Linggo, Setyembre 2, 2012

CRISTIANO NG DIOS


Jesus preaching the Gospel of the Kingdom
Ang usapin bang tumutukoy dito ay kailangan pang pag-aksayahan ng ating panahon, gayong talastas ng marami na ang katawagang Cristiano ay inaari ng hindi kakaunting samahang pangrelihiyon sa apat (4) na direksiyon ng ating mundo. Gayon pa man ay ilan kaya sa lubhang karamihan ang nakaka-unawa sa tunay na kahulugan ng salitang iyon, at gaano karami ang bilang ng mga may ganap na pagkabatid sa tunay na aral at katuruang nilalaman ng Cristianismo?

Mashiyach sa wikang Hebreo ang katagang Cristo. Christ o Messiah sa Ingles, Christus sa Italya, Khristos sa Griego, at Cristo sa ating wika. Ang nag-iisang ibig sabihin nito ay “pinahiran,” at katagang nagpapahayag ng banal na kalagayang lubos na kinikilala ng Dios. Mabibigyang diin na ito’y isang katawagan na naglalahad ng pagiging masunurin ng isang tao sa mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan ng kaisaisa nating Ama na nasa langit.

Ang sinoman sa makatuwid na masigla at bukal sa puso na nagsasabuhay ng kabanalan na masusumpungan sa isang itinuturing na Cristo ay maaaring matawag na isang Cristiano. Ginagawa niya ang mga bagay na isinasabuhay ng nagtataglay ng gayong natatanging sagradong kalagayan. Ang pagkilala sa estado niyang iyan ay naaayon sa mga katunayan na binibigyang diin ng sina-unang (Masoteric Texts) balumbon ng mga banal na kasulatan.
Batay sa nabanggit na lubhang matandang manuskrito ay paano nga kaya nagtutumibay sa sinoman ang banal na kalagayang ito - matapos na siya ay gawaran nitong “pagpapahid ng langis.” Halimbawa ay itong si David, bago niya halinhan ang panginoon niyang si Saul sa pagiging hari ay malinaw ang mga salita na binibigyang diin ng kasulatan, na sinasabi,


ANG KATURUANG CRISTO HINGGIL SA “PINAHIRAN”
(Ang Pinahiran [Cristo] ay pinamamahayan at pinaghaharian ng Espiritu ng Dios ang kaniyang kalooban)

Samuel anoints oil to David
1SA 16 :
13  Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sungay ng langis, at PINAHIRAN siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid: at ANG ESPIRITU NG PANGINOON AY MAKAPANGYARIHANG SUMA KAY DAVID MULA SA ARAW NA YAON HANGGANG SA HAHARAPIN. Gayon bumangon si Samuel at napasa Rama.

PSA 89 :
20  Aking nasumpungan si David na aking lingkod; AKING PINAHIRAN SIYA NG AKING BANAL NA LANGIS:

Ito ngang si David sa utos ng Panginoong Dios ay pinahiran ng propetang si Samuel ng langis sa gitna ng kaniyang mga kapatid, at simula sa mga sandaling iyon ay makapangyarihang suma kay David ang Espiritu ng Panginoong Dios. Sa makatuwid ay napakaliwanag na ang sinomang pinahiran ng Panginoong Dios ay kaagad na tataglayin sa kaniyang kalooban at kabuoan ang Espiritu ng Dios.

Bagaman sa 1Sam16:13 ay si Samuel ang nagpahid ng langis kay David ay mapapag-unawa sa Awit 89:20, na ang Panginoong Dios ang siyang umaako ng pagpapahid kay David, palibhasa’y maliwanag din na ang Espiritu ng Dios ay namamahay at naghahari sa kabuoan ng isang propeta ng Dios. Siya ay pinahiran din naman gaya ng propetang si Isaias, na sinasabi,

ISA 61 :
1  ANG ESPIRITU NG PANGINOONG DIOS AY SUMASA AKIN; SAPAGKA'T PINAHIRAN AKO NG PANGINOON upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo; kaniyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo;

Kay Moses ay sinabi ng Panginoong Dios,

EXO 4 :
12  Ngayon nga’y yumaon ka, at AKO’Y SASAIYONG BIBIG, AT ITUTURO KO SA IYO KUNG ANO ANG IYONG SASALITAIN.

Kay propeta Jeremias, ay sinalita ng Panginoong Dios,

JER 1 :
Nang magkagayo’y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, INILALAGAY KO ANG AKING MGA SALITA SA IYONG BIBIG.

Gayon din kay propeta Ezekiel ay sinabi,

Eze 2 :
At sinabi niya sa akin, ANAK NG TAO, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako’y makikipagsalitaan sa iyo.

2 At ang Espiritu ay suma akin nang siya’y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at aking narinig siya na nagsasalita sa akin.

Sa tinatawag na bagong tipan ng Bibliya, gaya rin naman ng mga “pinahiran” sa mga aklat ng Lumang tipan ay natamo nitong si Jesus ang Espiritu ng Dios matapos na siya ay dumaan sa bautismo ng pagsisisi ng mga kasalanan sa pamamagitan ng tubig.


Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay makapangyarihang suma kay Jesus mula sa araw na iyon

Holy Spirit possession
MAT 3 :
16  At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at NAKITA NIYA ANG ESPIRITU NG DIOS NA BUMABABANG TULAD SA ISANG KALAPATI, at lumalapag sa kaniya;
17  At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, ITO ANG SINISINTA KONG ANAK, NA SIYA KONG LUBOS NA KINALULUGDAN.

Maliwanag nga rin na si Jesus ay binabaan nitong Espiritu ng Dios matapos ang paraang iyon ni Juan ng “pagpapahid.” Kasunod niyaon ay isang tinig mula sa mga langit ang nagwika, “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.” Gaya rin naman ng pahayag ng Panginoong Dios sa mga nauna Niyang nilapatan ng banal na kalagayang Cristo sa Lumang Tipan ng Bibliya ay Kaniyang winika,

2SA 7 :
14  AKO'Y MAGIGING KANIYANG AMA, at SIYA'Y MAGIGING AKING ANAK: kung siya'y gumawa ng kasamaan, aking sasawayin siya ng pamalo ng mga tao, at ng panghampas ng mga anak ng mga tao;

1CH 17 :
13  AKO'Y MAGIGING KANIYANG AMA, at SIYA'Y MAGIGING AKING ANAK: at hindi ko na aalisin ang aking kaawaan sa kaniya, gaya ng aking pagkakuha roon sa nauna sa iyo:

Narito, at napakaliwanag ang mga “pinahiran (Cristo)” ng Lumang Tipan, tungkol sa usaping ito ay walang ipinagka-iba sa Cristo ng Bagong Tipan. Sila ay pawang mga “pinahiran” at nagtaglay sa kani-kanilang kalooban at kabuoan nitong Espiritu ng Dios. Na nagsisipagsabi,

JER 1 :
Nang magkagayo’y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, INILALAGAY KO ANG AKING MGA SALITA SA IYONG BIBIG.

Eze 2 :
At sinabi niya sa akin, ANAK NG TAO, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako’y makikipagsalitaan sa iyo.

2 At ang Espiritu ay suma akin nang siya’y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at aking narinig siya na nagsasalita sa akin.

Gayon din naman sa natatanging kapanahunan ni Jesucristo ay kaniyang binigyang diin, na sinasabi,

JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. 

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglubitan. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Juan 15:15, 17:8)

Maliwanag na sa bibig ng mga nabanggit na lingkod ng Dios (pinahiran) ay lumalabas ang tinig na nagpapayahag nitong mga salita ng Dios. Hindi nga sila ang nangagsasalita sa kanilang sarili, kundi ang Espiritu ng Dios, na sa kabuoan at kalooban nila ay namamahay at naghahari. Gaya ni Jesus ay gayon nga ring hindi siya ang nagsasalita, kundi ang nabanggit na Espiritu ang gumagawa ng kaniyang mga gawa at nagsasalita ng kaniyang mga salita.

Yamang ang mga kataga na iniluluwal ng bibig nilang mga pinahiran (Cristo) ay pawang mga salita ng Dios ay matuwid kung gayon na isabuhay ng lahat ang mga sinalita nilang aral pangkabanalan (evangelio ng kaharian). Isang tunay at lihitimong Cristiano kung gayon ang sinomang nagsasabuhay ng katuruang Cristo, maging ito ma’y mula sa Luma, o sa Bagong Tipan man ng Bibliya. Dahil dito, sa katuruan ng makabagong Cristiano ay katuwirang maituturing na ang nararapat tindigang matibay ng sinoman ay ang mga salita ng Dios (evangelio ng kaharian) na iniluwal ng sariling bibig ni Jesus.

Hindi nangangahulugan na ang mga katuruang Cristiano ng Lumang Tipan ay niluma na nitong mga aral ng Bagong Tipan. Hindi nga ang gayon, sapagka’t wala namang ipinagkaiba ang sa una at sa makabagong panahong ito.  Ang ibig sabihin ay walang naging anomang kaibahan ang katuruang pangkabanalan noong panahon nila Abraham, Moses, Israel, David, sa mga aral pangkabanalan na nangagsilabas mula sa sariling bibig ni Jesucristo.

Mapaluma o mapabago man ay walang pagkakaiba ang nagtutumibay na salita ng Dios, na nangagsilabas mula sa bibig ng mga “pinahiran (Cristo).” Sapagka’t sa iba’t ibang kapanahunan na nilakaran ng bawa’t isa sa kanila ay iisang Espiritu ng Dios lamang ang siyang nagsasaysay ng mga katuruang pangkabanalan na nauukol sa lahat ng tao sa kalupaan. Tungkol dito ay madiing sinalita ng Panginoong Dios,

ISA 44 :
6 ..... AKO ANG UNA, (Alpha) at AKO ANG HULI;(Omega) at LIBAN SA AKIN AY WALANG DIOS.

Kaugnay nito’y anu-ano pa nga ba ang mga katuruang Cristiano, na mismo ay sinalita ng sariling bibig ni Jesus? Gaya nga ng maliwanag na nasusulat ay sinabi,


ANG EVANGELIO NG KAHARIAN

MAT 4 :
23  At nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at IPINANGANGARAL ANG EVANGELIO NG KAHARIAN, at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.

Dito ay napakaliwanag na ang Evangelio ng kaharian ang tanging katuruan na ipanangaral ng bibig ni Jesus, at bukod pa’y nagpagaling ang Espiritu ng Dios na nasa kaniya ng sari-saring sakit na nasa mga tao.

The Gospel of John
Ano ang evangelio ng kaharian? Sa simpleng sagot - Ito ay ang mga payak na bagay pangkabanalan na sinalita ng sariling bibig ng Cristo. Wala na ngang iba pang kahulugan ang mga salitang ito, kundi iyan na nga lamang. Kaya totoong Cristiano na maituturing ang sinoman, kapag ganap niyang inari at matibay niyang pinanghawakan bilang katotohanan ang mga salita ng Dios na iniluwal ng sariling bibig ng kinikilala niyang Cristo.

Kung gayo’y panghawakan nga nating matibay ang mga sumusunod na salita na hindi miminsang sinambit ng bibig ni Jesucristo.

Mula sa kasagsagan ng natatangi niyang kapanahunan ay:
  1. 78 ulit niyang tinawag na ANAK NG TAO ang kaniyang sarili.
  2. 7 ulit niyang tinawag ang Ama, na “AKING AMA NA NASA LANGIT.”
  3. 13 ulit niyang sinabi, na ang Ama ay, “INYONG AMA NA NASA LANGIT.”
  4. Tanging sa Juan 10:36 lamang niya binigkas na siya ay “ANAK NG DIOS.” Gayon ma’y,
  5. 9 na ulit niyang sinalita sa evangelio ni Mateo, na tayo ay pawang mga, “ANAK NG DIOS” at,
  6. 10 ulit niyang binanggit sa evangelio ni Juan, na tayo ay pawang mga, “ANAK NG DIOS.”
Kaugnay ng hindi maikakailang mga sinalita ng bibig ni Jesus na inilahad namin sa itaas ay hindi na nga magiging katakataka pa sa atin, kung bigyan man niya ng diin ang mga nilalamang salita ng dalawang (2) sumusunod na talata, na sinasabi,

JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Hindi nga kakaunting ulit sinalita ng bibig ni Jesus na siya ay anak ng tao, at dahil dito ay maliwanag ngang siya’y isang tao na totoo. Magkagayon ma’y tinawag niyang Ama niyang nasa langit ang Ama. Nguni’t maliwanag din naman niyang sinabi, na ang nabanggit na Ama ay siya rin naman nating Ama na nasa langit.

