Miyerkules, Hulyo 25, 2012

JESUCRISTO, DIOS BA, O TAO? (Part 2 of 2)


Si Jesus ay tinawag na Cristo

A
ng literal na kahulugan ng salitang Hebreo na, “MASHIYACH” (Messiah) ay “pinahiran ng langis” (anointed), at ito’y tumutukoy sa seremonyang Hebreo ng pagpapabanal sa sinoman at mga bagay sa pamamagitan ng pagpapahid ng langis sa mga ito. Ginamit ang rituwal na nabanggit sa kabuoan ng bibliang Hebreo bilang pagkilala sa ilang tao at bagay. Gaya halimbawa ng sa Judiong Hari (1kings 1:39), sa mga paring Judio (Lev 4:3), sa mga propeta (Isa 61:1), ang sa templo ng mga Judio at mga kagamitan nito (Ex40:9-11), sa tinapay na walang lebadura (Num 6:15), at kay Cyrus na hari ng Persia (Isa 45:1).

Ang lahat ng ito ay ganap na tumutukoy sa katawagang messias o pinahiran ng langis (anointed), na itinatalaga lamang ng mga Hebreo sa mga piling kalagayan ng tao at bagay. Sa ibang dako, Cristo ang popular na kahulugan nito sa wikang Griego, at ito’y limang daan at pitongput isang (571) ulit na binanggit sa limang daan at tatlongput dalawang (532) talata ng bagong tipan (NT). Kaya maliwanag at hindi mahirap maunawaan, na kapag tinawag na Cristo, o Messias ay mariing tumutukoy lamang sa tao, o bagay, datapuwa’t hindi kailan man maaaring ipagkamali sa kalagayan ng Dios. Tulad nitong si Cyrus na hari ng Persia na isang messias, o cristo, na tinawag na Cyrucristo. Gayon din naman itong si Jesus na isa ring messias, ay tinawag na Jesucristo.


Titulo ng kabanalan ang karaniwang ipinakakahulugan ng marami sa salitang nabanggit. Kaya naman isang katotohanang maituturing ayon sa mga balumbon ng mga banal na kasulatan, na ang katawagang ito (mesias, o, cristo) ay hindi kailan man naging salita na pagkakakilanlan sa Dios. Bagkus, ito’y maipasisiyang isang uri ng banal na kalagayan ng sinomang tao, o ng anomang bagay sa kalupaan.

Kaugnay nito, sa larangan ng tunay na kabanalan ay maaaring makipag-isa ang tao sa Dios.  Gayon man, ang Kaniyang mga banal ay hindi nangangahulugan na nakipag-isa na rin sa kaniya bilang mga Dios.  Kundi sila’y kaisa lamang ng ating Ama (kasisaisang Dios) sa dakila (banal) niyang layunin sa kalupaang ito. Sila’y katotohanang pinamamahayan at pinaghaharian sa kanilang kalooban ng Espiritu ng Dios

Gaya ng nasusulat,

1 SAM 16 :
13  Nang magkagayo’y kinuha ni Samuel ang SUNGAY NG LANGIS, at PINAHIRAN niya sa gitna ng kaniyang mga kapatid: at ANG ESPIRITU NG PANGINOON AY MAKAPANGYARIHANG SUMA KAY DAVID, mula sa araw na yaon.

The Septuagint
Ang Septuagint ng mga Griego na bersiyon nila ng Lumang Tipan (OT) ay naglahad ng tatlumpu’t siyam (39) na pagbanggit sa titulong Khristos, at ito'y tumutugma ng lubos sa salitang  Hebreo na מָשִׁיחַ (mashiyach) na ang ibig sabihin ay "pinahiran" (anointed). Isa man sa mga binanggit na salita ay hindi tumukoy, ni umugnay man sa likas na kalagayan ng Dios. Ang lahat ng mga talata nito ay nagkaisang isalarawan ang anyo ng mga piling tao sa larangan ng tunay na kabanalan at mga bagay na ganap ang kaugnayan sa usaping ito.  Sa karamihan ng salitang “Khristos” sa bibliya (Septuagint) ng mga Griego ay tila kapanipaniwala ang kasabihang “Marami ang Cristo,” (There were many Christ).

