Linggo, Setyembre 2, 2012

CRISTIANO NG DIOS


Jesus preaching the Gospel of the Kingdom
Ang usapin bang tumutukoy dito ay kailangan pang pag-aksayahan ng ating panahon, gayong talastas ng marami na ang katawagang Cristiano ay inaari ng hindi kakaunting samahang pangrelihiyon sa apat (4) na direksiyon ng ating mundo. Gayon pa man ay ilan kaya sa lubhang karamihan ang nakaka-unawa sa tunay na kahulugan ng salitang iyon, at gaano karami ang bilang ng mga may ganap na pagkabatid sa tunay na aral at katuruang nilalaman ng Cristianismo?

Mashiyach sa wikang Hebreo ang katagang Cristo. Christ o Messiah sa Ingles, Christus sa Italya, Khristos sa Griego, at Cristo sa ating wika. Ang nag-iisang ibig sabihin nito ay “pinahiran,” at katagang nagpapahayag ng banal na kalagayang lubos na kinikilala ng Dios. Mabibigyang diin na ito’y isang katawagan na naglalahad ng pagiging masunurin ng isang tao sa mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan ng kaisaisa nating Ama na nasa langit.

Ang sinoman sa makatuwid na masigla at bukal sa puso na nagsasabuhay ng kabanalan na masusumpungan sa isang itinuturing na Cristo ay maaaring matawag na isang Cristiano. Ginagawa niya ang mga bagay na isinasabuhay ng nagtataglay ng gayong natatanging sagradong kalagayan. Ang pagkilala sa estado niyang iyan ay naaayon sa mga katunayan na binibigyang diin ng sina-unang (Masoteric Texts) balumbon ng mga banal na kasulatan.