ng Dios ng buhay, na ukol sa mga nagkakasala nang hindi ikamamatay. May kasalanang ikamamatay: hindi tungkol dito ang sinasabi ko na idalangin niya.

Sa talatang ito ni Juan ay maliwanag niyang pinagsasabihan ang mga tao sa kaniyang paligid. Sinasabi niya na ang sinoman sa kanila na nasumpungan ang kanilang kapatid sa kabanalan na nagkakasala ng hindi ikamamatay ay IPANALANGIN SIYA - ang taong iyon aniya’y bibigyan ng Dios ng buhay na ukol sa mga nagkakasala na hindi ikamamatay. Ang isang napakaliwanag dito ay sa Ama lamang matuwid na ipatutungkol ng mga tao ang kanilang mga dasal at hindi sa kanino pa man. Sapagka’t nauna ng itinuro ng bibig ni Jesus, na ang lahat ay sa Ama lamang mag-aalay ng mga hinaing at panalangin. Ito ay sa pamamagitan nga ng dasal na, “AMA NAMIN.” 

Sa 1Juan 5:16 ay napakaliwanag na ang pananalanginan ay ang kaisaisang Dios, at ang sinasabing dasal sa talata ay hindi kailan man tumukoy sa kanino mang banal na namatay na, kundi sa Dios lamang ang kaisaisang pinatutungkulan nito. 

Datapuwa’t kapag ang isang banal ay namatay na ay lagot na nga rin ang bigkis sa kaniya ng tungkuling iyon. Sukat, upang kamtin na ang bunga ng pagiging isang banal ng Dios. Ito’y walang iba, kundi ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan sa kaluwalhatian ng Ama niyang nasa langit. Magkagayon ma’y hindi nangangahulugang siya’y maaari ng pag-ukulan ng dasal nilang mga nabubuhay sa kalupaan, at magsilbing tagapamagitan ng Dios sa mga tao. Gaano man sila kabanal ay sa kaisaisang Dios pa rin ang lahat ay matuwid na mag-uukol ng kani-kanilang hinaing at panalangin.

Laban sa katotohanang ito na binibigyang diin nitong Evangelio ng kaharian ay pilit minamatuwid ng mga paganong Romano, na ang kaluluwa ng nagsipanaw na mga banal (santo) ay buhay at may malay. Ang punto nilang iyan ay hindi tinututulan ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal. Datapuwa’t saan mang banal na kasulatan saliksikin – ang pananalangin sa mga pumanaw na banal ay hindi nabanggit, ni iniutos man na gawin at isabuhay ng mga tao. Sa makatuwid ay napakalinaw na pagpilipit sa katuwiran ng Dios ang gawang may ganap na kinalaman sa, “panalangin SA mga banal.”

Ang hindi makasariling panalangin (AMA NAMIN) ay nararapat matutunan ng mga tao, na ang layunin ay idalangin sa kaisaisang Dios ang kaniyang kapuwa pati na rin ang kaniyang sarili. Kaya nga matuwid na masiglang isabuhay at tindigang matibay ng sinoman ang mga sinalita ng bibig ni Jesus hinggil sa usapin na may ganap na kinalaman dito. Na sinasabi,

“Datapuwa't ikaw, pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at kung mailapat mo na ang iyong pinto, ay MANALANGIN KA SA IYONG AMA na nasa lihim, at ANG IYONG AMA na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka. At SA PANANALANGIN NINYO AY HUWAG NINYONG GAMITIN ANG WALANG KABULUHANG PAULITULIT, na gaya ng ginagawa ng mga Gentil: sapagka't iniisip nilang dahil sa kanilang maraming kasasalita ay didinggin sila. Huwag nga kayong magsigaya sa kanila: sapagka't TALASTAS NG INYONG AMA ANG MGA BAGAY NA INYONG KINAKAILANGAN, BAGO NINYO HINGIN SA KANIYA.”