Sa matatandang kasulatan ng mga Judio, ang Messiah na tumutukoy sa tao, bukod sa naunang kahulugan nito ay pinaniniwalaang magpapalaya sa mga Hebreo sa pagkaalipin ng emperiong Roma. Ito umano’y sa pamamagitan ng malawakang rebelyon laban sa nabanggit na Emperio, na pamumunuan ng sinomang lalapat sa kalagayan ng isang messiah, o cristo. Iyon ay sa literal lamang na unawa at hindi nangyari sa natatanging kapanahunan nitong si Jesus na kinilala sa kalagayan ng isang Cristo.

Ang dumating sa buong sangbahayan ni Israel sa kapanahunang iyon ay hindi isang Cristo ng digmaan, na gaya ni Cyrucristo, kundi isang Cristo ng kabanalan. Na kung lilinawin ay isang tao sa likas na kalagayan, na noo’y pinamamahayan at pinaghaharian nitong Espiritu ng Dios ang kaniyang kalooban at kabuoan. Isang tao na puspos ng kabanalan at sa mga ligaw na tupa ng Israel ay masigla at may kasipagan na ipinangaral ang evangelio ng kaharian. Katotohanan sa makatuwid na ang sinoman na lumalapat sa katawagang Cristo ay hindi Dios, kundi tao na totoo.



Si Jesus ay 84 na ulit tinawag na ANAK NG TAO sa bagong tipan ng bibliya

S
a bagong tipan nga ay pitongput walong (78) ulit na tinawag ni Jesus na “ANAK NG TAO” ang kaniyang sarili, at anim na (6) ulit na siya ay tinukoy ng ilan na katulad ng nabanggit na kalagayan. Narito at inyong tunghayan sa ibaba ang ilan sa mga ito,

MATEO 11 :
19  Naparito ang ANAK NG TAO na kumakain at umiino, at sinasabi nila, Narito, ang isang matakaw na tao at isang manginginom ng alak, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan. At ang karunungan ay inaaring-ganap ng kaniyang mga gawa.

MATEO 17 :
9  At habang sila’y nagsisibaba mula sa bundok, ay iniutos sa kanila ni Jesus, na nagsasabing, Huwag ninyong sabihin kanino mang tao ang pangitain, hanggang sa ang ANAK NG TAO ay ibangon sa mga patay. 

MATEO 26 :
22  Nalalaman ninyo na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang paskua, at ibibigay ang ANAK NG TAO upang ipako sa krus.

JUAN 3 :
14  At kung paano itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, ay gayon kinakailangang itaas ang ANAK NG TAO.

JUAN 5 :
27  At binigyan niya siya ng kapamahalaan na makahatol, sapagka’t siya ay ANAK NG TAO.

JUAN 13 :
31  Nang siya nga’y makalabas na, ay sinabi ni Jesus, Ngayon ay niluluwalhati ang ANAK NG TAO, at ang Dios ay niluluwalhati sa kaniya.
32 At luluwalhatiin siya ng Dios sa kaniyang sarili, at pagdaka’y luluwalhatiin siya niya.

Ilan nga lamang sa napakaraming ulit na pagtawag sa anak ng tao ang inilahad namin sa itaas. Nguni’t sa hindi kakaunting pagbanggit ni Jesus sa kaniyang sarili bilang ANAK NG TAO ay higit pa nga sana sa sapat, upang ariing katotohanan ng lahat na siya ay isang tao na puspos ng kabanalan sa kaniyang kabuoan. Bagaman sinabi din naman niyang siya'y Anak ng Dios ay magiging isang pilipit na konklusyon na tawagin siyang Dios Anak. Ang Anak ng Dios sa makatuwid ay marami at hindi iisa gaya ng minamatuwid ng mga hindi nangakakaunawa, gaya ng sinasabi,


1 JUAN 5 :
2 Dito’y ating nakikilala na tayo’y nagsisiibig sa MGA ANAK NG DIOS, pagka tayo’y nagsisiibig sa DIOS at TINUTUPAD NATIN ANG KANIYANG MGA UTOS.

Ang katotohanan na hindi maaaring itanggi ng sinoman'y buong sangkatauhan ang kaisaisang nilalapatang kahulugan nitong anak ng DiosAno pa’t ang napakaliwanag na pagpapatibay hinggil sa pagiging tao na totoo ni Jesus ay masiglang inilahad mismo ng sarili niyang bibig, na mariing sinabi,

JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Inyo ngang pansinin sa Juan 8:40 na nalalahad sa dakong itaas, ang ginawa ni Jesus na paghahambing ng kaniyang sariling pagkatao sa pagkatao ni Abraham. Siya nga aniya’y isang tao na nagsasaysay lamang sa mga kinauukulan ng mga katotohanan na kaniyang narinig sa Dios. Gayon man aniya’y hindi kailan man ginawa ng taong si Abraham na ilahad sa madla ang mga salita ng kabanalan na maliwanag niyang narinig mula sa Dios.

Sa makatuwid, ang mga salita (evangelio ngkaharian) na may kasiglahang nangagsilabas mula sa sariling bibig ni Jesus ay higit sa sapat, upang lubos na mapag-unawa at tindigang matibay ng lahat - na siya ay isang tao na ginawang sisidlang hirang ng Dios. Siya nga’y tunay na isang propeta na isinugo hindi sa sanglibutan, kundi katotohanang sa mga tupa (anak ng pagsunod) lamang na nangaligaw sa sangbahayan ni Israel (Mat15:24).



Hindi ako ang gumagawa, ni hindi ako ang nagsasalita

N
arito, at mula sa bibig ng taong si Jesus ay lumabas na may Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kaniyang kabuoan. Na siyang sa kalooban ng taong ito ay gumagawa ng Kaniyang mga gawa, at nagsasalita ng Kaniyang mga salita. Gaya ng maliwanag na nasusulat,

JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. 

31 Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTOHANAN.

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala      na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglubutan.

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN.

JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.

JUAN 14 :
24 Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita: at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin.

Sa matitibay na kadahilanang natunghayan ninyo sa dakong itaas ay may ganap na katiyakan, na sa panahong iyon ni Jesus ay katotohanang siya’y hindi makagagawa, ni makapagsasalita ng anoman mula sa sarili niyang pagmamatuwid. Sapagka’t sa buong nasasakupan ng kapanahunang iyon ay patuloy na pinamamahayan at pinaghaharian ng dalisay na kabanalan (Espiritu ng Dios) ang kaniyang kalooban at kabuaon.

Kaugnay nito, ang mga sumusunod na pahayag na isinatinig ng sarili niyang bibig ay tunay nga ring hindi sa kaniya, kundi walang alinlanangan na mga salitang nagmula sa Espiritu ng Dios na sumasa kaniya, na sinasabi,

MATEO 16 :
18  At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay ITATAYO KO ANG AKING IGLESIA; at ang mga pintuan ng HADES ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.

Mateo 28 :
18  At lumapit si Jesus sa kanila at sila’y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin.

19  Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, NA SILA'Y INYONG BAUTISMUHAN SA PANGALAN NG AMA AT NG ANAK AT NG ESPIRITU SANTO.

20  Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sangli butan.

JUAN 7 :
38  ANG SUMASAMPALATAYA SA AKIN, gaya ng sinasabi ng kasulatan, ay mula sa loob niya ay aagos ang mga ilog ng tubig na buhay. (JUAN 12:44).

Juan 10 :
30  Ako at ang Ama ay iisa.

Juan 11:
25  Sinabi sa kaniya ni Jesus, AKO ANG PAGKABUHAY NA MAGULI, AT ANG KABUHAYAN: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya;

JUAN 12 :
26  Kung ang sinomang tao’y NAGLILINGKOD SA AKIN, ay sumunod sa akin; at kung saan ako naroroon, ay doon naman doroon ang lingkod ko: kung sinomang tao’y maglingkod sa akin, ay siya’y pararangalan ng Ama.