Sa pagpapatuloy ay minsan lamang niyang tinawag ang kaniyang sarili na “anak ng Dios.”   Ano pa’t sa evangelio ni Mateo at Juan ay maraming ulit niya tayong tinawag na mga “anak ng Dios.” Bagaman miminsan lamang niyang ipinahayag ang pagiging “anak ng Dios,” ito’y hindi nangangahulugan na “Dios Anak” ang ibig niyang ipatungkol sa kaniya sarili. Sapagka’t kung magkakagayo’y matuwid na nga ring sabihin, na ako, ikaw at tayong lahat ay mga “Dios Anak” na rin.

Sa dinamidami ng patotoo ng bibig ni Jesus bilang tao sa likas niyang kalagayan, minsan ma’y hindi niya ipinahayag na siya ay Dios, ni nagsabi man na siya ay “Dios Anak.”  Kung siya nga’y Dios na totoo, disin sana’y masigasig na niyang inilahad na siya’y gayon nga, gaya ng masiglang pagpapahayag ng ating Ama sa kaniyang pagka Dios, na sinasabi,


KATURUANG CRISTO HINGGIL SA PAGIGING KAISAISA NG AMA SA KALAGAYANG DIOS

There is but one God
OSEA 12 :
4 Gayon ma’y AKO ANG PANGINOON MONG DIOS, mula sa lupain ng Egipto; at WALA KANG MAKIKILALANG DIOS KUNDI AKO, at LIBAN SA AKIN AY WALANG TAGAPAGLIGTAS.

ISA 43 :
11  Ako, sa makatuwid baga’y ako, ang Panginoon; at LIBAN SA AKIN AY WALANG TAGAPAGLIGTAS.

ISA 44 :
GANITO ANG SABI NG PANGINOON, ng Hari ng Israel, at ng kaniyang MANUNUBOS, na Panginoon ng mga Hukbo, AKO ANG UNA, (alpha) at AKO ANG HULI; (omega) at LIBAN SA AKIN AY WALANG DIOS.

ISA 45 :
21 .... WALANG DIOS LIBAN SA AKIN, isang GANAP NA DIOS at TAGAPAGLIGTAS; WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

22  Kayo’y magsitingin sa akin at kayo’y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka’t AKO’Y DIOS, at WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

Sa ilang talata sa itaas ay isang katotohanang nagtutumibay na sa kalagayang Dios ay napakaliwanag ngang kaisaisa lamang ang umiiral na persona. Sapagka’t sa kaisaisang kalagayang iyon ay madiin niyang isinaad na siya’y walang kasamang sinoman, kahi man ibang Dios na natutulad sa kaniya. Ano pa’t ang napakaliwang dito ay sinabi niyang Siya ang una (alpha) at ang huli (omega), at liban sa kaniyang persona ay walang ng iba pang persona sa kaisaisang kalagayan niyang iyon. Kung lilinawin pa ay “nag-iisang persona lamang ang ating Ama sa kalagayan ng kaisaisang Dios.”

Hindi nga kailan man nangyari, na itong si Jesus ay nagpahayag ng kakaiba at kakatuwang kalagayan na inilapat niya sa kaniyang sarili. Kundi ang katotohanan lamang tungkol sa kaniyang likas na kalagayan ang paulit-ulit na binigkas ng kaniyang bibig. Na siya ay anak ng tao, at tao na totoo. Gayong nga ring siya’y anak ng Dios gaya rin naman nating lahat na mga anak ng  Dios. Ang Ama niya ay Ama rin natin, at ang Dios niya ay Dios din naman natin.

Kaya ang sinomang nagsasabing siya’y Cristiano ay may galak sa puso niyang aariing katotohanan ang mga salita, na masiglang iniluwal ng sariling bibig nitong kinikilala niyang Cristo. Datapuwa’t siya’y maipasisiya na isang huwad na Cristiano kung hindi niya ginagawa ang gayon, gaya ng maliwanag na nasusulat,

2 JUAN 1 :
ANG SINOMANG NAGPAPATULOY AT HINDI NANANAHAN SA ARAL NI CRISTO, AY HINDI KINAROROONAN NG DIOS: ang nananahan sa aral, ay kinaroroonan ng Ama at gayon din ng Anak.