MAGSIDALANGIN NGA KAYO NG GANITO:
AMA NAMIN NA NASA LANGIT KA, SAMBAHIN NAWA ANG PANGALAN MO. DUMATING NAWA ANG KAHARIAN MO. GAWIN NAWA ANG IYONG KALOOBAN, KUNG PAANO SA LANGIT, GAYON DIN NAMAN SA LUPA. IBIGAY MO SA AMIN NGAYON ANG AMING KAKANIN SA ARAW-ARAW. AT IPATAWAD MO SA AMIN ANG AMING MGA UTANG, GAYA NAMAN NAMIN NA NAGPATAWAD SA MGA MAY UTANG SA AMIN. AT HUWAG MO KAMING IHATID SA TUKSO, KUNDI ILIGTAS MO KAMI SA MASAMA. SAPAGKA'T IYO ANG KAHARIAN, AT ANG KAPANGYARIHAN, AT ANG KALUWALHATIAN, MAGPAKAILAN MAN. SIYA NAWA.”

Iyan ang napakaliwanag na panuntunan sa panalangin ng mga banal ng Dios at maituturing na isang katuwiran sa atin, kung tutularan natin sila na mga banal sa masiglang gawain nilang iyan. Gayahin nga natin ang kaugalian ng mga banal kung papaano nila idinadalangin sa Dios ang hinaing ng kanilang sarili, ng kanilang kapuwa, at ng kanilang bayan.    

Sa makatuwid ay walang alinlangan na ang panalangin sa mga namatay na banal - sa paningin ng kaisaisang Dios na nasa langit ay isang karumaldumal at kasuklamsuklam na kaugalian ng sinomang nabubuhay sa kalupaan. Na sinasabi,

DEU 18 :
10  Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway,
11  O enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa mga masamang espiritu, o mahiko, o SUMASANGGUNI SA MGA PATAY.
12  Sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon: at dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo.

Ang mga santo at santa na dinadasalan ng mga paganong Romano ay nangamatay ng lahat, at ang di-kanais nais na kaugaliang ito ay napakaliwanag na hayagang pakikipag-ugnayan sa mga patay. Kaya ang karumaldumal na nabanggit ay ganap ngang sinasakop nitong kautusang nilalaman ng Deut 18:10-12. Kasuklamsuklam nga sa paningin ng kaisaisang Dios ang gawaing iyon – saan man at kailan man - ang ganyang uri ng kaugalian ay hindi inari ng tunay na kabanalan.

Lalo na ngang karumaldumal sa paningin ng Ama nating nasa langit na dasalan at paglingkuran ang mga kinikilalang santo at santa (patay man o buhay) ng mga paganong Romano, dahil sa ang mga iyan ay hindi maikakailang pamunuan lamang ng kanilang simbahan ang naghalal at hindi ang Dios. Sila nga'y mga huwad na santo (satosantohan) lamang, gaya din naman ng mga huwad na Dios (diosdiosan) na may kamangmangan nilang pinagpipitaganan, niluluhuran, sinasamba at pinaglilingkuran.

Datapuwa’t ang panalangin ng mga tunay na banal na nabubuhay pa sa daigdig ay maluwalhating naghahayag ng pag-ibig sa Dios at pag-ibig sa kapuwa. Ihalintulad nga natin ang ating mga gawain sa isinasabuhay nila na mga katuwiran ng buhay, nang tayo nama’y mabahiran ng kabanalan nilang taglay kahit munti man.

Ito ang evangelio ng kaharian, na naglulunsad ng sinoman sa dako ng tunay na kabanalan. Anomang katuruan sa makatuwid na hindi aayon, o hayagang maghihimagsik sa kaloobang ito ng Dios ay walang pag-aalinlangang maituturing at maipasisiyang mga huwad na aral pangkabanalan. Talikuran at layuan nyo nga ang mga gayong katuruan na hindi sinasang-ayunan nitong evangelo ng kaharian na ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo. Magsipag-ingat nga kayo sa mga nangaglipanang huwad at magdarayang tagapangaral ng salita. 

Hanggang sa muli, paalam.




1 komento: