Miyerkules, Hulyo 25, 2012

JESUCRISTO, DIOS BA, O TAO? (Part 1 of 2)


S
a tinagaltagal ng panahon ay patuloy pa rin ang tila yata wala ng katapusang pagtatalo, kung ito nga bang si Jesus ng Nazaret ay lumalapat sa kalagayang Dios, o isang di pangkaraniwang tao na nahahanay sa kalipunan ng mga tunay na banal (propeta). Halos lahat ng relihiyon sa mundo ay hindi kinilala ang panganay ni Maria bilang Dios, kundi sa kalagayan ng isang tao lamang. Datapuwa’t tanging ang Greco-Roman na Cristianismo ni Pablo (Paulinian Christianity) ang nagsasabi na itong si Jesus ay Dios. Gayon ma’y hati pa rin ang pinaninindiganan na paniniwala ng marami sa nabanggit na doktrinang pangrelihiyon.

Hindi kakaunti ang nananalig partikular ang mga kasapi ng simabahang Katoliko sa kaniyang pagka Dios, palibhasa'y tinatangkilik ng relihiyong ito ang Cristianismo ni Pablo. Marami din naman ang bumabatay sa mga katunayang biblikal gaya nitong relihiyon na kung tawagin ay Iglesia ni Cristo (INC) at marami pang iba, na siya ay tao lamang at umano’y kaisaisang pinili ng Dios na tagapagligtas nitong sala ng sanglibutan.

Mula sa masusi at malalim na pagsisiyasat ng mga iskolar ng biblia (dalubhasa), gayon din naman sa lubhang malawak na pananaliksik ng marami hinggil sa usaping ito ay wala silang natuklasan, o napatunayan man na anomang kadahilanan, upang itong si Jesus na siyang panganay ni Maria ay kilalanin bilang isang totoong Dios. Kung paano ngang sila’y dumating sa gayong tila bias na konklusyon ay siya naming sa inyo ngayon ay lalapatan ng kaukulang tanglaw.

Una sa lahat ay naging lubhang matibay sa paninindigan ng marami ang iba’t ibang kaugalian, dahil sa lahat sila’y nakagisnan mula sa pagkabata ang gayong gawain. Sa paggulang ng kanilang mga edad ay inakala nilang ito’y isang katotohanan na nararapat panghawakang matibay ng sinoman sa kanila. Kaya anomang paglilinaw sa usaping may kinalaman doon na hindi tutugma sa nakagisnan nilang mga pamahiin, o tradisyon ay itinuturing lamang nila na kasinungalingan. Nagsipagsara ang kanilang kaisipan at sa haba ng panahon na nagsipagdaan, ang mga iyon ay itinuring na katotohanan ng kanilang mga ninuno at mga magulang.

Ang pagkilala kay Jesus bilang Dios na totoo ay naging isang tradisyon o sali’t saling sabi na lamang ng mga tao. Sapagka’t sa gayong kalakaran ay lubhang maraming tao sa ating kapuluan ang nangagsasabi na si Jesus ay Dios, gayon ma’y isa itong misteryo ng simbahan na maging sila ay hindi maikakailang may pag-aalinlangan sa paniniwalang ito. Sapagka't ang mga ipinapalad nilang batayan ng pagiging gayon nitong si Jesus ay pawang mga di-tiyak na katunayang biblikal. Mangyari'y mga patotoo na hindi nangagsilabas mula sa sariling bibig ni Jesus, na kung lilinawin ay pawang mga personal na opinyon lamang ng kung sinu-sinong tao sa panahong iyon.

Narito at tila isang bulag na pagkilala sa Dios ang tinitindigan na tila katotohanan ng lubhang marami sa ating kasalukuyang lipunan. Ito’y dahil sa mga pangsariling palagay ng ilan noong una, na kailan ma’y hindi umayon sa kung papaano ipinakilala nitong si Jesus ang kaniyang sarili. Kaya sa di makatotohanang pahayag ng ilan sa mga nakaraan lubhang malayong kapanahunan, sa nilakaran na halos dalawang milenyo (2,000 taon) ay kumalat na parang apoy ang hinagap ng marami tungkol sa likas niyang kalagayan.