JUAN 15 :
12  ITO ANG AKING UTOS, NA KAYO’Y MANGAGIBIGAN SA ISA’T ISA, NA GAYA NG PAGIBIG KO SA INYO.

JUAN 13 :
34 ISANG BAGONG UTOS ANG ANG SA INYO’Y IBINIBIGAY KO, NA KAYO’Y MANGAGIBIGAN SA ISA’T ISA: na kung paanong inibig ko kayo, ay mangaibigan naman kayo sa isa’t isa.

JUAN 15 :
5 AKO ANG PUNO NG UBAS, KAYO ANG MGA SANGA;  Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.

JUAN 15 :
20  Kung tinutupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din.

Juan 17 :
24  ...Ako’y iyong inibig bago natatag ang sanglibutan.

JUAN 20 :
21  Sinabi ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang sumainyo: KUNG PAANONG PAGKASUGO SA AKIN NG AMA, AY GAYON DIN NAMAN SINUSUGO KO KAYO.
22  At nang masabi niya ito, sila’y HININGAHAN niya, at sa kanila’y sinabi, TANGGAPIN NINYO ANG ESPIRITU SANTO. (Apoc 5 :6)

JUAN 18 :
37  Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga’y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing ako’y hari. Ako’y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, upang BIGYANG PATOTOO ANG KATOTOHANAN. Ang bawa’t isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.

MATEO 15 :
24  Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi, HINDI AKO SINUGO KUNDI SA MGA TUPANG NANGALIGAW SA BAHAY NI ISRAEL.

JUAN 10 :
9  Ako ang PINTUAN; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya’y maliligtas, at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan.

JUAN 10 :
14  Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako.

Ilan nga lamang iyan sa hindi kakaunting pahayag nitong Espiritu ng Dios na isinatinig lamang ng sariling bibig nitong si Jesus. 

Gayon ngang hindi mula sa sariling pagmamatuwid nitong si Jesus ang lahat ng nalalahad na talata sa itaas, kundi mga salita nitong Espiritu ng Dios, na sa panahong iyon ay masiglang namamahay at makapangyarihang naghahari sa kaniyang kalooban at kabuoan. Ano pa’t sa bagong tipan (NT), ang nabanggit na Espiritu ay hindi maikakailang napakaraming ulit na tinawag itong si Jesus na, “ANAK NG TAO.” Hindi miminsan lang, hindi dadalawang ulit, at lalong hindi tatatlong ulit lamang, kundi putongpu at walong (78) ulit na siya ay tinawag nito sa gayong kalagayan. Anim (6) na ulit din naman na siya ay tinawag ng ilan sa hayag na kalagayan niyang iyon. Ang isa pa'y hindi kailan man tumukoy sa kalagayan ng Dios ang titulong מָשִׁיחַ  Mashiyach H4899? (na kung liliwanagin ay Cristo)

Sa pagwawakas ay totoo ngang marapat lang na panaligang matibay ng lahat, na mismong Espiritu na ng Dios na nasa kaniya ang nagbigay patotoo, at hindi kakaunting ulit na nagpahayag sa pagiging tunay na tao nitong si Jesus. Salamat sa kaisaisang Dios at sa katapusan ng mga pangungusap ay lumabas ang katotohanan, na ang panganay na anak ni Maria ay walang alinlangan at ganap na napatunayang totoo sa pagiging tao, na kinilalang lubos ng Dios sa larangan ng tunay na kabanalan.

Espiritu na ng Dios mismo ang nagpatotoo hinggil sa likas na kalagayan ni Jesus bilang tao sa bilang na pitongpu at walo (78), at iyan ang ultimong katotohanan na nagtutumibay sa huling bahaging ito ng artikulo.

Hanggang sa muli, paalam.

2 komento:

  1. Detalyado po ang paglalahad isa po ako na pinanabikang basahin ang bagong artikulo . Oh salamat po dakilang lumikha paGliliwanag sa aming kaisipan

    TumugonBurahin
  2. Para sa akin Panginoon si Jesus at tunay na siya ang kauna unahang Anak ng Diyos Ama.

    TumugonBurahin