Kung sa inisyal na aral pa nga lamang ng bibig ni Jesucristo hinggil sa likas niyang kalagayan ay hindi na makakayang tanggapin ng mga tao, gayon may nangagsasabing sila’y mga Cristiano. Sila sa madaling salita ay totong mga huwad na Cristiano. Sapagka’t malinaw na binibigyang diin ng kasulatan, na ang sinomang umano’y nagpapatuloy sa larangan ng kabanalan, at hindi nananahan sa aral nitong bibig ng Cristo ay maliwanag pa nga sa sikat ng araw na hindi kinaroroonan ng Dios. Ang sinoman ngang hindi kinaroroonan ng Dios ay mga suwail at mapanghimasik sa kaniyang kalooban. Ito ang panimulang aral pangkabanalan na iniluwal ng sariling bibig ng Cristo.


ANG KATURUANG CRISTO HINGGIL SA KAUTUSAN

The Ten Commandments
Tungkol sa kautusan ay magiliw na ipinhayag ng sariling bibig ni Jesus ang mga sumusunod na paliwanag,

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

Kung uunawaing mabuti at pag-uukulan ng masusing pag-aanalisa ang dalawang (2) talata sa itaas ay hindi mahirap makita, na ang lahat ay nasasalalay sa mga gawa ng kautusan. Sapagka’t may kahigpitang minatuwid ni Jesus, na siya ay sumusunod sa mga kautusan ng kaisaisang Dios na nasa langit. Tungkol dito, gaya nga ng nasusulat ay kaniyang winika,

JUAN 14 :
31  Datapuwa’t upang maalaman ng sanglibutan na ako’y umiibig sa Ama, at ayon sa KAUTUSANG IBINIGAY SA AKIN NG AMA, AY GAYON DIN ANG AKING GINAGAWA. Magsitindig kayo, magsialis tayo rito.

Ito ngang si Jesus ay ipinakita ang wagas niyang pag-ibig sa ating Ama na nasa langit, at ito’y sa pamamagitan ng masigasig at malugod niyang pagtalima sa mga umiiral na kautusan. Kay Jesus ay hindi kailan man ito niluma ng panahon, bagkus ay pinatotohanan ng kaniyang bibig na kahit tuldok, ni kudlit man, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan. Maliwanag niyang itinuturo sa paksang ito, na lubhang napakahalaga sa ikabubuti ng bawa’t tao sa kalupaan ang gawa ng kautusan. Sapagka’t tungkol sa buti na hatid ng kautusan ay kaniyang sinabi,

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Ito ang napakaliwanag na tanawin, at nagsasaad ng isang tiyak na mabuting kahihinatnan ng sinomang tatalima sa kautusan. Ang gayon pala’y naghahatid ng kaluluwa sa buhay na walang hanggan. Iyan ang katotohanang sinalita ng bibig ni Jesus (katuruang Cristo), ayon sa sinabi ng Ama tungkol sa usaping ito.


ANG KATURUANG CRISTO HINGGIL SA PANANAMPALATAYA

Laging may dalawang (2) pangkat, na noong una at hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na nagtatalo. Ito ay tungkol sa kung alin ang makapagbibigay sa tao ng ganap na kaluwalhatian – ang pananamapalataya baga alinsunod sa mga gawa ng kautusan, o ang pananamapalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.

Heto, at kung ang katuruang Cristo ang pagbabatayan ng matuwid hinggil sa usaping ito ay ganito ang malalahad na katotohanan, gaya nga ng nasusulat at winika,

MATEO 23 :
23  At inyong pinababayaang di ginagawa ang LALONG MAHAHALAGANG BAGAY NG KAUTUSAN, Na dili iba’t  ang Katarungan, at ang Pagkahabag, at ang PANANAMPALATAYA: datapuwa’t dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pinababayaang di ginagawa yaong iba.