Kung uugatin ang hindi maikakailang kasaysayan ay isang banal ng Dios lamang ang pagkilala na iniukol sa kaniya ng mga anak ni Israel sa natatangi niyang kapanahunan. Sapagka’t ang pagiging tao na totoo ni Jesus ang napakaliwanag niyang ipinakilala sa ilan na naging malapit sa kaniya. Gayon din sa marami na pinaratingan niya ng mga salita (evangelio ng kaharian) nitong Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kaniyang kalooban at kabuoan sa panahong iyon.

Ano pa’t sa mga pari at obispo ng simbahang Katoliko ay nahati rin ang palagay nila noong una. Marami ang nanindigan sa pagiging tao ni Jesus, at marami din naman sa kanila ang naniwalang siya ay Dios. Sa Consejo ng Nicea taong 325 AD, mula sa matinding takot ng higit sa tatlong daang (300+) Obispo kay Emperador Constantino ay naipasa ang hindi kakaunting doktrinang pangrelihiyon, at ang nangunguna sa mga ito ay ang pagkilala ng simbahang Katoliko sa pagiging Dios nitong si Jesus.

Sa taon (325 AD) ding iyon ay opisyal na lumabas sa buong nasasakupan ng Emperiong Roma (kalakhang Yuropa, North Africa, at Asia minor) ang katuruan ng pagiging Dios ni Jesus mula sa nilikha at pinagtibay na doktrina (Nicean Creed http://www.jesustheheresy.com/ncreed.html) ng simbahan (Iglesia Apostolica Romana) na sa panahong iyon at hanggang sa kasalukuyan ay tinatangkilik, at opisyal na relihiyon ng buong Emperio.

Kung paano nga ang halos lahat ng relihiyon sa mundo ay hindi kinilalang Dios si Jesus ay gaya ng sunod-sunod na paliwanag sa ibaba.



Tinukso ng Diyablo si Jesus, matapos ang kaniyang pag-aayuno



N
alalaman nating lahat, na ang panunukso ng diyablo ay ukol lamang sa mga tao, at hindi kailan man nangyaring tumukoy sa Dios. Sapagka’t nalalaman niyang taglay ng mga nilikha ng Dios ang  kahinaan sa kaniyang sarili. Batid niyang ito’y sapat, upang malaglag at mapaglaruan niya sa kaniyang palad ang mga kaluluwa na sumasa katawan. Ano pa’t maging ang taong si Jesus, sa taglay niyang dalisay na kabanalan sa kaniyang kabuoan ay hindi nakaligtas sa panunukso ng diyablo. Hinggil sa usaping ito ay mariing sinalita ng bibig ni Jesus, na sinasabi,

JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.

Ito ang unang kadahilanan, kung bakit marami ang nananalig na si Jesus ay tao na totoo. Sapagka’t saan man at kailan man ay hindi tinukso ng diyablo ang Dios. Bakit? Dahil sa Siya ay lalo’t higit ang kapangyarihan kay sa diyablo, palibhasa’y isa lamang ito sa mga nagsipanggaling sa Kaniya na Espiritu. Ang isa pa'y nalalaman niyang walang naitatabing kahangalan ang Dios sa Kaniyang sarili, upang Siya'y madala niya sa katamisan ng sanga-sanga niyang dila at sa mabubulaklak niyang mga salita ng pangdaraya. Si Jesus sa pananaw na ito, batay sa katuwiran na sinasang-ayunang lubos ng kasulatan ay isang tao na totoo, sapagka't siya'y walang alinlangan at hindi maikakala na dumanas sa diyablo ng mapanghikayat nitong panunukso.