Sa talatang nabanggit sa itaas ay maliwanag nga na sinalita ng bibig ni Jesus, na ang kautusan ay may tatlong (3) mahahalagang bagay – Ang Katarungan, Pagkahabag, at ang Pananampalataya. Kung lilinawin ang pahayag ay lalabas na isang uri ng kabuoan ang kautusan, at siya’y binubuo ng tatlong (3) bahagi. Bilang isang kabuoan ay hindi maaari, na ang isa man sa tatlo (3) ay mahiwalay, sapagka’t mawawala ang lakas ng kabuoan na gumanap sa natatangi niyang layunin.

Gaya ng katawang pisikal na binubuo ng hindi kakaunting bahagi, at gaya ng kamay ay hindi kailangang mahiwalay sa kaniyang kabuoan. Sapagka’t wala itong kakayanan na mabuhay sa kaniyang sarili, kung ito’y aalisin sa kinabibilangan niyang pangkat ng mga parte ng katawan. Kaya ito’y mamamatay at mawawalan ng anomang kabuluhan sa kaniyang sarili. Ang kabuoan naman dahil sa nagkulang na ng isang sangkap ay hindi na gaya noong una na husto ang mga bahagi. Kahi man buhay ang katawan ay hindi na nga magagampanan nito ng may kahustuhan ang anoman niyang gagawin.

Gayon nga rin ang kautusan, sa kahustuhan ng kaniyang mga bahagi ay gumaganap na may kalakasan sa itinalaga sa kaniyang layunin. Datapuwa’t kung ang isa sa kabuoang iyon, gaya ng pananampalataya ay aalisin – ito nga ay mamamatay. Kaya maliwanag na patay ang pananampalataya ng sinomang nananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan. Datapuwa’t ang pananampalataya ay kakikitaan ng masiglang buhay, kung ito’y hindi iwawalay sa kabuoan (kautusan) niyang kinabibilangan. Gaya ng nasusulat,

SANT 2 :
17  Gayon din naman ANG PANANAMPALATAYA NA WALANG MGA GAWA, AY PATAY SA KANIYANG SARILI.

SANT 2 :
26  Sapagka't kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, ay GAYON DIN ANG PANANAMPALATAYA NA WALANG MGA GAWA AY PATAY.

Maliwanag ang aral ng Cristianong si Santiago, at ito’y walang alinlangang maituturing na katotohanan. Sukat upang ang sinoman ay magpunyaging gumanap sa kautusan, gaya naman ng Cristo (Jesus) na masigla at may galak sa puso na gumanap sa kautusan, na sinasabi,

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

JUAN 14 :
31  Datapuwa’t upang maalaman ng sanglibutan na ako’y umiibig sa Ama, at ayon sa KAUTUSANG IBINIGAY SA AKIN NG AMA, AY GAYON DIN ANG AKING GINAGAWA. Magsitindig kayo, magsialis tayo rito.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Sa panahong iyon ay hindi nga naparoon ang Cristong si Jesus upang sirain ang kautusan, ni pawalang kabuluhan man ang mga salita ng Dios na binigkas at isinatitik ng mga propeta. Siya nga’y naparoon hindi upang sirain, kundi upang ang mga yaon ay ganapin. Ano pa’t maliwanag din naman niyang sinabi, na ayon sa kautusan ay iyon ang kaniyang ginagawa. Pinaiingatan at ipinasusunod nga niya sa lahat ang mga utos ng Dios, sapagka’t nalalaman niya na iyon ay makapaghahatid kaninoman sa buhay na walang hanggan. Alinsunod sa sinabi ng Espiritu ng Dios na nasa kaniyang kalooban ay sinalita ni Jesus ang mga bagay na isinaad sa istansang ito.

Ginanap ni Jesus ang kautusan, lakip ang makatarungan niyang pagkahabag sa kaniyang kapuwa, at pananampalataya sa kaisaisang Dios na nasa langit. Ito ang pananampalataya alinsunod sa mga gawa ng kautusan. Ito rin ang katuruang Cristo na nararapat isabuhay ng lahat. Ano pa’t ang mga aral na iyan ng kaharian (evangelio ng kaharian) ang masigasig na tinatalima at isinasabuhay ng mga lihitimong tunay na Cristiano.