Nagpabautismo si Jesus kay Juan ng bautismo sa pagsisisi ng kasalanan





S
ilog Jordan samantalang si Juan ay nagsasagawa sa mga Judio nitong bautismo ng pagsisisi sa kasalanan sa pamamagitan ng tubig. Isang lalake na nagngangalang Jesus ang sa kaniya ay lumapit at nagsabing siya’y bautismuhan niya. Atubili man ay napilitan siya na gawaran ang lalaking iyon ng nabanggit na bautismo. Gayon ma’y una ng sinabi ni Juan ang uri ng bautismo na iginagawad niya sa mga tao. Na sinasabi,


MATEO 3 :
11  Sa katotohanan ay BINABAUTISMUHAN KO KAYO SA TUBIG SA PAGSISISI: datapuwa’t ang DUMARATING SA HULIHAN KO ay lalong makapangyarihan kay sa akin, na hindi ako karapatdapat magdala ng kaniyang pangyapak: SIYA ang sa inyo’y MAGBABAUTISMO SA ESPIRITU AT APOY.

MATEO 3 :
16  At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka’y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang ESPIRITU NG DIOS na bumabang tulad sa isang kalapati, at lumapag sa kaniya.

Kung uunawaing mabuti ang Mat 3:11 na nalalahad sa itaas ay maliwanag na ipinahihiwatig ni Juan, na itong si Jesus bilang tao na totoo ay kailangang dumaan sa bautismo sa pagsisisi ng kasalanan. Sapagka’t siya ay isang tao, at sa gayo’y nangangailangang lubos ng gayong uri ng rituwal pangkabanalan. Maliwanag din sa talata na sinasabing ang taong iyon ay higit ang kapangyarihan sa kaniya, katulad niya’y babautismo din naman ang taong ito, datapuwa’t hindi sa tubig, kundi sa Espiritu at Apoy. Ano pa’t sa huli ay nagkaroon ng linaw, na ang gayong uri ng banal na gawain ay tumutukoy sa bautismo sa tatlong (3) pangalan. Na kung lilinawin ay bautismo sa pangalan ng Ama, at ng anak, at ng Espiritu Santo.

Pag-ahon ni Jesus sa tubig ay gayon ngang sa kaniya ay bumaba ang Espiritu ng Dios, at nangyari sa masiglang yugto ng panahong iyon ay umiral kay Jesus ang nasusulat, na sinasabi,

ISA 42 :
1  Narito, ang aking LINGKOD na aking inaalalayan; ang aking HINIRANG, na kinalulugdan ng aking kaluluwa; ISINASAKANIYA KO ANG AKING ESPIRITU; siya’y maglalapat ng kahatulan sa mga bansa.

EZE 36 :
27  At AKING ILALAGAY ANG AKING ESPIRITU SA LOOB NINYO, at palalakarin ko kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at inyong iingatan ang aking mga kahatulan, at isasagawa.

Mula nga noon, ayon sa kasulatan ay namahay at naghari na sa kaniyang kalooban at kabuoan ang nabanggit na Espiritu. Gamit ang katawan niyang lupa ay sinimulang gawin ng Espiritung iyon ang mga dakila niyang gawa, at sa mga ligaw na tupa ng Israel ay inihayag niya mula sa sariling bibig ni Jesus ang evangelio ng kaharian.

Maliwanag sa kasulatan na ang bautismo ni Juan ay ukol lamang sa mga tao na taglay ang kasalanan sa Dios, at ang hudyat sa paggawad ng banal na rituwal na iyon ay ang taos pusong pagsisisi sa mga nagawang kasalanan. Ang gawain niyang ito ay hindi maikakaila na paraang pinili ng Dios, upang dalisayin ang sinomang kaluluwa mula sa karumihan niyang natamo sa sanglibutan. Gayon nga rin si Jesus ay dinalisay ng paraang iyan, nang sa gayo’y mabighani ang Espiritu ng Dios na babaan, pamahayan, at pagharian ang kaniyang kalooban at kabuoan.

Ang Dios ay sakdal ang kadalisayan sa kaniyang sarili, at kung totoong Dios itong si Jesus, disin sana’y hindi na niya kinailangan pa ang prosesong ito ng pagdadalisay. Ang Dios nga ay hindi nagkakasala, at sa gayo’y hindi kakailanganin ni Jesus bilang Dios ang bautismo ni Juan sa pagsisisi ng kasalanan. Datapuwa’t bilang tao na totoo ay kailangang daanan niya ang uri ng bautismong ito ni Juan. Ayon na rin sa ilang inilahad naming katiwatiwalang katunayang bibiblikal ay sapat ang kadahilanang iyon, upang si Jesus ay mapatunayang ganap na lumalapat sa kalagayan ng isang tao na totoo.

Maaaring sabihin ng ilan, na kung ang prosesong ito ay sa kadalisayan ng kaluluwa ay higit sa sapat, upang ang lahat ay pamahayan at pagharian ng Dios. Maaari din namang mangyari ang gayon, nguni’t sa usaping ito ay tanging si Jesus lamang ayon sa kasulatan ang tinawag, upang maging sisidlang hirang nitong Espiritu ng Dios sa panahong iyon. Kaya nga sa dinami-dami ng binautismuhan ni Juan sa ilog Jordan ay bukod tanging ang katawan at kabuoan ni Jesus ang binabaan at pinamahayan ng Espiritung iyon.

Ang isang katotohanan na nararapat panghawakan ng lahat hinggil sa usaping iyan ay ito. Sa tao ay hindi likas ang karumihan, gayon ma'y karaniwan sa sinuman ang may bahid ng karumihan sa kaniyang kabuoan, na siyang kasalanan sa Dios sa di nito pagtalima sa kaniyang mga kautusan. Matapos maipaunawa ni Juan ang kahalagahan ng pagtalima sa kalooban ng Ama nating nasa langit, pagsisisi sa mga nagawang kasalanan ang unang reaksiyon ng sinoman. Kung magkagayon ay handa na siya sa pagdadalisay ng kaniyang kaluluwa, at iyan ay ang bautismo ni Juan sa pagsisisi ng kasalanan.

Bilang tao na totoo sa likas na kalagayan, itong si Jesus ay hindi maikakaila na dumaan sa prosesong iyan sa pagdadalisay ng kaluluwa. Ano pa't kung ang personalidad na iyon ni Jesus ay tunay ngang Dios ay walang anomang balidong kadahilanan, upang siya ay suma-ilalim sa rituwal na iyon ng bautismo sa pagsisisi ng kasalanan. Iyan ay dahil sa katotohanan na saan man at kailan man, ang Dios ay hindi nagkakasala sa kaniyang sarili, at hindi lumalabag sa mga kautusan niya na ipinatutupad sa mga tao. Kaya sa langit man, o maging sa lupa man ay hindi mababahiran ng anomang kasalanan, ni karumihan man ang Dios.

Ano pa't ang dinadalisay ng bautismo sa pagsisisi ng kasalanan ay ang kaluluwa na taglay ng tao sa kaniyang kabuoan. Sa gayon ay isang katotohanan na hindi maikakaila ng lahat, na sa partikular na usaping ito ay sa kabuoan ng totoong tao masusumpungan ang presensiya ng kaluluwa. Si Jesus sa makatuwid ay tao dahil sa mga kadahilanang iyan, at kailan man ay hindi lumapat sa kalagayan ng Dios ng langit at lupa.

Katotohanan na si Jesus, ikaw, ako, at ang lahat ng tao sa kalupaan ay KALULUWANG MAY BUHAY (Gen 2:7). Kung ang sinoman ay may kaluluwa ay tao ngang totoo, dahil sa ang Dios ay hindi kaluluwa, kundi Espiritu sa kabuoan at gayon din naman sa likas niyang kalagayan. Matuwid lamang na si Jesus ay dumaan sa bautismo ng pagsisisi sa mga kasalanan, sapagka't siya ay tao na totoo.

Ang Dios ay hindi tao, at ang Dios ay hindi anak ng tao



A
ng Dios, palibhasa’y Espiritu ay nananatili sa pagiging Espiritu, at patuloy na umiiral sa likas na kalagayan niyang iyon. Dahil dito ay hindi nga maaaring maging tao, ni lumapat man sa kalagayan nitong anak ng tao. Sapagka’t madiing pinatototohanan ng kasulatan na ito ay hindi maaari, na sinasabi,


MAL 3 :
6  Sapagka’t AKO, ANG PANGINOON AY HINDI NABABAGO, kaya’t kayo, Oh mga anak na lalake ni Jacob (Israel), ay hindi nangauubos.

Maliwanag sa salita ng Dios na siya ay ang Panginoon (YHVH) na hindi nababago, na kung lilinawin ay nananatili sa pagiging Espiritu at kailan ma’y hindi nangyaring lumipat sa kalagayan ng pagiging laman (tao). Kaya sa patotoong ito mismo ng Dios sa kaniyang sariling kalikasan na hindi nababago ay magiging isang maliwanag na kasinungalingan na kilalaning Dios ang sinoman maliban sa Kaniya.

Samantala, sa aklat ng Mga Gawa ay ipinagtanggol umano ni Pedro sa karamihan ang likas na kalagayan ni Jesus, at yao’y hindi sa pagiging Dios, kundi bilang isang tao na totoo, gaya ng nasusulat,

GAWA 2 :
22  .....Si Jesus na taga Nazaret, LALAKING PINATUNAYAN NG DIOS sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan at mga kababalaghan at mga tanda na GINAWA NG DIOS SA PAMAMAGITAN NIYA sa gitna ninyo, gaya rin ng nalalaman ninyo.

Malinaw na malinaw sa Gawa 2:22, na ang tinutukoy ni Pedro ay isang lalaki, o tao, na sa mga anak ni Israel ay pinatunayan ng Dios bilang isang sisidlang hirang ng kabanalan. Palibhasa, sa pamamagitan ng kaniyang katawang lupa ay nasaksihan ng karamihan sa kanila ang mga makapangyarihang gawa, mga kababalaghan, at mga tanda. Ang lahat ng iyon aniya’y ginawa ng Dios sa pamamagitan ng katawan ni Jesus. Sapat upang makita ng luboslubusan, na siya ay ganap na lumalapat lamang sa likas na kalagayan ng isang nilalang na itinalaga at ginawa ng Dios na isang sisidlang hirang ng tunay na kabanalan.

Ano pa’t pagbangon nitong si Jesus mula sa mga patay, sa pamamagitan ng isang saksi ay masigla niyang ipina-abot sa kaniyang mga kapatid ang mga sumusunod na pasabi,

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Madiin nga niyang winika na hanggang sa panahong iyon ay hindi pa siya nakaka-akyat sa Ama. Kaya ang taong unang nakasumpong sa kaniya ay inutusan niyang ipaabot sa kaniyang mga kapatid, na siya aniya’y aakyat sa kaniyang Ama na siya rin naman nating Ama, at kaniyang Dios, na siya rin naman nating Dios.

Ito’y mga salita na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus, at dahil doo’y nararapat na ariing katotohanan ng lahat ang pahayag niyang iyon. Siya na ang nagsaysay ng mga bagay na tuwirang tumutukoy sa kaniyang sarili bilang tao na totoo. Yaon nga’y isang matapat at lehitimong pagpapahayag ng aktuwal niyang estado, o yaong masiglang pag-iral ng kalagayang tao sa kaniyang sarili at kabuoan.

Tinawag ni Jesus na Propeta ang kaniyang sarili



A
ng propeta sa mahikling paliwanag ay hinirang na manggagawa ng Dios sa larangan ng tunay na kabanalan. Ito’y isang tao na sa kaniyang natatanging kapanahunan, ang kalooban at kabuoan niya ay pinamamahayan at pinaghaharian nitong Espiritu ng Dios. Gaya nga ng natatala sa balumbong ng mga banal na kasulatan ay ganito ang mababasa tungkol sa kaniya, na sinasabi,


DEUT 18 :
18  Aking palilitawin sa kanila ang isang PROPETA sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at AKING ILALAGAY ANG AKING MGA SALITA SA BIBIG NIYA, at KANIYANG SASALITAIN SA KANILA ANG LAHAT NG AKING IUUTOS SA KANIYA. (Amos 3:7)

EXO 4 :
12  Ngayon nga’y yumaon ka, at AKO’Y SASAIYONG BIBIG, AT ITUTURO KO SA IYO KUNG ANO ANG IYONG SASALITAIN.