Ang ilan nga sa mga katuruang Cristo ay gaya ng mga sumusunod:
  1. Ang titulong מָשִׁיחַ Mashiyach (pinahiran), kung lilinawin ay Cristo (Mesias) - sa Lumang Tipan ng Bibliya, ito ay tumutukoy lamang sa tao.
  2. Ang titulong מָשִׁיחַ Mashiyach (pinahiran), kung lilinawin ay Cristo (Mesias) - sa Bagong tipan ng Bibliya, ito ay tumutukoy lamang sa tao.
  3. Si Jesus ng Nazaret ay isang tao na lumalapat sa kalagayan ng Cristo (pinahiran).
  4. Ang kalooban at kabuoan ng Cristo ay pinamamahayan at pinaghaharian ng Espiritu ng Dios. Hindi siya ang nagsasalita at ang gumagawa, kundi ang nabanggit na Espiritu.
  5. Ang evangelio ng kaharian ay ang mga banal na katuruan na mismo ay sinalita ng sariling bibig ng Cristo.
  6. Iisa lamang ang Dios at sa kalagayang iyon ay iisa din naman ang makapangyarihang umiiral na persona – bukod sa isa ay wala ng iba. Iisang Dios sa kaisaisang persona.
  7. Katuwiran sa sinoman na tumupad ng kautusan ng kaisaisang Ama nating nasa langit.
  8. Ang pananampalataya sa iisang Dios ay isasabuhay alinsunod sa mga gawa ng kautusan.
Sa itaas - ang kumakatawang mga aral sa bilang na isa (1) hanggang walo (8) ay pawang mga aral pangkabanalan (evangelio ng kaharian) na mismo ay itinuro ng sariling bibig ng Cristo, at ang mga katotohanang nahayag ay hindi maaaring ikaila, ni itatuwa man ng kahit sino. Kaya naman ang mga aral na iyan ang may sigasig at malugod na isinasabuhay ng mga tunay na Cristiano ng Dios.

Huwad na Cristianismo sa makatuwid ang ano mang katuruan na lilihis, o maghihimagsik man sa katuruang Cristo (evangelio ng kaharian), na sa inyo ay tinanglawan namin ng maliwanag na ilaw. Huwad na mangangaral ng Cristianismo ang sinomang kasusumpungan ng mga aral (evangelio ng di pagutuli) na hindi umaayon sa mga salita ng bibig ng Cristo. Huwad na Cristiano sa madaling salita ang sinomang naninidigan sa ibang aral (ibang evangelio) na hindi kailan man itinuro ng Cristo. Kung gayo’y Cristiano nga lamang ang kaisaisang maaaring itawag sa mga tao na gumaganap sa turo ng Cristo.

Kahi man mga ibang aral na hindi kailan man sinang-ayunan ng katuruang Cristo ang isinasabuhay ng marami sa ngayon –  nagpapakilala pa rin sila bilang mga Cristiano. Hindi kaya nangahihiya sa kanilang sarili at sa kaisaisang Dios ang mga tao na nagsisigawa ng gayong karumaldumal? Ano nga ba ang pinakatugmang maaaring itawag sa marami na hindi inaaring katotohanan ang mga katuruang Cristo.

Ngayon ngang naipihit na namin ang inyong paningin sa dako na may lubhang malinaw na rayos ng liwanag - kung saa’y pinagkakatipunan ng mga totoong Cristiano ng Dios. Halina na nga kayo, at mula sa lunan na iyan ng putikan na inyong kinalalagyan ay bayaan ninyong diya’y iahon namin kayo at mangagpakalinis sa pamamagitan ng mga aral (Katuruang Cristo) ng kaisaisang Dios, na may kasiglahang isinatinig at may galak sa puso na ipinangaral ng mga Cristo (Mesias) ng Dios. Amen

Continue reading: Mga Cristo at Cristiano ng Lumang Tipan (Click here)

1 komento:

  1. Sa lahat ng mga nagpadala ng anonymous comment. Ang ipina-publish lamang po namin sa ngayon ay yung naglalahad ng kanilang NAME/URL, gayon ma'y pinadadaan pa rin po namin ang lahat ng comment sa moderation process. Paumanhin po.

    Yohvshva bar Yusuf
    Patnugot
    Rayos ng Liwanag

    TumugonBurahin