JER 1 :
Nang magkagayo’y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, INILALAGAY KO ANG AKING MGA SALITA SA IYONG BIBIG.

Eze 2 :
At sinabi niya sa akin, ANAK NG TAO, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako’y makikipagsalitaan sa iyo.

2 At ang Espiritu ay sumaakin nang siya’y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at aking narinig siya na nagsasalita sa akin.

Gayon ngang inilalagay ng Dios ang kaniyang bahagi (Espiritu) sa kalooban at kabuoan ng kaniyang mga propeta. Dahil dito ay sumasa kanilang bibig at isinasa tinig nila ang Kaniyang mga salita (evangelio ng kaharian). Gaya rin naman ni Jesus sa katulad na kalagayan ay walang pasubaling nagsabi,

 JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. 

31 Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTOHANAN.

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang ANAK NG TAO, saka ninyo makikilala na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglubutan.

Ito’y mga salita, na sa iba’t ibang pagkakataon ay iniluwal ng sariling bibig ni Jesus, na nagasasabing may Espiritu ng Dios sa loob niya. Ano pa’t sa pamamagitan ng katawan niyang lupa ay naisasagawa ng nabanggit na Espiritu ang dakila Niyang mga gawa, gayon ding malaya na naisasatinig ng bibig ni Jesus ang mga salita ng Espiritung iyon. Gaya ng nasusulat,

MATEO 13 :
57  At SIYA’Y KINATISURAN NILA. Datapuwa’t sinabi sa kanila ni Jesus, Walang PROPETA na di may kapurihan, liban, sa kaniyang sariling lupain, at sa kaniyang sariling bahay.

Kung paano nga ipinakilala ni Jesus ang kaniyang sarili bilang isang lehitimong propeta ng Dios ay sa gayon din namang kalagayan siya’y kinilala ng mga anak ni Israel, at sa matibay na paniniwala ay masigla at may galak sa puso na ipinahayag ng marami ang tungkol sa banal na kalagayan niyang nabanggit. Na sinasabi,

Mateo 21 :
11  At sinabi ng mga karamihan, Ito’y ang propeta, Jesus, na taga Nazaret ng Galilea.
           
Mateo 21 :
46  At nang sila’y nagsisihanap ng paraang siya’y mahuli, ay nangatakot sila sa karamihan, sapagka’t ipinalalagay nito na siya’y propeta.

Juan 6 :
14  Kaya nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya, ay kanilang sinabi, Totoong ito nga ang propeta na paririto sa sanglibutan.

Juan 7 :
40  Ang ilan nga sa karamihan, nang marinig ang mga salitang ito, ay nangagsabi, Tunay na ito ang propeta.

Hindi nga maikakaila mula sa ilang sitas ng bibliya na nasa itaas ang malinaw na kalagayan ni Jesus bilang isang propeta ng Dios sa pagka-unawa ng mga anak ni Israel. Dahil dito ay maliwanag din na ang kalagayang ito ay tumutukoy lamang sa isang tao, na sa karamihan ay kinilalang lubos ng Dios sa taglay nitong sigasig sa pagsasabuhay ng natatangi Niyang kalooban (kautusan). Ito’y upang maging sisidlang hirang nitong Espiritu ng Dios sa iba’t ibang henerasyon ng mga tao sa kalupaan. Gayon ngang ang titulong propeta ay iginagawad lamang ng Dios sa isang TAO na may masigla at sapat na kasipagan sa larangan ng tunay na kabanalan. 

Continue Part 2 of 2 (Click here)

3 komento:

  1. Sa lahat ng mga nagpadala ng anonymous comment. Ang ipina-publish lamang po namin sa ngayon ay yung naglalahad ng kanilang NAME/URL, gayon ma'y pinadadaan pa rin po namin ang lahat ng comment sa moderation process. Paumanhin po.

    Yohvshva bar Yusuf
    Patnugot
    Rayos ng Liwanag

    TumugonBurahin
  2. May i share this article: http://thename.ph/thename/revelations/themessage-en.html

    TumugonBurahin
  3. Naalis ng isang administrator ng blog ang komentong ito.

    TumugonBurahin